Stallion Series (Sofia Edition) Chapter 87

“Dapat sa iyo bitayin! Wala kang karapatan na saktan si Crawford! Di ka kagandahan at di ka pinapansin ni Crawford kaya galit na galit ka sa kanya. We hate you!” Umaalingawngaw pa rin sa tainga ni Nicola ang sigawan ng mga babaeng nagpo-protesta sa harap ng Synergy Advertising.

Kumalat na ang balita tungkol sa kanila ni Crawford. Hindi lang mga reporters ang nakatambay sa harap ng opisina nila. Ngayon pati ang mga fans ni Crawford ay willing mag-vigil laban sa kanya. Ngayon niya nakita kung gaano katindi ang powers ng kaguwapuhan ni Crawford at kung gaano kadami ang mga babaeng nababaliw dito. Mortal na kaaway na ang tingin ng mga ito sa kanya.

“Carlo, ayoko na dito. Pakiramdam ko gusto akong bitayin ng lahat ng tao,” sumbong niya sa kaibigan na kasalukuyang kausap sa telepono. Wala na kasi siyang ibang matatakbuhan kundi ito lang. “Iyong mga officemates kong babae, lahat patay na patay kay Crawford. Parang gusto nila akong balatan nang buhay tuwing tinitingnan nila ako. Iyong mga lalaki naman, parang takot na tumingin sa akin. Akala yata sasampalin ko rin sila tulad ng ginawa ko kay Crawford.”

“Kumusta naman ang mga reporters? Nakabantay pa rin ba sila?”

“Oo. Kaya nga hindi ako makalabas kanina para mag-lunch. Nagpa-deliver na lang ako. Tapos iyong mga fans ni Crawford, nagwawala sa harap ng building. Gusto na yata akong ipa-lethal injection.” Naipadyak niya ang paa. “Tapos nadagdagan pa ng mga fans ni Crawford. Di na yata ako makakalabas nang buhay dito.”

Di basta basta ang mga babaeng nagpoprotesta sa harap. Some were TV personalities and models. Ang iba naman ay anak ng mga may sinasabi sa lipunan. Umuusok na rin ang telepono sa dami ng banta sa kanya. Nagbabanta pa nga ang anak ng isang heneral na ipapa-salvage daw siya.

“Bestfriend naman kasi. Hindi lang basta guwapo ang sinampal mo. Sikat pa. Kita mo maraming sympathizers.” Humagikgik ito. “Pero in fairness, cute ang video ninyo sa TV. Parang lovers lang kayo na may LQ. Sabihin mo na lang na girlfriend ka ni Crawford at may LQ kayo para makalusot ka na.”

“Heh! Nagawa mo pang manukso. I won’t tell a lie just to save my hide. Magpaparatrat na lang ako sa bala kaysa akuin na boyfriend ko si Crawford. Pakiramdam ko tuloy pati trabaho ko nasa balag ng alanganin. Nasa amin ang account ng Stallion Shampoo and Conditioner.” Iyon ang shampoo na ipino-promote ni Crawford at malapit na kaibigan nito ang may-ari ng manufacturing company. “Paano kung I-pull out nila ang account nila dahil sa akin?”

Pinaghirapan pa mandin niya ang trabaho niya. HIndi na siya natutulog at nagpapahinga kahit bakasyon para lang magawa niya nang maayos ang trabaho niya ma-impress lang ang boss at mga kliyente nila. Ngayon, sa isang pagkakamali lang ay maglalaho na ang lahat ng pinaghirapan niya. Napakalupit ng tadhana sa kanya.

“Sinabi ko na sa iyo dati, hindi ba? Mag-sorry ka kay Crawford. Mabait naman iyong tao. Mapapatawad ka rin niya kapag nag-sorry ka. Luhuran mo. Mag-exotic dancing ka kung saka-sakali,” suhestiyon nito.

“Ayoko!” mariin niyang tutol. “Hinding-hindi ako magso-sorry sa kanya. Dapat lang sa kanya na sinampal ko siya.”

“Well, bahala ka na lang sa buhay mo kung ganoon. Hindi mo maibaba-baba iyang pride mo. Kita mo ngayon kung ano ang nangyari sa iyo.”

