Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 65

Nagkasya na lang si Illyze na pasimpleng sulyapan si Romanov habang marahang tumatakbo ang kabayong sinasakyan nila. Mukhang mas gusto kasi nito na tahimik lang. “Naiinip ka ba?” tanong nito. “Mga five minutes na lang, nasa clubhouse na tayo. Kaya magtiis ka lang.”

“Hindi. Okay lang ako.” Hindi naman siya nabo-bore sa pagtitig dito. Ang problema nga lang ay di niya ito masyadong matanong. “Ano… magagalit ka ba kapag tinanong ko kung ano ang surname mo?”

“Cuerido. My name is Romanov Cuerido.”

Hehehe! Eh, di napasagot din kita. “Romanov? Russian name iyon, di ba? May Russian blood ka ba?” tanong niya.

“No, I don’t! But my father used to love historical personalities. At naging paborito niya ang mga Romanov ng Russia. He named me after them.”

Napatango siya. “Hindi ko pa napupuntahan ang Russia. Pero nakapunta na ako sa Spain. Do you know that querido means beloved?” At parang masarap na iyon na rin ang kakabit ng pangalan niya bilang simbolo ng kanilang pagmamahalan.

“Yes. Querido means beloved. Pero hindi naman iyon ang surname ko. Mine is Cuerido with a C. And it doesn’t mean a thing in Spanish.”

Napangiwi siya. “Pero magada pa rin ang surname mo. Romantic.” At kahit ano pang surname nito, tatanggapin niya nang buong puso. “Favorite color mo?”

“Are we back to your endless questions again?”

Naku! Nagalit na naman siya sa akin. Tatahimik na lang muna ako.

Itinuon na lang niya sa harap ang tingin. Namangha siya nang makita mula sa taas ang magandang view. May mangilan-ngilang building. Nalalatagan ng animo’y carpet na damo ang lupain. At may dome na semi-transparent ang bubong.

“Wow! Is that the Stallion Riding Club?”

“Yes, that is the club house.” Itinuro nito ang may kulay brown na bubong. “Hindi na malayo diyan ang boutique ng kaibigan mo. Natatabingan lang ng puno.”

“That elegant club looks like a small world from here.” Napangiti siya nang humangin. “Pwede bang dito muna tayo?” Parang natakot siyang makarating sila sa mismong riding club. Mas gusto nilang silang dalawa lang.

“No! We have to go now. Baka mag-alala na ang kaibigan mo sa iyo. And besides, hindi ka pa nagla-lunch. Baka dito ka pa mag-collapse.”

“Thanks for caring,” aniya at matamis na ngumiti. Lalo naman siyang kinilig dahil nag-aalala ito sa kanya. He is starting to like me. I know.

“Ayoko lang masabihan na pinabayaan kita. Kasalanan ko pa iyon kapag may na nangyaring hindi maganda sa iyo,” anito sa indifferent na boses. “Kumapit kang mabuti. Magso-short cut tayo.”

Napasigaw siya nang sa pabulusok na daan sila dumaan. Tingin yata niya ay bangin na iyon. They were running with utmost speed. Pero di niya naramdaman na pinabayaan siya ni Romanov. He was a good rider.

Patuloy pa rin ang pagtakbo nila kahit na nasa patag na silang lugar. Malakas na malakas ang tibok ng puso niya. Bahagya lang bumagal ang takbo nila nang I-approach na nila ang mga building. May mga riders na rin silang nasasalubong. Napansin niya ang mga babae na may bahid ng tingin sa kanya.

Oh, this is romantic! Ganito pala ang pakiramdam ng mga prinsesa sa fairy tale kapag kasama nilang nagho-horse back riding ang mga prince nila. Kung paano kainggitan ng ibang mga babae. Iba na talaga ang maganda at swerte.

“We are here,” anang si Romanov nang tumigil siya sa harap ng boutique ni Jenna Rose. Nauna itong bumaba ng kabayo at walang salita na hinawakan ang baywang niya at tinulungan siyang bumaba.

Nanginig ang tuhod niya pagtapak sa lupa at napahilig siya sa katawan nito. Mabilis siyang sinalo nito. She held her breath when she realized that his face was near hers. Konting galaw na lang, pwede na siya nitong mahalikan.

Pwede nang lunch iyon. Pwede nang paabutin hanggang dinner. Ako na lang kaya ang humalik? Kalilimutan kong dalagang Pilipina ako kahit sandali lang.

“Illyze! Illyze, are you okay?” tanong ni Jenna Rose na lumabas mula sa boutique. Hinatak siya nito mula kay Romanov at niyakap siya. “I am so worried about you. Akala ko kung ano na ang nangyari sa iyo sa Mountain Trail. Hindi ko naman alam na doon ka pala dumaan at hindi sa main gate.”

