Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 86

“Ano? Sinampal mo si Crawford?” pasigaw na bulalas ni Carlo na napadiin ang pagkakamasahe sa kamay niyang minamasahe nito at katatapos lang I-paraffin wax.

Nanakit na kasi ang kamay niya sa pagbibitbit ng grocery. Disoriented siya nang umalis sa supermarket sa takot na baka sundan siya ni Crawford at komprontahin. Di siya matahimik sa ginawa. Matapos lumipat ng supermarket para mamili ng grocery ay tumuloy na siya sa parlor ni Carlo. Nang mga oras na iyon, sa tingin niya ay ito lang ang kakampi niya.

“Aray!” sigaw ni Nicola. “Parang galit ka sa akin. Huwag mong sabihin sa akin na gusto mo rin si Crawford?”

“Heh! “ saway nito sa kanya. “Hindi iyon ang point ko. Alam mo ba kung anong gulo ang ginawa mo? In front of national TV, sinampal mo si Crawford Oreña na pantasya ng mga kababaihan, isa sa mga tinitiliang Stallion boys. Sige nga, anong karapatan mo na basta-basta siyang sampalin? Kaya niyang bilhin kahit kaluluwa mo. Hindi mo ba naisip ang implication ng ginawa mo?”

Nakagat niya ang labi niya. Malaking kahihiyan ang gianwa niya kung sakali. Pero di naman siya papayag na wala siyang karapatan na sampalin si Crawford kahit na gaano pa ito kayaman o kasikat. “Hindi ko na kasi napigilan ang sarili ko sa sobrang galit ko sa kanya. Nasampal ko na lang siya. Saka kasalanan niya iyon. Dapat lang sa kanya na sampalin.”

“Binastos ka ba niya? Hindi naman, ah! Dapat ma-flatter ka nga dahil sa dami ng mga babaeng nandoon, ikaw ang pinili niya bilang pinakamaganda.”

“Sinabihan pa rin niya akong pangit.”

“Dati iyon. Wala na iyong kinalaman sa ngayon. Wala siyang kasalanan sa iyo ngayon, eh! Kung anuman ang problema ninyo dati, the supermarket with camera in front of you is hardly the appropriate place to discuss it or extract revenge.”

Di na siya makatingin pa nang diretso dito. He was right. She acted hastily. Ni hindi na siya nag-isip pa. Gusto lang kasi niyang protektahan ang sarili dahil unti-unti na naman siyang naaapektuhan ni Crawford.

“Kung bakit sa dinami-dami ng gagawin nilang host para sa Stallion Shampoo promo na iyan, si Crawford pa ang napili nila?” maktol niya.

“Ikaw sana ang nagpigil sa sarili mo. Nasaan na ang kilala ko na Nicola na matatag ang dibdib? Hindi basta-basta nagpapadala sa galit at laging nag-iisip bago unahin ang nararamdaman niya?”

Nawala na ang Nicola na iyon nang makita niya si Crawford. Pakiramdam niya ay sinapian siya ng espiritu ng kanyang nakaraan. Kaya nang natauhan siya, naibuhos niya ng frustration kay Crawford at nasampal niya. “Siguro naman pinutol niya ang eksena na iyon at di nila ipapalabas sa TV.”

“Sa tingin mo ba mapapalagpas ni Crawford na sinampal mo na lang siya? Kahit na sabihin mo pang hindi iyon ipapalabas sa TV, marami pa ring taong nakakita. Napahiya pa rin iyong tao.”

Napayuko siya lalo. “Siguro naman hindi niya ako nakilala.”

“Sinabi mo na Nicola ang pangalan mo, hindi ba? Malamang matandaan ka. Saka may footage ka sa kanila. Sa lakas ng kapangyarihan ng mga Oreña, di nila palalagpasin ang ginawa mo. Ha-hunting-in ka nila.”

Nagpapadyak siya. “Carlo, nananakot ka naman, eh!”

