“Out na ako!” anunsiyo ni Miles nang matapos ang duty niya nang araw na iyon. “I will see you tomorrow!” May klase siya sa culinary art school at maya maya lang ay dadating na ang coaster na maghahatid sa kanya sa Tagaytay. Three times a week ang klase niya. Wala siyang problema dahil binibigyan siya ng konsiderasyon dahil nga nag-aaral pa siya. Ilang buwan na lang at sasalang na siya.
“Dalhan mo kami ng luto mo, ha?” anang si Jhunnica. Naglilihi ito at nahihilig sa kung anu-anong pagkain. Napag-iinitan pa nito ang kakaibang desserts.
Lumabas ng private office nito si Gino. “Miles, sandali!”
“Bakit, Sir?” tanong niya. Mula nang mag-usap sila, pinapansin na ulit siya nito. Kaya naman lagi silang inuulan ng tuksuhin kapag nag-uusap sila ni Gino.
“Lumapit ka dito,” nakangiting utos nito.
“Bakit hindi na lang ninyo sabihin?” Wala customer noon dahil katatapos lang ng lunch. Kaya pwede silang mag-usap nang sila-sila lang ang nakakarinig.
Humalukipkip ito. An unnerving stance telling her that he was the boss. “Basta! Gusto ko lumapit ka.”
Kumunot ang noo niya. “Sir, aalis na ako, eh!” Kadalasan naman kasi ay wala naman itong importanteng sasabihin. Gusto lang siyang inisin. “Bukas na lang.”
“Naku! Insubordination iyan!” kantiyaw ng mga kasamahan niya.
“Bibigyan kita ng memo kapag hindi ka lumapit sa kanya,” banta pa ni Jhunnica na naging hobby na ang kantiyawan sila ni Gino.
Direkta niya itong tiningnan sa mata paglapit. “Bakit, Sir?”
Ginagap nito ang kamay niya. “Will you take care for me?”
“Ha?” usal niya. Parang di pa nga pumasok sa utak niya ang sinabi nito.
“I said would you take care for me.”
Napipilan siya at di makasagot dito. Ano naman ang sasabihin ko?
“Uy! Ang sweet naman! Baka langgamin!” tukso ni Quincy. Maging ang iba pang tao sa paligid nila ay kinikilig.
Mabilis niyang binawi ang kamay. “Ang corny mo! Yuck!”
Ayaw niyang aminin dito na natutuwa siya sa gesture nito. Kasi lalaki na naman ang ulo nito at kakantiyawan siyang in love dito. Mapipikon lang siya. At sa huli, baka mapaamin nga siya nitong in love siya dito kahit hindi pa masyado.
Tumalim ang mata nito at hinila ang kamay niya. Bahagyang lumapit ang katawan niya dito at inilapit pa ang mukha sa kanya. “Anong corny, huh? Corny ba na mag-alala ako para sa iyo.”
Pilit naman niyang inilalayo ang ulo dito. “Kahit naman hindi mo sabihin sa akin, aalagaan ko talaga ang sarili ko.”
Inilapit pa rin nito ang mukha sa kanya. “Sagutin mo muna nang maayos ang sinabi ko kanina. Will you take care for me?”
Nanuyo ang lalamunan niya. Ang lapit-lapit na ng mukha nito. Parang isang hibla na lang ay magdidikit na ang labi nila. “Yeah, I will. Always.”
“Good,” sabi nito. Pero di pa rin inilalayo ang mukha sa kanya at nakatitig pa rin. Kahit ang kamay niya ay di pa nito binibitiwan. Parang matutunaw na siya!
Anong gagawin ko? He can’t be serious! Di niya ako hahalikan sa harap ng maraming tao. At hindi rin ako magpapahalik sa kanya nang ganito!
“S-Sir, male-late na ako. At baka iwan pa ako ng service.”
Saka lang siya nito binitiwan at lumayo nang bahagya. Malapad ang ngiti nito. “Sige. Magkita na lang tayo bukas.”
Nakahinga siya nang maluwag pero nanlalambot ang tuhod niya. At dahil nanunukso rin ang ngiti ng mga kasamahan niya ay di siya makatingin nang diretso.
“Sayang! Konti na lang iyon!”sabi ni Quincy nang sundan siya sa locker room.
