Stallion Riding Club was Jenna Rose’s refuge. Until rockstar Jason Erwin Dean stormed back into her life. Ito ang lalaking pinag-alayan niya ng bata niyang puso. And he only broke her heart in the end. Mula noon, nagulo na ang tahimik na buhay niya sa riding club. Sa kabila ng galit niya, kasabay din ang mabilis na pagtibok ng puso niya.
Pero pagkakatiwalaan pa ba niya ito? O pikit-mata na lang niyang hahayaan ang puso niya na mahalin itong muli?
“I need you. And you need to remember who’s your man.”
Kasabay ng kantang iyon ay ang pag-ilanlang ng malalakas na tilian sa Araneta Coliseum. Major concert iyon ng bandang Switch. Naka-base ang mga ito sa Pilipinas subalit nagsisimula na ring gumawa ng pangalan sa Asia. Guwapo ang halos lahat ng member ng band nito subalit ang puso niya ay nasa part-Canadian, part-Filipino na vocalist ng banda na si Jason Erwin Dean o mas kilala bilang JED.
“You are my man, JED!” tili ni Jenna Rose habang nakikipagsigawan sa sigawan ng iba ring kababaihan na patay na patay dito. Katulad niya ay walang pakialam ang mga ito kung makipaggitgitan sa iba pang mga nanonood. Nagkakaapakan na sila at nagkakahalu-halo ng amoy pero tuloy pa rin ang tilian.
Mga artista, socialites, models at mga estudyante. Bawat isa ay gustong mapansin ni JED. Kahit nga yata ang mga babaeng may asawa na at anak ay naroon din sa Araneta. Kahit saan kasi pumunta si JED ay puro tili lang ang naririnig.
Ipit na ipit na nga siya sa railings na naghihiwalay sa mga audience sa patron’s box at sa stage pero wala siyang pakialam. Basta makalapit lang siya kay JED. Matagal na yata niyang pangarap na makita ito sa personal.
Umugong muli ang sigawan nang umuklo si JED sa mismong harap niya at tinitigan siya habang kumakanta. “Tell me how is it that you came into my life. And I can’t stop. You blow me out and I am so lonely. I need you and you need to remember who’s your man.”
Napanganga na lang siya habang kumakanta ito. It was like the time was suspended and it was just the two of them. She felt like she died and had gone to heaven by just looking at those piercing amber eyes. Ni hindi siya nakagalaw para man lang para kunan ito ng picture.
Naestatwa lang siya habang hawak ang camera. Sa gilid ng mata niya ay natahimik pati ang mga babaeng nagtitilian dito at sa kanya na lang napatitig. Kung malaglagan siguro siya ng bomba nang mga oras na iyon, di pa rin siya gagalaw kahit na nagtatakbuhan na ang lahat. Mas gusto niyang titigan na lang si JED.
Nang tumayo si JED at bumalik sa gitna ng stage ay saka lang niya napindot ang capture button saka kumislap ang camera. “Sayang, sister! Di mo siya nakunan habang nakatitig siya sa iyo,” anang bading na katabi niya. “Kung ako siguro ang tinitigan niya, baka himatayin na ako. Maha-heart attack ako!”
“Muntik na nga akong himatayin, eh!” aniya at saka lang nagawang tumili kung kailan wala na sa harapan niya si JED. Parang mababaliw siya. Tinitigan lang siya ni JED ng ilang segundo pero parang siya na ang pinakamagandang babae sa loob ng coliseum. “Marry me, JED!” tili pa niya.
“Hoy! Hindi ikaw ang tinitigan niya. Ako!” anang babae sa bandang likuran niya. “So huwag kang mag-ilusyon dahil mas maganda ako sa iyo.”
Tinaasan lang niya ng kilay ang babae. “Whatever!” Basta ang alam niya ay siya ang tinitigan ni JED. “Marry me, JED!” tili ulit niya.
“He already said yes to me!” sabi ulit ng inggratang babae. “Kaya huwag ka nang mag-ilusyon dahil ikakasal na kami.”
“Hoy! Ikaw ang nag-iilusyon na mamahalin ka niya. Ako nga ang maganda. Ako! Ako!” Inirapan niya ito sabay hampas sa mukha nito ng mahaba niyang buhok.
“Oo na. Oo na. Puro na lang kayo ilusyunada,” sabi ng bading. “Wala na. Tapos na. Umalis na si JED.” Saka nito itinuro ang bandang papunta na sa backstage habang kumakaway sa mga audience.
Napahawak siya sa railing at kulang na lang ay sumampa ng stage. “JED, don’t you go yet! Huwag mo muna akong iwan!” Hanggang titig nga lang ito sa kanya. Ni hindi man lang niya nahawakan ang dulo ng daliri nito.
