Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 53

Galit na galit si Marist nang sagasaan ng isang kaskaserong driver ang paninda niyang bag na kumalat sa kalsada. Handa na siyang giyerahin ito pero umurong ang dila niya nang makita ang guwapong driver. Si Emrei Rafiq.

But she hated his type – guwapo, mayaman at parang kayang bilhin ang kahit ano. Pero habang nakikilala niya ito, mukhang nagbabago ang tingin niya dito.

Gugustuhin pa rin ba niya ito kahit na possible siyang masaktan?

“Friendship, dahan-dahan naman sa paglalakad. Nahihirapan ako. Saka huwag ka namang masyadong magmadali,” angal ni Constancia kay Marist habang patawid sila ng kalsada papunta sa pabrika ng bag.

“Anong inaangal-angal mo diyan? Dahil sa kabagalan mo, tinanghali tayo,” inis na sabi niya at nagpatiuna nang naglakad. “Dapat kanina pa tayong alas otso nang umaga nandito. Anong oras na? Alas onse na!”

“Kasi naman bakit kailangang maaga pa tayong umalis? Eh, di nasira ang beauty rest ko. Sabi ng nabasa kong fashion magazine…”

“May epekto ba naman sa iyo ang beauty rest na iyan? Lalo ka lang nanaba.”

“Don’t say that! Don’t!” saway nito sa kanya. “Hindi ako tumaba!”

“Huwag kang mag-alala. Papayat ka rin basta sumama ka lang sa akin.”

Bumuntong-hininga ito. “Tinatamad talaga akong maglakad.”

Hindi niya pinansin ang reklamo nito. Namamakyaw kasi sila ng native bags sa pabrika sa Laguna. Saka niya iyon ititinda sa mga kakilala niya sa Maynila. May tinda rin siyang sapatos at damit. Pati na rin mga cosmetics ay pinasok na niya para mabuhay. At para sa katulad niyang mahirap, walang oras na dapat sayangin.

Pagdating sa pabrika ay tumuloy agad sila sa opisina ng may-ari. “Good morning po, Ninong Fidel!” bati niya at nagmano.

“Marist! Mabuti naman at dumating ka. Akala ko hindi ka makakarating. Nag-alala tuloy ako dahil baka may nangyari kay Ising.”

“Ayos lang po si Nanay.” May sakit kasi ang nanay niay at mahirap na maiwang mag-isa. “Binabantayan po ng kaibigan niya.”

“Hello, Mang Fidel! Gumugwapo po tayo, ah!” bati naman ni Constancia.

“At lalo kang nagiging sexy, Connie!” ganti naman ni Mang Fidel.

Kinalabit siya ni Constancia. “Narinig mo, friendship? Sexy daw ako.”

Iningusan niya ito. “Naniwala ka naman kay Ninong. Bolero iyan.”

“Ito ang walang halong bola,” sabi ng Ninong Fidel niya. “Tuwang-tuwa ang mga kliyente namin sa mga designs ng bag mo.”

“Wow! Ang galing mo naman, best friend!” sabi ni Constancia. “Samantalang parang bayong lang naman ang design mo.”

“Anong bayong lang? Creative iyon saka may quality ang gawa,” depensa niya. Dati ay simpleng bag lang ang produkto ng ninong niya. Hindi niya nagustuhan kaya nag-suggest siya dito. Nagustuhan nito ang mga suggestion niya at inalok na mag-design ng bag para dito. Dalawang beses sa isang buwan siya kung mag-report dito. Una para mamili ng bag at pangalawa para magpasa ng designs niya.

“Oorder pa daw sila ng mas marami. Naghahanap pa nga sila ng ibang designs at oorder pa daw sila. May bago ka bang dala?” tanong ni Mang Fidel.

“Opo. Tinapos ko po talaga kahapon para maidala ko ngayon,” aniya at inabot ang folder niya ng designs. “Gumamit po kayo ng mas maraming abaka at pandan. Mas mura kasi ang bag pero matibay kapag iyon ang ginamit ninyo.”

“Pandan?” tanong ni Constancia. “Di ba sa pagkain lang iyon?”

“May ibang species ng pandan na mas malaki kaysa sa karaniwan. Pwede silang patuyuin at lalain para gawing bag. Mayroon no’n dito sa Pilipinas. Mas mabuti nang gumamit ng local materials kaysa naman mag-import pa tayo.”

“Iyan ang gusto ko sa iyo, Marist. Di lang basta magaganda ang designs mo. Matipid pa. Kaya nga di masyadong mataas ang gastos ko mula nang mga designs mo ang gamitin ko. Baka nga mag-export na rin ako. May interesadong kliyente na dalhin ang mga bag ko sa abroad,” kwento ni Mang Fidel.

