Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 272

Inaantok na si Danzelle Ann pero di naman niya maiwan ang niluluto na nakasalang sa kalan steamer. Alas singko na ng umaga noon. Nakayukyok na nga siya sa talaksan ng dahon ng saging na pambalot niya ng suman. Di pa rin siya pwedeng matulog. Kailangan na mailuto niya iyon.

“Ang aga mo namang gumising,” sabi ni Brescia. Tiningnan lang niya ito sa namumungay na mata. “Ah! Hindi ka pa natutulog.”

“Matutulog din ako maya maya. Hihintayin ko lang maluto itong suman.”

“Ano bang klaseng suman iyan at talagang pinagpuyatan mo?”

“Chocolate suman iyan. Ipinamana pa ng lola ko sa Mama ko.”

May naiwang cookbook ang namayapa niyang ina. Ipinahanap pa niya iyon sa Kuya Jeffrey niya at ipina-courier.

“Luto na yata iyan. Patikim naman!”

“Mamaya na. Kailangan magustuhan muna iyan ng pagbibigyan ko bago ko ipatikim sa iba,” sabi niya at pinatay ang kalan saka isa-isang inahon sa steamer ang suman. “Pwede na itong I-deliver.”

“Para ba kanino ang suman na iyan? Kay Sir RD, no?”

“Huwag ka ngang tanong ng tanong.” Kumuha siya ng platito at nilagyan iyon ng suman. “Ayan! Kumain ka na lang.”

“Ibig sabihin si Sir RD nga ang ipagluluto mo?” nakangisi nitong tanong. “Wala namang masama kung in love ka na sa kanya. Kahit naman iyong si matandang dalaga na tita ni Zairo, na-in love sa charisma niya.”

“Hindi ako in love sa kanya. Kaya ko lang siya ipinagluto dahil gusto ko siyang suhulan. Nami-miss ko nang mag-horseback riding.”

“Hindi mo na kailangang suhulan si Sir Richard Don. Papayag iyon. Nanginginig pa.” At sunud-sunod itong sumubo ng suman.

“Gusto ko may sariling kabayo. Nakakainis, eh! Masyadong mahal ang bayad kapag pahihiramin niya ako ng leisure horse niya. Iyon lang daw nakaangkas sa kanya ang libre. Siguro naman kapag natikman niya ang suman, papayag na siya.”

Mas masarap naman ang suman kaysa sa halik niya. Mas ligtas din iyon. Di niya alam kung paanong napagluto siya dahil kay Richard Don. At iyon pang mahirap na recipe ng Mama niya.

“Bakit pa kailangan ng sarili mong kabayo? Mas cute nga kapag magkasama kayong dalawa. Alam mo ba na dito sa riding club, kapag nag-share sa kabayo isang couple ibig sabihin nag-commit na ang isang guy na iyon lang ang babaeng mamahalin niya at para sa kanya. Ibig sabihin gusto ka ni Sir RD.”

“Gusto mo pa ng isang suman?” alok niya para wala na itong ibang sabihin.

Hindi naman kumukumporme sa mga batas ng riding club si Richard Don. Kakaiba rin kasi ang pakikitungo nito sa mga babae kumpara sa iniisip ng ibang tao. She had no right to judge him. At di na siya dapat pang umasam ng pwesto para sa babaeng mahal nito. Wala siyang karapatan doon.

“Hindi ko alam kung bakit di mo nakikita na gustong-gusto ka ni Sir RD. Natural lang na ikaw lang ang gusto niyang isakay sa kay El Libertad dahil in love siya sa iyo. Kaya di na ninyo dapat pinipigilan ang sarili ninyo. He likes you.”

“Kumain ka na lang. Mabuti pa noong wala kang boyfriend, di ka madaldal. Sabi nga sa iyo na magkaibigan lang kaming dalawa.”

“Friends? May friends pala na malagkit kung magtitigan. Mas malagkit sa suman. Ganyan din kami ni Joziah dati.”

“Kung malagkit ang suman, sana dumikit na lang sa bibig mo para di kung anu-ano ang sinasabi mo tungkol sa amin ni Richard Don! Magsa-shower na ako!”

“Kung ide-deliver mo na itong suman kay Sir RD, ako na ang mag-aayos sa basket. Magpaganda ka na lang. Tapos kung gusto ninyong mag-date maghapon, walang problema. Ako na ang bahala sa café.”

Ngumiti siya. “Thank you!”

Wala naman sigurong masama kung mag-friendly date sila ni Richard Don. Kung magtatagal pa siya sa riding club, mabuti nang magkasundo sila.