Sumampa din ang babae railing sa tabi niya. “Huwag ka munang umalis! Paano na ang pagmamahalan natin?”
“Ibalik ninyo ang bayad namin!” sigaw niya. Mahaba na ang concert na iyon. Tuloy-tuloy kasi ang mga kanta at halos walang pahinga ang banda sa pagtugtog. Pero bitin pa rin siya. “Jed, come back!”
“Hindi mo pa ako nakikilala! Ako si Fridah Mae Narcisso. Ako ang pakakasalan mo,” sigaw ng babaeng katabi niya.
Humalakhak ang bading. “Ang OA naman ninyo! Nag-break lang naman ang banda nila. Hindi naman ninyo kailangang magdrama diyan.” Natensiyon lang siya nang biglang umalis sila JED. Ayaw kasi niya itong mawala sa paningin niya.
Napakalma siya. Break lang pala. Akala niya ay tapos ang ligaya niya. “Alam ko naman na nag-break lang siya. Gusto ko lang magdrama,” palusot niya.
“Gusto ko lang sulitin ang ibinayad ko dito!” nakapamaywang na sabi ni Fridah Mae pagbaba ng railing. “Mahal ang pamasahe ko dahil galing pa ako sa Zamboanga. May exam pa ako bukas at maaga ang flight ko. Hindi mo lang alam kung ano ang hirap na tiniis ko para lang mapanood si JED.”
“Ako rin. Nag-ipon ako para lang makapunta dito,” wika naman niya.
Nag-part time job siya sa isang fashion house para lang makaipon ng pera. Nagtitipid sila bahay dahil Law ang kinukuha ng Ate Jenevie niya kahit pa nga scholar ito habang siya naman ay magastos din dahil Fashion Designing ang course niya. Hanggang pang-Lower Box lang ang naipon niyang pera. Mabuti na lang at inilibre siya ng ticket ng boyfriend ng ate niya na si Rolf kaya nasa patron box siya ngayon. Suportado kasi ni Rolf ang kagagahan niya kay JED. Habang killjoy naman ang ate niya. Wala daw siyang mapapala sa pagkabaliw niya kay JED.
“Naiintindihan ko ang mga hirap ninyo para lang mapanood si JED,” anang bading. “Pero ako na ang Mrs. Jason Erwin Dean.” Ipinakita nito ang plain gold ring band. “Ito ang wedding ring namin. Read this encryption.”
Namula siya sa inis nang makitang ‘I will love you forever-JED’ ang nakaukit sa singsing. “At ang bruhang baklang ito. Mas malakas ka pang mag-ilusyon sa akin. Kung kalbuhin kaya kita diyan?”
Inirapan siya nito. “Bakit? Kayo lang ba ang may karapatang mag-ilusyon?”
“Ayan na si JED!” tili ni Fridah Mae.
Natigil ang pagtatalo nila at ang lahat ay nakatutok ang mata kay JED. “Nice crowd we have here! Are you having fun tonight?”
“Yes!” sigawan ng lahat.
“The rest of the band is not ready to come up on stage yet. They are just human so they still need a break. Well, I just want to grab this chance. A while ago, something just run through my mind. Would you believe that I was able to compose a song in the middle of the concert? Someone inspired me. So this is for the girl who makes my heart sing.”
“Sino naman kaya ang babaeng iyon?” tanong ni Fridah Mae at nagpalinga-linga. “Wala naman siyang girlfriend, hindi ba?”
“Baka naman ire-reveal na niya ngayon ang aming relasyon,” kinikilig na sabi ng bading. “Aaminin na niya sa lahat…”
“Magseryoso ka nga,” saway ni Fridah Mae dito.
“Shhh… huwag kayong maingay.” It was JED’s new song. At para pa sa isang taong mukhang espesyal dito. Kahit man lang sa kanta, maramdaman niyang siya ang mahal nito. Di na niya iisipin kung para kanino nga iyon. I’M THAT GIRL!
“You are in the middle of the crowd and you caught my eye. My world simply drowned when you gaze at me. And I thought that angels sing when you smiled at me,” pumailanlang ang boses nito sa buong stadium. It was an acapella. Kaya naman dinig na dinig ng lahat ang boses nito. It was very masculine and romantic. And intimate, too. Na parang siya lang ang kinakausap nito.
Naglakad ito papunta sa direksiyon niya. Bagamat nakatutok ang mata at tainga niya dito, pasimple rin siyang nakikiramdam. Sino naman kaya ang babaeng kinakantahan niya? Maganda ba siya? Mas maganda sa akin.
