Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 8

Matiim na ang mga labi ni Gino nang lumabas si Miles ng kuwarto. “Ang tagal mo naman. Mukhang namili ka pa talaga ng magandang damit para lang makapagpa-impress sa lolo at mommy ko.”

“Anong gusto mo? Humarap ako sa kanila nang bagong gising? Hindi naligo at ni hindi nagsuklay? Nakakahiya naman iyon!” angal niya nang pasakay na sila ng kotse nito. Day off nito nang araw na iyon.

“Excited lang naman akong ipakilala ka sa kanila. Anong nakakahiya doon? Mabuti nga makita nila kung gaano ka kaganda kapag bagong gising kahit na di ka pa nagsusuklay at pajama lang ang suot mo,” katwiran nito.

“Hindi ko alam kung bulag ka lang o gusto mo talagang maging katawa-tawa ako sa harap ng kamag-anak mo. Paano naman ako magiging maganda nang hindi pa nagsusuklay at naliligo? Kalokohan iyon! Saka bakit mo ba ako ipapakilala sa kanila? Hindi mo naman ako girlfriend, ah!”

“Bakit? Ayaw mo bang makilala ang future in laws mo?”

“Ano?” Napalingon siya nito. “Anong in laws ang sinasabi mo diyan?”

Ngumisi lang ito. “Joke lang!”

Tumahimik na lang siya. Lalo lang kasi siyang kinakabahan habang papalapit nang papalapit sa villa ni Gino. Minsan na niyang natanaw ang villa nito sa tabi ng lake nang mamasyal sila ni Quincy. Pero di pa niya iyon nakikita nang malapitan at lalong di pa siya nakakapasok doon.

Isa pa niyang ikinakakaba ay kung paano pakikiharapan ang mga kamag-anak nito. Masungit ba sila o matapobre tulad ng mga babae sa riding club? Baka hindi nila ako magustuhan at isipin na gold digger ako. Na habol ko lang ang kayamanan ng Gino at ng pamilya nito. Tapos paglalayuin nila kami ni Gino. Nasapo niya ang pisngi nang maisip na nasa eksena siya sa isang telenovela. Waaa! Masyadong madrama iyon! Ayoko ng masyadong madrama!

Niyugyog nito ang braso nila. “Miles? Miles, okay ka lang?”

“Ha?” Nilingon niya ito. “Oo. Bakit?”

“Akala ko masakit ang ngipin mo.”

Ibinaba niya ang kamay. “Matagal pa ba tayo?”

“Nandito na tayo. Kanina pa.”

Saka niya natuklasan na nasa harap sila ng lake cabin nito. Ni hindi man lang niya napansin sa sobrang pag-aalala. “Hindi mo naman sinasabi.”

Muntik na siyang umurong nang makita sa porch ang dalawang babae. Nakasuot ng wide brim hat at dress ang mga ito tulad ng mga babae sa riding club. But theirs looked more finesse and authentic. She could see the refinement as they handle the cup of tea and drank. Parang galing sila sa Victorian era.

“Huwag kang matakot sa kanila. Mababait ang mga iyan.”

Tumayo ang mommy ni Gino at sinalubong sila. “Hello!You must be Millicent.”

“Miles lang po, Ma’am,” magalang niyang sabi.

“Meet my beautiful mother, Priscilla Santayana.”

Hinalikan siya ni Priscilla sa pisngi. “Come! Akala ko hindi ka na maisasama ni Gino dito. Kanina pa kami naghihintay dito.”

“I am sorry. Hindi ko po alam na pupunta kayo dito. Natutulog pa po ako nang sunduin ako ni Sir Gino. I don’t intend to keep you waiting.” Saka niya pasimpleng minulagatan si Gino. Napasubo kasi siya dahil dito.

“It is okay.” Mabait naman pala ang mommy ni Gino. Pero nang makaharap niya ang lola ni Gino ay halos di siya nito tinitingnan. Busy ito sa pagbabasa ng English Regency novel. Napahawak siya sa kamay ni Gino sa sobrang kaba.

“Miles, this is my abuela, Dorina Santayana,” pagpapakilala ni Gino.

“Good morning, Ma’am,” magalang niyang bati.

