“Uy! Maganda ang article ni Dixie. Very strong and enlightening.”
Nawala sa binabasang diyaryo si Olympia nang kalabitin siya ni Grasya. Nasa bench sila at nagpapalipas ng lunch break. “Sinong Dixie?”
“Iyong writer ng tungkol sa bagong scam sa gobyerno.” Pumalatak siya. “Masyado nang maraming pinirmahang kontrata ang gobyerno natin sa ibang bansa . Malaman na lang natin, buong Pilipinas naipagbili na nila.”
May naiwang broadsheet sa bench. Binasa agad niya ang local news at foreign news. Nakaka-miss magbasa. Sa trabaho kasi niya ay tabloid ang binabasa ng mga kasama at puro showbiz ang topic.
“Paano mo naman naintindihan iyan? English kaya iyan.”
“Bakit? Hindi ka ba marunong magbasa ng English?”
“Marunong. Pero ang mga ganyang klase ng English, mayayaman lang nakaka-intindi. Dudugo lang ang ilong ko diyan.”
“Iba pa rin kapag gusto mong matuto. Ang mga mabusising balita, nandito sa ganitong diyaryo. Marami kang maiintidihan tungkol sa gobyerno, negosyo at pati sa iba pang social issues.”
Napanganga ito. “Social issues? Aanhin ko naman iyon. Saka na siguro kapag mayaman na ako at nakapag-asawa na ako ng member ng riding club. Sa ngayon, tama na ang kagandahan sa akin. Magte-text na lang ako sa textmates ko.”
Isang kotse ang tumigil sa harap nila. “Excuse me, Miss,” anang isang lalaki sa matigas na English. Mabibilog ang mata ng lalaki na singkit sa dulo. Mukha itong Chinese o Korean.
“Yes, Sir?” malambing na tanong ni Grasya. Basta guwapo ay alerto ito.
Ikinaway nito ang dalawang kamay. “No English. Korean only.”
“Ah… Korean?” Nilingon siya ni Grasya. “Mare, wala akong alam sa salita ni Mr. Kimchi. Paano ba natin ito matutulungan?”
Tumayo siya at lumapit sa kotse. “Aneong hasaeyo,” bati niya.
Tumango ang lalaki. “Aneong hasaeyo!”
“Mu seun il it so?” tanong niya kung may maitutulong siya.
“Lakeside Café odi in ya?” tanong nito kung saan ang Lakeside Café.
“Ah! Lakeside Café.” Matiyaga niyang itinuro ang papunta doon. Isang businessman pala si Mr. Kim na may kausap na member. Di ito nasundo ng ka-meeting nito dahil may iba pa daw inaasikaso. Hirap naman itong umintindi ng English at walang mapagtanungan.
Tumango-tango si Mr. Kim. “Araso yo!” naiintindihan na daw nito at bahagyang yumuko. “Kamsahabnida!” pasasalamat nito.
“Chon man he yo! Stallion Riding Club oseyo. Yo gi gi bbeum jal sa ra yo.” At kinawayan niya ang papalayo nitong sasakyan.
Sapo ni Grasya ang noo nang balikan niya sa bench. “Ano iyong huli mong sinabi sa kanila. Stallion Riding Club lang naitindihihan ko.”
“You’re welcome kasi nag-thank you sila. Welcome to Stallion Riding Club. At sana mag-enjoy sila.”
“Naku! Dumugo ang ilong ko doon. Nagkaintindihan naman kayo?”
“Oo naman. Hinahanap lang niya ang Lakeside Café.”
Pumalakpak ito. “Ang tindi mo! Marunong ka palang mag-Korean. Parang ikaw pala si Inday.”
Bahagya siyang natawa. “Sino naman si Inday?”
“Iyong katulong na sosyalerang Inglisera at kung anu-anong lengguwahe ang alam. Ganoong level ka pala. Paano ka natuto ng Korean?”
Nagpatuloy siya sa pagbabasa ng diyaryo. “Sa Koreanovela. Tapos naririnig ko rin sa mga guest namin na Korean. Tinuruan din ako ng isang guide naming sa hotel kung paano magsalita para maintindihan naming ang mga guest namin.”
