Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 271

“Prelude of love?” sabay bulalas nilang bulalas ni Richard Don. Sa palagay niya ay isa iyong malaking kalokohan. Basta sa pag-ibig, di sila mapagsasama.

“Oo naman. Parang preview kayo ng ibang love story dito na nagsimula sa mga bangayan,” paliwanag ni Gianpaolo, member ng riding club. “Tingnan ninyo si Saskia at Reichen. As well as Reid and Tamara. Successful ang love story nila.”

Di niya maiwasang umingos. “Prelude of World War Three kamo. Naku! Huwag ninyong isipin na magiging involve kami romantically. Not in this lifetime.”

Napailing na lang si Richard Don. “Mas gusto ko nang maging security threat. Di tulad ng isa diyan, umaasa pa pala sa next lifetime namin na magiging kami.”

“Tulak ng bibig, kabig ng dibdib. Lagi ka ngang nakatitig kay Danzelle Ann, eh!” tukso ni Reichen.

“Oo. Kasi may laser beam ako. Baka sakaling matunaw. Kaso matindi ang force field niya,” sagot naman ni Richard Don at saka siya tinitigan nang malagkit.

Nagtayuan ang mga balahibo niya. She hated him for giving her that look. Parang in love kasi ito sa kanya kung makatingin. Nakakainis! Parang sinasabi nito na kayang-kaya siya nitong akitin. “Excuse me, pupuntahan ko lang si Papa.”

Nang lapitan niya ang Kuya Jeff niya at Papa ay kaalis lang ng kausap ng mga ito. Niyakap siya ni Jeff. “Himala. Akala ko di na mabubuksan ang café. Wala kasi kayong ginawa kundi mag-away ni Richard Don.”

“It is majestic, Danzelle Ann. You make me so proud.”

Niyakap din niya si Don Romulo. “Thanks, Pa.” Sa papuri nito, pakiramdam niya ay palapit na siya nang palapit sa inaasam niyang tagumpay. Malapit na ang pagkakataon niya na makabalik sa hacienda.

“And you look so gorgeous,” tuwang-tuwang sabi ni Don Romulo. “Sa ganda mong iyan, tiyak na maraming nanliligaw sa iyo.”

Umiling siya at umipo sa tabi nito. “No, Pa. I am not interested.”

“But why? Don’t you even date?”

“Date? Ang dami kong trabaho dito. Bakit ako makikipag-date?”

Naging seryoso si Don Romulo. “Danzelle Ann, hindi kita pinapunta dito para lang magtrabaho. I want you to be a real woman. Nakuha mo na ang first step. You are a beautiful woman now. Pero walang silbi ang ganda mo kung di ka magkaka-boyfriend. Paano kita pababalikin sa hacienda kung wala kang boyfriend?”

Napanganga siya. “Ha? Pababalikin ninyo ako sa hacienda?”

“Oo. Basta may boyfriend ka. Seryosong boyfriend. Iyong di mag-aatubili na pakasalan ka kahit na anong oras.”

“Pero ang sabi ni Richard Don…”

“Sabi ni Richard Don tutulungan ka daw niyang humanap ng boyfriend. Ikaw naman daw itong tanggi ng tanggi. Nahihirapan na daw siya sa iyo.”

Matalim niyang sinulyapan si Richard Don na nakikipagkulitan sa ibang member ng riding club. Iba ang sinabi nito sa kanya. Ayon dito, di na siya makakabalik ng hacienda kapag nag-boyfriend siya. Niloko siya nito. Pinaikot!

Humanda ito sa kanya. Tapos na ang truce nila.

“DANZELLE ANN, are you ready?” tanong ni Danrick, isa sa mga members ng riding club at siyang supplier nila ng organic vegetables sa Lakeside Café.

Maasim siyang ngumiti nang I-redial ang numero ni Richard Don sa cellphone niya. “Okay lang ba kung maghintay ka pa ng five minutes? Wala pa rin kasi si Richard Don hanggang ngayon.”

Ang usapan nila ay ito ang mag-I-stay sa café. Hangga’t maari sana ay isa sa kanila ang present sa café. Kadalasan sa mga guest ay isa sa kanila ang hinahanap. Naging tradisyon na doon na isa sa kanila ang mag-entertain sa mga bisita.

Kaya naman kahit na kailangan na niyang umalis para sa date niya, di pa rin siya makaalis dahil di pa ito dumadating. Natawagan na niya ang lahat ng parte ng riding club para hanapin kung naroon ito pero lahat ay negatibo.

