Tenses (Unofficial) Series Chapter 16

Present

NAPAKUNOT ang noo ni Lawrence nang matapos ang pagkukuwento ni Linette. Bahagyang kinabahan si Linette.

“May problema ba, Babe?”

“Ang sinabi ko sa `yo ay ikuwento mo sa akin ang masasayang nangyari sa relasyon natin. Masayang pangyayari ba ang pag-alis mo?”

Nakagat ni Linette ang ibabang labi. “Alam ko na hindi. Mahirap. Hindi lang sa akin kung hindi para sa `yo na rin. We both terribly missed each other. Pero ang pag-alis ko, pinatatag tayo noon...”

Tinitigan ni Lawrence si Linette. “Pangalawang balik mo na ba ito mula sa ibang bansa?”

“It’s the first. Pero `wag kang mag-alala. Para sa ikabubuti rin naman ito.”

“Pero ang sabi mo ay---“

“Nagtrabaho ako sa ospital pero sandali lang iyon. Kinuha kasi ako bilang private nurse ng naging pasyente ko na isang matandang lalaki. Masyado siyang napalapit sa akin kaya ayaw niya na umalis ako o magbakasyon man lang. Mahirap.”

Kumurap-kurap si Lawrence. “L-limang taon tayong hindi nagkita...”

Tumango si Linette. “Ang hirap noon. Pero look at us now, right? Tayo pa rin. Nakayanan natin ang pagsubok ng malayo sa isa’t isa.”

“Sa klase ng trabaho na mayroon ako, parang ang hirap paniwalaan na nagwork iyon. Heck, ni pamilya ko nga ay nahihirapan akong makasama at makausap. Madalas silang nagagalit sa akin dahil roon.”

“It did work because we love each other. Wala ka bang tiwala sa sarili mo, Lawrence? Wala ka bang tiwala sa akin?” may sakit na naramdaman si Linette sa puso. Nakakaiyak iyon.

Pero tama ba na ikaw mismo ang magtanong kung wala siyang tiwala sa `yo, Linette? Susot ng isang bahagi ng puso ni Linette.

“I’m sorry kung pinagdudahan kita. Pero alam mo na wala akong naaalala. I hope you understand. Mahirap ang lahat na iproseso sa utak ko.”

Tumango si Linette. Masyado siyang nagpadala sa damdamin niya at nakalimutan niya ang mga bagay-bagay. Nasaktan lang siya sa isipin na kay Lawrence niya mismo narinig ang salita na hindi nag-work ang relasyon nila.

Hindi naging madali ang lahat. Isa sa mga pagsubok na kinaharap ni Linette ay ang sabihan ng ibang tao na wala naman raw long distance relationship na nagwo-work. Paano raw iyon samantalang bihira nga lamang silang makapag-usap ng boyfriend? Mamatay rin raw ang relasyon nila.

Pinatunayan ni Linette na hindi. May pag-asa ang relasyon nila ni Lawrence dahil may tiwala sila sa isa’t isa.

Pero sabi nga nila, trust is not enough...

“Salamat sa pagkukuwento, Linette. Pero sa tingin ko ay kailangan ko na muna na magpahinga. Okay lang ba sa `yo?”

“Sure. Pagkatapos ng lahat, kailangan mo talaga na magpahinga,” hinalikan ni Linette ang noo ni Lawrence. “I will just be here...”

Tumango si Lawrence. Ipinikit nito ang mga mata. Kinontento ni Linette ang pagtingin sa lalaki. Sa ngayon, iyon na lang muna ang magagawa niya. Kailangan niya na sundin ang gusto ni Lawrence. Priority ang pagpapahinga rito para mas mabilis na gumaling ito.

Ang lahat ng lungkot na nararamdaman ni Linette ay titiisin rin niya. Maalala siya ni Lawrence. Hindi mawawala ang relasyon na pareho nilang pinaghirapan na patatagin at buuin.

