Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 57

“Kung ibang babae ka siguro, hindi ko sasabihin ito sa iyo. Tiyak masisira kasi ang ilusyon nila sa Stallion Riding Club,” panimula ni Emrei. “But I don’t have illusion of yours to shatter anyway.”

“Aaminin mo na bang monster ang mga lalaki dito?” Kahit naman siguro sa labas ng riding club, monster ang mga lalaki. Subalit sa lugar na iyon, naipon ang mga guwapong mayaman pero nuknukan ng yabang na mga lalaki.

“They are monsters in a way. Men here are egoistic and chauvinists. This is their world, Marist. This is built specially for them. In this place, they feel like they own everything. Kasama na doon ang adoration ng mga babae. I am not saying that they are evil. They are self-centered. Pakiramdam nila mga perpekto sila. Even their flaws are perfection itself. At inaasahan nilang pupurihin sila at mamahalin ng mga babaeng kasama nila. Iyon din ang inaasahan nila sa babaeng mananalo sa raffle.”

“Hindi ko naman sila masisisi. Pantasya sila ng bayan. Ultimo nga mga lola na gusto silang maka-date,” sabi niya. “Malas nga lang nila dahil ako ang nabunot. At hindi ko plano na sambahin sila mula ulo hanggang paa. Wala akong pakialam sa mga lalaki lalo na sa mga mayayabang na mayayaman.”

“Mabuti na lang ako ang nabunot para maka-date mo,” anang si Emrei na sumigla ulit ang boses. Kaya hindi mo na kailangang isiping may masasaktan kang ego. I can take it. Mabuti pa, ihatid na kita sa kuwarto mo.”

Napilitan siyang sumama dito. Ihinatid siya ng kotse nito sa isang apat na palapag na mansion. Sa harap niyon ay may fountain. Ang reception area naman ay walang ipinagkaiba sa isang eleganteng hotel. May malaking pool area iyon at magandang garden. “Dito ako tutuloy?”

“Yes. Sa fourth floor ang kuwarto mo. This is the riding club’s guesthouse. Lahat ng mga guests ng member o mga member na walang sariling villa sa Stallion Estate ay dito tumutuloy.” Sumakay sila sa elevator.

“Ikaw. Dito ka rin ba tumutuloy?”

Umiling ito. “My brother has his own house here. Doon ako tutuloy.”

Nang pumunta siya sa kuwarto ay nalula siya sa karangyaan. Parang kuwarto ng isang prinsesa. Nababalutan ng carpet ang sahig. May four-poster bed na may orange at yellow na gossamer curtain. Kumpleto rin ng mga modernong appliances. May LCD television na 21 inches, DVD player at pati mini bar. Elegante ang bathroom na may sariling bathtub.

Namaywang siya. “Masyadong malaki itong kuwarto ko. Wala bang mas maliit na kuwarto? Saka iyong walang masyadong gamit.” Hindi kasi siya makahinga sa kuwarto na iyon. Sanay siyang simple lang.

“Uhmmm… sa palagay ko hindi papayag si Kuya Neiji na lumipat ka ng kuwarto. He made sure that you’ll have the best room here.”

Bumuntong-hininga siya. “Ganoon ba?” Tumanaw siya sa bintana. Kitang-kita ang kalawakan ng riding club. MUla sa malawak na lupang nababalutan ng luntiang damo, ang gubat at ang lawa. “Hanggang saan ang Stallion Riding Club?”

“Maniniwala ka ba kung sasabihin kong lahat ng natatanaw ng mata mo? Umaabot ito hanggang sa lake area. Marami kang mapapasyalan dito.”

“Paano nga pala ako tatagal dito ng apat na araw? Wala naman akong damit.”

Binuksan nito ang closet. “Sa iyo na ang lahat ng damit dito. All of them are according to your size. Pinili talaga ang damit na iyan para isuot mo dito. So you can choose whatever you want.”

Pinasadahan niya ng tingin ang mga damit. Halos lahat ay nasa uso. Parang hindi rin naman babagay sa kanya. Pero dahil wala siyang damit, mapipilitan siyang isuot ang mga iyon. “Masyado silang maganda.”

“You are beautiful. Kaya dapat maganda rin ang isuot mo.”

“Kasama ba sa premyo ko na sabihan mo rin akong maganda?”

Magaan nitong hinaplos ang baba niya. “Chill out! Masyado mo ka namang maraming iniisip. Hindi mo mae-enjoy ang maraming bagay kung masyado kang seryoso. Wala namang masama sa mga bagay na nandito. You are so defensive.”

