Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 60

“Nay!” tawag ni Marist kay Aling Ising. Nakaupo ito sa garden at pinagmamasdan ang mga bulaklak.

“O, Marist! Dinadalaw mo ba ako, anak?” malumanay na tanong nito. “Hindi ba dapat nagbabakasyon ka. Iyon ang sabi sa akin ni Connie.”

“O-Opo. Pero saglit lang po ang bakasyon ko.” Niyakap niya ito. “Nay, okay lang po ba kayo?” Nasa Haven din nang mga unang araw si Constancia para hindi manibago ang nanay niya. Kaalis lang nito nang umagang iyon dahil may date daw.

“Maayos ako dito. Inaalagaan ako nila Doktora. Nagku-kwentuhan lang kami. Mababait silang lahat sa akin. Sabi nila kailangan ko daw magpagaling. Kaya dito muna ako.” Hinaplos nito ang mukha niya. “Huwag mo akong masyadong intindihin.”

Pilit siyang ngumiti at tumango. Subalit nanginginig na ang labi niya dahil pinipigil lang niyang umiyak. “Natutuwa po ako dahil pumayag kayo na dito muna.”

Dati kasi ay laging iginigiit ng nanay niya na wala itong sakit. Ayaw din nitong uminom ng gamot. Iinom lang daw ito kapag dumating ang tatay niya.

Sa loob lang ng ilang araw, parang normal na ang nanay niya. Siya na ang iniintindi nito. Sa pag-uusap nila, halos di nito nabanggit ang tatay niya. Hindi tulad ng dati. Sa bawat pangungusap na sabihin nito, laging may tungkol sa tatay niya na parang doon na umikot ang buhay nito.

Tumayo ito at hinaplos ang mga bulaklak. “Masaya naman ako dito. Hindi ako nalulungkot. Marami akong kaibigan.”

“Nay, may maganda na po akong trabaho. Magiging mas maganda na ang buhay natin. Bibili din tayo ng mas magandang bahay sa mas magandang lugar. Magtatrabaho akong mabuti para sa inyo.”

Umiling ito. “Anak, huwag kang masyadong magpagod. Maging masaya ka lang sa buhay mo. Magbakasyon ka lang. Baka naman ikaw ang magkasakit. Paano pa kita maaalagaan kung may sakit pa ako. Walang magmamahal sa iyo.”

“Nay!” usal niya at niyakap ito nang mahigpit. “Marami po akong gustong ikwento sa inyo.” Gusto niyang ikwento ang tungkol kay Emrei. Ang mga bagay na bago sa kanya at noon pa lang niya nararanasan. Gusto niyang itanong dito kung handa na ba siyang magmahal nang walang hinihinging kapalit. Kung paano mabuhay nang masaya kahit na di kasama ang lalaking mahal niya.

Iyon na ang huling araw niya na makakasama si Emrei. Matatapos na rin ang pangangarap niya. Pero parang ayaw pa niya. Gusto pa niyang magtagal ang sayang nararamdaman niya. Sa loob ng ilang taon, ipinagkait niya sa sarili ang kaligayahan. Di niya hinayaan ang puso iya na magmahal.

Ngayong handa na siya, kailangan ding bawiin sa kanya ang lahat.

Hinaplos nito ang buhok niya. “Kung magmamahal ka, magmahal ka nang walang pag-aalinlangan. Kung kaya mong maging masaya, huwag mong pakawalan ang pagkakataon. Huwag mo nang isipin na malulungkot ka. Malulungkot ka rin naman kahit na mag-isa ka. Tingnan mo kami ni Alfredo.” Tumigil itong bigla sa pagsasalita at saka ngumiti sa kanya. “Sige na. Umalis ka na.”

“Nay…”

“Magku-kwentuhan ulit kami ni Doktora. Kailangan daw iyon para gumaling ako agad. Magkwentuhan na lang tayo kapag magaling na ako, ha?”

Umiiyak siyang yumakap kay Emrei pagkakita niya dito. “Thank you! Thank you sa ginawa ninyo sa amin ng nanay ko.”

“Part iyan ng premyo sa iyo ng Stallion Shampoo. Sasagutin nila ang pag-I-stay dito ng nanay mo hanggang gumaling siya.”