PAGKATAPOS ng isang linggo ay naggawa rin na makalabas ni Lawrence sa ospital. Tumuloy siya at si Linette sa San Diego Compound. Naisip kasi na mas makabubuti para kay Lawrence ang manuluyan sa lugar na malayo kung saan nangyari ang malagim na aksidente. Pumayag naman siya roon. Gusto niyang diskubrehin ang mga bagay tungkol sa kanila ni Linette. Ayon sa kuwento ni Linette at ng ina rin, nanirahan sila ni Linette roon. Marami silang alaala sa compound.

Naalala ni Lawrence ang compound. Pamilyar siya roon pero hindi ang sinasabi nila na nakatira rin doon si Linette dati. Sa alaala niya, mag-isa lang siya at inupahan ang unit kapag lumuluwas siya ng Maynila para sa trabaho niya bilang part-time professor sa isang kilalang university.

Pinagkatiwalaan ng Mama ni Lawrence si Linette sa pag-aalaga sa kanya. Kahit nakalabas na siya ng ospital ay hindi pa rin masasabi na maayos na maayos na siya. May mga sugat pa rin siya pero lahat naman ay pagaling na. Tolerable na naman iyon at hindi na kailangan ng pag-aasikaso ng mga nurse. Isa pa, may personal nurse na rin naman raw siya at si Linette nga iyon. Makakaya na siyang alagaan nito. Nanatili ang Mama niya sa Baguio dahil abala rin ito sa paghawak ng napatayo nitong negosyo---isang flower shop.

Si Linette ang nag-asikaso kay Lawrence sa pagdating niya. Mukhang totoo naman na doon nga tumira ang babae. Saulado nito ang lugar at tila at home na at home. Inilagay nito ang gamit niya sa isang kuwarto.

“Inuwi ko na rin pala ang gamit ko rito. I hope you don’t mind,”

Tumango si Lawrence. “It’s okay.”

Okay lang rin naman kay Lawrence ang sitwasyon. Pero kahit okay, may pakiramdam siya na hindi tama. Kagaya na lang ng nararamdaman niya kay Linette. May bahagi na natutuwa siya na nasa paligid ito. Gusto niya na inaasikaso siya nito, hinahawakan at nakakasama. Pero hindi pa rin naaalis ang pakiramdam na may mali sa sitwasyon. May masama siya na pakiramdam. Hindi niya masigurado kung saan nangagaling iyon.

Dahil sa masamang pakiramdam ay hindi tuloy maiwasan ni Lawrence na magduda. Gusto niya na maniwala sa mga sinasabi ni Linette. Pero ang sinabi nito na naging maayos ang relasyon nila ay parang mahirap paniwalaan. Mahirap ang signal sa mining site. Hindi na nga sila nagkikita ay hindi pa sila nakakapag-usap. Paano magwo-work ang lahat?

May tiwala si Lawrence sa sarili niya. Wala siyang naalala na may babae pa sa buhay niya. Isa pa, sa klase ng trabaho niya ay malayo ang tukso. Puro mga lalaki ang kasama niya sa trabaho. Pero kay Linette ay hindi niya sigurado. Gusto niya sana na magtanong. Pero pakiramdam niya ay mali. Dapat ay nagtitiwala siya rito kagaya ng gusto nito. Mahal nila ang isa’t isa, sabi nito at sabi rin ng iba.

Pero bakit may masamang damdamin? Bakit sa kabila ng masaya naman siya na kasama nito ay mayroon pa rin na pumipigil sa kanya?

“Anong gusto mong kainin, Babe? Magluluto ako,” tanong ni Linette maya-maya. Malapit ng maghapunan.

“Ikaw na ang bahala.” Sabi na lang niya. Habang abala sa pagluluto si Linette, lumabas si Lawrence ng compound. Mabagal lamang ang paglalakad niya dahil na rin sa mga sugat pero kaya naman niya.

Sa paglabas ay may nakilalang pamilyar si Lawrence. “Hey Megan,”

“Lawrence! Kumusta ka na?” tanong sa kanya ng kapitbahay. Naalala niya ito. Nakakuwentuhan niya ito bago pa man siya maaksidente. Nakatira ito sa unit 1-B kasama ang asawa na nito ngayon na si Daniel.

