Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 56

Sa isang restaurant na Filipino cuisine ang specialty sila pumunta. Di halos makakibo si Marist at hinayaan lang magkwentuhan sina Emrei at Constancia. Di siya makakain nang maayos dahil di makadaan ang pagkain niya sa lalamunan niya. Di niya alam kung dahil di siya sanay na inililibre o dahil kay Emrei.

“May dinalaw lang akong kaibigan sa opisina niya tapos nakita ko pa kayo,” anang si Emrei. “Anong ginagawa ninyo sa opisina ng Stallion Shampoo?”

Humawak si Constancia sa balikat niya. “Nanalo kasi si Marist ng grand dream date para sa Stallion Shampoo raffle.”

Kumunot ang noo ni Emrei. “Grand dream date?”

“Oo. May apat na araw siya para makipag-date sa Stallion Riding Club. Alam mo ba iyong sikat na riding club na puro guwapo at mayayaman lang ang pwedeng maging member,” kwento ni Constancia. “At isa sa mga lalaki doon ang makaka-date niya. Ang swerte-swerte niya!”

“Ah, oo!” At tumango si Emrei. “Iyon pala ang contest na pinag-uusapan ng mga empleyado ko. Pati nga iyong sekretarya ko na singkwenta anyos na at may apo, sumali rin dahil gusto daw niyang makipag-date.”

“Hindi ka ba member ng Stallion Riding Club?” tanong niya.

Umiling si Emrei. “Hindi. May ilan lang akong kilala na tagadoon sa riding club. Maswerte ka pala dahil nanalo ka ng date.”

Lumabi siya. “Ano ba naman ang nakakatuwa doon?”

Siniko siya ni Constancia. “Marist, huwag ka namang ganyan.”

“Totoo naman ang sinasabi ko. Wala akong interes makipag-date. Ano naman kung makapasok ako sa lugar ng mayayaman? May mapapala ba ako? Sayang lang ang oras ko. Magtatrabaho na lang ako. Kikita pa ako ng pera.”

“Ayaw mong ituring na libreng bakasyon ang napalunan mo?” tanong ni Emrei. “Maganda ang Stallion Riding Club. Makakapag-relax ka.”

Napabuntong-hininga siya. “Importante ang oras ko, Mr. Rafiq. Wala akong oras para mag-relax tulad ninyong mayayaman. Walang importante sa akin kundi ang kumita ng pera. Di kasi kayo mahirap kaya di ninyo ako maintindihan.”

“H-Hindi naman sa ganoon,” anang si Emrei. “I am sorry. I shouldn’t insist anyway. But I didn’t mean to offend you or anything…”

“Naku! Huwag mong pansinin si Marist. Ang totoo man-hater iyan,” pabulong na sabi ni Constancia kay Emrei kahit na naririnig naman niya.

Siniko niya. “Huwag ka ngang magulo diyan!”

“Bakit? Totoo naman, ah! Galit ka lang sa mga guwapong mayayaman at nadadamay lang si Emrei sa galit mo,” walang prenong sabi ni Constancia.

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Constancia Dimayuga!”

Hindi siya makapaniwala na ini-reveal nito ang nararamdaman niya kay Emrei. Yes, maybe she was out of line. Pero kailangan ba nitong sabihin sa estranghero ang tungkol sa bagay na iyon?

Natigilan si Constancia. Natuklasan siguro nito ang pagkakamali nito. Tumitiklop na ito kapag galit siya. “Totoo naman ang sinabi ko, ah!” usal nito.

Mariin siyang pumikit. Siya tuloy ang naipit. Mamaya na niya sasakalin si Constancia. Si Emrei muna ang kailangan niyang harapin. “I am sorry. Hindi ko naman ako galit. Ayoko lang pinakikialaman ako. Kapag ayaw ko, hindi ako mapipilit. Mabuti siguro ang intensiyon mo sa akin pero salamat na lang. At tungkol naman sa pagiging man-hater ko…”

“You don’t really have to explain anything to me.” Ngumiti sa kanya si Emrei. Parang di man lang ito naapektuhan kahit nang sungitan niya. “Di naman kita masisisi kung galit ka sa mga lalaki. You have your reasons.”

Di na siya nakakibo. Ano pa ang sasabihin niya kung balewala naman kay Emrei ang galit niya? Ni di na niya kailangang magpaliwanag.