“Anong sayang? Baka bumula ang bibig ko kapag hinalikan niya ako.”
Hinampas nito ang balikat niya. “Kunyari ka pa. If I know, nabitin ka.”
“Heh! Hindi kita pasasalubungan ng cherry flan!” banta niya.
“Walang ganyanan! Pumasok ka na nga!” pagtataboy nito.
Habang naghihintay sa service ay di niya maiwasang mangiti. Doon na lang niya hinayaan ang sarili na kiligin. Kapag nag-iisa na lang siya.
Pasakay na siya ng service nang tawagin ulit siya ni Gino. “Miles, sandali!”
Nang lumingon siya ay nasa kalahati na ito ng patio papunta sa kalsada. “Bakit, Sir?” tanong niya. Mukhang importante dahil hinabol pa siya nito.
“Pabaon ko para ma-inspire ka!” At nag-flying kiss ito.
Tumawa siya at iiling-iling pagsakay ng service. Hanggang pag-alis nito ay di nito tinigilan ang pagpapa-cute sa kanya. Pag-upo niya ay nilingon pa niya ang restaurant. Nakatayo pa rin ito sa patio at kumaway nang makita siyang lumingon.
Sumandal siya at pumikit. “Kung alam ko lang na seryoso ka at di mo ako pinaglalaruan, tuluyan na siguro akong mai-in love sa iyo, Gino.”
DI napansin ni Miles ang paglipas ng oras. Masyadong mabusisi ang cake na iniluto niya kaya naman inabot siya ng alas diyes ng gabi sa pagde-decorate. Mabilis siyang pumunta sa may 7-Eleven sa Tagaytay Rotonda para habulin ang service.
“Naku! Naiwan na yata ako ng service. Pasado alas diyes na.”
Alas diyes ng gabi ang huling biyahe ng service pabalik ng riding club. Ihinahatid nito ang mga empleyado na nakatira sa labas ng riding club. Ang pwede lang niyang sakyan ay tricycle pabalik sa riding club. Mahal nga lang ang singil.
“Ano ba iyan? Wala rin yatang tricycle na bumibiyahe.” Ipinadyak niya ang paa. “Manhid na ang paa ko sa sobrang lamig!”
Pumasok muna siya ng 7-Eleven para bumili ng kape. Kung di niya iyon gagawin, malamang ay magyeyelo na ang dugo niya. Nakaupo siya sa stool at hinihipan ang kape niya nang mag-ring ang cellphone niya. Number ni Gino ang naka-register. “Hello, Sir! Bakit po kayo napatawag?’
“Nasaan ka na?”
“Nandito sa 7-Eleven. Naghihintay ng…”
“Naghihintay ka sa wala. Kanina pa dumating ang service at wala ka. Wala ka daw nang alas diyes sa 7-Eleven sabi ni Mang Pilo.”
“Kasi ano…”
“Diyan ka lang. Huwag kang aalis, ha? Hintayin mo ako.”
Napatitig na lang siya sa cellphone niya nang maputol ang tawag. “Anong problema ng lalaking iyon? Di pa ako nakakapagsalita, kung anu-ano na ang sinasabi.” Ibinuhos na lang niya sa pag-inom ng kape ang pagtataka.
Maya maya pa ay nag-park ang kotse ni Gino sa harap niya. Bumaba ito at hangos na pumasok sa 7-Eleven. Kinawayan niya ito. “Sir Gino! Kape tayo!”
“Nakukuha mo pa akong yayain na magkape samantalang nag-aalala na ako sa iyo. Bakit ka ba naiwan ng service? Di ba dapat alas nuwebe pa lang tapos na ang klase mo? Alas diyes na, wala ka pa dito. Saan ka nagpunta? Sino ang kasama mo?”
“Nasa klase ko. Matagal maluto ang cake na nai-bake ko. Masyadong maraming arte sa preparation at sa decoration. Hindi ko naman pwedeng madaliin iyon dahil papalpak ang luto ko. Baka ipaulit pa iyon sa akin.”
Bahagya itong kumalma. “Iyon lang? Hindi ka nakipag-date?”
“Kung nakipag-date ako, di ako papayag na di niya ihatid sa riding club. Ang kapal naman ng mukha niya kung iiwan na lang niya ako dito, no?”