Bahagyang ibinaba ni Dorina ang salamin at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. “Kanina pa kami naghihintay sa iyo. Ayaw ko sa lahat pinaghihintay ako. Naubos na nga ang tsaa namin pero wala pa kayo.”

Yumuko na lang siya. “Sorry po.”

“Lola, nagpaganda pa si Miles para sa inyo. Sabi ko nga pwede ko na siyang dalhin dito kahit di pa siya nagsusuklay at kagigising lang niya.”

“Gino, walang matinong babae na haharap sa amin nang ganoon,” sabi ni Priscilla. “Siyempre gusto namin maganda kami kapag humarap kahit kanino.”

“Mommy, maganda pa rin si Miles kahit na kagigising lang,” katwiran ni Gino.

“Sabi mo kasi maganda lang siya,” sabi ni Dorina. “Mas maganda pa nga siya sa akin. Sabi mo ako ang pinakamagandang babae para sa iyo.”

Muntik na siyang matawa nang mahimigan ang pagtatampo ni Dorina. Mukha kasing nagbibiro lang ito. Pero wala namang kangiti-ngiti. Seryoso nga yata. Saka ganoon ba ako kaganda? Hindi naman masyado, ah!

Niyakap ni Gino si Dorina at kinindatan siya. “Magkaiba kayo ng ganda ni Miles. Saka huwag na kayong magtampo kung na-late kayo. Ipagbe-bake naman kayo ni Miles ng coffee mousse mamaya.”

“Coffee mousse? At paano naman ang diet namin ng mommy mo?”

“Low in calories po iyong recipe ko,” sagot niya. Kagagawa pa lang niya ng low calorie recipe na iyon noong isang linggo. Isusubo na naman siya ni Gino. Mao-obliga tuloy siyang mas pasarapin pa ang luto mamaya.

Apprentice na siya ng pastry chef nila. Sandali na lang kasi at matatapos na niya ang special course niya sa culinary school. Aprubado naman ang luto niya sa iba pero mukhang kailangan iyang I-please nang todo ang kamag-anak ni Gino.

“Kapag masarap ang coffee mousse mo, saka lang kita tatanggapin bilang girlfriend ng apo ko,” sabi ni Dorina. “Maliwanag ba?”

“Po?” usal niya.

“Ma, don’t be so hard on Miles,” wika ni Priscilla. “I think she is nice.”

“Hindi ko pa sigurado kung bagay nga siya bilang girlfriend ni Gino.”

“Excuse me lang po. Mukha pong na-misinterpret lang ninyo. Hindi ko naman po kasi boyfriend si Gino,” singit niya.

Parehong nagulat sina Priscilla at Dorina. “Ha? Bakit? Ayaw mo ba sa apo ko?” tanong ni Dorina.

“Oo nga,” nag-aalalang sabi ni Priscilla. “Matagal ka na niyang nai-kwento sa amin. Akala ko nagde-date na kayo at girlfriend ka na niya. Kaya ka nga namin gustong makilala dahil mukhang gustong-gusto ka niya. He even mentioned about wedding the last time we talked.”

Nang-aakusa niyang pinukol ng tingin si Gino. Kasal? Anu-ano ba ang sinasabi ng lalaking ito sa kanila? Nababaliw na ba ito? “Sa palagay ko po, imposibleng magpakasal kami. Kasi hindi naman po siya nanliligaw.”

“Gino, kailan ka pa pumalpak pagdating sa panliligaw?” naiiling na tanong ni Dorina. “Ni hindi mo na nga kailangang manligaw ng babae. Isang ngiti mo lang, sila na ang nagpapakamatay na manligaw sa iyo.”

“Niyaya ko siyang mag-date pero ayaw niya. Araw-araw ko pa nga siyang ipinagluluto. Lagi akong sweet sa kanya,” katwiran pa ni Gino at iniiisa-isa ang mga ginawa para sa kanya. “Hindi pa ba ako nanliligaw no’n?

“Panliligaw ba ang tawag doon? Hindi mo naman sinasabi. Akala ko nagpapa-cute ka lang saka gusto mo lang akong kulitin,” kontra naman niya.

“Maniniwala ka ba kapag sinabi kong manliligaw ako?”

