Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 280

“Magkwento ka naman, Florecina. Ano ba ang nangyari sa date ninyo ng sekyu na si Myco? Masyado ka namang malihim,” ungot ni Grasya habang papunta sila sa susunod na villa na lilinisin nila.

Unang araw pa lang niya sa trabaho pero napapasabak na siya. Bawat nililinisan nila ay napaka-specific. Iyong iba ay gusto na huwag gumamit ng modern equipment sa paglilinis. Gusto ay puro pakamay at tradisyunal na paraan lang. May mga villa kasi sa riding club na classical ang style ng mga bahay at puro antique ang mga gamit. Nananakit tuloy ang katawan niya.

“Grasya, hindi siya security guard dito. Siya ang security head ng buong riding club. Saka hindi iyon date. May mga itinanong lang siya sa akin.”

“Ay! Sayang naman. Sana pala sa amin ka na lang ni Kevin sumama. Medyo mahangin nga lang siya at di member ng riding club pero wala na siyang bukambibig kundi ikaw. Mayaman naman siya. Kung ako sa iyo, sa kanya na lang ako. Niyayaya pa nga niya tayong mag-miryenda mamaya. Sumama ka, ha?”

“Saka na natin ito pag-usapan. Magtrabaho na lang tayo.” Kinalabit niya ang driver ng golf cart. “Kuya, malayo pa ba kami?”

May sariling service ang mga taga-housekeeping na naghahatid sa kanila sa mga lilinisan nila. Madami kasi silang gamit sa paglilinis.

“Unit 416. Dito na kayo,” anang driver nila.

She swiped the access card. Bumukas ang steel gate ng villa. Computerized ang bawat amenities at villa sa riding club. Di sila basta-basta makakapasok ang isang tao nang walang access card sa isang facility. Kung ano lang ang naka-encode sa access card nila, iyon lang ang pwede nilang pasukin.

“Welcome! Mabuhay!” bati sa kanila ng isang boses. Isang papel ang lumabas matapos niyang tanggalin ang access card. Naroon ang mga instruction sa lilinisin nila at kung anong paraan lilinisin ang bawat parte ng bahay. Very specific.

“Sabi nila high-tech dito. Di ko alam ganito ka-high-tech,” sabi niya.

“Dapat masanay ka na at huwag painosente. Magiging mayaman din tayo.”

Nang pumasok siya sa mismong bahay ay saka niya natuklasan na puro iyon salamin sa paligid pero puro one-way mirror. Di makikita ng nasa labas kung ano ang nangyayari sa loob. Kulay puti ang malalaking tiles sa sahig. Postmodern ang style ng mga furniture at ng interior design. It was like a posh bachelor pad, only bigger. Subalit di siya dapat magpalinlang. Alam niyang maraming nakasunod na security camera sa kanila.

Tumigil siya nang makita ang chessboard na may crystal pieces sa ibabaw ng wooden table sa sala. May ilang piyesa nang wala sa board. At mukhang tumigil ang mga naglaro dahil mahirap umisip ng susunod na galaw. O baka nag-iisip pa ng susunod na galaw. Kahit siya ay nahirapan kung ano ang susunod na galaw.

Kinalabit siya ni Grasya. “Oy! Hindi ba si Myco mo iyon.” sabi ni Grasya at itinuro ang lalaki na nasa digital photo frame. “Bahay niya ito? Uy, bahay ninyo!”

Nag-flash sa digital frame ang close up pero stolen shot nito. Parang bagong gising lang ito dahil magulo ang buhok at matalim ang itim na mata. Mukhang masama pa ang gising. Nakakatakot ito pero kapag tinitigan, cute na ito. Pero ipinaalala din nito na wala siya doon para pagpantasyahan ito.

“Huwag kang maingay. Baka may nakarinig sa iyo,” saway niya.

Itinaas nito ang dalawang kamay. “Hello! Walang tao dito. Sino naman ang makakarinig sa akin? Wala! Wala! Atin itong bahay!” Ihinagis nito ang electronic duster at naka-de kuwartrong umupo sa couch. “Tayo ang reyna.”

