Napahikbi si Nadine at itinulak ang pinggan palayo sa kanya. “O bakit? Di ba masarap?” tanong ni Lewis.
“Masarap kaso kalasa ng luto ni Miller. Pati texture ng itlog saka timpla ng spices ganoon na ganoon din. Di ko alam bakit naalala ko siya sa omelet lang. P-Pareho ba sila ng timpla na gusto ni Tita Monina?” tanong ng dalaga.
“Hindi. Pero si Miller ang nagluto niyan.”
Ipinilig niya ang ulo. “Paanong siya ang nagluto? Wala naman siya dito.” Di ba’t abala ang lalaki sa pagtatampisaw sa piling ng ex-girlfriend nito?
“Hindi mo ba naalala na dumating siya kagabi?”
Marahan siyang umiling. “Seryoso?”
“Oo. Ipinakilala mo pa nga siya sa audience kagabi. Na… sinaktan ka niya. Na mahal mo siya pero iba ang mahal niya. Na mas pinili niya ang ex-girlfriend niya kaysa sa iyo.”
“A-Anong sinabi ko? Wala akong maalala.” Sumidhi ang hangover ng dalaga at isinubsob ang mukha sa palad. “Ugh! Kunin na ako ng liwanag, please.” Hindi siya dapat nakita ni Miller kung gaano siya kamiserable. Ayaw pa mandin ng lalaki na nag-eeskandalo sa harap ng maraming tao. Kumusta naman ang pride niya? Wasak na wasak na. Wala nang natirang kahit katiting na kahihiyan. Paano pa niya ito mahaharap nang taas-noo sa susunod? “Umalis na ba siya?”
“No. Nasa garden siya at pinaglilinis ni Madam Monina. Kaya ko nga binuksan kanina ang bintana kasi baka gusto mo siyang tanawin.”
Tumayo siya at dahan-dahang naglakad papunta sa bintana. Hinawi niya ang kurtina para matanaw mula sa bintana ang garden. Bahagya niyang tinabingan ang mata para masipat ang nangyayari. Nasa garden nga si Miller at may tinutulak na wheelbarrow na puno ng mga kalat mula sa party nang nagdaang gabi. Kasama nitong tumulong sa pagliligpit ng kalat ang ibang mga staff. Tumayo siya at tumanaw sa bintana. He was wearing simple boardwalk shorts and white sando now. Naghuhumiyaw ang biceps nito. At kahit sa distansiya, bakat ang ridges ng abs.
Nasanay kasi siyang naka-suit at slacks ang lalaki kahit umaga pa lang. Kulang na lang ay matulog ito nang naka-business suit.
Why so yummy? Naglalaway tuloy si Nadine kahit hindi pa naman nagugutom. Move on, besh. Huwag masyadong magpapadala sa muscles.
“Anong ginagawa niya dito?’ tanong niya kay Lewis.
Nagkibit-balikat ang lalaki. “Earning his keep. Di siya pwedeng magtagal dito bilang guest. Kaya binigyan siguro siya ng task kung gusto niyang mag-stay dito. Bakit gusto niyang mag-stay dito?”
“Para makasama ka siguro?”
Pagak na tumawa ang dalaga sa suhestiyon ni Lewis. “Maiiwan siya bilang tagalinis lang? This is so beneath him.” Kasama pa nito si Karim at ang isa pang bodyguard sa pagliligpit ng kalat. “B-Bakit pati sila naglilinis din?”
“Baka inutusan sila na tulungan si Miller. Senyorito siya, di ba? Baka di siya sanay sa mga pangmahirap na trabaho.”
“Kaya nga di ko maintindihan kung bakit nandito pa siya,” giit ng dalaga. “Hindi niya kailangang mahirapan dito. Pwede naman siyang bumalik doon sa ex-girlfriend niyang nang-iwan sa kanya.”
“Di ka ba naniniwala na worth it ka para pagpurisigihan?”
Marahan siyang umiling. “I don’t know.” Basta ang alam niya, bagsak ang moral niya dahil kay Miller. Mas nasasaktan siya kung makikita niya ito na nasa resort. Parang aasa lang siya sa wala kung maniniwala siya na nananatili ito sa resort dahil gusto siya nitong makasama.
Mayamaya pa, tinawag ito ni Mang Estong, isa sa mga tagapamahala ng resort. “Pagkatapos ninyo dito, doon naman kayo sa laundry area. Nasira ang washing machine kaya kailangan I-mano-mano ang mga labahin.”
Hinintay si Nadine na pumalag si Miller. Di biro ang madestino sa laundry area lalo na kung mano-man ang pakikipagbuno sa labada. Siguro naman susukuan na siya ng lalaki. Ihinahanda na niya ang puso niya sa sakit. Di nito kailangang pahirapan ang sarili sa kanya. Kahit pa para sa responsibilidad.
