Nire-review ni Danzelle Ann ang mga furniture na isa-suggest niya nang dumating sina Richard Don at ang interior designer na si Dafhny. Ang kompanya nito ang kinomisyon para ire-renovate na Lakeside Café and Restaurant.
“Good afternoon,” bati niya kay Dafhny.
Hinalikan nito ang pisngi niya. “Hi! Nakita mo na ba ang catalogues?”
“Yes. Maraming design ang nagustuhan ko.”
Naaliw siya sa bagong concept ng Lakeside Café and Restaurant. Bawat bahagi ay nagsasaad ng kultura ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Dahil na-expose sa magandang kultura iba’t ibang tribo sa Bukidnon, marami siyang concept na naisip.
“Hindi ba may mga suggestion na kami ni Jeffrey?” tanong ni Richard Don.
“Mas maganda siguro kung may mga bagong concept din na maisa-suggest,” wika ni Dafhny. “Para naman ito sa café ninyo.”
“Ito ang mga suggestion ko,” sabi niya at inabot ang notes.
Pinagkumpara ni Dafhny ang mga notes niya sa nauna nang naaprubahang plano. Humalukipkip si Richard Don na parang di interesado sa suggestions niya.
“Well, kayo ang magde-decide kung ano ang mas gusto ninyo. We will just review the plan so you two can agree upon it,” suhestiyon ni Dafhny.
“Fine!” Karapatan naman niya na magdesisyon para sa café dahil siya ang representative ng kapatid niya. Iyon na lang ang karapatan niya.
“We’ll start with the veranda. So what do you like? The circular rattan seat, the genie seat or the onion seat?” tanong ni Dafhny.
“The circular seat is nice. Nakita ko iyan sa isang American MTV,” sabi ni Richard Don. Iyon na ang nasa orihinal na plano.
“Ibig sabihin mas mahal dahil lumabas na sa Hollywood. Kunin na lang natin iyong mas mura,” katwiran naman niya. Sa palagay naman niya ay may mas murang item pero babagay pa rin naman sa ambiance ng lugar.
“Anong mura? Aanhin ko naman ang mura kung di ganoon kaganda?” kontra ni Richard Don. Parang iritang-irita ito kapag mas mura ang isang bagay.
“It is my brother’s investment as well. Saka di ka ba natutuwa dahil makakatipid ka pa sa pagsunod sa suggestions ko?” sabi niya. Sa tantiya nga niya ay halos forty percent ang matitipid kung masusunod siya.
“Bakit hindi na lang ninyo pag-usapan nang maayos? Ano ba talaga ang priority ninyo? Is it the quality or the price?” tanong ni Dafhny na mukhang naipit sa pagitan nila ni Richard Don.
“Maganda naman ang original concept mo, Dafhny,” wika ni Richard Don. “Nakausap ko na rin ang business partner ko at nagustuhan niya.” Nasa America ang Kuya Jeff niya dahil may investor itong kakausapin doon.
“Masyado ngang mahal,” giit niya. “Di lang kasi alam ni Kuya na may iba pang mas murang alternative.” At tiyak niyang kapag nasabi niya iyon sa kapatid niya, papayag din ito. Di naman din ganoon kadaling mamulot ng pera.
“Kung gusto kong magtapon ng pera, wala kang magagawa. It is my money. At sino ang may sabi na kailangang tipirin ang restaurant ko? Bawal dito ang mura. Bawal dito ang kuripot. This is the Stallion Riding Club, Danzelle Ann,” mariing wika ni Richard Don na nagsisimula nang maubusan ng pasensiya sa kanya.
“Ano ngayon kung Stallion Riding Club ito?” tanong niya.
“People come here for ambiance and because this place speaks of wealth. They pay a high price for it. Alam nila kung fake o mumurahin ang isang bagay. Bakit ba ako nag-I-invest nang malaki para sa renovation? I want to make an impression. Tapos gagawin mong cheap ang restaurant ko?” angal ni Richard Don.
“Magaling na interior designer si Dafhny, di ba? Kayang-kaya niyang makahanap ng mas murang materials nang di nagmumukhang cheap,” depensa niya. “Akala mo dahil laki akong rancho di ko alam iyan? Masyado mo naman akong minamaliit! I am not stupid!”
“Di ko sinasabing stupid ka! Ang sa akin lang, bakit di ka na lang bumalik sa rancho mo, magpatumba ka ng baka and leave me in peace.”