Biglang bumukas ang pinto ng isa sa mga kuwarto at lumabas si Doctor Martin de Guia. Biglang tumayo si Grasya. “Good morning, Sir!”

“Good morning.” He gave them a curt nod. “Sana huwag kayong maingay habang naglilinis. Nasa kabilang kuwarto lang si Myco. I don’t think he would appreciate the noise. He is a sleeping dragon. You don’t want to turn into ashes.”

“Yes, Sir,” sagot niya at sinalubong ang tingin nito. Nakita na niya si Reid Alleje sa isang party ng Papa niya pero di niya ito nakausap. Nakita na rin niya si Reichen Alleje. They share the same Latin features. May pagkakahawig ang tatlo lalo na sa mga mata ni Martin de Guia. Ito nga ba si Reiven Alleje?

Tumango lang ito at tumalikod na. Parang hibang naman si Grasya at sinundan pa ito. “Ang bango niya. Nakakabaliw ang kaguwapuhan niya. Sino ba siya?”

Di niya pinansin ang tanong nito at pumasok agad sa kuwarto na nilabasan ni Martin. May king size bed sa gitna ng silid. Everything was organized. Ni wala na siyang aayusin sa kuwartong iyon. May coat ng doctor na nakasampay sa sandalan ng upuan. It must be the guestroom.

She felt a rush of adrenaline. Ito ang magandang pagkakataon para makakuha siya ng pruweba kung isa nga itong terorista. Walang kahina-hinala dahil wala naman halos laman ang kuwarto.

Pinigilan niyang mabuti ang kamay para buklatin ang mga folder na nasa tabi ng laptop nito. Mahihirapan din siyang mabuksan ang laptop dahil kailangan iyon ng fingerprint ng may-ari. Dapat niyang tandaan na may mga security camera na nakasunod sa kanya.

“Patience. Patience,” bulong niya sa sarili at huminga ng malalim. Idinaan na lang niya sa pagpupunas ang frustration niya dahil wala siyang masyadong lilinisin.

Pumasok si Grasya sa guestroom. “Anong ginagawa mo dito?”

“Naglilinis.”

“Ano ka ba? Nasa kabilang kuwarto lang si Myco mo.” Hinila nito ang kamay niya. “Tingnan mo siya dali.”

Nagpatianod siya dito at kinaladkad siya sa kuwarto ni Myco. Himbing na himbing ito habang nakabalot ng comforter. Alas onse na ng umaga ay tulog pa rin ito. Mukhang napagod ito sa pagbabantay sa riding club. Di biro na panatilihin ang seguridad ng lugar. Malaki ang responsibilidad nito.

Habang natutulog ito, mukha itong isang batang inosente. Malayo ito sa supladong Myco na kinatatakutan sa riding club. Masarap haplusin ang mukha nito. Kung magkakaroon kaya siya ng anak na kahawig nito, siguro ay masarap ding pagmasdan habang natutulog.

A small Myco Gosiaco. Her own little Myco. She liked that.

“Psst! Tingnan mo ‘to,” anang si Grasya at humagikgik nang pulutin ang underwear na nakakalat sa carpeted na sahig. May iba pang damit na nakakalat doon ngunit ang nakapukaw ng atensiyon niya ay ang underwear na hawak ni Grasya.

Nanlaki ang mata niya at nilingon agad ang natutulog na si Myco. Ibig sabihin ay wala itong suot na kahit ano sa ilalim ng comforter. Nanginig ang tuhod niya at parang sasabog ang utak niya. Ano kaya ang itsura ni Myco sa ilalim ng comforter?

“Alam ko ang iniisip mo. Gusto mong makita kung ano ang itsura niya sa ilalim ng kumot. Bakit hindi mo silipin para malaman mo?” nandedemonyong sabi ni Grasya at humagikgik ulit.

“Hindi ko alam ang sinasabi mo. Bitiwan mo nga iyan!” utos niya.

