Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 76

“It ain’t pretty when the pretty leaves you with no place to go!”

Parang binibiyak ang ulo ni Jenna Rose nang magising nang umagang iyon. Iyon pa ang bumungad sa kanyang paggising. Na kahit yata nananaginip siya ay kilalang-kilala niya ang boses. Ang boses ni Jason Erwin Dean. Bumaba siya sa boutique na nasa baba lang ng kuwarto niya.

Naabutan niya ang mga tauhan na nagpa-party kahit na alas siyete pa lang nang umaga. “Patayin ninyo iyan! Patayin ninyo!” nanggagalaiti niyang sigaw na dinig na dinig sa buong Stallion Riding Club. “Ayokong marinig ang boses ng lalaking iyan.”

“Ay, bakit naman, Miss Jen?” tanong ng pattern-maker niyang si Bianca. “Maganda naman po ang kanta ng The Switch. Bagong album po iyan.”

Hinilot niya ang sentido. “Basta ayoko sabing marinig. Nasisira ang araw ko!”

Sa loob ng anim na taon, isang malaking panira na ng araw sa kanya kapag naririnig si JED o ang banda nito. At mas napepeste siya kapag nakikita ang picture nito. Mula nang isumpa niya si Jason Erwin Dean, sinunog niya ang lahat ng poster nito at magazine clippings. Dinurog din niya ang CD nito. At walang sinuman sa mga taong nakapaligid sa kanya ang pwedeng bumanggit ng tungkol dito.

“Regalo ito ng boyfriend ko, Miss Jen,” sabi ni Karyl, ang sewer niya. “Kung ayaw ninyo ng rock songs, may love song naman. Pwede ring…”

“Itapon mo iyang CD na iyan! At sabihin mo sa boyfriend mo na break na rin kayo. At huwag mo siyang babalikan hangga’t di niya tinitigilan ang Switch na iyan.”

Nagdadabog siyang umakyat ng hagdan at bumalik sa kuwarto niya. Sa baba ay napalitan ng kanta ni Whitney Houston. Naghilamos siya at nagpalit ng pang-jogging. Masama ang timplada ng mukha niya nang masalubong si Illyze na kapapasok lang ng boutique. “Good morning!” bati nito.

“Anong maganda sa umagang ito?” tanong niya. “Sinira ng lintik na Jason Erwin Dean na iyan ang araw ko.”

“Bakit? Ano bang nangyari?”

“Pinatugtog nila Karyl ang CD niya. Bigay daw ng boyfriend niya.”

“Naku! Na-shock siguro ang mga tauhan mo sa iyo. Hindi ka naman kasi nagagalit. Tapos bigla kang nag-transform na monster nang marinig mo si JED.” Pumalatak ito. “Hanggang ngayon ba galit ka pa rin sa kanya?”

“May dahilan ba para mawala ang galit ko sa kanya?”

“Time. It has been six years.”

Nauna na siyang tumakbo palabas. “Sa Lakeside Café na tayo mag-breakfast. Pag-uusapan pa natin kung anong design ang gusto mo para sa gown na isusuot mo sa Sundance Festival.” Katatapos lang ng fashion art show nilang magkaibigan. It was a joint project. She designed the dress, which she painted on. Mainit na ngayon sa market ang mga damit na gawa nila.

Sa susunod na buwan ay pupunta ito sa Sundance International Film Festival para samahan ang nobyo nitong si Romanov Cuerido na isang sikat na director. At request ni Romanov na creation mismo nila ang isuot ni Illyze.

“Naghihintay sa akin sa Rider’s Verandah si Romanov.”

“Naku! Hayaan mo na muna si Romanov doon. Marami naman siyang makakasamang mag-breakfast. Andoon si Kuya Rolf. It is our time to bond. Mula nang maging boyfriend mo siya, lagi na lang kayong magkadikit.”

“Natural. Ganoon talaga ang mga in love. Ikaw din naman, wala kang bukambibig dati kundi si JED.”