Napamaang siya. Kung ganoon ay gusto nga nitong mawala siya. Kung di niya gagawing madali ang buhay nito, iyon din ang gagawin nito sa kanya. Kung may choice lang siguro ito, baka pinalayas na siya nito sa riding club.
Tumikhim si Dafhny. “I suggest that we discuss this some other time.”
“Mabuti pa nga!” Matapos niyang magpaalam ay tumuloy agad siya sa opisina niya. Saka niya na-realize na lumipas ang araw na iyon nang wala siyang naa-accomplish. Gusto niyang matapos na ang renovation sa lalong madaling panahon. Mas madali para sa kanya na makabalik kapag nag-o-operate na ulit ang riding club.
Matapos ang tatlong katok ay tuloy-tuloy na pumasok si Richard Don. “What is this silly idea about buying cheaper stuffs for my café? Nagpapatawa ka ba, Danzelle Ann? O iniinsulto mo lang ako.”
“I am not. Gusto ko lang makatulong. Di lahat ng bagay, kailangang maging mahal para maging maganda. Iyon ang natutunan ko sa Mama ko. Alam ko naman marami kang pera. Di insulto sa iyo kung titipirin mo iyon kahit kaunti.”
Huminga ito nang malalim. “Sige. Tutal nagmamagaling ka, maghanap ka. I think this is a waste of time. Ginugulo mo lang ang plano.”
Nasaktan siya. Akala siguro nito ay basta lang siyang panggulo. Di man lang nito naisip na gusto rin niyang magmalasakit. “May collection si Mama ng antique. Iyong iba itinago na ni Papa sa bodega sa sobrang dami. Di naman siguro masama kung titingnan iyon ni Dafhny.”
“They are your mother’s. Bakit ilalabas mo?”
“Aanhin naman sila? Di na ginagamit. Mas matutuwa siya kung maidi-display iyon dito. After all, pag-aari naman ito ng isa sa anak niya. I have friends who know really good antique shops. May mga lumang bahay din na dine-demolish na. May alam na tambakan ng mga gamit ang kaibigan ko. They sell them in very low prices. Karamihan daw sa mga kahoy at furniture doon ay di na basta basta makikita.”
“Pag-uusapan namin ito ni Jeff. Siya pa rin ang magdedesisyon sa lahat kahit pa ikaw ang representative niya,” paglilinaw nito at lumabas ng kuwarto.
Sumandal siya sa swivel chair at ipinikit ang mga mata. Bigla siyang nakaramdam ng pagod. Di niya alam kung saan niya nakuha ang enerhiya para labanan si Richard Don. Di na ito ang binata na masasabihan niyang sumuko na. Siya na ang susuko.
WALANG KAKURAP-KURAP si Danzelle Ann habang nakatitig sa kisame. Kanina pa siya bihis subalit wala siya sa mood na lumabas ng kuwarto. She was just tired. So tired. Mas gusto niyang tumunganga na lang kaysa bumalik sa Lakeside Café.
Restaurant at worker’s lodge lang ang destinasyon niya sa riding club. Di iyon ang trabahong nakasanayan niya. Sa hacienda, umaga pa lang ay nakasakay na siya sa kabayo at nagmamando sa mga tauhan niya. At dahil puro pisikal ang trabaho, wala siyang panahon para tamarin.
Di tulad sa riding club. Wala siyang ehersisyo. She missed her horse. Kahit ang pineapple at banana plantation ay hinahanap niya. Lalo naman ang greenhouse ng nanay niya. Miss na niyang magbungkal ng lupa. Di niya iyon magawa sa riding club dahil wala naman siyang lupang bubungkalin. Baka pagalitan pa siya ni Richard Don. Lagi nitong ipapaalala ang proper decorum. She was not a ranch girl anymore.
Kinapa niya ang cellphone sa tabi nang mag-ring iyon. “Hello.”
“Danzelle Ann, may sakit ka ba?” tanong ni Richard Don. “Sabi mo kay Brescia susunod ka pero wala ka pa rin hangang ngayon.”
“Wala naman tayong importanteng schedule. Karamihan ng accounts, nai-tally ko na. Iyong iba kaya nang gawin ni Brescia. Dito na lang ako.”
“Siguro nabo-bore ka lang. Ayaw mo kasing lumabas-labas. Gusto mo ba na mag-horseback riding tayo?”
