Tenses (Unofficial) Series Chapter 14

NAPAIYAK si Linette pagkatapos makausap ang ama sa telepono. Inaasahan na naman niya ang magiging reaksyon ng mga ito kapag nalaman ng mga ito ang ginawa niya. Pero ginusto at pinilit niya na mangatwiran. Wala na siyang pagpipilian.

Dalawang araw na simula nang lumipat si Linette sa San Diego Compound sa may Greenhills. Sa halip na bayaran ang balanse at magtuloy sa tinirahan na dorm, sinunod niya ang kagustuhan at sa tingin ni Lawrence na tama---ang lumipat na lang ng titirahan sa halip na magpatuloy pa roon.

Dati pa naman ay hindi na gusto ni Linette ang land lady nila sa dormitory. Masyado itong mataray at palaging nakasigaw. Kapag ganoong nale-late rin sila ng pagbabayad ay walang kahihiyan na pinamamalita nito sa lahat.

Pero may dahilan naman ang galit nito. Mali si Linette dahil may dalawang buwan pa siyang balanse. Pero sana ay kaunting konsiderasyon naman. Sa inis sa eskandalo na ginawa ng land lady, pumayag si Linette sa payo sa kanya ni Lawrence. Sa tulong ni Lawrence ay nabayaran ang balanse niya bago nakalipat.

Si Lawrence ang tumulong sa kanya na makahanap ng panibagong matitirahan. Matagal na raw nito na nakikita ang San Diego Compound tuwing lumuluwas ito. Naging interesado ito roon.

“Ang sosyal nito!” kaagad na nabulalas ni Linette kay Lawrence nang dalhin siya nito sa compound. Pabor sana sa kanya ang compound dahil malapit rin iyon sa college niya at napakaganda rin. Pero para sa isang tao lang na kagaya niya? Mahihirapan siyang bayaran ang renta roon!

“You deserved it.” Wika lang ni Lawrence saka inayos ang mga dala niyang gamit. Tinulungan siya nitong maglipat.

Umiling ito. “Wala akong pambayad para sa ganito kaganda na lugar. `Wag na lang dito, please?”

Napasubo si Linette kay Lawrence. Sa tingin niya, matitiis pa naman niya ang dating dormitory. Masyado lang siguro siyang nadala ng pagod kanina kaya nagpadala siya sa mga sinasabi ni Lawrence. Ngayon ay gusto na niyang bawiin iyon.

“Relax. Pinagbabayad ba kita?”

Napalunok si Linette. “D-dapat lang naman `di ba?”

“Alam ko. Pero naisip ko rin na kailangan ko ng maayos na matutuluyan kapag pumupunta ako rito sa Maynila kahit isang beses sa isang linggo lang iyon. Hindi ko kasi gusto iyong kasama ko sa boarding house na bayad ng university kung saan ako nagtuturo.”

“S-so paghahatian natin ang unit na ito?”

“Would you mind? May apat na kuwarto ang isang unit. Napakalaki nito para sa dalawang tao.”

Tinitigan ni Linette si Lawrence. Kung tutuusin, estranghero pa sa kanya si Lawrence. But her instinct says he is a nice person. Napansin niya iyon buong araw bukod pa sa mukha nito na parang kay amo. Lawrence is the epitome of a tall, dark and handsome man. Pero ito ang tipo na hindi intimidating. May light feeling siya rito. Parang gumagaan ang loob niya kapag ngumingiti ito.

“Linette, magkaibigan na naman tayo `di ba?”

Tumango si Linette. Sa tingin niya, sapat na ang buong maghapon para pagkatiwalaan niya ito at masasabi na kaibigan. Mukha naman na hindi rin ito abusado at iyon na nga, maraming kuwarto ang unit. Kung natatakot siya na may masamang gawin si Lawrence sa kanya, napakadali naman na magtago. Isa pa, magkakatabi lang rin ang unit sa compound. Magiging madali sa kanya ang saklolohan kung may mangyari man na masama. “Still, the rent...”

“I can handle it. `Wag mo ng alalahanin iyon.”

