Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 55

“Wow! Ganito pala kaganda ang opisina ni Emrei. Ang gara, friendship! Alam ko na kung saan ko siya dadalawin kapag girlfriend na niya ako. Hahatiran ko siya ng luto ko para sa kanya. Sweet, di ba? Nakakakilig!” anang si Constancia na nangangarap pa yata ng gising.

Nakasakay sila sa elevator papunta sa executive floor ng Synergy Corporation, isa sa malalaking kompanya na tumutuklas at gumagawa ng facilities ng iba’t ibang renewable energy sa bansa. Ayon sa calling card ni Emrei ay Executive Vice President ito doon. “Connie, sarilinin mo na lang ang pangarap mo. Nakakahiya! Baka may makarinig sa atin, ipatapon pa tayo sa labas.”

Bigla itong tumiklop. “Oo na. Magbe-behave na ako.”

“Iyan. Ganyan ka rin dapat kapag kaharap na natin ang Emrei mo. Kung hindi, iiwan kita dito. At mag-isa kang umuwi.”

“Ay! Huwag mo akong iwan. Baka maligaw ako.” Wala kasi itong sense of direction. Kaya kahit saan ito pumunta ay laging kasama siya.

“Good morning. Can I help you?” anang sekretarya ni Mr. Rafiq.

“Gusto sana naming makita si Mr. Emrei Rafiq. Importante lang,” singit agad Constancia. “Kilala niya kami. Sabihin mo kami iyong muntik na niyang masagasaan noong isang araw at gusto naming siyang makausap.”

Alanganin siyang ngumiti. Nasabi na kasi ni Constancia ang dapat niyang sabihin. Mas direkta nga lang. “Parang ganoon na nga, Miss. Nandiyan ba siya?”

“He is in a middle of an important meeting right now. Palabas na siya sa conference room. Pero kung gusto ninyo, hintayin na lang ninyo siya. Any minute, baka matapos na rin ang meeting niya.”

“No. Hindi na namin siya hihintayin. Iiwan ko na lang ito sa kanya,” aniya at inabot sa sekretarya ni Emrei ang sobre na may lamang tatlong libong piso. Iyon ang sukli ni Emrei.“Thank you.”

Di niya alam kung bakit parang ayaw na niyang magtagal sa lugar na iyon. Maybe because it spoke of wealth. At ayaw niya sa lugar ng mga mayayaman. O siguro ay ayaw rin niyang makita si Emrei. There was something about him that terrified her. Wala itong ginagawang masama sa kanya. But there was something about him that reminded her of her father.

“Akala ko ba hihintayin natin siya?” gulat na sabi ni Constancia. “Ni hindi ko pa nga siya nakikita.”

Naglakad na siya palayo. “May pupuntahan pa ako. Kung gusto mo ikaw na lang maiwan dito.”

“Nakakainis ka naman. Sayang lang ang pagpapaganda ko.”

“Maiwan ka nga dito. Hihintayin kita sa lobby.”

Kumapit ito sa braso niya. “Siguro ayaw mo si Emrei para sa akin dahil mayaman siya. Natatakot ka na lokohin rin niya ako.”

“Hindi naman sa ganoon…” Pinindot niya ang down button ng elevator. “Pero parang ganoon na rin. Basta magulo. Hindi ko maipaliwanag.”

Bigla itong ngumiti. “Oy, andoon si Emrei!” At itinuro ang kabilang hallway.

Sakto namang bumukas ang elevator at pumasok siya. Nagulat si Constancia nang makita siyang nakasakay. “Hoy! Hintayin mo ako!” At pumasok na rin ito.

Mula sa papasarang pinto ng elevator ay nakita nilang humahabol si Emrei. “Hey! Wait!” Subalit tuluyan nang nagsara ang pinto.

Napabuntong-hininga si Constancia. “Sayang! Ni hindi ko siya nakausap.”

Na-guilty naman siya. Alam kasi niya na gustong-gusto nito si Emrei. “Pasensiya ka na. Hindi mo tuloy nakausap si Emrei. Kasi naman…”

“Oo na. Allergic ka sa mayayamang lalaki. Naiintindihan ko naman iyon. Ako lang naman itong mapilit na makita siya. Di naman talaga niya ako magugustuhan.”

“Well, if you are meant for each other, there is nothing I can do about it. Kahit naman kumontra ako, wala akong magagawa, di ba?”

Biglang umaliwalas ang mukha nito. “Okay lang sa iyo na bumalik tayo dito para magkita ulit kami?”

