Taming the Brash Princess (Filipino) Chapter 20

Alas onse na noon ng gabi. Nahihimbing na sa pagtulog si Manang Huli na siyang bantay niya pero di pa rin siya makatulog. Wala naman siyang ginawa kasi sa kuwarto sa ospital kundi magpahinga. At hindi siya sanay nang walang ginagawa. Kumpiskado ng bodyguards niya ang laptop niya. Bilin daw ng doktor pero hinala niya na si Miller ang nag-utos sa mga ito. Kumpiskado rin ang cellphone niya dapat pero nagbanta siya na tatakas kapag hindi ibinigay ang phone sa kanya.

Kaya naman wala siyang choice kundi butingtingin na lang ang phone niya para palipasin ang boredom niya. Matapos kumustahin ang shop niya kay Tessa ay si Rinalyn naman ang kinausap niya. Nasa gymnasium ito ng Mabalacat na nagsisilbing evacuation center ng mga pinalayas na squatters.

“Ililipat na daw sila sa relocation site sa Bulacan. Mahihirapang mag-adjust ang marami sa kanila dahil dito sa Pampanga malapit ang mga trabaho nila. Pero sabi ko naman sa mga miyembro ng kooperatiba na walang problema dahil patuloy pa rin ang paggawa namin ng mga sabon. Medyo mag-a-adjust lang kami dahil malalayo kami sa dagat kung saan namin inaani ang mga seaweed pero magagawan naman ng paraan. Baka mag-adjust din sa cost ng produkto…”

“Walang problema. Maiintindihan naman ng mga kliyente iyon. Lahat naman may paraan basta madiskarte ka,” sabi niya at ngumiti. “Sabihin ko sa kanila, mabuti na rin sa relocation dahil may sarili na silang bahay. Di na sila paaalisin.”

Pangarap din nila ng nanay niya na magkaroon noon ng sariling bahay at lupa. Sayang lang dahil hindi na makikita ng nanay niya ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon. Nabigyan man lang sana niya ito ng magandang buhay bago pumanaw.

Matapos ang pag-uusapan nila ni Rinalyn, nawalan na naman siya ng makakausap. Tumayo siya at nagpalakad-lakad sa kuwarto. Hindi siya sanay nang nakakulong lang sa isang lugar. Pwede siguro siyang maglakad-lakad sa hallway ng ospital para naman makahinga siya kahit paano. Di talaga bagay sa akin ang magkasakit. Mababaliw ako.

Marahan niyang binuksan ang pinto. Nakahanda na ang ngiti niya sa mga labi para sa bodyguard niya. Pero nagulat siya nang makitang nakaupo sa isa sa mga upuan sa hallway si Miller. Nakahalukipkip pa ito habang nakapikit.

“Anong ginagawa niyan dito?” tanong niya kay Torio at ngumuso kay Miller. “Akala ko umuwi na iyan?”

Nagkibit-balikat ang lalaki. “Hindi ko rin alam, Ma’am. Basta dito lang daw siya. Hinayaan na namin. Tutal di naman ninyo nakikita.”

Gusto ba ninyo na buhatin namin papupunta sa kotse niya, Ma’am?” tanong ni Tonyo, isa sa bodyguard niya. “Kahit ako na lang ang mag-drive kay Sir Miller pauwi. Mukhang pagod na pagod na kasi siya.”

“Hindi na. Magkape muna kayo or magmiryenda. Ako na ang bahala dito,” pagtataboy niya sa tatlo.

Susukot-sukot na sumunod ang mga ito sa kanya. Di naman siya kailangang bantayan ng mga ito. Wala naman siyang rason para tumakas. Gusto niyang magkasarilinan sila ni Miller.

Niyugyog niya ang balikat ng binata. “Miller, gising!”

Napapitlag ito at nagulantang nang mamulatan siya. “Nadine! B-Bakit nandito ka sa labas? You should be resting.” At piniga nito ang puno ng ilong nito.

“Ako dapat ang nagtatanong sa iyo niyan. Anong ginagawa mo dito? Hindi ba dapat umuwi ka na sa Manila? Ayoko nang makita ang mukha mo. Akala ko ba malinaw iyon sa iyo.”

“Sabi mo ayaw mo lang akong makita sa kuwarto mo. You are not supposed to see me here. Dapat nasa loob ka lang ng kuwarto.”

Humalukipkip siya. “E nasa labas na ako.”

“Does my face bother you? Gusto mo bang umalis na ako?” tanong nito at tumayo. “Pwede namang doon na lang ako sa kotse ko matulog.”

Pinigilan niya ang braso nito. “Kotse mo? Di ka pa rin uuwi?”

“Gusto ko mabantayan pa rin kita, in a way. Kung may emergency at kailangan mo ako, gusto kong nasa malapit lang ako. At gusto ko kasama mo pa rin ako hanggang makauwi ka ng bahay.”

“Kakausapin ko si Daddy na huwag ka nang abalahin sa pag-aalaga sa akin. Ayoko nang maging pabigat sa iyo. I want to relieve you of responsibility.”