“Aba! At pang-international na ang bag mo kapag nagkataon,” anang si Constancia. “Kasosyalan iyon, friendship!”

Inabutan siya ni Mang Fidel ng anim na libo. “Pasensiya ka na kung ito lang ang maibibigay ko sa iyo ngayon. Hindi pa naman kasi katagalan itong pabrika ko at unti-unti pa lang akong nakakabawi. Huwag kang mag-alala. Kapag mas lumago itong pabrika, tataas din ang maibibigay ko sa iyo.”

“Ang totoo, ako nga po ang nagpapasalamat sa inyo, Ninong. Hindi kasi ninyo kami pinabayaan ni Nanay.” Ito ang tumulong sa kanya para mag-aral. Simpleng labandera lang naman kasi ang nanay niya. Tinulungan din siya ng ninong niya na makapagpalago ng negosyo niya kahit na maliit lang. Binigyan siya nito ng puhunan. Kaya masaya na siya na makatulong dito sa sarili niyang paraan.

“Sus! Nahihiya nga ako sa iyo. Aba! Kung naging designer ka sa malalaking kompanya, hindi lang ganyan ang sahod na makukuha mo,” wika ni Mang Fidel.

“Hindi rin naman po ako tatanggapin na bag designer dahil di naman po ako nag-aral sa art school. Hanggang second year college nga lang po ako.” Tumigil kasi siya sa pag-aaral nang magkasakit ang nanay niya. “Mabuti nga po kahit paano napakinabangan ninyo ang mga designs ko.”

“Pa-humble ka pa diyan, friendship!” sabi ni Constancia. “Tutulungan kitang maging sikat na designer oras na makapag-asawa ako ng isa sa Stallion boys. Siyempre mayaman na rin ako kaya kapag ginamit ko ang bag na gawa mo, kaiinggitan ako ng ibang babae. Makikibili na rin sila ng bag mo.”

“Stallion boys?” Ang mga Stallion boys ay ang mga kalalakihan na nai-feature sa commercial ng Stallion Shampoo and Conditioner. Naging sikat ang commercial na iyon dahil nagguguwapuhan ang mga lalaki. Pawang mayayaman din ang mga ito at galing sa Buena familia. At miyembro din ng exclusive na Stallion Riding Club.

“Aba! Maganda nga iyang pangarap mo, Connie,” sang-ayon ni Mang Fidel. “Balita ko nga nuknukan daw ng yaman ang mga lalaking iyon. Halos lahat nga ng mga babaeng kakilala ko kahit iyong may asawa na, gusto sila.”

Huminga siya nang malalim at tumingin-tingin sa mga bag na naka-display sa shelf. “Ninong, huwag na ninyong kunsintihin si Constancia. Lalong mag-iilusyon iyan. Kailan naman iyan makapasok sa Stallion Riding Club? Sabi milyon ang membership doon para sa mga lalaki. At di basta-basta nakakapasok ang mga babae kung di sila naimbitahan. Malamang mga mayayaman lang din ang mga iyon.”

Ang Stallion Riding Club ay lugar lang para sa mga mayayaman. Di pwede doon ang mga tinderang tulad niya. Wala siyang interes para sa gawain na pang-mayaman. Ang tanging nasa isip lang niya ay magtrabaho para mabuhay. At kahit na may umimbita pa sa kanya na tumuntong sa riding club, di siya sasama. Allergic siya sa mayayaman o kahit na anong bagay na pang-mayaman.

“Malay mo matulad ako sa mga babae sa Stallion Series.”

“Sus! Pocketbook lang iyon! Kathang-isip nga! Fiction!”

Dahil sa lintik na Stallion Series sa pocketbook ay lalong lumala ang ilusyon ng mga kababaihan sa mga lalaki sa Stallion Riding Club. Di ba nito alam na daig pa ng mga ito ang terrorista na nagpapakalat ng virus?

“Naka-email ko ang mga writers ng Stallion Series. Sabi nila naka-base daw sa totoong buhay ang halos lahat ng istorya na lumabas sa nobela nila. Kahit nga sila sa Stallion Riding Club din nila natagpuan ang mga prinsipe nila.”

Nilingon niya ito. “Ang mga prinsipeng sinasabi mo, di kukuha ng prinsesang basahan. Natural kauri din nila ang pakakasalan nila. Bakit naman nila ise-share ang kayamanan nila sa mga mahihirap tulad natin?”

Sinapo nito ang pisngi na parang nangangarap. “Bakit naman hindi pwedeng mangyari iyon kung totoo ang pag-ibig?”

