Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 281

Sirang-sira na ang mood ni Olympia buong maghapon. Paranoid siya sa bawat taong nakikita niya o tumitingin sa kanya. Parang may alam ang mga ito sa nangyari sa unit ni Myco kahit na wala naman.

“Florecina, huwag ka nang magalit sa akin. Katuwaan lang naman ang nangyari kanina, eh. Kumain na tayo.”

Habol-habol siya ni Grasya sa wooden pathwalk sa lakeside. Sa Lakeside Mansions ang naka-schedule nilang linisin. Di na siya nag-break dahil gusto niyang tapusin na lang ang trabaho niya.

“Kumain ka na. Wala ako sa mood.”

“Girls, kumain na ba kayo?” tanong ni Kevin na paakyat mula sa parking lot sa tabi ng Lakeside Café and Restaurant. “Kain tayo. My treat.”

“Si Grasya na lang ang isama ninyo, Sir. May trabaho pa ako,” aniya at nagpatuloy sa paglakad. Ayaw niya ng isang pang sakit ng ulo. Wala namang ginagawang masama sa kanya si Kevin pero naiirita na siya sa kakulitan nito. Ang gusto na lang niya ay matapos ang trabaho niya, magkulong sa kuwarto niya at basahin ang research niya tungkol sa mga importanteng tao na malapit kay Martin.

Hinarangan ni Kevin ang dadaanan niya. “Sandali. Iniiwasan mo ba ako? Bakit lagi mo na lang tinatanggihan ang imbitasyon ko?”

“Sir, pasensiya na po pero may trabaho ako.”

“Bakit si Myco Gosiaco di mo tinanggihan? Ano ba ang ipinagkaiba naming dalawa? Hamak mas guwapo naman ako doon.”

Tumaas ang kilay niya. Guwapo naman si Kevin. Kaguwapuhan na mabilis mapansin pero naglalaho rin kapag matagal nang tinitigan. He was just a pretty face. May kayabangan pa itong taglay. Parang di ito sanay na tinatanggihan ng babae.

“Sir Kevin, kasi di naman kayo member ng riding club,” sabi ni Grasya. “Aba! Mataas ang pangarap ng kaibigan ko. Gusto niyang maging boyfriend iyong di lang guwapo at mayaman. Dapat member din ng riding club.”

“Bakit? Kailangan ko pa bang maging member dito?” angal ni Kevin. “Insecure nga sa akin ang mga lalaki dito sa riding club kaya di nila inaprubahan ang membership ko. Ang importante mayaman ako.”

Di ito tinanggap na member sa riding club dahil wala itong sariling trabaho o kompanya. He was just a bum. Dependent sa pamilya nito. At puro mga successful lang sa kani-kaniyang field ang tinatanggap sa riding club.

“Iba na lang ang yayain ninyong mag-date, Sir. I am sure maraming babae ang sasama sa inyo na mag-date,” sabi niya.

“Excuse me,” anang malalim na boses sa likuran niya. Nakaharang pala siya sa daan.

“Sorry,” usal niya. Paglingon niya ay naroon si Myco. Kasama nito si Danrick Tezzoro at ang chopper pilot ng riding club na si Mark Ashley. “Sir Myco!”

“Ito ba ang ipinagmamalaki mo?” Ngumisi si Kevin at hinaklit siya sa braso. “Wala naman itong binatbat sa akin. Ipapakita ko sa iyo kung paano ko siya ilalampaso. At di na siya makakatingin sa iyo sa sobrang kahihiyan.”

“Sir Kevin, tama na. Nakakahiya ang ginagawa mo. Kung gusto mong mag-date tayo, okay lang. Huwag ka lang manggulo ng ibang tao,” wika niya.

Baka akala ni Myco ay kung anu-ano ang sinasabi niya kay Kevin. Na baka may relasyon sila. Lalong magagalit si Myco sa kanya dahil isinama niya ito sa gulo nila ni Kevin. Sana ay di nito patulan.

“Teka, napadaan lang si Myco dito, hinahamon mo na,” sabi ni Mark Ashley.

“Hindi lumalaban si Myco para lang sa babae,” wika naman ni Danrick at tinapik sa braso si Kevin. “Kung ako sa iyo, iba na lang ang hamunin mo. Masyadong busy si Myco para pagbigyan ka. Importante ang trabaho niya dito.”

“Ang sabihin ninyo, takot lang ang lalaking iyan.” Humalakhak si Kevin. “Duwag! Duwag pala ang security head ng riding club. Nagbabayad ba kayo dito para lang bantayan ng isang lalaking lampa at walang binatbat sa akin?”

