Tenses (Unofficial) Series Chapter 13

Seven Years Ago

ALAS kuwatro pa lang ng madaling araw ay gising na si Linette. Hindi pa sana niya gusto, lalo na at tatatlong oras pa lang siya na nakakatulog. Pero dalawang beses sa isang buwan lang siyang umuuwi sa bahay nila sa Itogon, Benguet. Sinubukan niyang gugulin ang maraming oras ng pag-uwi niya para makipag-bonding sa kapatid. Halos hapon na rin kasi ng Sabado siya dumating. Tuwing umuuwi rin siya ay tumutulong siya sa bayan nila. Isa siyang Volunteer Tour Guide sa Mount Ulap----isang sikat na kabundukan sa bayan kung saan siya nakatira.

Active ang pamilya ni Linette sa bayan nila. Tumutulong sa iba’t ibang community activities ang Mama niya at bilang mga anak, inaasahan nitong kahit silang magkakapatid ay tutulong rin. Hindi naman sila mayaman. Messenger sa isang private company sa Baguio ang kanyang Papa. Ang Mama naman niya, bukod nga sa aktibong member ng community activities ay namamahala ng maliit na tindahan nila sa bahay. Apat sila na magkakapatid, si Linette ang panganay. Pangarap ng mga magulang niya na makapagtapos siya ng pag-aaral sa magandang university para raw mas magkaroon siya ng magandang trabaho. Umaasa ng malaki sa kanya ang mga magulang dahil sa kanilang magkakapatid, siya raw ang pinakamatalino.

Malaki ang pangarap ng pamilya para kay Linette. Kaya kahit masasabi na hindi kagandahan ang buhay, sinisikap ng pamilya niya na maging matagumpay siya sa buhay. Pinag-aral siya ng mga ito sa isang magandang kolehiyo sa Maynila. Kumukuha siya ng kursong Nursing. Scholar siya. Hanggang ngayon ay napapanatili pa rin naman niya iyon. Sinisikap niya.

Mahigit isang sem na lang rin ay makakatapos na Linette ng college. Kahit naman kasi scholar, malaki pa rin ang gastos sa kanya dahil sa cost of living sa Maynila. Pinu-push rin niya ang pagiging tour guide dahil kahit sinabing volunteer ay may bayad rin iyon. Kahit papaano, nagkakaroon siya ng extra na pera kapag umuuwi siya ng Benguet. Ilang beses na rin naman siyang nakaakyat sa Mt. Ulap. Sadya rin na naghahanap ng tour guides roon, lalo na kapag weekends, dahil mas marami ang umaakyat.

Nang makarating sa site ay natagpuan ni Linette na naroroon na ang ilang mga hikers----professional o beginners man ang naroroon. Sumama siya sa grupo ng mga tour guide at inasikaso naman sila ng administrator na siyang namimili kung kaninong grupo sila ng mga hiker na mapupunta.

Karamihan sa mga tour guide ay mga kaibigan na ni Linette. Mga taga-roon rin karamihan kasi ang mga ito. Sandaling nagkuwentuhan muna sila bago nabawasan nang nabawasan. Tinatawag na kasi ng administrator ang mga na-assign na tour guide sa bawat grupo.

Nang si Linette na ang tawagin ay bahagyang nag-iba ang pakiramdam niya. Nakaramdam siya ng pagkahilo. Alam niya na dala iyon ng puyat kagabi. Isama pa na marami rin ang dala niya. Pagkatapos kasi ng hike ay didiretso na siya pabalik ng Maynila. Dala na niya ang gamit niya sa pag-akyat ng bundok. Hindi na siya babalik pa ng bahay nila dahil buong araw rin na aalis ang pamilya niya para bisitahin naman ang Lola nila sa kabilang bayan. Wala na rin siyang dadatnan sa bahay kaya pinili niyang isama na rin ang mga gamit. Gastos pa rin kasi at magagahol siya sa oras kung babalik pa siya sa bahay kaysa sa diretso na siyang biyahe papuntang Maynila. Kung iiwan niya sa starting point ang mga gamit ay babalikan niya pa rin iyon dahil iba ang end point. Traverse ang trail.

