Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 6

Hindi magkandatuto sa pagha-handle ng orders si Miles. Siya ang barista sa araw na iyon at anu-anong demands ang kasama sa order. Sanay na siya sa special demands ng mga guests. Pero kapag naiisip na order iyon ng maaarteng babae na companion ng ibang riders, naiinis siya.

Ang manager niyang si Jhunnica ay asawa ng isa sa mga members ng club. Di rin nito gusto ang ilan sa mga babaeng nandoon. Umaastang mayaman at sosyal pero ang totoo ay mga social climbers naman. At maliit ang tingin sa kanilang simpleng trabahador lang sa riding club. At balita pa niya, ilan sa mga babae doon ay naging companion na ni Gino. Lalo tuloy siyang nanggigil.

“Lagyan ko kaya ng sabon ang inumin ng mga iyan nang bumait?”

“Bakit nakasimangot ang sweetheart ko?” tanong ni Gino paglapit sa kanya.

“Hindi ako nakasimangot, Chef,” aniya at awtomatikong ngumiti.

Sa mag-iisang buwang pagtatrabaho doon ay nasanay na siya sa paglalambing nito. Sa ibang staff din naman ay malambing ito. Extra nga lang ang lambing nito sa kanya dahil siya lang naman ang ginagamitan nito ng endearment.

Pagdating sa trabaho, professional naman ito. Maayos silang sinasabihan kapag nagkamali. At tinitiyak nito na magkakasundo silang lahat. Mababait naman ang mga kasamahan niya kaya wala ring problema.

“Pagod ka na siguro. Ako na ang magfo-froth ng milk,” alok nito.

“Bumalik na lang ako sa kitchen, Chef. Ako na ang bahala dito.”

Pinisil nito ang pisngi niya. “Sige. Huwag kang masyadong magpapagod.”

Tumikhim si Quincy paglapit. “Pag-ibig na ba ang nakikita ko sa ngiti mo?”

Nilingon niya ito. “Pag-ibig ka diyan! Dalhin mo na lang ang order nila.”

“Aminin mo na kasi. Halatang-halata na kayo ni Sir Gino. Pag-ibig na ba talaga iyan?” tukso ulit nito.

“Magtrabaho ka na lang. Baka tarayan ka na naman ng isa sa mga babae diyan. Alam mo naman ang ugali ng mga iyan.”

“Huh! Mas maganda tayo sa kanila!”

Nasa counter na siya at magpapaalam kay Jhunnica na magbe-break nang lumabas ng kitchen si Gino. “O, sweetheart! Break mo na ba? Tikman mo ang Spinach stuffed Chicken Breast with Saffron Mayonnaise. Iniluto ko iyan para sa iyo.”

“Thank you.” Di niya mapigilang ngumiti. Halos araw-araw naman kasi siyang ipinagluluto ni Gino. And it was a sweet gesture. Lagi naman kasing espesyal ang niluluto nito para sa kanya. Mga pagkaing wala sa menu nila.

“Kita mo ‘tong si Gino. May bago na namang dinidiskartehang babae. Di ba iyan din ang iniluto niya para sa isang niligawan niya?” anang si Hiro, isa sa mga miyembro ng riding club at kaibigan ni Gino.

“Shuichiro, paninirang puri iyan!” nakasimangot na sabi ni Gino. “Alam mo ba na pwede kitang idemanda sa sinabi mo? Ngayon lang ako nagluto nito!”

“Hindi paninirang puri iyon,” sabi ni Reid, ang may-ari ang Stallion Riding Club. “Sabagay, mukhang alam naman na ni Miles ang tungkol diyan.”

“Bumalik na nga kayo sa function room!” pagtataboy ni Gino sa dalawa. “Sa halip na tulungan ninyo ako, sinisira pa ninyo ang diskarte ko. Pasalamat kayo at mga kaibigan ko kayo. Kung hindi, di na ninyo matitikman ang masarap na luto ko.”

“Basta huwag kang maniniwala sa pambobola niyan, Miles,” pahabol na ni Shuichiro. “Kaibigan niya kami kaya sa amin ka maniwala.”

“Mga inggitero!” usal ni Gino pag-alis ng dalawa. “Sinisiraan ako dahil wala silang Miles! Mamatay sila sa inggit.”

“Wala ka rin namang Miles, hindi ba? Di mo naman ako girlfriend. At di rin naman ako naniniwala sa mga pambobola mo.”

“Heto ka na naman. Nagde-deny ka na naman. Aminin mo na kasing in love ka sa akin. Araw-araw kong nilalagyan ng gayuma ang iniluluto ko para sa iyo.”

“In love ako sa iniluluto mo.”

“Sige na. Kumain ka na para lalo kang ma-in love sa akin. Sa susunod na magluto ako, for sure aamin ka na rin na in love ka sa akin.”