Tinakpan ni Priscilla ang bibig at tumawa. “Gregory Alfred, this is such a shame! Wait till your dad hears about this. Makakatanggap ka ng lecture.”

Tinapik ni Dorina ang tabi ng rocky rattan sofa. “Umupo ka dito, hija.” Umupo siya tabi nito. Hinaplos nito ang buhok niya at ngumiti. “I think I am starting to like you. My grandson finally met his match.”

“THIS is really great, hija! A coffee mousse that is low in calorie and it is even more delicious than the traditional mousse,” sabi ni Priscilla na pangalawang serving na ng coffee mousse ang kinakain. “I have to be here on the café’s anniversary. Gusto kong matikman ang iba pang desserts na ila-launch ninyo.”

Sa Rider’s Verandah nag-miryenda ang mga ito nang hapon. Naka-duty siya at nag-bake siya para sa mga ito. Si Gino naman ay kasamang nag-horseback riding ang Papa nito. Hahayaan daw nitong mag-girl bonding sila ng lola at mommy nito.

“Thank you, Tita,” sabi niya. Ayaw na nitong magpapatawag ng Ma’am dahil botong-boto ito sa kanya na maging girlfriend ni Gino.

“Ubos na ba ang rainbow tart?” tanong ni Dorina. “Magpapatikim ka lang sa akin, hindi mo pa dinamihan ang nai-bake.”

“Ma, marami pa dito. Saka babalik pa tayo at ipagbe-bake ulit ni Miles.”

“Natutuwa po ako kasi nagustuhan ninyo ang luto ko,” sabi niya.

“Ang totoo, hindi kami marunong magluto ni Mama,” sabi ni Priscilla. “Pareho kaming mahilig sa pagnenegosyo. Isa lang naman ang naging anak ko. Si Gino pa. Pangarap ko na magkaroon ng anak na magaling magluto kaya pinapasok ko siya sa culinary arts school. At the age of twenty five, he is quite a success.”

“Pero iba pa rin kapag may babae sa pamilya. Kaya nga gusto namin na magaling din sa pagluluto ang pakakasalan ni Gino,” dagdag ni Dorina. “You can’t imagine the tragedy of a mother who doesn’t know how to cook. Mabuti na lang mabait ang lolo ni Gino. Naintindihan niya ang kahinaan ko. Kaya siguro kahit ang anak ko, okay lang na makapag-asawa nang di marunong magluto. Ayaw naming mangyari iyon kay Gino. Gusto namin may mag-aalaga sa kanya. Iba pa rin siyempre kapag babae ang nagluluto.”

“Mas magaling pong magluto si Gino,” sabi naman niya. “Kahit po siguro di magaling magluto ang babaeng gusto niya, basta mahal niya.”

“Hindi mo ba talaga gusto ang anak ko?” tanong ni Priscilla. “Alam mo kasi, ngayon lang siya nagkwento tungkol sa babaeng gusto niya. At ikaw lang ang babaeng ipinakilala niya sa amin. Iyong ibang babae kasi, hindi ko gusto ang ugali. Sila pa mismo ang lumalapit sa akin at nagpapakilalang girlfriend ng anak ko. Mommy agad ang tawag sa akin. Kinikilabutan tuloy ako.”

“Okay naman po si Sir Gino. Guwapo, mabait, magaling mambola kaya kahit sinong babae mai-in love sa kanya. Pero marami pa po kasi akong gustong patunayan sa sarili ko. At nasabi ko na po iyon sa kanya.”

“At hayaan mo rin na ayusin ni Gino ang panliligaw niya,” sabi ni Dorina.

“Huwag mo lang masyadong pahihirapan at gusto ko na ring magkaroon nang matinong girlfriend ang anak ko,” wika naman ni Priscilla.

Si Gino? Seryoso at manliligaw sa kanya? Parang di pa rin siya sanay. Sanay na kasi siyang binibiro-biro lang nito. Parang hindi na iyon si Gino oras na magseryoso ito. At sa kanya pa.

“May sekreto ako na sasabihin tungkol sa apo ko,” pabulong na sabi ni Dorina. “Alam mo ba kung ano ang favorite niyang pelikula?”

“Ano po?”

