Saka lang sila tumigil sa pagbabangayan ni Richard Don. “Toxic na yata si Vienezze. Kasalanan mo!” paninisi niya.
“Wala ka na bang ibang talent?” tanong ni Richard Don at inayos ang mga CD. “Magsasayaw tayo ng interpretative, ayaw mo. Gusto mo ng folk dance. Konting respeto sa lahing Pilipino. Kung magfo-folk dance ka, sana naman iyong mapapangatawanan mo.”
“Heh! Di ko kasalanan kung di naman ako magaling sumayaw. Kung di ko lang gusto na makauwi sa hacienda, di ko gagawin ito.”
“Hindi ka ba masaya dito?” tanong nito.
“Masaya din.” Sumalampak siya at basta na lang isinalang ang isang DVD doon. “Wala naman akong pinangarap kundi doon lang sa hacienda namin. Doon din ako mag-aasawa at magkakaanak kung sakali. Basta doon lang ako. Nami-miss ko ang mga pinya, ang mga saging, ang greenhouse ni Mama…”
Umupo ito sa tabi niya. “Umisip ka ng magkakasundo tayo. Hindi sa itinataboy kita. Pero mas gusto ko kung saan ka masaya.”
“Sus! Huwag ka ngang madrama.” Ngumisi siya. “Naalala ko na. May isa pa akong talent.” Inunat niya ang kamay at saka ikinawit ang bisig sa leeg nito at itinumba. “Pwede rin akong maging wrestler. Kunyari baka ka. Yaaaa!”
“Danzelle Ann!” Pumiglas si Richard Don. Minaliit niya ang lakas nito dahil nagawa nitong makawala at siya na ang nasa ilalim nito. “Mukhang maganda nga ang talent natin. Maraming wrestling aficionados dito.”
Humingal siya at napatitig sa mukha nito. She could feel his warm breath. She felt the impulse to kiss him. Titingnan niya kung kaya rin niya itong gawing baliw tulad ng ginawa nito sa kanya nang halikan siya nito.
“Mukhang tahimik, Sir Reid. Looks like they are getting along,” anang boses ni Myco. Bumukas ang pinto ng dance studio. Sabay silang lumingon ni Richard Don. Di lang si Myco ang nakatayo sa pinto kundi maging si Reid Alleje. Di nila magawang gumalaw ni Richard Don sa sobrang pagkagulat.
Itinapik ni Reid ang hawak na ballpen sa hamba ng pinto. “You two! Palitan ninyo ang talent ninyo kung ayaw ninyong ma-disqualify.” Saka umalis.
“Ano bang klaseng talent ang naisip nila?” narinig nilang tanong ni Myco nang sumunod kay Reid.
“May pagtotoy ka pa talaga minsan. Di mo ba nakita? Art of Kamasutra yata ang gusto nilang I-present. Baka magalit pa mga feminist at conservative sa atin!” pagalit na sabi ni Reid Alleje na umalingawngaw sa buong hallway.
Saka lang sila natauhan ni Richard Don nang makita ang itsura nila. Kahit sinong makakita sa kanila, iyon nga ang iisiping talento nila.
Dali-dali silang naghiwalay at tumalikod sa isa’t isa. “Bukas na lang tayo mag-practice.”
“Tama. Bukas na lang tayo mag-practice. Shit!” bulalas ni Richard Don. “Di ko naman perfect ang art of kamasutra na iyon. Di ko talent iyon.”
Hinampas niya ito sa balikat. “Tumahimik ka nga! Baka mamaya may makarinig sa iyo. Bawas hotness points iyong di kabisado iyon.”
“You don’t find me hot anymore,” he said in a hurt voice.
“Ewan ko sa iyo!” At lumabas siya ng dance studio.
Di siya naniniwalang di nito perfect iyon. Sa dami ng babae nito, daig pa nito ang may harem. Ayaw na lang niyang isipin. Sa unang pagkakataon, aaminin niyang naiinggit siya sa mga babaeng iyon. Richard Don could give his full affection to them. At di niya mararanasan iyon.
Ang alam lang nito ay halikan siya para sa isang basket ng suman!
NAKA-SIDE bend si Danzelle Ann habang nakaharap sa lake. Wala naman siyang ginagawa sa opisina kaya sinasamantala niyang mag-stretch ng muscles. Kailangan niya ng sapat na enerhiya para sa seryosong practice nila mamaya. Kung kailangang magbaliw-baliwan siya para manalo, gagawin niya. Nahihiya naman siya kina Richard Don at Vienezze kung pahihirapan niya ang mga ito.