“Dadaldal ka lang ba diyan o sasabihin mo kung anong laban ang gusto mo?” Kinuyom ni Myco ang kamao at isinuntok sa palad. “Game na ba?”

HINDI mapakali si Olympia habang dino-double check ni Myco ang harness ng kabayo nitong si Momo-chan na gagamitin nito sa karera. Iyon ang hamon dito ni Kevin. Sa karera na iyon malalaman kung sino ang lalayo sa kanya.

“Sir Myco, hindi na ninyo ito kailangang gawin para sa akin. Wala namang kwenta iyang hamon ni Sir Kevin. Ego trip lang niya iyan,” paliwanag niya.

“Sa palagay mo ba papayag akong tawaging duwag sa harap ng maraming tao? Miss, security head ako ng riding club. I can deal with a lot of stuff. From virus to bullets and even bombs. I won’t let an idiot insult me,” usal nito at hinaplos ang leeg ng kabayo nitong si Momo-chan.

“Myco, if you are serious about this race, why not use Red Hare? Siya ang pinakamabilis mong kabayo,” suhestiyon ni Mark Ashley.

“Saka baby mo si Momo-chan, di ba?” tanong ni Richard Don na pinsan ni Mark Ashley. Nang malaman ng mga ito ang hamon ni Kevin, nagsuguran ang lahat sa race track kung saan gaganapin ang laban.

“Yes, he is. I raised him myself since he was a foal. Malaki na siya. Kaya kailangan niyang ipakita sa lahat kung gaano siya kagaling.”

There was pride in Myco’s voice. Mukhang isang maamong kabayo si Momo-chan. Di mabalasik. Ibig sabihin ay maganda ang pagpapalaki dito ni Myco.

What a contrast. A gentle horse with a fierce master. How would they get along? Maipapanalo ba nina Momo-chan at Myco ang laban?

“Ano? Tapos na ba ang pakikipagdramahan mo sa kanila, Florecina?” tanong ni Kevin at hinapit ang baywang niya. “How about a goodluck kiss for me then?”

Pumiglas siya at pilit na binaklas ang kamay nito sa baywang niya. “Bitiwan mo nga ako!” Magbibigti na lang siya kaysa halikan nito.

Subalit di siya nito binitiwan at dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. “Come on. Isang halik lang…”

Narinig niya ang pag-igik ni Kevin. Binitiwan siya nito at narinig niya ang mahinang ungol. Nang lumingon siya ay nakasandig na ito sa dingding habang hawak ni Myco sa leeg. “Hangga’t hindi pa ako natatalo, wala kang karapatan na hawakan siya. Oras na gawin mo ulit iyan, di na ako magsasalita. Babaliin ko na lang ang leeg mo. O gusto mong unahin ko ang ilong mo?”

Bakas ang takot sa mga mata ni Kevin. Isang kamay pa lang nakahawak sa leeg nito pero mukhang nanginginig na ito sa takot. Di naman nagkakalayo ang tangkad ng dalawa at ang pangangatawan. Subalit sa klase ng training ni Myco bilang security expert, kaya nitong iparalisa si Kevin kahit sa isang diin ng daliri lang.

Umiling si Kevin. “Maglaban na lang tayo dahil hindi mo na ako pwedeng takutin kapag nanalo na ako.”

Binitiwan ito ni Myco at saka ipinagpag ang kamay. “Kung mananalo ka. Partida ko pa sa iyo na leisure horse ko lang ang gagamitin ko.”

“Mananalo ba talaga siya?” tanong niya sa katabing si Eizhiro. Hawak nito ang camera at nakahandang kunan kung sino ang mananalo.

“Sino sa kanila?” tanong nito. “Dalawa ang naglalaban para sa iyo.”

“Kay Myco iyan,” nakangising sabi ni Zairo.

“Kevin is using his brother’s fastest horse,” sabi ni Thyago Palacios na iniwan ang pagte-train sa polo students nito para lang manood ng karera.

“Iyan ang nagpanalo kay Andrei sa horse race last month,” sabi ni Yuan.

“Momo-chan, ganbatte!” pagchi-cheer ni Hiro. Ito kasi ang nagregalo sa naulilang si Momo-chan kay Myco. Anak iyon ng alaga nitong kabayo sa Kanagawa.

Ipagdarasal na lang niya na si Myco ang manalo. Ia-abort niya ang misyon niya sa riding club oras na si Kevin ang nanalo.