Pumayag si Linette. Tanga na lang rin naman siya kung hindi, lalo na sa lagay niya ngayon at ng pamilya. Kadalasan na nale-late siya sa pagbabayad ng renta. Madalas na naso-short sila sa pera. Kung hindi na niya kailangan na magbayad ng rent, mababawasan ang gastos.

Nag-alinlangan si Linette na ipaalam sa mga magulang ang nangyari. Panigurado kasi na mag-aalala ang mga ito o magagalit. Na nangyari nga. Limang araw rin ang lumipas nang sabihin niya sa mga ito ang totoo. Nasigawan siya ng ama sa tawag. Hindi daw dapat siya pumayag. Hindi niya lubos na kilala ang lalaki. Bakit daw sa lalaki pa siya nagpatulong? May mga kaklase naman siya at kaibigan na mas mapapagkatiwalaan.

Naisip na naman ni Linette ang option na iyon. Pero ang mga kaibigan niya ay mga estudyante pa rin kagaya niya. Naka-budget lang rin ang pera ng mga ito, may mga restrictions rin sa dormitory na tinutuluyan. Isa pa, si Lawrence ang naroroon noong oras na kailangan niya. Ito lang ang nakita niya kaagad na option kaya naging impulsive siya. So far, wala naman siyang problema. Sandaling natulog lang si Lawrence at umalis na rin. Bumalik lang ito sa compound pagkatapos ng klase nito at bumalik ulit sa Benguet. Ibinigay nito ang contact at ime-message raw siya kapag pabalik na ulit ng bahay. Kapag nasa site raw kasi ito ay mahirap ang signal.

May pagpipilian si Linette. Puwede siyang makiusap sa kaibigan ngayong malinaw na ang isip niya. Pero naiisip niya ang pera at kagustuhan na rin na mapalapit kay Lawrence. Kung aalis siya, baka mawalan sila ng contact sa isa’t isa. Hindi niya gusto iyon kahit hindi rin naman niya puwede na i-entertain ang nararamdaman. Ang gulo pero alam niya na kailangan niya na magdesisyon.

Nasa ganoong katayuan si Linette nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Nagulat siya nang makitang si Lawrence ang caller. Walang signal sa site kung saan naroroon ito kaya paano siya nito natatawagan? Biyernes pa lang ng hapon ngayon. Ganoon pa man, sinagot ni Linette ang tawag.

“M-may problema ba, Linette?” sa halip na pagbati, ang tanong na iyon ang nasabi ni Lawrence. Dahil nagulat, hindi kaagad naitago ni Linette pag-iyak niya kahit sa telepono.

“Ah, oo. Pero okay lang.”

“Puwede mong sabihin sa akin.”

“T-tungkol lang ito sa bahay.” Bumuntong-hininga si Linette. “Kailangan ko na siguro na umalis, Lawrence.”

“B-bakit?”

“Nagalit sa akin si Papa. Naghihirap na kami pero hindi niya gusto na gawin akong charity ng iba, lalo na ng isang estranghero...”

Sandaling natigilan si Lawrence. “Naiintindihan ko.”

“I’m sorry. Tinatanaw ko na malaking utang na loob sa `yo ang lahat pero kailangan ko na sundin sila. Pinagkakatiwalaan naman kita. Pero hindi ko gustong suwayin sina Papa...”

“Hindi mo naman kailangan na umalis rito. Hindi mo rin kailangan na suwayin ang magulang mo.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Naka-leave ako sa trabaho. Nasa Baguio na ako kaya nakatawag ako sa `yo. Tell me your parent’s address. Kakausapin ko sila.”

Napakurap-kurap lang si Linette bilang reaksyon sa sinabi ni Lawrence.

HINDI mapakali si Linette. Ngayon ang inaasahan niya na balik ni Lawrence sa San Diego Compound.

May dalawang dahilan kung bakit aligaga si Linette, lalo na ang puso niya. Una ay siyempre, nasasabik siya na makita ang lalaki. Ilang beses siya nitong tinawagan sa phone nang naka-leave ito pero iba pa rin ang personal. Iyon nga lang, ni isang text pagkatapos sabihin ni Lawrence na malapit na raw ito sa bahay nila ay wala siyang natanggap mula kay Lawrence. Mahigit sampung oras na simula noon.

