Napigil niya ang paghinga nang marinig ang boses ni JED. Ito ang nagpadala ng roses sa kanya. Ang lalaki na pwede na niyang pakasalan. Nasapo niya ang dibdib at nilingon ang mga bulaklak. “Y-Yes. Pero sobrang dami naman.”
“You told me that you like flowers.”
“Yes. But I didn’t say the whole flower shop. Parang malulunod na nga ako sa dami ng mga bulaklak dito.”
“Galit ka ba?” nag-aalala nitong tanong.
“I am not,” she said in a more gentle voice. “I am just a bit shocked. But JED, a single rose from you is enough to make me smile.
“I’ll keep that in mind,” he said with glee in his voice. Parang bata ito na excited at nagpaalam na.
Napatingin na lang siya sa cellphone. “Bakit ko ba sinabi iyon? Na kahit isang rose lang galing sa kanya, ngingiti na ako. Baka akala niya gustong-gusto ko siya.”
Sa ibang nagbibigay ng bulaklak sa kanya, di siya makangiti. She appreciated the roses but never the sender. Di tulad kay JED. Nang makita niya ang bulaklak at sabihin nitong galing dito, nakadama rin siya ng kilig. Parang gusto rin niyang makiamoy sa mga roses kung di lang nakatanghod sa kanya ang tatlong asungot.
“O, anong tinitingin-tingin ninyo diyan?” tanong niya.
“Si JED ba ang nagpadala?” tanong ni Karyl.
“Nililigawan ka ba niya, Ma’am?” tanong naman ni Bianca.
“Ay, hindi! Hula ko sinagot na niya!” kinikilig na tili ni Riziel. “Ay naku! Kung si Jason Erwin Dean lang naman, kahit ako pa ang mamikot sa kanya.”
Namaywang siya. “Mga tsismosa talaga kayo! Wala kayong narinig. Wala kayong alam. Oras na kumalat ito sa riding club, lagot kayo sa akin.”
“Ma’am, malamang kumalat na ang balita,” wika ni Riziel. “Bilhin ba naman ni JED ang buong flower shop at ialay sa inyo.”
Nasapo niya ang noo. “Naku, JED! Sakit ka talaga ng ulo. Sa dinami-dami ng babae, bakit ako pa ang kinukulit mo? Ganoon ba ako kaganda?”
“JED! JED!” tilian ng mga babaeng nagkakagulo kay JED habang breaktime sa shooting commercial. Ito na lang kasi ang walang girlfriend sa banda kaya ito ang dinudumog. Habang ang ibang member ng The Switch ay nakabantay ang nobya.
Nangingiti na lang si Jenna Rose habang pinapanood ito kung paano iha-handle ang mga makukulit na fans. The riding club companions who branded themselves as ‘true ladies’ were giggling like teenagers. Parang nakalimutan ng mga ito ang rules ng pagiging ‘lady’ habang nasa riding club.
“Well, I used to be one of them when I was younger,” isip-isip niya. But she was not a kid anymore. Di nga lang niya alam kung bakit may kakaiba pa rin siyang nararamdaman para kay JED kahit di na siya fan nito.
Napansin niya si Reichen na nakasandal sa isang puno at nakahiwalay sa karamihan. Nakatingin lang ito kay JED na pinagkakaguluhan ng mga babae.
Nilapitan niya ito. “Hey, mukhang mag-isa ka lang. Nasaan na ang ka-date mo?” Di kasi siya sanay nang wala itong kasamang babae.
Malungkot lang itong tumingin sa direksiyon ni JED. “I guess t is cool to have a nice voice. Pinagkakaguluhan ka ng mga babae. Di mo kailangang magsalita o gumamit nang kung anu-anong salita.”
Nakuha na niya ang punto nito. Iniwan ito ng ka-date nito para lang makitili kay JED. And it didn’t do well for Reichen. Sanay itong hinahabol-habol ng mga babae di lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa dahil isang world-renown equestrian ito. Ngayon lang niya ito nakitang na-insecure sa kapwa lalaki.
“Well, you can’t really blame them. Na-star struck lang sila.” Tinapik niya ang balikat nito. “But it is okay. Kahit wala kang boses na kasingganda nang kay JED, girls still go after you. And you don’t even have to talk. You are a natural charmer. As if you don’t know that.”
Saka lang ito ngumiti. “Thanks, Jen. May nakaka-recognize pa pala ng kaguwapuhan ko. I must admit that for a moment, I feel insecure.”