“Ayoko nga!” Iwinasiwas pa nito ang underwear. “Kunin mo muna sa akin.”

“Ha?” Nakuyom niya ang palad at napalunok. Kapag hinawakan niya ang underwear ni Myco, parang hinawakan na rin niya ang maselang parte ng katawan nito. Tinalikuran niya ito. “Bahala ka nga diyan kapag nagising si Sir Myco.”

Nanghahaba ang nguso niya habang nagva-vacuum ng carpet. Pwede bang mag-quit na lang siya sa project na iyon? Napakadaming temptation. Mas gusto pa niyang ipadala sa gitna ng isang military insurgency laban sa mga rebelde o terorista kaysa naman may isang Myco Gosiaco na humaharang sa plano niya.

“Huwag ka nang magtampo. Hindi ko naman gusto na pagkatuwaan ang Myco mo,” sabi ni Grasya.

“Pwede ba magtrabaho na lang tayo? Unang araw pa lang natin dito. Hindi tayo dapat naglalaro.”

“Oo na. Sorry na nga, eh!” May isinuksok ito sa bulsa nya. “Para sa iyo.”

Nahindik siya nang makitang underwear iyon ni Myco. “Grasya, ano ba?”

“Sa iyo na iyan para remembrance.”

REMEMBRANCE? Baka mapagkamalan pa siyang pervert. Kahit kailan ay di niya pinangarap na magtago ng underwear ng isang lalaki. Ano naman ang gagawin niya sa underwear? Pwede bang si Myco na lang ang remembrance niya?

“Ibabalik ko ito at ipagdasal mo na di ako mabuko,” aniya at naglakad papunta sa kuwarto ni Myco. Nakakailang hakbang pa lang siya nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto ni Myco at lumabas ito.

Nakasuot ito ng white toweling robe. Mabilis niyang ibinaba ang tingin subalit nahagip niyon ang matipuno at makinis nitong dibdib. He was well-toned. Tiyak na ganoon pa ang ibang parte ng katawan nito a tulad ng braso, binti, at…

“Good morning, Sir!” bati niya at mabilis na binalikan ang vacuum cleaner. Kung pwede lang ay magpasinghot na rin siya sa vacuum cleaner.

Pervert na siya. Kahit anong gawin niyang linis sa isip niya, puno na ang imahinasyon niya kung ano ang itsura ni Myco kapag walang damit. At kung kanina ay gusto lang niyang haplusin ang pisngi nito habang natutulog, gusto naman niyang sambahin ang katawan nito. Patawarin nawa siya ng langit.

Hindi pa siya nagnasa nang ganoon sa isang lalaki. Ngayon pa lang. Si Myco Gosiaco lang ang nakaapekto sa kanya nang ganito.

“Anong ginawa mo?”

Nanginig siya sa takot nang sumabog ang galit na boses ni Myco sa buong kabahayan. Siya ba ang tinutukoy nito? Nalaman na ba nitong pumasok sila sa kuwarto nito? Na pinagnasaan niya ito at kasalukuyang nasa bulsa niya ang underwear nito? Matutunaw na siya sa kahihiyan kapag nagkataon. Paalam, Earth!

Lalong nagtayuan ang balahibo niya nang tumayo ito sa likuran niya. “Sino ang gumulo sa chess pieces dito?”

“Chess pieces?” tanong niya at tiningala ito.

Nilagpasan siya nito at nakakunot ang noong inangat ang crystal pawn sa chessboard. “Sino ang gumulo dito?”

“Sir, inayos ko iyan,” depensa ni Grasya. “Aba! Magulo iyan kanina. Laro kayo nang laro pero di naman ninyo inaayos pagkatapos.”

“Ibalik mo iyan sa dati!” utos ni Myco.

“Anong ibabalik ko sa dati? Hindi ko na iyon matatandaan pa, Sir,” anang si Grasya. “Maglaro na lang kayo ulit.”

