Aliw na aliw si Miles habang pinagmamasdan ang magandang view papasok ng Stallion Riding Club. Natatanaw niya ang Taal Lake at Taal Volcano mula sa dinadaanan. Mula sa Rotonda sa Tagaytay ay sinundo siya ng coaster na service ng mga empleyado sa riding club. Pakiramdam niya ay pumapasok na siya sa ibang mundo. Iba sa iniwan niya.
“Ikaw ba ang bago sa Rider’s Verandah?” tanong ng driver na si Mang Pilo.
“Opo. Bukas daw po ako magsisimula pero may orientation ako mamaya pagkatapos magpahinga.”
Pasado na siya sa lahat ng interview sa Manila pa lang dahil maganda naman ang credentials niya. Ang mismong manager din ang nag-interview sa kanya nang pumunta ito sa Manila para di na siya pumunta pa sa Tagaytay.
“Tiyak na mawiwili ka dito. Simple lang naman ang buhay sa riding club pero di mo na nanaisin pang bumalik sa Manila,” anang si Mang Pilo.
“Talaga po?” Kung ganoon ay maganda nga talaga ang Stallion Riding Club. Noong una ay ayaw siyang payagan ng mga magulang niya. Hindi pa kasi naranasan ng mga ito na malayo siya. Pero kailangan niyang baguhin ang buhay niya. Gusto niyang maranasan na maging independent. Sana di ako nagkamali sa pagpunta dito.
Maya maya pa ay nabasa na niya ang Stallion Riding Club na sign na naka-emboss sa marmol. Nadagdagan ang excitement na nararamdaman niya. She could see acres of green land. Animo’y carpet ang mga damo. May nakasalubong silang mangilan-ngilan na nangangabayo na naka-riding habit. Hindi basta-basta ang mga kabayo na naroon. Halatang ginastusan at magaganda ang lahi. She could even see several villas owned by some of the members. The place spoke of wealth.
Tumigil ang coaster sa harap ng isang clapboard house. “Iyan ang apartment mo, Miss. Diyan ka na hinihintay ni Miss Jhunnica,” tukoy nito sa manager niya.
Noong una ay alanganin pa siyang tumuloy. Nang makita niya sa front porch si Jhunnica at sinalubong agad siya. “How’s your trip?”
“Okay.Naninibago po ako. This place is nicer than what I saw in pictures.”
Umakyat sila sa panggitnang hagdan at binuksan ang pinto. “This is the staff’s house. At exclusive lang ito para sa mga empleyado ng restaurant. It is just a few minutes walk from the restaurant.” Itinuro nito ang restaurant na puro salamin.
Fully furnished na ang bahay. Naka-tiles ang sahig. May rattan chair sa sala at may TV. Sa dining area ay may wooden table na pang-apatan.
Binuksan ni Jhunnica ang isang kuwarto. “This will be your room. May dalawa pang bedroom dito. Kasya ang anim na tao dito sa bahay na ito. Pero sa ngayon, dalawa pa lang kayong magse-share ni Quincy. Newbie rin siya tulad mo.”
“Uhmmm… nasaan po ang makakasama ko?”
“Nag-jogging lang siya. Kahapon pa siya nandito dahil gusto niyang maging familiar agad sa estate. So I will meet you two later for the orientation.”
“Yes, Ma’am! Thank you!” Ibinagsak niya ang sarili sa malambot na kama nang makaalis ang manager niya. “Hindi ko na-imagine na magiging ganito kaganda ang tutuluyan ko.” Sumilip siya sa bintana. Puro berde ang natatanaw niya sa paligid. She could breathe again. At naglaho ang pagod na naramdaman niya nang nakakaraang buwan. “Parang ayoko nang umalis dito. Promise! Dito sa Stallion Club ko matutupad ang lahat ng mga pangarap ko!”
“THAT’S Reid Alleje, the lord of the whole Stallion estate. Lahat ng natatanaw mo dito, siya halos ang may-ari. And that’s his brother, a world-renown equestrian champion. Damn! There is even an oil sheik here!” bulalas ni Quincy habang iniisa-isa ang mga member ng club na nakikilala nito. Orientation nila noon at tinitikman nila ang ilan sa mga specialty ng restaurant. Mula sa beverage hanggang pagkain. Kailangan din kasi nilang maging familiar para alam nila ang ire-recommend sa mga guest depende sa gusto ng mga ito.
“Lahat sila kilala mo?” di makapaniwala niyang usal. At karamihan doon ay kilala sa political at business world. Ilan ay lumabas sa commercial ng Stallion Shampoo. Pero di naman niya alam ang pangalan. Hanggang mukha lang.