“S-Sorry, nag-alala ka pa sa akin. Mabuti nga nakita ako ni Romanov. Kung hindi naka-stuck pa rin ako doon hanggang ngayon.” Pero pahamak ka naman, bestfriend. Konti na lang sana naabot ko na ang langit. Kainis!

“Wala iyon,” sabi ni Romanov. Di pa rin ito ngumingiti. “I have to go. And next time, don’t travel to unknown places if you are alone. Katulad ng nangyari kanina. Kung iba ang nakakita sa iyo, that would mean trouble.”

Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Thank you!”

Dumilim ang mukha nito at bahagyang tumango. Saka walang sali-salitang sumampa sa kabayo at pinatakbo iyon palayo. Anong problema niya? Hindi siya masaya kasi sa pisngi ko lang siya hinalikan. Di bale, may next time pa naman.

Tinapik siya ni Jenna Rose sa balikat. “Hoy! Anong itinutunganga mo diyan? Pumasok na tayo sa loob. Baka gutom ka na.”

Niyakap niya ito. “Jenna, natagpuan ko na ang destiny ko!”

“WHEN he took me in his arms, I just want to melt. Hindi pa ako nakaramdam ng ganito sa ibang lalaking nakilala ko. Saka nang unang beses ko pa lang siyang nakita, malakas na ang agad ang tibok ng puso ko. As if my heart is saying that Romanov Cuerido is the one,” kinikilig na kwento ni Illyze kay Jenna Rose. Wala itong masyadong customer sa boutique nang mga oras na iyon kaya may oras sila para magkwentuhan.

Humalukipkip si Jenna Rose. “Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Parang masyado ka lang nagpapadala sa hula ng fortune teller na iyon.”

“I really believe that it’s true. Come to think of it. Marami namang lalaki na pwedeng maligaw doon sa Mountain Trail. Pwede rin na nang mga oras na iyon, wala si Rome sa lugar. Baka nakalagpas na siya. Pero pinagtagpo pa rin kami.”

“Naawa lang ang Diyos sa iyo kaya pinadala siya para sagipin siya. But it doesn’t mean that he is your destiny. Kakikilala pa lang ninyo. It is too soon to tell right away. At close na agad kayo? Rome na ang tawag mo sa kanya.”

“Pakiramdam ko close na kami sa isa’t isa. We already have a connection. See, he ordered my favorite food.” Naaaliw niyang pinagmasdan ang paborito niyang Mongolian noodles. “Nalaman agad niya kung ano ang gusto ko. Kung di kami destined sa isa’t isa, paano niya nalaman?”

“Tumawag siya kaninang hinihintay ninyo ang mekaniko. Ako muna ang tinanong niya kung ano ang gusto mong kainin bago siya um-order sa Rider’s Verandah. So it is neither coincidence nor destiny.”

“Destiny pa rin iyon!” giit niya. “Napaka-considerate niya sa akin. Pwede naman niya akong tanungin pero sinorpresa pa niya ako. That is so sweet!”

“Alam mo, gustom ka lang. Isang oras mo nang tinititigan ang noodles na iyan. Kainin mo na. Baka mamaya sabihin mo sa akin na ayaw mong kainin dahil iyan ang unang bagay na bigay sa iyo ni Romanov.”

“Alam mo?” tanong niya.

Nasapo nito ang noo. “Naku! Masisiraan nga ako ng ulo sa iyo! Idi-discourage na kita. Romanov Cuerido is not a man which your dreams are made of.”

“Ha? Bakit? May asawa na ba siya? Anak?”

“Wala.”

“Baka naman may girlfriend na siya at mahal na mahal niya.” Mahihirapan siyang makipaglaban kung may iba na itong mahal.

Umiling ito. “I don’t think so.”

“Magkwento ka naman tungkol sa kanya. Ayaw kasi niyang sagutin ang mga tanong ko. Tinanong pa nga niya ako kung reporter ako. Ano ba siya? Artista at nagtatago siya sa press?” usisa niya.

“He is a popular young director. Sikat ang mga documentaries niya at mga movies na ginawa niya kahit na twenty-nine pa lang siya. Nanalo na siya ng various award sa mga international film festival.”

“Really!” Lalo tuloy siyang na-in love dito. He was not a bum like he claimed.

“Kaya huwag kang masyadong matanong at mausisa lalo na kay Romanov. It is a no-no here at the riding club. People here value their privacy. They pay for it. Kaya nga popular ang Stallion Riding Club sa mga sikat na tao. And as a guest here, you should respect that. Kahit kapatid ka pa ng isa sa maimpluwensiya dito.”

