Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 54

“A-Ang paninda ko!” mangiyak-ngiyak na usal ni Marist. Ang paninda na pinaghirapan pa niyang puntahan sa Laguna! Bumiyahe siya ng pagkalayo-layo, ngayon ay luray-luray at walang pakinabang ang karamihan. Hindi na nga masasabing bag pa iyon. Kumbaga sa isang taong namatay, di ma-identify sa sobrang laki ng damage na nagawa. At magbabayad ang may sala.

Matalim ang mata niyang nilingon ang salaring pulang kotse na tumigil sa di kalayuan. Bumaba doon ang driver at patakbong lumapit sa kanila. Siya agad ang nilapitan nito at inalalayang tumayo. “Miss, are you okay? Are you hurt?”

Napatitig siya sa guwapong mukha ng lalaki. Sa tingin niya ay nasa anim na talampakan ang taas nito. His hair was as dark as his eyes. Aristokrato ang ilong nito. He looked exotically male. Masculine, strong and handsome entered her mind right away. Sa palagay niya ay nasa late twenties na ang lalaki. And he reminded her of Oden Fehr from The Mummy. A desert warrior.

“I-I’m okay,” nausal na lang niya nang walang kasamang galit. Maganda kasi ang mata nito. Parang nakakahipnotismo. Nakakawala sa sarili.

“Thank, God!” Si Constancia naman ang binalingan nito. “Are you okay?” Napanganga na lang si Constancia habang nakatitig sa lalaki. “Oh, no! She’s in shock! Perhaps we should take her to the hospital.”

“Ha?” aniya at nilapitan si Constancia sa pag-aalala. Baka nga may internal damage sa utak nito.Nakatulala lang kasi ito na parang nahipan ng hangin. “Connie!”

Ngumiti ito at di inalis ang tingin sa lalaki. “Sinusundo mo na ba ako? Dadalhin mo ba ako sa langit? Anghel ka, di ba?”

Patay na! Mukhang tinamaan si Constancia sa lalaki. Kahit naman kasi siya ay natulala sa lalaki kanina. Pero mabilis siyang nakabawi. Baka mamaya isipin pa ng lalaki na baliw sila o nagloloko-lokohan lang.

“Emrei, I told you to keep on driving and not to leave the car!” screamed the high-pitched voice of a woman from the red car. Nakasuot ng red halter dress na halos kalahati na lang ng hita ng babae ang sakop. Pula rin ang sapatos, lipstick at manicure at pedicure nito. Parang katerno nito ang kotse. Happy birthday to you!

“Mimi, I almost hit them!” anang si Emrei at itinuro sila.

Tinaasan sila ng kilay ni Mimi. “They look okay to me. Let’s go!”

“Hindi pa kayo pwedeng umalis!” kontra naman niya. “Hindi nga siguro kami nasaktan pero tingnan naman ninyo ang ginawa ninyo sa paninda namin. Hindi na namin iyan maititinda. Wala nang bibili niyan.”

“Is it our fault that you were so stupid to drop your merchandise here?” nang-iinis pang tanong ng bruhang babae.

“Stupid? Who looks more stupid? Me or you?” tanong ni Constancia.

“What did you say?” mataas ang boses na tanong ni Mimi.

“Hinaharang ko na nga kayo ng kaibigan ko para magsenyas na umiwas kayo pero tuloy-tuloy lang kayo. Muntik na nga kaming masagasaan. Sino ang mas stupid sa atin?” nakataas ang kilay niyang tanong. “Kaya bayaran ninyo ang paninda ko!”

Pasimpleng sinulyapan ni Mimi ang mga bag na nakakalat pa. “Oh, no! You can’t expect us to pay for that junk,” maarteng sabi ni Mimi.

Nanlaki ang mata niya. Junk daw ang obra maestra niya? “Hoy! Hindi magiging junk iyan kung di ninyo pinadaanan ng gulong ng sasakyan ninyo!” Eh, kung ito kaya ang pasagasaan niya? Tiyak na mukhang junk din ito.

“Magkano ba ang babayaran, Miss?” tanong ni Emrei at naglabas ng wallet.

“Seven thousand lahat!” Kasama na doon ang tubo niya.

“Emrei, don’t!” tutol ni Mimi. “What if this is just a cheap trick to extort money from us? They look like they are members of a syndicate.”