“All My Life. Iyong pelikula ni Kristine Hermosa at ni Aga.”

Nagulat siya nang humagikgik si Priscilla. “May problema po ba?”

Ano naman ang masama kung paborito ni Gino ang All My Life? Ayaw ba nitong aminin na gusto nitong manood ng Tagalog movies? O kaya ay ayaw nitong malaman ng iba na mahilig ito sa drama?

“Nagpasama kami ng mommy niya na manood ng All My Life sa sinehan. Ayaw daw niya dahil wala siyang hilig sa drama. Matutulog lang daw siya sa sinehan. Aba! Maya maya, may narinig na lang kaming sumisinghot. Iyon pala nakikisabay na si Gino na umiyak sa amin ni Priscilla.”

“What? Iniyakan ni Gino ang All My Life?”

“Oo naman. Sabi niya, di na daw siya manonood no’n ulit. Pero nang minsang tingnan ko ang kuwarto niya, bumili siya ng soundtrack. Bumili din siya ng DVD pagka-release pa lang sa market. At nagkukulong siya sa kuwarto niya at paulit-ulit niyang pinapanood. Di lang niya ipinapakita, pero iniiyakan niya iyon.”

“Kaya po ba araw-araw din niyang kinakanta iyon?” Naluha siya sa katatawa nang maalalang mapagkamalan nilang multo si Gino dahil sa kanta nito. “Oh, gosh! I can’t believe it! Ganoon ba talaga si Gino?”

“Shhh!” saway sa kanya ni Priscilla. “Huwag mong sasabihin sa kanya na sinabi namin. Tiyak na magagalit iyon. Sekreto lang niya iyon.”

Isang guwapo at macho na lalaki tulad ni Gino, iniiyakan ang isang Tagalog movie na drama? Parang marami pa siyang gustong malaman tungkol dito.

“PAANO iyan, botong-boto na sa iyo ang pamilya ko,” sabi ni Gino kay Miles nang ihahatid na siya nito pauwi. “Kaninang paalis si Daddy, tinatanong na niya kung may plano na tayong magpakasal. Gusto daw kasi nilang ma-enjoy nila ang apo nila dahil magti-thirty na si mommy nang magkaanak.”

Natigil siya sa paglalakad sa patio at nilingon ito. “Oy! Huwag mo nga akong ma-pressure diyan. Ni hindi pa nga kita boyfriend. At ngayon mo lang din nalaman na di pa pala panliligaw ang pagpapa-cute mo sa akin so sorry ka.”

“Paano ba naman tayo magkakaayos? Ayaw mo ngang makipag-date.”

Nagpatuloy siya sa paglalakad. “Sige. Payag na akong makipag-date sa iyo.”

“Talaga?” Na-excite ito. “Sabihin mo kung saan, kailan at ano ang gusto mong date. Paghahandaan ko iyan.”

“Gusto kong manood ng All My Life. Iyong movie ni Aga at Kristine.”

Nanlaki ang mata nito. “Ayoko! Huwag iyon! Iba na lang ang panoorin natin. Naku! Wala akong kahilig-hilig sa ganoong pelikula.”

Siniko niya ito. “Huwag kang ipokrito. Favorite mo iyon.”

“Sinabi sa iyo ni Lola at Mommy?” Hinawakan nito ang braso niya. “Huwag kang maniwala sa kanila. Underworld ang favorite ko. Saka Jet Li movies.”

“Kaya pala feel na feel mo na kumanta ng theme song.” Ikinuyom niya ang palad at ginawa iyong mic. “How did you know I needed someone like you in my life? That there’s an empty space in my heart. You came at the right time in my life.”

“Tumigil ka nga! Hindi ko favorite iyon. Kinanta ko lang iyon kasi…”

Itinuloy lang niya ang pagkanta. “I’ll never forget how you brought the sun to shine in my life. And took all the worries and fears that I have.”

Hinila siya nito palapit dito. “Ayaw mo talagang tumigil?” Napipikon na ito.

Natutuwa siya dahil napipikon na ito kaya kumanta pa rin siya. “I guess what I am really trying to say. It’s not everyday that someone like you comes my way—“

She stopped singing when he pulled her against his body and claimed her lips.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.