Bago lumuwas ng Maynila ay kakausapin raw ni Lawrence ang magulang niya. Kukumbinsihin raw nito ang mga magulang niya para manatili siya sa unit. Hindi niya alam kung anong klase ng pangungumbinsi ang gagawin ni Lawrence pero mas inaalala niya ang magiging reaksyon ng mga magulang. Pumunta si Lawrence sa Itogon, Benguet para kausapin ang mga magulang. Wala pa naman iyong isang oras mula sa Baguio.

Halos tumalon ang puso ni Linette nang maka-receive ng text message mula sa magulang.

Basta mag-iingat ka plgi, Anak. Mhl na mhal ka namin. Iyon ang message ng ama sa kanya. Nagreply siya kaagad kung bakit, ano ba ang nangyari? Pero hindi na nagreply ang kanyang Papa. Mas lalong kinabahan si Linette. Nawala lang ang lahat ng iyon nang makarating si Lawrence sa unit may dalawang oras ang nakalilipas.

Kaagad na sinalubong niya ito. Hindi rin niya napigilan na yakapin ito nang makitang maayos naman ito.

“Linette?” untag ni Lawrence, nagtataka sa ginawa niya. Nang itaas ni Linette ang tingin ay nakakaloko ang ngiti ni Lawrence. Namula naman kaagad siya nang mapagtanto ang ginawa niya. Lumayo na siya rito.

“I-I’m sorry. Nag-aalala lang kasi ako sa `yo tapos ay sa sobrang relieved ko kaya ko naggawa ito. Ikaw kasi! Bakit hindi mo ako nirereply-an?” hindi nakatingin na reklamo ni Linette kay Lawrence.

Hindi pa rin nawawala ang makislap na ngiti ni Lawrence. “`Sorry. Nakatulog ako sa bus. Wala akong dalang kotse, eh. And hey, `di mo naman kailangan na mag-sorry. I liked it that you cared for me.”

Mas lalong namula ang pisngi ni Linette. Gusto rin kasi niya ang sinabi ni Lawrence.

Inasikaso ni Lawrence ang gamit. May kinuha ito sa bag at ibinigay sa kanya. Nanlaki ang mata niya nang maisip kung ano ang mga iyon.

“Ang chicken curry ni Mama!” bulalas ni Linette nang mahawakan at mabuksan ang ibinigay ni Lawrence. Mangiyak-ngiyak siya sa saya. “Grabe, dalawang taon na akong hindi nakakain nito. Missed na missed ko na ang curry ni Mama. Paborito ko pa man rin ito.”

Bihira lang magluto ng curry ang Mama ni Linette. Pero sobrang sarap noon. Maarte ang ina sa sangkap ng curry nito. Naniniwala ito na kaya masarap ang curry na niluluto ay dahil sa niyog na ginagamit nito. May magic raw ang niyog na makukuha sa bukid kung saan ito nanirahan dati. Iyon nga lang, may isang oras na layo iyon mula sa bahay nila. Wala rin transportasyon papunta roon kaya kailangan na lakarin, bukod pa sa napaka-sukal ng daan.

“Sabi nga nila,” maganda ang ngiti ni Lawrence. “Anyway, puwede bang tumikim? Mukhang masarap, ah.”

“Sure!” wika ni Linette. Mabuti na lang at nakapagsaing siya ng marami. Siya na rin ang nag-asikaso ng lamesa at plato dahil mukhang pagod pa rin si Lawrence kahit sinabi nito na nakatulog na ito.

Mas lalong gumanda ang ngiti ni Lawrence nang makakain ng curry. “Wow, ang sarap nga. Worth it ang pagod,”

“Hmmm...napagod ka ba sa pagdalaw sa bahay namin?”

Ngumisi si Lawrence. “Sa tingin ko, mas nakakapagod ang pagkuha ng sangkap para sa curry na ito.”

Natigilan si Linette nang may ma-realize. “I-ikaw ang pinakuha nila Mama ng niyog?”

“It’s nothing,” sa sagot ni Lawrence, nasagot na ang tanong ni Linette.

