ILING agad ang naisagot ni Sindy nang marinig niya ang suhestiyon ni Gabryel. “No! I won’t go back to Altamerano.”
“Why not? It is the perfect place. Naroon ang pamilya mo. You need them right now. At mas makakapag-relax ka roon.”
Naging matigas ang anyo niya. “Do you know what it means if I step on Altamerano at this point? I achieved nothing and I’ve given up.” Pagtatawanan siya ng pamilya niya at pagmamalakihan siya ng mga ito. “This is not my end, Brye.”
Mahabang sandaling hindi ito kumibo, tila inaanalisa ang sitwasyon niya. “I have a suggestion. Why don’t you stay at my house at the Stallion Riding Club?”
Nahigit niya ang hininga. “That exclusive riding club? Hindi lang naman iyon para sa mga bachelors?”
“Oo. Pero puwede ko namang isama kung sino ang gusto kong isama. And you can stay in my house all you want. Hindi ko naman iyon laging ginagamit.”
Nakita na niya ang Stallion Riding Club sa commercial ng Stallion shampoo and conditioner. It was like paradise. Luntian ang paligid, maraming mamahaling kabayo na pagala-gala sa club at marami ring guwapo. Pero kahit ang mga babae ay hindi basta-basta nakakapasok nang hindi iniimbitahan ng kahit sinong member. Mangilan-ngilan lang ang impormasyong nakukuha niya tungkol sa club.
“Sino pa ang ibang tao sa bahay mo?”
“Wala. May tagalinis lang doon dalawang beses sa isang linggo. You can treat the house as your own if you want.”
Nakagat niya ang labi. “Parang ayoko yata.”
“Natatakot ka na baka ma-tempt kang pagsamantalahan ako?”
Hinampas niya ito sa braso. “Hindi, `no! Parang mas okay na ako rito.”
The offer sounded so tempting but it was too good to be true. Mula nang humiwalay siya sa pamilya niya, parang hindi na siya sanay manatili sa magagandang lugar. Mas sanay na siya sa simpleng buhay. And entering the Stallion Riding Club looked a bit complicated.
“You need a new environment. Doon sa lugar na puwede kang mag-enjoy. Makaka-experience ka ng bagong bagay at makakakilala ka ng ibang tao. Treat it like a grand vacation.”
“Pero marami pa akong aasikasuhin dito.”
“Listen! I will take care of everything. I will buy you a new laptop to replace the old one. I will take care of your bills. At habang wala ka rito sa bahay mo, ako na rin ang bahalang magbayad ng upa. That is, if you still want to come back to this place after you have saved enough. Or you can rent a better place.”
Hinawakan niya ang sentido. “Sandali. Isa-isa lang. Nagugulo ang isip ko sa mga sinasabi mo. You are practically providing everything for me.”
Living an independent life for years, she was not used to the idea of someone helping her out again.
“Ano ang masama? It is my fault that you are in dire jeopardy right now.”
“Oo na. Kung `di dahil sa kaguwapuhan mo, hindi ako aawayin ni Jennelyn. Oo na. Kasalanan mo na lahat. Pero baka may magalit kung sasama ako sa iyo. Baka mamaya, marami pang Jennelyn sa riding club na naghahabol sa iyo.”
“Huwag mo silang intindihin. It’s as if I will allow any of them to harm you.”
Humalukipkip siya. “Huwag na lang sa riding club. Baka mamaya, lalo pa akong mapahamak kapag nakaharap ko ang mga babae mo.”
“Ano’ng gusto mo? Sasama ka sa akin o sasabihin ko kay Tita Eliza kung ano ang nangyayari sa iyo ngayon,” banta nito.
“Oh, gosh! She’ll drag me home by the hair.” At iyon mismo ang huling bagay na gusto niyang mangyari. Ang malaman ng pamilya niya ang kamiserablehan niya.
“Ibig sabihin, papayag ka nang sumama sa akin sa riding club?” nakangising tanong nito. Nahuli na nito ang kahinaan niya.