“Danzelle Ann, bad news!” sabi ni Richard Don nang biglang buksan ang pinto. “Ka-partner na ni Vienezze si Danrick dahil nag-quit si Aya.”
“What? Wala na tayong dance instructor.”
“I have a good idea. Pwede ka nang mag-calf roping para sa talent mo. Iyon ang gagawin nating background video habang kumakanta ako.”
“Ah! Parang music video sa concert. Hmmm… magandang idea iyan. Hindi na tayo mahihirapan sa talent natin.” Tinapik niya ang balikat nito. “May kahenyuhan ka rin pala. At ano naman ang kakantahin mo?”
“Hot Girls ng The Switch.”
“Ibig bang sabihin pantay ang hotness level natin?”
“Siyempre. Papayag ba akong maging ka-partner ko kung hindi.”
Parang nakalutang siya sa hangin nang maisip niyang makakapag-calf roping siya. “Nami-miss kong mag-calf roping. Magagawa ko na ulit.”
“Ipapadala na dito ng Kuya Jeff mo si Charade.” Si Charade na ang pinakapaborito niyang kabayo sa hacienda. “Sinabi ko sa kanya tiyak na gusto mong siya ang maka-partner mo sa calf roping.”
Mangiyak-ngiyak niya itong niyakap. “Richard Don! Ang saya-saya ko!”
Miss na miss na niya ang hacienda. Pero ngayong makakapag-calf roping na siya ay mababawasan ang lungkot niya. Magagawa rin niya ang pinakagusto niyang gawin. Ang makasakay ng kabayo at makipaghabulan sa baka.
“Alam kong nami-miss mo ang hacienda ninyo.”
“Okay lang ba iyon? Hindi ba matatakot ang mga tao dahil mukha akong amazona. Baka lalong magalit si Papa…”
Hinawakan nito ang balikat niya. “No. Panahon na para ipakita mo sa mga tao kung ano talaga ang talent mo. You are good with horses and ropes. Show them your worth.”
Sa palagay niya ay iyon na ang pinakamagandang balitang narinig niya. Magagawa niya ang bagay na gustong-gusto niya. Di niya inaasahan na maa-appreciate din siya ni Richard Don. “I will do my best. Kung calf roping lang, walang problema.”
Kaya para makapag-practice kang mabuti, doon ka muna sa rancho ng isang kaibigan ko. Ako na ang bahala sa lahat ng kakailanganin sa competition dito.”
Kumawala siya sa pagkakayakap dito. “Ha? Mag-isa lang ako doon?”
“Oo. Para naman mas ma-miss mo ako.”
Parang gusto nang magbago ng isip niya sa pagpa-practice sa ibang lugar. Gaano ba katagal niyang di makikita si Richard Don? Gaano kadalas naman siya nitong dadalawin? Parang gusto niyang ipagpalit ang calf roping. Mas gusto niyang makasama ito kahit makiangkas na lang siya sa kabayo nito. O kahit na di nito ibigay ang privilege na iyon basta makita lang niya ito.
Sa isang iglap, wala na siyang pakialam sa hacienda, sa mga baka at sa mga kabayo. Kailan pa niya mas gustong makasama si Richard Don kaysa sa kagustuhan niyang makabalik sa Bukidnon?
“Saglit lang akong magpa-practice. Babalik din agad ako dito.”
“Bakit? Di ba mas gusto mong maramdaman na nasa hacienda ka?”
Ngumiti siya. “Mami-miss kita. Saka sino pa ang magtataray sa mga babae dito kung wala ako? Nakaka-miss din na may kaaway.”
“Mas gusto ko yatang ma-miss mo ako dahil basta lang miss mo ako.”
So did she. Di pa man siya umaalis, alam niyang mami-miss niya ito ng todo. It was silly. Lulusawin ba niya ang mga plano niya para dito?
ISANG araw pa lang sa rancho ng kaibigan ni Richard Don si Danzelle Ann ay bumalik agad siya ng Stallion Riding Club. Hindi madali sa kanya na ibalik ang dati niyang porma sa calf roping pero di naman niya matiis na di makita si Richard Don. Pwede naman siguro niya itong pakiusapan na sa riding club na lang siya mag-practice. Nasanay na kasi siya sa lugar na iyon. Parang ayaw na niyang umalis.
Pinuntahan niya si Richard Don sa music studio kung saan binibigyan ito ng lesson ng vocalist ng The Switch na si Jason Erwin Dean sa gagawin nitong performance. Mas seryoso pa yata si Richard Don sa kanya.
