Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 279

“Great! You can’t find a sunset as pretty as this anywhere in the world.”

Di maialis ni Olympia ang tingin sa papalubog na araw. Sa bintana ng sasakyan ay pinagmamasdan niya ang pagsabog ng gintong liwanag ng araw sa Taal lake. Nagmistulang makinang na ginto ang lawa maging ang bawat haplusin ng liwanag. There was really something magical about the riding club.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” tanong ni Myco na nagmamaneho. “Nakaikot ka na ba sa ibang lugar sa mundo para maikumpara mo ang sunset nila dito?”

Naumid siya. Paano ba niya masasabi na halos naikot na niya ang buong mundo kung ang alam nito ay isa lamang siyang simpleng chambermaid.

“A-Ano maganda naman talaga ang paglubog ng araw dito kumpara sa ibang nakikita ko na picture sa magazine sa ibang bansa,” palusot niya.

“Iba ang nasa picture at iba ang nakikita mo sa personal. Sa palagay ko wala namang kakaiba sa sunset dito sa makikita mo sa ibang bansa.”

“Bakit? Nakapanood ka na ba ng paglubog ng araw sa ibang bansa?”

“Yes. And it is boring. Tinutulugan ko lang.”

Muntik nang tumikwas ng kilay niya. Parang mayabang kasi ang dating nito. Pero kung nakapangibang-bansa na ito, baka wala na itong oras na manood ng sunset dahil mahirap ang trabaho nito.

Kawawa naman ito kung di nito naa-appreciate ang mga simpleng bagay.

“Ano naman ang hindi boring sa iyo? Ano ang hobbies mo?” tanong niya.

“What? Are you a walking slum book or something? Baka mamaya tanungin mo na ako ng what is crush and who is your first crush.”

“Bakit? Sasagutin mo ba kapag nagtanong ako?”

“I hate being asked with silly and nonsense questions. Ayoko rin sa mga taong masyadong madaldal at mausisa. Kaya nga nasa top list ng inaayawan kong tao ang mga reporters. They are nosy, meddlesome and they think they own the whole world. Ang sarap nilang sakalin.”

Napangiwi siya. “Buti na lang hindi ako reporter.”

“Right. Kung reporter ka, kanina pa kita ihinagis sa labas. Once I find a reporter within the premises of the riding, ipapakain ko sa bulkan.”

Napahawak siya sa dibdib. “Gagawin talaga ninyo iyon?”

“Yes. Iyon ang dapat sa mga tao na pinakikialaman ang mga bagay na di naman nila dapat na pakialaman.”

“Bakit naman? Ginagawa lang naman nila ang trabaho nila.” Hindi niya mapigilang ipagtanggol ang mga katulad niyang reporter na naghahanap lang ng katotohanan. “Kung wala ang mga reporters, paano na malalaman ng mga tao ang nangyayari sa paligid nila? Trabaho nila na ipahayag ang totoo.”

“Yes. Trabaho nila na sabihin ang totoo. They should stick to it. Hindi iyong nagpipilit silang pumasok sa riding club para lang sumagap ng tsismis. Those people piss me off. Sa dami ng problema sa Pilipinas, iyon dapat ang inuuna nila.”

“Siyempre, lahat ng sikat halos nandito sa riding club. May pulitiko, taga-showbiz at pati mga businessmen. Isa sa element ng news ang prominence. Kapag sikat ka, mas mabenta ang balita tungkol sa iyo. Iyon naman ang gusto ng mga tao.”

“Prominence. Elements of news.” Naniningkit ang mata siya nitong pinagmasdan at itinigil ang sasakyan. “How come you know these stuff?”

She and her big mouth! What a smart-ass she was. Nakalimutan niya na siya si Florecina Malaybalay. Isang cleaning staff ng riding club at hindi smart mouth reporter na handang magbigay ng lecture sa Journalism 101 anumang oras.

“Sir, malayo pa po ba tayo sa opisina ninyo? Nagugutom na po kasi ako. Kailangan kong magluto pa pagbalik sa quarters namin,” sa halip ay sabi niya. Kung pwede lang sanang ikatwiran na ang pagkagutom ay lalong nakakapagpatalino sa isang tao at hindi kabaligtaran. Wala naman kasi siyang ilulusot.