“Hoy! Hindi kami extortionist! At hindi kami miyembro ng sindikato.” Gusto yata nito na ilampaso na niya ang mukha nito sa aspaltadong kalsada. “Kayo pa ang malakas ang loob na magbintang sa kapwa ninyo. Matino kami kahit na mahirap lang kami. Hindi kami manloloko. Kung kayo kaya ang maidemanda dahil sa reckless driving at damage of property?”

“Huh?” Namutla si Mimi at kumapit sa braso ni Emrei.

Ngumiti si Emrei. “Naniniwala na ako, Miss.”

“You are crazy!” bulyaw ni Mimi kay Emrei.

“This is your fault, Mimi!” anang si Emrei at matalim na tiningnan si Mimi. “You tried to kiss me while driving. Mabuti nga di tayo nakasagasa ng tao.”

Namutla si Mimi. “I will wait for you at the car. I hate the dust, the wind and the peasants.” Saka ito bumalik sa kotse.

Saka lang nawala ang tensiyon dahil sa pag-alis nito. “I apologize for Mimi’s behavior,” anang si Emrei. “At sorry dahil muntik na kayong masagasaan. Nasira pa namin pati mga paninda ninyo.”

Matamis itong nginitian ni Constancia. “Okay lang iyon. Kahit pa masaktan kami, okay lang iyon sa amin! Hindi ba, Marist?”

Sinimangutan lang niya ito. Naku! Sasabunutan ko ang babaeng ito. Palibhasa guwapo at mayaman ang lalaki kaya nagpapakamatay. Pati ako ipapahamak pa.

Inabutan siya ni Emrei ng ilang isang libong pisong papel. “Ito lang ang cash ko. Pwede na ba ito?”

Nagtaka siya at binilang ang pera. “Ten thousand ito. Seven thousand lang naman ang ibabayad mo sa akin, ah!” Di yata ito marunong magbilang.

“Keep it. Danyos sa pang-aabala ko sa inyo.” Inabutan siya nito ng calling card. “Tawagan na lang ninyo ako kapag may problema.”

Napatitig siya sa pangalan nito sa calling card. Emrei Rafiq.

“Ang totoo hindi naman kailangan…” Pagtingin niya dito ay nakaalis na ito sa harap niya at pabalik na sa kotse nito. “Hoy! Sandali lang!”

“Bakit, Miss?”

Binitbit niya ang mga bag. “Dalhin na ninyo ito. Maayos pa ang ibang bag. Magagamit pa ninyo. Saka binayaran ninyo ito.”

“S-Sige. Dalhin na lang natin sa backseat,” anang si Emrei at tinulungan siya.

Nang buksan niya ang pinto ay nanlaki ang mata ni Mimi. “Emrei, you can’t let them put the junk inside of the car.”

“It is my car,” mariing wika ni Emrei. “And she said that I paid for it. Don’t worry. Hindi ka maa-allergy. Bag lang iyan. Saka maganda naman ang design. Gusto mo bigyan kita ng isa.”

Umingos si Mimi. “No, thanks! I’m not interested with trash.”

Trash? Hampasin kaya kita ng bag ko? Buti na lang gentleman si Emrei.

“Gusto ba ninyong sumabay sa akin? Ihahatid ko na kayo,” alok ni Emrei.

“Huwag na lang. Sobrang nakaabala na kami sa inyo.” Kung pwede nga lang, di na niya ito nakilala. Tingin kasi niya ay kamalasan lang ang dala ng mga guwapo at mayamang tulad nito sa buhay niya. “Ito nga pala ang sukli mo.”

Subalit di na siya nito pinansin at sumakay na ng kotse. “Mag-iingat na lang kayong dalawa. Bye!” Kumaway pa ito sa kanila bago pinasibad ang kotse palayo. Natulala na lang siya. Ni hindi man lang nito pinansin ang sinasabi niya.

“Nice meeting you!” sigaw ni Constancia. “I love you!”

“NAY, matulog na po kayo,” pakiusap ni Marist sa nanay niyang si Aling Ising. Hanggang ngayon kasi ay nakatingin pa rin ito sa bintana ng kuwarto nito at animo’y may tinatanaw. Alas diyes ng gabi noon at ayon sa doctor ay di ito dapat mapuyat.

“Hindi pa dumadating si Alfredo. Alam mo nangako sa akin ang tatay mo na dadating siya ngayon para sunduin tayong dalawa. Hindi ka pa nakikilala ng tatay mo. Tiyak na matutuwa siya kapag nakilala ka niya, anak,” anitong puno ng tuwa at pag-asa ang mga mata.