Nagkuwento si Lawrence.

“Narinig ko nga ang balita tungkol sa nag-collapse na mining site. Pero hindi ko akalain na isa ka pala sa mga biktima. I’m so sorry. I hope you recover soon...”

“Sana nga. Ikaw, kumusta ka naman?”

Nagkuwento si Megan nang mga bagay-bagay tungkol rito. Dumilim na ang paligid ay nanatili pa rin sila na magkausap.

Masarap at naaliw na kausap ni Lawrence si Megan. Hindi pa sana niya gustong tumigil na makakuwentuhan ito kung hindi lamang siya nakarinig ng tikhim sa likuran niya. Nang mapalingon, nakita niya ang nakakunot noo na si Linette.

“S-sino siya?” kaagad na wika ng girlfriend.

Hindi nagpaapekto si Lawrence sa nahimigang pagseselos sa tinig ni Linette. Inakbayan niya ito at ipinakilala si Megan. Warm naman ang ngiti ng babae.

“Ah, ikaw pala si Linette. It was nice to meet you.” Kinamayan ni Megan si Linette.

Tinanggap ng girlfriend ang kamay ni Megan. “Same. N-naikuwento ako sa `yo ni Lawrence?”

“Yup!” sagot ni Megan. “Nasa abroad ka raw. I’m glad to know na nakauwi ka na.”

Tumingin si Linette kay Lawrence. Napakunot noo lang siya. Naalala niya si Megan pero hindi ang pangyayari na naikuwento niya rito si Linette. Nahihiwagaan talaga siya sa nangyari sa kanya.

Hindi rin naman nagtagal ang pag-uusap nilang tatlo. Nagpaalam na rin si Megan dahil may kailangan pa rin ito na gawin sa unit. Bumalik na sila sa loob ng bahay. Maayos na ang lahat kaya sabay na sila na kumain ni Linette.

Kagaya sa mga nakalipas na araw, inasikaso siya ni Linette. Kahit kaya na naman niya na kumain na mag-isa ay ipinaglalagay pa siya nito ng pagkain sa plato. Paminsan-minsan ay sinusubuan rin siya. Ang napansin nga lamang niya, hindi kasing sigla ng dati si Linette. Napansin niya na bahagyang humikbi rin ito.

“May problema ba? Masama ba ang pakiramdam mo?”

“Nalulungkot lang ako.”

Tinitigan niya si Linette. Makikita nga ang lungkot sa mata nito. “Why? May nangyari ba na masama?”

“Nalulungkot lang ako sa pakiramdam na iyong ibang tao ay naalala mo samantalang ako ay...” naglihis ng tingin si Linette. “Ah, never mind.”

Gustong mapapikit ni Lawrence. Nahihirapan rin naman siya sa lagay niya. “Linette, hindi ko rin ginusto ang lahat ng ito.”

“Alam ko. Nahihirapan lang siguro ako na intindihin.” Huminga nang malalim si Linette. Ngumiti ito pagkatapos pero halata na pilit. “`Wag mo akong intindihin. Magiging okay rin ako...”

Nanatili na napatitig lang si Lawrence kay Linette. Pakiramdam niya ay lalo siyang nainis. Hindi niya gusto ang isipin na nasasaktan niya ito. Pero may magagawa ba siya? Bukod sa parang may pumipigil ay isa pa iyon sa problema nila. Hindi na niya gusto ang pakiramdam na ito. Gusto niya na magkaroon ng kasagutan ang lahat ng kakaibang nararamdaman niya.

Ah, kailan ba siya makakaalala? At kung makakaalala ba siya, magiging maayos ba ang lahat samantalang may bad instinct siya?

NANG makatulog si Lawrence ay lumabas si Linette ng unit 1-C. Gusto niyang lumanghap ng hangin. Pakiramdam niya ay naninikip ang dibdib niya.