Binuksan nito ang pinto. “We are here. Kung okay lang sa iyo ang bacon, lettuce and tomato croissant, meron pa sa opisina. Pero kung ayaw mo ng tinapay, magpapa-deliver na lang tayo ng gusto mo.”

“Hindi. Sabi mo magkakape lang naman tayo, di ba? Hindi mo naman sinabi na maghahapunan tayo o magtitinapay.”

Natigagal ito sa kanya pagkatapos ay napailing. Nahilo siguro sa logic niya. Good. Mabuti naman at nakabawi siya sa kapalpakan niya kanina. Ngayon ay iniisip nito na hindi na man siya ganoon kahenyo. At iisipin nito na nakatiyamba lang siya sa elements of news kanina.

Muntik nang dumugo ang utak niya sa simpleng hirit na iyon. Mahirap pala na magtanga-tangahan. Dito masusubukan kung gaano siya kagaling magpanggap at pangangatawanan ang pagiging Florecina Malaybalay niya.

“Myco, akala ko bukas ka pa papasok,” anang babaeng nagliligpit sa desk na naabutan nila sa security headquarters ng riding club.

“Marami akong naiwang trabaho.” Inilapag nito ang plastic bag sa desk. “Here’s for you, Feliz. Cream cheese na lang ang nadampot ko nang namimili ako.”

“Sa dinami-dami ng mabibili mo galing sa Madrid. Cream cheese.”

Madrid? Nanggaling ito sa Spain. Ang alam niya ay naroon din si Reid Alleje at ang asawa nito. Napakaswerte naman ni Myco. Sa dinami-dami ng security staff ng riding club, ito pa ang ipinadala sa Spain.

“Oo nga pala. Pwede ko na bang dalawin si Sofiajade?” tanong ni Feliz.

Marahang umiling si Myco. “No. We have to wait for a week or so. We have to wait for the doctor’s signal.”

Ngumiti sa kanya si Feliz at pagkatapos ay ibinalik ang tingin kay Myco. “Don’t push yourself too much. Marami namang staff dito na pwedeng gumawa ng trabaho. Hindi pwedeng ikaw nang ikaw.”

“Thanks for the coffee and the croissant. Ako na ang bahala dito.” Binuksan nito ang kuwarto ng security head ng riding club. “Take a seat. Iiinit ko lang ang croissant. Have some coffee first.”

Di siya umupo. “Hindi ba magagalit ang boss mo kung nandito tayo?”

“Anong masama? Opisina ko naman ito.”

“Opisina ito ng head ng security. Paano mo ito magiging opisina?” Tiningnan niya ang brass plate na nakapatong sa mesa. “O! Myco Gosiaco. Di por que Myco ka rin, aangkinin mo na ang opisina ng boss mo.”

Natigilan ito sa pagsasalin ng kape sa tasa. “Sino ba dapat si Myco Gosiaco?”

Luminga-linga siya sa opisina. Nakita niya ang picture ng isang lalaki na sa palagay niya ay nasa fifties na kasama ni Myco. Itinuro niya ang picture. “Siya!”

“He is Michael Gosiaco, my father. Malayo naman ang Myco sa Michael, di ba?”

“Ikaw ang security head ng riding club?” paniniyak niya. “Ilang taon ka na ba?” Baka naman baby face lang ito at ang totoong edad nito ay nasa forties na.

“Twenty-seven,” sagot nito at inilapag ang tasa ng kape sa harap niya.

“Bakit ikaw ang kinuhang security head? Sobrang bata mo pa!”

Sa higpit ng pamamalakad sa riding club, paanong ilalagay sa kamay ng isang batang tulad nito ang seguridad ng lugar.

Narinig niya ang pag-ping ng microwave oven. “The croissant is ready. Ang alam ko ako ang mag-I-interview dito. Not the other way around.”

Marahan siyang napaupo. “Interview?”