Nanlaki ang mata ni Linette. “Oh no...ano ang naisip nina Mama at pinaggawa nila iyon sa `yo?”

“Siguro ay para mas malaman nila na mapapagkatiwalaan nila ako kaya sinubok nila ako.”

“P-pero hindi mo dapat ginawa iyon! Sobra-sobra na ang lahat ng ito,” Napaiyak si linette. Na-guilty siya.

Minsan ng tinangka ni Linette na maglakad sa bukid na iyon. Pero kahit siya na sanay naman sa lakaran bilang tour guide ay sadyang nahirapan na magpunta roon dahil sa sobrang init at makitid ang daan. May sabi-sabi pa na madalas daw na may nakikitang ahas sa lugar. Sa madaling salita, delikado. Isama pa na napakataas rin ng niyog para akyatin. Ang isipin na ginawa iyon ni Lawrence para lamang sa kanya ay sobra-sobra. Nakakahiya! Ang laki na ng utang na loob niya rito pagkatapos ay ganoon pa ang ginawa rito ng magulang niya.

Umalis si Linette ng dining room. Nagpunta siya sa terrace. Sinundan rin naman siya ni Lawrence.

“Hey, okay lang sa akin ang lahat. Isa pa, sabi ko nga, worth it ang pagod. Masarap ang curry ng Mama mo. Higit pa roon, priceless rin ang itsura mo ng makita ang curry. Nawala na ang pagod at masayang-masaya na ako roon.”

“P-pero hindi mo dapat ginagawa sa akin ito.”

“You deserved it. You are worth it.” Hinaplos ni Lawrence ang mukha niya.

Sinalubong ni Linette ang tingin ni Lawrence. Sandaling tumigil ang mundo niya nang makita ang init at kislap sa tingin ni Lawrence. Nakakatakot itong nararamdaman niya pero gaano man niya itanggi ay masaya naman.

Sa pagkakataon na iyon, sa saya naman napaiyak si Linette. The feeling was beautiful and overwhelming.

Pero tama ba na diskubrehin niya iyon?

“Bakit mo sinasabi `yan? Bakit mo ginagawa ito?”

Huminga muna nang malalim si Lawrence. Sandali na tila hindi ito mapakali pero nang muling salubungin ang mata niya ay tila tumatag ang loob nito.

“S-sa totoo lang ay hindi lang ako pumunta sa bahay niyo para makilala at masabi na mapagkatiwalaan ng magulang mo, Linette.”

“Ha? Ano pang ginawa mo?”

“Tinanong ko rin sa kanila kung puwede ba kitang ligawan...”

Present

NAGSUNOD-sunod ang pagkurap ni Lawrence sa kuwento ni Linette. Sa reaksyon nito ay napangiti si Linette. May naalala na kaya si Lawrence sa mga naikuwento niya?

“So...?”

“Ituloy mo pa ang kuwento,” ungot ni Lawrence.

Bumuntong-hininga si Linette. Ibig sabihin lang noon, wala pa rin na naalala ang boyfriend sa nakaraan. Tumingin siya sa orasan sa kuwarto. “Lumalalim na ang gabi, Lawrence. Baka napapagod ka na.”

Umiling ito. “I want to know more. Gusto ko na maalala ka...”

Pinisil ni Linette ang kamay ng boyfriend. Sinubukan rin niya na halikan sa ulo ito. “`Wag mong pilitin ang sarili mo...”

“Pero nakakainis ang lahat ng ito. Sa mga kuwento mo ay mas lalo ko pa iyon na naramdaman. Sandali lang tayo nagkakilala pero parang hook na hook na ako sa `yo. You have to be so important for me. Bakit ikaw pa ang nakalimutan ko sa lahat?”

“Nakakainis rin iyon para sa akin. Pero minsan na may narinig ko na kapag nagkaka-amnesia raw ang tao, ang pinakamahalagang tao pa sa buhay nila ang siya pa na nalilimutan nila...”

Napatitig lang si Lawrence kay Linette. Hindi niya sigurado pero bigla siyang kinabahan sa klase ng titig nito. Para kasing iyon ang klase ng titig na hindi pinaniniwalaan ang sinasabi niya.

