“Florecina, hindi talaga ako makapaniwala na sa wakas nakapasok ako ng Stallion Riding Club. Daig ko pa iyong mayamang kaklase ko noong high school. Mayaman nga siya pero di sapat ang kayamanan niya para makapasok dito.” Humalakhak ang kasamahan niyang si Grasya. “At mamamatay siya sa inggit oras na makapasok ako ng Stallion Riding Club.”
Lumagpas lang sa pandinig ni Olympia ang sinasabi nito. Binubusog niya ang paningin sa magagandang tanawin na nakikita niya sa riding club. It was really a prime paradise. Mula sa pantay-pantay na berdeng damo, sa magandang view ng lake hanggang sa mamahalin at naggagandahang kabayo, isa nga iyong perpektong lugar para sa mga bata at mayayamang mga kalalakihan ng bansa.
Dahil karamihan ng naroon ay mayayaman, napakahigpit ng security. Importante kasi ang privacy ng mga miyembro doon. At ang mga taong nasa sector niya ang unang nai-ban sa riding club-ang mga reporters. Sa lugar nga naman na iyon ay marami siyang pwedeng matuklasang sekreto. Katulad na lang ng pagkakanlong ng hinihinalang terorista.
Napapitlag siya nang kalabitin siya ni Grasya sa braso. “Hoy, Florecina!”
“Ha?” aniya at nilingon ito. Sinong Florecina ba tinatawag nito?
“Parang wala ka sa sarili.” Pa-cute itong ngumiti. “Maganda ba ako?”
Napilitan siyang tumango nang maalalang siya ang tinatawag nitong Florecina. Siya na ngayon si Florecina Malaybalay. Iniwan na niya si Olympia Montez sa gate ng riding club nang pumasok siya bilang bagong housekeeper doon.
Iyon ang bagong identity na ibinigay sa kanya ng kapatid niya. Dalawang araw lang ang ibinigay sa kanya para paghandaan ang pagpasok niya sa riding club at ang bago niyang trabaho. Labag sa rules ng riding club ang pagpasok niya pati ang gagawin niyang investigative report. Maari siyang mahuli. Maari ring wala siyang makuhang balita. Basta ang alam niya ay ginagawa niya ang lahat para sa kapakanan ng bawat isa. Matinding kalaban ang mga terorista. Bilang isang reporter, nakita niya kung gaano kadali sa mga ito ang maghasik ng lagim.
“Pang-probinsiyana ang kulay mo pero makinis ka.” Idinikit pa nito ang braso sa kanya para ipakita ang layo ng kaputian nito sa kanya. “Alam mo, maganda ka naman katulad ko kung ngingiti ka lang. Tiyak na marami kang maaakit na mayamang lalaki. Iyon talaga ang pangarap ko. Makapag-asawa ng mayamang taga-riding club. Ikaw di siguro, no?”
Marahan siyang umiling. “Hindi. Gusto kong iahon ang pamilya ko sa hirap.”
“Ay, naku! Huwag ka ngang plastik. Lahat naman ng babaeng pumapasok dito gustong makapag-asawa ng mayaman. Kung magiging totoo ka lang sa akin, magkakatulungan pa tayong dalawa.”
Kung siya si Olympia Montez, hindi nga siya magiging interesado sa mga lalaki. Naroon siya para kay Reiven Alleje. Pero bilang Florecina Malaybalay, walang masama kung susubukan niyang maging tulad ni Grasya. Naghahanap ng guwapong lalaki na mag-aahon dito sa kahirapan.
“Hindi ako sobrang talino,” pagpapatuloy ni Grasya. “Kaya hindi ako pinagtapos ng college ng nanay ko. Nag-training na lang ako na maging housekeeper. Plano ko kasi na mag-abroad at sa hotel sa ibang bansa magtrabaho. Pero nang magkaroon ng opening sa riding club, dito na lang ako. Hindi pa magastos. Di naman nalalayo ang kita sa ibang bansa. Ikaw? Saan ka nagtrabaho dati?”