“Is he escaping from something? Bakit parang masungit siya?” Romanov is lovable even in his dark state. Subalit ramdam niya na parang galit ito sa mundo.

Huminga ito nang malalim. “I don’t know. Bagong member lang siya ng riding club. Mga tatlong buwan na. At di rin siya umaalis sa villa na in-acquire niya. Tumigil na rin siya sa paggawa ng mga projects. Wala namang masyadong isyu na may nakaaway siya or if someone broke his heart. Basta pagpasok niya dito sa riding club, tahimik na ang lahat. Unethical para sa tulad namin na nagtatrabaho na pag-usapan o pakialaman ang pribado nilang buhay. But who knows? Baka nagko-concentrate lang siya sa mga susunod niyang project at gustong magbakasyon.”

“He won’t be alone anymore because I am already here. Malungkot talaga ang buhay niya dahil wala ako,” nakangiti niyang sabi.

“Sana pag-isipan mo munang mabuti bago mo siya I-pursue. Baka kasi kumuha ka lang ng batong ipupukpok sa ulo mo o sa puso mo.”

NAIIDLIP NA si Illyze. Sa guestroom muna ni Jenna Rose sa taas ng boutique siya nagpahinga habang di pa dumadating ang Kuya Rolf niya mula sa yachting sa Calatagan, Batangas. She was still excited about Romanov. Pero namayani sa kanya ang pagod. Dumilat siya nang may kumatok sa pinto.

“Illyze! Illyze!”

“Kuya Rolf!” Bumalikwas siya ng bangon at dali-daling binuksan ang pinto. “Kuya!” At niyakap niya ang kapatid. “Akala ko mamayang gabi ka pa babalik.”

“God, Illyze! I am so worried about you. Tinawagan nila ako. Sabi nila nandito ka daw at doon ka pa dumaan sa Mountain Trail. Kung anu-ano nang nangyari sa iyo. What are you doing here?”

She smiled sweetly. “I am paying my handsome brother a visit.”

Matagal na sandali siya nitong tinitigan. “I highly doubt it. Minsan nga gusto mo pa na ikaw ang dinadalaw namin sa kung saang lupalop ng mundo.”

“I am visiting you for a change. Masama bang dalawin ka, Kuya?”

“Uutuin mo pa ako,” anang si Rolf pero lumambot din ang anyo.

“Excuse me,” anang si Jenna Rose. “Nasa labas na ang kotse mo. Kailangan mo lang mag-sign sa bill, Illyze.”

“Maayos ba ang kotse ninyo, Ma’am,” anang mekaniko. “Sa susunod po, four-wheel drive na kotse ang dadalhin ninyo kung gusto ninyong dumaan sa Mountain Trail. Sayang naman po ang Porsche ninyo. Masisira lang.”

“Thank you. I will keep that in mind. Magkano ulit ang babayaran ko?” tanong niya at tiningnan ang bill. “I hope you accept credit card.”

“Hindi na po kailangan, Ma’am. We already got it covered. Naka-charge na po sa bill ni Sir Rolf ang bayad sa sasakyan,” paliwanag ng mekaniko.

“Wow!” Yumakap siya sa baywang ng kapatid. “Ang sweet mo naman, Kuya!”

“Anong sweet? Wala lang akong choice dahil rule iyon sa club. Kung sino ang nagsama sa iyo sa loob, siya ang magbabayad. May exclusive card account kami dito sa riding club.” Sumama ang mukha nito. “Hindi ko alam kung bakit kailangan pang sa akin ma-charge ito. Ayoko ngang nandito ka.”

“Dadalhin mo na ba siya sa villa mo, Kuya Rolf?” tanong ni Jenna Rose.

“Oo. Dahil baka pati ikaw maperhuwisyo niya,” anang si Rolf at itinulak siya papunta sa kotse niya. “Mag-convoy na lang tayo, okay?”

Humalik siya sa pisngi ni Jenna. “Sumama ka sa aming mag-dinner mamaya. Marami pa tayong pagkukwentuhan lalo na tungkol kay…”

“Ano pa bang pinag-uusapan ninyo?” tanong ni Rolf. “Halika na!”

“Kuya Rolf, tumawag nga pala si Ate Jenieva kanina.”

Biglang nagningning ang mata ng kapatid niya. “Kinumusta niya ako?” Dating nobya kasi ng Kuya Rolf niya ang kapatid ni Jenna Rose.

Umiling si Jenna Rose. “Hindi, eh! Ni hindi ka nga niya nabanggit.”

Umingos si Rolf. “Sabihin mo sa kapatid mo, marami akong ka-date kanina. They are beautiful and sexy. They like me a lot.”