“Ayoko! Kiss naman ang kapalit.”
“Libre kapag aangkas ka kay El Libertad.”
Bigla siyang bumangon. “Talaga? Pwede akong umangkas? Walang ibang kapalit iyan. Promise? Sunduin mo ako dito sa lodge!”
Parang sinapian siya ng Energizer bunny. Kinuha niya ang riding boots sa shoe rack at isinuot. Naka-skinny jeans at cream na long sleeve blouse kaya wala na siyang kailangan pang palitan. Saglit lang niyang sinulyapan ang sarili sa salamin at nagtatakbo na palabas ng lodge. Sakto namang bumaba ng kabayo si Richard Don.
“O! Bihis ka na agad?”
“Oo naman. Kanina pa ako bihis.” Nilapitan niya ang kabayo nitong si El Libertad. It was a red brown Iberian breed. Hinaplos niya ang leeg ng kabayo. “Hi! I am Danzelle Ann. Sana maging friends na tayo mula ngayon.”
“Sana ako muna ang kaibiganin mo bago siya,” sabi ni Richard Don.
“Hindi kita aawayin ngayon kung hindi mo ako aawayin.”
Ngumiti ito. “Basta huwag mo akong pagsasamantalahan. Let’s go! Di ka pa nakakapunta sa falls kaya iyon na ang unahin natin.”
Pumikit siya at pinakiramdaman ang malamig na hanging tumatama sa mukha niya. Pakiramdam niya ay nasa hacienda siya ulit. Pagdilat niya ay isang malawak na taniman ng pinya ang makikita niya, ang malawak na bakahan…
“Nakatulog ka na yata,” untag sa kanya ni Richard Don.
“Hindi. Nakaka-relax lang kasi kapag nakasakay ng kabayo. Ngayon ako naniniwala na makakatulong sa therapy ng mga depressed ang mga kabayo.”
“I don’t think you are depressed. Stressed out maybe. Masyado ka nang naka-focus sa trabaho mo. Di ka na naglilibang.”
“Hindi naman uso sa akin ang maglibang. Sa hacienda dati, wala akong ginawa kundi ang magtrabaho. Kapag nagpahinga ako, nagkakasakit ako.”
“Ako din. Kapag di ako nagtrabaho, nilalagnat ako.”
Tiningala niya ito. “Ano? Wala ka namang ginawa kundi makipag-date.”
“Parte lang iyon ng trabaho ko. Di mo ba naisip na may impluwensiya rin ang mga babaeng kaibigan ko sa mga taong malalapit sa kanila? I have my share in my family business. Bukod sa café, may iba pa akong investment. Kailangan kong I-entertain ang mga babaeng iyon. It is a part of the company’s public relations.”
“Napipilitan ka lang na pakisamahan sila? Hindi halata!”
Di ito kumibo hanggang makarating sila sa tabi ng falls. Pinili niyang manahimik na lang din. Masyadong maganda ang lugar kung magpapasiklaban lang sila. Nare-relax siya sa lagaslas ng tubig at sa mga puno sa paligid.
“Danzelle Ann, do you find me rotten?”
“Irritating sometimes. Pero di naman siguro ganoon kasama.”
Bumuntong-hininga ito. “Aminado naman ako na sa café, ako ang nasa PR department at si Jeff ang bahala sa business side. Alam ko na wala kang tiwala sa akin. You think I only play around but I don’t. Nagtatrabaho ako.”
Nakita niya ang pagmamahal nito sa negosyo nito. Noon kasi ang may pagka-iresponsable ang tingin niya kay Richard Don. Walang inatupag kundi babae at pagpapasarap sa buhay. Seryoso din naman pala ito sa buhay. “Kaya siguro nainis ka nang malaman mong ako ang papalit kay Kuya.”
“Just a bit frustrated. Mas kaya kong pamahalaang mag-isa ang café kaysa makasama ang isang tao na alam kong walang tiwala sa akin. Can’t you see that we always clash? Sorry kung napagsalitaan kita sa harap ni Dafhny noong nakaraan. Napu-frustrate lang ako. You always make me feel that I am not good enough.”
“Hindi. Ginagawa ko ang lahat para makatulong. Richard Don, I am out to prove something. Ito lang ang paraan ko para ipakita kay Papa na kaya ko ring maging successful. I may not be as feminine as my mother but he would also love me and appreciate me.”
“And you have to go through changes to prove it.”
