Nakadama ng pansamantalang tagumpay si Nadine nang I-set up ang mesa sa terrace niya. Nagbihis ng chino pants at white sando si Miller. Pwede na rin na nakakulong siya sa kuwarto basta kasama niya ang lalaki. Di siya nito matatakasan.
In-enjoy niya ang agahan kahit na parang robot kung kumain si Miller. Di siya nito halos kinakausap. Presensiya lang nito ay sapat na, kahit titigan pa niya ito maghapon. “Anong gusto mong kainin mamayang tanghalian?” tanong nito.
“Sasabayan mo ba akong mag-lunch?” tanong niya at ngumisi.
“No. My day is full. Kahit lunch at dinner may meeting ako. You know that I have more responsibility now.”
Her lips twisted. “Good for you.”
“I am expecting you to behave. No more hunger strike. Dito ka lang sa kuwarto.”
Natigagal si Nadine. Seryoso ito? Akala niya ay pansamantala lang ang pagkaka-lock niya sa kuwarto. Di talaga siya nito palalabasin?
“Ano ang gagawin ko dito buong maghapon? Makikipag-usap ba ako sa mga butiki para palipasin ang oras ko?” sarkastikong tanong ng dalaga.
“Magagawa mo pa rin naman ang normal na ginagawa mo kapag nandito ka sa kuwarto. Malaya ka pa ring makakausap ng mga kaibigan mo. You have your cellphone, the telephone lines are open, so does your computer and Internet connection. Hindi kita ihihiwalay sa mundo. After all, you are more on online transaction with your shop. Di mo kailangang nasa physical shop mo lagi. You have staffs to take care of that. Kahit mag-shopping pwede na rin online.”
“Wow! I feel like a glorified prisoner with special privileges. Thank you! At paano kung gusto kong lumabas?”
Natigilan ito. “Anong gagawin mo sa labas?”
“Kung gusto kong sumagap ng sariwang hangin, halimbawa.”
“Buksan mo ang pinto sa terrace at langhapin mo ang sariwang hangin. Wala rin iyang ipinagkaiba sa labas. Don’t worry. Lahat ng gusto mo maibibigay naman sa iyo.”
“Hindi mo ako mapagdya-jogging dito sa loob. Saka magsasawa ang mga mata ko sa kuwarto ko. Paano kung gusto kong mag-swimming? Maidadala mo ba ang swimming pool dito sa loob? Paano kung gusto kong pumunta sa mall? Kasya ba sa kuwarto ko ang mall? Maidadala mo ba sa akin ang mall? Because seriously, this is illegal detention if you will ask me.”
Marami siyang bagay na kailangang gawin sa labas. Paano ang mga kaibigan niya at ang mga importanteng plano nila? Paano ang mundo kung hindi siya makakalabas? How about her freedom?
Dumilim ang mukha nito at matiim siyang tiningnan. “Illegal detention is taking it too far.”
“Pwes, ano ang gagawin ko kung gusto kong lumabas?” angil niya.
Tahimik ito habang nakatitig sa pagkain sa harap nito. Parang tinitimbang ang mga bagay na nai-presinta niya. “Kung gusto mong mag-jogging o mag-workout, pwedeng dito ka lang sa vicinity ng mansion. Hindi ka pwedeng lumabas sa kalsada. At may mga bodyguard pa rin na titingin sa mga ikinikilos mo.”
“Sa sarili ko na lang na bahay, may asungot pa. Kung gusto kong lumabas?” Ibinuka niya ang kamay. “As in labas. Labas ng village. Malayo dito.”
“Pwede,” kaswal na sabi nito. Napakabilis naman niya itong mapapayag samantalang kanina ay parang gusto siya nitong ikandado at ibaon ang susi sa kung saan para hindi na mabuksan ang pinto. “Pero may kondisyon ako.”
“Kondisyon na naman,” reklamo niya. “Puro na lang kondisyon.”
“Ibinilin ka sa akin ni Ninong Julio. Iniwan niya sa akin ang desisyon kung ano ang makakabuti sa iyo at hindi. Kung gusto mong lumabas, magpapaalam ka muna sa akin kung saan ka pupunta. Kailangang may kasama ka ring bodyguard para protektahan ka.”
“Kanino naman ako poprotektahan?” tanong niya. “Wala naman akong kidnapping threat o death threat.” Nagkausap na sila ni Christian kagabi at nag-sorry na ito sa kanya. Hindi siya nito kakantiin. Nanahimik din ang mga basher niya at di na pumiyok mula nang maglabas ng statement ni Attorney Cuevas na pabor sa kanya.
“Para protektahan ka sa sarili mo. Wala ka nang ginawa kundi pumasok sa gulo. Titiyakin lang nila na hindi ka na naman sa presinto pupulutin o kaya sa ospital o morgue. Your dad is worried about you.”
