Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 61

“Date?” usal niya na parang di makapaniwala sa narinig. “Niyayaya mo ulit ako na mag-date? Sigurado ka?”

“Oo,” sagot ni Emrei. “Hindi ba sinabi ko na nga sa iyo.”

Di niya alam kung ano ang sasabihin. Kanina lang ay handa na siyang isuko ang lahat ng ilusyon niya dito. Huling gabi na nilang magkasama kaya pwede na siyang gumising sa pangangarap niya.

Pero mukhang may katuloy ang panaginip niya. Mukha nang totoo ito ngayon.

“Bakit?” tanong niya.

“Anong bakit? Basta gusto kong mag-date tayo. Itinatanong pa ba iyon?”

“Tapos na ang grand dream date. Pwede namang ibang babae na ang I-date mo para hindi ka na napipilitan.”

Hinaplos nito ang dulo ng ilong niya. “Silly. Sino ba ang may sabing gusto kong makipag-date sa iba? Ikaw talaga ang gusto kong maka-date.”

She looked at him skeptically. “Ows? Paano naman nangyari iyon?” Wala nga siyang ginawa sa simula pa lang kundi tarayan ito. “Bakit naman ide-date mo ang katulad ko na walang class? Lagi pa kitang inaaway. Kita mo nga kanina, nakakain ka ng fishball at kwek-kwek. Di kaya mag-rebolusyon ang kaharian ninyo?”

“Kahit pakainin mo pa ako ng buhay na manok sa date natin, okay lang.”

“HPero Emrei, alam mo naman na hindi talaga ako nakikipag-date. Kung hindi nga lang ako pinilit dito sa raffle, nunca na makipag-date ako.”

“Akala ko ba nagbago ka na habang nandito ka?”

“Yes. I changed about a lot of things. But dating is not included yet.”

“I just find you interesting. Bitin ang apat na araw na kasama kita para makilala nating mabuti ang isa’t isa. I don’t want it to end here, Marist.”

“Ewan ko…” Pero sa loob-loob niya ay gusto niyang batukan ang sarili. Anong ewan ko? Kanina lang emote-emote ka na ayaw mong matapos ang kaligayahan mo. Tapos ngayon ayaw mong um-oo, sermon niya sa sarili.

Ginagap nito ang dalawang kamay niya. “Just give it a try. Subukan natin nang wala dito sa Stallion Riding Club at walang impluwensiya ng unang date natin. Let’s treat it as a real date this time. Kung ayaw mo, di kita pipilitin.”

Subalit lumungkot ang anyo nito sa huling sinabi.

She nudged his chin. “Hoy! Huwag kang magdrama diyan.”

“Hindi ako nagdadrama. Hinihintay ko na magbago ang isip mo. Please agree to go out with me,” anito sa tonong nakikiusap.

“Hindi naman nagbabago ang isip ko.”

Bumuntong-hininga ito. “Ayaw mo ngang makipag-date sa akin.”

Hinuli niya ang mata nito at ngumiti. “Gusto kong makipag-date sa iyo.”

“Ha? Gusto mo?” gulat nitong usal. “Ang sabi mo…”

Nag-peace sign siya. “Kunyari ayaw ko. Nagdadrama lang ako. Naniwala ka naman sa akin na ayaw kitang maka-date.”

Kinabig siya nito ng yakap. “Tinakot mo ako. Akala ko mababasted ako.”

“Sa guwapo mong iyan, walang babaeng tatanggi sa iyo.”

Inilapit nito ang mukha sa kanya. “Sa ating dalawa, ikaw yata ang mas magaling na mambola.”

“Hindi iyon bola. I am just telling the truth.”

“EMREI, hindi mo naman ako kailangang samahan sa factory ni Ninong Fidel,” sabi ni Marist. “Medyo mainit doon. Pwede namang mamaya na lang tayo magkita pagkagaling ko sa Laguna.”

May usapan silang magde-date nang araw na iyon. Ang akala niya pupuntahan siya nito nang bandang gabi. Nagulat siya nang alas singko pa lang nang umaga ay sinundo na siya nito.