“Pero walang nag-aalok sa iyo ng date?”
“Wala.” Hinawakan niya nang mahigpit ang Styrofoam cup at tinitigan ang kape. “Ikaw lang naman ang huling nagyaya ng date sa akin. Saka kahit may magyaya pa, hindi ako makikipag-date. Sayang lang ang oras ko.”
“Bakit naman masasayang ang oras mo sa pakikipag-date?”
“Gusto kong mag-concentrate sa bagong menu para sa dessert line natin. Marami akong ideas na kailangang I-consult kay Chef Rhea.” Si Rhea ang pastry chef nila sa Rider’s Verandah. “Ang dami-dami kong kailangang pag-aralan. Sa palagay mo, paano ko pa isisingit ang date sa buhay ko?”
Itinapik nito ang daliri sa counter. “Time management lang iyan. Kung marunong kang mag-manage ng oras, kaya mo lahat iyon.”
Nakataas ang kilay niya itong tiningnan. “Based on experience ba iyan? Na kaya mong pagsabayin ang trabaho at pakikipag-date?”
“Bakit? Mali ba iyon?”
“Sa iyo, madali lang. Di ka naman kasi kailangang maging emotionally attached sa ka-date mo.” Nangalumbaba siya. “Hindi ako ganoon. Hindi ako ang tipo ng babae na makikipag-date lang para masabing may ka-date. Ikino-consider ko ang ka-date ko bilang future boyfriend ko. I call that serious dating.”
“Teka, parang pinalalabas mo naman na hindi ako seryoso kapag nakikipag-date ako. Akala mo nakikipaglaro ako.”
“Hindi nga ba? Sa dinami-dami ng babaeng dumaan sa buhay mo at naging girlfriend mo, iyon ang nakikita ko. Wala ka naman yatang sineseryoso sa kanila.”
“Sa pagde-date, siyempre titingnan mo muna kung compatible kayo ng ka-date mo. Hindi naman pwede na gusto mo agad mag-commit o may maramdaman sa isang tao kahit di pa ninyo kilala ang isa’t isa. Nagkataon lang na hindi ko kasundo ang mga nakaka-date ko. May nakikita akong ugali nila na hindi ko gusto. Mas mabuti nang tigilan namin kung walang patutunguhan, hindi ba?”
“Yes. Then you’ll jump to another girl,” she chided.
“Sandali lang. Bakit parang galit ka sa akin dahil lang marami akong babaeng naka-date dati? Naghahanap lang din naman ako ng tao na makakapagpasaya sa akin at makakasundo ko. Masama ba iyon?”
Napatitig lang siya sa mukha nito. Madalang kasi silang mag-usap nang seryoso ni Gino. Minsan, pakiramdam kasi niya ay kilala na niya si Gino ayon sa nakikita niya at sarili niyang interpretasyon. Pero may ibang Gino pa siyang nakikita kapag nag-uusap sila ng seryoso. And it was ruining her expectations.
Tama. Siguro nga tao lang siya. Iniisip ko kasi na pinaglalaruan lang niya ang mga babae sa pagpapalit-palit niya ng ka-date. Pero gusto lang din naman niyang masaya at humanap ng taong magmamahal sa kanya. Katulad ko.
Binawi niya ang tingin dito at ipinilig ang ulo. Naku! Nakikisimpatya na ako sa kanya. Okay na sana dati. Tanggap ko nang playboy siya. Pero habang iniintindi ko ang Gino na di ko basta-basta nakikita, gumaganda lang lalo ang image niya sa akin. Hindi ito pwede! Nasisira ang harang na inilagay ko sa pagitan namin. Nawawalan ako ng rason para hindi ma-in love sa kanya.
Bumaba siya ng stool at binitbit ang kape. “Sa kapapalipat-lipat mo, paano ka makakatagpo ng babae na talagang gusto mo.”
“Matagal na akong tumigil sa klase ng dating na sinasabi mo,” anito paglabas nila ng convenience store. “Isang babae lang ang niyaya kong maka-date. Ikaw. And I never asked anybody else out since then.”
Sumandal siya sa kotse nito. “And I refused.”
“And I am going to ask you out again until you say yes.”
