“MANG Nardo, pangit po ba ako? Kaayaw-ayaw ba ako?” tanong ni Nadine sa driver habang binabaybay. Papunta na sila sa isa sa mga depressed area na tinutulungan nila sa Macabebe, Pampanga.
Dapat ay maging masaya siya dahil sa wakas ay pumayag si Miller na lumabas siya ng bahay sa kondisyon na may mga bodyguard siya na pasimpleng nakasunod sa kanya at aaksyon kung kinakailangang protektahan siya.
“Nabasted ka ni Sir Miller?”
Itinapik niya ang daliri sa baba. “DI ko rin po maintindihan kung bakit gusto ko pa rin si Miller hanggang ngayon. Ilang beses na akong nabasted.”
“Hindi kita masisisi. Wala ka yatang maipipintas sa batang iyon. Matalino masipag, may dedikasyon, mabait at marespeto. Kung kami ang tatanungin sa bahay, siya rin ang gusto namin para sa iyo. Kung gusto mo na tulungan ka namin na pikutin siya….”
“Hindi naman po ako ganoon kadesperada.”
“Pero gusto namin na maging masaya ka. Ikaw ang prinsesa namin. Nagkabuhay lang ang mansion mula nang dumating ka sa bahay kaya masaya kami kapag nakikita ka naming masaya.”
Tumikhim siya. “Salamat po. Gusto ko lang naman po magustuhan din niya ako. Kaso mukhang malabong magustuhan po ako. Ang taas ng standard.”
Mas open siya sa mga kasambahay pagdating sa personal niyang buhay. Ang mga ito halos ang nagpalaki sa kanya mula nang lumipat siya sa mansion. Masyadong abala ang ama niya sa negosyo at ayaw niyang sayangin ang oras nito sa mga maliliit na problema tungkol sa kanya lalo na kapag usapin tungol sa love life niya. Mas maraming taong umaasa ito na mas malaki ang problema sa kanya.
“Minsan di ninyo kailangang maghabol. Hindi ninyo kailangang magpakahirap na ipagsiksikan ang sarili sa taong gusto natin. Iyan din ang sinabi ko sa Manang Huli mo nang siya ang nanligaw sa akin dati.”
Bumulanghit ng tawa si Nadine. “Si Manang Huli po ang nanligaw sa inyo?”
“Oo naman. Nang tumigil siya sa paghahabol sa akin, saka ko lang nakita kung sino talaga siya. Na mabait siya, matulungin, at hinahanap-hanap ko ang luto niya. Gusto ko na pala siya. Di ko lang napapansin dahil naiinis ako sa kanya. Malay mo ganoon din si Sir Miller.”
“Ang ibig sabihin, huwag po akong masyadong magpapasin sa kanya? Ang hirap yata lalo na kung nasa iisang bahay lang kami. Hanggang kailan naman ako aasa na mapapansin niya ako?”
“Hanggang kaya ng puso mo.”
How much pain could a heart take? Dati di niya pinapansin kapag binabalewala siya ni Miller o sinusungitan siya nito. Katwiran niya, lalambot din ang puso nito sa kanya. At bata pa siya. Makakapaghintay pa siya.
Pero iba na ngayon. They crossed the line. They kissed. And he sure as hell enjoyed it. Pero nagbago ang lahat dahil sa pagdating ng isa sa business associate nito. Then the world came crashing down on her. Parang sinampal siya nito nang sisihin siya at parang pinalalabas na pinakamalaking pagkakamalil nito na halikan siya. Ibinigay niya ang puso niya sa halik nito para lang talampakin nito.
Naramdaman niyang pumatak ang luha sa pisngi niya. Mabilis niyang pinalis iyon. Hindi siya magiging biktima. Di siya magpapaawa o magmamakaawa na mahalin nito. Oras na siguro para tigilan niya ang kabaliwan dito. Kailangan sigurong magpahinga ng puso niya.
“Nandito na tayo,” sabi ni Mang Nardo.
Pagbaba niya ay kasundo na niya ang mga bodyguard sa likuran. Nilingon niya si Karim. “Di ba pwedeng dumistansiya kayo?”
“Ma’am, mukhang tensyonado ang mga tao. May mga pulis pa sa bungad. Ayos lang ba na tumuloy kayo dito ngayon?”
Nagkibit-balikat siya. “Wala naman sigurong problema. May appointment ako ngayon sa mga kababaihan dito.” Maganda ang balitang dala niya. Tumaas ang demand para sa seaweed soap na gawa ng mga ito dahil effective sa pagpapapayat. Kung may problema, sana di na siya pinatuloy doon ng leader ng kooperatiba.
Sa tabing-dagat nakatira ang mga tao doon at nasa mahihirap na komunidad. Kaya malaking bagay sa mga ito na may alternatibong hanapbuhay. Gusto rin niyang I-encourage ang mga ito na gumawa ng iba pang produkto. Sa pagdami ng customers ng online shop niya, sama-sama silang aangat.
Mag-isa lang ang leader ng kooperatiba ng kababaihan na si Rinalyn nang dumating siya. Sinasamsam nito ang mga gamit. “Rinalyn, anong nangyayari? Bakit parang nag-eempake ka na?”
“Miss Nadine, tumuloy ka pala. Pasensiya na. Ang gulo-gulo dito. Nabalitaan namin na ide-demolish daw ang mga bahay dito sa aplaya. Nanalo kasi sa korte ang may-ari ng lupa at gusto na nilang mabawi para tayuan ng beach resort. Pasensiya na kung hindi ko nasabi sa iyo. Gulong-gulo na kasi kami dito.”