Noong unang taon niya sa Hot Link, ang news agency kung saan siya nagtatrabaho ay sa Korea at Japan siya nag-cover kaya bihasa siya sa iba’t ibang salita sa Asia. Kasama din iyon sa training niya noong bata pa siya. Tulad kasi niya ay marunong din magsalita at magsulat ng iba’t ibang lengguwahe ang tatay niya.
“UY! Sir Myco!” tuwang-tuwang sabi ni Grasya.
Nagulat siya nang makitang nakatayo si Myco sa bandang likuran nila. “Sir, kanina pa po kayo diyan?”
“Hindi. Kadadating ko lang,” sagot nito at matiim siyang tiningnan.
Halos isang linggo na siya sa riding club. Di naman malaki ang ang lugar kaya madalas silang magkita. Pero di niya maiwasan minsan na magkaroon ng pakiramdam na sinusundan siya nito. Parang lagi kasi niya itong nakikita. Nagkakagusto na kaya ito sa kanya kaya sunud nang sunod sa kanya?
Lihim siyang ngumiti sa isiping iyon. Kapag kasi nasa paligid ito ay nag-iiba ang tingin niya sa paligid. Makinang, makulay at kumukuti-kutitap. Kahit pa nga simangutan siya nito maghapon ay napapangiti pa rin siya.
“Sayang, Sir Myco! Hindi ninyo narinig nang mag-Korean si Florecina. Habang dumudugo ang ilong ko, parang taga-Koreanovela na rin siya nung makipag-usap sa Korean guest natin,” kwento ni Grasya.
“Bakit hindi ka na lang nag-tourist guide o interpreter kaysa housekeeper, Miss Malaybalay?” tanong ni Myco. “Mukhang marami kang talent.”
Natigil ang pag-aambisyon niyang magugustuhan siya nito. Parang hindi kasi ito natutuwa sa talent niya. “Sir, babalik na po ako sa trabaho,” aniya at tumayo. “Grasya, halika na. Baka ma-late pa tayo.”
Baka tumagal pa siya sa pakikipag-usap kay Myco ay lalo lang niyang ibaon ang sarili. May hinala na ba itong may kakaiba sa kanya? Kung bakit kasi ipinagmalaki pa ni Grasya na magaling siyang mag-Korean.
“Florecina!” tawag ni Myco sa kanya. “Day off mo bukas, di ba?”
Tumango siya. “Yes, Sir.”
“Kung wala kang gagawin, pwede bang magkita tayo sa Rider’s Verandah?” Ibinulsa ni Myco ang kamay. “Pwede na ba ang eight in the morning?”
Tumango siya habang nakatulala. “Yes, Sir.”
Tama ba ang narinig niya? Nakikipagkita sa kanya si Myco? Parang date? Ayaw naman niyang magtanong. Naumid na kasi niya. Baka kapag nagtanong siya, bigla pa nitong bawiin.
“Sir Myco, magkakape lang ba ulit kayo?” usyoso ni Grasya.
“Hindi. Mamamasyal kami. Kaya dapat hindi siya ma-late. Masarap mamasyal bukas,” anang si Myco at naglakad palayo.
“Florecina, narinig mo ba iyon?” excited na tanong ni Grasya.
“Oo,” mahina niyang usal habang nakatingin kay Myco. “Tama ba ang narinig ko? Mamamasyal daw kami bukas. Anong ibig sabihin noon?”
“Magde-date kayo at type ka niya!”
“Magde-date kami? Panaginip lang kaya ito?”
Parang lumulutang kasi siya sa alapaap. Siya at si Myco sa isang romantic date sa isang romantic na lugar sa riding club. Malamang ay mamamatay sa inggit sa kanya ang kahit sinong Disney Princess.
“Gusto mong gisingin kita?” tanong ni Grasya.
“Hindi! Ayokong magising.”