“Sige po, Mang Estong. Pupunta na po kamin doon pagkatapos nito,” sagot ng binata at tumango sa matandang lalaki. Saka nito ipinagpatuloy ang pagtatrabaho.
“A-Anong nangyari? Bakit di siya nag-walkout?” tanong ni Nadine sa may kalakasang boses.
Biglang lumingon si Miller sa direksyon ng cottage niya. Ibinaba niya ang kurtina at lumayo sa bintana. “Hindi siya pwede dito sa resort.” Ayaw na niyang umasa. Gusto na niyang makawala kay Miller.
“Si Madam Monina lang ang pwedeng magdesisyon diyan.”
“Nasaan si Tita Momnina?”
“Sasamahan kita sa kanya kapag naubos mo na ang pagkain at salabat mo,” kondisyon ni Lewis at wala siyang nagawa kundi ang sumunod.
Sinamahan siya ni Leuwis kay Monina matapos kumain. Nasa tabi ng man-made waterfalls ang matandang babae at naka-sirsanarana position o headstand. Inaalalayan ito ng guwapong yoga instructor na Middle Eastern ang features. “Join me, Nadine?” paanyaya nito.
“Gusto ko po sana kayong makausap tungkol kay Miller.”
Sa tulong ng yoga instructor, vajrasana position o diamond pose naman ang ginawa ng matanda. Nakaupo ito sa binti habang nakapatong ang dalawang kamay sa ibabaw ng mga hita.
“Please leave us, love. I can take it from here.” Ikinumpas nito ang kamay bilang pagtataboy sa yoga instructor. Inabutan muna ito ng lemonade drink ng lalaki bago umalis. “What’s with Miller, my dear?”
“Nakita ko po siya kanina sa garden, kanina na naglilinis. `Tapos po, narinig kong inutusan niyang tumulong sa laundry area. Naguguluhan po ako. Bakit pinapagawa ninyo siya ng kung anu-anong trabaho at ano bang ginagawa niya dito sa resort in the first place?”
Pinunasan nito ng tuwalyita ang pawis sa leeg at mukha. “Nadine, he came here for you. Tinupad niya ang pangako niya na samahan ka sa birthday ko.”
Tumirk ang mata niya. “Pangako niya? Hindi po ba mas pinili niya ‘yung ex-girlfriend niyang si Chloe kaysa samahan ako? Di ko nga alam bakit pa siya nandito.”
“Di daw siya aalis sa resort nang hindi ka kasama.”
Humalukipkip si Nadine. “Di po ako sasama. Dito lang ako.”
“Sabi ko, pwede siyang mag-stay bilang guest hanggang ngayong umaga. Kailangan na niyang umalis pagkatapos no’n. After all, this resort is exclusive for female guests.”
“Bakit po nandito pa rin si Miller?”
“Ayaw daw niyang umalis. Kaya sabi ko, pwede siyang mag-stay bilang isa sa mga Paradise Boys.”
“What?” bulalas ng dalaga kasabay ang panlalaki ng ulo. “I-I can’t imagine him charming other women.” Umungol siya. “Tita, masyado naman pong masakit iyan.”
“Sabi niya, dito lang siya para sa iyo. He even asked me if he can cook breakfast for you. Ikaw lang ang gusto niyang pagsilbihan.”
Naluha-luha siya. “Tita, ayoko na po. Umalis na lang siya. Kasi aasa lang po ako na baka ako ang mahalin niya. Kahit alam ko na nandiyan na ang ex-girlfriend niya.”
“The mere fact that he is here and he decided to swallow his pride to do menial jobs, it means that he wants to be with you.” Umangat ang gilid ng mga labi ng matanda. “Nadine, I know you still love him. At kung puwede lang, huwag siyang mahirapan o masaktan. Pero kung gusto mong patunayan na may pag-asang mahalin ka niya o talagang gusto ka niya, let him do the tasks. Hindi naman siya mapipilit gawin kung ayaw niya. Kung sa palagay ni Miller ay hindi niya kaya o hindi ka karapat-dapat bigyan ng effort, puwede naman siyang umalis. It is just for a week. Just enjoy this moment.
“Kung sukuan ka man niya at pilin niyang balikan ang ex-girlfriend niya, puwede mo na rin siyang sukuan.”
Itinapik niya ang paa. “I don’t think this is such a good idea.” Gusto lang magpahinga ng puso niya at kaya kailangang dumistansiya kay Miller. Mahirap bang gawin iyon?
“He is doing you a favor. This is Miller out of his comfort zone. He is usually the boss. Pero sa lugar na ito, ikaw ang masusunod. If you want to test him some more, this is your chance.” Magaan nitong tinapik ang pisngi niya. “Enjoy his efforts. It is all for you. At sa lugar na ito, di mo siya kailangang habul-habulin Hayaan mong siya ang maghabol sa iyo.”