“Ayoko lang masanay sa mga bagay na wala ako.”

“It is just four days. Just give it a try. How about we become friends?”

Napatingin siya sa nakalahad nitong palad. Friends? Bakit ko naman siya kakaibiganin? Kailangan pa ba iyon? Magde-date na nga kami.

Subalit parang may sariling buhay ang palad niya nang kamayan ito.

“S-Sige.” Nagulat pa siya. O, saan nanggaling iyon? May sumagot ba para sa akin? Pumayag na ba ako? Nalilito na siya sa ginagawa niya. Anong nangyayari? Kinukulam ba ako? Bakit parang wala na akong kontrol sa sarili ko?

Subalit di lang siya nito kinamayan. He kissed the back of her hand while his eyes never left hers. “Then I will see you later, Marist. Take a rest.”

Hinalikan niya ang kamay ko! Nasayaran ang balat ko ng labi ng isang lalaki. Germs! Alcohol! May mikrobyo!

Hinawakan niya ang sariling kamay nang makaalis si Emrei at idinampi iyon sa pisngi. “Mukha ngang kinukulam ako,” usal niya at napangiti.

“ITO na pala ang riding club,” usal niya habang nakasandal sa railing na nakaharang sa arena. Pinagmamasdan niya ang pagpa-practice ng isang member na si Crawford Oreña para sa show jumping competition. Ang laro ng mga mayayaman. “Kahit saan naman yata ako tumingin puro kabayo ang nakikita ko.”

“My cousin Reid loves horses. Bata pa lang kasi sila ng Kuya Beiron ko, mahilig na sila sa kabayo. So he developed this whole estate for it. A sanctuary for horses. Halos lahat ng horses na binibili ng members sa kanya galing. Na kinukuha naman niya sa farm ng brother ko. Maganda rin kasi ang horse breeding program ni Kuya Beiron,” kwento nito.

“Parang mahal na mahal nga nila ang kabayo nila.”

“Basically, ang mga kabayo ang best friend ng karamihan ng members dito. As you can see, it is like a horse’s haven. May mga rules pa nga dito sa loob ng riding club para sa proteksiyon ng mga kabayo.”

Tumango-tango siya. “I see.” Nag-observe pa siya nang kaunti hanggang mapagod na rin siya. ‘Nauuhaw na ako. Saan pwedeng uminom?”

“Doon tayo sa Rider’s Verandah.”

Matapos magpahinga ay inikot na siya nito sa club. Maganda ang club at ubod nang lawak. Masarap ngang manatili doon lalo na’t hindi crowded ang lugar. Ang gusto naman niya sa lugar na iyon ay sariwa ang hangin. Parang masarap matulog o kaya ay tumunganga na lang.

“Gusto mo rin ba ang mga kabayo?” tanong ni Emrei habang naglalakad sila papunta sa Rider’s Verandah. Di iyon kalayuan sa arena kaya pwedeng lakarin na lang.

“Oo. Noong magbakasyon nga ako sa Marinduque, nagustuhan ko sila. Hmmm… ang sarap talaga!”

“Tama ka. Masarap silang kasama. Bata pa lang ako, sila na ang kaibigan ko. Minsan tumatakas pa ako sa lessons ko makapag-horse back riding lang. Gustong-gusto ko kapag tumatakbo nang mabilis. Tapos kahit saan pumunta ang kabayo ko, wala akong pakialam. Nakakalimot ng problema.”

“Basta! The best talaga ang tapa,” sabi niya at walang pakialam sa mga kwento nito tungkol sa pagsakay ng kabayo.

“T-Tapa? Anong tapa?” tanong nito.

“Tapa lang hindi mo pa alam. Oo nga pala, mayaman ka. Hindi mo alam kung ano ang tapa. Sobrang na-miss mo ang kalahati ng buhay mo kung tapa lang hindi mo pa alam kung ano.”

“Alam ko kung ano ang tapa. Kaso di naman iyon ang pinag-uusapan natin. Hindi yata tayo magkaintindihan, eh!”

“Hindi ba kabayo ang pinag-uusapan natin mula pa kanina. Eh, di tapa ng kabayo ang sinasabi ko.”

Nanlaki ang mata nito. Kung tingnan siya nito ay parang isa siyang kriminal. “Kabayo? May tapa ng kabayo?”

“Oo,” aniya at tumango.