“Sabi ni Connie mamimili ka pa daw ng paninda mong bag matapos kang magpasa ng designs mo. Baka kailangan mo ng tagabitbit.”

Naka-long sleeve polo at trousers pa rin ito. It was less formal than business suit but he carried it same elegance nonetheless. Kahit yata pagsuutin ito ng basahan ay parang prinsipe pa rin ang dating nito. He still had that same air around him. “Hindi bagay sa iyo ang maging tagabitbit. Saka kaya ko na iyon.”

“From now on, hindi na ako papayag magbitbit ka nang mabigat.”

Isinandal niya ang ulo sa headrest at itinuon ang mata sa daan. Nagsisimula nang kumalat ang liwanag habang nasa C-5 sila. “Bakit? Dahil galing na ako sa Stallion Riding Club at makakasama na ang designs ng bag ko sa fashion show ng sikat na designer? Wala namang naiba sa akin. Well, aside sa positive side na hindi ko na ikinakahon ang mga katulad mong mayayaman. Pero di ko pa rin iaalis sa akin na magtinda ng bag. Marami pa ring naghahanap ng bag sa kakilala ko. At gusto ko na ako mismo ang namimili dito sa pabrika. Gusto ko pa rin sumakay ng bus.”

“Gusto mo pa ring makipagpatintero sa sasakyan,” dagdag nito. “Hindi ko naman inaalis na gawin mo ang dati mong ginagawa. Siguro nga mas gusto mo pa rin na magpautang ng paninda mo kaysa makita ang mga gawa ko sa mall.”

Tumawa siya. Iyon kasi ang sabi ni Jenna Rose. Oras na lumabas na ang gawa niya sa fashion show nito ay mailalagay na sa boutique nito ang gawa niya. Inaayos na ang kontrata ng ninong niya bilang manufacturer at ni Jenna bilang boutique owner ang concessionaire contract. Iniisip na nga rin ng ninong niya na magkaroon ng mga bag sa mas mababang presyo tulad ng dati niyang benta. Gusto kasi niya na mabili pa rin ng simpleng tao ang mga gawa niya. Subalit may mga design na eksklusibo lang para sa boutique ni Jenna Rose at iyon ang mahal.

“Basta. Kahit na magka-fashion show pa o mapunta sa mall ang gawa ko, gusto ko pa ring mamili dito at maningil ng pautang.”

“Nag-aalala lang ako kung gagawin mo ulit iyon. Paano kung may kaskaserong driver na makahagip sa iyo.”

“Ikaw lang naman ang kaskaserong driver na makakahagip sa akin, Emrei. Kung sinu-sino kasing babae ang humahalik sa iyo habang nagmamaneho ka,” aniya at inirapan ito. Nainis siya nang maisip si Mimi.

“Uy, inirapan niya ako. Nagseselos ka, no?” tukso nito.

Nagulat siya. “Umirap ba ako?”

“Oo. Don’t worry. Hindi na kung sinu-sinong babae lang ang hahalik sa akin habang nagmamaneho ako. Ikaw na lang.”

Tinitigan niya ito. Natuwa siya sa ideya na iyon. Na parang eksklusibong siya lang ang pwedeng humalik dito. “Ayoko ngang halikan ka. Baka mamaya bumangga pa tayo. Mahal ko pa ang buhay ko.”

Nagtaka siya nang bigla nitong itigil ang sasakyan sa tabi ng daan. “’Yan. Hindi na ako nagmamaneho. You can kiss me now,” anito at pumikit.

She was amazed as she stared at him. Hindi siya ang klase ng babae na hahalik sa lalaki. Pero parang nakaka-tempt. Emrei has nice lips. As if it could promise heaven out of a kiss.

Huminga siya nang malalim. Kahit anong promise pa iyon, wala naman siyang alam sa paghalik. Saka kailangan niyang mag-concentrate sa araw na iyon dahil importante ang pag-uusapan nila ng Ninong Fidel niya. Baka mawala siya sa sarili.

Tinapik niya ang pisngi nito. “Mamaya ka na mag-joke. Marami pa akong gagawin. Saka nakakahiya kapag may nakakita atin.”

