Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 59

“Ang daya ng mga babaeng iyon. Sabi nila ibabalik ka nila sa akin pagkatapos ng lunch. Aba! Anong oras na? Alas otso na ng gabi. Pati mga asawa at boyfriend nila, sa akin din sila hinahanap. Ang mga babae talagang iyon!” reklamo ni Emrei. Nagkita sila sa Rider’s Verandah at naabutan itong nagkakape.

“Sorry, ha? Nagyaya pa kasi silang magpa-spa. Tapos nagkwentuhan kami nang nagkwentuhan. Ang daldal nila. Di naman ako makahindi.”

“Masyado kang nag-enjoy kasama sila,” anito sa tonong nagtatampo.

“Kasi mababait sila. Parang matatagal na kaming magkakaibigan. Nakaka-relate din ako sa maraming experience at ugali nila. Habang kasama ko sila, parang di na iba ang pakiramdam ko. I feel like I am one of them.”

“Basta! Nakalimutan mo pa rin ako.”

Lumapit sa kanila ang isa sa mga waitress na may dalang maliit na kahon. “Sir Emrei, pastries po. Ipinabibigay ni Chef Miles.”

“Alam ko na kung ano ito. Suhol nila.”

“Ikaw naman kasi ang nag-request sa kanila na isama ako para di ako mailang. Hindi ko alam na napansin mong nagpalusot lang ako na masakit ang ulo ko para di ako makapunta sa party.”

“Paano mo mae-enjoy ang stay mo dito kung nagpi-freeze up ka kapag may ipapakilala akong tao sa iyo. Parang kaaway mo ang lahat ng nasa riding club.”

“Sabihin na natin na may masamang experience ako sa mga taong mayaman. Isa pa, di naman talaga ako sanay na makihalubilo sa mga mayayaman. Hindi ako sanay sa dapat kong ikilos, sabihin at kung anu-ano pa. Ni hindi ko masabi kung ano ang kaibihan ng champagne sa sparkling water,” pag-alaala niya sa sinabi ni Helena. “Baka mapahiya ka lang dahil sa akin.”

“Ganoon pa rin ba ang pakiramdam mo?”

Umiling siya at tipid na ngumiti. “Hindi na. Kasi ipinaramdam sa akin ng mga bago kong kaibigan na may kapareho din ako dito sa riding club. Na tulad ko, may mga ordinaryong tao din sila. Saka sabi nila sa akin, huwag kong pansinin kung may manlalait sa akin dahil di ako pamilyar sa maraming bagay dito. Dapat maging natural lang ako. Di ko kailangang maging trying hard.”

“May sarili kang character. And that is what I like about you. Gusto ko lang na ma-appreciate mo rin ang ibang tao sa paligid mo.”

“And I am glad that I have new friends. Salamat, ha?” Hindi niya inaakala na magkakaroon siya ng kaibigan. At sa dinami-dami ng lugar, sa Stallion Riding Club pa. “Aaminin ko, tingin ko noon sa lugar na ito halos puro sosyal ang mga tao at matapobre. Kadalasan din kasi ganoon ang ibang mga tao sa akin.”

“Tama ka. Kadalasan talaga mahilig ang mga tao na mag-classify sa bawat isa kung saan nabibilang o hindi. And I won’t deny that Stallion Riding Club is really a place for the elite and moneyed people. Pero hindi ibig sabihin hindi na tayo pwedeng magkasundo. In my father’s country in Al-Ishaq, I was treated like prince. Di ako makalapit sa mga simpleng tao. Di pwedeng makipagtawanan o makipag-kwentuhan. It is such a boring world. But there is nothing we can do. We are like royalties there. Kaya nga mas gusto naming dito na lang sa Pilipinas. Makakapunta kami kahit saan namin gusto. Pwedeng maging kaibigan ang kahit sino. Malaya kaming gawin ang kahit anong gusto namin.”