Gusto niyang maiyak habang nakikinig dito. Di na kasi babalik ang tatay nila. Ni hindi na rin ito magpapakita pa. Galing sa mayamang pamilya ang tatay niya at simpleng tindera lang sa palengke ang nanay niya. Ipinagbubuntis pa lang siya ng nanay niya nang magpakasal na sa ibang babae ang tatay niya. Pinaasa pa rin ito hanggang sa huli na tututulan ng tatay niya ang pagpapakasal sa babaeng di gusto ng pamilya nito. Pagkapanganak sa kanya ay nagkaroon ng postnatal depression ang nanay niya.

Di naman ito nananakit. Mukha naman itong normal at nakakapag-trabaho pa nga ito. Subalit lagi nitong ikinu-kwento ang tungkol sa tatay niya. Tiya niya ang umalalay sa kanilang mag-ina hanggang namatay ang tiya niya at napilitan siyang tumigil sa pag-aaral upang mabuhay silang mag-ina.

Niyakap niya ang nanay niya. “Mabuti pa po matulog na po kayo. Gigisingin ko na lang po kayo kapag dumating na si Tatay.”

“Sige. Kantahin mo ang theme song naming ng tatay mo.”

Napilitan siya na kantahin ang Endless Love na ginawa pa nitong lullaby sa kanya noong bata pa siya at pinapatulog. She hated that song. Para sa kanya ay isang malaking kalokohan lang iyon. Sapat nang ebidensiya ang nanay niya sa kung anong nagagawa ng pag-ibig sa isang tao.

Hindi siya matutulad dito. Di niya ipagkakatiwala ang puso niya. Mas gugustuhin pa niyang mag-isa sa buhay niya kaysa magmahal ng isang lalaki na sarili lang ang iniisip at laruan ang tingin sa mga babae. Mga lalaking tulad ng tatay niya.

Lumabas siya ng kuwarto ng nanay niya at naabutang nagkakakanta si Constancia. “I think I am in love! I think I am in love with you!!!”

Parang sasabog na ang eardrums ni Marist sa paulit-ulit na kanta nito. Mula sa biyahe nila sa Laguna hanggang makauwi sila sa Cubao ay di pa rin ito napangal sa kakakanta. Gusto na nga niyang pasakan ng basahan ang bibig nito dahil dumudugo na talaga ang tainga niya. Nakalimutan na nga nito ang gutom dahil gusto daw nitong mag-diet para sa kay Emrei.

“Hindi ka ba matitigil sa kangangawa mo? Baka magising pa si Nanay. Hanapin na naman niyon ang tatay ko at pakantahin na naman ako.”

“Anong magagawa ko kung iyon ang awit ng puso ko? Para tsunami si Emrei na basta na lang niragasa ang buhay ko. Ang sweet, hindi ba?”

Matalik na magkaibigan din ang nanay nila ni Constancia. Kaya kapag umaalis siya ay nanay nito ang nagbabantay sa nanay niya. Wala naman kasing ginagawa ang nanay nito. Pensiyonada si Constancia ng kuya nitong nasa Japan. Kaya nga walang ginawa ang kaibigan niya kundi mangarap na makapag-asawa ng mayaman.

“Ang sweet, hindi ba?” gagad niya dito habang inilalabas isa-isa ang bag mula sa kahon. Bumalik din sila sa pabrika para bumili ng mga bagong paninda. “Muntik na nga tayong mamatay dahil sa kanya. Tapos sinayang pa niya ang oras natin.”

“It is fate, friendship! Iyon ang paraan ng tadhana para sa aming dalawa. Saka hindi sayang ang oras natin. Isipin mo na lang na ito ang itinakdang panahon para magkakilala kaming dalawa.”

Tumango-tango na lang siya habang nakataas ang kilay. “Sige, goodluck sa iyo. Good luck sa pangangarap mo.”

“Parang hero siya sa romance novels. Nakaka-in love. Kita mo naman kung gaano siya kabait. Binigyan ka pa niya ng extrang pera. Iyon lang daw kasi ang cash niya. Paano kung mas marami siyang pera? Malamang mas malaki pa doon ang ibinigay niya. Generous siya. At hindi ka niya pinabayaan.”

