Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 58

Napasimangot si Marist nang isukat niya ang black sequined halter gown. “Ayoko nito. Masyadong sexy. Hindi bagay sa akin.”

Sinubukan din niya ang fuchsia pink na tube top at sinimangutan ang salamin. “Lalo namang hindi ako lalabas ng kuwarto ng ganito.”

Malapit nang mag-alas siyete ng gabi pero hindi pa rin siya nakakapili ng damit na isusuot niya para sa dinner party. Formal daw iyon kaya kailangang maganda ang isuot niyang gown. Tapos na rin siyang ayusan ng make up artist at bahagya nang kinulot ang mahaba niyang buhok. Pero hanggang ngayon ay wala pa rin siya sa mood na pumunta sa party.

Hinubad niya ang damit at kinuha na lang ang nag-iisang pajama na nasa closet na siyang pantulog niya. “Hindi na lang ako pupunta sa party. Ano naman ang gagawin ko doon? Makikipagsosyalan at makikibeso-beso sa mga mayayaman? Tapos titingnan at pagtatawanan lang nila ako sa likuran ko. Wala akong planong maging laughing stock nila.”

Alam na niya ang gagawin ng mga ito. Ayaw niyang makipag-plastikan. Mas mabuti pang matulog na lang siya kaysa sumama sa mga taong hindi naman niya gustong makahalubilo. Di naman siguro siya kawalan sa party na iyon.

“Bakit ba kasi ako pa ang nanalo dito? Parang pare-pareho lang naman na sayang ang oras namin. Madaming bagay naman akong di ma-appreciate.”

Itinatabi niya ang mga damit na naisukat na niya nang may kumatok sa pinto. Pinagbuksan niya si Emrei. “Hi! Bakit hindi ka pa nakabihis? Magsisimula na ang party. Hindi ka pa nakakapag-decide ng gusto mong isuot?”

“Hindi na lang ako sasama.”

Nagulat ito. “Ha? Para sa iyo ang party na iyon. Di ka pwedeng mawala.”

Iyon daw ang paraan ng riding club na I-welcome siya. Kaya naman halos lahat ng members ay naroon para makita siya. Parang isa siyang heroine sa romance novel. O kaya ay si Cinderella na a-attend sa ball. Ayon iyon sa room attendant na nakausap niya. Wala yata siya sa mood na maging Cinderella. Sleeping beauty na lang siguro na walang Prince Charming. Gusto lang niyang matulog kung kailan niya gusto. At paggising niya ay wala na siya sa Stallion Riding Club.

Sumandal siya sa dingding. “Emrei, masakit ang ulo ko. Pagod na pagod ako. Parang wala ako sa kondisyon na lumabas ng kuwarto ko. Baka mamaya doon pa ako magkalat sa party, nakakahiya naman lalo na sa iyo.”

Lumungkot ang anyo nito. “Ganoon ba? Mahiga ka na. Tatawag lang ako sa clinic para matingnan ka ng doctor. You must have caught a flu or something.”

Pinigilan niya ang kamay nito nang akmang magda-dial ito sa telepono. “Huwag na lang. Gusto kong magpahinga. Pwede ba?”

Bahagya itong ngumiti at hinaplos ang pisngi niya. “Oo nga pala. Masyado kang napagod sa mga ginawa mo ngayong araw na ito. Just take a rest. Kapag mas mabuti na ang pakiramdam mo sa umaga, magbabad ka sa bathtub. Magpapadala ako ng lavander bubble bath para sa iyo. It will help you relax.”

“Paano ang party?” tanong niya.

Iwinasiwas nito ang isang kamay. “Hayaan mo sila. Basta magpahinga ka lang dito. Sa ibang araw na lang silang mag-party kung gusto nila.” Hinawi nito ang comforter at kumot. “Mahiga ka na. Sige na.”

Parang masunuring bata siyang sumunod at inayos nito ang kumot niya. He was so nice. Samantalang kung ibang tao siguro ito, maiinis na sa kanya at iisiping umaarte lang siya. Pero inisip talaga nito ang kapakanan niya.

Ngumiti siya. “Thank you.”

Nagulat ito at mahabang sandali na napatitig sa kanya. Parang napagkit na nga ang tingin nito sa kanya. Daig pa nito ang nahipan ng masamang hangin.

Nailang siya sa titig nito. Malapit lang ang mukha nito sa kanya. Di tuloy niya alam kung saan niya ipapaling ang paningin. “E-Emrei, matutulog na ako.”

“Okay. Matulog ka na,” malambing nitong sabi. Sa halip na ilayo ang mukha sa kanya ay lalo pa nitong inilapit ang mukha sa kanya.