“Sa hotel din.”
Naging chambermaid siya noong nasa Bangkok siya para hulihin ang isang government official noon sa Pilipinas na kasangkot sa corruption. Sa isang hotel suite na nirerentahan nito ito nagtatago gamit ang ibang pangalan. Kasama nito ang batang starlet na naging susi kung bakit ito nahuli. It was an exclusive. At magagamit niya ang natutunan sa pagiging housekeeper sa pagkakataong ito.
“Ang ganda dito, di ba? Kailangan makakilala agad tayo ng guwapong member ngayon pa lang,” determinadong sabi nito.
Luminga siya sa paligid. Nakapasok na sila ng Forest Trail at puro puno na lang ang nakikita nila. “Bumalik na tayo. Wala nang tao dito. Baka mamaya ma-late pa tayo sa orientation.”
Lunes noon at walang masyadong guest sa riding club. Orientation nila bilang bagong housekeeper ng riding club. Kailangan niyang mag-focus sa mga itinuturo sa kanila. Di naman siya tulad ng mga kasamahan na sanay na sa ganoong trabaho.
Namaywang ito. “Malay mo may guwapong lalaki na mahilig sa ganitong lugar. Lalo na iyong mga loner. Di sila dapat palagpasin.”
“Bahala ka diyan. Ayokong ma-late sa orientation natin.” Isang oras lang ang lunch break nila. Sumama lang siya dito para makapag-observe sa riding club. Nagbabaka-sakali rin siya na makita si Martin de Guia.
Pinigilan ni Grasya ang kamay niya at nagturo. “Ayun! May lalaking nakasakay sa kabayo!” Ipinagpag nito ang kamay. “Mukhang Kano! Blonde. Sabi ko sa iyo makakakita din tayo ng guwapo dito at mayaman. Halika na!”
Bumaba ng kabayo ang lalaki at sumandal sa puno habang sapo ang dibdib. Mukhang napagod ito sa pamamasyal. “Huwag na natin siyang abalahin. Mukhang gusto na niyang magpahinga,” sabi niya.
“Hindi. Bumaba iyan dahil gusto niyang makipagkilala sa atin. Buddies tayo kaya huwag mo akong iwan sa labang ito.”
Napilitan siyang magpatianod dito. Habang palapit ay may napansin siyang kakaiba sa lalaki. Mukhang nakatulog na ito sa sobrang pagod sa pangangabayo dahil nakatulog ito agad. Subalit parang di lang ito basta nakatulog. Nakahandusay na ito sa lupa.
Kumawala siya sa pagkakahawak ni Grasya at dinaluhan ang lalaki. Wala na itong malay nang lapitan niya. Inalog niya ang balikat nito. “Sir? Sir, okay lang po ba kayo?” tanong niya subalit wala siyang nakuhang sagot dito. Inilapat niya ang dalawang daliri sa leeg nito. “Wala siyang pulso.”
“ANO? Hindi na siya humihinga? Patay na siya?” Nanlaki ang mata ni Grasya at natutop ang bibig. “O, hindi! Hindi ako ang pumatay sa kanya. Hindi ako kriminal!”
Mariing napapikit si Olympia. Wala siyang maaasahan sa kasama niya. Di ito makakapag-isip ng tuwid tuwing emergency. Mas pinili pa nitong magdrama kaysa umisip ng paraan kung paano sasagipin ang bitima. Mabilis na gumana ang isip niya. Sanay siya sa mga emergency dahil sa trabaho niya.
“Grasya, tumawag ka ng doctor! Tumawag ka ng tulong!” utos niya.
“P-Paano? Walang load ang cellphone ko. Wala ding signal dito. Nasa kagubatan kaya tayo.”