Umangat ang tingin niya dito. “Wala na akong gagastusin?”

Umiling ito. “Oo. Nagkausap ba kayong mabuti.”

“Masaya siya. Gusto niya ang lugar na ito. Saka malaki na ang ipinagbago niya. Hindi tulad dati na wala siyang bukambibig kundi si Tatay. Di na rin siya kumokontra na ginagamot siya. Siya ang dahilan kung bakit ako nagtatrabaho. Sa kay Nanay na umikot ang buhay ko. Kaya nga gusto kong makuha ang cash prize at masama ang loob ko dahil grand dream date lang ang nakuha ko.” Napahagulgol siya ng iyak. “Akala ko mababaw lang ang premyo ko. Na basta date lang.”

“Mababaw naman talaga ang gustong date nila Kuya Neiji. Para naman talaga ang dream date sa mga babae na nangangarap makapasok sa Stallion Riding Club, magbuhay-prinsesa sa loob ng ilang araw at samantalahin ang pagkakataon na makilala nila ang prinsipe nila. Pero iba ka sa kanila. Hindi ang bagay na iyon ang magpapasaya sa iyo. Gusto naming maging masaya ka sa date natin kaya ginawa rin namin ito. I want you to be happy for a lifetime.”

“Hindi lang ninyo alam kung gaano kalaking bagay ang ginawa ninyo para sa akin. Binago ninyo ang buhay naming mag-ina.” Buong buhay niya, pasan niya ang sama ng loob dahil sa sakit ng nanay niya. Naroon din ang hirap niya. Isinakripisyo niya ang maraming bagay kasama na ang pagkakataong magmahal. At sa isang iglap, naglaho ang batong nakadagan sa dibdib niya.

“You deserve all the happiness, Marist. You deserve it.”

Niyakap niya ito nang mahigpit. “Salamat!”

Hindi lang nanay niya ang nagbago sa mga panahong nasa riding club niya. Pati ang damdamin niyang puno ng hinanakit, naging mas magaan. Unti-unti na ring natutunaw ang yelo sa puso niya dahil sa tumitinding nararamdaman niya para kay Emrei. Kung pag-ibig man iyon, wala na siyang lakas na tumutol pa kahit na ano pa ang kahinatnan dahil masaya naman siya.

Hinaplos nito ang likod niya. “Huwag ka nang umiyak. Hindi ako sanay.”

“Hindi naman talaga ako umiiyak. Ayokong umiyak kasi ayokong magpakita sa harap ni Nanay na mahina ako. Kailangan kong maging malakas para sa kanya. Saka umiiyak lang naman ako dahil masaya ako.”

“Dapat pala lagi kang umiiyak para yayakap ka sa akin,” tukso nito.

Kumalas agad siya sa pagkakayakap dito at pinunasan ang luha. Masyado siyang nawili sa kayayakap dito. “S-Sorry. Nadala lang ako ng nararamdaman ko.”

Ihinarap siya nito. “I am glad that I made you happy. Pero huwag kang masyadong mag-relax. Mahaba pa ang araw natin.”

TININGNAN ni Marist ang sarili niya sa salamin. Marahil ay natunaw na iyon dahil kanina pa siya nakatitig. Tinitingnan niya kung perpekto na ang ganda niya. It would be her last night at the Stallion Riding Club. She wanted to look her best.

She was wearing a white ruffled dress. Halter din iyon kaya na-enhance ang maganda na niyang katawan. Inipon niya ang mahaba at itim niyang buhok sa kaliwa at itinali ang dulo. She looked like a Latina.

Kumunot ang noo ni Emrei nang makita siya. “Bakit? Ayaw mo?”

“Ayaw na kitang palabasin ng kuwarto. Baka kasi kahit ako ang ka-date mo, baka agawin ka ng iba sa akin. You are so beautiful tonight.”

Kumapit siya sa braso nito. “Thank you!” Natuwa siya dahil nagbunga naman ang pinaghirapan niya. Na-appreciate siya nito. “Don’t worry. Wala akong plano na makipag-date sa iba. Ikaw yata ang pinakaguwapo dito.”