“Kumakain ka ng tapa ng kabayo?” bulalas nito.

“Oo. Sa Marinduque nga,” patuloy niyang kwento. “Madalang daw ang ganoong klaseng pagkain doon. Natiyempuhan ko lang. Noong una, hindi ko alam na tapa iyon ng kabayo. Di ko pa nga magustuhan ang lasa dahil naninibago ako. Kaiba siya sa tapa ng baka. Pero masarap.” Matamis siyang ngumiti at pinagkiskis ang palad. “Sa dami ng kabayong nandito, malamang pwede akong um-order ng tapa ng kabayo, hindi ba? Siguro naman kaya iyong iluto ng mga chef dito.”

“Damn! Marist, stop it!” mariing bulong nito sa tainga niya.

Nagulat siya nang bigla siya nitong kabigin sa balikat mula sa likuran. Tumama ang likod niya sa harap ng katawan nito. Nahigit niya ang hiningi. His whole body was outlined at her back. It was so intimate. Di pa niya naranasang ganoong kalapit sa isang lalaki kaya di niya magawang huminga.

Kung ibang lalaki siguro ang gumawa niyon sa kanya, baka inapakan na niya sa paa o kaya ay sinikmuraan na niya. Walang karapatan ang kahit sinong lalaki na lumapit nang ganoon kalapit sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang init ng katawan nito. Pati ang pabango nito ay naaamoy niya.

They were like that for a few moments. Magkalapit ang katawan nila, nakayakap ang kamay nito sa harap ng balikat niya at nararamdaman niya ang mainit na hininga nito sa tainga niya.

“E-Emrei… a-anong… bakit…”

Anong gagawin mo sa akin, Emrei? Kung anuman ang balak mo, huwag dito sa harap ng restaurant. May mga tao. Makikita tayo. Huwag mo akong madaliin.

“Just stay still,” bulong muli nito.

Parang nababaliw na siya. Bakit hindi niya ito maitulak palayo? Ano ba talaga ang nangyayari sa kanya? Sasabog na ang puso niya sa sobrang kaba.

“Emrei,” anang isang lalaki na lumapit sa kanila. Kasing tangkad ito ni Emrei. Guwapo ito pero mukhang suplado. Mukhang di marunong ngumiti.

“Kuya Reid!” sabi ni Emrei sa masayang boses. Lumipat sa tabi niya si Emrei subalit nanatili pa rin ang kamay nito sa balikat niya. “I want you to meet Marist. Marist, this is my cousin Reid Alleje. He is the owner of the Stallion Riding Club.”

Alanganin niyang inabot ang kamay dito. “Nice meeting you, Sir.”

He held her hand firmly and gave her thin smile. Di siya makapaniwala na makakaharap niya ang may-ari ng Stallion Riding Club. Parang hindi na nga kailangan pang sabihin sa kanya. Sinasabi na kasi ng mga mata nito na lahat ng lupaing tanaw ng kanyang paningin ay ang pag-aari nito. Ang lupang tinatapakan niya ay pag-aari nito pati na rin ang hanging hinihinga niya. At sa lugar na iyon, ito ang hari. Ito ang batas.

She had never been intimidated with a guy in her life. Noon lang. Kahit si Emrei na mataas ang level ng self confidence ay takot din dito.

“So you are the lucky girl. I hope you enjoy your stay at the riding club. Treat it like your own home. Emrei will take care of you,” pormal nitong sabi.

“Y-Yes, Sir. Thank you.”

Humalukipkip ito. Nadagdagan ang kaba niya at bahagyang napasiksik kay Emrei. “Mukhang masaya ang pinag-uusapan ninyong dalawa ni Emrei.”

“Ha? Anong masayang pinag-uusapan namin, Kuya?” tanong ni Emrei.

“Iyong tungkol sa tapa. Tapos may nasingit pang kabayo.”

Tumawa si Emrei at pinisil nito ang balikat niya. Nakitawa na rin siya. Sa totoo lang, di niya alam kung bakit kailangan nilang gawin iyon. Wala naman kasing nakakatawa. Halata namang peke ang mga tawa nila. Parehong tensiyonado. Wala siyang dapat katakutan pero parang dapat siyang matakot.

“S-Sabi ni Marist, natutuwa daw siya dahil tapat na kaibigan ang mga kabayo. Masayang makasama sa buhay. Parang gusto nga daw niyang mag-stay dito nang mas matagal para mas makasama niya ang mga kabayo.”