Naiiling na lang siyang nag-break. Di lang niya maamin kay Gino na pakiramdam niya ay espesyal siya tuwing ipinagluluto siya nito.

“Ang sarap naman yata ng pagkain mo. Luto na naman ni Chef Gino ‘yan, no?” sabi ni Quincy. “Patikim naman.”

Bahagya niyang itinulak ang plato dito. “Sige. Kumain ka. Masarap iyan. Gusto ko ang blending ng saffron sauce sa chicken saka sa spinach.”

Hay! Paano pa ba ako di mai-in love sa mokong na iyon? Guwapo, sweet at masarap magluto. Baka sa susunod na yayain niya ako ng date, di ako makatanggi.

“Hmmm… masarap nga. Kung ganyan siguro ka-sweet sa akin ang fiancé ko at lagi akong ipinagluluto, tuluyan ko na siyang pakakasalan.”

“Ha? May fiancé ka?” gulat niyang usal. Di naman kasi pala-kwento sa kanya si Quincy. Madalas lang itong mang-urirat ng buhay ng ibang tao pero wala naman itong iki-kwento tungkol sa sarili. “Nasaan na siya? Kailan kayo ikakasal?”

“Ah, huwag na nating pag-usapan iyan. Hindi naman importante. Iku-kwento ko na lang sa iyo kung ano ang napag-usapan sa function room.”

“Nakikinig ka sa usapan sa function room? Tsismosa ka talaga.”

“Tsismosa talaga ako! And you know what? There is a gathering this weekend. Mukhang may tournament sila at kasama ang lahat ng members ng club. Nag-uusap-usap sila kung sino ang dadalhin nilang companion.”

“Dapat palang ihanda ko na ang sarili ko. Trabaho na naman iyon!”

“Hindi iyon ang inaalala ko. Sino kaya ang companion ni Sir Gino?”

Natigilan siya sa pagsubo. Sino nga ba ang isasama nito? “Naku! Huwag mo nang problemahin iyon. Sa dami ng nagkakandarapa sa kanya, di siya mahihirapan.”

“Paano kung ikaw ang yayain niya?”

“Ako? Nakita mo ba ang mga babae kasama niya? Maganda, sexy at kahit pa absurd ang mga suot kaya nilang dalhin ang sarili nila. Hindi naman ako bagay doon. Saka magtatrabaho na lang ako dito. Mas malaki pa ang tip.”

PAUWI na si Miles sa staff’s house ay di pa rin mawala sa isip niya ang tungkol sa paparating na tournament. “Sino nga kaya ang makaka-date niya? Imposibleng ako dahil wala namang sinasabi si Gino.” Di niya maiwasang mainggit at magselos sa kung sinuman ang makaka-date nito. “Nakakainis! Bakit pa kasi nabanggit ni Quincy? Sana hindi na ako namomoroblema nang ganito!”

Ano ang gagawin niya kapag nakita niya si Gino na may kasamang ibang babae? Makakakilos pa ba siya nang normal? Baka matulala na lang siya. O kaya ay sungitan ang mga kasama niya. “Di ako dapat magpaapekto!”

Malapit na siya sa staff’s house nang may tumawag sa pangalan niya. “Miles! Miles, sandali lang!” anang si Gino. “May sasabihin ako sa iyo!”

Tumigil siya sa paglalakad. “Bakit, Sir?”

“Yayayain sana kita sa Sabado. We have a tournament and I want you to cheer for me. I want you as my date.”

Tumigil sa pagtibok ang puso niya. She was half-expecting it. Pero di niya alam kung ano ang dapat sabihin. “Ahhh… may trabaho kasi ako.”

“So? Pwede ka namang mag-day off sa ibang araw, di ba?”

“Ano… iba na lang ang yayain mo. Alam mo naman ang sagot ko, di ba?”

“Na ayaw mo akong maka-date? Oo. Basta ikaw pa rin ang gusto kong ka-date. Ipapadala ko ang isusuot mo. Bahala ka kung isusuot mo o hindi.”

NAPAPITLAG si Miles nang sikuhin siya ni Quincy. “Hoy! Tulala ka na naman. Dalhin mo na iyang order sa table fifteen. Baka mapagalitan pa tayo.”

“Pasensiya na,” usal niya at isinerve ang order. Araw iyon ng tournament pero pinili niyang magtrabaho na lang. Nasa kuwarto pa rin niya ang damit na ipinadala ni Gino. It was too pretty. Masasayang lang sa kanya. Ipinabalik na niya iyon nang nakaraang araw pero bumalik ulit sa kanya kaninang umaga.

“Sabi ko naman sa iyo, samahan mo na lang si Sir Gino. Ano? Aayaw-ayaw ka tapos malulungkot ka. Ewan ko ba kung bakit magulo ang kukote mo.”

