Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 278

Lumilipad ang isip ni Olympia habang nagdi-discuss ang instructor nila tungkol sa mga rules and regulation sa riding club. Kanina pa siya pagbalik mula sa lunch break siya di makapag-concentrate sa discussion. Mabuti na lang at electronic at digital ang mga equipment na gagamitin nila sa cleaning. Di rin niya problema ang rules and regulation sa riding club dahil may manual din sila.

Paulit-ulit niyang naiisip ang lalaking tumulong sa kanila kanina. What a pity. Ni hindi niya naitanong kung ano ang pangalan nito.

Kinalabit siya ni Grasya. “Hoy! Saan lumilipad ang isip mo? Iniisip mo siguro iyong Kanong iniligtas natin kanina, no?”

Napilitan siyang tumango. “Ah, oo. Ligtas na kaya siya? Sa palagay mo?”

“Dalawin na lang natin mamaya pagkatapos ng discussion natin. Aba! Baka binata pa si Mr. Dalton. Mukhang mayaman at mukhang may asim pa. Kung siya ang pakakasalan ko, maaga akong mabibiyuda. Yayaman tiyak ako!” bulalas nito ang itinaas ang dalawang kamay sabay tayo.

“Yes, Miss Walangpatumangga? Is there a problem?” tanong ng instructor nila at lumapit. “O baka naman kabisado mo na ang rules and regulation natin at hindi mo na kailangang makinig sa akin.”

Alanganing ngumiti si Grasya at inikot ang tingin sa iba nilang kasama sa orientation. “Sorry po, Ma’am. Sorry, classmates. Na-excite lang akong masyado sa pagpasok sa riding club. Pasensiya na.”

“You may take your seat. Kapag naulit ito, baka di kita palabasin sa kuwartong ito hangga’t di mo pa kabisado ang lahat ng nai-discuss sa araw na ito,” anang instructor nila at bumalik sa harapan.

“Ang sungit niya! Instructor lang naman siya dito. Wala siyang ipinagkaiba sa security guard kanina. Guwapo nga kaso sekyu lang.”

“At simpleng housekeeper lang naman tayo. Pare-pareho lang naman tayong mga empleyado dito.”

“Kapag nakapag-asawa ako ng mayaman, wala nang magsusungit sa akin.”

“Kahit di mayaman ang lalaki, basta mukhang responsible at maasahan kapag kailangan mo. Kahit na masungit basta kaya akong ipagtanggol.”

“Parang kilala ko ang tinutukoy mo. Iyong guwapong sekyu na masungit?”

“Hindi naman siya mukhang masyadong masungit. Seryoso lang siguro.”

“Naku! Wala siyang karapatan na sungitan tayo. Di naman siya mayaman. Kung isa siya sa mga member dito, may karapatan siyang simangutan tayo. Ito ang tandaan mo. Dapat gamitin mo ang utak mo. Kung magkakagusto ka,doon na sa guwapong mayaman na member ng riding club.”

Di na lang siya kumibo sa sermon nito. Di niya alam kung saan niya napulot ang konsepto ng gusto niyang lalaki. Di nga siya interesado sa mga ito kahit pa responsable at maaasahan. At lalong di niya kailangan ng guwapong magtatanggol sa kanya at masasandalan niya dahil kaya niyang alagaan ang sarili niya.

Maybe it was Florecina Malaybalay that was talking. Sinasapian na yata siya ng espiritu ng babaeng iyon. Nakadikit lang siya sa katawan ng isang lalaki, bigla na lang kung anu-ano ang iniisip niya at lumabas sa bibig niya.

Papasok sila sa medical center nang may sumabay sa tabi niya sa paglalakad. “Dadalawin ba ninyo si Mr. Dalton?”

Napanganga siya nang makita kung sino ang katabi niya.

“Uy, Mr. Sungit!” tawag ni Grasya dito.

Kumunot ang noo nito. “ Anong tawag mo sa akin?”

Nakagat ni Grasya ang labi. “Ay, sorry. Di ko kasi alam ang pangalan mo. Mr. Sekyu na lang kung ayaw mo ng Sungit.”