“Yes. Nasa Madrid ako kaya hindi kita na–interview bago ka I-hire.” Inilabas nito ang folder. “Florecina Malaybalay, twenty-six and single. Bakit pinili mong magtrabaho dito sa Stallion Riding Club?”

PINAGPAWISAN ng malapot si Olympia kahit na malakas ang aircon. Hindi ordinaryong lalaki ang kaharap niya. She was in front of the security head of Stallion Riding Club for inquisition. Nanunuot ang titig nito. Hinihintay na magkamali siya. Dapat siyang maging maingat sa lalaking ito. Sanay siyang nagtatanong. Hindi siya sanay ng tinatanong.

“Gusto ba ninyo iyong totoo o iyong nakasulat sa papel na iyan?”

“Hindi ba totoo ang nakasulat sa profile mo?” tanong ni Myco at sumandal sa swivel chair. Parang Spanish Inquisitor ito noong unang panahon.

“Sabi diyan gusto kong tumulong sa pamilya ko at paunlarin ang sarili ko kaya ako nandito. Pero alam naman natin na lahat halos ng babae nagpunta dito dahil idol si Cinderella. Gusto makapag-asawa ng guwapong prinsipe.”

“At nandito ka rin para humanap ng prinsipe mo?”

“Ipokrita po ako kapag sinabi kong hindi, di ba?”

“Great! Sa dinami-dami ng na-interview, ikaw lang ang sumagot niyan. You are too frank for a lowly housekeeper. Ang comment sa iyo ng interviewee mo, humble ka daw. At may boyfriend ka na rin sa labas ng riding club. Magpapakasal na kayo oras na makaipon ka. Ayaw ka pa nga niyang payagang pumasok dito.”

Patay! Saan nanggaling iyon? Bakit wala iyon sa profile na ibinigay sa kanya? She thought Florecina Malaybalay was a bogus. May totoong Florecine Malaybalay?

“O baka naman nag-break kayo dahil mas pinili mo ang ambisyon mo?” dagdag na tanong nito.

Napakapalad ng tunay na Florecina. May nobyo na pala ito bago pumasok ng riding club. Di tulad niya na minsan lang magkaka-crush, heto at iginigisa pa siya.

“Sir, ayoko na po sanang alalahanin.” Yumuko siya at nag-anyong malungkot. “Masyadong masakit. Ipinagpalit niya ako sa ibang babae. Hindi niya ako nahintay.” Nang iangat niya ang ulo ay wala nang lungkot sa mga mata niya. “Sabihin nga ninyo, Sir! Karapatan ko din naman na maging masaya, di ba? Nandito na rin ako sa riding club para makalimot. Mas gaganda ang buhay ko dito kaysa sa lalaking iyon.”

“I think you are an intelligent woman. Kung titingnan ko ang sagot mo sa interview mo, you gave me an impression that you are fragile. I guess I am wrong. Magaling ang ginawa mong pagtulong kay Mr. Dalton.”

“Natakot nga po ako kanina na baka di ko siya nasagip.” At natatakot siya anumang oras ay may masabi siya at lalo itong maghinalang peke siya.

“Nagtataka lang ako kung bakit hindi kasama sa skills mo ang knowledge mo sa first aid.”

“Hindi ko naman alam na pwede po palang ilagay.”

“Oo. Marunong ka ngang magluto ng buko palaypay at unday-unday. Ipagluto mo nga ako minsan.”

Saang planeta galing ang mga pagkaing iyon? Sa dinami-dami ng talento ni Florecina, bakit pagluluto pa ng pagkaing di niya alam.

Ngiti lang ang isinagot niya. “May tanong pa po kayo, Sir?” Sana ay matapos na ang katatanong nito bago pa siya mamatay sa tensiyon.

“That’s all for now. Gusto ko lang makilalang mabuti ang bawat pumapasok dito sa riding club lalo na ang mga tauhan. It is a part of my job.”

“Naiintindihan ko naman po, Sir.”

