Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 4

Ilang na ilang si Miles. Mula nang pumasok si Gino sa DOME isang oras na ang nakakaraan ay lagi na lang itong nakatitig sa kanya. He looked busy doing his transactions with his laptop. Pero kapag di siya nakatingin, nararamdaman niyang nakasunod sa kanya ang mga mata nito. Kinikilabutan tuloy siya.

“Anong nakain ni Gino at kanina ka pa yata sinusundan ng tingin?” tanong ni Arlene. “May ginawa ka bang palpak?”

“Naku, Ma’am! Wala po. Inasikaso ko naman nang maayos ang order niya,” depensa agad niya. “Ewan ko kung anong problema niyan.”

“Mukhang nakulam, no? Parang na-magnet. Kahit saan ka pumunta, pasimpleng nakasunod ang mata niya,” sabi ni Weng.

“Hoy! Hindi ko kinukulam iyan, ha?”

Napapadyak si Weng. “Hindi! Mali yata ang epekto ng gayuma na ibinigay ko sa kanya. Sa halip na sa akin na-in love, sa iyo na-in love.”

“Anong in love na sinasabi mo diyan? Hindi in love iyan. Nang-iinis lang.”

Mula nang dalawang beses niyang tanggihan ang pakikipag-date dito, halos araw-araw ay dumadalaw ito sa DOME at walang kasamang babae. Uupo sa isang tabi, o-order at pagkatapos ay ngingitian at tititigan lang siya. At nakakairita na.

Kung bobolahin na lang siya nito at sasabihang maganda, mas madali sa kanya na barahin ito. Pero ano ba ang laban niya sa isang lalaki na kung makatitig ay parang gusto siyang tunawin? Wala. At kokomprontahin niya ito ay siya lang ang magmumukhang tanga.

“Konting tiis na lang, Miles. Pag-uwi mo, matatapos na rin ang dilemma mo.”

Kahit na ubod nang hirap, pinilit niyang huwag na lang pansinin si Gino. Kumukuha siya ng order sa table na katabi nito nang may lumapit ditong isang blonde. “Hi! I find you cute. Can I have your cellphone number?”

Sige. Sige, ibigay mo lang. Lagot ka sa akin. Oras na ibigay mo ang number mo, wala ka nang karapatan na sulyapan ako kahit kailan. Tiyak naman niya na ibibigay nito ang number. Palay na ang lumalapit sa manok.

“I am a afraid I can’t give it to you,” sa gulat niya ay isinagot ni Gino. “My girlfriend would be terribly mad at me.”

“Oh, you have a girlfriend?” nanghihinayang na wika ng blonde.

Humigpit ang hawak niya sa ballpen. Impakto ka talaga, Gregory Alfred Santayana! Ang lakas ng loob mo na titig-titigan ako. Tapos may girlfriend ka pala. And for sometime, I thought I even like you.

“Yes. She is my girlfriend,” sabi ni Gino. Nang lumingon siya ay sa kanya ito nakaturo. Pinanlakihan niya ito ng mata. “Look! She’s jealous already.”

Tiningnan siya ng blonde mula ulo hanggang paa saka nagkibit-balikat. “Well, better luck next time,” anito saka dismayadong bumalik sa mesa.

Matapos ma-confirm ang order ay tinawag niya si Marlon. “Pakibigay muna sa counter itong order. Aasikasuhin ko lang ang kabilang table.” Saka walang kangiti-ngiti siyang lumapit sa table ni Gino.

“Hello, sweetheart!” nakangiti nitong bati.

“Anong sweetheart ang sinasabi mo diyan?” Nakalimutan na niyang customer ito sa sobrang inis. “Nagha-hallucinate ka.”

“Please don’t get mad at me, sweetheart. You have no reason to be jealous. I didn’t give her my number.” Hinawakan nito ang kamay. “You are the only girl in my life. I swear! Hindi ako tumitingin sa iba. Sa iyo lang.”

Binawi niya ang kamay dito. “Hoy! Anong sinasabi mo diyan?”