“Sa magazines at sa TV. Saka kahapon pa ako dito. Nagtanong-tanong na ako kung sino ang mga members ng club. At balita ko malaki magbigay ng tip dito.”
Nagitla siya nang may pumasok na ilang babae na naka-wide brim hat, dress, gloves at high heeled shoes. Mas mukhang pupunta ang mga ito sa tea party o gaganap sa isang Victorian era play. “Bakit ganyan ang itsura nila?” tanong niya. Mukha silang out of place ni Quincy dahil naka-jeans at sandals sila.
“Those women patterned it to the royal riding club in London.”
Tinaasan sila ng kilay ng mga babae na animo’y insekto sila. “Bakit ganoon?”
“Companion sila ng mga members ng club. Iyan na yata ang uniform nila. At ang mga babae sa lugar na ito, hindi makakapasok hangga’t di imbitado. Exclusive lang ang club para sa mga lalaki. This is their world.”
It was weird. She was in a world of powerful and gorgeous men. At parang naninibago siya sa lahat nang mayroon sa mundong iyon.
Binalikan sila ni Jhunnica. “So you enjoy our food?”
“Simply sumptuous,” sagot ni Quincy. “Sa tingin ko mag-e-enjoy akong magtrabaho dito. Lalo na’t ganito kasarap ang ise-serve ko sa customers.”
“Mukhang kokonti lang po ang dessert and pastry sa menu natin,” pansin niya. “Sana po magkaroon pa nang mas marami.”
“We are working on that one. Sa ngayon, iisa lang ang pastry chef natin. Ilang buwan pa lang nagsisimula ang operation. Thanks for the suggestion, Miles. I will inform our head chef about this. But for now, take a rest. Maaga pa kayo bukas.”
“Ma’am Jhunnica, hindi pa po namin nakikilala ang head chef,” sabi niya.
“Ah, yes! Kadarating pa lang niya kahapon galing sa France. He attended a food festival there. Mamayang gabi pa lang siya pupunta dito sa club. Don’t worry. You will meet him tomorrow morning.”
“Guwapo ba siya, Ma’am? Masungit?” pilyang tanong ni Quincy.
“Why don’t you find out yourself?” anang si Jhunnica.
“NAKU! Bilisan mong magkape! Baka ma-late tayo. Lagot tayo kay Chef.”
“Teka lang! Napapaso na nga ako dito!” angal ni Miles pero pilit pa ring uminom ng mainit na kape. Wala pang alas kuwatro nang madaling araw. Opening sila ni Quincy sa restaurant. Karamihan kasi ng members ng riding club ay sa restaurant nagbe-breakfast. Maaga rin kasing nagho-horseback riding ang mga ito.
Ayon kay Jhunnica, nagho-host din ng business conference ang club. Sometimes, the members take their clients there to unwind at doon na rin nagko-close ng deal. Kaya may araw na sobrang dami ng trabaho nila.
Halos kaladkarin na siya ni Quincy nang makalabas na sila ng apartment. Ayaw gumalaw ng paa niya. “Ano ka ba? Gusto mo pa yatang matulog dito.”
“Ang lamig, Quincy! Parang bumababa pa yata ang ulap dito.”
“Kapag hindi mo binilisan, iiwan kita dito!” banta nito.
Pagdating nila sa restaurant ay bukas na ang pinto. Sarado pa ang ilaw. Binuksan niya ang isang ilaw. “Mukhang wala pang tao pero bukas na ang pinto. Weird,” sabi niya pagsilip sa kitchen. Madilim pa doon.
“Malay mo may tao na kanina. Tapos iniwan na lang bukas dahil may nakalimutan sa quarters nila. Basta! Magtrabaho na lang tayo.”
Inilagay niya ang gamit nila sa locker nang marinig nilang may kumakantang boses ng lalaki. “I remember so well. The day that you came into my life.”
Kinalabit siya ni Quincy. “Miles, sino iyon? Parang may multo yata dito. Narinig mo iyong boses. Parang galing hukay!”
Tinabig niya ang kamay nito. “Huwag ka ngang ganyan. Takot ako sa multo.” Baka umuwi siya sa Manila nang wala sa oras. Diyos ko! Huwag po sana akong pagpakitaan ng multo. Nandito po sa lugar na ito ang pangarap ko. Sabihin naman po ninyo sa multo, huwag niya kaming takutin ni Quincy.
Subalit di pa rin nawawala ang boses hanggang mag-chorus. “How did you know? I needed someone like you in my life. And there’s an empty space in my heart. You came at the right time in my life!”
Hinila niya si Quincy. “Kailangan nating labanan ang takot natin. Kita mo, mawawala din ang multo na iyan.”
“Paano kung magpakita sa iyo?”
“Magdasal na lang tayo, pwede? Saka mag-aalas-kwatro na. May dadating na tayong kasamahan. Di na tayo masyadong matatakot.”