So he was like a real prince. Pero mas pinili pa rin nito na maging simple lang. She was looking at Emrei in a new light. Binubuwag nito ang depensa na ihinarang niya sa sarili niya. And she was starting to melt. Samantalang dati ay wala naman siyang hinayaan na makialam kung paano siya makitungo sa iba.

“Ikaw din ba ang nagsabi sa kanila tungkol sa bag na design ko?”

“No. Nakita nila iyon na dala ng Mama ko sa isang party. Basta ang sabi lang ni Mama, ako ang nagbigay. Hindi na kasi sila makahingi sa akin ng bag dahil nang makita ni Mama sa condo ko ang bag ko, ipina-ship agad sa Al Ishaq at ipinamigay sa mga prinsesa at iba pang royalties doon. Tinanong ako ni Jenna Rose kung pwede kitang ipakilala sa kanya. Kahit naman hindi ka nanalo sa raffle, plano ko talagang makilala ka niya. Mabuti naman nagkita na kayo,” paliwanag nito.

“Nang makita niya ang bag ko, niyakap niya agad ako. Sabi niya gusto niyang isali ang bag ko para sa fashion show niya. Parang ayoko nga noong una. Siyempre sikat siyang fashion designer, hindi ba?”

Hindi siya makapaniwala na nagustuhan ng mga kilalang tao ang bag niya. Samantalang parang ordinaryo lang naman iyon at simple. Pati nga ang iba ay nagkanya-kanyang order pa. At handa ang mga ito na magbayad nang hamak na mas malaki kaysa ordinaryong presyo. Nalula nga siya.

“Bakit ba mababa ang self esteem mo? Ikaw na ang nagsabi na nagkakagulo sila sa designs mo.”

“Hindi lang ako sanay sa ganoong klaseng atensiyon. Di ko naman pangarap sumikat. Yumaman, oo. Pero sumikat, hindi. Basta masaya na akong makatulong sa nanay ko at maidala siya sa isang professional para magamot.”

“Hindi ba magandang simula na ito? Makukuha mo na ang gusto mo.”

“Part ba ito ng promo?”

Umiling ito. “No. You are just talented. And now it is paying off.”

“Thank you, ha? Kung hindi dahil sa tulong mo, hindi ito mangyayari. Hanggang ngayon nga hindi ako makapaniwala dahil ang swerte-swerte ko,” aniyang hindi maitago ang excitement sa boses at ngumiti.

Itinaas ni Emrei ang dalawang kamay. “Finally! Nakita na kitang ngumiti at masaya. You should be like that more often. At dahil diyan, may good news pa ako.”

“May good news pa?”

“Starting tomorrow, you will set everything according to what you want. Kainin mo kung ano ang gusto mo para hindi ka na mailang. Gawin mo rin ang mga bagay na gusto mo. Tama na ang fairy tale-fairy tale theme na gusto ni Neiji. Hindi mo naman maa-appreciate. Basta bahala ka kung saan ka komportable.”

“Paano kung ang dream date ko, kumain lang ng fishball at kikiam habang umiinom ng sago at gulaman?”

Nagulat ito. “Ha? Doon ka lang masaya?”

“Oo. Kasi favorite ko iyon. Saka iyon lang naman ang kaya ng pera ko kaya iyon lang ang madalas kong kainin. Kaya mo ba?”

Alanganing ngumiti si Emrei. “Di pa ako nakakatikim noon.”

“Kalimutan mo na lang ang plano mo.” Mahirap naman na ipilit niya ang gusto niya. Ginagawan na nga lang siya nito ng pabor na I-date siya. Di naman niya ito pwedeng pakainin ng fishball at kikiam. “Bumalik na lang tayo sa plano mong date. Anong gagawin natin bukas?”

NAKANGANGA lang si Marist habang nakatitig sa kabayong si Dust. “Iyan ang sasakyan natin? Hindi iyong kabayong maliit tulad sa Manila Zoo?” tanong niya. It was a black Arabian horse. Parang kayang-kaya siyang talampakin.