Ayaw man niya ng may guwardiya, hindi pa rin siya makatutol. Daig pa marahil niya ang presidential daughter sa dami ng bodyguard na kasama. Subalit ano pa ang magagawa niya? Ito ang hari sa bahay nila ngayon. At siya ang preso.
“Gusto ko rin na nandito ka na sa bahay bago ako makauwi,” pagpapatuloy nito. “At hindi ka pwedeng humawak ng manibela.”
Pwede pa rin siyang kumilos nang malaya. Pero parang hindi pa rin siya malaya dahil may mga matang nakatutok sa kanya. At kung ayaw niya ng guwardiya, magku-kulong na lang siya sa kuwarto.
Sumandal siya sa upuan at pinag-ekis ang mga hita. Sumimsim siya ng juice habang iniisip kung may ia-apela pa siya dito. Hindi niya puna na nahantad na ang makinis niyang hita mula sa suot niyang manipis na roba.
“Nadine, may itatanong ka…”
Napaangat ang tingin niya dito nang maputol ang sasabihin nito. Nagtataka niya itong pinagmasdan. Nakaawang ang labi nito na parang nakatulala habang nakatingin sa hita niya. Pagkatapos ay sa dibdib niya.
“Anong problema?” tanong niya.
“Ano iyang suot mo?” parang nae-eskandalong sabi nito.
Tumayo siya at bahagyang ibinuka ang roba. “Two piece bathing suit. Hindi ka pa ba nakakakita nito?”
Hangos itong tumayo at pinagdikit ang lapel ng roba niya. “Huwag mong ibuka ang robe mo. Saka bakit ganyan ang suot mo? Ni hindi ka man lang nagpalit ng damit samantalang mag-aagahan lang tayong dalawa.”
Tumaas ang kilay niya. “Ano ang masama sa suot ko? Ito naman talaga dapat ang suot ko ngayong agahan dahil plano kong mag-swimming. At natural, ito pa rin ang suot ko habang nag-aagahan. Hindi na siguro masama kung mag-imagine ako na swimming pool ang kama ko dahil ikinulong mo ako dito.”
Kasiyahan na niyang daanin sa ilusyon ang paglangoy at pag-aagahan sa tabi ng pool kasama ito. Sinira na nito ang pagkakataon niyang maakit ito kanina. Napaka-ganda pa mandin ng plano niya para dito.
Sinuyod ng paningin nito ang kanyang katawan at pagkatapos ay parang napaso siyang binitiwan. “Magbihis ka!” utos nito.
“Bakit?” tanong niya.
Yumuko ito at bahagyang tinabingan ng palad ang mata. Ni hindi makatingin nang direto sa kanya. “Basta magbihis ka!” mariing utos nito.
“Ano na naman ang problema mo?”
“Huwag ka nang magtanong,” anito at tumalikod. “Basta magbihis ka ng disenteng damit saka ka ulit humarap sa akin.”
Namaywang siya. “Anong disente? Ganito naman talaga ang isinusuot ng mga babaeng nagsi-swimming. Sa Boracay nga naka-topless pa sila pero walang nagrereklamo.”
“Wala ka sa Boracay. Magbihis ka na.”
Pumunta siya sa harap nito at pilit na inangat ang mukha nito. “Bestseller namin ang swimsuit na ito. At bahay ko ito. Isusuot ko kung ano ang gusto ko.” Iniwas nito ang tingin sa kanya. “Bakit hindi ka makatingin sa akin? Bakit ka namumula?” tanong niya.
Tumayo ito. “I have to go. I have an early meeting.” Nilagpasan siya nito at nagtungo sa pinto. “Maiwan na kita,” anito sa kontroladong boses.
“Bakit aalis ka na? Hindi pa tayo tapos mag-usap. Hindi ka pa nga nag-aagahan,” aniya at sinulyapan ang napapangalahati pa lang nitong pagkain.
“Busog na ako.” Itinaas lang nito ang isang kamay. “Have a great day. Don’t create any trouble. And don’t you dare swim with that one.”
“S-Sandali…” Di ba nito nagustuhan ang swimsuit niya? Bakit? Anong mali? Di naman sobrang daring. Sakto lang. “Anong gusto mong isuot ko pag nag-swimming ako?”
“A Rashguard, a diving suit maybe.” Nagkibit balikat ito. “An abaya would be great. Anything that covers you from head to foot. Get changed. Parating na ang bodyguards mo. If you want out of this room, then you’d better behave. Dress well.”
At naiwan siyang tulala nang di nasasagot ang tanong niya. Di pa nga siya nakakaporma, nilayasan na siya. “Paanong dress well? Swimming nakabalot ako? You are deranged!” sigaw niya dito.