Umiling ito. “Not gonna happen. I am staying. Sinabi kong babantayan kita hanggang makabalik sina Papa at Ninong Julio mula sa cruise. Then that’s what I will do. Kahit na ayaw mo sa pagmumukha ko, di ako basta-basta mawawala sa tabi mo. Kahit na magsaklob ako ng bayong para lang di ka mainis sa mukha ko, okay lang.”

Tumirik ang mata niya. Mukhang wala siyang kawala kay Miller. Mahihirapang magluksa ang puso niya nito. His sense of responsibility was really important to him.

“Bahala ka diyan,” sabi niya at naglakad palayo. “Kung gusto mong magtiyagang matulog dito sa hallway, gawin mo lang. Ginusto mo iyan. Pwede ka namang umuwi sa bahay at matulog na lang sa malambot na kama. Hindi ko alam kung bakit nagpapakabayani ka. Wala naman akong pakialam.”

Kung noon sana nito ginawa ang pagpapakabayani nito, baka kiligin pa siya. Alam naman niyang nakokonsensiya lang ito kaya nagtitiyaga siyang bantayan.

“Saan ka pupunta?” tanong ng binata na nakasunod sa likuran niya.

“Maglalakad-lakad. Mababaliw na ako na nakakulong sa kuwarto ko. Huwag mo na akong sundan. Di naman ako tatakas.”

“Wala ka pa ring bodyguard. Nasaan ba sila?”

Inilahad niya ang palad. “Sabi ko magkape sila. Malamang pagod at gutom na sila sa pagbabantay sa akin. DI naman kailangan.”

“Then I am coming with you.” Matalim ang tinging ipinukol niya dito. “Di mo naman kailangang tingnan ang mukha ko. You don’t even have to talk back if I speak. Basta hayaan mo lang ako na bantayan ka.”

“Fine.” She would treat him as if he didn’t exist. Magmukha itong ewan pero di talaga niya ito papansinin. But it was easier said than done. Nararamdaman niya ang presensiya ni Miller sa likuran niya. Her senses were hyperaware of him. His tall, imposing presense, his subtle musculine scent. Pumikit siya at mahinang umungol. He was ingrained in her soul. Hindi ito madaling alisin sa sistema niya.

“I am sorry, Nadine. I wish I could have protected you better.”

“Ano namang magagawa mo? Wala ka naman noong sinagip ko ‘yung bata o noong binato ako ng bato.”

“I mean not just the injury on your head but I apologize for your heartache as well. Hindi kita dapat sinisi na nahuli tayo ni Uncle Crispin. I enjoyed the kiss and it was coward of me to blame it all on you. I kissed you back. At sa ating dalawa, ako ang mas maraming experience. Ako dapat ang mas may kontrol. But I really don’t know what to do when you are around and… I am sorry for trampling on your heart.”

Nakataas ang kilay niya itong nilingon. Hindi na siya nakatiis. Di na niya kaya pang magpanggap na walang naririnig o hindi naaapektuhan sa mga sinasabi nito. “Miller, huwag ka nang sorry nang sorry. Tapos na. Nasaktan na ako. At lalo lang akong nasasaktan kapag nagso-sorry ka. Sorry kasi di mo alam na mahal mo ako? Sorry kasi di mo ako mahal? Tanggap ko na. Wag nang paulit-ulit.”

“But I didn’t apologize enough.”

Umiling siya. “Alam mo, mabuti ka namang tao. Di naman kita magugustuhan kung hindi dahil doon. Kaya huwag ka nang makonsensiya. Wala ka namang magagawa para protektahan ako. Masasaktan at masasaktan pa rin ako. Ginusto kong masaktan nang mahalin kita.”

“Pero ayokong ganito tayong dalawa. I… I wish things were different.”

She breathed deeply. Pilit siyang ngumiti sa lalaki. “Don’t feel sorry for not falling in love with me. Tanggap ko naman. Sanay na rin ako sa rejection. People of the higher echelon think I don’t belong. That I am too stinky to rub elbows with them. Alam ko naman pera lang ni Papa ang dahilan kung bakit nila ako tinatanggap. Naka-survive ako, Miller. I am a survivor. ‘Yang pag-reject mo sa pagmamahal ko, kaya ko ring malampasan iyan. I will get over you.”

“Gusto mo bang sampalin ako para mawala ang sakit? Suntukin ako? Ipagulpi mo sa mga bodyguards mo? Okay lang sa akin. Do it. I am such a bastard.” At hinila siya palapit.

Nawalan siya ng balanse at napasandig sa dibdib nito. Her heart beat fast. No. Ayaw niyang saktan ito. She wanted to kiss him. As if it was the only way to ease the pain.

“No!” sigaw niya at kumawala sa pagkakahawak nito. Tumakbo siya palayo dito, pabalik sa kuwarto niya. Tumakas siya sa nararamdaman niya. Hindi niya ito kayang saktan. Di rin ito madaling kalimutan.

Paano ba siya babalik sa normal na buhay? No. Mahal ko si Miller. Iyon ang normal. Ilang taon ko siyang minahal at di pa ako sanay nang wala siya sa puso ko. At di pa ito nawawala sa puso niya. Even her body was still attuned to him. As if its nature was to long for his touch and kisses.

How can I get over you, Miller Sebastian? Please make it easier for me. I don’t want to be miserable and pathetic anymore.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.