“Alam ba ni RD na aalis tayo ngayon?” tanong ni Danrick.

“Oo naman. Sabi ko may date ako.”

Pero parang bingi lang si Richard Don. Basta binigyan lang siya nito ng romance novel kung saan ang location ay riding club at lahat ng character doon ay mismong members ng riding club at ang nobya o asawa ng mga ito. Mas mabuti pa daw na iyon na lang ang basahin niya kaysa makipag-date. Mas maaaliw daw siya doon at mas maraming matututunang kapaki-pakinabang.

“Okay. Last five minutes,” wika ni Danrick at umupo sa labas ng café.

Hiyang-hiya siya kay Danrick. Siya mismo ang nagsabi na gusto niyang dalawin ang farm nito. Mukha kasing malaki ang maitutulong iyon sa hacienda pagbalik niya. Pwede na ring I-consider na date dahil wala itong nobya. Kung magiging boyfriend niya ito, magkakasundo sila dahil nasa farming industry sila.

“Ma’am, hindi po ba madalas sa bookstore si Sir Richard Don. Baka po nandoon ulit siya ngayon dahil may bagong manager sila. Magandang babae,” pagdidiin ni Brescia. At kung saan may magandang babae, naroon din si Richard Don para magyaya ng date at “makipagkaibigan”.

“Ganoon, ha? Ikaw muna ang bahala dito.” Nilapitan niya si Danrick. “Alam ko na kung saan matatagpuan si Richard Don. Daanan na lang natin.”

Nasa labas ng riding club ang bookstore. It was like a last stop for most members. Maraming mga taong nagvi-vigil doon nang dumating sila. Mga fans na gustong makakita ng member ng riding club at magpapansin. Bawat isa ay umaasa na makabingwit ng miyembro at magkaroon ng pagkakataong makapasok sa prestihiyosong riding club.

Nahawi ang mga groupies na nag-aambisyong makakita ng Stallion Riding Club member nang I-park ni Danrick ang pick up nito.

“Danzelle Ann, ayoko sa lahat mapunta sa bookstore na ito. Hindi ako sumali sa riding club para dumugin ng mga tao na parang artista,” mariing wika nito.

“I know. And I am really sorry. Five minutes top, I am back.”

Bumaba siya sa pick up nito at walang kangiti-ngiting nagmartsa papasok ng bookstore. “Good morning, Ma’am,” bati sa kanya ng guwardiya.

Di na siya nag-abala pang bumati. “Nasaan si Richard Don?” tanong agad niya at iniikot ang paningin. Kausap ni Richard Don ang isang magandang babae. Nag-init ang mata niya. Mukha kasing mabait ang babae, di tulad ng ibang gustong makipag-date kay Richard Don na masakit sa mata.

“Naku! Sinundan ka na dito ni Danzelle Ann. Lagot ka ngayon,” pananakot ng kaibigan nito na si Zairo na member din ang riding club.

“Hindi ako takot sa kanya.” Parang matapang na sundalo si Richard Don nang harapin siya. “Ano? Magso-sorry ka na ba sa akin dahil kontra ka nang kontra sa mga desisyon ko? Hindi pwedeng ikaw lagi ang masusunod…”

Napapadalas ang away nila. Di niya ito makompronta tungkol sa di pagsasabi na boyfriend lang ang solusyon para pumayag ang Papa niya na bumalik ng hacienda. At habang sinusubukan niyang maging mas friendly sa mga members para makahanap ng prospect para maging nobyo, sinusungitan din naman siya nito.

“Ikaw ang magbantay sa restaurant ngayon. May date kami ni Danrick,” aniya sa malamig na boses. Wala siyang pakialam kung ayaw nito o hindi. Hindi siya nanghihingi ng permiso nito. She was simply informing him.

Napanganga si Richard Don sa sobrang gulat. Kahit kailan ay di pa siya naging ganoon ka-firm lalo na pagdating sa pakikipag-date. “Anong date?”

“Pupunta kami sa farm ni Danrick. Nandiyan lang siya at naghihintay sa labas. Mamayang hapon babalik din ako. Ikaw na muna ang bahala sa restaurant.”

Tumigas ang anyo nito. “At sino ang may sabi na may karapatan ka na makipag-date. Ako na ang nagsasabi sa iyo na hindi ka pwedeng….”