Sabi nila, the heart always remembers. Gustong maniwala ni Linette. Maalala rin siya ni Lawrence. Sinusubok lang ang relasyon nila. Ngayon pa ba siya susuko? Matagal ng sinubok ng distansya ang relasyon nila. Napakaliit na lang ng pagsubok na ito kung tutuusin.

Mahal siya ni Lawrence. Nalimutan lang nito iyon.

Sinuklay ni Linette ang buhok ni Lawrence. “Lumalalim na ang gabi. Baka napapagod ka na.”

“Linette...”

Hinaplos ni Linette ang pisngi nito. “Hindi naman ako aalis, Babe. Nandito na ako. For good. I have forever to tell and share to you our love story. Hindi mo kailangan na magmadali.”

Tumango si Lawrence. Ipinikit nito ang mga mata habang siya naman ay nanatili sa tabi nito hanggang sa makatulog ito. Maya-maya ay pumasok ang Mama nito pero hindi naman siya inistorbo sa pagbabantay sa boyfriend. Sa halip ay nginitian siya nito. Nag-settle ito sa couch upang magpahinga.

Kinontento ni Linette ang sarili sa tabi ni Lawrence kahit tulog ito. Pero ewan ba niya kung bakit parang ayaw silang payagan ng tadhana na magsama ng matagal. Tumunog naman kasi ang cell phone niya maya-maya.

“Sagutin mo na lang sa labas, Hija. Baka maggising si Lawrence,” payo ng ina ni Lawrence.

Sinunod ni Linette ang payo ng ina ni Lawrence. Lumabas siya. Nanginig siya nang makita ang isang long distance call sa cell phone. Sandaling nag-alinlangan siya kung sasagutin ba iyon.

Ayoko na ng gulo, Niall...

Sa huli, napindot rin ni Linette ang answer button. Pinagtitinginan kasi siya ng mga taong dumadaan sa corridor ng hospital.

“You will come back here, Linette. You will come back to me.” sa halip na pagbati, ang pagbabanta na iyon ang unang narinig ni Linette.

“NAKATULOG ka na ba?” may pag-aalala sa boses ni Lawrence nang tanungin si Linette kinabukasan. Naging maayos ang tulog niya kahit pagkagising niya ay wala pa rin siyang maalala tungkol kay Linette kundi ang kuwento lang nito. Pero kahit umaayos na ang pakiramdam niya kaysa dati, bumalik iyon nang makitang stress pa rin ang girlfriend raw niya.

“`Wag mo ako na alalahanin. Kaya ko ang sarili ko,” ngumiti si Linette sa kabila ng pagod. “Kumain ka muna ng breakfast.”

Kinuha ni Linette ang tray ng pagkain. Inumpisahan siya nitong subuan. Tinanggap naman niya iyon. It made him feel lighter.

Sa bawat oras na nakakasama niya si Linette ay madali lang na paniwalaan ang kuwento nito sa kanya. May kakaiba siyang pakiramdam sa babae. Bagama’t parang may pumipigil, mas malaki ang porsiyento na sumasaya siya kapag nakikita ito. Mas gusto niyang pahalagahan iyon. Pagkatapos ng lahat, masuwerte siya dahil naiintindihan ni Linette ang lagay niya. Ngayon ay inaalagaan pa siya nito. Mukhang pagod ito pero mas inuuna siya nito. Mas pinahahalagahan pa siya nito kaysa sa sarili nito. Nakokonsensya siya pero gusto rin naman niya ang ginagawa ni Linette.

Masarap isipin na importante ka sa isang tao.

“What to do next?” tanong ni Linette pagkatapos niyang kumain.

“Hmmm.... ituloy mo ang kuwento mo kahapon.”

“Handa ka na ba para malaman ang iba pang detalye?”

“I have this nice feeling about you. Mukhang maganda naman ang memories natin.”

“Hindi perpekto ang relasyon natin.”

“But for sure, we have good memories. Gusto kong malaman iyon...” kinuha ni Lawrence ang pisngi ni Linette. “I want to feel all the good feelings.”

Lumambot ang mukha ni Linette kasabay ng paglambot ng puso ni Lawrence. “Gusto ko rin iyon...”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.