“Iyan ang huwag na huwag mong mararamdaman. Ang ma-insecure.”
Nagtaka silang nang tumigil ang tilian. Nakita niya na papalapit sa kanila si JED at walang kangiti-ngiti. Ano kayang problema? Di siya sanay nang di ito nakangiti. Mukha tuloy itong masungit at nakakatakot.
“Excuse me, Reichen. May I borrow Jen for a while?” tanong ni JED. “May kailangan lang akong ipaayos sa kanya.”
“Sure,” anang si Reichen nang ngumiti nang bumalik ang ka-date nito dito.
“Anong ipapaayos mo sa akin?” tanong niya nang akayin siya ni JED papunta sa van ng grupo nito.
“Hindi ko napansin na may punit ang damit ko.” He was wearing a black sando topped with white short sleeved shirt polo and jeans. “Can you fix it?’
“May sira ang damit mo? Nasaan?” tanong niya at sinipat-sipat ang damit nito. “Wala naman akong makitang punit. Baka naman minor na sira lang iyan. Pero wala talaga, eh!”
“Heto!” anito at hinila ang manggas ng polo nito nang ubod lakas.
Napunit iyon. Nanlaki ang mata niya. “JED, bakit mo pinunit?”
“Maliit lang kasi ang sira kanina kaya hindi mo makita. Ngayon malaki na ang sira. Siguro naman pwede mo nang tahiin.”
Lalo siyang naguluhan dito. “Ano bang problema mo?”
“Sira nga ang damit ko. Pagagalitan ako ni Direk Rome kapag di naayos iyan.” Hinubad nito ang polo at inabot sa kanya. “Pwede mo na bang tahiin?”
“JED, Jen, is there a problem here?” tanong ni Romanov na siyang director ng MTV-commercial.
“I ruined my polo, Direk,” malungkot na sabi ni JED. Sa itsura nito ay parang aksidente ang pagkakasira ng polo nito.
“Malapit na ang eksena mo at ito pa rin ang isusuot mo,” anang si Romanov na halatang dismayado. Perfectionist at mabusisi kasi ito sa lahat ng ginagawa. Ayaw niyang kahit na maliit na detalye ay maibubutas sa project nito.
“Don’t worry, Direk. Jen will help me fix it,” pagmamalaki ni JED. “Hindi ba, tutulungan mo ako na maayos ang polo ko?”
“Walang problema, Romanov. Ako na ang bahala,” aniya.
“Well, if you can’t repair it on time or if it is really irreparable, pwede naman siguro na huwag na lang nating gamitin sa eksena,” wika ni Romanov.
“Hindi, Direk!” kontra agad ni JED. “Ayokong masira ang commercial. Masisira ang continuity ng eksena. Kayang-kaya naman ni Jen na ayusin iyan.”
“Can you really fix it?” tanong ni Romanov sa kanya.
Tumango siya. “Sure. Just give me a few minutes.” Saka niya kinuha ang polo ni JED at di maipinta ang mukhang pumunta sa pwesto niya sa shooting location para kunin ang sewing kit niya.
Nakasunod naman sa kanya si JED. “Thanks for helping me out. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala ka.”
Maasim niya itong nginitian at umupo sa folding chair niya. “Ganoon ba? You don’t really have to thank me, JED. I am just doing my job.”
Umuklo ito sa harap niya at pilit na hinuhuli ang tingin niya. “Are you mad at me?” he asked in a soft voice. Na parang takot itong magalit siya.
“May dahilan ba para magalit ako sa iyo?”
“Bakit hindi ka ngumingiti?”
Inangat niya ang tingin mula sa sinusulsi. “Hindi ko lang maintindihan kung bakit pinunit mo na lang basta ang damit mo. Are you insane?”
He breathed deeply. “Perhaps I am.”
Malungkot ito habang pinagmamasdan siya. Di niya alam kung ano dapat nitong ikalungkot. Wala naman siyang ginawagang masama dito. Sa katititig nito ay di tuloy siya makapag-concentrate sa pagsusulsi ng polo nito. Nanginginig ang kamay niya. At baka mamaya ay matusok pa niya ang daliri kapag natuliro siya.
“JED, bumalik ka na muna kaya sa bandmates mo? Dadalhin ko na lang sa iyo mamaya kapag natapos ko na ito,” wika niya.
She felt his apprehension to leave her. Sa huli ay nanatili pa rin itong nakatayo sa harap niya at nakatingin. “Do you like Reichen?”