Pero kinalma ni Linette ang sarili. Hindi siya puwede na mag-inarte. Kalahating araw ang hike, depende pa iyon sa grupo kung saan siya ma-assigned. Kapag mga professional hikers, kadalasan ay mabilis lang siya na nakakabalik sa dulo ng trail. Pero kapag mga beginners lang, lumalagpas pa iyon ng kalahating araw, minsan pa nga ay buo.

“Masuwerte ka ngayon, Linette,” wika ng matandang administrator. “Bukod sa isa lang ang gagabayan mo ay guwapo pa, o!”

Ngumiti lang nang kimi si Linette sa komento ng administrator. Bukod sa masama ang pakiramdam, wala rin naman siya na interes sa guwapo. Masasabing bread winner siya ng pamilya. Forbidden para sa kanya na magka-crush. Hindi siya puwede na magka-love life. Marami siyang priority at responsibilidad sa buhay.

Tumingin si Linette sa tinutukoy ng administrator. Kung kanina ay gusto niya na mapahawak sa ulo pagkahilo, ngayon naman ay sa kanyang dibdib. Tila nagkaroon ng nangangarera na kabayo roon nang magsalubong ang kanilang mga mata.

Ah, sandali pa lamang ay may pakiramdam na si Linette. Today is going to be a long day.

NAPAKURAP si Lawrence nang makita ang assigned tour guide sa kanya. Hindi niya inaasahan na bukod sa bata ay babae rin ang magiging tour guide niya. Pero ang pinaka-kinagulat ni Lawrence ay ang kakaibang tibok ng puso niya nang magsalubong ang mata nila ng babae.

Ang ganda. Kaagad na naiusal ni Lawrence sa isip. Itinigil niya ang pagkurap at tinignan na lang nang mabuti ang dalaga. Unang titig pa lang ay nagustuhan na niya ang lahat rito. Chocolate eyes with long eye lashes, pointed nose, cute thin lips at mala-labanos na kutis ang mapapansin kaagad rito. Gusto rin niya ang kahit natatakluban ng pula na bonett ay nakalitaw pa rin ang ilalim na itim at tuwid na buhok nito. Hindi ito katangkaran. Umaabot lang sa baba niya ang bumbunan nito pero pakiramdam niya ay mas naging asset pa nito iyon. Nakapagpa-cute pa lalo rito na tignan ang tangkad nito. Simple lang ang tour guide niya pero may dating ito.

“G-good morning, Sir.” Nang batiin si Lawrence ng tour guide ay saka lamang niya inalis ang tila rude na pagkakatitig rito.

Kainis. Hindi gawain ni Lawrence ang tumitig sa babae. Heck, ni hindi nga siya basta-basta nagkakagusto sa isang babae. Twenty four years old na siya pero hindi pa siya nagkakaroon ng seryosong relasyon. Wala pa rin siyang balak. Wala pa naman kasi rin siyang babaeng nagkaroon ng matinding interes...o wala pa hanggang sa makita niya ang babaeng ito.

“Good morning,” ngumiti si Lawrence. Inilahad niya ang kamay sa babae. “I’m Lawrence Grande. Ikaw?”

“Puwede niyo po ako na tawagin na Linette,” magalang na sagot ng babae. “Handa na po ba kayo, Sir? Puwede na po natin na simulan ang hike.”

“Sure!” wika ni Lawrence pero tinignan muli si Linette. Napakunot-noo siya nang makitang mukhang dala nito ang mundo. “Pero sigurado ka ba na isasama mo `yang mga gamit mo?”

“Luluwas po kasi ako ng Maynila pagkatapos nito. Dinala ko na po ang gamit ko. Pero `wag po kayo na mag-alala. Ilang beses ko na rin naman po na naggawa ito.”

“Really? Luluwas rin ako ng Maynila mamaya. You can join me if you want…”

Kumunot ang noo ni Linette. Hindi ito sumagot. Natameme si Lawrence. Ni hindi pa siya ganoong kakilala ni Linette. Hindi niya ito masisisi kung ganoon ang reaksyon nito.

Nagugulo si Lawrence sa sarili. Hindi siya sanay sa ganito na klase ng sitwasyon. Pero nandito na rin siya. Pinili rin niya na maging mag-isa sa pag-akyat sa Mount Ulap na siyang nagpa-awkward sa sitwasyon. Sadya kasi na may pagka-loner siya na tao. Isa pa, nagtatrabaho siya bilang mining engineer at siya ang pinakabata sa site nila na matatagpuan rin sa Benguet. Puro may mga pamilya na ang mga katrabaho at kasamahan niya kaya sa tuwing ganitong araw na day-off niya, madalas na mag-isa lang rin siya.