“Sige!” sabi ni Quincy at sabay na lumabas ng locker room.
“Parang nanggagaling sa loob ng kitchen kanina,” pabulong niyang sabi. “Ngayon parang nasa may counter na. Mas malapit na.” Napapikit siya. “Quincy!”
Inakay siya nito. “Kaya natin ito! Kaya natin ito!”
Dahan-dahan silang sumilip sa counter. Isang lalaki na nakasuot ng puti ang nakatalikod habang kumakanta. Kinikilabutan talaga siya. Nagtatayuan na ang balahibo niya. “No words can express how much…”
Pumikit ulit siya. Kaya niyang labanan ang multo basta di niya makikita nang harapan. “Masamang espiritu, lumayo ka sa dito! Manahimik ka na!” sigaw niya.
“Anong kaguluhan ito? Sino ang masamang espiritu?”
Nang ibukas niya ang multo ay di naaagnas na bangkay ang nakita niyang nakatayo sa counter kundi si Gino Santayana. Masamang espiritu nga.
Kinusot niya ang mata. Dinadaya lang ako ng paningin. Mukhang alam ng masamang espiritu ang weakness ko. Tukso! Layuan mo ako!
Naramdaman niyang bumaha ng ilaw at napadilat siya. Si Gino nga mismo ang nasa harap niya. At mas nakakatakot pa iyon kaysa sa multo. Parang gusto na niyang magtatakbo pabalik sa pinanggalingan niya.
“NAKU, Sir! Pasensiya na po!” sabi ni Quincy. “Kasi po akala namin wala pang tao.”
Naestatwa siya nang dahan-dang lumapit sa kanila si Gino. Nakasuot ito ng uniform ng chef. Di siya makatingin nang diretso dito at yumuko sa kahihiyan. Mas malalang bangungot pa ito kaysa sa makakita ng multo.
“You must be the newbies,” he said in a cool voice. Tumayo ito sa harap nila at nagpapalit-palit ang tingin sa kanila ni Quincy. “I am Chef Gino Alfred Santayana. You can call me Chef Gino. I am your head chef, kitchen manager and I own Riders Verandah’s Café and Restaurant.”
Ano ba naman ang napasukan ko? Ngayon, di lang siya basta guest. Siya pa ang magiging boss ko. As in BIG BOSS! It was like jumping from the frying pan to the fire. Mali yata ang desisyon niya na magsimula ng bagong buhay sa Stallion Riding Club dahil nandoon mismo ang multo na tinatakbuhan niya.
“I am Quincy Montoya. Nice meeting you, Chef!” anang si Quincy. Mabilis itong nakabawi sa nangyari at nagawa pa nitong ngumiti.
“Millicent Buencamino, Sir.” Inabot lang niya ang kamay pero di ito tiningnan. Parang wala na kasi siyang mukhang ihaharap dito sa kahihiyan.
Kinamayan siya nito at bahagya pang inilapit ang mukha sa kanya. Na parang kinikilala siyang mabuti. “Ah! It is good to know that I have an exorcist in my staff. That was a very brave one, Miles,” mariin nitong binanggit ang pangalan niya. Hindi siya matapang. Ngayon pa lang ay naduduwag na siyang makaharap ito. His hand was warm and it lessened the chill in her body. He was definitely not a ghost.
“Sorry, Chef! Matatakutin po kasi kami sa multo. Nakaputi po kayo kaya akala namin multo. Di po namin sinasadya na mag-eskandalo,” sabi ni Quincy.
“Akala ko may reklamo kayo sa boses ko,” sabi ni Gino at humalukipkip.
“Naku, Sir! Wala pong problema sa boses ninyo,” sabi ni Quincy.
Malaking problema kamo ang boses niya. Sa sobrang takot niya, nagmukha tuloy siyang katawa-tawa sa harap nito. Unang araw pa ng trabaho niya.
“Medyo natakot lang kami dahil wala namang tao kanina,” dugtong niya.
“Nasa private office ako kaya di ninyo ako nakita. Di ko naman naramdaman na dumating kayo dahil nasa locker room na kayo paglabas ko,” paliwanag nito. “Hindi ninyo kailangang matakot. Wala pa namang incident na nagkaroon ng multo dito. We have the place blessed. Saka huwag kang matakot, Quincy. Nandito naman si Miles. Kayang-kaya niyang labanan ang mga multo.”
“Good morning, Chef!” bati ng isa sa mga kitchen staff pagpasok. “Kumusta ang France? May pasalubong po ba kami?”
“Siyempre. Lahat meron,” sabi ni Gino at bumaling sa kanila. “Welcome to Rider’s Verandah Café and Restaurant. Welcome to Stallion Riding Club.”