Pinisil nito ang baba niya. “Mabuti naman at natuto ka nang maka-appreciate ng kaguwapuhan ko,” sabi nito. “Dapat laging ganyan.”

“Pasalamat ka dahil ikaw lang ang sinabihan kong guwapo.”

“And thanks for believing that you are beautiful. Hindi ka na sobrang defensive kapag binibigyan ka ng compliment na parang binobola ka lang.”

“You don’t lie, Emrei. Dapat kong tanggapin na maganda ako.”

Humalakhak ito. “Tanggalin na lang natin ang tali sa buhok mo.”

“Bakit?”

Ilang saglit siya nitong tinitigan na parang kinakabisa ang mukha niya. “Because you have a lovely hair. You should flaunt it, Marist.”

Lalo lang siyang na-excite. Ano kaya ang ihinandang sorpresa nito sa kanya?

Pagdating nila sa tabi ng lake ay madilim. Wala siyang makitang kahit ano. “Emrei, sigurado ka ba na dito tayo magde-date?”

“Oo naman. Magma-magic ako.”

Pumalakpak ito ng tatlong beses. Bumukas ang ilaw kasabay ng malakas na tugtog. “Surprise!” sigaw ng mga tao. Naroon ang members ng club at ang kanya-kanyang nobya at asawa ng mga ito. Pawang naging ka-close niya nang naroon siya.

Nagtaka siya. “O, a-anong mayroon?”

“This party is for you,” anang si Neiji. “Gusto ka kasing makasama ng mga naging kaibigan mo dito sa club.”

“Hindi naman ninyo kailangang gawin ito,” sabi niya.

“She’s right. Hindi ninyo ito kailangang gawin. This is our date,” giit ni Emrei. “Kung bakit kailangan pang sumali kayo. Di kami makapagsolo.”

“Huwag kang killjoy!” anang si Quincy. “I-share mo siya sa amin.” At idinala siya nito sa may buffet table. “Tingnan mo ang ihinanda namin para sa iyo.”

Nang buksan niya ang tray ay nagulat siya. “Ano ito?”

“Fishball, kikiam, meatballs, squid ball, crab meat at pati kwek-kwek,” pag-iisa-isa ni Miles. “Lahat ng paborito mong kainin.”

Inakbayan ito ni Gino. “Hon, huwag mong kalimutan na Chef Gino version iyan. Lahat low in calories.”

Tumikim siya ng vegetable burger patties. “Masarap!” Nag-thumbs up siya. “Gourmet na gourmet. Parang napaka-espesyal naman.”

“Espesyal ka sa pinsan ko kaya espesyal ka na rin sa amin,” sabi ni Reichen, ang kapatid ni Reid. “O, tikman mo rin ang kwek-kwek. Oatmeal ang coating niyan. At mas masarap iyan kapag ako ang nagsubo.”

Akmang susubuan siya ni Reichen nang harangan ito ni Emrei. “Huwag mong gayumahin si Marist. Ka-date ko iyan.”

“Bukas, tapos na ang promo. Pwede ko na siyang yayain.”

Ngumisi si Emrei. “Pasensiya na, insan. Ako ang pinakaguwapo sa paningin niya. At mukhang walang expiration ang kaguwapuhan ko.”

“May itinatago ka palang kayabangan,” aniya kay Emrei.

“Namana ko lang iyan kay Reichen. Siya lang naman talaga ang ubod nang yabang sa lahi namin.”

“Ang Kuya Reid mo. Di ba, mayabang din siya.”

“Sinabi mo bang mayabang ako?” anang si Reid na nasa likuran lang niya.

Napahawak na lang siya sa dibdib niya sa sobrang gulat. Mabilis siyang itinago ni Emrei sa likuran nito. “Wala siyang sinasabi na mayabang siya. Sabi niya, ibang-iba ka sa kapatid mong mayabang. Si Reichen lang ang mayabang.”

Tumango-tango ito. “Mabuti nang nagkakalinawagan tayo.”

Naisandal niya ang noo sa likuran ni Emrei. “Parnag hihimatayin ako.”