“I don’t have a choice, do I?” The idea of spending her vacation at the Stallion Riding Club sounded more appealing than being caged in Altamerano with her whole family taunting her. At least sa riding club, si Gabryel ang kasama niya.
“GABRYEL, you have a great house!” Sindy exclaimed excitedly when she saw the house. It was Balinese in style. The door was antique Indonesian. May malaking antique gong pagpasok pa lang sa foyer. May tubig din na lumalabas mula sa bibig ng isang character sa Hindu myth at nagsilbing fountain.
“Nang bumiyahe ako sa Bali, binili ko ang mga pieces na ito. They used to crowd my penthouse. Hanggang makabili ako ng lupa rito sa Stallion Estate at naisip ko na gawin na lang Balinese style ang bahay ko.”
“Napansin ko rin sa nadaanan natin. May Japanese style pa nga.”
“That is Suichiro Hinata’s house. He is Filipino-Japanese. He even has his own hot spring. Pero siyempre, may sarili ring ipagmamalaki ang bahay ko.”
“It must be the gong,” aniyang pinalo ang instrumento. “This is great! Naalala ko tuloy ang mga napapanood ko noong bata ako. Sa sultanates, ginagamit ang gong kapag may ia-announce ang sultan or may darating na bisita.”
“Basta huwag ka lang masyadong maingay. Baka sugurin tayo ni Romanov. He is my nearest neighbor and he is in a hibernating stage right now.”
“Romanov. Is he Russian?”
“No. But you must know him. Romanov Cuerido.”
“That young handsome director? Kapitbahay mo lang siya. I must meet him. Puno nga ng guwapo rito, `no?”
Pinigilan siya nito sa balikat. “Nakuha lang sa ganda ng ilaw ng pictures nila sa TV at sa magazine. Pero di-hamak na mas guwapo ako sa mga iyon. Saka masungit si Rome ngayon. Huwag mong kakausapin. Baka awayin ka.”
Inikot pa nila ang bahay. Her room was overlooking the lake. “Wow! This is a nice place.” Sa ibang kuwarto naman ay kita ang forest at sa iba naman ay ang garden. Binuklat din niya ang cabinet at refrigerator sa kusina.
“Kompleto ang supplies diyan. Puno ang fridge at ang cabinet. It will last for a few days so you don’t have to worry. You want to see the library?”
“Yes. Of course.” She loved books and other reading materials. At doon din siya kukuha ng impormasyon para sa research niya.
Naroon ang maraming libro sa loob ng library. Like her, Gabryel loved books, too. Naroon din ang collection ng iba’t ibang pelikula at documentaries. Her lips formed an O when she saw his computer set. She was sure it was state-of-the-art. It was heaven.
“It has an Internet. You can use my computer if you want to work here in the library. And this one is yours.”
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang bagong Sony VAIO laptop. “Jeez! Ipapahiram mo sa akin ang laptop mo?”
“No. That one is yours.”
“Pero di-hamak na mas mahal ito nang tatlong beses sa laptop ko dati. Bakit hindi na lang iyong dating model ang binili mo?” Ang katumbas niyon ay isang taong kita niya bago siya makabili ng ganoon kamahal na laptop.
“Why settle for less? Mas okay na ito ang gamitin mo. It has a DVD-writer and a bluetooth. Ganito rin ang laptop ko. So I am sure you will love it.”
Nilaro ng mga paa niya ang puting buhangin habang nakaupo sa hammock na nasa garden. He put the sand there to get the beach effect. “You mean I have this house for myself most of the time? Hanggang kailan ako rito?”
Sinamahan siya nito sa hammock. “Hanggang gusto mo.”
Tumawa siya. “Abuso na iyon. Kapag bumalik na ang momentum ko sa pagsusulat at nakaipon na uli ako ng pera, aalis ako rito. Ayoko namang makaabala sa iyo. Siyempre, ano ang sasabihin mo sa mga girlfriend mo kapag nalaman nilang dito ako tumutuloy?”
“Wala akong girlfriend. Ito naman, nagselos ka na naman.”