Tinaasan niya ito ng kilay. “Sino ang may sabi na kailangan ko ng permiso mo para makipag-date? Alam na ni Papa na may date ako. Pumayag siya.”

Namutla ito. Alam na nito ang alam niya. Hindi lang niya ito makokompronta nang mga oras na iyon dahil limang minuto lang ang hiningi niya kay Danrick.

“Paano, mauna na ako,” aniya at kinawayan si Zairo bilang pamamaalam.

“Sandali! Sasama ako sa date ninyo,” sabi ni Richard Don at hinablot ang coat nito na nasa may coffee table.

“Ayoko nga!” tutol niya at lumabas ng bookstore. “Malaki na ako at di ko na kailangan ng chaperone. Kung ayaw mong magbantay sa restaurant, mag-vigil ka na lang sa may bookstore. Yayain mo ulit ng date iyong manager. Doon ka naman magaling.”

Sinundan pa rin siya nito. “Tayo na lang ang mag-date.”

Saglit na tumigil ang mundo niya. Ang lalaki na dahilan kung bakit di siya makakabalik sa hacienda, niyayaya siyang mag-date. “Huwag kang mag-ambisyon. It is a big no!” Saka siya nagmartsa papunta sa pick up ni Danrick.

“RD, ako na ang bahala kay Danzelle Ann. Ibabalik ko rin siya sa riding club mamaya,” sabi ni Danrick at kumaway.

Sa panggigilalas niya ay sumakay sa likod ng driver’s seat si Richard Don. “Isama mo na rin ako, pare. Nami-miss ko nang mamasyal sa farm mo.”

“Sure. Mamamasyal lang din naman kami ni Danzelle Ann sa farm. Gusto daw niyang makita ang ibang tanim ko. Interesado rin siyang makita ang bagong cut flower farm section ko,” paliwanag ni Danrick.

“Danrick…” akmang tututol siya ngunit ngumiti lang si Danrick.

“Bakit? May problema ba? Mas marami tayo sa farm, mas masaya,” sabi ni Danrick at nagpatuloy sa pagmamaneho.

“A visit at the farm. It’s quite interesting,” Richard Don said with a victorious smile. Sa palagay niya ay tuluyan nang masisira ang araw niya.

“GANOON pala ang mga gusto mong date. Parang educational tour lang. Nag-enjoy ako,” sarkastikong sabi ni Richard Don habang nagda-drive ito pabalik ng riding club. Ihinatid sila ni Danrick pabalik sa bookstore kung saan naka-park ang sasakyan ni Richard Don. Gaya ng inaasahan niya, sira na ang date niya pagsulpot pa lang nito.

Kahit saan sila magpunta ni Danrick ay nakasunod pa rin ito. Ni wala nga silang solong sandali ng binata. Mabuti pa sina Danrick at Richard Don, may oras para solong magkwentuhan. Nagtiis na lang siyang sumingit sa usapan.

“Ikaw lang ang nag-enjoy. Isusumbong kita kay Papa.”

“Ano naman ang isusumbong mo?” He mimicked her voice. “Pa, si Richard Don alagang-alaga ako. Di niya ako pinababayaan na basta-basta mag-date.”

“Huwag ka nang magkunwari na concern sa akin. Alam ko na ang totoo. Bakit hindi mo sinabi sa akin na gusto lang naman pala ni Papa na maging totoong babae ako, mag-date at magka-boyfriend para pabalikin niya ako sa hacienda.”

Tuluyan nang nawala ang mapaglarong ngiti sa labi nito. “Dahil ito mismo ang inaasahan kong gagawin mo. Para lang makabalik sa hacienda, basta ka na lang makikipag-date. At dahil nature mo nang di makinig sa advice ko, baka mapahamak ka. You are still my responsibility.”

“Malaki na ako. Alam ko na kung anong gagawin ko.”

“Apparently, you don’t!” Nang tingnan siya nito ay mukhang frustrated na ito sa kanya habang nakahawak sa manibela. “Look at Danrick!”

“At ano naman ang problema kay Danrick? Sa mga lalaki sa riding club, siya ang mukhang pihikan sa babae. Di siya playboy na tulad mo.”

“Pihikan sa babae,” madiin nitong ulit. “Ibig sabihin mali ka ng ka-date. Hindi iyon basta-basta makikipag-date sa iyo dahil ang alam ko, nagkita sila ng first love niya last week. At mukhang magkakabalikan na sila.”