Ayaw niyang balikan pa ang realidad. Na nasa riding club siya para sagipin ang mundo. Walang nangyayari sa pagsagip niya sa mundo. Kaya sasamantalahin na niya ang pagkakataon bilang isang normal na babae sa riding club.
“CONGRATULATIONS, Dixie! Your article is a blast!” bati ni Olympia sa kaibigang reporter. “Nakita ko sa internet na lalo na namang nag-iinit ang mga tiwala sa gobyeryo ng Pilipinas. Sana naman maubos na silang lahat.”
“I hope so,” sabi ni Dixie. “So how’s your vacation? Madaya ka. Hindi mo man lang sinasabi kung nasaan ka.”
“I am somewhere on Earth with a blue sky with a nice view of the lake with greeneries around me,” aniya at kumurba ang ngiti sa labi. Naglalakad siya papunta sa Rider’s Verandah kung saan sila magkikita ni Myco.
It was another beautiful day at the riding club. Pero higit na espesyal ang araw na iyon. Bukod sa day off niya at di niya kailangang maglinis ng bahay ng kung sinu-sino, magde-date pa sila ni Myco.
“Lake Tahoe?” hula nito. “No. Ayaw mong magbakasyon sa States. Siguro sa Lake Moraine. O baka nagsu-swimming ka sa Dead Sea for salt lake therapy.”
Tumawa siya. “Bahala kang manghula.”
“So how’s your book? I am excited to read it.”
Ang alam ng mga tao ay nasa ibang bansa siya para magbakasyon at gawin ang libro niya. Nawala na isip niya ang plano niya na isulat ang maraming accounts niya bilang isang celebrated na journalist. Di lang kasi siya basta journalist. Kumukuha din siya ng pictures. Di nga lang niya ipina-publish. Ngayon ay pagkakataon na niyang ipakita ang mga kuha niya sa libro niya kung di nga lang niya kailangang mag-cover sa Stallion Riding Club.
“Mental block ako ngayon. Dixie, I have to go. May date pa ako ngayon.”
“Wow! You are finally a human being! Nakikipag-date na sa wakas si Olympia Montez. So is he a blue-eyed, blonde Adonis?”
“Nope. He is a dark-eyed bronze angel,” nakangiti niyang sagot.
“Oh! He must be hot! Send me his picture. Kailangan kong maipaalam sa media world na sa wakas nagde-date ka na.”
“Gotta go, Dixie!” Hindi niya pwedeng ipakita kahit kanino si Myco kahit na gusto pa niya itong ipagmalaki. Mabubulabog ang mundo.
Minsan ay naisip niyang sana nakapasok na lang siya sa Stallion Riding Club bilang si Florecina Malaybalay. Isang simpleng babae na malayang mahalin kahit na ang sinong lalaking magustuhan nito. While loving Myco Gosiaco and shouting it to the whole world was forbidden. Parang isang sumpa!
Sa pagmumuni-muni niya ay nakasalubong niya ang isang golf cart. Sakay niyon ang magkapatid na Emrei at Beiron Rafiq mula sa Kaharian ng Al Ishaq, ang mga kilala sa mundo ng advance biotechnology sa horse breeding at sa mundo ng oil business. Marahil ay galing na ang mga ito sa stable at magpapahinga. Subalit may isa pang tao sa golf cart na nakahagip sa paningin niya. Si Martin de Guia. Katabi ito ni Emrei.
Nakangiti si Emrei habang may ibinubulong dito. Mukhang isang joke iyon dahil umaliwalas ang mukha ni Martin.
Natigilan siya sa paglalakad at nilingon ang lumagpas na golf cart. Pinsan ng mga Alleje ang mga Rafiq. At may impluwensiya ang mga ito na handang protektahan si Reiven Alleje. Ano ang tunay na koneksiyon ng mga ito?
Isang bakanteng golf cart ang paparating. Pag-asa na niya ito para makakuha ng lead. Kailangan niyang masundan ang mga ito. Nasa bag lang niya ang spy ear niya. May kakayahan iyon na iparinig sa kanya ang usapan sa kabilang kuwarto kahit pa nga bulungan lang.