Matalim niya itong tiningnan. “Alam mo na hindi mo na ako mapapatuntong dito. Ang ibig kong sabihin, kung magkita kayo nang di sinasadya. Iyong destiny na sinasabi mo. Eh, di sumige ka. Di naman kita mapipigilan.”

“Sabi mo iyan, ha? Mas romantic nga kapag destiny ang gumagawa ng paraan na magkita ang mga lovers. Ang galing mo talaga, friendship!” Humalukipkip ito. “Sige. Hindi ko pangungunahan ang destiny. Hihintayin kong si Emrei ang lumapit sa akin. Parang teleserye! Na-excite naman ako.”

“Ibig sabihin okay na sa iyo na di mo siya nakausap ngayon?”

Tumango ito. “Kahit naman hindi siya ang destiny ko, nandiyan pa naman ang mga Stallion boys. Sasali na lang ulit ako sa contest.”

“ALAM mo, sayang ka talaga, Marist. Kung di ka tumigil ng pag-aaral, malamang teacher ka na rin katulad ko,” sabi ni Mhelai, isa sa kababata at kaibigan nila ni Mhelai. Nasa bahay siya nito para maningil sa bag na in-order nito. “Matalino ka pa mandin. Tapos may scholarship ka pa.”

“Nakakapanghinayang nga. Pero di ko naman pwedeng pabayaan si Nanay. Ako na lang naman ang maaasahan niya.”

Kaklase niya si Mhelai hanggang college. Kaya nakita nito ang paghihirap ng kalooban niya na iwan ang pag-aaral niya para sa nanay niya. Kahit pa sabihing scholar siya, di pwedeng pagsabayin niya ang pag-aaral at ang pag-aalaga sa nanay niya. Ang nanay na niya ang priority niya. Ito na ang buhay niya.

“Pero naiinggit pa rin ako, ha? Kasi ikaw ang nag-design ng bag na ito. Marami nga palang order pati sa mga principal at superintendent noong seminar namin. Dalhan mo daw sila,” anito at ibinigay ang listahan ng order sa kanya.

Nagulat siya sa dami ng mga nakalista. “Wow! Lahat sila gusto ang bag?”

“Oo naman. Inggit na inggit nga sila nang dalhin ko sa seminar. Tapos hindi sila makapaniwala na five hundred lang ang bili ko.”

“Pero three hundred fifty lang naman ang benta ko.”

Kinindatan siya nito. “Okay lang. Mayaman naman sila.”

“Luka-luka ka talaga. Di bale, bibigyan kita ng parte sa kikitain ko.”

“Sus! Huwag na. Tulong ko na sa inyo iyon ni Tita. Saka kung sa mall ako bibili ng katulad ng bag mo, malamang mas mahal pa.”

“Thank you, ha?” Natutuwa siya dahil may mga kaibigan siyang handang tumulong sa kanya. Di siya pinababayaan ng mga ito.

“Huwag nga kayong maingay na dalawa diyan!” saway ni Constancia na tutok na tutok sa TV. “Baka di ko marinig ang pangalan ko kapag nanalo ako ng grand date sa Stallion Club. Makakapag-asawa na ako ng guwapo at mayaman!”

Biglang tumabi si Mhelai dito at halos isubsob na ang mukha sa TV. “Ako rin! Dapat manalo ako dahil halos ubusin ko na ang pera ko kasa-shampoo para lang manalo sa date na iyan. At ako ang mananalo, hindi ikaw!”

Isa lang kasi ang mananalo ng grand date. Kaya nagkakandarapa ang lahat ng kababaihan. Pagkakataon na kasi ng mga ito na maging Cinderella. Ang makapag-asawa ng guwapo at mayamang prinsipe at magbago ang buhay.

“Oy, huwag kayong magsabunutan diyan!” saway niya.

“Hindi ka ba interesado sa grand date?” tanong ni Mhelai. “Hindi ba marami ka ring naihulog na entry.”

“Naku! Kailan naman nagka-interes sa lalaki iyan? Pera ang habol niyan,” sagot naman ni Constancia. “Iyong one million daw.”

“Ang weird mo talaga!” anang si Mhelai at tumutok ang mata sa TV.

Napahikab siya nang ang susunod na ia-announce ay ang grand dream date. Bored na bored kasi siya sa award na hinihintay ng lahat. “And a winner of a four-day stay at the luxurious Stallion Riding Club to be accompanied by a gorgeous bachelor member of the club is…”

“Me! Me! That’s me!” sigaw ni Mhelai.