Napalunok siya. Hahalikan ba siya nito? Lalo siyang natuliro. Di niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Pumikit na lang siya at hinintay ang susunod nitong gagawin. Hindi ako marunong humalik? Ano naman ang gagawin ko kundi ang maghintay na lang. Maghintay… maghintay at maghintay…

She could feel his breath against her skin. Naghintay pa rin siya sa pagsayad ng labi nito sa kanya. Ang bawat hati ng Segundo ay parang nakatagal na panahon. Hahalikan ba siya nito o hindi? Naiinip na siya.

Cool ka lang, Marist. Remember, patience is a virtue.

Naramdaman niyang kinintalan nito ng halik ang noo niya. “Goodnight!”

Nang dumilat siya ay nakatalikod na ito sa kanya at palabas na ng pinto. Napabalikwas siya ng bangon. “Emrei!” tawag niya dito.

Lumingon ito sa kanya. “Bakit?”

Iyon lang? Ang tagal-tagal kong di huminga tapos sa noo lang ako hahalikan?

Bahagya siyang kumaway. “G-Goodnight!”

“Okay. Magpahinga ka, ha? I will see you tomorrow.”

Bigla siyang tumayo nang lumabas ito sa pinto. “Sayang! Sayang! Noo lang. Hanggang noo lang!” Natigilan siya nang maanalisa ang sarili. “Ano ba ang pinagsasabi ko? Ano ngayon kung sa noo lang niya ako nahalikan?”

Ibinagsak niya ang sarili sa kama at napatitig sa kisame. Mukha pa rin ni Emrei ang nakita niya doon. “Nababaliw ka na, Marist.”

“GUSTO ko nang umuwi, Constancia. Ayoko na dito,” anang si Marist na di maitago ang desperasyon sa boses. Nakaupo siya sa kuwarto niya at nakatanaw sa garden. Gamit niya ang telepono sa kuwarto niya para tawagan ito sa cellphone. Sa ngayon, iyon lang ang nae-enjoy niyang gamitin para tawagan ang mga naiwan sa Manila.n

“Iniisip mo ba si Tita Ising? Okay lang kami dito. In fact, ikinuwento niya sa akin ang love story ninyo ng tatay mo. Pang-teleserye. Panalo, friendship!”

Napasimangot siya. “Huwag ka ngang puro kalokohan. Seryoso ako!”

“Ano ba naman ang problema mo? Akala ko ba ibibigay nila ang lahat ng pangangailangan mo. Ano pa bang kulang?”

Sumalampak siya sa carpeted na sahig. “Maganda nga dito. Pero alam mo naman na hindi ko sinanay ang sarili ko sa magagandang bagay. Hindi ako para dito. Hindi ako sanay nang walang ginagawa.”

“Ikaw nga si Cinderella. Natural prinsesa ka diyan.”

“Ayokong maging Cinderella, no? Saka mabagal ang oras dito. Parang walang pakialam ang mga tao sa paligid nila. Ni wala silang iniintindi. Palibhasa mayayaman kaya gasta lang nang gasta ng pera. Tapos pati kape, ang tagal-tagal dumating.”

“Ano ka ba? Hindi instant coffee ang kape diyan. Natural brewed iyan. Kape ng mayayaman. Ano pa ang reklamo mo sa buhay?”

“Hindi ako makatulog nang mabuti sa kama ko. Masyadong malambot. Alam mo naman na sanay akong sa matigas na kama natutulog.”

At iniisip din niya si Emrei. Natuloy kaya ang party? Sino kaya ang kasama nito kagabi? May hinalikan ba itong babae? Di ba katulad niya sa noo lang? Kaya pabiling-biling siya sa higaan sa kaiisip dito.

“Paano ka nakatulog?”

“Lumipat ako sa lapag.” Pagod na rin siya sa kabibiling doon at pagod na rin siyang mag-isip kay Emrei kaya nakatulog siya. “Iyong mga damit ko, sobrang ganda. Masyadong mamahalin. Di ko maatim isuot.”

“Sabi mo sa iyo na ang mga damit na iyon. Napanalunan mo iyon, ah!”

“Ayoko ngang masanay sa magagandang mga bagay. Ayokong masanay na lugar na ito. Saka parang kapag isinuot ko sila, mag-iiba na ako. Parang nagpipilit akong magmukhang mayaman kahit na hindi naman.”

“Tigil-tigilan mo nga ang kadramahan na iyan. Di ba, halos makalbo kagagamit ng Stallion Shampoo at Conditioner para lang makasali ka sa promo. Blessing ng Diyos sa iyo ang lahat ng bagay na iyan. Dapat matuwa ka. Siguro may dahilan ang Diyos kaya ikaw ang nanalo diyan.”

Pinagdikit niya ang labi. Nasermunan pa tuloy siya. “Sige na. Ingatan mo na lang si Nanay.” Natanaw niya na naglalakad sa pathway ng garden si Emrei papasok sa guest house. “Andito na si Emrei, sinusundo ako.”