Pumailanlang ang putok ng baril bilang hudyat ng simula ng karera. Sumibad agad ang kabayong gamit ni Kevin na si Orange Mist. Subalit mahaba pa ang karera. Di nagpapahuli si Myco at nasa likuran lang lagi ni Kevin. Racing wasn’t just about speed. Kailangan din ng endurance ng isang kabayo.

Naghiyawan ang lahat nang unti-unting makaungos si Myco sa gitna ng karera. Pilit itong pinantayan ni Kevin. Nagtaka siya dahil unti-unting dumikit ang kabayo nito kay Purple Haze. Wala na nga ito sa linya ng race track.

“May problema ba sa kabayo ni Kevin?” tanong ni Romanov.

Lalo pang ginitgit ni Kevin si Myco. Natutop niya ang labi nang balyahin ni Kevin si Myco. Napatayo siya nang bumagsak si Myco sa lupa.

“FLORECINA, hindi ko sinasadya ang nangyari. Aksidente iyon,” paliwanag ni Kevin habang nasa lobby siya ng clinic ng Stallion Riding Club. Tsine-check up pa si Myco sa laboratory upang alamin kung may bali ito sa katawan o internal bleeding.

“Hindi sinasadya? Bulag ba ako sa palagay mo?” aniya sa malamig na boses. “Kitang-kita naming lahat nang balyahin mo si Sir Myco. Kahit ang Kuya Andrei mo nakita ang video. Kumbinsido siya na sinadya mo iyon.”

“Sinusubukan ko lang naman kung magaling talaga ang lalaking iyon. Lampa naman pala siya. Isang balya ko lang, bumagsak na,” katwiran nito.

“Umamin ka rin. At nangangatwiran ka pa.” Naningkit ang mata niya. Kung di lang kasalanan, gusto niyang ilibing ito ng buhay. “Paano kung maging imbalido si Sir Myco dahil sa iyo? Tao ka ba? Puro kayabangan mo lang ang iniisip mo.”

“Oo. Sarili ko nga ang iniisip ko. Ibig ding sabihin malakas ako. Ako ang nanalo sa laban namin ni Myco,” pagmamalaki nito.

“Hindi ka nanalo. Nandaya ka. Hindi polo ang pinaglabanan ninyo. Karera. Kung hindi ka mandaraya, wala ka na lang isip.”

Hinawakan nito ang baba niya. “Sino ka ba para pagsalitaan ako ng ganyan? Utusan ka lang dito. Kayang-kaya kitang bilhin.”

Tinabig niya ang kamay nito. “Baka ikaw ang bilhin ko.”

Di nito alam na isa siyang reporter. Kayang-kaya niyang sirain ang pangalan nito sa ilang tipa lang niya sa computer. Di nito alam ang kinakalaban nito.

“Kevin, baka nakakalimutan mo ang usapan namin ng kapatid mo. Hindi ka namin iba-ban dito sa riding club pero bawal mo nang lapitan si Florecina,” paalala ni Reichen. Hindi mababakas ang ngiti sa labi nito.

Ngumisi lang si Kevin. “Oo. Aalis na ako. Kahit I-ban pa ninyo ako dito sa riding club, wala akong pakialam.”

“Sabihin mo pa sa akin kapag ginugulo ka pa niya,” sabi ni Reichen nang makaalis na si Kevin.

“Sir, pasensiya na po. Di ko gustong magdala ng gulo dito.”

“Hindi mo kasalanan ang nangyari. Puntahan mo na lang si Myco sa kuwarto niya. Tapos na ang check up sa kanya.”

Gusto kaya siyang makita nito? Kung alam lang niyang ito ang mangyayari, sana ay tiniis na lang niya na makipag-date kay Kevin kaysa nasaktan si Myco.

Pagpasok niya ay puno ng mga members ng riding club ang kuwarto ni Myco. Walang pakialam ang mga ito kung dapat ay limitado lang ang mga bisita. Kanya-kanyang pwesto ang mga ito habang nagtatawanan.

“Who hurt you, chibisuke? Gusto mo bang ako mismo ang gumulpi sa kanya? OR do you want me to torture him Khmer Rouge style?” anang boses ng isang babae na nagmumula sa speaker phone ng cellphone ni Myco.

“What? Hahayaan kong ipaghiganti ako ng isang may sakit na babae? No way, woman!” kontra ni Myco.

“I am not sick. Magaling na ako. Nasa riding club pa ba iyang Kevin na iyan? I am very creative nowadays. Pwede kong I-request kay Hiro na gamitin ang virtual reality game namin. I can torture him using that.”