Mali ang nararamdaman ni Linette. Hindi dapat siya naiinis o nasasaktan na hindi siya naalala ni Lawrence. Tama ito. Hindi naman talaga ginusto ng boyfriend niya iyon. Pero ang hirap tiisin ng sakit. Isama pa na hindi man niya gusto, pakiramdam niya ay nagselos siya sa babaeng kausap nito. Hindi naman dapat dahil may asawa na si Megan. Siguro ay masyado lang talaga na magulo ang damdamin niya kaya ganoon na lang rin ang mga nagiging reaksyon niya.

Malamig ang hangin. Yakap-yakap ang sarili na naglakad si Linette. Sa paglabas niya ay may nakita siyang pamilyar na mukha---si Mildred. Nakatira ito sa may harap ng San Diego Compound.

“Aba, Linette. Nakabalik ka na pala. Kumusta ka na?”

Gusto sana na umiwas ni Linette. Kilala niya ang matanda at madalas na nakakausap niya ito noon. Ang palaging bukang bibig ng babae ay ang umalis na sila sa San Diego Compound. Paano raw, lahat ng tumitira na magkarelasyon sa compound ay minamalas. Hindi raw nagkakatuluyan ang mga ito.

“Okay naman po,”

“Nakita ko si Lawrence kanina. May mga sugat sa katawan. Galing ba kayong ospital?” nanlaki maya-maya ang mata nito. “Aba, teka. `Di ba at engineer iyon roon sa nag-collapse na mining site? Naku po! Doon ba galing ang mga sugat niya?”

Tumango lang si Linette bilang sagot. Magpapaalam na sana siya nang titigan muli siya ng matanda. “Paano kung senyales na pala iyon, ano? May sumpa ang compound na `yan! Matagal na kasi kitang binabalaan!”

Naningkit ang mata ni Linette. Sa pinagsama-sama na sama ng loob ay hindi niya napigilan na sagutin ang babae. “Hindi ko hinihingi ang opinyon niyo! Maayos kami ni Lawrence. Hindi kami maghihiwalay!”

Umalis na si Linette sa harap ng matanda. Lalong sumama ang pakiramdam niya. Paano kung totoo nga ang tungkol sa sumpa? Naging maayos ang relasyon nila ni Lawrence pero paano ang sa susunod? Kasama man niya ang boyfriend, sa pagkawala naman ng alaala nito ay malaki ang nagbago rito.

Bumabalik sila sa umpisa. Ang kaibahan nga lamang, mas madali ang nakaraan kaysa ang ginagawa nila noon. Dati ay halos isang araw lamang at nahulog na ang loob ni Lawrence sa kanya. Samantalang ngayon ay mahigit isang linggo na ang nakalipas pero malayo pa rin ang damdamin nito. Halatang nag-aalinlangan ang boyfriend.

Hindi na gusto ni Linette ng problema. Sinubukan na niyang takasan iyon. Bumalik siya ng Pilipinas para sa ikabubuti. Pero parang ngayon, ayaw man niya ay parang hinahabol siya ng sumpa. Dahil anong nangyayari sa relasyon nila ni Lawrence?

Napapikit si Linette. Tama ba na mawalan siya ng pag-asa? Pero paano kung totoo ang sinasabi ni Mildred? Paano kung kaya nga ginawa ng tadhana na maaksidente ang lalaki at sa lahat ng tao ay siya pa ang hindi maalala nito ay dahil hindi talaga sila para sa isa’t isa?

Canada, Years ago

NAGULAT si Linette nang ipatawag siya ng HR head ng ospital na pinapasukan niya may sampung buwan ang nakalipas nang magsimula siya na magtrabaho. Wala naman siyang ginagawang mali sa pagkakaalam niya kaya bakit siya ipapatawag? Maganda ang performance niya sa ospital kahit bago pa lamang siya. Gusto rin siya ng mga pasyente niya.

Mahirap man ang malayo sa pamilya ay mabilis na naka-adjust si Linette. Mababait ang mga tao na nakasama niya sa flat na karamihan ay mga Filipina nurse rin na kagaya niya. Mababait rin ang mga staffs sa hospital. Pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa.