Tuwing Linggo at Lunes ang day-off ni Lawrence. Sabado ng gabi ay umuuwi na siya sa bahay nila sa Baguio. May kalayuan rin kasi iyon sa site kung saan siya nagtatrabaho. May sariling staff house sila sa site. Kapag Linggo naman ay lumuluwas siya ng Maynila. Bukod sa pagiging mining engineer, part-time professor rin siya sa University kung saan siya graduate sa Maynila. Bihira lang ang mining engineer na may interes sa pagtuturo at may sapat na kaalaman kaya napili siya. Lahat naman ng gastos niya ay bigay ng mga ito kapag nasa Maynila. Bukod pa iyon sa may kalakihan rin na suweldo niya. Naniniwala ang mga ito sa galing niya, bukod pa sa maganda ang experience niya dahil nagtatrabaho rin talaga siya sa Mining Site.

Mula naman sa mining site nila ay makikita ang Mount Ulap. Matagal-tagal na rin na gustong puntahan iyon ni Lawrence, bukod pa sa sikat iyon. Ngayon lang niya naisipang punan ang curiousity. Puwede naman kasing hapon pa siya lumuwas ng Maynila dahil Lunes pa naman ng umaga ang trabaho niya. Ito ang pinaka-unang hiking experience niya. Umaasa siya na magiging maayos iyon. Magagawa naman niya siguro, kung hindi lang talaga tila nagkakanda-letse-letse ang puso niya kapag nakikita niya ang mukha ng babae.

Pero paano niya maiiwasan? Mahaba ang hike at ito ang guide niya. Anong gagawin niya?

Appreciate. Discover. Iyon ang dalawang sagot na pumasok sa utak ni Lawrence. Tama nga ba? Pero sabi nga nila, there’s no harm in trying.

Niyaya na lamang ni Lawrence na maglakad na sila ni Linette. Pumayag ito pero tahimik lang ito. “Ahmm, hindi naman siguro masama na magtanong ako sa `yo `di ba?”

“Trabaho ko po iyon. Ano po ba ang gusto niyong malaman?”

“Ilang taon ka na?” hindi naman napigilan ni Lawrence na tanong.

Eh kasi nga, appreciate and discover. Wala naman na masama `di ba? Gusto niya na makilala si Linette. Gusto niya na malaman kung ano ba ang mayroon rito at ganoon ang nararamdaman niya rito. May something special ba rito para magkaroon ng kakaibang reaksyon ang puso niya rito?

“Twenty. At kung tatanungin niyo po ako kung nag-aaral ako, opo. Graduating po ako ng Nursing. Parang part-time job rin po ang sinasabing voluntary work o para sa akin ay advocacy ko lang rin po ang pagiging tour guide rito sa Mount Ulap. Pero may bayad rin naman po.”

“Ah, nice. Ang galing mo naman,”

Siguro iyon ang something special, kakaiba si Linette dahil hindi ito kagaya ng ibang kabataan na ginugugol lamang sa walang kakuwenta-kuwentang bagay ang mga bakasyon o weekends. Sa nalaman, mas lalo siyang humanga kay Linette.

“Kung ganoon, magagaling rin po ang iba ko pa na kasamahan na tourist guide. Ganoon rin po sila.”

Natameme si Lawrence. Hindi pa rin iyon ang sagot. Nakita niya ang kumpol ng mga tourist guide kanina. May babae rin naman roon pero hindi naging kapansin-pansin sa kanya ang ganda nito kagaya ni Linette.

Hindi na nagsalita si Lawrence dahil nag-umpisa na rin na mahati ang damdamin niya. Kagaya ng inaasahan niya, ang ganda ng paligid. Ang sarap ng hangin. Ang ganda ng nararamdaman niya, lalo na kapag napapatingin siya kay Linette. Hindi ito masyadong nagsasalita pero presensiya lang nito, sapat na para maging mas masaya pa ang pakiramdam niya.