Muntik na niyang ibaon ang sarili sa sahig nang nakuha na nila ang atensiyon ng ibang customers. Maging ang mga kasamahan niya ay nakikiusyoso na rin. Gusto na niyang magtitili. Hindi mo ako girlfriend! Hindi mo ako sweetheart! At hindi rin ako nagseselos, ang kapal ng mukha mo!

“Oh, John! They look so sweet!” anang matandang mag-asawa na kanina ay kinuhanan niya ng order. “It feels so good to be young and in love. Miss, don’t get mad at him. Narinig namin na di niya ibinigay ang number niya dahil sinabi niyang may girlfriend siya. He thought about you. He loves you. And you are lucky to have him. Madalang na ang lalaking tulad niya.”

“Thank you, Ma’am,” sabi ni Gino at nakangising bumaling sa kanya. “Naniniwala ka ba na ikaw lang ang gusto ko?”

Nakuyom niya ang palad para pigilan ang sarili na sabunutan ito. “Ewan ko sa iyo!” aniya at nag-walk out. Ni di na niya maiangat ang ulo niya sa kahihiyan. Bwisit kang Gino ka! Bakit mo ba ako ginaganito? Ano bang nagawa kong masama?

“Taksil ka! Ibinigay mo ang number mo sa blonde na iyon!” sabi ni Weng na sa palagay niya ay pinariringgan siya.

“Hindi totoo iyan, sweetheart! Ikaw lang ang mahal ko, tunay na tunay,” theatrical naman na sabi ni Marlon sabay tumawa ang dalawa.

“Hoy! Tumahimik nga kayo! Pagbuhulin ko kaya kayo. Ibubuhol ko kayo sa Gino Santayana na iyon!” angil niya.

“Huwag, Miles. Baka sabunutan mo ako sa sobrang selos kapag nadikit ako kay Gino. Sige ka, ikaw din ang mawawalan,” kantiyaw ni Weng.

“Heh!” Nang tanawin niya si Gino ay kinindatan siya nito kahit na gaano siya kalayo. “Naku! Huwag kang magpahuli sa akin nang buhay. Kahit na ubod ka nang guwapo, titirisin talaga kita.”

DI ALAM ni Miles kung dapat siyang matuwa o hindi. Ilang araw na niyang hindi nakikita si Gino. Natutuwa siya dahil walang nang-iinis at nagpapa-cute sa kanya. Mas malaya na siyang kumilos dahil wala nang nakatitig sa kanya.

Pero mabigat din ang loob niya. Yes, her life was safe, sane and peaceful without him. But it was boring too. Nami-miss niya ang kakulitan nito. Ang pagtitig nito sa kanya at pagsasabing maganda siya. She missed his smile.

“Gino, kailan ka ba babalik?” wala sa sarili niyang nausal.

“Uy, nami-miss niya si Fafa Gino!” tukso ni Weng sa kanya.

Napapitlag siya. “Hoy! Hindi ko sinabing nami-miss ko siya. Gusto kong bumalik na siya para magiyera ko siya. Natakasan niya ako noong nakaraan.”

“Eh, kasi masyado ka namang pakipot. Kung ako ang sasabihan nang ganoon, pipikutin ko na agad para di na makawala.”

“Ang sabihin mo, pinagti-tripan lang niya ako.”

Laman pa rin ng isip niya si Gino nang pauwi na siya. Nagulat na lang siya nang iabot sa kanya ni Marlon ang bouquet ng flowers. “May nagpapabigay sa iyo sa labas. Iyong guwapo mong boyfriend. Andoon sa labas.”

“Si Gino?” Parang may pakpak ang paa niya nang lumabas ng DOME. Inookupa ni Gino ang isa sa mga mesa. “G-Gino?” aniya sa nanginginig na boses.

Nakangiti itong lumingon sa kanya. “Hi!”

“A-Anong nangyari sa iyo? Nagkasakit ka ba kaya ka nawala?” nag-aalala niyang tanong. “Bakit ngayon ka lang dumating?”

“Uy! Na-miss mo ako, no? Huwag ka nang mag-alala. May inasikaso lang ako kaya nawala ako. Nandito na ulit ako ngayon.”