Tumalim lalo ang tingin ni Myco. “Ibalik mo sa dati. My Do Not Touch Sign sa table. Simpleng instruction hindi masunod. Kailangan tapos na iyan pagkatapos kong mag-shower. Or else…” At naglakad ito pabalik sa kuwarto.

“Eh, hindi ko na nga matandaan. Baka kayo natatandaan ninyo, Sir. Kayo na lang ang magbalik. Pahihirapan pa ninyo ako,” sagot ni Grasya.

Tumigil sa paglalakad si Myco at nilingon ito. “Hindi ako ang di sumusunod sa instruction dito, Miss. Kung ganyan ka sa lahat ng pagsisilbihan mo, wala kang lugar dito sa riding club.” Pumasok ito sa kuwarto at pabalabag na isinara ang pinto.

“Ang yabang mo! Pinuno ka lang ng sekyu dito!” sigaw ni Grasya.

Umiling siya. “Grasya, mag-sorry ka paglabas niya. Hindi lang siya basta pinuno ng mga security guards. He is Myco Gosiaco. May-ari sila ng isang malaking security company. Kahit sa ibang bansa kinukuha ang serbisyo nila. Kaya ka niyang paalisin dito sa riding club kung gusto niya.”

“Kaya niya iyon?” Bigla itong humagulgol ng iyak. “Florecina, paano na ang pangarap kong mag-asawa ng mayamang lalaki? Ayokong mapaalis dito.”

“Sige na. Ako na ang gagawa ng paraan.”

“Kapag hindi mo nagawa iyan, ibig sabihin dalawa tayong maalis dito.”

“Basta maglinis ka diyan. Sinabi kong gagawa ako ng paraan kaya matatapos ko ito. Maibabalik ko ang mga piyesa sa dati.”

“Good morning,” bati ni Zairo, isa sa member ng riding club. “Gising na ba ang pinsan kong nagmana ng kaguwapuhan sa akin?”

“Naliligo, Sir. Sana di na siya lumabas sa shower,” humihikbing sabi ni Grasya.

“Bakit ka umiiyak? Anong ginawa ni Myco sa iyo?” tano ni Zairo.

Naging palahaw ang hikbi ni Grasya. “Paaalisin daw po niya ako kapag di namin naibalik ang mga piyesa sa chess kanina bago ko galawin. Ang hirap kaya! Dahil lang sa chess na iyan, sisirain niya ang buhay ko. Ang babaw niya!”

Pumalatak si Zairo. “Magagalit talaga siya kung ginalaw mo iyan. Sa chess game na iyan nakasalalay ang kinabukasan niya. Kapag di niya natalo si Sofiajade sa game na iyan, mapipilitan siyang mag-asawa at magkaanak kung gusto niyang manahin ang security company ng pamilya niya.”

Kung ganoon ay gusto ng magulang ni Myco na mag-asawa ito. Pareho lang pala sila ng kapalaran. Kapag pumalpak siyang tulungan ang kapatid niya, obligado siyang magpakasal. Sa kahit sino na lang sigurong lalaki na magugustuhan ng tatay niya. Kaya ipaglalaban niya ang mga pangarap niya gaya ni Myco.

“Di bale. Maibabalik ko ito sa dati. Naalala ko pa naman kung saan naka-pwesto ang mga piyesa. Maglinis ka diyan, okay?” nakangiti niyang sabi kay Grasya. Tumango ito at ipinagpatuloy ang paglilinis.

Ilang beses niyang binalikan sa alaala ang pwesto ng mga piyesa. Sigurado siya na natatandaan pang lahat iyon ni Myco kaya di siya pwedeng magkamali.

Nakapag-shower at nakabihis na si Myco nang lumabas. Nakapantalon ito at black shirt. Disente na ito pero malakas pa rin ang kaba sa dibdib niya. Magkasamang takot at kilig. Astig kasi ito kahit na simple lang ang suot. Que may suot o halos walang suot.