“Ano ang favorite color mo?” tanong ni Constancia dito upang ibahin ang usapan. Tahimik na lang siyang nakinig sa usapan ng dalawa.

She was caught off guard. Sa ilang saglit lang, parang iniba nito ang tingin niya sa mga lalaki. Iyong ibang lalaki, nangingilag agad kapag nalamang man-hater siya. Iyong iba naman ay pinagtatawanan siya. But this was the first time that a man would be willing to understand her. Di agad siya hinusgahan.

Pasimple niyang sinulyapan si Emrei. Mukhang iba nga ito typical na lalaking mayaman na nasa isip niya. Mataman kasi itong nakikinig kay Constancia at sinasagot kahit na gaano pa kababaw na mga tanong. Nang lumingon ito sa kanya ay mabilis niyang binawi ang tingin.

Alam kaya niyang kanina ko pa siya tinititigan? Ano kaya ang iniisip niya sa akin? Bakit di na lang niya ako inaway para di na ako mabaitan sa kanya?

“Gusto bang ihatid ko kayo sa inyo?” tanong ni Emrei matapos silang mag-lunch. “Wala naman akong schedule na importante ngayong hapon.”

“Talaga? Ihahatid mo kami sa amin?” excited na tanong ni Constancia.

“Kung okay lang sa iyo, ihatid mo na si Connie. May pupuntahan pa kasi ako sa Megamall. May kailangan pa akong bilhin,” nakangiti niyang sabi. “Thank you.”

“Sigurado ka na kaya mong mag-isa?” paniniyak ni Emrei.

“Oo naman. Sa aming dalawa ni Connie, ako ang hindi mawawala. Kabisado ko ang buong Manila. Siya ang walang sense of direction. Mag-ingat na lang kayong dalawa,” aniya at mabilis na pinara ang paparating na bus.

Mabuti nang magkasarilinan ang dalawa. Pagkakataon na iyon ng kaibigan niya. Tumingin siya sa labas ng bus at nakita ang sarili na nakaupo sa harap ng kotse ni Emrei at masayang nakikipag-kwentuhan dito.

Naipilig niya ang ulo. “Bakit ko naman iisipin na mangyayari sa akin iyon? Imposible na makipagtawanan ako kay Emrei o kahit na kaninong lalaki. At kahit sa pangarap, hinding-hindi mangyayari iyon.”

“PURO trabaho ka na naman? Anong plano mong gawin sa date na napanalunan mo? Buburuhin mo na lang?” sermon ni Constancia habang inaayos niya ang mga gamit niya. Tinanghali siya ng gising dahil tinapos pa niya ang mga designs niya.

“Saka ko na aasikasuhin iyan. Kita mo na ngang natutuliro ang tao. Importante sa akin iyong lakad ni Ninong. Pera iyon.” May kliyente kasi na gusto din daw siyang makausap bilang designer. “Bahala ka na lang muna kay Nanay.”

Gustong-gusto niyang ipadala sa isang institusyon ang nanay niya para matutukan ang paggaling nito. Saka na niya iisipin ang premyo niya.

Bumusina ang sasakyan ng Ninong Fidel niya at tuluyan na siyang nagpaalam kay Constancia at sa nanay niya. “Saan po tayo pupunta, Ninong?” tanong niya.

“Sa bandang Tagaytay. Matulog ka muna kung gusto mo dahil malayo pa ang biyahe natin,” anito at hudyat iyon para pumikit siya.

Dahil wala siyang tulog nang nagdaang gabi ay tuluyan na siyang nakatulog. Nang maalimpungatan siya ay nakatigil na ang sasakyan nila. “Nandito na tayo.”

Nang bumaba sila sa harap ng isang elegante pero komportableng clubhouse ay pupungas-pungas pa rin siya. Tumuloy agad siya sa restroom para mag-retouch. Wala na siyang oras intindihin kung nasaan siya o I-appreciate ang magagandang bagay sa paligid niya. Nasa isip lang kasi niya ay ang presentation niya.

Pumasok sila sa animo’y isang conference room. “Sir, nandito na kami,” anang Ninong Fidel niya. “Siya si Mr. Neiji Villaranza.”

Bahagyang nawala ang kaba niya dahil nakangiti si Neiji. “I am Marist Davillo. Nice meeting you, Sir.”