Matapos maligo ay kinuha na niya ang basket ng suman para dito. Di na nga siya nag-abalang mag-agahan. Excited na siyang patikimin si Richard Don ng suman.

Kapag natikman nito ang suman niya, kalilimutan na nito ang ibang babae. Suman na lang nito ang hahanap-hanapin niya. Natigilan siya. Parang pangit yatang pakinggan at hindi rin magkatugma.

“Ma’am, sa bahay pa rin po ba tayo ni Sir Richard Don?” untag sa kanya ng driver ng golf cart na umiikot sa riding club. “Ayon na po kasi siya.”

Itinuro nito si Richard Don na nasa ilalim ng punong acacia. Nakasuot ito ng riding habit. Tumalim ang mata niya nang alalayan nitong bumaba ng kabayo ang isang babae. Kapatid iyon ng isa sa mga member ng riding club. May bago na naman itong ka-date at pinasakay pa nito sa isa sa mga leisure horses nito. Ano kaya ang kapalit? Halik? O baka hindi lang halik.

Wala naman palang kwenta kung hihiramin pa niya ang kabayo nito. Sira na rin naman ang araw niya dahil naunahan na siya ng ibang babae. Baka kapag sumakay pa siya sa kabayo ni Richard Don ay magkasakit pa siya sa bacteria ng ibang babae.

Nang mga oras na iyon ay gusto na lang niya itong hampasin ng basket ng suman. Sayang lang pala ang plano niyang sorpresa dito. Magsama na lang ito at ang babae nito.

“Manong,pakibalik po sa Lakeside Café.Ayoko nang makita ang lalaking iyan.”

NAGKULONG si Danzelle Ann sa opisina niya nang dumating sa Lakeside Café and Restaurant. Wala siyang kinakausap at wala rin siyang planong magpakita sa mga tao. Ang tanging kapiling lang niya ay ang isang basket ng chocolate suman na para sana kay Richard Don. Huwag sana itong magpakita sa kanya. Kung hindi ay ibabato niya ang lahat ng suman dito.

Bumukas ang pinto. “Good morning! Good morning!” bati ni Richard Don.

Yumukyok siya. “Go away! Ang ingay-ingay mo.”

Nakakainis! Gusto niyang maiyak habang naiisip ang babaeng iyon. Wala naman siyang karapatang magalit. Pero ayaw niyang makitang may ibang babaeng kasama si Richard Don, nakasakay sa kabayo nito habang iniisip niya kung ano ang posibleng kapalit ng pribeleheyong iyon.

Hinaplos nito ang buhok niya. “Kawawa naman ang sweetheart ko. Sabi ni Brescia hindi ka nakatulog dahil ipinagluto mo ako.”

Tinabig niya ang kamay nito. “Huwag mo nga akong ma-sweetheart-sweetheart. Nakakadiri!” angil niya. At naiinis siya dahil binobola-bola siya nito. Hinawakan siya pagkatapos nitong manggaling sa babae nitong puro bacteria.

Narinig niyang binuksan nito ang basket. “Ito ba iyong suman? Pahingi.”

Inagaw niya ang basket mula dito. “Hindi! Wala kang karapatan diyan!”

“Huwag ka namang madamot. Sa akin naman talaga iyan.”

“Wala! Wala ka nang karapatan sa suman ko. Kung gusto mo ng suman, doon ka magpaluto sa isang babaeng kasama mo.”

“Ah! Si Andie! Nakita mo ba kami?”

Niyakap niya ang basket. “Oo. Nakasakay siya kay Trinity.” Iyon ang Frisian mare ni Richard Don na ipinagkait nito sa kanya.

“Pinagseselosan mo si Andie? Kaibigan ko lang iyon.”

“Ano naman ang kapalit ng pagsakay niya kay Trinity?”

“Naiinggit ka dahil iniisip mong hinalikan niya ako?”

“Or more…” hula niya at lalong niyakap ang basket.

Inilapit nito ang mukha sa kanya. “Kung iyon lang ang ikinaiinggit mo, then you are allowed to kiss me… and even more.”

Bago pa niya naisip ang implikasyon ng sinabi nito ay inangkin na nito ang labi niya. He was kissing her with so much intensity. Nanlaki ang mata niya. Nag-short circuit yata ang isip niya sa sobrang init ng halik at tumigil sa pagdaloy ang dugo niya. Sasabog na rin ang tainga niya sa lakas ng ugong.