“I am Myco,” pormal na pakilala nito. “Kung pupuntahan ninyo si Mr. Dalton, nasa dulo lang siya ng hallway na ito.”

“Thank you, Sir Myco.” Maganda naman ang pangalan nito kumpara sa Mr. Sekyu o kaya Mr. Sungit. Napansin niya ang bouquet bulaklak na bitbit nito. “May dadalawin din kayo dito, Sir?”

“Yes. I am about to visit one stubborn woman.”

“Girlfriend ninyo, Sir? Buntis? May sakit?” tanong ni Grasya.

Mariing nagdikit ang labi ni Myco. “Puntahan na ninyo si Mr. Dalton. Malapit nang matapos ang visiting hours,” anito at umakyat na ng hagdan.

Sinundan lang nila ito ng tingin ni Grasya. “Ano ba iyong lalaking iyon? Di yata makaintindi ng tanong,” reklamo ni Grasya. “Tinatanong ko kung girlfriend niya ang dadalawin niya o kung buntis o may sakit. Kung anu-ano na ang isinagot.”

“Isa lang ang ibig niyang sabihin. Wala ka nang pakialam doon.”

Nanghaba ang nguso ni Grasya. “Parang others naman siya.”

“Importante ang privacy ng mga tao dito sa riding club.”

“Naku! Sekyu lang iyang si Myco dito. Hindi naman siya member kaya di niya kailangan ng privacy. Saka ayaw mo bang malaman kung girlfriend ba niya ang dadalawin niya? Kung buntis o hindi.”

“At bakit naman kailangan kong malaman?”

“Kasi crush mo siya.”

“Kung ayaw niyang sabihin, huwag nating pilitin.”

“Kaya siguro siya nagsusungit kasi nakabuntis siya. Naku! Dapat mag-ingat ka sa katulad niya. Paano kung ikaw ang kasunod na mabiktima?”

Hinila niya ang kamay nito. “Halika na nga! Kung anu-ano pa ang sinasabi mo.” Bakit naman minsan lang siya magkaka-interes sa isang lalaki, doon pa sa masungit na magiging ama na?

Dapat talaga ay mag-focus siya sa trabaho niya. Nasa Stallion Riding Club si Martin de Guia. Isa itong terorista. Doon siya dapat mag-focus at hindi kay Myco.

“THANK YOU for saving Mr. Dalton. Alam ba ninyo na importante siyang bisita natin? He is an American businessman who is willing to invest billions in our country.”

Tuwang-tuwang kinamayan sina Olympia at Grasya ni Reiche Alleje. Lalo na si Grasya na kilig na kilig sa guwapong administrator ng Stallion Riding Club habang nasa Spain pa si Reid Alleje kasama ang nagdadalang-taong asawa na si Tamara.

Nasa kuwarto ito ni Mr. Dalton nang dumalaw sila. Naroon din ang makaka-partner ni Mr. Dalton sa itatayong electronics business na si Andrei.

“Natutuwa po kaming makatulong sa kahit na sinong nangangailangan, Sir,” magalang niyang sabi. “Ginawa lang po namin kung ano ang tama. Mabuti po stable na ang kondisyon ni Mr. Dalton.”

“Kung hindi kayo dumating agad, baka hindi na siya maisasalba pa,” wika ni Andrei. “Nakatulong ang CPR na ibinigay ninyo sa kanya sabi ng medical team.”

“Mabuti at marunong ka ng first aid, Florecina,” sabi ni Reichen.

“Hindi po kasi natin alam kung sino ang mangangailangan. Turo po kasi sa akin ng P.E. teacher ko noong high school,” wika niya. Lalo siyang nahasa sa first aid nang nasa field na siya. Kahit ang panggagamot sa sarili ay itinuro sa kanila pati self-CPR. Hindi niya alam kung anong sakuna ang pwedeng dumating sa kanya at may mga panahon na walang makakatulong sa kanya kundi ang sarili niya.