Drat! Wala din siyang number para sa emergency. At di sila makakakuha ng tulong kung walang signal doon. Di pa niya kabisado ang riding club. Kung may lugar doon kung saan sila pwedeng humingi ng tulong nang mas malapit ay di niya alam.
Ibinigay niya ang cellphone dito. “Lumabas ka! Humingi ka ng tulong. Bilisan mo!” Wala silang oras na dapat aksayahin.
Nagkukumahog na tumakbo palabas ng Forest Trail si Grasya. Sana lang ay may dumating agad na tulong para sa kanila. Ang kailangan lang niyang gawin ngayon ay I-revive ang lalaki.
Inililis niya ang manggas ng long sleeve blouse niya. Lumuhod siya sa pagitan ng leeg at balikat nito. Ihiniga niya sa lupa ang lalaki at tiniyak na patag ang pagkakahiga nito. Inangat niya ang ulo para maging maluwag ang daanan ng hangin para sa paghinga nito. Ang hula niya ay inatake ito sa puso.
Kailangan na niya itong bigyan ng mouth-to-mouth resuscitation.
Pinisil niya ang ilong nito at saka sinelyuhan ang labi ng lalaki. Binugahan niya ito hangin. Tiningnan niya kung bumalik ang paghinga nito. Wala pa rin. Hiningahan pa ulit niya ito ng isa pang beses. Wala pa rin.
Pinagpatong niya ang palad sa gitna ng dibdib nito at diniinan. Matapos ang tatlumpung compression na ibinigay niya ay di pa rin bumabalik ang buhay dito. Di pa rin bumabalik si Grasya. Wala pa ring dumadating na tulong.
Inulit niya ang mouth-to-mouth resuscitation at ang pagdiin sa dibdib nito. “Mabuhay ka! Please, mabuhay ka!”
Mangiyak-ngiyak na siya dahil di pa rin bumabalik ang buhay nito. Marami na siyang taong nakitang namatay pero wala pang taong namamatay sa mismong mga kamay niya. At iyon ang ayaw niya sa lahat. Ang mamatay sa mismong kamay niya ang isang tao. Kaya di siya papayag na di ito mabuhay.
Maya maya pa ay may narinig siyang paparating na yabag. Nang iangat niya ang tingin ay papalapit si Grasya at ang isang lalaki.
“Florecina, nakahingi na ako ng tulong,” sabi ni Grasya.
“Thank God!” mahina niyang usal.
“Anong nangyari sa kanya?” tanong ng lalaki at lumuhod sa tabi ng lalaking nawalan ng malay.
“Nawalan siya ng malay. Sa palagay ko inatake siya sa puso. Binigyan ko na siya ng CPR pero di pa rin siya bumabalik sa dati.”
“Paparating na ang medical team dito. Habang wala pa sila, pagtulungan na natin ang pagbibigay ng CPR sa kanya. I will do the chest compression. Ikaw sa mouth to mouth resuscitation.” Inilapat nito ang palad sa dibdib ng lalaki. “Ready?”
Tumango siya at binigyan muli ng mouth to mouth resuscitation ang biktima. Kanina ay nawawalan na siya ng pag-asa. Di madali na mag-isa lang siya at nasa kamay niya ang buhay ng isang tao. Akala niya ay matapang na siya. Hindi pala siya ganoon katapang. Nasa mukha ng bagong dating na lalaki ang determinasyon na buhayin ang biktima. Mukhang mas matapang ito sa kanya.
“Twenty-nine, thirty,” bilang nito.
Napansin niya ang paggalaw ng dibdib ng biktima. Mabilis niyang inilapit ang pisngi sa bibig ng biktima. Naramdaman niya ang hangin mula sa bibig nito. “Humihinga na siya. Buhay na siya!” Napaiyak siya at napayakap sa lalaki. “Salamat sa Diyos! Buhay na siya!”
Hangos namang dumating ang medical team dala ang stretcher at isinakay ang biktima. “He is one of the guests,” anang lalaki sa pormal na boses sa sumaklolong medical team. “He must be one of the guests. Nabigyan na namin siya ng CPR.”