Kinurot niya ang braso nito. “Hindi ako nagseselos. But thanks, Brye!”
Hahalikan sana niya ito sa pisngi nang eksaktong lumingon ito. Eksaktong tumama ang halik niya sa mga labi nito. It was just a simple brush but she felt electricity run through her veins.
Mabilis na bumaba siya mula sa hammock at itinuon ang mga mata sa puting buhangin. Mula ngayon ay hindi na siya makakatingin nang diretso rito. “H-hindi ka pa ba aalis? Hindi ba, may meeting ka pa?” pagtataboy niya rito.
Inihatid lang naman siya nito sa riding club pero kailangan nang umalis nito. Lalo na ngayon. Hindi na siya komportable na kausapin ito. Parang napakaliit ng lugar na iyon sa kanilang dalawa. And it changed because of a simple kiss.
“Yeah. I am about to.” Tumigil ito sa likuran niya pero hindi siya humarap dito. Nag-iinit pa rin kasi ang mukha niya. “Dito ka muna sa bahay buong maghapon. Magpahinga ka muna. Then tomorrow, I’ll give you a tour around the club.”
Tumango siya at bahagyang sinulyapan ito. “Yeah, thanks!”
“One more thing. Huwag kang lalabas dito hangga’t `di mo ako kasama.”
Halos hindi siya makatingin dito nang ihatid ito sa pinto. Mukhang naiintindihan din ni Gabryel ang ikinikilos niya. Katulad niya ay tahimik din ito.
Umupo siya sa tabi ng fountain nang makaalis na si Gabryel. “Why should I bother myself with just a simple kiss? Aksidente lang iyon. And Brye knows that.” Winisikan niya ng tubig ang kanyang mukha. “Wake up, Sindyrella. Gabryel is not a Prince Charming. You don’t need one, remember?”
Nandoon siya para magbakasyon at magtrabaho, hindi para magpantasya kay Gabryel. Kung paiiralin na naman niya ang emosyon niya, baka isang malaking pagkakamali na makasama niya ito roon.
“NASAAN na kaya ang lalaking iyon? Sabi niya, pupunta na siya rito before lunch at sabay na kaming kakain sa labas. Ala-una na pero wala pa rin,” pagsisintir ni Sindy habang palakad-lakad sa foyer at hinihintay si Gabryel. Hindi siya nagluto dahil na rin sa utos nito. Pagkatapos ay male-late naman pala ito.
Sinubukan niyang tawagan ito sa cellphone pero out of coverage area pa rin. “Brye, nasaan ka na ba? Inip na inip na ako rito.”
Kahit gaano pa kaganda ang bahay nito, hindi rin siya makatagal na maghapong nakakulong. Excited kasi siya na makita ang buong Stallion Riding Club.
Nag-ring ang cellphone niya pero hindi si Gabryel ang tumawag kundi si Miles, isa sa mga readers niya na naging kaibigan niya. Sa Rider’s Verandah kasi ito nagtatrabaho, isang restaurant sa loob ng club. “Hoy, bruha! Ang sabi mo, pupunta ka rito para mag-lunch. Aba! Ala-una na. `Di ka pa ba magpapakita?”
“Gutom na nga ako, eh! Wala pa kasi ang kaibigan ko.” Dahil naka-mind-set na siyang kakain sa labas, wala siya sa mood na magluto kahit gutom na siya.
“Hay, naku! Iwan mo na siya at sumunod ka rito. Hindi ka dapat nagpapagutom dahil lang sa lalaking iyan. Masarap ang smoked oyster and salmon namin. Luto iyon ng boss ko kaya masarap.”
“Iyon ba si Gino? Iyong boss mo na crush na crush mo?”
“Heh! Huwag ka nang manukso. Punta ka na lang dito.”
“O, sige, pupunta ako riyan, `tapos ituro mo sa akin si Gino.” Humagikgik siya. Excited kasi siyang intrigahin ang love life ng ibang tao. “Paano pumunta riyan?”