Lumagpas ang golf cart nang di niya pinapara. Kung susundan niya ang mga ito, paano na si Myco? Naghihintay ito sa kanya para sa date nila.
Tumingala siya sa langit. Napakaaliwalas ng panahon. Huminga siya ng malalim. Baka naman nagkataon lang na nasakay ang mga ito sa iisang golf cart. Palakaibigan din ang reputasyon ni Emrei Rafiq. At di lingid sa kanya na nagdo-donate ang mga ito sa malalaking non-governmental organization. At dahil maganda ang layunin ng grupong Megos ni Martin, baka humihingi ito ng donation.
Nagpatuloy siya sa paglalakad patungo sa Rider’s Verandah, saliwa sa direksyong tinahak ng golf cart ng mga Rafiq. Kunyari na lang ay wala siyang nakita. Wala namang nakakaalam na nakita niya ang mga ito.
Sa araw na iyon ay siya si Florecina Malaybalay na ang tanging hangarin ay makapiling ang kanyang sinisintang si Myco Gosiaco sa isang date.
“ONE HUNDRED meters from the Rider’s Verandah,” usal ni Olympia at pasimpleng tiningnan ang sarili sa salamin ng compact powder niya. Simple lang naman ang ganda niya. Makinis ang mukha niya na di na kailangan ng make up. Nakalugay ang mahaba niyang buhok. Sanay ang mga tao na maikli ang buhok niya. Kahit na may kakilala siya doon, di malalaman na siya si Olympia Montez.
Isa pa, perpekto din ang bestida para sa kanya. Bukod sa lumutang ang pagiging babaeng-babae niya, ni minsan ay di nagsuot ng bestida si Olympia Montez. Ang importante ay maganda siya sa date nila ni Myco.
Walang masyadong tao sa riding club noon dahil weekdays. Isinuot niya ang mp3 player con spy ear. Awtomatiko iyong naka-spy ear mode nang buksan niya. Ililipat sana niya sa mp3 player nang marinig ang boses ni Myco. Nakatayo ito sa tabi ng kotse nito sa may parking lot at kausap ang isang lalaki.
Si Vien Abalos ang kausap nito, ang assistant head ng security section ng riding club. Mas matanda ito ng fifteen years kay Myco. At nagtaka ang lahat nang si Myco ang kuning head ng security ni Reid Alleje sa halip na ito.
“Ano ang problema kung gusto ko ulit I-check ang mga na-hire nating tao habang wala ako? It is just a random check,” kalmadong wika ni Myco.
Halos mabingi ang eardrums niya nang sumigaw ang lalaking kausap nito. “Kinukuwestiyon mo ba ang mga desisyon ko, Myco? Nang mga panahon na wala ka, sa akin iniwan ang paghawak ng security. Wala ka bang tiwala sa akin? Iniinsulto mo ba ako? Naglalaro ka pa lang ng patintero, tauhan na ako ng Papa mo! Isa na ako sa pinagkakatiwalaan na ni Sir Vittoro.”
“Sir Vien, I respect you. Di ko rin iniinsulto ang credentials at experience mo. Pero bilang head ng security ng riding club, responsibilidad ko na tiyakin na ligtas tayo sa mga taong nakakasama natin. Para ito sa proteksiyon nating lahat.”
“Maliit pa ang pakpak mo, mataas ka nang lumipad. Kapag bumagsak ka, mababali lahat ng buto mo, Myco,” sarkastikong sabi ni Vien.
“Tatandaan ko iyan, Sir Vien,” wika ni Myco.
Tinanggal niya ang headphone sa tainga at napasandal sa puno. Magsasagawa ulit ng background check si Myco sa mga tauhan ng riding club. Nanganganib ang pananatili niya doon.
Ano nang gagawin niya? Tatakbo? Magtatago? Paano na ang misyon niya?
Nahigit niya ang hininga nang tawagin ni Myco ang pangalan niya. “Florecina, bakit di ka pumasok sa loob ng Rider’s Verandah. Doon mo dapat ako hinintay.”