“Si Emrei Rafiq? Sinusundo ka? Anong ginagawa niya diyan.”

Bigla niyang nakagat ang dila. Nadulas siya. “S-Siya kasi ang ka-date ko.”

“Ano? Si Emrei ang ka-date mo at hindi mo man lang sinasabi sa akin?”

Halos mabingi siya sa lakas ng sigaw nito. Natural na magtampo ito.

“Sorry na, Connie. Nag-aalala kasi ako na baka magalit ka.”

Lalo siyang natakot nang magtitili ito. Patay na siya. Itatakwil na siya nito.

“Iyan! Iyan ang tinatawag kong destiny.”

Nagulat siya dahil parang excited pa ito. “Ha? Anong destiny?”

“Si Emrei ang destiny mo!”

“Ano ka ba? Wala akong interes sa destiny na sinasabi mo. Nagkataon lang na si Emrei ang nabunot para maka-date ako. Iyon lang.”

“Kung hindi iyon destiny, eh di fate na lang. Naalala mo ba ang inyong nakaraan? Kung paanong muntik na niya tayong masagasaan? Tapos kahit na iwas ka nang iwas sa kanya, sumusulpot pa rin siya. And take note, siya lang ang nakaintindi sa kasungitan mo. Ngayon siya pa ang ka-date mo sa Stallion Riding Club. Talagang pinaglalapit kayo ng tadhana.”

“Mukha kang tanga. Tigilan mo na iyang destiny na iyan. Hindi ba gusto mo si Emrei? Bakit destiny ka pa nang destiny?”

Tumikhim ito. “Ilusyon ko lang naman iyon dahil guwapo siya. Saka wala na sa akin iyon. Well, hindi lang siya ang lalaki sa mundo. Basta huwag mo akong intindihin. Walang girlfriend iyan. Nakakakilig! Basta ako ang maid of honor at ninang ng mga anak ninyo. At huwag mo akong kalilimutan kapag prinsesa ka na ng disyerto. Naiiyak na talaga ako, friendship!”

“Luka-luka!” Mas kaya niya itong I-handle kung galit ito kaysa nanunukso.

Maya maya pa ay kumatok si Emrei sa kuwarto niya. “Okay ka na?”

Tumango siya. “Nakatulog na ako. Kaya okay na ako.”

“Sa Lakeside Café tayo ngayon. May nag-invite nga pala sa iyo kaya hindi mo ako makakasama ngayong umaga.”

Nagtaka siya. “Ha? Bakit naman?”

“Gusto kong makilala mo ang ibang babae dito sa riding club.”

Di siya kumibo subalit kinakabahan siya. Alam na niya ang ie-expect sa mga lalaki sa riding club pero hindi ang sa mga babae. Wala siyang ideya kung paano siya tatanggapin ng mga ito. At bakit kailangan pa niyang makilala ang mga ito.

“Ikaw na lang ang bumaba,” sabi ni Emrei pagtigil sa harap ng Lakeside Café.

“Hindi mo ako sasamahan?”

“Gusto kasi nila na huwag na akong kasama. Don’t worry. Mababait sila.”

Una niyang natanaw ang grupo ng may tatlong kababaihan na nasa labas ng café. Nakatuon ang tingin ng mga ito sa kanya. Nakasuot ng dress ang mga ito at may wide-brim hat na may design na bulaklak. Tingin niya ay napapanood lang niya ang ganoong mga damit sa mga lumang pelikula.

“Hi!” bati ng isa sa mga ito.

“H-Hi!” pilit niyang bati at bahagyang kumaway.

Lumapit sa kanya ang tatlo. “You are the winner of the Stallion promo, right?”

“Look at her. Parang teenager pa rin siyang magdamit. Hindi bagay sa club,” sabi ng isa sa mga babae.

Napatingin siya sa suot niya. It was a floral baby doll dress na nilagyan niya ng white leggings. She partnered it with two-inches sandals. Sa tingin naman niya ay bagay iyon sa kanya dahil iyon ang uso. At di daw iyon bagay sa club? Ano ba ang isinusuot ng mga tao doon? Mukhang ang mga ito nga ang walang alam sa fashion.

“Of course. What do you expect from a girl who only sells bag, Helena?”

Tiningnan siya ni Helena habang iniikutan siya. “Pretty but not classy.”

Malapit na siyang sumabog. Ang mga ito ba ang kakausap sa kanya? Para lang pala ipamukha na wala siyang lugar sa riding club na iyon.

“Bakit nga pala wala ka sa party?” tanong ulit ni Helena. “Siguro dahil natatakot ka. Nakakahiya naman kung pumunta tapos maa-out of place ka. Maybe you won’t even know the difference of a champagne from a sparkling water.” At sabay-sabay na nagtawanan ang tatlo.