Tumayo ito at inilahad ang palad sa kanya. “Matutuwa si Sir Reid oras na malaman niya ang ginawa mo kanina. It is comforting to know that we have an employee like you who is willing to do more than her share in the riding club.”

“Y-Yes, Sir.” Nanginginig ang kamay niya nang gagagpin ang kamay nito. Sa wakas ay tapos na rin ang interview niya.

“Pinagpapawisan ang kamay mo. Pasmado ka?”

Binawi niya ang kamay dito at itinago sa likuran. “Medyo po.”

Sino ba naman ang di mapapasma sa interrogation na ginawa nito? She thought her cover up was foolproof. Madami palang loopholes ang plano.

“Ipagdagus mo ang marhay na gibo mo.”

Napanganga siya. “Ano po, Sir?”

“I said keep up the good work. Bicolano ang ginamit ko. Taga-Bicol ka, di ba?”

Di rin siya marunong ng Bicolano. Akala niya ay handa na siya sa pagpasok ng riding club. Pero daig pa niya ang sumugod sa giyera na ang dala lang ay patpat.

“Ah! Ibang dialect po kasi iyong sa inyo. Marami pong dialect sa Bicol. Iba’t iba ang salita kada bayan. Minsan, iba-iba rin kada baranggay. Hehe!”

“Right.” Tumayo ito. “Ihahatid na kita sa quarters mo.”

“Hindi na po, Sir Myco. Malapit lang naman ang quarters ko.”

“Makabawi man lang ako. Hindi natuloy ang dinner mo kasama si Kevin dahil sa interview na ito. Tapos di mo pa kinain ang croissant.”

“Nasanay lang po ako na magkanin kapag gabi na.” Di na siya nakakain sa sobrang tensiyon kanina. Nakakapraning kasi itong kausap. Parang kayang-kaya siya nitong hulihin sa mga tanong nito anumang oras. Dapat maging maingat. Focus!

“Kung ayaw mo ng croissant, magpapa-deliver na lang ako ng dinner para sa iyo. Hindi mo na kailangang magluto.” Nag-dial ito sa cellphone. “Anong gusto mo?”

“Kayo na ang bahala, Sir. Thank you.” Dapat ay isang kaaway ang itrato niya kay Myco. Pero paano niya ito tatratuhing kaaway kung inaalala siya nito. Lalo tuloy itong nagiging guwapo. Akala niya ay basta lang itong masungit. Ang swerte naman ng girlfriend nito. Parang isa siyang eroplano na tinira ng scud missile at bumulusok pababa. “Sir, kumusta na ang girlfriend mo?” tanong niya paglabas nila ng security headquarters.

“Girlfriend? Sinong girlfriend?”

“Iyong dinalaw ninyo sa ospital.” Habang inaambisyon niya ito, di niya naisip na may nobya ito na naghihintay at naghihirap sa ospital.

“That stubborn woman is not my girlfriend. She’s my sister. And she’s doing great, I guess. Bukas-makalawa, baka kung anu-ano na namang kapalpakan ang gawin niya. Women! Why do I have to endure a life like this?”

“Ano ba ang problema sa mga babaeng tulad namin, Sir?”

“Crazy when in love. Then you will drive us men crazy. How I wish that I don’t have to deal with women in my life again.”

“Paano kayo magkaka-girlfriend kung ganoon, Sir?” tanong niya.

“I don’t need one. Thank you.”

“Paano kung ma-in love kayo?”

Tumigil ito sa paglalakad at pinagmasdan siya. “Why? Are you interested with me? Hindi mo naman siguro isasama sa prospect na prinsipe mo dito.”

Pinagsugpong niya ang daliri sa likuran niya. “Wala, Sir. Naitanong ko lang. Malinaw na sa akin na hindi kayo interesado sa tulad ko.”

“Kung ganoon, magkakasundo tayong dalawa.”

No. Di ata sila magkakasundo. Wala nga itong girlfriend pero ayaw naman nitong magka-girlfriend. Isa pang gold digger ang tingin nito sa kanya. Higit sa lahat, mortal na kaaway nito ang reporter na katulad niya. Malas naman niya.