Tinakpan niya ang tainga. “Tama na. Tama na. Ayokong marinig.”

“Paano kung maging member siya ng Stallion Riding Club?”

Nanlaki ang mata niya. “Ano? Magpoprotesta ako!”

“As if makakapag-protesta ka. Alam mo naman si Reid Alleje. Basta may pera at may pangalan at walang masamang reputasyon, tatanggapin niya bilang member ng riding club. Saka hindi malayong magustuhan ni JED na mag-join sa club. After all, karamihan ng eligible bachelors sa Pilipinas ay member ng riding club. And you must admit that JED is one of them. At isang malaking karangalan para sa Stallion Riding Club na maging isa siya sa members dito.”

Stallion Riding Club was the haven of rich and popular men and their horses. It was a place where they can relax. It was even a workplace and home for some. At perfect iyon para sa isang bandang tulad ng Switch na sikat na sikat, di lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asia. Nakakakanta kasi si JED sa iba’t ibang lengguwahe katulad ng Chinese, Japanese at iba pa. Ngayon ay sinusubukan na rin ng banda na pasukin ang European at American market. Balita nga niya ay successful ang European tour nito. Hindi sa gusto niyang makibalita. Di lang niya maiwasang mabasa kapag nagbabasa siya ng diyaryo o kaya ay nagba-browse siya sa internet.

“Naku! Malaking disaster iyan. Malaki pa mandin ang puhunan ko para makapagtayo ng boutique sa riding club.”

Dalawang taon din siyang naging apprentice ng isang sikat na fashion designer sa Paris matapos niyang manalo sa design competition na pinaglabanan ng iba’t ibang young designers sa Asia. Pag-uwi niya ay nagtayo siya ng maliit na boutique at nagustuhan agad ng marami ang kakaiba niyang design. Nakapasok siya sa Stallion Riding Club. Her boutique catered to the companions, girlfriends and wives of the club members. Nag-iisa ang boutique niya sa riding club. At iba ang designs na ginagawa niya para sa riding club at iba pa ang inilalabas niya sa market. At the age of twenty-three, she was now one of the most sought after young designers in the country.

“Anong gagawin mo? Titiisin mo bang makita si JED dito? After all, he is so good looking to be loathsome. Pwede mo siyang pangarapin ulit.”

“No way! Ayoko! Ayoko! Magpoprotesta ako! Magra-rally ako!”

“Naku! Gusto mo bang mawalan ng kabuhayan? Sa inyong dalawa ni JED, mas pipiliin siya ni Kuya Reid kaysa sa iyo. Alam mo naman na may pagka-woman hater ang lalaking iyon na di mo maintindihan. Kung saan siya kikita ng pera, doon siya. Ikaw lang ang kawawa sa huli.”

Bumagsak ang balikat niya. “Oo nga pala. Wala nga pala siyang inisip kundi pera.” Kapag ikinuwento niya ang talambuhay niya na may kinalaman sa pagpapa-kulong sa kanya ni JED, siya pa ang sisihin nito. Isa pa, isa iyong sekreto na itinago sa iba. Makakasira kasi sa reputasyon niya. “Ililipat ko na lang siguro ang boutique ko sa Antarctica kaysa makasama at makita ko siya dito sa riding club.”

“Sino naman magiging kliyente mo doon?”

“Mga penguins malamang.”

“Wala silang ipambabayad sa iyo.”

“Eh, di bato.” Ngumisi siya. “Di ba iyon ang gold nila? Napanood ko sa Happy Feet. Susme! Bakit naman ako pupunta sa Antarctica? Di naman magiging member ng riding club si Jason Erwin Dean. Pansin mo, wala tayong member na singer dito.”

“Kung tatanungin mo ako, mas gusto ko nang maging member si JED ng riding club na ito.”

“What?” bulalas niya at matalim itong tiningnan. “Are you my friend? Parang gusto mo yata akong mamatay sa inis.”