“I don’t really mind if you are the one who will kiss me. Hindi man ako mahilig sa public display of affection, gusto pa rin na may time na ipagmalaki sa lahat ang babaeng gusto ko. Keep that in mind.” At nagmaneho ulit ito.

Pasulyap-sulyap siya dito habang nagmamaneho. He liked her. Parang gusto niyang tampalin ang sarili para tiyaking di lang siya nananaginip. She didn’t know that it feels so good to feel wanted. Dati kasi ay wala siyang pakialam kahit na may lalaki pang dumating sa buhay niya. But with Emrei, everything mattered.

TAPOS na ang meeting nila ng Ninong Fidel niya. Pinag-uusapan nila ang tungkol sa production ng bago niyang design para maisama sa fashion show ni Jenna Rose na gaganapin mismo sa Stallion Riding Club. Puro mayayaman at may sinasabi ang imbitado. Gawa kasi sa local materials ang theme ng fashion show kaya naman sinusubukan pa niyang mag-research ng local materials na isasama sa bag niya.

Nagtaka siya nang di makita si Emrei. “Nasaan na iyong kasama ko?”

“Nasa weaving department kasama si Nilo, Marist,” turo sa kanya ng isa sa mga trabahador na pinagtanungan niya.

“Salamat,” aniya at naglakad papunta sa weaving department. Iniwan niya si Emrei kay Nilo para di ito mainip. Sabi niya ay mag-field trip muna ito. “Hindi kaya na-bore ang lalaking iyon?”

Pagpasok sa weaving department ay si Nilo ang sumalubong sa kanya. “Marist, ayun ang kasama mo,” anito at itinuro si Emre.

Nasa gilid ito at naglalala ng bag. “O, bakit nakigulo ka dito?”

“Huwag kang magulo. Hindi ako makapag-concentrate dito.”

Hindi ordinaryong paglala ang ginagawa nito dahil iniikid pa nito ang hibla ng abaka kaya parang nagkaroon ng butas-butas. “That is nice. Pwede ko ba iyang I-incorporate sa design ko?” excited niyang tanong.

“Nakikigulo daw ako pero nagustuhan naman ang gawa ko.”

“Nagtampo ka naman agad. Ililibre na lang kita ng lunch pagkatapos kong mamili ng bag na ibebenta ko.”

“Anong kakainin natin?” excited nitong tanong.

“Nakatikim ka na ba ng buko pie?”

“THESE are good! Parang hindi basta-basta buko pie. Iba ang timpla,” komento ni Emrei. Nasa Lake Caliraya sila dahil di iyon kalayuan sa pabrika ng ninong niya. Nai-suggest ni Nilo na doon sila pumunta dahil doon nito idinala si Constancia nang mag-date ang mga ito. Di niya alam na sinagot na ito ng kaibigan niya sa parehong oras rin nang sabihin ni Nilo na mahal nito si Constancia. Mukhang inlove ang kaibigan niya at sumuko na ito sa pag-aasawa ng mula sa Stallion Boys.

“Ikaw naman, mukhang inubos mo na ang lahat ng pwede mong mabili mula sa kanila. Lahat ng klaseng pie at tart pinili mo,” sabi niya. “Kaya ba nating ubusin ang lahat ng iyan? Isang kahon nga lang, di na kasya sa atin.”

“Natutuwa lang ako dahil mura sila. Aaminin ko, lumaki ako na ang lahat ng bagay na mahal, iyon lang ang may value. Iyon lang ang maganda.”

“O masarap,” dagdag niya at kumagat ng buko pie.

“But you proved me wrong about a lot of things.”

“Emrei, I grew up without anything at all. Wala akong tatay. Hindi ako maalagaang mabuti ni Nanay dahil may sakit siya. Bata pa lang ako, tinuruan ko na ang sarili ko na huwag umasa sa iba. Sinanay ko na ang sarili ko na huwag mangarap sa mga bagay na wala sa mundo ko. Na dapat maging masaya na lang ako kung ano ang mayroon ako at kaya kong ibigay sa sarili ko.”