“I have to. Hindi na ako ang prinsesa sa Villa de Saavedra. Gusto lang siguro akong turuan ng leksiyon ni Papa. Hindi ko alam kung kaya kong pantayan ang galing ni Kuya Jeff. Buong buhay ko, nasa hacienda lang ako. Wala akong inisip kundi hacienda. Ngayon lang ako lalabas sa mundo ko. Pakiramdam ko magaling ako. Kaya kong gawin lahat. Ngayon, di ko na alam kung makakatulong ako o hindi.”
“Kung iisipin mo siguro na para sa ikabubuti ng café at poprotektahan ang investment ni Jeff, makakaisip ka ng magagandang ideas.”
“Kahit na magkaiba ang ideas natin at kontrahin kita, okay lang sa iyo?”
Nagkibit-balikat ito. “We will sort things out. Sa palagay ko naman walang pwedeng di tayo pagkasunduan basta nag-uusap.”
Compromise. Kahit kailan ay di pa siya nakipag-kompromiso. Sa hacienda, basta may desisyon siya ay di pwedeng kontrahin. Kahit ang Papa niya ay di sinasalungat ang mga desisyon niya. Hindi niya inaasahang iyon ang mangyayari kay Richard Don. Bukod sa personality development, may bagong challenge sa kanya.
Inabot niya ang kamay. “Then I declare a truce.”
Kinamayan siya nito. “Bloody truce. Sa palagay ko hindi ito magiging madali pero tinatanggap ko. How about a kiss to seal the truce?”
Inambaan niya ito ng suntok. “Subukan mo lang! Paduduguin ko ang nguso mo. Wala na akong pakialam sa truce natin.”
Humalakhak ito ng malakas. “Alright! You win.”
ISA-ISANG nilapitan ni Danzelle Ann ang mga bisigta para sa opening ng bagong renovate na Stallion Riding Club. She was wearing a traditional Talaandig costume. Nakita niya si Richard Don na naka-Datu Lapu Lapu.
Lahat ay nag-e-enjoy. Naka-Filipiniana costume ang karamihan. Nang mga oras na iyon ay isang rondalla ang tumutugtog kaya parang bumalik sa panahon ng Kastila. May dance group din na sumasayaw ng cariñosa. Nagsilbi iyong dance clinic dahil maari ring magpaturo ang mga guest at makisayaw sa mga ito.
Kinamayan sila ni Reid, ang owner ng Stallion Riding Club. “Congrats! You did a great job with the new Lakeside Café and Restaurant. I can see that everyone’s enjoying it. Gusto ko ang traditional food and wine.”
“I like the Cordilleran theme,” sabi ni Tamara at humawak sa braso ni Reid. “Naalala ko ang pag-e-explore namin doon para sa mga wild horses. Mamaya sasali din ako sa dance clinic. Hihintayin ko ang group na ethnic Cordilleran ang sayaw.”
“Ako naman para nasa iba’t ibang lugar sa Pilipinas sa bawat pagpasok ko ng function room,” anang si Reichen, kapatid ni Reid at isang sikat na equestrian.
“And it is like a cultural center as well. Authentic ang mga ginamit ninyong furnishings, hindi ba?” sabi ni Saskia, nobya ni Reichen. Bawat bahagi ng café ay may sariling theme ng iba’t ibang lugar sa bansa. “I feel like celebrating being a Filipino everyday.” Half-Greek ito at gusto pang maraming malaman sa pagiging Filipino.
“Thanks to Dafhny! She did a great job. Maganda ang nai-present niyang concept sa amin,” sabi niya. Ito ang isa sa dahilan bakit nagkasundo sila ni Richard Don. Pinag-iisa nito angmga ideas kaya di sila nahirapang magbigayan.
“Maganda talaga. Ikaw lang ang kontra ng kontra,” sabi ni Richard Don.
“Huwag mong sirain ang truce natin. We might scare the guests,” aniya at tumawa. Pero ginagawa niya ang lahat para di sila mag-away sa espesyal na araw na iyon. Ayaw niyang masira ang mood niya.
“Mabuti naman at nagkasundo na kayong dalawa,” sabi ni Myco, ang head ng security ng riding club. “Mababawasan ang security threat dito.”
“They are not a security threat, Myco,” wika naman ni Gianpaolo. Noon lang ito nagsalita dahil busy ito sa buko pandan drink nito. “It’s a prelude of love.”