Kinakabahan si Linette pero nang makarating sa opisina at makaharap ang nakangiting HR head ay bahagyang nawala ang kaba niya.

“Someone wants to buy your contract in the hospital, Linette.”

Nagulat si Linette. “Contract? Why? A-and who?”

“Mr. Smith,” tukoy ng HR head sa pasyente na may dalawang linggo na na-confine sa ospital. Sixty three years old na ito at na-confine dahil na-stroke ito. Na-half paralyze ang matanda at narinig nga niya na dahil roon, naghahanap ito ng private nurse. “He said he likes you. He wants you to be his private nurse.”

“Oh...” nagulat si Linette. Dahil matagal rin sa ospital si Mr. Smith ay nakilala na niya ito. Mabait naman ang matanda. Sa kabila ng nangyari ay hindi ito kagaya ng karamihang matatanda na mainitin ang ulo. Nanatili itong positibo sa buhay. Kasundo niya ang matanda.

“You are a nice nurse, Linette. You are good for the hospital. But I don’t want to be unfair to you. The opportunity is good if you’ll ask me. The digits are high...”

Nalula si Linette sa suweldo na ibibigay sa kanya ni Mr. Smith. Mas malaki iyon kaysa sa sinusuweldo niya sa ospital. Kung tutuusin ay hindi rin magiging ganoon kahirap ang kanyang trabaho. Maganda nga na opportunity. Mabilis na napapayag si Linette. Pagkatapos ng lahat, hindi naman experience ang hanap niya. Kailangan niyang kumita ng malaki. Kapag naggawa niya, mas mabilis na makakauwi na siya ng Pilipinas.

MAS NAGING maayos ang buhay ni Linette nang magtrabaho siya kay Mr. Smith. Bukod sa malaki ang suweldo ay halos wala rin siyang nagagastos. Nakatira siya sa bahay ng matanda. Libre ang pagkain, accommodation at pati na rin ang mga toiletries niya. Mas malaki ang naipapadala niya sa pamilya sa Pilipinas.

Madali lang rin ang trabaho ni Linette. Kahit araw-araw ay kailangan siya ng matanda ay madali lang siyang nakapag-adjust. Ang madalas lang naman niya na gawin ay ang mga basic: i-check ang blood pressure nito at painumin ito ng tamang gamot sa tamang oras. Hindi mahilig magagalaw si Mr. Smith kaya hindi naman niya ito kailangan na alalayan palagi. Isa pa, electric rin ang wheel chair nito. Hindi na niya kailangan na itulak iyon kapag gusto nitong lumabas.

Wala ng asawa si Mr. Smith at marami rin na iba’t ibang gawain ang dalawang kasambahay sa bahay. May dalawa itong anak pero parehong malayo sa matanda. Parehong matagumpay ang dalawang anak ni Mr. Smith kaya mas na-afford ng mga itong paalagaan sa nurse at panatilihin sa bahay ng mga ito ang matanda kaysa dalhin na lamang sa home for the aged. Kahit malayo rin, malaki ang pagmamalasakit ng dalawang anak sa matanda. Weekends kung umuwi si Tracy---ang panganay nitong anak na babae. Day off niya kapag naroroon ang babae. Ito ang nag-aalaga sa ama. Samantalang ang bunso naman na si Niall ay hindi niya pa nakikita. Ayon kay Mr. Smith, nagtatrabaho sa Europe ang lalaki kaya mas mahirap na umuwi. Isang beses kada-dalawang taon lang raw ito umuwi. Kahit noong na-stroke si Mr. Smith, hindi ito nakauwi.