Nagpaalam na lang siya kay Carlo dahil uulanin lang siya ng sermon nito. Tama ito. Dahil sa pride niya, nagugulo ang mundo niya.

“Nicola, tawag ka ni Sir Arman sa conference room,” anang head ng graphics and art department na si Joanna Grace. Ilang araw na lang ay susunod na ito sa asawa sa Amerika at isa siya sa pinagpipiliang papalit dito. Ito lang din yata ang immune kay Crawfor dahil normal pa rin itong makitungo sa kanya.

“Thanks.” Kinakabahan siya dahil baka tungkol kay Crawford ang pag-uusapan. Di naman siguro siya masesensate dahil lang doon. Siguro naman bibigyan pa siya ng chance na magpaliwanag.

“Nicola, is he good in bed?” pahabol na tanong ni Joanna Grace.

“Huh? Pardon?”

Nanunukso itong ngumiti. “Is Crawford Oreña good in bed? Iyon kasi ang bali-balita. Masyado ka naman kasing tahimik. Baka nagalit ka sa kanya dahil inilihim niya ang relasyon ninyo o kaya nakipag-break siya sa iyo.”

Umiling siya. “No. It’s not really like that. You see…”

“Kahit naman ako magagalit kung iniwan niya ako. Mag-eeskandalo rin ako. Hay! Maswerte ka pa rin dahil nakasama mo kasing guwapo ni Crawford.”

“Mamaya na lang tayo mag-usap!” nausal na lang niya at tinalikuran ito. kahit naman anong sabihin niya, mukhang di rin ito maniniwala.

Nakangiting bumungad sa kanya si Boss Arman. Ito ang general manager ng kompanya at parang anak na ang turing nito sa mga empleyado nito. “Come in, hija.” Nakangiti ito. Ibig sabihin ay malayo kay Crawford ang pag-uusapan nila.

Pagpasok niya ay muntik na siyang magtatakbo palayo nang makita si Crawford na nakaupo sa conference table. Nakahalukipkip ito at direktang nakatingin sa kanya. It was intimidating. Lalo na’t wala itong kangiti-ngiti. Malayo ito sa Crawford na laging nakangiti. He looked dangerous at the moment.

“Good afternoon,” walang kangiti-ngiti rin niyang bati. Pilit niyang nilalabanan ang panginginig ng boses niya. Tumango si Crawford sa kanya.

She was used to considering him as her enemy. Ngayong nagdeklara na siya ng giyera, kaaway na rin ang turing nito sa kanya. At hindi pa niya alam kung gaano ito kalupit bilang isang kaaway. Ngunit handa na siya.

“Miss Tesorio, I am Attorney Manuel Gatpuno,” pakilala ng kasama ni Crawford. Mukha itong tisiko. Payat ito at naka-salamin pa na mukhang mataas ang grado. And he looked like a hawk. Hindi niya ito napansin kaninang pumasok siya dahil natuon lang ang buo niyang atensiyon kay Crawford. He still had that effect on her. Naglalaho ang lahat sa paligid niya kapag nakikita niya ito.

Kinamayan niya ang abogado. “It is a pleasure to meet you, Attorney.”

“I am representing Mr. Oreña on this case.”

Saglit siyang natigilan. “C-Case?”

Tumango ang abogado. “Yes. We are planning to file a case against you.”

“Ano? Idedemanda ninyo ako?”

She didn’t expect that things would go that far. Na makakaladkad pa siya sa korte dahil lang sa simpleng pagkakamali niya. Mabubulok ba siya sa bilangguan? Gusto niyang manlumo pero hindi niya iyon gagawin sa harap ng kaaway niya.

“That is the most appropriate thing to do. My client’s reputation is damaged with all the malicious issues triggered by your action, Miss Tesorio. Among the charges we will file against you are public scandal, physical injury and we might come up with more in the coming days,” pag-iisa-isa ng abogado ni Crawford.

Hindi siya makaimik dahil patindi na nang patindi ang bangungot niya. Ano na lang ang mangyayari sa kanya kapag napatunayang nagkasala siya? Masisira ang career at buhay niya. Paano na ang mommy niya?