“Ako po mabilis po akong tumakbo,” anang si Grasya at itinaas ang kamay. “Kaya nga po nakahingi agad ako ng tulong.” Ayaw nitong magpatalo.

“Magaling nga kayong pumili ng mga tauhan dito sa riding club, Mr. Alleje. Not only are they competent. They are also pretty.” Ngumisi si Kevin, ang nakababatang kapatid ni Andrei at malagkit siyang tinitigan. “Sa palagay ko mae-enjoy ko ang bakasyon ko dito sa Stallion Riding Club.”

Kung normal na pagkakataon, iirapan niya si Kevin. O kaya ay lalatiguhin niya ng matalim nitong dila. Pero isa lang siyang empleyado doon. Kailangan ay maging magalang siya sa mga guests. Iniwas na lang niya ang tingin dito.

“We should give them a reward,” sabi ni Kevin kay Andrei.

“Reward, Sir? Magkano po?” tanong agad ni Grasya.

“Hindi na kailangan, Sir,” maagap niyang tanggi. “Ang importante sa amin makatulong kami sa nangangailangan. Kahit po kanino gagawin namin iyon. Hindi kami naghihintay ng kapalit.”

“T-Tama po iyon, Sir,” maasim ang ngiti na sang-ayon ni Grasya at mahigpit na humawak sa braso niya. “Excuse me po, Sir. Sa labas lang kami ni Florecina.” At hinila siya nito sa labas ng kuwarto. “ Ano ka ba? Chance na natin iyon. Bakit bigla kang naging Miss Charity? Inaalok na nila tayo ng reward.”

“Ayoko na magpabayad sa tulong na ibinigay natin. Pasensiya ka na kung iyon ang sinabi ko. Kung gusto mo, kunin mo pa rin ang reward. Pati iyong para sa akin, sa iyo na rin nila ibigay.”

“Naku! Huwag na. Sabihin pa nila mukha akong pera. Pero sa susunod, hayaan mong ako ang dumiskarte kapag pinilit nila tayo sa reward.”

“Oo na. Pumasok na lang ulit tayo para makapagpaalam tayo.” Maaga pa ang pasok nila kinabukasan. First day niya sa trabaho kaya dapat siyang maghanda.

Papasok na sila sa kuwarto ni Mr. Dalton nang may narinig siyang nagsasalita ng Spanish. Bigla niyang sinundan ng tingin ang isang lalaki na naka-coat ng pandoktor habang may kausap sa cellphone. Matangkad ito at litaw na litaw ang Latin features nito. He looked a bit roguish with his long hair.

It was Doctor Martin de Guia. Sa wakas ay nakita na rin niya ito.

Hinatak ni Grasya ang kamay niya. “Oy! Halika na!”

“Mauna ka na sa loob. May titingnan lang ako sa sandali,” aniya at patakbong sinundan si Martin na paakyat na ng hagdan. Malakas na malakas ang kaba sa dibdib niya. Saan ito papunta? Dito ba ito nagtatago sa medical center ng riding club?

Palinga-linga siya habang sinusundan ito. Malakas na malakas ang kaba sa dibdib niya. Pumasok ito sa isang malaking pinto sa dulo ng hallway sa second floor na may nakalagay na RESTRICTED AREA.

Walang ibang tao doon. Maingat siyang lumapit sa pinto. Ano ang matutuklasan siya sa kabila ng pintong iyon? Anong ginagawa nito sa restricted area ng riding club? Sumusuporta ba ang riding club sa mga terorista?

Ilang hakbang na lang siya mula sa pinto nang bigla iyong bumukas at lumabas si Myco. Huli na para magtago pa siya.

“Florecina, right? What are you doing here?” nakakunot-noong tanong nito. Sa palagay niya ay normal na dito ang kumunot ang noo.

“Ano po… Sir…” Ngayon lang siya nautal sa buong buhay niya. Ano ba ang dapat niyang sabihin ngayong nahuli siyang nag-eespiya?

Kahit wala pa itong sinasabi ay parang guilty na siya. Nasaan ang dila niya?