Isa sa pinakamakapangyarihan sa bayan nila ang mga Oreña. Kilala ang mga ito sa news and current affairs. Kaya nga sikat na rin si Crawford at ang kapatid nitong si Claudine bilang mga magagaling na host. Malawak na rin ang impluwensiya ng mga ito sa buong bansa. Hindi niya ma-imagine kung anong parusa ang pwedeng igawad ni Crawford sa pamamahiya niya dito.

“Hindi ako nananakot. Sinasabi ko lang ang totoo.”

“A-Anong gagawin ko?” nanginginig sa takot niyang tanong.

“Dapat mag-sorry ka kay Crawford. Mali ang ginawa mo.”

“Pwede bang iba na lang ang gawin ko? Huwag lang mag-sorry. What I did was justified. Ganti ko lang iyon sa kanya…”

Idinuldol nito ang daliri sa sentido niya. “Isaksak mo ito sa kukote mo. Mali ang ginawa mo. Paano kung komprontahin ka na niya?”

Napaisip siya. Ayaw na kasi niyang ungkatin pa ang mga kadramahan nila ni Crawford. Tiyak na ide-deny lang nito ang kasalanan nito at magpapa-cute sa kanya. Kayang-kaya naman kasi nitong gamitin ang natural charm nito para mapaamo ang kahit sinong babae. At aminado siyang nanghihina siya kapag kaharap ito.

“Magkukunwari na lang akong baliw,” palusot niya.

“Willing ka ba ng tumira sa mental? At paano nga pala kung ipalabas sa TV ang kuha ninyo?”

Nanlaki ang mata niya at umiling. “Oh, no! That would be the end of the world for me. Huwag naman sanang mangyari iyon dahil baka sa Spratly’s Island na ako tumira.”

“Alam ko na kung paanong hindi magagalit sa iyo si Crawford.”

“Paano?” interesado niyang tanong.

“Halikan mo kapag nakita mo.” Pinapungay nito ang mata na parang nang-aakit. Then he licked his lips. “O kaya isang gabi sa piling niya para romantic.”

Nagdilim ang mukha niya. “Hindi pa naman bumibigay ang utak ko. Ano siya, sinuswerte? Magpapasampal na lang ako sa kanya kung gusto niyang gumanti.”

“Then take a rest. Huwag ka nang mangunsumi dahil magiging chaka ka. You are strong. Kaya mong malusutan iyan. Kaya itulog mo na lang iyan. Paggising mo bukas, isipin mo na lang na isang masamang panaginip lang ang lahat.”

Sana nga ay magawa niya ang payo nito. Na isiping bangungot lang ang lahat paggising niya. Na maitutuwid niya ang pagkakamali niya.

Subalit kaya ba niyang matulog kung di maalis sa utak niya ang guwapong mukha ni Crawford hanggang ngayon?

HAPONG-HAPO ang pakiramdam ni Nicola nang dumating sa bahay. As if there would be an impending doom hanging above her head. Bitbit ang mga grocery bags ay nadaanan niya si Mhelai na nanoood ng TV. Ni hindi siya nito pinansin dahil nakatutok ang mata nito sa TV at nanonood ng telenovela.

“Gabi na. May pasok ka pa sa review school bukas,” paalala niya. Accountancy ang natapos nito at kasalukuyang pumapasok sa review school para sa susunod na board exam. Sila na ng mommy niya ang nag-alaga kay Mhelai mula nang maulila ito dalawang taon na ang nakakaraan.

“Hindi pa ako inaantok,” sagot nito at di inaalis ang tingin sa TV.

Tumuloy siya sa kusina. “Natanggap mo ba ang ipina-deliver ko?”

Nasagot rin niya ang sariling tanong nang makita ang plastic bag na may tatak ng restaurant na kinainan niya kanina sa basurahan. Mula sa parlor ni Carlo ay tumuloy siya sa isang restaurant di kalayuan sa bahay nila para makapag-isip-isip. Nagpa-deliver na rin siya ng pagkain para di na niya intindihin pa ang mga kasama.

“Nasaan nga pala si Mommy?” tanong niya nang balikan si Mhelai sa sala.

“Umalis kasama si Mark.”