Wala naman palang masamang nangyari dito. Nalaman tuloy nito na nag-alala siya. And he was using it as a weapon against her again. “Bakit nandito ka na naman?” tanong niya sa mataas na boses. “May pa-flowers-flowers ka pa. Gusto mo na naman na matsismis ako dito? Ang lakas ng loob mong magpakita sa akin!”

Pinag-krus nito ang braso. “Teka! Ceasefire muna. Gusto ko na ngang mag-sorry dahil nag-alala ka sa akin. Saka nagpunta ako dito dahil gusto kong malaman kung okay ka lang. Tingnan mo, nangangayayat ka na. Iniisip mo ako, no?”

“Payat talaga ako!” Kasama na sa pagbabagong-buhay niya ang exercise. “Saka bakit naman kita iisipin? Eh, sakit ka lang sa ulo ko.”

Mahabang sandali itong di nagsalita at tinitigan siya. “Bakit ganoon? Paganda ka yata nang paganda. Pati ang buhok mo, parang nag-iba.”

Nahigit niya ang hininga nang haplusin nito ang buhok niya. “Bakit?”

“Well, its softer and shinier now. Bagay nga sa iyo ang nakalugay.”

Inipon niya ang buhok niya para di na nito hawakan. “Binobola mo na naman ako. Stallion Shampoo lang ‘yan, no? Pwede ba, ibang babae na lang ang bolahin mo? Kasi hindi mo naman ako makukumbinsi na makipag-date sa iyo.”

“Teka, ano ba ang problema sa akin at ayaw mong makipag-date? Iniisip mo ba na katulad din ako ni Alain na iiwan ka na lang basta-basta at ipagpapalit sa iba?”

“Hindi. Basta hindi lang kita type.”

“Teka!” Inayos nito ang kuwelyo ng damit. “Hindi naman yata ako naniniwala diyan. Ano ang hindi mo gusto sa akin?”

Pinasadahan lang niya ito ng tingin at pagkatapos ay iniwas ulit ang mata dito. Hay! Ang guwapo! Walang kapintasan! “Basta hindi lang kita type.”

“Miles, please answer me seriously.”

“Gusto mong seryosohin kita samantalang hindi ka naman seryoso sa akin? Alam ko naman na pinagkakatuwaan mo lang akong yayain ng date. Bakit? Wala ka na bang ibang babae na mayaya?”

“Huwag nating pag-usapan ang ibang babae. Ikaw ang tinatanong ko. At kapag nagyaya ako ng date, ibig sabihin seryoso ako,” walang kangiti-ngiti nitong sabi. “Saka gusto kong malaman kung ano ang sagot mo. Kung bakit ayaw mo sa akin. Kasi kapag sinabi mo sa akin ang dahilan, titigilan na kita. Hindi na ako mangungulit. Lalayo na ako.”

“Ibig lang sabihin no’n, hindi ka nga talaga seryoso.”

Huminga ito nang malalim. “Ikaw na ang nagsabi, wala na akong ginawa kundi ang guluhin ka. Na pinasasakit ko lang ang ulo mo. Ayoko nang maperwisyo ka pa. So I might as well stop it now before you hate me.”

It was a tough decision. Ayaw kasi niyang mawala si Gino. But I also want my sanity back. Kapag nakipag-date ako sa kanya at nagsawa siya, hahanap na siya ng iba. Sa kanya madali iyon pero hindi sa akin. Lalo na’t nahuhulog na ang loob ko.

And it was harder than Alain’s case. Madali sa kanya na hindi isipin si Alain. He never really cared about her. Unlike Gino. Ano ang pipiliin niya? Pansamantalang kaligayahan kasama si Gino o mas tahimik pero malungkot na buhay nang wala ito?

Tiningnan niya ito nang direkta sa mata. “Gino, alam mo kung ano ang problema sa iyo? You are too handsome.” Nangalumbaba siya at tinitigang mabuti ang mukha nito. As if she was memorizing his face. “Your eyes are so attractive and your smile is simply lethal. At kahit na may playboy image ka, gentleman ka pa rin… well, sort of. You can make every woman fall for you.”

“Ano ang problema doon?”

“That’s the problem. Madali para sa kahit sinong babae na ma-in love sa iyo. Kung makikipag-date ako sa iyo, malaki ang possibility na mahalin kita. Pero paano kung hindi ka naman mai-in love sa akin?”