Tumigil ito ilang pulgada sa kinatatayuan niya at saka nanunuri siyang pinagmasdan. “Inaabangan mo ba ako?”

Umiling siya. Mas matitindi pa dito ang pinagdaanan niya. Di siya dapat mawalan ng dila. Isa siyang matinding reporter. Di siya dapat mautal. “May nakita po kasi akong artista. Magpapa-autograph po sana ako.”

“Artista?” Nilingon nito ang pintong pinanggalingan. “Walang artista dito, Miss. At hindi ka makakapasok sa area na iyan kung wala kang permit. You shouldn’t be here. This area is not a park.”

“Sige po. Aalis na lang ako. Pasensiya na po. Akala ko po talaga may artista.”

“Kung may personality kang nakita dito sa riding club, hindi mo pwedeng basta-basta lapitan. Karamihan sa kanila gustong mag-relax at gusto ng privacy. You can’t just stalk them around.”

“Kahit na autograph lang?”

Inalalayan nito ang braso niya at inakay siya palayo sa lugar. “Kahit na autograph lang. Bago ka pa lang dito. Hindi maganda kung mairereklamo ka. Karamihan ng guest at members dito na sikat, ayaw nang ginugulo sila. At di rin lahat ng lugar, basta-basta mong mapupuntahan. Sayang naman dahil maganda ang simula mo. Natuwa si Andrei dahil sinagip mo ang business partner niya.”

“Nakausap ko na po siya. Sabi ng doctor ni Mr. Dalton, kailangan daw niyang magpahinga. Nagkaroon na din siya ng malay kanina. Iniwan ko nga doon si Grasya. Babalikan ko na siya.”

Humigpit ang pagkakahawak nito sa braso nito. “Sandali. Kailangan kitang makausap. This is really important.”

“Tungkol saan, Sir?”

Luminga-linga ito sa paligid. “Let’s have some coffee in my office.”

Niyayaya siya nitong magkape sa opisina nito? Para saan? Di pa man siya nakakatikim ng caffeine sa araw na iyon ay ginagapangan na siya ng nerbiyos. Nagsususpetsa ba ito dahil sa pagpunta niya sa restricted area.

Ano naman ang magagawa ng isang mababang security staff kapag pina-imbestigahan siya na naligaw lang malapit sa restricted area? May alibi naman siya. Baka naman magpapalakas lang ito sa boss nito.

At kung nagsususpetsa man ito sa kanya, tamang hinala naman ito. Hindi ito lang ang makakatuklas sa lihim niya. Her plan was foolproof. Lahat ng dokumento niya ay sementado na bago pa man siya pumasok sa riding club. Iyon ang tiniyak sa kanya ng Kuya R-Jan niya.

Kung di naghihinala si Myco, malamang ay yayayain siya nitong mag-date. Lalo siyang ninerbiyos. Ano ang gagawin niya? Tatanggi ba siya o papayag? Hindi siya nagpunta doon para makipagkape lang. Nandoon siya para magtrabaho.

Tipid siyang ngumiti. “Sure! Magpapaalam lang ako sa kasama ko.”

Ano naman ang masama kung sasama siyang magkape sa opisina nito? Kape lang naman. O kahit date pa. Di naman ito kasal. Wala itong wedding ring sa daliri. Di naman niya masusundan si Martin de Guia, sa piling muna siya ni Myco.

Pagbaba nila ng hagdan ay nakita niya si Grasya kasama si Kevin sa hallway. Nilapitan siya ni Grasya. “Saan ka ba nanggaling? Kanina pa kita hinahanap. Iti-treat daw tayo ng dinner ni Kevin.”

Inilahad ni Kevin ang palad sa kanya. “Let’s go!”

“Sorry. May importante pa kaming pag-uusapan ni Myco. Si Grasya na lang ang isama ninyo, Sir Kevin,” sabi niya.

Matalim na tiningnan muna ni Kevin si Myco at saka binawi ang palad. “We are in Rider’s Verandah in case you change your mind.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.