“Heh! Ako ang mananalo!” sabi ni Constancia. “Iimbitahin ko na lang kayo sa wedding ko, mga friendships. Hindi ko kayo kalilimutan kahit mayaman na kayo.”

Napasimangot siya nang tumindi ang drum roll. “Ang tagal naman niyan. Tapusin na iyan para doon na sa nanalo ng one million pesos,” angal niya.

“Our winner is from Tandang Sora, Quezon City…” anang isa sa mga executive ng Stallion Shampoo and Conditioner na mag-a-announce ng winner.

Nagtitili sina Mhelai at Constancia. Taga-Tandang Sora kasi sila.

“The lucky girl is Miss… Marist Davillo!”

Natigagal siya. “Huh?”

Natahimik ang dalawa at bumaling sa kanya. Sabay napatili ang mga ito at niyakap siya. “Bruha! Nanalo ka! Nanalo ka ng grand date.”

Parang nabingi siya. “Ano? Nanalo ako ng ano?”

“Grand date sa Stallion Riding Club!” pasigaw na sabi ni Mhelai.

“Hindi ako nanalo ng pera?” tanong niya.

“Hindi mo na kailangan ng pera dahil makakapasok ka na sa lupain ng mga guwapo at mayayaman!” dagdag ni Constancia. “Daig mo pa si Cinderella ngayon!”

Stallion Riding Club. Mga guwapo at mayaman. Cinderella.

Ang mga iyon ang mga bagay na kinaiinisan niya. Hangga’t maari ay ayaw niyang maidikit ang pangalan niya sa mga salitang iyon. At ngayon…

Napatili siya habang sapo ang ulo. “Ayoko ng grand date! Gusto ko ng isang milyon! Gusto ko ng pera!”

“HUWAG mong gawin ito, Marist. Pagsisisihan mo kapag ginawa mo ito,” pakiusap ni Constancia sa kanya. Naglalakad siya sa hallway ng opisina ng Stallion Shampoo and Conditioner. Ayaw kasi niya ang premyo niya at gusto niyang itanong kung pwedeng palitan ang premyo niya. “Maraming babae ang nagpapakamatay para lang mapunta sa pwesto mo. Makakakapasok ka sa Stallion Riding Club at makakasama mo ang mga guwapong lalaki. Huwag mong palagpasin ang pagkakataong ito.”

“Hindi naman ako interesado sa date-date na iyan! Pera lang ang kailangan ko!” giit niya. “Kung bibigyan nila ako ng pera, mas masaya pa ako

“Aba! Daig mo pa nga iyong may pera. Mantakin mo, kahit na mayayamang babae di basta-basta nakakapasok nang di naiimbitahan ng isa sa mga Stallion Boys. Tapos, ikaw na hamak na tindera ng bag makakapasok. Makaka-date mo ba ang isa sa mga pinakaguwapo at pinakamayamang lalaki sa Pilipinas. Swerte iyon.”

“Wala akong pakialam sa kanila. Basta gusto ko ng pera,” giit niya.

“Parang may pera ka na rin kapag nakapasok ka sa Stallion Riding Club. Kung pwede nga lang na makipagpalit ako sa iyo.”

“O, sige. Eh, di ikaw na lang ang makipag-date kung gusto mo.”

Lumapad ang ngiti nito. “Talaga? Sa akin na lang ang premyo mo?”

“Oo. Kung transferable ba ang premyo. At least may makikinabang.”

Tuwang-tuwa siyang niyakap nito. “Naku! Kung iyan ang mangyayari, ako na siguro ang pinakamasayang babae sa mundo. At kapag nakapag-asawa ako ng mayaman, bibigyan kita ng isang milyon na gusto mo.”

“Naku! Kahit na huwag na. Basta ayoko lang ng date.”

Naiinis na kasi siya sa usap-usapan ng mga tao sa kanila. Iniisip agad ng mga ito na ang makaka-date niya sa Stallion Club ang pakakasalan niya at magiging mayaman din siya. Na inaabangan ng lahat ang mala-Cinderella niyang istorya. Ang iba nga ngayon pa lang ay nangungutang na sa kanya ng pera. Dahil oras daw na makapangasawa siya ng mayaman ay di na niya kailangan ng pera.

No, thanks. Wala akong planong maging si Cinderella. Wala akong interes sa mga lalaki nilang guwapo at mayaman. Di ko kailangang yumaman dahil sa lalaki. Pera lang ang kailangan ko. Galing sa akin mismo at di galing sa iba.