“Ano? Pinayagan mong umalis si Mommy kasama ang lalaking iyon? Baka kung saan na naman niya kaladkarin si Mommy.” Baka pati ang konting pera na ibinigay niya sa mommy niya ay ibigay pa sa Mark na iyon. “Mhelai, hindi ba kabilin-bilinan ko sa iyo na huwag mong paaalisin si Mommy?”

“Bakit mo ginawa iyon, Ate?” tanong nitong may bahid ng galit at hinanakit. Ngunit ang mga mata nito ay nakatutok sa pinapanood na Koreanovela.

Nagulat siya sa paraan ng pagtatanong nito at napatingin sa palabas. Comedy naman ang episode na iyon ng Princess Hours. Subalit bakas ang galit sa mata nito. Baka naman nadala pa ito sa nakaraang eksena sa Maging Sino Ka Man na mas naunang ipinapalabas kaysa sa Princess Hours at di pa ito nakaka-get over sa drama. “Oy, Mhelai! Tinatanong kita nang maayos. Huwag kang magpalusot ng mga kadramahan mo. Bakit hinayaan mong makaalis si Mommy?”

Tumayo ito at bakas ang galit sa mga mata. “Ikaw, Ate. Bakit mo nagawa iyon? Alam mo bang nasaktan ako sa ginawa mo?”

“H-Hindi kita maintindihan.”

Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at niyugyog. “Bakit nagawa mong saktan ang pinakamamahal kong si Crawford? Si Crawford na walang malay!”

Natigagal siya. “S-Si Crawford? A-Alam mo na ang sa amin ni Crawford?”

Paano nito nalaman? Hindi naman siguro sinabi ni Crawford dito. May nakakilala ba sa kanya nang sampalin niya si Crawford?

“Oo.” Inabot nito sa kanya ang cellphone. Naubos na ang dugo sa mukha niya nang makita sa video kung paano niya sinampal si Crawford. “Ipinadala iyan sa akin ng kasamahan ko at pinagpapasa-pasahan na ngayon sa mga cellphone. Malamang, ipapalabas na rin iyan sa TV. Alam mo ba kung anong kahihiyan ang ibinigay mo sa pamilya natin? At paano naman ang mahal kong si Crawford? Sinaktan mo siya nang wala siyang kalaban-laban!”

Gusto nang gumuho ng mundo niya. Pakiramdam niya nang mga oras na iyon ay lumulutang siya at wala na ang kaluluwa niya sa kanyang katawang-lupa. Pinagpapasa-pasahan na ang video nila ni Crawford. Malapit na ring mai-plastada ang mukha niya sa TV at sa diyaryo pati na rin sa Internet. Ano kaya ang iniisip ng mga tao sa kanya ngayon? Pinsan pa nga lang niyang si Mhelai, parang gustong-gusto na siyang isumpa.

“Mhelai, magpapaliwanag ako.”

Ibinuka nito ang palad sa mismong mukha niya. “Hindi ko na kailangan! Umalis ka na sa aking harapan! Damdamin ko sa iyo ngayon ay naglaho na.” Dinuro nito ang mukha niya. “At ito ang iyong tandaan. Ako’y masyadong nasaktan. Pag-ibig at pagsuyo na kahit nasa luha. Pagbabayaran mo.”

Nabawasan ang pag-aalala niya dahil tinula nito ang linya sa kantang Luha ng Aegis. Tumawa na lang siya sa pagdadrama nito. “Mhelai, di ka naman talaga galit sa akin, di ba? Ang totoo, kasalanan ni Crawford iyan.”

“Paanong naging kasalanan ni Crawford? Ubod ka nga ng swerte dahil ikaw ang pinili niya bilang pinakamagandang babae sa lahat ng namimili ng Stallion Shampoo. Binigyan ka na nga ng prize. Tapos siya pa ang masama? HIndi ka naman niya binastos. Napaka-gentleman at napaka-romantic pa nga niya kanina,” anitong kumikinang ang mga mata habang nangangarap. “Wala kang karapatan na basta-basta na lang siyang sampalin, Ate. Di mo siya dapat idinamay sa pagiging man-hater mo! Kawawa naman si Crawford!”