“Malapit na ba tayo sa Gungal Rock?” tanong ni Lawrence maya-maya. Halos isang oras na rin sila na naglalakad ni Linette. Bago siya magpunta sa Mount Ulap ay nag-research muna siya ng highlights ng hike. Ayon sa nalaman, ang Gungal Rock ay isang hugis tatsulok na rock formation na makikita sa daan patungo sa Mount Ulap. Pinagkakaguluhan iyon dahil sa kakaibang hugis.

“Yes, Sir.” Sagot lang ni Linette.

“Okay. Pero puwede ba muli na mag-request? Puwede bang `wag mo na akong tawagin na “Sir”?”

Kumunot ang noo nito. Ngumiti naman si Lawrence. “No arguments, please? Naiilang ako kapag tinatawag mo ako na “Sir”. Apat na taon lang rin naman ang tanda ko sa `yo.”

Bumuntong-hininga muna si Linette bago nagkibit-balikat. Hindi ito nagsalita at hindi na rin naman siya nagtanong. Nang dumating sila sa Gungal Rock, pinaubaya siya nito sa isa sa mga kasamahang tour guide.

“Si Evan na po muna ang bahala sa inyo, Sir.” Wika ni Linette sa kanya. Inalalayan siya nito samantalang si Linette ay umupo sa may lilom na batuhan.

Sandaling nawala ang atensyon ni Lawrence kay Linette. Nasabik siya sa pagpuwesto sa Gungal Rock at nagpa-picture na rin roon. Medyo nakakatakot dahil pa-slant ang bato at kaunting mali lang ay puwede siyang madulas at mahulog sa masukal na ilalim. But the feeling is worth it.

Satisfied ang pakiramdam ni Lawrence nang balikan si Linette. Pero nang makita ang guide sa pagbalik ay nakaramdam siya ng lungkot. Tila kaawa-awa si Linette habang naka-ub-ob sa isa sa mga bato. Nag-alinlangan siya na gisingin ito. Pero nang nawala ang shade at naanigan ito ng araw ay sinubukan rin naman niya. Mas mahihirapan ito kung matutulog ito ng ganoon.

“Ah, sorry, Sir. Nakabalik na po pala kayo,” kumurap-kurap pa si Linette.

“Okay ka lang ba?”

“Ha? Siyempre naman po...” wika nito pero walang sigla. Tumayo na ito. “Tara na po.”

Tumango si Lawrence. Naisip niya siguro ay napagod rin si Linette. Mahaba-haba na rin ang nalakad nila at hindi sila tumitigil at nagpapahinga nang matagal kagaya ng ibang grupo. Pagkatapos ng fifteen minutes, niyaya niyang magpahinga si Linette.

“Pagod na po ba kayo?” sa halip ay tanong sa kanya ni Linette.

Umiling si Lawrence. “Actually, ikaw ang iniisip ko.”

“`W-wag niyo po ako na alalahanin.” Sagot ni Linette kahit bahagyang hinihingal.

Kumunot ang noo ni Lawrence. “Pero---“

“Mas mahirap po na maglakad kung magpapatagal pa tayo. Sa pagtaas ng araw, umiinit.”

May punto si Linette. Wala naman na kaso sa kanya ang init. Sanay siya roon dahil sa trabaho niya na kadalasan ay sa ilalim ng lupa. Inaalala lang talaga niya si Linette. Nag-aalala siya rito.

Ano pa ba ang maibibigay ng babaeng ito sa kanya? Bukod sa malakas na tibok ng puso, saya na nararamdaman niya kapag nasa tabi ito ay nag-aalala rin siya rito. May kapatid siyang babae pero ni hindi niya nga maggawang mag-alala ng ganoon rito. Mabait siyang tao pero hindi siya ganoon kaalalahanin.

“Malapit na ba tayo sa summit?” matagal-tagal na rin sila na naglalakad pagkatapos ng Gungal Rock ay wala pa rin itong salita. Hindi na niya kinausap ito dahil baka mas lalo lamang ito na mapagod.

“Opo.”

“Ano bang makikita roon?”

“Kagaya lang rin naman po nang nakikita niyo rito. `Yung sea of clouds po kasi, bumababa in between one to three in the afternoon. Hindi niyo pa po makikita as of now.”

“Oh... Sabagay, ang pinaka-highlight naman talaga nitong hike ay ang Gungal Rock.”