“Ha? What do you mean like?”
“Like. Kung gusto mo siya. Or are you even in love with him?”
“Si Reichen?” Natawa lang siya. “Mukha ba akong may gusto sa kanya?”
“Well, it looks like you get along together. Mukhang nag-e-enjoy din siyang kasama ka.”
“Reichen is just like my older brother. Pareho kasi silang playboy. And I know that he also considers me as his little sister. One of the few. Isa siguro ako sa mga babae na hindi niya ide-date kahit kailan. Bakit mo naitanong?”
“Well, most of the girls here like him. Magkausap nga kayo kanina, di ba?”
“I am just trying to comfort him because his date left him just to get your autograph. Nagseselos kasi siya na nasa iyo ang lahat ng atensiyon ng mga babae dito sa riding club,” paliwanag niya.
“Wala siyang dahilan para magselos. Hindi ako interesadong makuha ang atensiyon ng ibang babae. All I want is your attention.”
Her mouth gaped open. “A-Atensiyon ko? Para saan? Para matahi ko ang damit mo? Well, you got my attention, alright. And I am fixing it. Satisfied?”
“That is not what I mean…”
“JED, it is almost time,” tawag dito ni Eunice. “Magre-retouch ka na.”
“Ugh!” usal ni JED. “I really hate putting on make up.”
Di niya mapigilang humagikgik. Daig pa kasi nito ang bibitayin. “It is a part of your job. Malapit nang matapos ito. Ipapadala ko na lang.”
Napapitlag siya nang halikan siya nito sa pisngi. “Thanks. How about another batch of flower shop later for fixing my clothes?”
“Uh… well…” Her heart was beating fast. Ano bang ginagawa nito sa kanya? Ganoon ba siya kaespesyal para padalhan na naman ng santambak na bulaklak para lang sa pagsusulsi niya sa damit nito. He was really so weird. “JED, nasabi ko nang hindi ko kailangang ng flower shop, di ba?”
“How about dinner tonight?” alok nito.
“Dinner?” Niyayaya ba siya nito na makipag-date? She was about to say yes when Eunice called him again in a shrilled voice.
“JED!” naiinip na tawag ni Eunice dito at nilapitan na ang binata. “Nakakahiya kung paghihintayin mo sila. At hindi ka pwedeng makipag-dinner sa iba mamaya. May naka-schedule ka nang meeting mamayang gabi.” At saka siya nakaismid na tiningnan ni Eunice.
“What meeting?” tanong ni JED.
Hinila na ito ni Eunice palayo. “Mamaya ko na ipapaliwanag sa iyo.” Nang inaayusan na si JED ng make up artist ay nilapitan ulit siya ni Eunice. “Will you stop bothering JED? Nakita mo naman na busy siya sa trabaho, hindi ba?”
HIndi niya nagustuhan ang tono ng boses nito. “Iyon ba sa palagay mo ang ginagawa ko? Na ginugulo ko ang trabaho niya?”
Humalukipkip ito. “I think it is where you are good at. You are too hungry for his attention.”
Iwinagayway niya ang polo ni JED. “I am just fixing his shirt.”
“What a cunning way to get his attention.”
Parang pinalalabas nito na siya ang may pakana para masira ang damit ni JED at siya mismo ang nagprisinta na ayusin ang damit ng binata. “So mas gusto mo na nasa iyo ang lahat ng atensiyon ni JED?” Inabot niya ang polo ni JED dito. “Next time JED ruins his dress, fix it yourself. Ikaw na ang gumawa pati ng trabaho ko. O baka gusto mo rin ikaw na rin ang maging make up artist niya at lahat na para walang ibang makakuha ng atensiyon niya. Ikaw na lang ang mabuhay.”
Padabog niyang isinara ang sewing kit niya at sumakay sa kotse niya. Di na kasi niya matagalang makita ang mukha ni Eunice. Nag-iinit ang dugo niya. Baka mapatulan lang niya ito nang wala sa oras. Mukha ba siyang naghahabol ng atensiyon ni JED? Kung ayaw nitong maagaw ang atensiyon ni JED ng ibang babae, sakluban na lang nito ng sako sa ulo para walang ibang makakita.
Tinawagan niya si Riziel sa boutique. “ Pabalik na ako diyan. Ikaw na lang ang magbantay dito sa shooting. Ayokong makakita ng monster! Sira na ang araw ko.”