Tumigil ang utak niya sa pag-iisip nang tumuntong ito sa malaking speaker na nasa harap niya at umuklo. He gazed at her intently. Katulad kanina. Subalit sa pagkakataong ito ay di na nito inaalis ang mata sa kanya.
“What’s in you girl that makes my heart tick? The look in your eyes, there’s love that I can’t miss. You make my knees weak.” Inilahad nito ang kamay sa kanya. “What is your name? I want to know. ‘Coz you’re the girl who makes my heart sing.”
Inabot niya ang kamay nito. Marami ring nakikiabot ng kamay dito. Take my hand, JED. Gusto ko na ako ang babaeng tinutukoy mo sa kanta. Please!
Sa panggigilalas niya ay hinawakan nga ni JED ang kamay niya. It was firm. Di siya nito binitawan. In a heartbeat, she thought that she was the luckiest girl in the world. Siya ang babaeng pinili nito. Matagal na niyang pangarap iyon. Ngayon ay nagkakatotoo na lahat.
The crowd just drowned around her. Para sa kanya, sila lang ni Jed ang nag-e-exist sa Coliseum. Sila lang dalawa.
“Hindi na kita pakakawalan!” usal niya. Hindi na siya masaya na mahawakan lang ang kamay nito. Hinatak niya ito. She wanted him to take her in his arms. She wanted to kiss him like the one in her dreams.
“Oh! Whoow!” sigaw ni JED dahil na-out of balance ito. At babagsak ito sa kanya. Napaurong siya maging ang iba sa paligid niya.
“Jed!” sigaw niya subalit di niya binitiwan ang kamay nito. Nagkagitgitan sa likuran nang tumalon ito papunta sa patron box.
Dahil doon ay dinumog ito ang mga audience. “JED!” sigawan ng mga ito. “Jed!” Everyone wanted to have a piece of him.
“No!” usal niya. Awtomatiko siyang yumakap kay Jed upang protektahan ito mula sa nagkakagulong mga fans.
Maraming kamay na humahablot sa kanya upang ilayo kay JED. “Don’t get in the way, bitch!” narinig niyang usal ng isa.
May humatak pa sa damit niya. “Si JED ang gusto namin. Go away!”
Naliliyo na siya sa dami ng mga tao na gumigitgit sa kanya at humahatak. Pakiramdam niya ay papanawan na siya ng ulirat. Subalit nanatili pa rin siyang nakayakap kay JED. Wala siyang pakialam kahit na masaktan pa siya at mabali ang mga buto niya matiyak lang niya ang kaligtasan nito.
Napatingala siya kay JED. “A-Are you okay?”
Umikot ito habang yakap pa rin siya at siya ang napasandal sa may railing. Pinrotektahan siya nito. “Just stay there. I won’t let anything happen to you.”
Pumikit siya at ihinimlay ang ulo sa dibdib nito. It was like a very nice dream. Yakap siya ni JED at pinoprotektahan siya. She felt safe and warm in his arms.
“JENNA ROSE, anong gulo itong ginawa mo?” nanggagalaiting bungad ng Ate Jenevie niya paggising niya. Hindi ang puting kisame ng ospital ang una niyang napuna o ang benda niya sa katawan kundi ang nagpupuyos niyang kapatid.
“JED! Ano nang nangyari kay JED?” tanong niya at pilit na bumangon.
“Don’t worry. He is okay now. Balita ko nga idi-discharge na siya dito sa ospital ngayong araw din na ito. Well, he sustained less severe injuries than you do,” wika ni Rolf habang chine-check up siya ng doctor. “How are you feeling?”
Huminga siya nang malalim. “I feel better now. Nalaman ko na kasi na hindi nasaktan si JED sa nangyaring stampede.”
“JED! Puro ka JED!” anito at ikinudlit ang daliri sa sentido niya. “Nang dahil sa JED na iyan, naospital ka. Magpasalamat ka dahil walang nabaling buto sa iyo. Sa dami ng tao na dumumog sa inyo, buti nga buhay ka pa.”
“Of course, Ate. JED protected me.” Niyakap niya ang sarili. Di niya maiwasang kiligin nang maalala kung paano siya ingatan ni JED. “Niyakap niya ako kaya hindi ako tuluyang dinumog ng mga ilusyunada niyang fans.”
“At ipinagmalaki mo pa sa buong Pilipinas ang kalokohan mo!” sermon na naman ni Jenevie. Halos bumula ang bibig nito habang iniisa-isa ang mga diyaryo nagsasabi tungkol sa nangyaring disgrasya. Na kasalanan daw ng isang pabayang fan na hinatak si JED. “Ang sabi mo may pupuntahan kang fashion show dahil kailangan mo sa project ninyo. Iyon pala nasa concert ka lang ng Switch na iyan. Ano ngayon ang napala mo, ha? Ospital ang inabot mo.”