Tumango si Linette. “Kung gusto niyo po ay puwede naman tayong mag-take ng shortcut.”

“Hmmm, sa tingin ko ay gusto ko,” wika ni Lawrence, tinititigan si Linette. Mas lalo niyang napansin ang kapaguran sa mukha nito. Pakiramdam tuloy niya ay mas napapagod siya. “Mag-short cut na lang tayo,”

Pumayag si Linette. Pero ang short cut na sinasabi nito ay mukhang hindi naman sa short cut. Mahabang lakarin pa rin iyon na puro pababa. Nauuna si Linette sa kanya at kagaya niya, hindi rin nito maiwasan ang madulas. Hindi naman maputik pero sadyang mahirap ang daan.

Masakit na ang paa ni Lawrence nang marating nila ang daan na tila ginawang hagdan dahil sa mga kahoy. Pero hindi sapat ang mas maayos na daan para makaiwas sila sa aksidente. Natisod si Linette sa sa isang bato at dumausdos ito pababa.

“Linette!” hintatakot na sigaw ni Lawrence. Napatakbo siya sa kinaroroonan nito. Hindi naman mahaba ang pinagdausdusan nito pero sapat na iyon para masaktan ito.

Pinilit ni Linette na makatayo pero nahirapan ito. Nang itaas nito ang leggings na suot, nagkaroon ito ng sugat roon. Pumasa rin kaagad ang ilang parte ng paa nito.

“Damn,” mura ni Lawrence. Kinuha niya ang kit na suwerteng dala niya sa bag. Sinubukan niyang gamutin si Linette pero hindi siya pinayagan ni Linette.

“Ako na po.”

“Pero---“

“Nursing student po ako. Sa tingin ko ay mas alam ko ang gagawin.”

Napatiim-bagang na natameme si Lawrence. May punto naman si Linette pero nainis siya sa pagsagot nito. Hindi niya kasi gusto na ito pa rin ang gumawa ng lahat samantalang ito na nga ang nasugatan. Pero higit sa lahat, mas naiinis siya na nasaktan ito. Alam niya na sa kanilang dalawa ay mas may responsibilidad ito sa kanila pero siguro ay masyado lang siyang pinangungunahan ng ego niya.

Nasasaktan si Lawrence sa lagay na nasasaktan si Linette.

Iika-ika si Linette nang makatayo. Kinuha ni Lawrence ang pagkakataon para magmarunong. Inilagay niya ang bag sa unahan, umupo at inalok ang likod niya.

“Ride on my back.”

“Mabigat po ako dahil sa dala kong gamit---“

“Walang problema.”

Umaawang ang bibig ni Linette. Mukhang magpoprotesta pa ito nang siya na mismo ang humawak rito. “I insist, okay? Mukhang patapos na rin naman ang hike.”

Tumingin si Linette sa daan at pagkatapos ay sa nag-uumpisang kumulimlim na paligid. Mukhang paulan. Nang tumango si Linette, naisip niya na baka ang naisip nito na mas mahihirapan silang makababa kapag umulan. Sa lagay kasi nito ay mas matatagalan silang makababa dahil mahihirapan itong magalkad.

Pagod na si Lawrence pero parang nagkaroon siya ng enerhiya habang pasan si Linette. It feels weird though. May kabigatan rin si Linette pero parang hindi niya maramdaman. Mas naging komportable pa siya habang naglalakad. Nawala na rin ang frustration niya. Nakampante siya sa pakiramdam na alam niyang ngayon ay hindi na nahihirapan pa si Linette.

There’s really something about Linette. At si Lawrence, pursigido na i-discover kung ano ang “something” na iyon rito. Na-excite siya bigla sa plano.

“SALAMAT,” magagawa siguro ni Linette na sabihin sa customer niya ngayon ang mga salitang iyon ng dalawampung beses. Lubos na nagpapasalamat siya kay Lawrence sa pagiging maiintindihin nito. Bukod pa roon, ito pa ang nagsilbing gabay niya sa pagtapos ng hike. Halos kalahating oras rin siya nitong pinasan hanggang sa makarating sila sa Sta. Fe---ang end point ng traverse trail hike.