“Bakit?” tanong niya at sumimsim ang kape.
“Kasi tingin ko magkakasundo tayong dalawa. I think we are destined for each other. You are the one for me.” Nasamid siya sa sinabi nito at napaubo. Bahagya pa iyong mainit kaya napasigaw siya nang mapaso. “Miles, anong nangyari sa iyo? Okay ka lang?” Hinaplos nito ang likod niya.
“Huwag ka ngang basta-basta magbibiro. Paano kung mamatay ako dahil sa joke mo, ha?” I am the one for him daw! Maniwala naman ako.
Tumigil sa paghaplos ang palad nito sa likuran niya. “Hanggang ngayon ba hindi ka pa rin naniniwala na seryoso ako? Na gusto talaga kita?”
Tumayo siya nang tuwid. “Uwi na tayo, Sir. Maaga pa pasok ko bukas.”
He looked disappointed. And so was she. Kapag ako naman ang nagseryoso sa sinabi mo, anong mangyayari sa atin? Nakita niya kung paanong napahiya si Gino minsan dahil sa kanya. Nakita niya kung gaano kalupit ang sirkulong ginagalawan nito. Mali ka, Gino. Hindi tayo bagay. Hindi ako ang babae para sa iyo.
“MILES, gising!” sabi ni Quincy at niyugyog siya.
“Huwag kang istorbo. Gusto ko pang matulog,” ungol niya at lalong isinubsob ang mukha sa unan. Holiday nang nakaraang araw at wala siyang pasok sa culinary school. Pero dagsa naman ang mga tao sa Rider’s Verandah Café. Halos lahat yata ng members ay sa Stallion Riding Club nagpalipas ng araw.
“Nandiyan si Sir Gino. Gusto ka daw makausap.”
“Isa pa siyang istorbo. Sabihin mo mamaya na lang siya makulit.”
Sobra nang pagpapa-cute iyon. Pati ba sa oras ng tulog niya ay bubulabugin siya nito para lang magpa-cute. Sa panaginip na lang niya ito magpa-cute dahil gusto pa niyang matulog. Sa hapon pa naman ang duty niya.
“Quincy, sabihin mo sa kanya na ako mismo ang gigising sa kanya kapag hindi pa siya bumangon ngayon.”
Bumalikwas siya ng bangon at nakita si Gino na nakasandal sa hamba ng pinto ng kuwarto niya. Kinusot niya ang mata at maang napatitig dito. Hindi siya nananaginip. Si Gino nga ang naroon. Napatili siya at mabilis na hinablot ang kumot saka itinakip sa katawan niya. “Anong ginagawa mo dito?”
“Sinusundo kita.”
“Anong sinusundo? Lumabas ka ng kuwarto ko! Sa labas tayo mag-usap.”
“Wala ba akong good morning kiss?” nakangising tanong nito.
“Good morning sapak, gusto mo?” Kahit pa sabihing boss niya ito at pati ang staff’s house na iyon ay pag-aari nito, wala itong karapatan na basta-basta na lang pumasok ng kuwarto niya nang wala siyang permiso.
Humalakhak si Gino at lumabas ng kuwarto. “Dito lang ako sa labas.”
Hinampas niya ang braso ni Quincy. “Ano ka ba? Bakit hindi mo sinabi sa akin na nandiyan lang pala si Sir Gino? Tingnan mo nga ang itsura ko! Ni hindi pa ako nagsusuklay o nagtu-toothbrush! Nakakahiya tuloy.”
“Mag-ayos ka na. Kundi papasukin ka na naman noon.”
Nagkukumahog siyang nag-toothbrush at naghilamos. Magsusuklay sana siya nang katukin ulit siya ni Gino. “Lumabas ka na!”
Inis niyang ibinaba ang suklay at lumabas ng kuwarto. “Bakit ba?”
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Maluwag na t-shirt at pajama lang ang suot niya. “Pwede na iyan. Halika na!”
“Ha? Saan tayo pupunta? Tingnan mo nga itsura ko. Di pa ako nagsusuklay.”
Isinuklay nito ang daliri sa buhok niya. “Maganda naman ang buhok mo. Saka pwede na iyan. Basta maipakilala lang kita sa Mommy at Lola ko.”
“Ano? Nababaliw ka na ba?”