“Pero ilan ba talaga ang ka-date mo, Kuya Rolf?” tanong ni Jenna Rose.

“Wala. Ka-date lang lahat ni Reichen ang mga iyon.” Inilagay nito ang daliri sa sariling labi.“Huwag mong sasabihin, ha? Baka isipin ng ate mo gusto ko pa siya.”

Di maiwasang mapangiti ni Illyze habang nakasunod sa kapatid niya. Inaaliw niya ang sarili sa nadadaanang tanawin sa Stallion Riding Club. “Saan kaya dito ang bahay ni Romanov?” tanong niya. “Kung gusto niya na dito na sa riding club tumira, masaya siguro. Mahilig nga akong bumiyahe. Pero wala nang dahilan para bumiyahe pa ako ngayon. Kasi nandito na si Romanov. This will be our paradise.”

Kinatok ng Kuya Rolf niya ang windshield ng sasakyan niya. Saka niya na-realize na nasa harap na sila ng villa nito. “Baka gusto mo nang bumaba. Nasaan ang overnight bag mo?”

“Nasa trunk ng kotse ko, Kuya.” Success! Kung hinahanap niya ang gamit ko, ibig sabihin payag na siyang mag-stay ako dito.

Nahindik si Rolf nang makita ang laman ng trunk. “Huh! Maleta? Nakalimutan mo yatang iwan sa bahay natin ang mga gamit mo.”

“Hindi, Kuya. Para dito talaga ang lahat ng iyan. I am here on a vacation.”

Ibinagsak nito ang trunk at hinila siya papasok ng villa. “Magkalinawan tayo, Illyze. Payag akong dito ka mag-overnight pero bukas aalis ka rin dito. I told you that this place is dangerous for single young women like you. This is not an ideal vacation place unless you are asking for trouble.”

“Kuya, please! I want to stay. Dito nakasalalay ang future mo.”

“Masisira ang future mo dito. Hindi ko kayang kontrolin ang mga lalaki na magkakagusto sa iyo. How can I protect you?”

“Hindi mo ako kailangang protektahan, Kuya. It is Romanov’s job now.”

Nagulat ito. “Huh? Bakit? Ayaw na niyang maging director at gusto na lang niyang mag-bodyguard sa iyo? O baka naman baby sitter.”

“Kuya, he is my future! He is my destiny.”

Natigagal ito. “Anong destiny-destiny ang sinasabi mo diyan?”

Gumuhit ang ngiti sa labi niya. “Siya ang lalaking pakakasalan ko.”

“Sinabi ba iyan ni Romanov sa iyo?”

“Hindi. Sabi ko. Sabi ng hula. Sabi ng puso ko. We are destined for each other, Kuya. At mag-I-stay ako dito para sa kanya.”

Sa gulat niya ay humalakhak ito. “Si Romanov? Destiny mo?That is so funny!”

Muntik na niyang tadyakan ang kapatid kung di lang ito mas matanda sa kanya. “What’s so funny? Ano naman ang masama kay Romanov?”

“He is not some Prince Charming, Illyze. Dahil nang magsabog ng kasungitan sa mundong ito, sinalo niyang lahat. You have a charming personality. Hindi ka bagay sa tulad ni Romanov na masyadong gloomy. Di ko alam mahilig ka sa horror.”

Sinimangutan niya ito. “Anong walang charm? Guwapo siya kahit di ngumingiti. Saka tinulungan niya ako nang masiraan ako. Inilibre pa niya ako ng lunch. Hindi niya ako iniwan sa Mountain Trail. Gentleman din siya dahil hindi siya nag-take advantage sa akin.”

“Gentleman?” Tumango-tango ito. “I highly doubt it. Hindi iyon dahil gentleman siya. Ang totoo, wala siyang interes sa iyo o sa kahit sinong babae. Ikaw na ang nagsabi na di ka niya nginitian. He is not a normal guy.”

“Hay, naku! Kahit na bampira pa siya, magpapakagat pa rin ako sa leeg. Suportahan mo na lang ako, Kuya. After all, di siya babaero tulad mo.”

“Aba’t... hindi ako babaero. Kay Reichen ang title na iyon.”

“Hayaan mo namang magamit ang charm ko, Kuya. At ayaw mo ba iyon? Di ka na mag-aalala sa akin kapag bumibiyahe ako dahil dito na lang ako.”

Nanlambot ito. “Parang mas delikado pa nga kung nandito ka.”

Pinisil niya ang pisngi nito. “Pumayag ka na. Or else, I will tell Ate Jenieva that you still like her.”

Namutla ito. “That is blackmail!”

“Yes, it is.”

“Sige na. Dito ka muna,” napipilitang sagot nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.