“Oh, please, Attorney. Don’t do that!” pakiusap ng boss niya. “Mabait na bata si Nicola. At kung huhulihin man siya ng mga pulis, huwag dito sa opisina ko. Ayoko nang madagdagan pa ang eskandalong dinadanas namin.”

“Ang importante para sa akin ay makuha ang katarungan para sa kliyente ko!” mariing wika ng abogado na parang nasa loob na ito ng korte.

Itinaas ni Crawford ang kamay nito at natahimik ang abogado. “Attorney, we didn’t come here to discuss that.” His tone was calm. So masculine. And there was authority in his voice that made the formidable lawyer shut up. Crawford had always been like that. Kahit na nagkakagulo ang mga kaklase nila, basta nagsalita ito ay tumatahimik ang lahat, nakikinig at sumusunod.

“I am just explaining our action to them,” katwiran ng abogado sa mas malumanay na boses.

“Mr. Sorella, Attorney, could you please do me a favor?” anang si Crawford. “I want some time alone with Nicola.”

Gusto niyang umiling subalit parang ayaw gumalaw ng ulo niya. Iyon ang huling bagay na gusto niyang mangyari. Ang mapag-isa kasama si Crawford. Malay ba niya kung ano ang gagawin nito kapag silang dalawa na lang? Mas gusto niyang may ibang saksi anumang mangyari sa pagitan nila.

“Mr.Oreña, as your lawyer, I strongly advice that you won’t do this. Mas mabuti na kasama mo ako kapag nag-usap kayo,” tutol ng abogado.

Humalukipkip si Crawford. “Nicola and I are old friends and we want to discuss things that way. Can you grant my request?”

Old friends. Parang natatakot siya sa salitang ginamit nito. Naging magkaibigan ba talaga sila? O iyon ang terminong ginagamit nito sa mga kaaway?

Akmang makikipagtalo pa ang abogado. “Just call me if…”

“I will call you if you are needed,” anang si Crawford at tumango. Hindi na nagawa pang makipagtalo ng abogado.

“Nicola, ikaw na ang bahala kay Mr. Oreña. Kung may kailangan siya, huwag siyang mahihiya,” anang boss niya. Na parang bisita nila si Crawford at hindi isang banta sa kanya. Palibhasa ay sikat. “Attorney, how about some coffee?”

PARANG GUSTO na lang ni Nicola na tumumba at magkunwaring nawalan ng malay nang sumara ang pinto ng conference room. Sila na lang dalawa ni Crawford ang naiwan sa loob. The air was suddenly too thick and she could hardly breathe. Di pa nga siya nakaka-recover sa pagdedemandang pinaplano ng kampo ni Crawford, ngayon ay baka lalo pa siya nitong I-intimidate ngayong silang dalawa na lang.

Malakas na malakas ang kaba niya. Tingin niya dito nang mga oras na iyon ay leon na maaring lumapa sa kanya anumang oras.

“I apologize about that,” usal nito. Nagulat siya dahil di niya inaasahan ang sasabihin nito. She thought it might be pretense. But his eyes were softer. Awtomatiko rin itong ngumiti. Ngiti na kayang magpanginig sa tuhod niya. Wala na ang pormal na lalaking nakita niya kaninang pumasok siya.Ito ang totoong Crawford.

“Bakit kailangan mong mag-sorry?”

“Well, I obviously don’t want our reunion to be like this. How are you, Nicola? It has been a long time. Huling nakita kita, graduation pa natin ng high school. And it was what? Twelve years ago.”

Nanatili siyang pormal. Di siya magpapadala sa pagiging mabait nito. He came there as an enemy and she should treat him with hostility. She shouldn’t let her guards down. Baka bigla siya nitong salakayin.

“I am great! This is the worst day of my life because we meet again. Sa palagay mo ba magiging okay ako kung may demandang nakaumang sa ulo ko?”

“That is only according to my lawyer’s discretion, Nicola. Hangga’t maari, gusto ko itong I-handle sa lalong madaling panahon. I don’t want to make things worse by bringing more attention from people who aren’t really a part of this issue. Kaya nga gusto kong tayong dalawa lang ang mag-uusap.”