Sa bagong trabaho, mas nagkakaroon ng libreng oras si Linette. Sa tuwing natatapos kasi si Linette sa trabaho ay hinahayaan na siya ni Mr. Smith sa kung anong gusto niyang gawin. Madalas ay kinakausap niya ang pamilya. Araw-araw niya na ginagawa iyon kaya masasabi niya na hindi niya nami-miss ito. Tuwing weekends, kahit day off ay madalas na nasa bahay rin si Linette. Day-off rin kasi ni Lawrence sa trabaho. Hindi naging hadlang ang magkaibang oras para magkausap silang dalawa ng boyfriend. Maayos ang lahat maliban sa matinding pagka-miss nila sa isa’t isa.

“Kailan ka babalik?” sa tuwing nag-uusap sila ay hindi nawawala ang tanong na iyon kay Lawrence. Sa kasalukuyan ay magka-video chat sila ng boyfriend sa Skype.

Mag-iisang taon ng nagtatrabaho si Linette kay Mr. Smith. Malaki na rin ang naipadala niya sa Pilipinas. Pero kahit ganoon, pakiramdam niya ay kulang pa iyon. Marami siyang pangarap hindi lang sa mga kapatid niya. Gusto niyang makapag-ipon para mapaayos ang bahay nila. Gusto rin niya na mapalaki pa ang tindahan ng Mama niya. Kapag nangyari iyon, puwede na niyang patigilin sa pagtatrabaho ang kanyang Papa. Gusto niyang nasa bahay na lamang ito o `di kaya ay mamahala ng negosyo kagaya rin ng palaging gusto nito.

“Hindi ko pa alam, Babe. Alam mo naman ang pangarap ko `di ba? Mukhang matatagalan pa bago ko matupad iyon.”

“I know. Pero kahit man lang na bakasyon? Missed na missed na kita...” wika ni Lawrence. “Nakakasawa rin na ang palaging ang teddy bear na ito ang yakap ko...”

Alinlangan si Linette kung mapapangiti o maaawa kay Lawrence. Ang cute nitong tignan habang yakap-yakap ang teddy bear na niregalo nito sa kanya noong huling Valentines na magkasama sila. Pero naawa rin siya sa boyfriend. Kagaya niya ay nagkakasya na lang siya sa pagyakap sa unan. Gusto rin niyang maramdaman ang init nito---ang mayakap at mahalikan ito ng totoo.

“Hindi ko pa masisigurado, Babe. Masyadong maraming gastusin ngayon sa school. Malapit ng mag-finals si Leonard at---“

Mapait na ngumiti si Lawrence. “All right. Wala rin naman ako na magagawa `di ba? Basta mag-iingat ka palagi diyan, ha? Mahirap pero kaya ko pa rin na ipangako na maghihintay para sa `yo, Babe. I love you always.”

Inilapit ni Lawrence ang labi nito sa screen. Ginaya ito ni Linette. “I trust you. And I love you, too. I love you more...”

Mahirap man ang lahat pero naniniwala si Linette na kapag natapos iyon, lahat ay magiging worth it. Sa ngayon ay makokontento na lang siya sa sitwasyon nilang dalawa ni Lawrence. May tamang panahon rin para maging lubos na masaya silang dalawa.

“HINDI! Sabihin mo sa akin na niloloko mo lang ako, Lenard! Hindi pa patay si Mama. Makakaya niya pa na lumaban...”

Halos maglupasay si Linette nang ibalita sa kanya ng kapatid na patay na ang Mama nila. Dalawang linggo ang nakakaraan simula nang malaman niya na na-ospital ang Mama nila. Bigla na lang raw ito na nag-collapse sa bahay nila. Matagal ng high-blood ang kanyang Mama kaya hindi na kataka-taka ang dahilan: stroke.

Comatose ang Mama ni Linette sa loob ng dalawang linggo at ngayon ay tuluyan ng bumigay ang katawan nito. Napakasakit na tanggapin iyon.

“I’m sorry, Ate. Pero iyon ang totoo...” umiiyak rin na wika ni Lenard. Dahil nasa ibang bansa pa rin siya, sa telepono lamang sila magkausap ng kapatid. “K-kailan ka ba uuwi, Ate? Makakauwi ka ba?”

“Hindi ko sigurado. Pero susubukan ko...”