“That’s why you are happy accepting the simple things. At kapag may magagandang bagay na tingin mo naia-associate mo sa mayayaman, tinatanggihan mo kahit na ibinibigay na sa iyo.”

“Masaya na ako sa kasimplehan na iyon. Ayoko ng mga bagay na sobra.”

“But you know what? I am glad to hear that you won’t change a thing about your self. Mukhang kahit ano pa ang marating mo, hindi mo isusuko ang nakasanayan mo na. Samantalang ang ibang tao, gustong-gusto nilang ma-recognize na mataas sila kaysa sa iba. You know, a showcase of status symbol.”

“You are like a real life prince, Emrei. Hindi ka ba naiilang na katulad ko lang na simple ang ide-date mo? Marami pa rin akong hang ups sa buhay. Baka minsan hindi ko kayang makisabay sa idine-demand ng sirkulong ginagalawan mo.”

“Huwag mong pansinin ang society circle na iyan. Hindi naman sa kanila nakabase ang kaligayahan ko. Ako ang magdedesisyon sa mga bagay na magpapasaya sa akin. They don’t have to be expensive.”

“Excited ka lang dahil bago ang nasa paligid mo.”

“Yeah, you are right. Nabo-bore ako sa dati nang bagay na nakapaligid sa akin. Mas gusto ko ang mga bagay na mas naa-appreciate mo. Simple lang.”

“Baka nabo-bore ka lang sa mayayamang babae kaya ako ang idine-date mo. Tapos kapag na-bore ka na sa akin, hahanap ka ulit ng iba.”

“It isn’t a sports to me.” Tinitigan siya nitong mabuti. “Di ko ito ginagawa dahil nalilibang ako sa iyo. It goes deeper. I appreciate you. Kaya naa-appreciate ko rin ang mundo mo.” He breathed deeply. “Basta mahirap I-explain.”

“Naa-appreciate din naman kita. I appreciate some of your friends and some of the good things in your world. Pero may mga pagkakataon pa rin na hindi ako makahinga. May mga tao na kahalubilo mo pero di mo gusto.”

“The feeling is mutual. May mga tao talagang ayaw ko. Parang pating na lang sila na basta sasagpang. I don’t expect you to get along with sharks, Marist.” He held her hand. “Di mo rin kailangang sumabay sa mundo ko. I will never ask you to. But I want us to meet. At dahil nag-e-enjoy ako sa mundo mo, ako na ang bahalang mag-appreciate sa iyo.”

Kinintalan siya nito ng halik malapit sa labi. “Thanks.”

Nagulat ito. “Para saan?”

“Sa buko pie,” aniya at tumawa.

He was an entirely different man. Different from her heartless father. Hindi siya matatakot na tanggapin sa sarili na mahal nga niya ito.

NAKAHILIG sa balikat ni Marist si Aling Ising. Nakaupo sila sa paborito nitong bench sa garden ng Haven. Sa susunod na buwan, kumpleto na ang therapy nito ayon sa doctor nito. Malapit na niya itong makasama nang mas matagal.

“Anak, kapag gumaling na ako ipagluluto kita ng masarap. Imbitahan mo ang mga kaibigan mo na tumulong sa atin, ha?” anito at habang nakatitig sa mga rosal.

“Opo, Nay. Marami nga po tayong dapat ipagpasalamat sa kanila.”

Malaki ang naitulong na tanggapin ng nanay niya na may problema ito at may sakit na kailangang gamutin. Kaya umusad ang session nito.

“Pasensiya ka na kung nagkasakit ako. Di kita naalagaang mabuti. Dahil sa akin, nasasaktan ka palagi. Nahirapan kang magtiwala sa iba.”

Nagulat siya. Alam din lahat ng iyon ng nanay niya. “Nay, hindi po ninyo iyon kasalanan. Tanggap ko kung ano ang nangyari sa atin.”

“Kasalanan ko dahil mahina ako. Di ko natanggap na di na siya babalik sa atin. Na mahal pa niya ako. Kaya pinaasa ko ang sarili ko na babalik pa siya kahit hindi na. Ngayon tanggap ko nang di nga niya ako mahal,” anito at ngumiti.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.