“Kaysa naman mabingi ako sa kanta ng mga members dito.” Tinakpan nito ng palad ang ibabaw ng ulo. “Sino na naman kayang sintunado ang boses na kakanta mamaya sa Lakeside Bistro? Kawawa na naman ang eardrums ko.”

Tuwing Biyernes ng gabi ay isa sa mga members ng riding club ang magiging performer. Sa kasamaang palad, wala sa mga ito ang pasadong performer. Naging katuwaan na lang iyon ng mga club members.

“Ewan ko ba sa mga lalaking iyon. Naturingang mayayaman, may mga pera naman pang-voice lesson pero bakit di pa nag-take up.”

“So are you coming tonight?”

“Of course. Magdadala pa ako ng kamatis para batuhin kung sinuman ang magpe-perform mamaya,” pabiro niyang sabi. Pero mas gugustuhin na niyang masira ang eardrums kaysa marinig ang magandang boses ni JED na kumakanta sa Stallion Riding Club. That would be the end of her happy days.

ISANG acoustic band ang tumutugtog nang pumasok sa Lakeside Bistro si Jenna Rose. Weekend kaya puno ang lugar ng mga members. Kumpleto rin ang mga regular na members ng riding club. Lahat kasi ay excited kung sino ang magiging tampulan ng tukso sa mga daraiting na araw.

Iyon lang din ang oras niya para mag-relax dahil tambak na naman ang trabaho niya kinabukasan. May imi-meet kasi siyang kliyente sa Manila. Si Kelly na dati niyang schoolmate sa fashion school ang namamahala doon.

Kinawayan siya ni Illyze. “Jen, come here!”

“Hello!” bati niya sa mga kasama nila sa table. Naroon ang nobyo nitong si Romanov. Si Rolf at ang kaibigan nitong si Reichen na siyang kapatid ng may-ari ng Stallion Riding Club ay pareho ring may ka-date.

Inakbayan ni Rolf ang katabing babae. “ Yan, Jenna. Nakita mo na may ka-date ako. Sabihin mo sa Ate Jenevie mo kapag tinanong ako.”

“Hindi naman ako tinatanong ni Ate tungkol sa iyo,” kaswal niyang sabi at um-order ng frutas sangria. Limang taon nang break ang ate niya at si Rolf.

“Sabihin mo pa rin,” giit ni Rolf.

“Magagalit iyon lalo sa akin kapag binanggit ko ang pangalan mo.”

Humalakhak ito. “Sabi na nga ba’t patay na patay pa rin sa akin ang ate mo. Basta sabihin mo na may ka-date ako para mamatay siya sa selos.”

“Oo na,” sagot niya para matapos na lang ang problema. Hindi niya alam kung bakit pa kailangang mag-inisan ng dalawa samantalang halata naman na in love pa rin ang mga ito sa isa’t isa.

“Sige. Pwede ka nang bumalik kay Reichen,” pagtataboy ni Rolf sa babae.

Humilig ang babae sa dibdib ni Rolf. “Di, ba ikaw ang ka-date ko?”

“Hindi. Tapos na ang date natin.”

Kinalabit siya ni Illyze. “Pasensiya na. May sayad talaga ang kuya ko.”

“Naku! Sanay na ako sa kanya.” Parang kapatid na rin niya si Rolf kahit pa nga hiwalay na ito at ang ate niya.

“Bakit kaya hindi pa ina-announce kung sino ang performer ngayong gabi?” tanong ni Reichen habang nakaunat ang dalawang kamay sa sandalan ng couch. “Baka si Kuya Reid ang kakanta ngayon. Malas natin kapag nagkataon. Alam ba ninyong muntik na siyang itakwil ng lolo namin matapos siyang marinig kumanta?”

“Ibig sabihin pangit ang boses ni Reid?” tanong ni Romanov.

“Sinong nagsabing pangit ang boses ko?”

Muntik nang gumulong ang puso niya sa sahig sa sobrang gulat nang makitang nasa likuran lang ni Romanov si Reid at matalim ang tingin sa kanila. Reid Alleje was the Lord of Stallion Riding Club. At oras na may nasabing di maganda dito, mananagot ang may sala.