ANO ba kasi ang ginagawa ng kumag na ito dito pa nagtayo ng restaurant? Pwede namang sa Tawi-tawi na lang, isip-isip ni Miles habang nakatitig kay Gino. Naka-out na siya nang ipatawag siya nito sa opisina nito. Binabasa ang resume niya.
“Millicent Buencamino, twenty-two years old, graduate of Hotel and Restaurant Management in Pamantasan ng Pasig.” Itinapik ni Gino ang daliri sa baba. “Bakit naisipan mong dito magtrabaho sa Stallion Club?”
“The salary and the compensations are okay, the place looks great and I want change for one thing. And I thought this is a nice place to start again.” Malay ba niyang may guwapong impakto sa paraisong iyon?
Ibinaba nito ang resume at nanunukso siyang nginitian. “Hindi kaya sinusundan mo lang ako?”
Napanganga siya. “E-Excuse me?”
Tumayo ito sa likuran ng upuan niya. “Two months akong nawala. Kaya naman na-depress ka at na-miss mo ako. Kaya naisipan mong sundan ako dito.”
Tumayo rin siya at hinarap ito. “Masyado ka namang guwapo para baguhin ko ang buhay ko para lang sa iyo, Sir Gino. Ganoon ba ako kabaliw sa iyo?”
Nagkibit-balikat ito. “Iyon kasi ang sabi ng mga kasamahan mo.”
“What?” bulalas niya.
“Dumalaw ako sa DOME kahapon. Sabi ng manager mo, naging matamlay ka mula nang di mo ako nakita. Nawalan ka na ng ganang magtrabaho. Kaya naisipan mong lumipat dito.”
Ang walang hiya! At ipinagtanong pa pala siya. Akala ba niya ay di na siya nito guguluhin. “Iyon mismo ang dahilan ko kaya ako lumipat dito. Para makalayo sa tulad mong makulit. Hindi kita nami-miss. Tatlong beses ko ngang inayawan na makipag-date sa iyo, hindi ba?”
“Oo nga pala. Ayaw mo akong makita,” malungkot nitong sabi. “Ibig sabihin gusto mo nang mag-quit sa trabaho ngayon?”
“Hindi ko gagawin iyon. I like it here, kahit nandito ka pa.”
“Kahit pa ako ang boss mo? Hindi ka ba natatakot na tuluyang ma-in love sa akin. Araw-araw mo akong makikita. Sige ka, ikaw din.”
“Hindi kaya ikaw ang natatakot na makita ako? Araw-araw mong makikita ang babaeng sumira sa record mo dahil tinanggihan kita.”
Humalakhak ito. “Of course not. Tuwang-tuwa nga ako dahil nandito ka. Sasaya na naman ang boring kong buhay dahil sa iyo.”
Naningkit ang mata niya. “Chef Gino, hindi personal clown mo ang job description ko. I am here as a service crew. So please maging professional tayo sa isa’t isa. I will respect you as my boss and I will work diligently. Walang problema.”
Gusto niyang maging pormal sila sa isa’t isa. Ayaw na niyang makipag-flirt na naman ito sa kanya. Mapapalapit lang ang loob niya dito. At sa dami ng babae na lagi nitong isasama sa riding club, di na siya nito basta-basta maaakit. Sino ba naman siya kumpara sa mga sosyal at magagandang babae na kakilala nito?
Tumango-tango ito at bumalik sa kinauupuan. “You said so.”
“Pwede na po ba akong umuwi, Sir?”
“Teka!” May binuksan itong paper bag at inilabas ang muffler. Lumapit ito sa kanya at inayos ang muffler sa leeg niya. “Malamig sa labas dahil elevated dito.”
“Thank you.” Lahat ay pinasalubungan nito kahit na si Quincy ay mayroon. “Akala ko ba iyong champagne na ang pasalubong mo sa amin ni Quincy?”
“Nope. Pang-welcome ko iyon sa mga bagong empleyado ng Rider’s Verandah. I bought this muffler for you. Gusto ko sanang isuot mo ito kung sakaling yayain kitang mag-date dito. Malamig kasi dito. I was about to ask you out again.”
She didn’t expect that. Akala niya ay wala na itong pakialam sa kanya. “Bakit kukulitin mo na naman ako? Nagsawa ka na ba sa mga babae sa France?”
“Maraming nagyaya sa akin. Sabi ko may naiwan ako sa Manila at siya lang ang gusto kong maka-date. Now, I am glad that you are here with me.”
“I didn’t come here to have a date with you. I came here to work. I will see you tomorrow, Chef Gino.” She must be more careful now. Kung di niya ilalayo ang sarili kay Gino, tuluyan nang mahuhulog ang puso niya dito.