Maya maya pa ay pumasok na sila sa Sales and Promotion Department. Kinausap niya ang isa sa mga staff. “Good morning. I am Marist Davillo.”

“Siya ang nanalo ng grand dream date sa Stallion Riding Club,” dagdag pagpapakilala sa kanya ni Constancia. May pagmamalaki pa sa boses ng kaibigan niya. Parang gusto pa yata nitong tumayong abogado niya.

“Ah! Miss Davillo!” anang staff. “Masyado naman yata kayong excited na I-claim ang prize ninyo na date. Di pa nga kayo napapadalhan ng notice letter.”

“Pwede bang makausap ang boss ninyo? Ang totoo, gusto ko sanang ipa-convert sa cash ang premyo ko,” aniya.

Nagulat ang staff at napanganga sa kanya. “P-Po? Naku! Mukhang magkaka-problema po tayo diyan…”

“Hindi pwedeng ipa-convert?” maagap na tanong ni Constancia. “Di bale, I-transfer na lang ninyo sa akin ang premyo niya. Pwede ba? Kasi ayaw niyang pumasok sa Stallion Riding Club pero gustong-gusto ko.”

Nagpapalit-palit ang tingin ng babae sa kanila. “Ang totoo, mas mabuti pong boss na namin mismo ang kausapin ninyo tungkol diyan. But I suggest that you wait for the notice letter to arrive before we discuss everything. Ilang araw pa po ang hihintayin ninyo pero pina-process na po namin.”

Lulugo-lugo siyang lumabas ng opisina. “Ang labo naman no’n!”

“Oo nga. Sa tingin ko nga di sila basta-basta papayag na isuko mo ang date na iyan. Paano naman ang chance ko na makapasok sa loob ng riding club?”

“Basta ayoko ng grand date! Ayoko ng date!” giit niya.

“Saan ang date?” anang boses ng isang lalaki.

Nang iangat niya ang tingin sa nagsalita ay ang nakangiting guwapong mukha ni Emrei Rafiq ang nakita niya. She was awed for a while. Parang nahipan siya ng hangin at napatulala na lang dito. Di naman siya tulalain sa mga guwapong lalaki. Naiinis pa nga siya kapag nakakakita ng guwapong mukhang mayaman. Pero di talaga niya maiwasan na mawala sa sarili kahit sandali kapag nasa paligid si Emrei.

“Emrei!” tili ni Constancia.

Nawala ang pagkatulala niya sa makabasag-eardrum na tutuli na tili ni Constancia. Mabuti na lang at natauhan siya. Kundi ay mukha na naman siyang tanga. Daig pa niya si Constancia sa pagkatulala niya. Anong nangyayari sa kanya?

“Dito pa pala tayo magkikita-kita,” komento ni Emrei.

“Oo nga. Parang destiny,” anang si Constancia na di maitago ang kilig. “Alam mo ba na pinuntahan ka pa namin sa opisina mo pero di ka naman namin naabutan. Nasa meeting ka daw.”

“Oo nga. Nakita ko kayo. Gusto ko sana kayong habulin pero di ko na kayo naabutan dahil nagsara na ang elevator. Sabi naman sa baba, nakaalis na kayo. Bakit nga pala ibinalik mo sa akin ang pera?” anang si Emrei at natuon ang mga mata sa kanya. Parang tumatagos ang tingin nito.

Pinilit niyang maging pormal ang anyo. Babalewalain na lang niya ang pagkailang niya dito. Di na lang niya iisipin na nanlalambot siya sa titig nito. “Hindi ko naman pwedeng kunin iyong sobra. Di na para sa akin iyon.”

“Naku! Baka ma-hurt ang pride mo, Mr. Emrei. Ganyan lang talaga si Marist. Masyadong maprinsipyo sa buhay. Ayaw ng nagpapa-agrabiyado pero ayaw din niya nang nang-aagrabiyado.”

Ngumiti si Emrei. “Hindi ko minamasama iyon. Natutuwa pa nga ako dahil may mga taong tulad mo. Gusto ba ninyong mag-lunch? May alam akong restaurant. I am sure magugustuhan ninyo ang pagkain nila.”

“Naku! Huwag na…”

“Hay, naku! Killjoy ka na naman!” putol ni Constancia sa pagkontra niya. “Sige. Saan ba ang kainan na sinasabi mo?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.