“Sofiajade, Myco is okay. Miraculously, walang nabaling buto sa kanya,” sabi ni Doctor Kester. “Just a few bruises. Nothing wrong with his pretty face though.”

“Hindi ako mapapalagay hangga’t di ko siya nakikita. Saka totoo ba na nagkaganyan siya dahil sa isang babae?” tanong ni Sofiajade.

“Oo!” sabay-sabay na sigawan ng lahat.

“Nandiyan ba siya? Gusto kong makausap,” mataray na sabi ni Sofiajade.

Pasimple sana siyang tatalilis ng kuwarto ngunit hinawakan siya sa balikat ni Gabryel. “Wait! Saan pupunta ang muse ni Myco? Tatakas ka ba? Kailangan ka munang kausapin ng hipag mong hilaw.”

“Anong hipag na hilaw? Hindi…”

“Miss!” pumailanlang na ang boses ni Sofiajade. “Hindi basta-basta babae lang ang nananakit sa kapatid ko. May gusto ka ba sa kanya?”

“Ano… Sorry po!” sa halip ay sabi niya.

“Hindi ko naman sinasabi na mag-sorry ka. Ang tanong ko kung may gusto ka sa kapatid ko. I think he likes you,” nanunuksong sabi ni Sofiajade at humalakhak.

“Shut up, woman!” sigaw ni Myco sa kapatid. “Magpagaling ka. Para hindi ka kung saan-saan nagpupunta kahahanap sa taong di na nag-e-exist sa mundo.”

“Hindi na ba siya nag-e-exist? Sino ang lalaking nasa harap ko ngayon?”

“She’s not Reiven, sis,” malungkot na sabi ni Myco.

Si Sofiajade ang babaeng naghahanap kay Reiven. Si Sofiajade din ang babaeng nagsasabing sina Reiven at si Martin ay iisa. Magkasama sina Sofiajade at Martin ngayon pero nasaan ang mga ito?

“Get well, my chibi-kun,” malambing ngunit malungkot na ang boses ni Sofiajade. “We will finish that match soon. Don’t worry.”

“Miss Sofiajade, sandali!” Itatanong sana niya dito kung nasaan ito ngunit itinupi na ni Myco ang flip top phone nito.

“Tapos ka nang mag-sorry sa kanya, di ba? Huwag mong intindihin ang panunukso niya. Hindi ako nakipaglaban para sa iyo. I did it to save my pride. I did it for Momo-chan. Gusto kong maranasan niyang makipag-compete sa iba.”

“Sorry. Nasaktan ka pa rin dahil sa akin kahit na di mo pa iyon ginawa para sa akin,” sabi niya. Siguro nga ay wala siya sa dahilan nito kung bakit ito tumulong. Pero sa huli ay kapakanan pa rin niya ang nakasalalay.

Ipinaling nito ang mukha palayo sa kanya. “Tama na iyang pagso-sorry mo. Hindi mo iyon kasalanan. Ako ang tumanggap sa hamon ni Kevin. Si Kevin naman ang nandaya. Kaya nasaan ang kasalanan mo doon?”

“Basta nagi-guilty pa rin ako.”

“Kaysa ma-guilty ka, bumalik ka na sa quarters mo. Gabi na. May pasok ka pa bukas. Wala namang nabali sa akin. Dapat discharge na rin ako dito. Iyon lang kapatid ko ang nagsabi na dito na ako mag-overnight,” sabi nito.

“Naks!” sabi ng tennis player na si Eiji. “May mahahabol pa pala akong eksena.”

“Oo nga. Parang shooting ng telenovela,” kantiyaw ni Rolf.

“Aalis na ako. Pasensiya na ulit, Sir Myco,” aniya at tumalikod. Baka kapag nagtagal pa sila doon ay mainis na si Myco sa katutukso sa kanila.

Pinigilan ni Myco ang kamay niya. “Wait! I just want to say sorry. Hindi kita dapat sinigawan kanina at si Grasya. Masama lang ang gising ko kanina at…”

Tumango siya. “Naiinitindihan ko na. Sana manalo ka sa chess match ninyo.”

“Wow! Binata na si Myco!” kantiyawan ng lahat habang palabas siya.

“Magsilayas nga kayo!” singhal ni Myco at pinindot ang intercom. “Security! Pakihagis ang mga ito!”

Ngumiti na lang siya sa kakulitan ng lahat. For the first time, she liked the riding club.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.