Taming the Brash Princess (Filipino) Chapter 11

“SIGURADO ka na ba pwede kitang iwan? It is okay if I won’t take this cruise. Hindi kita pwedeng iwan nang mag-isa ka lang dito,” nag-aalalang sabi ni Julio, ang ama ni Nadine nang ihatid niya ito sa airport.

“Dad, you can’t back out now. Matagal mo nang plano ang cruise na ito. Nakakahiya kay Uncle Max. Ngayon lang po kayo magbabakasyon. You deserve that vacation,” aniya sa ama at inayos ang kuwelyo ng polo nito. “Wala na po tayong magiging problema sa pamilya ni Christian. Nag-issue pa ng public apology ang pamilya nila. The ball is in your court if you still want to help them with their business expansion. And I promise to behave.”

“I… I am not sure if I can just leave you alone.”

“Hayaan mo na ang anak mo. Malaki na si Nadine. At nandiyan naman si Miller para bantayan siya,” paniniyak ni Max at tumango sa binata na nakatayo sa tabi ng ama nito. “Siya na ang umayos sa problema ni Nadine sa mga Compostella. May tiwala ka naman sa kanya, di ba?”

“I will handle this, Ninong. Just enjoy your vacation,” sabi ni Miller. “Kapag hindi ninyo in-enjoy ang bakasyon ninyo, magiging isang tao ang cruise ninyo.”

“Mag-usap muna tayo bago ako umalis. Just a minute,” sabi ni Max sa kanya.

Hinila siya nito palayo para magkasarilinan sila. “Uncle, sesermunan din po ba ninyo ako tulad ni Daddy at Miller?”

“No. Well, I got good news for you. Sa mansion muna mananatili sa loob ng ilang linggo ayon na rin sa pakiusap ng Papa mo.”

Nagningning ang mga mata ni Nadine. “Kaming dalawa sa isang bahay po?”

“Nire-renovate ang condo niya. Kaya binibigyan kita ng consent na akitin ang anak ko at pikutin siya.”

Di na sekreto sa ama ni Miller na gusto niya ang binata. Kahit ang ama niya may hinala na pero di ito nangungulit. Si Miller na lang yata ang clueless na matagal na siyang may gusto dito.

Ilang saglit lang siyang ngumiti. “Paano ko kaya siya mapipikot o maaakit? Wala na siyang ginawa kundi sungitan ako. Parang babaeng laging may period. O kaya matandang dalaga. Iyong nagme-menopause. Alin ba siya doon?”

Mula nang malaman niya na kapag dumikit siya dito ay pwede itong ma-arouse sa kanya, dumidistansiya na ang lalaki sa kanya. Siguro dahil nirerespeto siya nito at ang tatay niya. O sadyang di lang siya nito type.

“Sumusuko ka na? Nagpapasindak ka agad sa magkasalubong niyang kilay? Kung hindi mo siya kaya, hindi ka karapat-dapat sa kanya.”

Humalukipkip siya. Nagsasawa na siya sa pag-amo kay Miller. Mapapaamo marahil niya ang lahat ng mababangis na hayop sa mundo maliban dito.

“Ewan ko ba kung bakit pa ako nagtitiis sa anak ninyong prinsipe ng simangot. Marami namang iba diyan na naghahabol sa akin.”

“Dahil ayaw mo sa mga lalaking naghahabol sa iyo,” paliwanag nito. “You’re a very special woman. You can protect yourself and live on your own. You are an alpha female. Pero kailangan mo rin ng mag-aalaga sa iyo. That is my son. Mailap siya, but he will protect you and respect you.”

“Tito Max, gusto ko po ang anak ninyo pero parang ayaw naman niya sa akin. Pwede ko siyang akitin pero kaya ba niya akong mahalin?” tanong niya.

“In time, you will know. You are loyal and I like that in you. Sana makita iyon ng anak ko sa iyo. Hindi ‘yung naghihintay siya sa isang babae na di mangingiming iwan siya at saktan para sa sariling ambisyon.”

“Ang ex po ba niyang si Chloe? Ano po bang nangyari sa kanila?” tanong niya. Ang alam niya ay may naging girlfriend si Miller na dating TV host at aspiring beauty queen. Pero huli niyang balita ay lumipat na ito sa Amerika at may boyfriend na TV producer sa Hollywood. Mula noon ay di na nagka-girlfriend pa ang binata.

“Dad, time for check-in. Baka maiwan po kayo ng flight,” sabi ni Miller nang lapitan sila ni Max. “Naghihintay na po si Ninong sa inyo.”

“Yes.” Niyakap siya ni Max. “Please take care of my son.”

Natigilan si Nadine. Bakit siya ang mag-aalaga sa anak nito? Akala ba niya ay si Miller ang mag-aalaga sa kanya?

“Anong pinag-usapan ninyo ni Papa?” tanong ng binata sa kanya.

Nagkibit-balikat siya. “Wala. Sabi niya ikaw daw muna ang magbabantay sa akin at sa bahay ka muna titira para mabantayan ako.”

“And you are cool with that?” tanong nito.

Marahan siyang tumango. “Oo naman.” Siya pa ba ang tatanggi sa biyaya ng langit? Pabor na pabor ito sa kanya. She gave him a Cheshire cat smile. “Ipapahanda ko ang guestroom sa tapat ng kuwarto ko.”

“Hindi na kailangan. Ipinahanda ko na ang guesthouse sa dulo.”

Nanghaba ang nguso niya. Malayo iyon sa kanya. “Paano mo ako mababantayan kung malayo ka sa akin?”

“I know what’s running inside your head. It is not gonna happen.”

“Ano iyon?”

“Yung plano mong akitin ako.”

Namilog ang labi niya. “Wow! Masyado kang advance. Wala pa nga akong plano. Paplanuhin pa lang. Ang bilis mo naman mag-assume.”

“I am ten steps ahead of you. Kaya kung anuman ang plano mo, kalimutan mo na. I respect your father. I respect you. Maraming gulo na ang napasukan mo. Huwag mo na sana akong idagdag sa casualty mo.”

“Alright. Masyado kang seryoso. Di ko ugaling gumawa ng gulo. Di naman ako araw-araw na dinadampot sa presinto. Umaakto lang ako ayon sa sitwasyon. Di ako ang nagsisimula ng gulo.”

“All I want is for you to behave yourself. Then maybe I will like you.”

Parang may mahik ng salitang “like”. May bells siyang narinig at naggo-glow sa neon lights ang salitang “like” na animo’y premyo sa lotto. Siyempre mas jackpot ang “love” pero papunta na rin iyon doon kapag na-hit niya ang “like”.

Itinaas niya ang palad. “Fine. I promise that I’ll be on my best behavior, unless provoked.” Hindi niya ito aakitin pero ibang usapan kapag ito na ang nang-akit sa kanya. She would find it hard to resist. Ibang usapan na siyempre kapag ito ang nagpakita ng motibo. “Pwede na?”

Huminga ito ng malalim. “Mukhang kailangan ko ng maraming dasal para sa iyo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.