“Kami na po ang bahalang umasikaso sa kanya at tumawag sa mga contacts niya,” sabi ng head ng team. “You did a great job.”
Nang mga oras na iyon ay nawala ang batong nakadagan sa dibdib niya. At may isang matibay din siyang nasasandalan. Marahil ay isang anghel na padala ng langit ang lalaking ito. Kung hindi dahil dito, baka tuluyan na siyang bumigay.
Di agad niya mailayo ang katawan dito habang yakap ito. Halos lahat ay brotherly ang yakap niya. But there was nothing brotherly about what she felt for him. Weird. Dapat ay na iilang siya. Bakit parang gusto pa niya ito lalong yakapin?
“Miss, pwede mo na akong pakawalan. Baka pati ako kailangan pang bigyan ng CPR dahil di ako makahinga sa yakap mo,” pasupladong sabi nito.
“I-I’m sorry,” aniya at naglagay ng distansiya sa pagitan nila. “Masyado lang po akong naging masaya dahil nailigtas siya.”
Baka iniisip nito aggressive siya. Sobra naman ang kasungitan nito. Guwapo nga pero masungit naman. Parang allergic sa yakap ng magandang babae. Di ba nito alam na di siya basta-basta yumayakap kung kani-kanino?
“It’s okay. Nailigtas na siya.” Kumunot ang noo ni Mr. Sungit. “Sino ang kasama ninyo? Bakit dalawa lang kayo dito sa Forest Trail?”
“Namamasyal lang po kami, Sir,” nanginginig na sabi ni Grasya. “Nakita na lang namin siyang nawalan ng malay. Totoo iyon, Sir.”
“I am not accussing you of anything,” mariing sabi ni Mr. Sungit. “Sino ang kasama ninyong guest? Ihahatid ko na kayo.”
Umiling siya. “H-Hindi na po, Sir. Kaya na po namin.”
“You look pale. Hindi ko rin kayo pwedeng iwan na dadalawa lang kayong babae. If you want to tour around, you should be with one of the members. Huwag kayong tumulad sa member na iyon na namamasyal sa riding club nang walang kasama. Di tuloy nakapagpadala ng distress signal kapag emergency.”
“Sasama na po kami, Sir,” sabi ni Grasya. “Baka po may atakihin na naman sa puso. Baka ako pa ang unang mamatay sa nerbiyos.”
“Good.” Bumaling si Mr. Sungit sa kanya at inilahad ang palad. “Let’s go!”
Natulala siya sa nakalahad nitong palad. Bigla niyang pinagsalikop ang palad. Di niya alam kung tatanggapin niya iyon o hindi. Magho-holding hands sila. Hindi siya sanay na makipag-holding hands sa isang lalaki.
“What?” iritadong usal nito. “I don’t have all the time in the world. Gusto mo bang alalayan kita o bubuhatin na lang kita palabas dito.”
“O-Okay lang naman talaga ako…”
Npatili siya nang bigla siya nitong buhatin. “I told you I don’t have all the time in the world. I am tired and the whole riding club is waiting for me.”
“S-Sir, ibaba na lang po ninyo ako,” utos niya.
Parang wala itong narinig at patuloy lang sa paglalakad. Di naman siya magaang babae. Mahigit isang kabang bigas din ang timbang niya. Pero parang wala itong narinig. Di rin yata ito nabibigatan. Mukha itong malakas at di man lang hiningal sa pagbuhat sa kanya. He was a stubborn man. At sa mga babaeng naghahanap ng hero sa riding club, di ba ito natatakot na pagnasaan niya ito at pikutin?
Inilagak siya nito sa sasakyan backseat ng kotse nito. Sino ba ito? Member ba ito ng riding club? Ang alam niya ay mga accomplished lang sa kanya-kanyang field ang tinatanggap sa riding club. Mukhang bata pa ito. Nasa twenty-six o twenty-seven lang. Di nalalayo sa edad niya.