“Nahihiya kasi ako na pumasok sa loob.”
“Nahihiya? Silly. Sumunod ka sa akin,” pormal nitong sabi.
Di pa rin siya umalis sa kinatatayuan. Pinaghihinalaan na nga ba siya ni Myco? Paano pa siya magiging komportableng kasama ito nang iniisip na anumang oras ay nagsususpetsa ito sa kanya at mabubuko siya?
“Florecina, let’s go!” anito at masuyong hinila ang kamay niya. “Huwag mong sabihin na ayaw mo nang mamasyal kasama ako.”
Ngumiti siya. “Gusto ko! Siyempre gusto ko!”
Isasantabi muna niya ang kahibangan niya. Di pa naman siya nito mabubuko. Kung may alam na ito, dapat ay di siya nito ipapasyal. Saan kaya sila pupunta? Palabas kasi ng riding club ang tinatahak ng sasakyan.
“Wala ka namang problema sa trabaho mo dito?” tanong nito.
Umiling siya. “Masaya dito. Mabait ang mga kasamahan. May masusungit naman at metikuloso sa mga nililinisan namin pero sanay na ako.”
“Mukha kasing nahihirapan ka. Iyang kamay mo mukhang malambot at makinis nang una kong nakita. Ngayon nagbabalat at nagsusugat na.”
“Ha?” Hinawakan niya ang kamay at pinaglaro ang panyo sa kamay para itago. “Malamig kasi dito. Baka naninibago lang ako. O baka iyong sabon ko.”
“Patingnan mo sa dermatologist. Kailangang magamot iyan.”
“Saan ba tayo pupunta?” tanong niya.
“May isang kaibigan ako na ipapakilala sa iyo.”
Ipapakilala daw siya nito sa isang kaibigan. Gusto na ba talaga siya nito? Kanina ay nag-aalala ito. Ngayon ay ipapakilala pa siya sa kaibigan nito. Mabuhay! Mabuhay! Ang haba ng hair niyang alaga sa Stallion Shampoo.
Sa isang San Francisco type na three-store house sila tumigil. May cute iyong garden. Isang babae na nasa late twenties nito ang nakaabang sa pinto. Kumaway ito nang makita si Myco. “Hey! What’s up?”
“Agatha, it’s been a while. May isinama akong kaibigan.”
“Oh, that’s her!” anang si Agatha at kinamayan siya.“I am Doctor Agatha Ortega.”
Tipid siyang ngumiti. Mukha naman itong mabait at walang ibang relasyon kay Myco. Di ito threat sa kagandahan niya. “Good morning!”
Ikinukwento pala siya ni Myco dito. Napaka-espesyal na pala niya. Ang tindi naman ng ganda niya. Samantalang ilang araw lang ang nakakaraan, sinabi ni Myco na ayaw nitong magka-girlfriend. Tuluyan nang nagbago ang isip nito.
“Come in!” Mula sa magarbong sala ni Agatha ay pinapasok siya nito sa isang kuwarto na siyang opisina nito. “Mabuti sumama ka dito, Florecina. Maupo ka.”
Sa isang comfortable reclining chair siya nito pinaupo. “Sa couch na lang ako…”
“Masisimulan na natin ang session natin kung diyan ka uupo.”
“Session? Anong session?” lumingon siya kay Myco. “Myco, iniisip mo bang baliw ako? Nasisiraan ako ng bait?” Ito na ang test na gagawin nito sa mga tauhan nito.
“This is just a harmless session, Florecina. Kapag pumasa ka sa test na ito, makakabalik ka sa Stallion Riding Club. Agatha, bahala ka na sa kanya. Babalikan ko na lang siya matapos ang isang oras.” At lumabas na si Myco.
It was not a date. Ang psychologist na iyon ang ka-date niya.
“Relax, Florecina. Di ka dapat matakot. Simple lang ang test na ito.” Pumailanlang ang musika gamit ang flute. Unti-unting pumipikit ang mata niya. Parang humihiwalay ang kaluluwa niya sa katawan. “Florecina, at the count of three…”