Nang malaman ang nangyari sa ina ay sinubukan na rin naman na magpaalam ni Linette kay Mr. Smith. Wala naman sana na kaso rito kaya lang ay hindi naki-ayon ang sitwasyon. Nasa business trip sa Japan si Tracy sa loob ng isang buwan at isang kasambahay naman ay nakabakasyon rin ng isang buwan. Hindi makakaya ng isang kasambahay na alagaan si Mr. Smith at gawin rin ang iba pa nitong trabaho.

“Sige, Ate. Teka, ito si Papa, gusto na makausap ka...”

Ibinigay ng kapatid sa ama ang telepono. Lalong nadurog ang puso ni Linette nang marinig ang hikbi ng ama. “A-anak, alam ko na gusto mo na makauwi. Gusto rin naman namin na makauwi ka. Pero ang bayarin sa ospital...”

“M-may ipon na naman po ako, Papa...” Halos tatlong taon ng nagtatrabaho si Linette sa ibang bansa. Bukod sa pinapadala sa pamilya, nag-iipon rin siya ng pang-sarili. Balak niyang magpaalam kay Mr. Smith sa susunod sana na buwan upang magbakasyon sa Pilipinas kahit isang buwan man lang. Missed na missed na niya ang pamilya.

“Kulang pa ang ipon namin dito para sa bayarin sa ospital ng Mama mo. Naging napakalaki ng gastos. Isama pa na nabawasan rin dahil sa pagpapa-renovate namin ng bahay kamakailan lang.” Huminga nang malalim ang kanyang ama. “Sana ay maintindihan mo, Anak. Kung uuwi ka rin naman, wala ka na rin na makikita. Wala na ang Mama mo. Hindi mo na rin siya makakausap...”

“Gusto ko po na makasama kayo, Papa. Ang lungkot-lungkot. At sino ang tutulong sa inyo riyan? Makakaya niyo ba?”

“Kakayanin ko, Anak. Nandito naman ang mga kapatid mo. Malalaki na sila. Isa pa, kasama rin namin si Lawrence kanina. Nangako siya na tutulong. Nag-file na siya ng leave nang malaman ang balita...”

Masakit man, sumunod na rin si Linette sa ama. May punto ito. Kahit naman umuwi siya ay hindi na rin noon maibabalik ang buhay ng kanyang ina. Maigi na nga na magpadala na lang siya ng pera. Kailangan rin ng pera ng pamilya niya.

Dahil naka-leave si Lawrence, araw-araw na niyang nakakausap ito. Sa buong durasyon ng burol ay nanatili ito sa bahay nila. Ito ang tumulong at tila naging siya sa pamilya. Ito ang naging representative niya.

“Thank you so much, Babe.” Tanging nasasabi lang niya palagi sa boyfriend.

“Ang pamilya mo ay pamilya ko na rin, Linette. Hindi mo na kailangan na makiusap o magpasalamat sa akin. I’m willing to do this for you...”

“But I still wish I was there...”

“We wish it, too. Pero lahat ng ginagawa mo ay para sa ikabubuti mo rin. `Wag ka ng umiyak at malungkot diyan, ha? Darating rin ang panahon na makakasama mo kami. Magkakasama tayong lahat...” pagpapagaan ng boyfriend ng loob niya.

Kailan pa? Palaging tanong ni Linette sa isip. Gusto na niyang makasama ang pamilya, pati na rin si Lawrence. Hanggang kailan pa ba siya magtiis? Maayos man ang buhay niya sa Canada pero iba pa rin ang sa Pilipinas. Mas pakiramdam niya ay belong siya roon at naroroon ang talagang mga taong mahal niya. Nawawalan na ng positibong enerhiya si Linette sa mga nangyayari sa buhay niya.

“ARE you okay?”

Mula sa pag-iyak sa garden ng bahay ni Mr. Smith ay napatingala si Linette sa nagsalita. Hindi pamilyar sa kanya ang mukha kaya nagulat siya. Bahagyang inilayo rin niya ang mukha.

“W-who are you?” kaagad na tanong ni Linette.