“What? Nagkaka-problema pa rin ba sila sa lover’s quarrel ng mag-asawa? Di ba nila pwedeng ayusin nang sila lang? Di naman ako baranggay kagawad na pwedeng takbuhan pati ng mga mag-asawang nag-aaway,” angal nito.

Kaya siguro mainit ang ulo nito dahil bigla itong ginising para lang ayusin ang simpleng gulo sa riding club.

“Matagal nang member si Roby. Nasa difficult stage sila ngayong mag-asawa. Parte iyan ng trabaho mo. Alalahanin mo na hindi hawak ni Reichen ang pag-aayos ng ganitong gulo. Ikaw lang ang maasahan dito,” paliwanag ni Zairo.

Tumayo siya nang sa wakas ay mailagay na ang lahat sa ayos. “Sir Myco, tapos na po ako. Naibalik ko na ang lahat ng piyesa sa dati. Tingnan na lang ninyo kung may mali. Basta dalawang black pawn na ang nakain at isang white horse at white pawn.”

Tinitigan ni Myco ang chessboard at tumango. “Tama lahat.”

“Mukhang mahirap ang laban ninyo, Sir. Iyong nasa white, pwedeng kainin ng bishop ang black tower. O kaya iyong black, gamitin ang queen niya para I-paralyze ang movement ng bishop na magiging threat sa king niya.”

“Magaling ka pala sa chess, Florecina,” papuri ni Zairo. “Okay na pala lahat. Pwede na siguro tayong umalis, Myco.”

“Hindi pa.” Humalukipkip ito. “Ilabas ninyo ang underwear ko.”

“Underwear?” Tumawa si Zairo. “Bakit sa kanila mo hinahanap?”

“Nawawala ang underwear ko. Kung sinuman ang nagtatago, ilabas na. O baka gusto ninyong ilabas ko pa ang surveillance tape para magkaalam tayo,” banta nito.

“Tapos mapapanood pa iyon ng ibang taga-riding club,” dagdag ni Zairo. “Ano na lang ang sasabihin ng mga tao? Eskandalo ito.”

Eskandalo talaga. At ang masaklap, baka palayasin siya sa riding club. Todo-todong kahihiyan iyon. Itatakwil siya ng pamilya niya oras na makaabot sa mga ito.

“Florecina, ilabas mo na. Hinahanap na ni Sir. Sabi ko naman sa iyo huwag mong kunin, eh,” sabi ni Grasya sa kanya.

Marahas niya itong nilingon. “Ano? Ikaw nga itong…”

Nilapitan siya ni Myco at inilahad ang palad. “Florecina…”

Kagat niya ang labi nang ilabas ang underwear nito sa bulsa ng palda niya. Di rin siya makatingin nang diretso dito. “Sorry po, Sir.”

Ano kaya ang iniisip nito? Na abot-langit ang pagnanasa niya dito? Or she was simply a maniac. Ang masama ay pagbintangan pa siyang magnanakaw.

“Hindi na sana ito mauulit, Miss Malaybalay. Or else…”

Inakbayan ni Zairo si Myco. “Pakakasalan mo siya.”

“I do! I do!” sagot naman ni Grasya. “Mabuhay ang bagong kasal.” Matalim itong tiningnan ni Myco. “Itigil pala ang kasal, Sir.”

“This is not funny at all,” usal ni Myco at naglakad palayo.

Nanlalambot siyang umupo sa couch. Akala niya ay tuluyan nang bubuka ang lupa para lamunin siya sa kahihiyan niya. Pero hindi. Buhay pa siya at humihinga. At habambuhay na niyag dadalhin ang kahihiyang iyon.

“Grasya, itapat mo sa akin ang vacuum cleaner. Ipahigop mo ako.”

“Naku! Di ka kaya niyan. Mahal pa babayaran ko kapag nasira.”

“Pwes, ikaw na lang ang magpahigop sa vacuum cleaner. Pahamak ka!”

Paano pa ang pag-ibig niya? Wala na siyang ihaharap na mukha sa kay Myco!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.