“Sir, maiwan ko po muna kayo,” anang Ninong Fidel niya at lumabas. Gusto yata ni Mr. Villaranza na makausap siya nang sarilinan.

Kinamayan siya ni Neiji. “Congratulations, Marist! And welcome to the Stallion Riding Club! This will be the start of your four-day stay here.”

Natigagal siya nang tumaas ang blinds at bumulaga sa kanya ang magandang tanawin sa labas. Well-manicured grass carpeted the view outside. May mga kabayo na pagala-gala sa paligid. May dumadaan din na mamahaling kotse o kaya ay nagkikisigang kabayo na sakay ang mga guwapong lalaki. It was like a paradise.

Lagot! Nasa Stallion Riding Club nga ako. It was the last place on Earth that she would like to go to. Bumaling ang tingin niya kay Neiji. “Sir, ang alam ko po nandito po ako para mag-present ng design ng bags.”

“I am the President of the manufacturing company of Stallion Shampoo and Conditioner. Part ng surprise namin sa iyo na dalhin ka dito nang di mo nalalaman. We asked your ninong to take part in our plan.”

Kung ganoon ay palabas lang pala ang lahat. Hindi ito kliyente na interesado sa mga desigsn niya. Nagpuyat lang pala siya para sa wala.

“Bakit hindi na lang ninyo basta sinabi na pupunta ako dito?”

“Nalaman kasi namin na ayaw mong tanggapin ang premyo mo.”

Kilala ko na kung sino ang nagsumbong. Si Constancia!

“I am afraid wala akong hilig sa mga romantic dates. Ang totoo, nagpunta agad ako sa opisina ninyo matapos kong manalo para magtanong kung pwedeng I-convert na lang sa cash prize ang napanalunan ko. O kaya ibigay sa iba.”

Umiling ito. “I am afraid it is non-transferable and non-convertible to cash. Malinaw iyon sa sulat na ipinadala ko sa inyo. You are the winner and the prize is yours. Kahit pa sabihin mo na ayaw mo.”

“Pwede rin namang hindi ko kunin.” Ang alam niya sa mga contest, nafo-forfeit ang premyo kapag di kinukuha ng winner.

“Wala rin namang nakalagay sa rule na kailangan mo pang pumunta sa amin para lang makuha mo ang premyo. O kailangan namin ng permiso kung tatanggapin mo ang premyo o hindi. As the owner of our company, we owe it to our customers that our products our successful. Kaya ibabalik din namin iyon sa inyo. Kaya sisiguraduhin naming mag-e-enjoy ka sa grand date mo.”

Parang umiikot ang paningin niya. Pinagsamang gulat at kawalan ng tulog. Pero isa lang ang tiyak sa kanya. Ayaw niyang magtagal pa sa lugar na iyon. “Thank you, Sir Neiji. Pero sasama na po ako sa ninong ko pauwi.”

“Umalis na agad siya pagkahatid niya sa iyo. At hindi ka rin makakaalis dito sa riding club nang walang permiso mula sa akin.”

“Pipilitin ninyo ako na mag-stay dito sa loob ng apat na araw?” bulalas niya. “Hindi ninyo pwedeng gawin ito. May buhay din ako. May nanay ako na dapat alagaan at may trabahong naghihintay sa akin. Wala akong oras para mag-date lang. Hindi maghihintay ang mundo sa akin.”

Nainis tuloy siya dito. Ang mga mayayaman talaga. Magawa lang ang gusto, walang pakialam sa buhay ng ibang tao. Lahat ng gusto ipinipili.

“We make sure that everything is well taken care of. May mga taong mag-aalaga sa nanay mo habang wala ka. At matatawagan mo siya anumang oras mo gustuhin para kumustahin mo siya. Ganoon din sa trabaho mo.”

Subalit di pa rin siya natutuwa. Para sa katulad niya na pinaplano ang lahat ng bagay, ayaw niyang pinangungunahan siya sa mga desisyon niya. Ayaw niya sa mga bagay na nawawalan siya ng kontrol.

Ngayon pa lang ay di na siya makahinga. Maganda nga ang Stallion Riding Club. Parang paraiso. Pero daig pa niya ang nakakulong sa koral ng kabayo. Wala siyang ipinagkaiba sa isang preso.