“Walang pag-I-pag-ibig sa kanila. Pagtatawanan at paglalaruan ka lang nila habang umaasa ka na mamahalin ka rin nila. Tapos ipapamukha pa nila sa iyo na gold digger at social climber ka. Nasaan na ang pag-ibig na sinasabi mo?”

Natigagal sina Mang Fidel at Constancia lalo na nang mabakas ang galit sa mukha niya. Wala halos makakibo sa mga ito. Di alam ang sasabihin.

“Friendship, cool ka lang,” anang si Constancia.

Huminga siya nang malalim. Mahirap kapag masyado siyang nagpapadala sa emosyon niya. Di kasi niya maiwasan lalo na’t tungkol sa pag-iibigan ng magkaibang uri ng tao ang pinag-uusapan. Iyon kasi ang dahilan ng paghihirap niya mula simula pa. “Ninong, kukuha na po ako ng mga orders ko. Connie, halika na.”

“BESTFRIEND, sorry ha? Okay ka na?” nag-aalangang sabi ni Connie. “Kasi naman…”

Itinaas niya ang kamay. “Huwag mo na lang nating pag-usapan. Bilisan na lang nating mamili para di tayo abutin ng breaktime.”

Wala na siyang panahon para isipin pa ang bugso ng emosyon niya kanina. It was one of those times that she let her guards down. Nangyayari lang naman iyon kapag pinag-uusapan ang mga bagay na ayaw na niyang pag-usapan.

“Hi, Marist!” bati sa kanya ni Nilo. Pamangkin ito ng Ninong Fidel niya at isa sa mga supervisor ng factory. Pareho lang silang beinte tres anyos nito.

Tinanguan lang niya ito. Habang si Constancia naman ay kumapit agad sa braso nito. “Haller, Nilo! Kumusta ka na? Miss mo na ba ako?”

“O-Oo. Miss ko na kayong dalawa ni Marist.” At pasimpleng sumulyap sa direksiyon niya. “Nag-alala nga ako kasi akala ko di kayo dadating.”

“Medyo tinanghali kasi ng gising si Connie,” aniya habang inililistang isa-isa ang mga items na gusto niyang kunin. Sinadya niyang di tumingin kay Nilo. May gusto kasi ito sa kanya at ayaw niyang I-encourage pa ito. Wala kasi siyang interes sa mga lalaki lalo na kapag kaharap niya ang mga bag na ibebenta niya.

“Gusto ba ninyong mananghalian muna bago kayo umalis? Ako ang bahalang manlibre sa inyo,” yaya ni Nilo.

“Gosh! You are so sweet talaga, Nilo!” ani Constancia at hinampas ang binata sa braso. “Siyempre naman. Kakain kami kasama ka. Di ba, friendship?”

Pilit siyang ngumiti. “Salamat na lang. Busog pa ako. Kayo na lang siguro ang kumain. Aasikasuhin ko pa ito. Kasi kanina pa talaga gutom si Connie.”

Bumakas ang pagtutol sa mukha ni Nilo. “Pero…”

Hinila na ni Constancia si Nilo palayo. “Come on! Huwag ka nang mahiya sa akin, Nilo. Masyado ka namang shy. Hindi naman ako shy, eh! Isipin mo na lang nagde-date tayong dalawa para hindi ka mailang.”

Itinuon na lang niya ang atensiyon sa pamimili ng mga bag. Mabuti ngang wala si Nilo dahil walang asungot na mangungulit sa kanya.

Matapos ang labinlimang minuto ay nakasimangot na bumalik si Constancia. “Tapos ka na agad kumain? Nasaan na si Nilo?” tanong niya. Sanay kasi siya na matagal kumain si Constancia lalo na kapag libre. Ninanamnam nito ang pagkain.

“Iniwan ko na kausap ang mga kasamahan niya. Nabili mo na ba lahat ng gusto mo?” tanong nito. “Gusto ko nang umuwi.”

“O-Oo,” aniyang nawi-wirduhan dito. “Bakit nakabusangot ka? Hindi ba ikaw ang nagsabi sa akin na nakakapangit iyan?”

“Si Nilo kasi, eh! Akala ko ako ang type. Nung magkausap naman kami, wala na siyang ibang itinanong kundi ikaw. Nakakainis!” mariing bulong nito.

“Type mo pala si Nilo. Akala ko ba Stallion boys lang ang type mo?”

Lumabi ito. “Eh, guwapo naman si Nilo. Kulang lang sa kanya, pera. Di siyang kasing yaman ng mga Stallion boys at di siya member ng Stallion Riding Club. Kaso ayaw naman niya sa akin. Isa akong bigo. Ikaw ang gusto niya.”