Kasabay ng unti-unting pagluwag ng pagkakayakap niya sa basket ay ang pagkawala ng katinuan niya. She had been denying herself of that kiss for a long time. Mas masarap pa iyon kaysa sa chocolate suman na luto niya.

Habol niya ang hininga nang maghiwalay ang labi nila. “Richard Don…”

“Gotcha!” nakangiti nitong sabi. Napakurap siya nang makitang hawak na nito ang basket ng suman at wala na ang basket sa kamay niya.

“Hoy! Paanong…”

“Sa akin na ito. After all, I deserve it. Bayad sa halik ko sa iyo.”

Nag-init ang ulo niya. He fooled her! Hinalikan lang siya nito para lang makuha sa kanya ang suman. Ginamit nito ang kahinaan niya. Paanong ang isang matalino at malakas na babaeng tulad niya ay basta na lang nagpadala sa halik nito. Nasaan na ang pride niya? Nasaan na ang karangalan niya?

Tumayo siya. “Hoy! Ibalik mo sa akin iyan.”

Tumakbo ito sa may pinto. “Halikan mo muna ako katulad kanina. Baka sakaling mawala rin ako sa sarili tulad mo at maagaw mo rin sa akin ang basket ng suman. How about that for a dare?” malakas nitong tukso.

Sinadya pa nitong buksan ang pinto para marinig ng lahat ng guest ng Lakeside Café and Restaurant na hinalikan siya nito. Ngayon ay alam na ng buong riding club na sira na ang reputasyon niya. Richard Don Robles tainted her.

And how dare him throw her naiveté to her face!

“Humanda ka sa akin kapag nahabol kita!” sigaw niya at hinabol ito.

Alas otso na ng umaga noon at mangilan-ngilan na lang ang guest sa labas ng Lakeside Café. Nangawit siya sa pagtakbo dahil sa suot niyang high heeled pumps. Tinanggal niya iyon. Sa sobrang frustration dahil nakarating na sa wooden pathway papuntang dock si Richard Don ay ihinagis ang isa dito.

“Hoy! Bumalik ka dito!”

Subalit mabilis itong nakailag. Nanlaki ang mata niya nang makita niyang ang tatamaan ay si Reid Alleje-ang masungit na hari ng Stallion Riding Club.

Maagap na nasalo ni Reid ang sapatos bago pa tumama sa mukha nito. Nagdilim ang mukha nito at tumiim ang labi. Madalang na pagkakataon iyon lalo na’t palangiti na ito mula nang mag-asawa.

Direkta siya nitong tiningnan sa mata. “I guess this is yours, Cinderella.”

“Y-Yes, Sir,” aniya at di makatingin nang diretso dito nang kunin ang sapatos. “Sorry po, Sir Reid. Hindi naman namin sinasadya.”

“May konting LQ lang kami, Master. Pinagseselosan kasi niya ako,” ngingisi-ngising sabi ni Richard Don.

“Anong pinagseselosan?” kontra niya.

“Totoo naman, ah! Mamatay-matay ka nga sa selos.”

“Richard Don! Danzelle Ann!” sigaw nito. Maging ang mga tao sa paligid ay nanginginig sa takot. Kapag si Reid Alleje ang nagalit, daig pa ang pinagsama-samang delubyo sa sinumang tatamaan ng galit nito. Ito ang batas.

Tumuwid siya ng tayo. Maging si Richard Don ay naramdaman niyang nanginginig. Tiyak na ipapatawag sila nito sa security office ni Myco. O ang masama, sa mismong oras na iyon ay maipatapon siya sa riding club. Tuluyan na siyang itatakwil ng Papa niya. Wala pa nga siyang boyfriend, wala pa siyang career.

Kasalanan iyon ni Richard Don at ng halik nito!

“Ire-report ko kay Myco ang bagong kalokohan ninyo.”

“Sir, sorry na.” Kinuha niya ang basket ng suman kay Richard Don at inabot dito. “Sa inyo na iyan, Sir. Basta huwag lang kayong magalit.”

“Akin iyan, eh!” angal ni Richard Don.

Siniko niya ito. “Huwag ka nang umangal.”

Ipinagpag ni Reid ang kamay at binuksan ang basket. “Suman? Sa palagay ko magugustuhan ni Tamara ito. Bakit di ito kasama sa menu?”

“Ako lang ang may alam magluto, Sir Reid,” wika niya. “Special recipe po iyan ng lola ko.”

“Gusto ko ang amoy! Ilagay mo ito sa menu!” utos nito.