PARANG karaniwang araw lang iyon para kay Jenna Rose. Tulad nang dati ay nagdya-jogging siya bago ang simula ng trabaho. It was so weird. Di nga siya nakatanggap ng flower shop mula kay JED. Santambak na lobo naman ang ipinadala sa kanya. Mukha tuloy may children’s party sa boutique niya.
“Hindi ko alam kung dapat akong matuwa tuwing magkikita kami at ginagawan ko siya ng pabor. Lagi siyang sobra kung magbigay.” She found it sweet. Kinikilig nga ang mga tauhan niya. Pero di naman talaga iyon ang kailangan niya. Mas mahalaga sa kanya ang nararamdaman ni JED para sa kanya kaysa sa mga bagay na pwede nitong ibigay sa kanya.
“Good morning!” narinig niyang bati ni JED.
Muntik na siyang umurangod na naman sa kalsada nang makitang kasabay na niya itong nagdya-jogging. “JED, bakit ka nanggugulat?” singhal niya.
“Sorry. Magugulatin ka kasi.”
“Why are you running? Hindi ba mas gusto mo ang mag-horseback riding?”
“Paano kita makakasabay mag-jogging kung nakasakay ako sa kabayo?”
“Bakit kailangan pang kasabay mo akong mag-jogging?”
“Para kumpleto ang araw ko. Do you like the balloons?”
Tumigil siya sa pagtakbo. “JED, ano na naman ito? Will you stop sending me things that I don’t need? I appreciate them because they are pretty. But please…”
“Okay lang sa iyo na mag-breakfast tayo ngayon.”
Natigilan siya sa pagpoprotesta dahil nag-iba ito ng strategy. “B-Breakfast?”
“Oo. Siguro naman okay lang sa iyo ‘yon.” Hinila nito ang kamay niya. “Halika, diyan lang tayo sa Rider’s Verandah. My treat.”
Di na siya makakontra at sumunod na lang dito. It was like an early morning date. Di niya maiwasang makaramdam ng kilig. “Kumusta ang shooting kahapon?”
“Thanks for fixing my shirt. Hindi halatang may sulsi. You are really good.”
“JED, huwag mo nang uulitin iyon, ha? Why did you ruin your shirt?”
Nawala ang ngiti nito. “Why don’t you ask yourself?”
“Magtatanong ba ako sa iyo kung alam ko?”
Ngumiti ito. “Let’s not discuss it. Ikaw, bakit di ka sumali sa commercial? You have a nice hair. Bagay kang maging model.”
“Hindi kaya ni Neiji ang talent fee ko. Kuripot iyon,” pabiro niyang sabi.
“But I really think you would look good on it,” titig na titig nitong sabi. “Ihahatid na kita sa boutique. Huwag kang kokontra.”
Di niya maiwasang ngumiti habang naglalakad sila at nakatuon sa kanila ang atensiyon ng buong riding club. But she was comfortable to be with JED. Masarap kasi itong kakwentuhan. Naiilang nga lang siya kapag tumititig ito sa kanya. Parang gusto siyang tunawin.
“Goodluck na lang sa commercial shooting mamaya.”
He brushed his lips across her cheek. “See you later then.”
Malapad ang ngiti niya nang pumasok sa boutique. Nakita niya ang mga nanunuksong tingin ng mga tauhan. “Anong nginingiti-ngiti ninyo diyan?”
“Wala po, Ma’am. Magtatrabaho na kami,” sabi ni Karyl.
Ganado siyang magtrabaho nang bumungad ni Arnette “We are in big trouble,” Sa itsura nito ay parang hinabol ito ng sampung rapist.
“Pwede bukas na lang ang trouble?” Abala pa siya sa pagkakabit ng rhinestones at sequence sa gown na kailangan sa gabing iyon. Mamayang gabi na ang final shooting ng commercial ng Stallion Shampoo and Conditioner.
“Kulang kami ng model. Di pa bumabalik from Milan. Stranded siya doon.”
“Then hire another one. It is not a hard job.”
“Nakapili na kami ng kapalit niya.”
“So wala na palang trouble kung ganoon.”
“Ikaw ang napili ni Sir Neiji at ni Direk Romanov para pumalit sa kanya.”
“Ano?” mataas ang boses niyang tanong. “Bakit naman ako?”
“Ikaw ang fitting model ang gown na isusuot ng model na iyon. And you are pretty. You have a pretty hair. Pang-Stallion ka!”
“Ano naman ang gagawin ko doon? Kakain ng apoy?”
“You will just stand there and smile.”