Saka lang umayos ang ngiti ni Reid. “That is good to hear. Mabuti naman at interesado ka sa mga kabayo. They are the real catch here. Dahil ang kabayo, hindi ka iiwan. Di tulad ng boyfriend o girlfriend. Iiwan ka kapag may nakitang iba.”

“Tama kayo diyan, Sir Reid!” nasabi na lang niya. “Huwag kayong mag-alala. Kapag yumaman ako, bibili ako ng kabayo sa inyo.

“Sa tingin ko naman papayag si Emrei na bumalik ka dito sa riding club kahit na tapos na ang date promo ninyong dalawa.” Tinapik ni Reid ang balikat si Emrei. “Mabait naman ang pinsan ko. At mukhang close na kayong dalawa. Sabi pa mandin sa akin ni Neiji, may pagkasuplada ka daw. Man-hater ka pa nga daw.”

Gusto sana niyang tumawa pero nauwi na lang sa ubo.

“Dati pa kami magkakilala, Kuya Reid. Kaya parang close na kami,” ani Emre.

Nag-ring ang cellphone ni Reid. “Anong nangyari kay Rocky? Alam ba ninyo kung gaano kamahal ang kabayong iyon. Look for Tamara. Tell her to do something about it or I will skin her alive!” sigaw nito. Ang tanging senyales nito na aalis na ito ay tumango lang ito at naglakad na palayo.

Higit pa rin niya ang hininga hangga’t di umaalis ang kotse nito palayo. Sabay pa silang nagpakawala ng hininga ni Emrei. Kinabig nito ang ulo niya pahilig sa balikat nito. “Ah! We are saved! Akala ko hindi na tayo lulubugan ng araw.”

She was too weak to move. Pakiramdam kasi niya ay di na rin siya lulubugan ng araw. Halo-halo ang emosyong naramdaman niya nang araw na iyon. Nariyan si Emrei na kanina pa ginugulo ang sistema niya. At ang pinsan nito na parang di pwedeng huminga ang mga tao sa paligid nito hangga’t di nito sinasabi. Parang nahigop na ang lahat ng lakas ng katawan niya. Di na nga niya magawang gumalaw o mag-isip habang nakasandig ang katawan niya kay Emrei.

“P-Pwede bang umupo?” tanong niya.

Tumuwid ito ng tayo. “I’m sorry.” Mabilis siya nitong ipinaghila ng upuan. “Please take a seat.” Saka umupo ito sa tapat niya. Pero wala na ang confidence sa anyo nito. Parang nanghihina na rin ito tulad niya.

“Grabe! Bakit ganoon ang pinsan mo? Hindi ko maipaliwanag. P-Parang… nase-sense ko na reincarnation siya ni Hitler. Nakakatakot.”

“Tama ka diyan. Kahit sino tumitiklop sa kanya isang tingin pa lang. Magpasalamat ka dahil hindi niya narinig ang sinabi mo tungkol sa tapa ng kabayo.”

“Ano bang problema sa tapa ng kabayo? Masarap naman iyon, ah!”

“Kung narinig ka ni Kuya Reid, he would surely kick you out of the riding club. Kahit sino ka pa o kahit ano ka pa, kakaladkarin ka niya palabas dito. It is a heinous crime for horse lovers to eat horsemeat. Lalo na sa tulad naming na mula pagkabata lumaki na kasama ang mga kabayo.”

Nakagat niya ang labi nang makita ang lungkot sa mga mata nito. May mga tao nga na mas mahal pa ang mga alagang hayop kaysa sa tao. “Sorry na. Hindi ko naman sinasadyang kumain ng kabayo. Saka nakain ko na. Hindi na ako uulit.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Basta huwag mo ulit babanggitin, ha?”

Napatitig siya sa kamay nitong nakahawak sa kanya. His thumb was massaging the back of her hand. Wala pang nakahawak nang ganoon katagal sa kamay niya. And she thought that it was too intimate for her who didn’t like to be touched. Pero bakit pinapayagan niya si Emrei na hawakan ang kamay niya? Bakit hindi siya naiirita dito? Parang gusto pa nga niyang lagi nitong hawakan ang kamay niya. It made her feel more human.

Nagulat siya nang bigla nitong bitiwan ang kamay niya. “S-Sorry. Hindi ko naman sinasadya. I mean…”

Tumuwid siya ng upo. “Um-order na lang tayo.”

Palala na ako nang palala bawat minuto na kasama ko siya. Anong dapat kong gawin para bumalik ako sa normal?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.