“Kasi… Basta! Magtrabaho na nga lang tayo!”

Maraming guest nang araw na iyon. Naroon ang lahat ng members at di pwedeng walang kasama. Ang iba nga ay isinama pa ang kanya-kanyang pamilya. Buwan-buwan ay may ginaganap na tournament para sa miyembro ng club. Pagkakataon na rin iyon para makakilala ng bagong kaibigan. Ang iba naman ay ginagamit na pagkakataon iyon para sa negosyo. Sa sobrang dami ng tao ay nagdagdag pa sila ng mesa sa labas ng restaurant.

Kini-clear niya ang table sa labas nang pumasok si Gino at ang mga kaibigan nito. Kasa-kasama ang mga companion ng mga ito. Iniwas agad niya ang tingin. Ayaw na niyang malaman pa kung sino ang babaeng isinama ni Gino. Mas mabuti nang hindi ko alam. Para hindi ako masyadong magselos.

Nang di sinasadyang masulyapan niya si Gino ay napansin niya na masaya itong nakikipag-usap sa katabing babae. Masaya nga siya kahit wala ako. Magpapasalamat pa nga siya dahil di ako pumayag makipag-date sa kanya.

“Miles, dalhin mo ito sa table ni Sir Gino,” utos ni Jhunnica.

Pamanhirin mo na lang ang sarili mo. Ito naman ang gusto mo, di ba? Ang may kasama siyang ibang babae? Di siya pwedeng magmukhang tanga sa tournament para sa iyo. You are not that special either, Miles. Kaya wala kang karapatan na masaktan o magselos, wika niya sa sarili.

“Poor Gino. Hindi ko alam na wala kang ka-date. Sana tinawagan mo si Tonette. She’s free today,” anang si Jennelyn, anak ng isang dating sexy star.

Nagulat siya nang malaman na wala palang ka-date si Gino. Akala kasi niya ay isa sa mga babae doon ang ka-partner nito. Nang iikot niya ang paningin ay siyam lang ang nasa table. Si Gino ang walang kapareha.

“Sino naman ang may sabi na wala akong ka-date?” wika ni Gino.

“At nasaan naman ang ka-date mo?” tanong ng isa pang babae.

“Siya ang ka-date ko. Si Miles,” anito at nilingon siya. Nagkataon na kalalapag lang niya ng drinks ni Gino kaya nasa tabi niya ito.

“What? That waitress is your date?” mapanlait na sabi ng Jennelyn. “I can’t believe it, Gino! Madami namang babae diyan. Why her?”

“I can’t imagine a waitress wearing our attire. She can’t afford it,” wika naman ni Ryza, dating teen star. “The waitress uniform looks better on her.”

“Oh, please!” usal ni Jennelyn at sinapo ang noo. “Please don’t bring her to the circuit. I would surely faint.” Sumang-ayon ang iba pang babae. They gave her a mocking glance then laughed.

“Excuse me,” aniya at umalis sa table bago pa niya mahampas ng tray ang mga babaeng iyon. Nakasunod sa kanya ang tingin ng nakapaligid sa table nila Gino, tiyak na narinig din ng mga ito. “Ma’am, pwede pong five minutes break?” sabi niya ay Jhunnica nang makarating sa counter.

Di na niya hinintay pa ang sagot nito at tuloy-tuloy siya sa locker room. Idinikit niya ang ulo sa malamig na locker para kalmahin ang sarili. “Bitches!”

Bumukas ang pinto ng locker room. “Miles…”

Hinarap niya si Gino. “Ano bang pumasok sa utak mo? Bakit sinabi mo sa kanila na ako ang ka-date mo?”

“Ano ngayon kung sinabi ko iyon? Ikaw talaga ang gusto kong maka-date.”

“Sana hindi mo na lang sinabi. Tingnan mo, pinagtatawanan ka na ngayon. The whole riding club knows that you prefer to have a waitress for your date.”

“Wala akong pakialam kung pagtawanan nila ako.”

“Ang tigas kasi ng ulo mo,” paninisi niya dito. “Ibinalik ko na ang damit sa iyo. Sinabi ko nang humanap ka ng ibang date na bagay sa iyo.

“You are pretty, Miles. And you are a nice person. Magkasundo rin tayo sa maraming bagay. At kung kasama kita, hindi ako malulungkot.”

She looked at him with sad eyes. “I won’t fit in. I can’t wear nice clothes. Sila na ang nagsabi na ito lang ang bagay sa akin. Hindi ko rin sila kayang pakisamahan dahil simpleng tao lang naman ako. Mapapahiya ka lang sa kanila.”

“Bakit naman ako mapapahiya? Dahil service crew ka dito at nakita ka nilang nakasuot ng uniform? I am proud of you, Miles. Kahit ano pa ang suot mo pagharap sa kanila, ipagmamalaki pa rin kita.”