“Huwag kang hihimatayin. Pareho lang tayo. Nanginginig ang tuhod ko. Huwag ka nang magsasabi ng kahit ano tungkol kay Kuya Reid. Si Haring Reid iyon. Masyadong mabilis sumagap ang radar niya kasi teritoryo niya ito.” Ikinuha siya nito ng upuan. “Mabuti pa, ikukuha na lang kita ng pagkain.”

“Saka isang drum na sago at gulaman.” Isa iyon sa beverage na isine-serve sa kanila kasama ang buko juice at buko pandan.

“Huwag ka nang gumalaw. Ako ang magsusubo sa iyo,” anang si Emrei.

“Para naman akong bata.”

“Huwag ka nang umangal.” Inumang nito ang crab meat sa bibig niya. “Teka, hihipan ko kasi medyo mainit.”

“Kung kailan ako lumaki, saka ako nagkayaya,” komento niya.

“Basta ba ikaw ang aalagaan ko,” nakangiti nitong sabi.

“Teka. Dapat subukan mo din ang fish ball.” Tumusok siya ng isa at inilapit sa bibig nito. “Hindi ka tao kapag di ka nakakain nito.”

Di naman siya nito tinanggihan. “Hmmm… masarap nga. Subuan mo pa ako. Gusto ko naman ng squid ball.”

Biglang nag-flash ang camera. “Ang sweet naman ninyo!” anang si Quincy na siyang kumukuha ng pictures.

“Wala bang kiss diyan?” kantiyaw ni Eiji. At nakikantiyaw ang iba.

“Sorry. Hindi kasama sa prize ko ang kiss,” sabi niya. Hindi naman siguro siya hahalikan ni Emrei sa harap ng maraming tao. Kung hahalikan man siya nito.

“Actually, kasama iyon sa prize,” kontra ni Emrei. “Pero kami na ang bahala doon. Ayaw namin may mga istorbo. Ano kayo, sinuswerte?”

Namumula siyang hinampas sa braso si Emrei. “Nakakahiya!”

Humalakhak ito at nakitawa ang iba. Pinigil niyang ngumiti. Kung totohanin man nito ang banta na halikan siya, hinding-hindi siya kokontra.

“SABI ni Chef Gino, pang-diet daw ang luto niya. Pero sa dami ng nakain ko, ewan ko na lang kung di pa ako tumaba,” sabi ni Marist habang naglalakad sila ni Emrei sa gilid ng Taal Lake. Pinili nilang lumayo sa party at iniwan ang mga kasamahan na kasalukuyang nagkakagulo sa pagsasayawan.

“I don’t really mind if you gain a weight a little. Masyado kang naging busy sa trabaho at di mo inaalagaan ang sarili mo kaya payat ka,” komento nito.

“Last day ko na ito kaya nag-enjoy ako nang todo.” Inunat niya ang dalawang kamay. “Nag-enjoy ako sa pagkain. Nag-enjoy ako sa music. Nag-enjoy ako kasama ang mga kaibigan ko. Di ko ine-expect na mag-e-enjoy ako sa party.”

“I am glad that you enjoyed it. Sabi ko naman sa iyo, hindi ba? Lahat ng gusto mo masusunod. And the people here love you.”

“I love them, too. Last day ko na siguro ito sa Stallion Riding Club pero hindi ako nagsisisi. This is really a great experience.”

Marahil ay di na siya makakabalik pa doon. Pero may mga kaibigan siya na nangakong dadalaw at tatawag. May mga bago siyang na-experience. At higit sa lahat, natuto siyang pasayahin at pagbigyan ang sarili niya.

“Napasaya ba kita?”

Tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. “Oo naman. Hindi naman magiging masaya ang pag-I-stay ko dito kung hindi dahil sa iyo.” Ginagap niya ang kamay nito. “Thanks. I won’t forget about you either. Kung alam mo lang, ikaw ang nagturo sa akin ng mahahalagang bagay sa buhay ko.”

Hinaplos nito ang pisngi niya. “Pwedeng may I-request ako para sa last day nating dalawa?” tanong nito.

Kumabog ang dibdib niya. Heto na! Heto na! He’ll ask for a kiss.

“Ano iyon?”

“Gusto kong makipag-date ulit sa iyo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.