“Tapos baka mumurahin lang ang cellphone niya. The old model without a camera. Or maybe she doesn’t have a cellular phone at all,” dagdag ng isa pa.

“Hey!” anang babaeng bagong dating. “Ginugulo ba ninyo ang bisita namin?”

“Paz Dominique!” sabay-sabay na usal ng tatlo at namutla.

“We are just having a little chat,” sabi ni Yelena.

“Do you know what persona non grata means? Paano kaya kung sabihin kong persona non grata na kayo?” sabi ng kasama ni Paz Dominique.

“Quincy, hindi naman sa ganoon.”

“Or do you want me to elaborate?” At ang tatlo naman ang inikutan ni Quincy. “Kapag ginulo ninyo ang bisita namin, hindi na kayo makakatapak sa Stallion Riding Club. We can even kick you out of the society’s circle.”

“Girls, let’s go!” yaya ni Helena.

“Are you okay?” tanong ni Quincy at nilapitan siya.

Tumango siya. “Yes. Thank you sa pagtatanggol ninyo.”

“Sa loob ang table natin. Halika na. Hinihintay na nila tayo sa loob.”

Sinalubong agad siya ng ibang mga babae at isa-isang nagpakilala. Ang mga ito ay girlfriend o kaya ay asawa ng member ng riding club. At kumpara sa tatlong nauna, hamak na mas mababait ang mga ito.

“Pasensiya ka na sa mga Flower Girls,” sabi ni Jemaikha.

“Flower girls?” tanong niya.

“Oo. Mga babae sila na walang ginawa kundi maghabol sa mga club members. As if they own them. But as you can see, flower girls pa rin sila hanggang ngayon at kami ang mga girlfriend,” anang si Sindy.

“Wala ka sa party kagabi kaya tayo na lang mga girls ang magpa-party,” sabi ni Miles. “Here. Nag-bake ako ng cake para sa iyo.”

“Talaga? Para sa akin?” Strawberry chocolate cake iyon. “Salamat. Pero hindi naman ninyo ito kailangang gawin sa akin.”

“Hayaan mo na,” anang si Winry. “Actually, ako ang original winner ng contest. Gusto ka naming I-welcome. Gusto rin naming na mag-enjoy ka sa pag-I-stay mo dito sa riding club.”

“Saka huwag kang maiilang sa amin,” sabi ni Quincy. “Mga luka-luka kami. May kanya-kanya kaming kalokohan at kabaduyan. Sabi nga ng mga Flower Girls, kami daw ang sumira sa magandang reputasyon ng riding club. And our men accept us for what we are. Tulad ni Emrei sa iyo.”

“S-Si Emrei?” tanong niya. “Bakit naman nasali si Emrei? Magka-date lang naman kami dahil sa raffle. Ganoon lang.”

“But Emrei likes you,” patuksong sabi ni Sindy. “Trust me. Pinagkakakitaan ko ang pag-ibig. Kaya familiar ako sa mga sintomas ng pag-ibig. Lalo na kapag ginagawa ng isang lalaki ang lahat para sa babaeng gusto niya.”

“Si Emrei ba ang nag-set nito para sa akin?” tanong niya.

Sabay-sabay tumango ang mga ito. “Yes. Sabi niya baka daw di ka um-attend ng party dahil naiilang ka,” paliwanag ni Quincy.

Di siya makakibo. Kahit pala anong pagkukunwari niya, nababasa pa rin siya ni Emrei. Paano nangyayari iyon kung kahit sarili niyang kaibigan ay di minsan masabi kung ano ang nasasaloob niya at iniisip niya?

“Gusto ni Emrei na magkaroon ka rin ng new friends. Kaya lang mga luka-luka kaming friends,” sabi ni Sonja.

Natawa siya. “Okay lang. Luka-luka rin ang friends ko na sina Mhelai at Connie. Kaya sanay na ako sa mga luka-luka.”

“Aba! Aba! At nakikilaban na ang babaeng ito!” sabi ni Paz Dominique.

“Hello, guys! Are you having fun?” tanong ng bagong dating.

Nakilala niya ang bagong dating bilang isa sa mga pinakabatang fashion designer sa bansa. Pangarap kasi ni Connie na magsuot ng creations nito dahil botique nito ang nag-iisa sa loob ng Stallion Riding Club.

“Jenna, you are late! Ubos na ang cake ko!” sabi ni Miles.

“Hello!” bati nito sa kanya nang biglang magulat. “Ang bag mo! Saan mo nakuha iyan?”

“Gawa ito sa factory ng ninong ko. Ako ang nag-design.”

Nagulat siya nang magtitili ito at niyakap siya. “Ikaw! Ikaw ang matagal ko nang hinahanap. Sasagipin mo ang dadating kong fashion show.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.