“We don’t have a pony here. At lahat ng kabayo dito, puro first class.” Emrei touched Dust’s mane. “He is a pure bred Arabian. Ang mga ninuno ni Dust ay gamit din ng mga Sheiks na ninuno namin. His ancestors are like king of the desert. Galing pa mismo siya sa Al Ashiq.”

Napalunok siya. “Pwede bang huwag na lang sumakay?”

“Natatakot ka ba kay Dust? He is gentle.”

“Mahal siya, hindi ba? Baka mamaya may masamang mangyari sa kanya pagsakay ko. Naku! Wala akong pambayad.”

Hinaplos nito ang noo niya para hawiin ang ilang hibla ng buhok. “Hanggang ngayon ba ayaw mo pa rin sa mga bagay na may mataas na value ng pera? You will just ride a horse. Kung anu-ano pa ang iniisip mo.”

“Okay naman ako kahit di ako makasakay ng kabayo. Masaya na ako sa carousel na nasakyan ko noong bata ako.”

“Hindi pa ako nakakasakay ng carousel,” seryoso nitong sabi.

“Ha? Bakit naman?”

“Kasi di pa ako naglalakad, sa kabayo na ako isinakay. Sabi ni Papa, marami kaming totoong kabayo kaya bakit pa ako sasakay sa machine lang. Gusto ko mang sumakay ng carousel, hindi na pwedeng dahil matanda na ako.”

Ngumiti siya. “Mag-carousel na lang tayo.”

Sinimangutan siya nito. “Parang inuuto mo na ako. Sige na. Sumakay ka na. Libre iyan. Hindi kita sisingilin dahil walang mangyayaring masama kay Dust habang sakay ka. Gusto ko lang naman na ma-enjoy mong sumakay ng kabayo. Gusto kitang ipasyal sa mga lugar dito sa riding club na kabayo lang ang pwedeng makadaan. Ayokong ma-miss mo iyon.”

“Maganda ba ang pupuntahan natin?”

“Yes. Doon sa may waterfalls.” Inabot nito ang kamay. “Come.”

Tinanggap niya ang kamay nito at inalalayan siya nitong makasampa sa kabayo. Wala siyang planong I-appreciate ang kagandahan ng Stallion Riding Club. Hindi niya gustong ang mga bagay sa mundong iyon na di naman siya kabilang. But Emrei made her feel welcome.

Kinabig siya ito at isinandal sa dibdib nito. “Relax and enjoy.”

Bahagya siyang pumikit nang magsimulang tumakbo si Dust. Relax and enjoy? Paano ako magre-relax? Parang mahuhulog na nga ang puso ko. But she was content with her back against Emrei. Parang safe na safe siya.

“Iba pala ang riding club kapag nakasakay sa kabayo,” komento niya. “Parang mas maganda at mas mararamdaman mo ang lugar.”

“Marist, may tanong ako sa iyo. Pwede mong sagutin. Pwedeng hindi.”

“Ano iyon?” nakapikit niyang tanong. Pinapakiramdaman niya ang magaang hangin na dumadapo sa balat niya. Parang nakakaantok. Nakakahipnotismo.

“Bakit galit ka sa mga lalaki lalo na sa mga mayayaman?”

Dumilat siya at itinuon ang tingin sa dinadaanan nila. “Kasalanan ng tatay ko ang lahat. Mayaman ang pamilya nila at tindera lang si nanay. Sabi niya na mahal niya si nanay at magpapakasal sila. Pero nang mabuntis si Nanay, pinaaasa lang niya na pananagutan niya. Nagpakasal siya sa iba. Nagkasakit si Nanay. Post natal depression. Kung tutuusin, normal naman siya. Maliban na nga lang hanggang ngayon, iniisip niya na babalik pa si Tatay. Parang baliw siya. Paulit-ulit siyang naghihintay. Araw-araw. At masakit iyon para sa akin. Na naghihirap si Nanay dahil sa isang walang kwentang lalaki na pinaglaruan lang siya.”