“May golf cart na umiikot sa paligid ng club. Magpahatid ka lang sa Rider’s Verandah, `tapos hanapin mo ako. Okay na iyon.”
Sinunod niya si Miles. Hindi na nga niya na-appreciate ang ganda ng paligid sa sobrang gutom. Pagdating sa Rider’s Verandah ay sinalubong siya ni Miles. “Aba! Paganda ka nang paganda, sister. Iba na talaga ang in love.”
“Anong in love? Ikaw, kumusta na?”
“I am starving to death. At ayokong makasama sa kamalasan ko sa buhay ang pagkakaroon ng ulcer. No thanks, really.”
Ibinigay nito ang menu sa kanya. “Basta um-order ka ng gusto mo.”
“Hi! You are Sofia Jade, the romance novel writer?” tanong ng isa sa mga service crew sa kanya. “I am Quincy. I am one of your readers. Hindi ko alam na halos magkaedad lang tayo. Akala ko kasi, matatanda na ang mga writers.”
“Nice meeting you, Quincy.” Hindi lang siya masyadong makapagsalita dahil gutom na siya. Pero natutuwa siya kay Quincy dahil madaldal ito. Mukhang marami siyang makukuhang impormasyon dito tungkol sa riding club.
Nag-text siya kay Gabryel at sinabing sa Rider’s Verandah na sila magkita.
Hinihintay niyang dumating ang order niya nang may lumapit na lalaki sa kanya. “Hi, I am Eiji Romero.”
“Hi! I am Sindy Arevallo,” aniya at kinamayan ito.
Eiji was a popular tennis player. He excelled in acrobatics tennis. She never thought he was a member of the Stallion Riding Club. Now this is interesting.
“I hope you won’t mind if I join you. Who are you with?”
“A friend...” Hindi pa niya nasasabi ang pangalan ni Gabryel ay may isa pang guwapong lalaki na lumapit sa mesa niya.
“Hi, Miss! `Mind if I buy you a drink? By the way, I am Rolf Guzman.”
Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito. Tumikhim si Eiji at tumayo. “Pare, naliliitan ka yata sa akin at `di mo ako nakita. Kanina ko pa siya kausap.”
“Ah, ganoon ba? Kaso, mas guwapo ako, pare,” pabirong sabi ni Rolf. Subalit sa kabila ng pabirong tono, naroon pa rin ang seryosong kompetisyon. At ang ayaw niya sa lahat ay mag-away-away ang mga ito dahil lang sa kanya.
Hindi pa niya alam kung paano mamamagitan sa dalawa nang may sumingit pang isang lalaki. “Hi, Miss! Pasensiya ka na sa kanila. Ganyan talaga ang mga kaibigan ko. Kaya mabuti pa, sa akin ka na lang makipag-date.”
Mas malakas pa pala ang lakas ng loob nito kaysa sa dalawang nauna. “Why should I go out with you? I don’t even know your name.”
“I’m Reichen Alleje,” anito saka inilahad ang kamay.
“T-the world-renowned equestrian? Iyong lumabas sa commercial ng Piagget Platinum Watch?” Hindi yata mauubusan ng guwapo sa lugar na iyon.
“The one and only.” Bahagyang yumukod ito saka nakalahad ang mga palad na binalingan sina Eiji at Rolf. “Sorry, guys! But she’s mine.”
“Wrong,” singit ni Gabryel. “She’s mine.”
Natigagal siya rito. Ano ba ang sinasabi nito? There was a possessive hint in his voice and in his eyes. Her heart beat faster. Sa lahat kasi ng nagkakagulong lalaki sa kanya, dito lang tumagal ang titig niya. Samantalang palagi naman silang nagkikita na dalawa. Ganoon ba kalakas ang epekto nito sa kanya?
“Don’t be such a crass, Gabryel. Kadarating mo lang,” sabi ni Rolf. “At kung paguwapuhan lang naman ang pag-uusapan, pakakainin lang kita ng alikabok.”