Marami namang manliligaw si Constancia sa baranggay nila. Pero dahil di kabilang sa Stallion boys ay binabasted nito. Malay ba naman niyang magkakagusto ito kay Nilo? Sa huli ay ito tuloy ang nabasted. Ganoon marahil ang kapalaran. Kapag gusto mo, siya namang ayaw sa iyo.

“Hindi naman ako interesado sa kanya. Kaya wala kang problema.”

“Akala ko ba galit ka lang sa mga lalaking mayayaman. Hindi naman mayaman si Nilo. Bakit ayaw mo pa rin sa kanya?”

“Lalaki pa rin siya. At wala akong pakialam sa mga lalaki. Mas importante pa rin sa akin ang pera.”

Ngumisi ito. “Mag-asawa ka na lang ng mayaman.” Matalim niya itong sinibat ng tingin. “Oo na. Ayaw mong matawag na social climber at gold digger.”

“Bakit basta ka na lang umalis, Connie?” tanong ni Nilo nang lapitan sila. “Di pa tayo tapos kumain at magkwentuhan, hindi ba?”

“Naalala ko kasi na marami pa kaming kailangang puntahan ni Marist. Saka nagmamadali na siyang umalis. Salamat na lang sa panlilibre mo,” ani Constancia at binitbit ang mga pinamili nila. “Sige, aalis na kami.”

Mukhang sa sama ng loob kay Nilo ay nabitbit nito ang pinamili nila. Samantalang tamad na tamad itong magbitbit.

“Ako na lang ang magbibitbit niyan. Ihahatid ko na kayo,” prisinta ni Nilo.

“Huwag na lang,” tanggi niya. “Kaya na namin ito.”

Isang malaking plastic ng bag ang pinagtutulungan nilang buhatin. Di na niya ipinalalagay pa sa kahon ang pinamili. Minsan kasi ay may nakakakita ng bag sa sasakyan pa lang at nakakabenta na agad siya.

Di pa sila nakakalayo sa pabrika ay narinig na niyang umangal si Constancia. “Grabe! Ang sakit na ng puso, atay at balun-balunan ko, Marist.”

“Cholesterol lang iyan. Baka mabawasan ang taba mo sa katawan at tuluyan ka nang pansinin ni Nilo pagbalik natin. Kaya magbitbit ka lang.”

“Kasi naman! Dapat si Nilo na lang ang pinagbitbit natin. Tumanggi ka pa.”

“Kailan ba ako nagpatulong sa lalaki? Saka ikaw nga itong broken hearted sa kanya, di ba? Eh, di sasama lang ang loob mo kapag kinausap niya ako.”

“Mag-tricycle na lang tayo. Kasi doble ang pinamili mo ngayon.”

“Mas marami na kasi tayong order. Saka konting tiis na lang. Konting hakbang pa nasa sakayan na tayo ng bus. Tatawid na lang tayo.” Maghihintay na lang sila ng dumadaang bus sa kabilang panig ng highway pabalik sa Maynila.

“Pakainin mo ako nang masarap pag-uwi natin,” pahabol pa nito.

Mainit ang araw at nahihilo na rin siya sa init at gutom. Inaantok na rin siya at pagod. Di bale, babawi na lang ako ng tulog sa bus.

Pinapangarap na niya ang magandang panaginip niyang nang maramdaman niyang parang lumaylay ang plastic na hawak. Nang lumingon siya ay wasak na ang plastic at tuluyang bumigay. Nagsabugan ang mga bag sa daan.

“Naku! Ang paninda ko!” sigaw niya at mabilis na umuklo para pulutin ang mga nalaglag na bag. Di na halos siya magkandaugaga sa pagsagip sa paninda niya. Di niya na-check kung may sira o wala ang pinagsilidang plastic bag ng paninda. “Connie, kawayan mo ang mga sasakyan para di nila tayo masagasaan o ang mga paninda natin. Magpupulot lang ako.”

“Oo. Ako ang bahala!” anito at nagkakaway sa daan.

Pinagpag niya ang isang napulot na bag. “Wala pang sira. Medyo nadumihan lang pero pwede pa.” Saka niya isinilid sa extrang plastic bag na dala niya. “Mabuti na lang may lifesaver ako. Kundi…”

Naputol ang sasabihin niya nang marinig niya ang tili ni Constancia. Bago pa siya makapagtanong ay humaginit ang isang pulang kotse sa tabi niya. Mabilis niyang dinaluhan si Contancia. “Okay ka lang?”

Tumango ito. “Oo. Pero…” Parang lumaki ang ulo niya nang makita ang paninda niya na nasagasaan ng nagdaang pulang kotse.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.