Nang dumating sila sa quarters niya ay may nakaabang na delivery boy sa labas. “Miss Florecina Malaybalay?”

“Ako po iyon. Para po sa akin iyan?” Isang bouquet ng bulaklak ang bitbit nito at isang malaking kahon. Pinirmahan agad niya ang delivery receipt. Galing ang package sa Kuya R- Jan niya. Laman niyon ang iba’t ibang klase ng gadgets na pinadaan lang nito sa pamamagitan ng koneksiyon nito sa riding club.

Sa pagpasok niya sa riding club, tsine-check kung anu-anong gamit ang dala niya sa pamamagitan ng high-tech X-ray machine na ginagamit din sa Customs. Kung may dala siyang hi-tech na gadget gaya ng laptop computer, tiyak na kwestiyonable na agad ang pagkatao niya.

“Mukhang may admirer ka agad dito sa riding club. Just beware. Paraiso siguro ang riding club pero di lahat ng nandito prinsipe. Di ito fairytale land,” anito sa mababang boses at naglakad palayo.

Tama naman ito. Hindi iyon ang lugar para mangarap siya. Hindi siya si Florecina Malaybalay. She was Olympia Montez. She was out to save the world.

At kailangan niyang mag-ingat kay Myco Gosiaco. He was the man she couldn’t afford to mess up with or fall in love with. Those two would be her downfall.

“NAKITA ko na si Martin de Guia sa medical center ng riding club kanina. Di ko rin siya basta-basta nakikitang gumagala dito sa riding club. Pero hindi ako pwedeng basta-basta magtanong. It is too risky,” balita ni Olympia kay R-Jan nang kausap ito sa cellphone. Kaharap niya ang laptop na padala nito na may kasamang mobile internet connection.

“Remember that he is an alleged terrorist. Confirmed nang nandiyan siya sa riding club. Maingat din ang source natin sa pagbibigay ng impormasyon. Baka pati siya mapahamak kapag nalaman ang ginagawa natin.”

“I know. Pero hindi ko maguguwardiyahan ang lahat ng kilos niya.”

“Iilang tao lang ang malapit sa kanya. The Gosiacos. Security agency nila ang kinuha ng mga Alleje para sa security ng riding club. And Myco Gosiaco is the head of the riding club’s security. Kung makakalapit ka sa kanya, mas mabuti.”

Makikipaglapit siya kay Myco? Alam ba ng Kuya R-Jan niya ang hinihingi nito? Matalino si Myco. Hindi magtatagal, malalaman nito ang identity niya.

“Kuya, nagkausap na kami kanina. Muntik na niya akong mahuli. Hindi mo sinabi sa akin na totoong tao si Florecina Malaybalay. Na nagkaroon siya ng sarili niyang interview sa riding club. I thought she is fictional.”

“We don’t have time to create one. Dapat papasok na siya sa riding club pero nagtanan sila ng boyfriend niya. At hindi na mahirap na palitan ng picture mo ang pictures niya.”

“Pati sa ibang mga requirements?”

“Look! Your cover up is perfect. At ito na ang huling pagkakataon na kukuwestiyunin ka nila. And don’t worry about Florecina. Di siya nakatapak ng riding club. Walang nakakakilala sa kanya.”

Sa Manila ginanap ang initial interview kay Florecina. Isa sa mga koneksiyon ng kapatid niya ang nag-interview dito. Tiyak na may mga tao din na nagpasok ng altered documents niya. Para ma-proseso ang pagpasok niya sa riding club bilang bagong Florecina ay di madaling trabaho.

“I am just practically blind here. Nangangapa pa rin ako hanggang ngayon.”

“Isipin mo na lang na ginagawa mo ito para sagipin ang maraming tao. What if they are harboring a terrorist? Isipin mo ang masasagip mo. Pati ang tulong mo sa akin.”

“I know, Kuya. But give me all the information I need. Including information on Myco Gosiaco.” Di rin niya ito dapat na pagkatiwalaan. Kung sadyang itinatago nito doon si Martin de Guia, kalaban na rin ito ng lahat. Kalaban na rin niya ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.