She smiled sweetly. “That’s so nice of you, Crawford. Should I thank you for being generous and considerate?”

Minasahe ng daliri nito ang noo nito. “Please, stop being sarcastic. Masakit na ang ulo ko dahil sa pagkakasampal mo sa akin. At hanggang ngayon, di ko pa rin alam kung bakit mo ginawa iyon. Di pa ako nakaka-recover, kumalat na ang video. I tried to gatekeep it. Pero kumalat na ang video dahil kuha iyon ng mga may cellphone cameras ng mga nasa supermarket. And it is getting worse every minute. Kahit ang mga kaibigan ko sa media, di ko na rin ma-control.”

“Great!” she muttered. “Nakita mo na ba kung gaano karaming kaibigan mo sa media ang nag-aabang sa akin sa labas? How about your female fans that are yelling like crazy? Andiyan pa siya, kasama ang mga banner nila.”

“I am sorry about that. It is beyond my control. Susubukan ko silang pakiusapang umalis kung kaya ko lang. And while I do that, kindly tell your friends from the feminist group to stop bothering me.”

Tumaas ang kilay niya. “Friends? Sino sila?” Wala naman siyang naalalang may kaibigan siya sa feminist group.

“Aren’t you a part of them? Hindi mo ba sila hiningan ng tulong?”

Umiling siya. “Hindi ko nga sila kilala.”

“Well, they were acting as if they know you so well. Nagpoprotesta sila sa condo ko, sa opisina ko… at kung di pa sila naharang pati sa Stallion Riding Club gusto rin nilang magprotesta.” His face became grim this time. Mukhang hindi maganda ang experience nito sa mga ‘kaibigan’ niya. “Sinabi rin nila na handa silang tulungan ka sa kaso mo laban sa akin.”

Napanganga siya. “Kaso? Anong kaso?”

“Sexual harassment… at kung anu-ano pa. Lahat ng news at tsismis, pinatulan nila. Na may naiwan daw akong anak sa iyo.” Mariin nitong isinuklay ang daliri sa buhok. “Oh, hell! I didn’t even get the chance to kiss you. Paano naman tayo magkakaanak?”

“Wala akong planong magsampa ng kaso laban sa iyo. Dahil wala naman akong isasampang kaso. Kaya ba gusto mo rin akong idemanda?” Kung bakit kasi kung sinu-sino na ang sumasawsaw sa problema nila.

“Kaya nga kinakausap na kita para hindi na ito lumala pa. If you have anything against me, we don’t have to end up in court. Pareho na tayong napeperhuwisyo dito. At sa ating dalawa, ako ang mas kawawa. Importante ang credibility at ang reputasyon ko. At sa nangyayari, di maiwasan ng ibang tao na magduda sa image ko.”

Umismid siya. “You aren’t squeaky clean, Crawford.”

Saglit itong natigilan. “Hindi kita uusisain kung bakit galit ka sa akin. Can we deal with it some other time? Let’s help each other. Tapusin natin ang issue na ito.”

That slap was a defense mechanism. Pero wala naman siyang plano na guluhin ang kanya-kanya nilang buhay ni Crawford. “Sige. I will cooperate with you. Do you have any idea how to get through this?”

“You have to apologize to me in public.”

Daig pa niya ang sinampal sa suhestiyon nito. “No way! Hindi ako magso-sorry sa iyo. In your dreams, Crawford! Kung sinampal man kita, dapat lang sa iyo ‘yon!” sigaw niya at lumabas ng conference room.

Mariin siyang pumikit para kalmahin ang sarili nang pumasok siya sa restroom. “How dare him! Ako pa ang magso-sorry sa kanya. Idemanda na lang niya ako pero hinding-hindi ako magso-sorry sa kanya.”

Nakaalis na si Crawford nang bumalik siya sa desk niya. Nagri-ring na ang cellphone niya noon. “Miss Tesorio, I am Rosita Cruz from Soltera Women’s Group. We would like to invite you for dinner tonight. We want to help you.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.