Mukhang palpak nga ang lalaking napili niya. “Marami namang iba diyan.”

“Marami nga sila, di naman sila kasing hot ko. Sana kung pipili ka ng ka-date, iyong mas hot naman sa akin.”

“Mas hot sa iyo?” At kailan naman naging tama sa kasaysayan ng mundo na ito ang gawing pamantayan sa pagpili ng lalaki?

“Mahihirapan ka nga lang makahanap. Iilan lang sila sa mundo.”

“Wala akong pakialam. Basta lalaking matino at seryoso sa akin, ide-date ko. Gusto ko nang makabalik sa amin.” Nami-miss na niya ang hacienda. Ayaw man niyang magpadalos-dalos sa desisyon niya, ayaw din naman niya na lumagi ng matagal sa riding club. Nasa hacienda ang buhay niya.

“Kung kukuha ka ng boyfriend, tiyakin mo na mamahalin at irerespeto ka. Na magdadalawang-isip ka rin na umalis ng riding club dahil mahal mo siya.”

Mahal. Kahit kailan ay di naman sumagi sa kanya ang pagmamahal. Companionship na nga lang ang hanap niya sa isang lalaki. Basta kasundo niya at di ito makakasagabal sa pangarap niya, wala silang magiging problema.

Pero mukhang tama ito. Di biro ang pag-aasawa. Lalo naman ang pakikipag-relasyon. Unfair sa isang lalaki kung gagawin niya itong boyfriend para lang makabalik siya sa hacienda niya. Ganoon na ba siya ka-selfish? Manggagamit siya ng ibang tao para sa sarili niyang kapakinabangan? Anong ipinagkaiba niya sa mga ambisyosang groupies na gusto ng nobyong taga-riding club para sumikat o kaya ay maging mayaman?

“Thank you sa advice. Minsan pala may matino kang nasasabi,” aniya at bahagyang ngumiti. “Naniniwala ka rin pala sa love.”

“Oo naman. Minsan na rin naman akong nakaranas ma-in love. Na kahit na pahirapan pa niya ako basta ma-please ko lang siya. I failed.”

“Huwag ka ngang magpaawa sa akin. Wala sa itsura mo na dibdibdin ang pagkabasted. Sa dami ng kaibigan mong babae na aaliw sa iyo, sa palagay ko naman matagal nang burado ang babaeng iyon sa puso mo.”

Malungkot itong umiling. “Kahit naman anong gawin ko, hindi pa rin siya mabura. Everytime I try to fall in love with each girl I meet, she’s stopping them from entering my heart.”

“Ang tindi naman ng babaeng iyon! Siguro pang-Miss Universe iyon. O kaya sobrang taas ng IQ kaya nakapag-isip-isip.”

“She’s more than that. She has a rare beauty.” Itinuon nito ulit ang tingin sa harap ng sasakyan subalit bakas pa rin ang lungkot sa mukha. “Mukhang nature na yata niyang I-repulse ako. Di kami pwedeng magsama.”

“Baka naman karma lang iyan.”

“No. Allergic lang siya sa akin. It is so sad when all I want is her.”

It was like seeing him for the first time. Pagdating sa relasyon, wala siyang kaamor-amor dito. He would never share any special feelings for a girl. Pero nakikita niya ang sinseridad at lungkot sa mga mata nito. Siguro nga ay na-in love na ito.

Ibig sabihin ay pwede rin itong maging seryoso sa kanya kung magde-date sila. Kaya rin siya nitong mahalin tulad ng pagmamahal nito sa babaeng iyon. Nakita niya kung paano ito makisama sa mga “kaibigan” nitong babae. Lalo tiyak kapag na-in love ito. Ibibigay nito ang lahat-lahat.

Humalukipkip siya. “Huwag na nga nating pag-usapan ang tungkol sa babaeng iyan.” Kung saan-saan lang napupunta ang isip niya. Kahit pa kaya ni Richard Don na magseryoso sa babae, di siya nito magugustuhan.

“Danzelle Ann, huwag ka namang magmadaling umalis. Kahit na hindi tayo magkasundo, I love having you around.”

“Kahit na sinusungit-sungitan kita?”

“Oo naman. At gagawa ako ng paraan para makabalik ka sa hacienda ninyo. Basta ilagay natin ang lahat sa ayos.”

Ngumiti siya. “Sure. Kung ganyan lagi, magkakasundo tayong dalawa.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.