“Tutulong na ako sa iyo,” sabi niya at sinenyasan ang mga bodyguard na tumulong na rin sa pag-eempake.
“Hindi na. Umalis na kayo. Baka madamay pa kayo sa gulo.”
“Sanay ako sa ganito,” anang dalaga at dinampot ang mga materyales sa paggawa ng sabon. “Sa squatter’s area ako lumaki. Uso ang mga demolisyon.”
Matagal nang nangyari iyon pero awtomatikong kumilos ang katawan niya. Walang katiyakan ang buhay nila dati na mag-ina. Ang alam nila, kailangan nilang mabuhay para sa susunod na araw. Kaya alam niya kung ano ang nararamdaman ng mga tao doon. Di alam kung saan tutuloy kapag wala nang matirhan. Di alam kung paano na naman magsisimula mula sa wala.
“Miss Nadine, kailangan na nating umalis. Nagkakagulo na sila sa labas,” sabi ni Karim at hinawakan ang braso niya.
Nagliliparan na ang mga bato at kung anu-anong bagay nang lumabas sila. Umaabante na ang demolition team at nagpupulasan na ang mga tao. Desidido talaga ang may-ari ng lupa na mabawi iyon sa squatter’s. Mahihirapan na silang dumaan sa dinaanan nila kanina.
“May alam akong ibang dadaanan dito,” sabi ni Rinalyn at inakay sila papunta sa likuran ng bahay. Palapit na sa kanila ang demolition team. Abala na sa pagpulas at pagsasalba ng mga gamit na pwede pang isalba pero ang iba may nanlalaban pa rin na mga residente.
Natanaw niya ang mga tulay na gawa sa kahoy sa likuran. “May bangka nang naghihintay sa akin sa likuran para ilipat ang mga gamit. Kung susundan n’yo ‘yung tulay, pwedeng doon kayo sa dulo dumaan para makalabas dito. Mas ligtas doon pag-aari ng tiyo ko ang lupa doon. Padadaanin nila kayo.”
Tumango siya. Kailangan lang mai-secure ang mga gamit na nasa bangka para may magamit pa ang mga miyembro ng kababaihan sa pagbabagong-buhay. Nasa mga kahon na dala nila ang laman ng pag-asa ng mga residente doon.
May narinig siyang umiiyak na bata. Nang lumingon siya ay nakita niya ang bata na nasa gitna ng mga taong nagkakagulo. Iniwan na siguro ang bata sa pagkataranta o naipit na sa gulo ang magulang. Kailangan nilang mailayo doon ang bata bago pa matalaktak o tamaan ng nagliliparang mga bato.
Ipinasa niya ang kahon na hawak kay Karim. “Sandali lang.”
“Miss Nadine, saan ka pupunta? Dito ka lang. Ako na lang ang…”
Di na siya nag-isip at tinakbo ang bata. Wala na siyang oras dahil baka masaktan pa ito. Wala nang pakialam ang mga tao sa paligid nito. Inuuna ng mga ito na isalba ang sarili at kanya-kanyang gamit.
Niyakap agad niya ang bata subalit pumiglas ito. “Nanay ko! Nanay ko!” Nasa tatlong taon pa lang ito at mukhang nangingilala.
Hinaplos niya ang ulo at likod nito. “Pupuntahan natin si Nanay.”
“Babalik siya! Babalik!” palahaw ng bata at pilit siyang itinutulak.
Ngumiwi siya dahil nabangga-bangga na siya ng ilang mga nagtatakbuhan. Niyakap niya ang bata para di ito masaktan. Binuhat niya ito kahit na pumipiglas para ihabol sa mga kasamahan. Nakita niya ang bodyguards niya na papunta sa direksyon niya. “Konti na lang, baby. Ibabalik kita nang ligtas sa nanay mo,” sabi niya at tinakbo ang tulay.
Ngumiwi siya nang may tumama sa likod ng ulo niya. Mariin siyang pumikit kasabay ng pagguhit ng sakit sa ulo at batok niya. Pero di niya ininda iyon dahil kailangan nilang makaligtas ng bata.
“Miss Nadine, okay lang kayo?” tanong ni Nadine at kinuha ang bata mula sa kanya.
“Oo. ‘Yung bata, kailangang mailayo natin dito. Baka hinahanap na siya ng nanay niya. Doon na tayo sa tulay,” sabi niya at tumakbo.
Mahilo-hilo siya pero mas mahalaga na makaalis sila sa lugar na iyon. “Iwan n’yo na ang bata sa akin,” sabi ni Rinalyn nang nasa pantalan na sila kung saan naghihintay ang bangka nito. “Inaabangan na kayo ng tiyuhin ko para maihatid sa sasakyan ninyo. Tatawagan ko kayo kapag ayos na ang lahat.”
“S-Salamat,” usal niya at tumulay sa tulay na kahoy.
Naging mabuway ang lakad niya nang makababa sa tulay na kahoy. Napaluhod siya sa buhangin kung kailan malapit na sila sa lupa ng tiyuhin ni Rinalyn.
Hinawakan ni Karim ang balikat niya. “Miss, ayos ka lang?”
“M-Medyo nahilo lang ako,” sabi niya at sinapo ang likod ng ulo. Tinamaan nga pala iyon ng bato kanina. Naramdaman na lang niya na basa iyon. Nahigit niya ang hininga nang makitang may dugo ang palad niya.