“I am sorry,” usal nito. “So you don’t like people like your father or anything that he represents. Tulad ng mararangyang bagay. And even love.”

“Love is a luxury. Wala akong oras para doon. Ayokong magsayang ng emosyon. Nakita ko ang nanay ko kung paano siya masira.”

“She loved the wrong man.”

Umiling siya. “Parang ayokong maranasang magmahal.”

Hinawakan nito ang kamay niya na nakakapit sa renda. “Ayaw mo bang may mag-aalaga sa iyo? Magmamahal? Magpapasaya?”

Tiningala niya ito. “May lalaki bang ganoon?”

Tumingin ito sa mga mata niya na puno nang emosyon. “Ako.”

Ibinaba niya ang tingin. “Swerte naman ng magiging girlfriend mo.” Hindi siya ang maswerteng babaeng iyon.

“Naririnig mo ba ang lagaslas ng tubig? Malapit na tayo sa waterfalls.”

She never wished for her own happiness. She never wished for love. Pero nang mga oras na iyon, gusto niyang ito ang lalaki na magpapasaya, mag-aalaga at magmamahal sa kanya. Gusto na niyang maniwala sa fairy tale at sa dulo ng istorya ay magiging masaya din siya.

Ngumiti pa rin siya kahit na alam niyang matatapos din ang lahat. Wala sigurong masama kung hahayaan ko muna ang sarili kong mangarap ngayon. Iisipin ko na posibleng mahalin din niya ako. Na di niya ako sasaktan.

Hindi siya matutulad sa nanay niya. Kung maramdaman man niyang mahal niya si Emrei, hindi siya masasaktan. Dahil tanggap niyang di ito magiging kanya.

NAGTAKA siya nang lumabas sila ni Emre sa Stallion Riding Club sa huling araw niya doon. “Akala ko ba sa riding club lang tayo pwedeng pumunta?” tanong niya. “Saan ba tayo pupunta?”

“I have a surprise for you,” anito at di na muling nagsalita.

So far, she enjoyed their date during the third day. Nag-horseback riding sila at sa huli ay natuto na rin siyang sumakay mag-isa. Nangako si Emrei na kapag may oras na sila sa araw na iyon ay magho-horseback riding din sila. Nakilala din niya ang ibang member ng Stallion Riding Club. Yes, they were egotistic and most them blatantly declared that they were womanizers. Pero marunong ding makisama ang mga ito. Not all men were as bad as they seemed.

Maya maya pa ay pumasok sila sa isang lugar na ang pangalan ay Haven. Nasa lugar lang iyon ng Tagaytay City at ilang minuto mula sa Stallion Riding Club.

Sinalubong sila ng isang babae na sa maamo ang ngiti. “Good morning, Mr. Rafiq. Mabuti at napadalaw kayo ulit sa amin.”

“This is Miss Marist Davillo.”

“Hi, Marist! I am Dra. Peachy Cordero, your mother’s doctor.”

Nagulat siya. “Doctor po kayo ng nanay ko?”

“Oh, yes! This is Haven. It is a special treatment and rehabilitation clinic for people who experience emotional problems. Iyong mga may anxiety, depression at iba pa ay dito naming ginagamit sa special facility naming. We guarantee that your mother will be well soon. Hindi naman malala ang depression niya. May kaunti lang bahagi ng nakaraan niya na hindi siya maka-recover.”

“Kailan pa po nandito ang nanay ko?”

“Right after you left your house for Stallion Riding Club, idinala na namin siya dito para masimulan na ang paggamot sa kanya,” paliwanag ni Emrei.

Hindi siya makapaniwala. Maghahanap pa lang sana siya ng magandang facility sa nanay niya at magaling na doctor oras na makaipon siya ng pera. Pero heto at nasa espesyal na lugar na iyon ng nanay niya at tinitingnan ng propesyunal. At malapit na ang paggaling nito. Parang nananaginip lang siya.

“Pwede ko po bang makita ang nanay ko?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.