“Pwede bang manood ng practice?” tanong niya.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Richard Don.
“Ayoko na doon. Dito na lang ako. Saka di naman mahirap ang gagawin ko. Kaya ko nang mag-calf roping kahit konti lang ang practice. It comes it out naturally. Mula pagkabata ko, iyon na ang ginagawa ko.”
“Ikaw ang bahala.” Nag-ring ang cellphone nito. “Sandali lang.” Sinagot nito ang tawag. “Yes, Andie! Everything’s ready. Oh, I love you. I will meet you in half an hour. Tatapusin ko lang ang practice na iyon.”
“May date ka na naman?” magkasalubong ang kilay niyang tanong.
“Ah, si Andie kasi. May importante kaming gagawin. Kung ayaw mo nang bumalik sa rancho, magpahinga ka na. Ako na ang bahalang makipag-arrange kay Sir Reid bukas,” anito at bumalik na kay JED.
Lulugo-lugo siyang bumalik sa worker’s lodge. Ganoon lang? Ni hindi man lang ito natuwa na makita siya. Tapos ay may date pala ito at ang Andie na iyon. Habang mukha siyang tanga na bumalik ng riding club para dito.
Sino ba si Andie sa buhay nito? Mukhang hindi lang ordinaryong kaibigan dahil ilang beses itong nagpabalik-balik sa bahay ni Richard Don.
Okay. So she was jealous. At ang masama, in love pa yata siya kay Richard Don. Huli na para pigilan pa iyon. Di niya alam kung paano pa isasalba ang sarili.
Ang pinakamagandang magagawa niya ay bumalik na lang sa hacienda. Wala siyang pakialam kung durog-durog man ang puso niya. Mananalo siya.
NAGPALAKPAKAN ang mga tao sa paligid ng open field nang masilo ni Danzelle Ann ang batang baka sa lubid at mapatumba niya. Iyon ang talent niya para sa competition ng Mr. and Miss Stallion Riding Club.
Iyon ang formal entry niya sa competition. Di lang iyon basta ibi-video. Nasa open field din ang mga judges ng pageant. Hindi naman kasi siya pwedeng mag-calf roping sa mismong stage ng talent night kaya maaga pa lang ay nag-present na siya ng talent niya at binigyan ng grade.
Unang lumapit sa kanya ay ang sikat na equestrian na si Saskia. “Danz, you did great! Pwede bang turuan mo akong mag-calf roping?”
“Hindi ka ba marunong? Mas magaling ka sa kabayo kaysa sa akin.”
“Basta! Mukhang gusto kitang kunin na maging rodeo girl sa Artemis Riding School. I am sure maraming mag-e-enroll dahil sa iyo.”
“Naku! Hindi ako makakatango diyan. Di ko alam,” sabi niya.
Buo na ang isip niya. Gusto na niyang bumalik ng Bukidnon. Magbabago lang ang isip niya kung si Richard Don mismo ang pipigil sa kanya. Kapag kasama niya si Richard Don, pakiramdam niya ay may dahilan siyang manatili doon.
“Iyan pala ang strategy mo kaya napapatahimik mo si Richard Don. Ganyan din kaya ang gawin ko kay Reid kapag nagsusungit,” nakangiting sabi ni Tamara.
“No more security threat,” sabi ni Myco Gosiaco. “Sana magtuloy-tuloy na iyan para mabawasan ang imo-monitor ko.”
“Nasaan si Richard Don?” tanong niya at luminga-linga. Matapos ang performance niya, gusto niya itong makita. Gusto niyang ito ang unang bumati sa kanya. Gusto niyang makita nito kung gaano siya kasaya. Na kahit wala sa hacienda ay kaya pa rin niyang ipakita ang talento niya.
“Umalis agad nang matapos ang performance mo. May importante daw siyang aasikasuhin sa villa niya.”
“Madaya siya. Mapuntahan nga.”
Maraming naglalaro sa isip niya habang papunta sa villa nito. Sabihin kaya niya na in love siya dito at ayaw na niyang umalis. Matutuwa kaya ito?
Ilang metro mula sa villa ni Richard Don ay nakita niya ito sa labas ng gate yakap ang isang babae. Si Andie. “Girl, you make me so happy!” sigaw nito.
“Of course. That is where I am good at.”