Pagod at masasabi ni Linette na nahihilo pa rin siya dala ng puyat. Pero pakiramdam niya, guminhawa ang lahat dahil kay Lawrence. Gusto niya sana na maging civil rito dahil kahit mukhang gusto nito na mapalapit ay customer pa rin ito. Gusto niyang i-practice ang pagiging professional niya. Pero kailangan pa ba niya iyon ngayon samantalang mas siya pa yata ang naging customer ni Lawrence?

“Walang ano man,” sagot ni Lawrence. Maganda pa ang ngiti nito, tila sincere na sincere sa sinabi. Kinuha nito ang wallet mula sa bulsa, inabot nito iyon sa kanya.

Lumayo si Linette. “Naku, `wag na po. Ako pa nga ang nanggulo sa inyo,”

Kahit nangangailangan, may manners rin si Linette. Paano niya magagawang tanggapin ang pera na ni hindi niya masasabi na pinaghirapan? Siya pa ang namuwerhisyo sa customer niya. Sa tingin niya ay mas dapat pa nga na siya ang nagbayad rito.

“Nanggulo?” tumawa si Lawrence. “You’re light as a feather. Balewala sa akin ang pagpasan ko sa `yo. In fact, nagustuhan ko pa nga.”

Sandaling tinitigan ni Linette si Lawrence. Nagustuhan sa anong paraan? Gusto niya itong tanungin. Gusto rin kasi niya na magkaroon ng kasagutan kung bakit sa kabila ng kahihiyan, nagustuhan rin niya ang ginawa nito sa kanya.

Nagustuhan ni Linette ang presensiya ni Lawrence. Kakaiba ang init na naramdaman niya habang pasan-pasan siya nito. Tila naging maayos ang lahat, komportable. Ang tanging bumabagabag nga lang sa kanya ay ang puso na nanatili na malakas ang tibok kahit nakapagpahinga na naman siya. Pero iyon naman ang tipo ng kabog na masarap kaya maginhawa pa rin ang pakiramdam niya.

“Ah, pero hindi ko pa rin po matatanggap ang pera na `yan. Maraming salamat na lang po,”

Huminga nang malalim si Lawrence. “Well, kung iyon ang gusto mo. But what about my offer? Sumabay ka na sa akin papuntang Maynila. I have a car.”

Napaisip si Linette. Gusto niya sana. Maraming benefits iyon. Walang bayad at mas magiging komportable rin siya. Higit sa lahat, makakasama niya si Lawrence. Tapos na ang trabaho. Puwede na siyang hindi maging professional rito. Pero bukod sa nahihiya, tama ba na i-entertain niya ang kakaiba niyang nararamdaman rito?

Naka-focus lang dapat ang isip ni Linette sa pag-aaral. Kung ano man itong nararamdaman niya kay Lawrence, hindi niya dapat iniisip iyon. Isa pa, wala pa nga silang isang araw na magkasama. Mawawala rin siguro ang mararamdaman niya.

Tatanggi na sana si Linette. Iyon ang dapat niyang gawin para mawala rin ang nagiging kahibangan niya. Pero naalala niyang sa pera nga pala siya na kikitain kukuha ng pamasahe. Pumayag na rin siya sa huli dahil wala rin siyang choice.

“S-sige po.”

“`Don’t use the “po” word. Sorry, pero naiinsulto ako. I told you, twenty four lang ako.”

“Sorry.”

“Let’s be friends, kung okay lang sa `yo?”

“All right.”

Bumalik sila sa Ampucao ni Lawrence sakay ng jeep. Sa Ampucao ay kinuha ni Lawrence ang kotse. Nang makarating sila sa Baguio ay sandaling nag-dinner sila. Hindi na sila nagtagal dahil sa hirap ng biyahe at pareho na rin silang pagod. Mag-aalas dose nang makarating sila sa may bandang Greenhills kung nasaan ang dorm niya at malapit lang rin ang school na pinapasukan niya. Saktong malapit lang rin naman daw iyon sa college kung saan nagpa-part time job bilang professor.

Pero sa pinagsama-samang pagod at puyat ay mas sumama pa ang pakiramdam ni Linette nang makita ang sitwasyon sa dorm niya. Dinuduro na sinalubong si Linette ng land lady niya.

“Kung hindi mo makakaya na bayaran ang balance mo sa renta ngayong araw ay balutin mo na ang mga gamit mo!” walang kahihiyan na sigaw ng land lady kay Linette.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.