“Parang malaking fashion gala naman ang concert, ah!” katwiran niya. “Karamihan ng mga nasa patron box, mayayaman. Kaya nga magaganda ang suot nila. Akala mo ba nandoon lang ako para titigan si JED? Siyempre nag-o-observe din naman ako sa mga fashionista na katabi ko.”
Mariing pumikit ang ate niya. “Magpapalusot ka pa. Wala ka ba talagang pakialam sa pwedeng mangyari sa iyo? Ano ang gagawin ko oras na makarating ito kina Nanay at Tatay? Ipapahamak mo pa ako.”
Bahagya siyang napayuko. “Hindi naman nila malalaman.”
Silang dalawa na lang magkapatid ang nasa Manila. Nasa probinsiya na kasi ang Kuya Jerome niya kasama ang mga magulang niya upang asikasuhin ang flower farm ng mga ito. Kaya responsibilidad siya ng ate niya.
“Dahil hindi ko pa sinasabi! Matutuyuan talaga ako ng dugo sa iyo! Nagpapatugtog ka ng CD niyan araw-araw at tinadtad mo na rin ang bahay natin ng posters ng lalaking iyan. Hindi ka na nasiyahan.”
Hinawakan ito ni Rolf sa balikat. “That’s enough, Evie. Masyado ka kasing high blood. I am sure natutunan na niya ang leksiyon niya. Just let Jen rest.”
“Kuya Rolf, kay JED ba galing ang mga flowers?” tukoy niya sa iba’t ibang mga bulaklak na nakapaligid sa kama niya.
“Oo. Padala niya sa iyo. Iyong rose bouquet galing kay Illyze.” Bestfriend niya si Illyze at nakababatang kapatid naman ni Rolf. “The rest came from him.”
Impit siyang napatili. “Ibigay mo sa akin ang roses.” Inabot nito ang basket ng yellow roses sa kanya. “They are lovely. Favorite color ko. Alam mo ba na kinantahan niya ako sa concert, Kuya Rolf? Alam ko ako iyon. Kaya nga nang iabot niya ang kamay niya sa akin, hinatak ko agad siya. Tiyak na matutuwa si Illyze kapag ikinuwento ko sa kanya ang nangyari. Nakakakilig.”
“At habang masaya ka pa rin sa kaiilusyon mo sa JED na iyan, maraming napahamak na ibang tao. Mahigit treinta kayong injured na isinugod dito sa ospital. Mahiya ka nga sa inaasal mo, Jenna Rose!”
Napipilan siya at nakadama ng lungkot. “Hindi ko naman ginusto ang nangyari. Sila kasi, eh! Ginitgit pa nila kami ni JED.”
“Kung hindi mo siya hinila, hindi magkakagulo nang ganoon.”
“Evie, stop it!” saway ni Rolf dito. “Aksidente ang nangyari.”
Ito ang hinarap ng kapatid niya. “Tumahimik ka diyan! Kung tutuusin ikaw ang may kasalanan nito.”
“Ako?” Itinuro ni Rolf ang sarili. “Paanong ako?”
“Dapat hanggang Lower Box lang ang babaeng iyan kung hindi mo siya binigyan ng ticket sa patron. Di sana niya malalapitan ang JED na iyon,” paninisi ni Jenevie dito. “This is all your fault.”
“Objection, Your Honor!” kontra naman ni Rolf. Law student kasi ang Ate Jenevie niya. Kaya kapag umiinit na ang diskusyon, ina-assume na ni Rolf na nasa korte ito at katunggali ang kapatid niya. “Anong masama kung ma-enjoy ni Jen ang teenage life niya. Seventeen pa lang siya. Mataas naman ang grades niya sa school. At mas tataas ang grades niya kung mae-expose siya sa ganitong event.”
“Mangangatwiran ka pa! Kunsintidor!”
Inaliw niya ang sarili na titigan ang roses at ang iba pang bulaklak sa kuwarto kaysa makinig sa pagtatalo nina Rolf at Jenevie. “Kapag tapos na silang magtalo, tatanungin ko kung pwede kong dalawin si JED. Baka mamaya makalabas siya ng ospital nang di ko man lang nakakausap,” aniya sa sarili ang kausap at ang bulaklak.
Narinig niya ang pagbukas ng pinto. Inangat niya ang tingin. Isang guwapong lalaki ang nakatayo sa pinto at nakangiti. “Excuse me,” anito.
Natulala na lang siya habang nakanganga sa lalaki. “Oh, God! JED!” bulong niya at di makapaniwala na ito nga ang nasa pinto. Napatili siya. “JED!”