“Si Reichen,” sabay-sabay nilang sagot sabay turo sa salarin.

Naniningkit na tiningnan ni Reid ang kapatid. “Ikaw? Pag-usapan natin mamaya kung ilang buwan ang penalty mo. Mga kalahating taon ka sigurong hindi pwedeng magsama ng ka-date dito sa riding club.”

Napaupo nang tuwid si Reichen. “T-Teka, Kuya. Joke lang iyon.”

“At seryoso naman ako sa penalty ko,” walang kangiti-ngiting sabi ni Reid.

“Anong inirereklamo mo? Your voice isn’t that great, Reid. At alam ko rin ang kwento na muntik ka nang itakwil bilang Alleje dahil sa boses mo,” kantiyaw ni Tamara, ang resident veterinarian ng riding club.

Dito nabaling ang galit ni Reid. “Ah! Pangit pala ang boses ko. You’re fired!”

“Oh! That sounds heaven!” anang si Tamara na parang nakahinga nang maluwag. “Bye, guys! I am out of here!”

“S-Sandali! Hindi ka pwedeng umalis,” wika ni Reid at hinabol ito.

“How sweet,” she said dryly. “Ako lang ang walang ka-date.”

Ibinaling na lang niya ang atensiyon sa dim na ilaw sa stage. Magsisimula na ang show. She heard a strum of guitar. Hindi pamilyar sa kanya ang piyesa. Noon lang niya narinig pero mukhang masarap pakinggan.

“This sounds promising,” Reichen commented. “Kaso baka hanggang intro lang iyan. Sayang naman kung hanggang intro lang.”

“You are in the middle of the crowd and you caught my eye. My world simply drowned when you gaze at me.”

Lumabas ang isang lalaki sa stage. Subalit dahil madilim ay hanggang aninag lang siya. “T-That song is familiar. And that voice as well.”

“And I thought that angels sing when you smiled at me,” pagpapatuloy nito.

Napatayo siya sa kinauupuan kasabay ang malakas na kaba ng dibdib. “That’s JED! Si JED ang kumakanta!” bulalas niya.

“Member ba siya dito?” tanong ni Romanov.

“I don’t know. Sana sinabi na ni Kuya Reid sa akin,” wika ni Reichen. “Baka naman kaboses lang niya.”

“Hindi ako pwedeng magkamali!” giit niya. Narinig na niya ang kantang iyon. Di lang niya matandaan kung saan. “Pero sana nga kaboses lang niya.”

“What’s in you girl that makes my heart tick? The look in your eyes, there’s love that I can’t miss. You make my knees weak.”

Nagsigawan ang mga kababaihan sa loob ng bistro nang bumukas ang spotlight at tumutok sa singer. Si JED nga ang kumakanta. It was really him. Gusto niyang tumakbo nang mabilis, palabas sa lugar na iyon habang ang ibang kababaihan ay nagpapakamatay sa kasisigaw makita lang nito. Pero di niya maigalaw ang paa. Napako na lang siya sa kinatatayuan habang nakatitig dito.

At a distance, their eyes met. Pakiramdam niya ay naglaho ang mga tao sa paligid nilang dalawa, Katulad nang gabing iyon sa concert. He was holding a rose as he walked towards her. Sa pagkakataong ito ay triple na ang bilis sa kaba ng dibdib niya. “Coz you are the girl who makes my heart sing.”

Naihagis niya pabalik dito ang rose. “Go away!” sigaw niya at saka siya nagtatatakbong lumabas ng bistro. Narinig niyang may tumawag sa pangalan niya pero di niya pinansin. Umuugong ang tainga niya hanggang makarating siya sa kotse niya at pinaharurot iyon pabalik ng boutique niya.

Tinampal-tampal niya ang pisngi. “This is a nightmare. This place is a nightmare. I want to wake up.” Napaungol siya. “Katapusan ko na.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.