“Paano mo malalaman kung di mo sinusubukan?”

“Gusto mong subukan ko kahit na alam ko na ang track record mo sa mga babae? Kung sila nga, magaganda, sexy at may sinasabi sa buhay mabilis mawala sa buhay mo. Paano pa kaya ako? Malayo ako sa mga katulad nila.”

“Minamaliit mo kasi ang sarili mo.”

“No. Ginagamit ko lang ang utak ko. Simula pa lang, nakita ko na ang kahahantungan nito. Failure. We’d part in the end. So why start now if we’d end up that way? Mas gusto ko nang sigurado.”

Doon sa isang lalaki na di nga kaguwapuhan pero tiyak niyang seseryosohin siya at di siya basta-basta iiwan. Iyong iba kay Gino.

“There are no guarantees in love, Miles. Akala mo minsan, ginto ang napupulot mo pero tanso pala. Tulad kay Alain.”

“I won’t commit that same mistake. I am more careful now. Kaya nga habang di pa nagsisimula, mabuti nang putulin ko na ang pwedeng mamagitan sa atin. Goodbye, Gino. I’ll take the flowers anyway. Remembrance kung di na tayo magkikita. Mag-ingat ka na lang,” malambing at nakangiti niyang sabi.

Subalit pagtalikod niya ay mabilis na naglaho ang ngiti nito. Parang isang magandang bagay kasi ang tinalikuran niya. Paano kung mali nga ang desisyon niya na layuan si Gino? Paano kung mas masaya siya kung di ito aalis?

Huli na, Miles. Pinakawalan mo na siya. Kaya kalimutan mo na siya.

“MILES, parang may sakit ka. Lagi ka na lang matamlay, ah!” puna ng manager niyang si Arlene habang nagliligpit sila. Sarado na kasi ang restaurant noon. “Anong nararamdaman mo? Kulang ka yata sa vitamins.”

“Kulang lang iyan sa pag-ibig, Ma’am,” kantiyaw ni Weng.

Wala na rin siyang lakas na kontrahin ang biro nito. Isang buwan na mula nang huli niyang makita si Gino. Mula noon, parang wala na siyang ganang magtrabaho. Ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya dati, di na siya magawang pangitiin. Kahit simpleng pagngiti nga ay di na niya magawa dahil mabigat lagi ang dibdib niya. Maisip lang niya na di na niya makikita si Gino, nanlulumo na siya.

“Ma’am, parang gusto ko nang umalis dito,” wika niya.

“Ha? Anong aalis ka na dito? Ayaw mo nang magtrabaho dito?”

Tumango siya at umupo sa couch. “Parang napapagod na po kasi ako. Gusto ko ng bagong lugar. Iyong malayo dito sa Manila.” Masyado na kasing maraming alaala ang lugar na iyon. Lagi niyang naiisip si Gino.

“Sigurado ka ba diyan?” tanong ni Weng. “Baka kailangan mo lang ng bakasyon. Mag-relax-relax ka muna. Okay ka na pagbalik mo.”

Umiling siya. “Hindi. Gusto ko talaga na mabago ang environment ko. Ayoko sana kayong iwan kasi enjoy ako dito. Pero sa palagay ko di babalik ang sigla ko sa trabaho habang nandito ako.”

“Kung gusto mong magbago ng environment, pwede ka sa Rider’s Verandah Café and Restaurant sa Stallion Riding Club,” sabi ni Arlene. “Kaibigan ko ang may-ari doon. Wala pang isang taon ang café at lumalaki ang operation nila kaya kailangan nila ng mas maraming tao. Free lodging and food.”

“Stallion Riding Club? Saan naman ito?”

“Diyan lang iyan sa boundary ng Tagaytay City at Batangas,” sagot naman ni Weng. “Nabasa ko sa magazine na haven iyan ng mga guwapo at mayayaman. Lahat yata ng guwapong lalaki sa Pilipinas, member ng club na iyan.”

“Tama si Weng. Kung gusto mo bagong environment, subukan mo doon. Hay! Sa palagay ko mae-enjoy mo ang lugar na iyon.”

“Stallion Riding Club. Parang gusto ko pong subukan.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.