Parang sinibat ang puso niya. Ang babaeng iyon ang nagpapasaya kay Richard Don. Pero kahit kailan ay di naman nito nasabi sa kanya na kaya siya nitong pasayahin. Wala naman siyang ginawa kundi ang bigyan ito ng sakit ng ulo.
Paano ito matutuwa sa kanya kapag sinabi niyang mahal niya ito? Isa pa, bakit pa nito iintindihin ang pagmamahal niya? May mahal na itong iba.
“Manong, sa Lakeside Café po tayo.”
Pinipigil niyang umiyak habang nasa golf cart. Sa halip na sa café ay umuwi siya sa lodge at nagkulong sa kuwarto. Sa unang pagkakataon, umiyak siya para sa isang lalaki. Habang ang huling beses na umiyak siya ay nang mamatay ang Mama niya. Sabi ni Richard Don, dapat ay humanap siya ng lalaki na mamahalin siya at magpapasaya sa kanya. Iyong lalaking magpapabago sa mga plano niya sa buhay.
Natagpuan na niya ito. He made her feel so happy and miserable at the same time. Kung kailan handa na siyang isuko ang lahat para dito, saka niya matutuklasan na hindi naman pala siya nito kailangan. May ibang tao nang nagpapasaya dito. Mas mabuti ngang umuwi na lang siya sa hacienda. Doon siya nararapat.
“HINDI ba ako mukhang trying hard?” tanong ni Richard Don habang inaayos ang costume nito. He was wearing a black leather vest and blue jeans. May cowboy hat din ito. He would be a rockstar for tonight.
Inayos niya ang cowboy hat nito. “Paano namang papangit ka? Hindi ba si Jed mismo ang namili ng costume para sa iyo.”
“Baka isipin nila trying hard ako na maging Jason Erwin Dean.”
Tinapik niya ang pisngi nito at tinitigan nang matagal. “You look hot. Iyon lang ang isipin mo. Pasayahin mo lang ang mga tao.”
Inilayo nito ang buhok niya sa balikat niya. “Naka-gown ka agad? Akala ko ba ayaw mong magga-gown? Mamaya mo na isuot iyan.”
“Mahirap isuot ang corset gown ko. Basta galingan mo. Ayokong matalo.”
Hinaplos nito ang mukha niya at pinagmasdan siya sa malungkot na mata. “You really want to go home so badly. Paano kung ayoko?”
“At bakit naman hindi mo ako pauuwiin?”
“Kasi wala na akong makakaaway dito.”
Bumuntong-hininga siya. “Bumili ka na lang ng buwaya o wolf. Sila na lang ang gawin mong pet tapos awayin mo.”
Bakit pa ba siya aasang sasabihin nito na importante siya? Asa pa siya. Wala naman itong tingin sa kanya kundi kainisan nito.
Pinisil nito ang pisngi niya. “Bakit ba masyado kang seryoso?”
“Wala ka nang pakialam doon!”
Sabi ng isip niya na kailangan na niyang umalis. Kung di man siya manalo, magpipilit siyang umalis ng riding club. Ayaw na niyang makasama si Richard Don. Tino-torture lang nito ang puso niya. Palala nang palala ang nararamdaman niya. Kahit mga babaeng tumitingin dito o kausap nito ay pinagseselosan na niya. Pero pinakamatindi si Andie. Iyon ang pinakamalaking tinik sa dibdib niya.
“Sir RD, kayo na po ang susunod,” sabi ng organizer dito.
Nakabantay siya sa may backstage at pinapanood ito. Paglabas pa lang nito ng stage ay nagsigawan na ang mga babae. “Looking at my window some girl as I am writing this…” Halos himatayin na ang mga babae nang kumanta ito.
Maganda ang boses ni Richard Don. Di man ito kasing galing ng rockstar na si Jed, may sarili naman itong style. And he was oozing with sex appeal. Bumagay din ang kanta dito. Mas malakas pa yata ang tilian ng mga babae kaysa sa boses nito.
“Hot girl! Come and break me, break me.”
Itinaas nito ang mic. “Hot girl!” sigawan ng mga babae sa audience.
“You know what you are doing now,” tuloy ng kanta ni Richard Don. Parang rock concert iyon at hindi lang basta talent portion sa isang pageant. Ang ilan naman sa audience ay nagsasayawan na parang nasa isang party. Nag-e-enjoy ang lahat.
“We love you, RD!” tili ni Miss Fishnet at inakyat ito sa stage.
Sumunod ang Babaeng Paru-Paro at yumakap sa paa ni Richard Don. “I want to be your hot girl.”