“Opo, Sir. Kahit na ipagluto ko pa kayo niyan araw-araw, okay lang. Basta huwag lang kayong magalit sa akin.”

huminga ng malalim. “Gusto ko sanang magalit dahil gumagawa na naman kayo ng eksena pero hindi na iyon ang importante. Kayong dalawa ang lalaban sa Mr. and Miss Stallion Riding Club.”

“Ano iyon? Pageant?” tanong niya.

“Oo. Last year lang iyon nagsimula,” sabi ni Richard Don. “Isang empleyado ng riding club at isang member ang magkaka-partner.”

“Kayong dalawa ang magka-partner. This is a prestigious pageant. Magaganda rin ang premyo natin para sa taong ito. At kailangan ninyong magtulungan kung gusto ninyong manalo.”

“Panalo na ako diyan!” pagmamalaki ni Richard Don.

“Teka. Wala akong alam sa mga pageant-pageant na iyan,” angal niya. “Huwag na lang ako ang isali ninyo, Sir.”

Nilingon siya ni Reid at matiim na pinagmasdan. “Ang pagkakatanda ko, walang karapatan ang kahit sino na kumontra sa desisyon ko. Sa ayaw mo’t sa hindi, sasali ka sa competition dahil ikaw ang pinili ko.”

“S-Sabi ko nga, Sir,” sagot niya at alanganing ngumiti. Nakalimutan niyang ito ang batas sa riding club. “Ano naman ang magiging premyo ko?”

Direkta siyang tiningnan ni Reid sa mga mata. “The one you wished for when you came here. Kukumbinsihin ko ang Papa mo na bigyan ka ng equal rights sa pamamahala sa hacienda. Makakabalik ka kahit na walang boyfriend o asawa.”

Napanganga siya. “T-Teka, bakit alam mo iyan?”

Humalukipkip ito. “It is my business. So sasali ka na ba?”

“ANO BA ang magandang talent natin?” tanong ni Danzelle Ann habang iniisa-isa ang CD na nakakalat sa sahig ng dance studio. Nakasalang na sa portable DVD ng pilot episode ng You Think You Can Dance na dance competition sa Amerika pero di niya kaya iyon. Mahihirapan siya. Pang-professional na iyon. Di siya kagalingang sumayaw. Bukod sa pagro-rodeo, iyon na lang ang susunod niyang talento.

Ayaw man niyang sumali sa Mr. and Miss Stallion Riding Club, wala naman siyang choice. Bukod sa di niya makontra si Reid, iyon na rin ang pagkakataon niya para makabalik sa hacienda nila. Sayang naman ang pagkakataon niya para manalo. Matutuwa pa ang papa niya dahil magiging babae na siya.

“Ito! Sino ang Tunay na Baliw!” sabi ni Richard Don nang ibigay sa dance instructor nilang si Vienezze ang CD. “Hindi na mahihirapan si Danzelle Ann dito kapag ginawang interpretative dance. Effortless.”

“Mas bagay iyan sa iyo. Ikaw ang sumayaw mag-isa tutal ikaw lang naman ang baliw sa ating dalawa,” kontra ni Danzelle Ann.

“Sino kaya ang mas baliw? Naagawan ng suman dahil… Nagluto ng suman para sa akin pero ayaw namang ibigay dahil…” pakanta nitong sabi sa tono ng Sino ang Tunay na Baliw. Di pa ito nasiyahan at iwinasiwas ang kamay at umikot.

Drat! Richard Don was a great dancer. Marunong din daw itong sumayaw. Ayon kay Mark Ashley, well-rounded ito kahit noong bata pa. Marunong din itong tumugtog ng classical instruments. Habang siya ay native instruments lang ang alam. Ang problema, kailangang magsama sila ng ideas. Synchronicity ang concept ng competition. Kung di sila magkaayon, matatalo rin sila.

“Interpretative dancing has no rules. It is more on expression of the body and the face to interpret the song. Dapat magalaw ang katawan ninyo at graceful,” paliwanag ni Vienezze. “Gusto ba ninyong gawan na natin ng step?”

“Cariñosa na lang sa atin. Hindi mahirap gumalaw. Nasayaw ko na iyan noong elementary ako. Hindi kailangang magbalian ng buto.”

“Doon tayo sa pambaliw!” giit ni Richard Don.

“Mag-isa kang mabaliw. Magfo-folk dance tayo.”

“Sa tigas ng katawan mo, mas bagay sa iyo ang sayaw ng baliw. I am sure mas maco-convince mo ang mga tao.”

“Excuse me. Pupunta lang ako sa restroom. I suggest that you discuss what song we will use for your talent.” At tumalilis na si Vienezze.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.