“Anong palagay mo sa Crawford mo? Ubod nang perpekto?” Di na rin niya mapigilan ang namumuong galit sa dibdib. Gusto naman niyang ipagtanggol ang sarili niya. “HIndi mo alam kung ano ang totoo niyang kulay. Kahit gaano pa siya kaguwapo, impakto naman siya.”

“Hindi mo kilala si Crawford kaya wala kang karapatang sabihin iyan!”

“Matagal ko na siyang kilala!”

Naumid si Mhelai. “Paano naman kayo nagkakilala ni Crawford?”

Umupo siya sa sofa. “High school pa lang kilala ko na siya. I used to like him. Akala ko kasi mabait siya at gentleman. Na hindi siya kasingbabaw ng ibang mga lalaki. Puro physical lang ang tinitingnan niya sa isang babae. Wala siyang ipinagkaiba kay Daddy. Nagkukunwari lang si Crawford na sweet pero ang totoo, makitid din ang utak niya.”

Humalukipkip ito. “Hindi mo siya naging boyfriend?”

“Sa palagay mo ba magiging boyfriend ko ang walang kwentang tulad niya? Mabuti na lang mas maaga akong natauhan. Kaya matauhan ka na rin. Ako ang pinsan mo. Ako ang nadehado. Dapat lang sa kanya ang ginawa ko,” katwiran niya.

Umiling ito. “Hindi ako naniniwala. Bitter ka lang dahil ako ang mahal niya,” anito at saka nag-walk out. Tuluyan na itong nagkulong sa kuwarto.

Ibinagsak niya ang sarili sa sofa. “Yeah, great! Ako pa ang bitter ngayon.”

Tama naman si Mhelai. Bitter nga siya dahil di siya nagustuhan ni Crawford kung ano siya. Pero hindi iyon ang inaalala niya ngayon. She had a feeling that she won’t get a good night’s rest starting that night.

NAPAHIKAB si Nicola habang binabaybay ng sinasakyan niyang taxi ang Ayala Avenue. Papasok na siya sa opisina subalit sa palagay niya ay naka-shut down na siya sa tunay na mundo. Di niya pinabuksan ang TV at di rin siya bumuklat ng diyaryo. Pinatay din niya ang cellphone niya.

Pinaghandaan na niya sakali mang kumalat na ang balita tungkol sa kanila ni Crawford. As a popular personality, Crawford had the power to influence his colleagues. Kaya nitong patahimikin ang anumang kakalat na masamang balita tungkol dito subalit di lahat ay kaya nitong pigilin. Kaya mabuti nang wala siyang maririnig o mapapanood na kahit ano para di lalong masira ang ulo niya.

She’d treat it as a usual day. Na tambak ang trabaho niya. Na di sila nagkita ni Crawford nang nakaraang araw at di niya ito nasampal. At tungkol sa pagkalat ng balita, problema na iyon ni Crawford. She won’t do anything at all.

“Miss, dito na po tayo,” anang taxi driver.

“Thank you po.” Inabot niya ang bayad dito. Pagbaba niya ng taxi ay nagulantang siya nang dumugin siya ng santambak na mga reporters. Nakaduldol na ang microphone, cellphone at recorder sa pagmumukha niya. Sandamakmak ding camera ang nakatutok at kumikislap para kunan siya ng larawan. “Ano ito?”

“Miss Tesorio, totoo ba na na-harass kayo ni Crawford Oreña kaya ninyo siya sinampal?” tanong ng isang reporter.

“Baka naman isa lang kayo sa mga babaeng nagpapapansin sa kanya,” tanong ng isa pa. “O dating girlfriend siguro na di niya binalikan.”

“Galit ka ba sa kanya dahil may anak kayong dalawa? Hihingi ka ng sustento?”

“Please! Leave me alone! No comment!” sabi niya habang pilit na nilulusutan ang mga reporters.

She was relieved when the building’s security came to the rescue. “Ma’am, dito po tayo.” At inalalayan siya papasok sa building.

So much for trying to fight the attraction I feel for Crawford. Is this the price that I have to pay?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.