Nakasuot ito ng black punk shirt na may pirate design. Punit-punit din ang suot nitong pantalon. He was like a rebellious kid compared to the elite and successful men who were members of the riding club. Imposible. Masyadong mabusisi si Reid Alleje at ang board nito sa pagtanggap ng members.
Pero guwapo ito. Mukhang matalino ang matatalim nitong mata at matangos ang ilong. Di rin ito masalita at mukhang seryoso.
Di naman siguro kaguwapuhan ang basehan sa pagtanggap ng member sa riding club. At mukhang may authority ito kanina habang nag-uutos. Mukhang malayo ito sa pagiging rebeldeng bata.
“Have some water. Namumutla ka talaga,” sabi nito at inabot sa kanya ang bote ng mineral water subalit nasa daan pa rin ang mga mata nito.
“Thank you,” wika niya at uminom ng tubig. Saka lang siya unti-unting bumalik sa pagiging normal. Matindi ang pinagdaanan niya kanina.
“No. I should thank you. Kung di siguro kayo dumating, baka kung ano na ang nangyari kay Mr. Dalton. Hindi siya dapat lumalayo sa mga kasama niya. And you should do the same. Di kayo dapat umiikot sa riding club nang wala kayong kasamang member o lalaki. That’s asking for trouble.”
“Bakit, Sir? Aatakihin din kami sa puso?” tanong ni Grasya.
Matalim itong tiningnan ni Mr. Sungit sa rearview mirror ng sasakyan. “Baka may bumastos sa inyo. Hindi lahat ng lalaki dito mapagkakatiwalaan.”
Humagikgik si Grasya. “Okay lang po iyon, Sir.”
Siniko niya ito. “Grasya, ano ba?”
Baka mamaya ay isipin ni Mr. Sungit na aggressive sila at liberated. Na nandoon sila para maghanap ng lalaki.
“Just be careful. Mahigpit ang rules ng riding club lalo na kapag nalamang kayo ang nagsimula ng gulo. Pwede kayong ma-ban sa riding club habambuhay,” sabi ni Mr. Sungit. “Marami nang na-ban sa riding club dahil diyan.”
Si Grasya naman ang namutla sa takot. “Ano? Maba-ban agad ako sa riding club. NI hindi pa nga ako nagsisimulang magtrabaho.”
“Magtatrabaho ka pala dito,” kaswal na sabi ni Mr. Sungit.
“Opo. Kami pong dalawa ang bago sa housekeeping. Ako po si Grasya at siya naman si Florecina,” sabi ni Grasya. “Ikaw? Saan ka dito?”
“I am working with the security,” sagot ni Mr. Sungit.
“Ah! Security. Security guard ka dito,” sabi ni Grasya at tinapik-tapik ang sandalan sa harap nito. “Naku! Ganito na ba kayaman ang mga security guards ngayon? May ganito kagandang kotse. O siguro ipinahiram ito sa iyo ng amo mo.”
Itinigil nito ang sasakyan. Sumasal ang kaba niya at tumingin kay Mr. Sungit. Galit yata ito. Nainsulto ba ang pagiging security staff nito?
“Nandito na kayo sa Evita Hall. Dito ang venue ng orientation ninyo,” sabi nito sa malalim na boses.
Dali-dali siyang bumaba at hinila si Grasya. “T-Thank you, Sir. Kung pwede po sana balitaan din ninyo ako sa lalaking tinulungan namin kanina.”
“Pwede ninyong dalawin si Mr. Dalton sa medical center mamaya. I will see you two around later,” anito at pinaharurot palayo ang sasakyan.
“Ang guwapo sana niya kaso masungit, no? Anong pangalan niya?” tanong ni Grasya.
Nagkibit-balikat siya. “Di ko rin alam.” Basta ito si Mr. Sungit para sa kanya.