“Yours won’t be a simple date. It would be a dream date. Ang lahat ng problema mo sa panahong nandito ka, kami ang bahala.”

“Okay,” sang-ayon na lang niya. Wala rin naman siyang magagawa. Nasa teritoryo niya ito. Pagtitiisan na lang niya ang apat na araw niya doon.

“Syempre, hindi kumpleto ang dream date mo kung walang Prince Charming.”

Ugh! Heto na po kami! Sino naman kayang makaka-date ko? Anong klaseng lalaki kaya siya? Malamang walang kwentang lalaki na walang ginawa kundi magpaguwapo araw-araw at magbilang ng pera. At tingin sa babae ay laruan.

Bumukas ang pinto at isang lalaki ang pumasok. “Hello!”

Natigagal na lang siya nang makita kung sino. “E-Emrei?”

“MARIST, he will be your escort during your stay at the riding club. Your date, Mr. Emrei Rafiq. He is the son of Shiek Ahmadi Rafiq from the Kingdom of Al Ishaq.” Ipinaliwanag ni Neiji na ang Al Ishaq ay isang maliit na bansang mayaman sa langis. Na anak din si Emrei ng isang Filipina na mula sa pamilya ng mga pulitiko sa bansa. “He is one of the heirs to the Rafiq Oil Company. And he is also the Executive Vice President of Synergy Corporation.”

Umiikot ang ulo niya sa dami ng sinabi ni Neiji tungkol dito. Subalit nakisirko pati ang puso niya nang bigyan siya ng matamis na ngiti ni Emrei. Para kasing may kasama nang pang-aakit sa ngiti nito. O dahil ito ang ka-date niya.

“Hi, Marist! Welcome to the Stallion Riding Club.”

Napapikit na lang siya. “O, hindi! Ikaw ang ka-date ko.”

Napansin yata ni Neiji na may problema. “Mabuti pa maiwan ko na kayong dalawa para magkasarilinan kayo at magkakilalang mabuti. Anuman ang kakailanganin mo, si Emrei na ang bahala sa iyo. Enjoy your date!”

Mahabang sandali silang nagtitigan ni Emrei nang makaalis ni Neiji. Hindi siya makapagsalita dahil di niya alam kung saan magsasalita sa dami ng gusto niyang sabihin dito at gustong ilabas sa loob ng dibdib niya.

“Gusto mo na bang makita ang kuwarto mo? O magmiryenda ka muna.”

“Hindi! Dito muna tayo!” aniya at idiniin ang kamay sa mahabang conference table. “Congratulations! Mukhang maganda ang palabas ninyo dito sa riding club. Pinaglalaruan ba ninyo ako? Una, idinala ninyo ako dito kahit na ayaw ko. You are forcing me to stay here for several days. At ngayon ikaw ang ka-date ko.”

Akala pa mandin niya ay matino ito. Na kakaiba ito sa ibang lalaki. Yes, he was not the same as them. He was worse than them. Naniwala pa mandin siya na maari niya itong pagkatiwalan. Sabi na nga ba niya. Di siya dapat nagpadala sa mga ngiti nito at magagandang salita. Kalokohan lang ang lahat.

Nawala ang ngiti sa labi ni Emrei. “No, Marist. It is not what you think.”

“Ang sabi mo sa akin hindi ka member ng riding club.”

“You see, my cousin owns the place. I may not be a member but I come here often. Nang magpilian sila ng makaka-date mo, isinama nila ang pangalan ko. Hindi ako makatanggi dahil kinakapatid ko si Kuya Neiji.”

“Hindi ka man lang kumontra?”

Nagkibit-balikat ito. “I don’t mind. At least kilala kita. I don’t mind if you hate men. Di ko man alam ang rason, naiintindihan kita. Basta gagawin ko ang lahat para mag-enjoy ka dito sa club.”

Paano naman siya mag-e-enjoy? Kung iba siguro ang ka-date niya, pwede niyang sungitan at tarayan. Sisirain niya ang araw ng sinumang ka-date niya. Pero iba si Emrei. Ngingiti lang ito at sasabihing naiintindihan siya. At sa huli, di rin naman niya ito matatarayan nang higit sa pagtataray niya.

“Paano naman ako makakapag-enjoy dito sa club ninyo? Ano naman ang ipinagkaiba mo sa mga lalaking kinaiinisan ko?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.