“But I am not like them--”

Pinigilan ng daliri nito ang labi niya. “You don’t have to be like them. I like you for what you are. Kung pagtawanan man nila ako dahil ikaw ang gusto ko, wala akong pakialam. You know what the sad thing is? Iniisip mo na kasing babaw din ako ng iba sa tagal na kasama mo ako dito,” anito at lumabas ng locker room.

Sumandal siya sa locker habang nakatitig sa pintong nilabasan ni Gino. Did she judge him hastily? Sa sobrang pagprotekta ba niya sa sarili ay nasaktan niya ito? Hindi nga ba niya kilala ang totoong Gino?

MARAHANG kumatok si Miles sa private office ni Gino. Higit isang linggo na mula ang tournament. Mula noon ay di na siya nito kinibo. Di na rin ito palabiro sa kanya. Samantalang di naman nagbago ang pakikitungo nito sa ibang tao. She missed the old Gino she knew. Iyong mahilig mag-flirt at sweet. Pero hindi niya alam kung babalik pa ang dating Gino sa kanya.

“Come in,” anang si Gino pagkatok niya.

“Sir, pwede kayong makausap?”

Inangat nito ang tingin sa papel na hawak. Napansin niya na nakakalat sa table ng schedule nila, costing at pati accounting report. Lahat kasi ay si Gino ang gumagawa. Kaya hindi simple ang trabaho nito. “Pasensiya na kung makalat.”

“Hindi naman ako magtatagal. Gusto ko lang mag-sorry sa nangyari noong nakaraan. Napahiya ka dahil sa akin.”

“Iniisip mo pa rin ba iyon? Forget about it!”

“Baka kasi nagalit ka sa akin. Sorry kung hindi ako nakipag-date sa iyo. Sorry rin kung inakala mong inisip ko na mababaw kang tao. Ayoko lang naman na mapahiya ka. Siyempre, may sinasabing tao ang mga iyon. Sino ba naman ako…”

“Stop belittling yourself, Miles. Di dahil may pera ang iba sa kanila, mas mabuti na silang tao kaysa sa iyo. Some have their own insecurities na pinagtatakpan nila ng pera. At di rin lahat sa kanila, tinitingnan ang suot ng mga tao. You have a decent job. You know how to work. You should be proud of yourself.”

“Yes, Sir!” aniya at tumango. Hindi niya makakalimutan na sinabi ni Gino na proud ito sa kanya. Kahit simpleng service crew lang siya. “Thank you.”

“Huwag ka munang umalis. Nabanggit sa akin ni Jhunnica na nag-comment ka tungkol sa mga dessert at pastries natin. You are not happy about them?”

“They taste good. Pero mas maganda po sana kung may iba pang variety tayo na io-offer sa mga guests natin. We can even make a sensation out of our desserts if you want. After all, marami sa mga customers natin mahilig sa coffee at tea. And they are perfect for pastries and cakes.”

“Nabanggit mo sa akin na gusto mong maging pastry chef. Bakit hindi ka na lang nag-apply na pastry sous chef?”

“Wala pa akong certificate sa baking and pastry. Hindi ko natapos ang special course dahil kinulang ako ng pang-tuition.”

“You have lots of potential, Miles. Nakausap ko ang manager mo sa DOME. Isang semester na lang yata ang kukunin mo. You can still work while taking up that last semester. Your culinary arts school has a branch in Tagaytay. You can transfer there. We can provide you the tuition and hire you right away.”

“Hindi, Sir! Mag-eenroll naman ako. Nakaipon na ako. Hindi na siguro kailangan pa na gastusan ninyo ako.” Sanay siyang magsumikap nang sarili niya. College pa lang ay working student na siya. Sa laki ng tip niya na natatanggap sa riding club at dahil wala naman siyang masyadong gastos, nakatipid siya sa sweldo niya at malaki ang tip. Sapat na ang naipon niya para mag-enroll.

“We will expand the dessert line with your help. A few months from now, we will celebrate the Rider’s Verandah’s anniversary highlighting our new line of desserts. Kausapin mo ang pastry chef natin para sa mga bagong recipes.”

She stared at him open-mouthed. “I would be like a pastry sous chef?”

“Yes. A sous chef.”

“Sigurado kayo, Sir?” Parang inilalapit na siya nito sa pangarap niya. Sa pagiging sous chef ay mate-train siya. At ilang taon pa ay magiging chef na siya.

“Of course. Alam ko na hindi mo ako ipapahiya.”

Ginagap niya ang kamay nito. “Thank you, Sir! Gagalingan ko, promise!” Sa pagkakataong ito, titiyakin niyang di na mapapahiya pa si Gino.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.