She stiffened when Gabryel put his arm around her shoulders. Pigil na niya ang hininga habang nararamdaman ang init ng katawan nito. Nang nagdaang araw lang ay magkatabi sila sa hammock at nanariwa ang alaala niyon, pati ang halik nito. Pero hindi naman niya magawang tumutol. Having him near her felt so good.
“Boyfriend nga ako ni Sindyrella. Ako ang Prince Charming niya.”
`Sounds like a fairy tale to me. Parang nakakakilig. Parang totoo.
Hindi siya sobrang apektado sa mga nakakakilig na eksena sa mga nobela niya. Ngayon lang yata siya kinilig nang todo. Parang nangangarap siya nang gising.
“Ang baduy naman ng entrance mo, pare,” sabi ni Reichen. “May Prince Charming-Prince Charming ka pang nalalaman.”
Pagkatapos ay nagtawanan ang tatlo. Pinagka-kaisahan ng mga ito si Gabryel. Humigpit lang ang pagkakaakbay ni Gabryel sa kanya. Mukhang wala itong balak magpatalo.
“Mabuti nang baduy kaysa naman basted,” kantiyaw nito.
“Sabi niya, kaibigan lang ang kasama niya rito,” sabi ni Eiji.
“Parang kaibigan kasi ang turingan namin ni Sindy.” Pinisil nito ang balikat niya. “Hindi ba, sweetheart?” anito, pagkatapos ay pinisil pa ang baba niya.
Nang ngitian niya si Gabryel at napansin nito na hindi naman siya kumokontra, saka lang niya na-realize na talo na nga ang mga ito.
“`Nice meeting you, Sindy,” sabi ni Reichen. “Sayang. Hindi dalawa ang puso mo.”
Tinapik ito sa balikat ni Gabryel. “Pare, sa iba mo na lang gamitin ang ka-corny-han mo. I am sure marami ka pang babaeng mabibiktima riyan.” Reichen didn’t take offense and just laughed. Mukhang sanay na sa pakikipag-inisan kay Gabryel.
“They are your friends?” she asked.
“Yes. Most of the members are my friends.” Sa isang iglap ay nawala ang ngiti nito at naging seryoso. “Bakit ka umalis ng villa? Hindi ba, sinabi ko sa iyo na hintayin mo lang ako?”
Napapagod na tiningnan niya ito. “Bored na bored na ako. Saka gutom na rin ako. Akala ko nga, `di ka na darating dahil `di mo naman sinasagot ang tawag ko. Tinawagan ako ni Miles. She is one of the crew here. Reader ko siya at kaibigan ko rin. In-invite niya ako na mag-lunch na. Treat niya.”
“Look what you’ve done. You created a circus because you are not with me.”
“Hindi ko naman kasalanan na nagtalo sila.” Nagulat na lang siya nang sunud-sunod na maglapitan ang mga ito sa kanya at isa-isang nagpapa-cute.
“You don’t know beans about men. They could act like wild stallions over a mare. Since you were unescorted, they took it as a given that you are unattached and they could take you out on a date. All of them.”
“Well, I am single. So what? Puwede naman akong makipag-date.”
His eyes narrowed. “Not in Stallion Club. Most of the members here are notorious playboys. You don’t know how to handle them because you are still a greenhorn about men. I don’t want you to get into trouble. So while you are here, I am your boyfriend. Naiintindihan mo ba?”
“Paano kung may magustuhan ako at alam niyang boyfriend kita? Hindi na ako puwedeng makipag-date. Paano pa ako magkaka-boyfriend?”
“Not in this club. Not with my friends. Alam ko ang likaw ng bituka nila. Most of them love to play. It is not your game.”
“I write romance novels. Alam ko ang ugali ng mga lalaki. Hindi na ako bata. I know how to handle them.”
“They are not characters in your novels. `Di mo sila mapapaikot. And this is the Stallion men’s world. Our world. We dominate here and we have our own rules. Kaya sundin mo na lang ako. Hayaan mong isipin nila na boyfriend mo nga ako habang nandito ka. Mas safe ka sa akin.”
She wondered if she was really safe with him. Because in that Stallion world, he was the only man she couldn’t handle.