“Na-guilty lang ang kumag na iyon. Kita mo nga, namutla sila nang sabihin ko na pwede ko silang idemanda ng reckless driving at damage of property. Ganyan ang mga mayayaman. Panuhol nila ang pera nila. Kaya ibabalik ko sa lalaking iyon ang sukli niya para wala siyang masabi.”

“Iyan ka na naman. Mataas na naman ang pride mo,” anito at pumalatak. “Kung tutuusin, pwede mo na iyong idagdag sa gamot ng nanay mo. Ibinigay naman iyon sa iyo ni Emrei, hindi ba?”

“Hindi ko kailangan ng pera ng iba para pagalingin ang nanay ko. Kailangan ko lang ang para sa akin.”

“At si Emrei ang para sa akin,” anito at humalakhak.

Tinuktok niya ang noo nito. “Hoy! Baka gusto mong gumising sa ambisyon mo. Kita mo namang may girlfriend iyong tao.”

“Hindi sila bagay ng girlfriend niyang pangit at masungit. Mukha iyong demonyo at anghel. Mas bagay kami ni Emrei kasi pareho kaming anghel.”

Hindi ko na siguro kailangan pang sumali sa contest sa Stallion Shampoo and Conditioner para manalo ng grand date kasama ang Stallion boys!” anito at nangalumbaba. “Masaya na ako kay Emrei. Wala naman siyang ipinagkaiba sa mga guwapong Stallion boys, di ba?

Kumislap ang mga mata niya. “Di ka na sasali sa contest? Sa akin na lang ang mga entries mo. Malapit na ang deadline, di ba? Ako na lang ang sasali.”

“Teka, sabi mo sa akin hindi ka interesado sa grand date kasama ang Stallion boys? Eh, bakit ngayon sasali ka rin sa contest? You are so kaka talaga!”

Isa sa mga grand prizes sa contest ng Stallion Shampoo and Conditioner ay grand date sa loob ng ilang sa araw sa eksklusibong Stallion Riding Club at magiging escort pa ang isa sa mapipiling Stallion Boys. Kaya naman halos lahat ng mga kababaihan ay nagkukumahog na bumili ng naturang brand ng shampoo. Lahat kasi ay interesado na makapasok sa riding club at ma-experience ang buhay mayaman. Higit sa lahat ay makakita ng guwapong prinsipe sa ilusyon ng mga ito.

“Kaka ka diyan! Kalbuhin kaya kita. Di lahat ng babae interesado sa date-date na iyan sa lugar ng mga mayayaman. Di naman ako kikita kahit makita ko pa ang mga Stallion boys na sinasabi mo. Pera ang kailangan ko! Iyong isang milyon!” Inunat niya ang mga kamay. “Siguro naman matatapos na ang problema ko doon. Pwede na rin siguro ang appliances showcase o iyong trip to abroad na may kasamang pocketmoney. Para maipasyal ko si Nanay.”

“Mararanasan ko rin ang lahat ng luhong iyan sa buhay kapag nagpakasal kami ni Emrei. Di mo na kailangang sumali sa contest na iyan.”

“Oo. Sige. Mangarap ka nang gising sa Emrei mo. Kung magkikita pa kayo.”

“Di ba sabi mo ibabalik mo ang pera sa kanya. Iyon ang gagamitin kong chance para magkita kaming dalawa. Sasama ako sa iyo.”

“Huwag ka nang sumama. Panggulo ka lang doon.”

Kumapit ito sa braso niya. “Sige na. Friendships tayo, di ba? Hahayaan mo bang mawala sa akin ang chance na makita ang lalaking pakakasalan ko? Chance ko na ito. Ito na ang magandang simula para sa amin.”

“Ilusyon mo lang ang simula na iyan. Tumigil ka!” Sandali lang naman siya sa opisina ni Emrei. Wala nga sa plano niyang makita ito. Sayang lang ang oras niya. Isa pa, di siya komportable kapag nakikita si Emrei. Di niya alam kung bakit.

Siguro dahil mayaman at guwapo siya. Katulad ni Tatay.

Dinuro nito ang mukha niya. “Ayaw mo lang makita ko siya dahil type mo rin siya, no? Gusto mo lang siyang masolo.”

Minulagatan niya ito. “Hoy, hindi ha?”

“Eh, bakit ayaw mo akong isama?”

“Oo na. Sige na. Sumama ka na bukas. Pagbuhulin ko pa kayo ng Emrei mo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.