“Niall. I assume, you are Linette, Dad’s private nurse?”

“Oh, yes...” sagot ni Linette, gustong masubunutan ang sarili. Mahigit isang buwan ng nailibing ang kanyang Mama pero malungkot pa rin siya. Hindi pa rin siya nakaka-recover kaya sa tuwing mapapag-isa ay napapaiyak na lang siya sa isang tabi. Dahil rin sa bigat pa rin ng damdamin, magulo ang utak niya. Nakalimutan niya na darating ngayon ang bunsong anak ni Mr. Smith na si Niall. Sinabihan siya ng matanda. Nakita na naman niya ito sa larawan pero dahil minsan lang iyon, hindi tumatak sa isip niya ang mukha ng lalaki.

“Dad’s right. Maganda ka,” ngumiti ang lalaki at inilahad ang kamay sa kanya. “Ikinagagalak ko na makilala ka, Linette.”

“Marunong ka na mag-Tagalog!” nabulalas ni Linette sa halip na tanggapin ang kamay ni Niall.

“Filipina `yung ex-girlfriend ko. She taught me how to speak the language. Ilang beses na rin akong nakapunta sa Pilipinas. Sinabi rin ni Daddy na Filipina ka kaya sinubukan ko na kausapin ka that way,” nagkibit-balikat si Niall. “Anyway, bakit ka malungkot? Are you having a hard time here?”

Umupo si Niall sa tabi ni Linette. Tumingin ito sa kanya. Hinawi ang buhok niya. “You can have my shoulder to cry on.”

Natagpuan na lang ni Linette na sinusunod ang sinabi ni Niall. Umiyak siya sa balikat nito. Na-depress talaga siya sa mga nangyari sa nakalipas. Nahihirapan siyang maka-recover.

Kahit estranghero ang lalaki, pakiramdam ni Linette ay nagkaroon siya ng karamay. Totoong karamay. Hindi maintindihan ni Linette pero nagkaroon siya kaagad ng magaan na pakiramdam sa lalaki. Siguro ay dahil na rin sa ito ang unang tao na lumapit at umalo sa kanya ng ganoon simula nang mamatay ang ina.

Sa unang pagkakataon pagkatapos mamatay ng ina ni Linette, lubos na gumaan ang pakiramdam niya.

“WICKED witch!”

Napahagikgik si Linette sa kabila ng pagmumura ni Niall. Kasalukuyan silang nasa park ng subdivision ng bahay ni Mr. Smith. Simula nang dumating si Niall may dalawang linggo na ang nakalipas ay nakapalagayan na niya ito ng loob. They became good friends.

Dahil close na sila, nagagawa na niyang makipaglokohan kay Niall. Gumawa siya ng snow ball sa kamay at binato ito. Day-off niya ngayon kaya malayang nakapaggala sila. Kapag wala siyang ginagawa, madalas rin siya na niyayaya ni Niall para gumala.

Walang pinagsisihan si Linette na sa una pa lamang ay pinagkatiwalaan niya si Niall. Naging mabait ito sa kanya at ginawa ang lahat para pasiyahin siya. Dahil rin rito, pakiramdam niya ay nagkaroon ng kulay ang pamumuhay niya sa ibang bansa. Dati kasi ay madalas na nanatili lamang siya sa bahay. Kung nakakalabas man siya, sa malapit na mall o grocery store lamang. Bukod kasi sa nagtitipid, wala naman siyang makakasama kung gusto niya na lumabas. Wala siyang kaedad sa bahay. Si Tracy, kahit anim na taon lang ang tanda sa kanya, ay abala rin sa ama kapag umuuwi. Ang dalawang kasambahay naman ay hindi rin mahilig gumala at matatanda na para sumabay sa gusto niya.

Simula nang dumating si Niall, naggawa ni Linette na makagala ng hindi ang pangkaraniwan na lugar lamang na napupuntahan sa Canada. Noong isang linggo, dinala siya ni Niall sa Niagara Falls. Gusto na gumala ni Niall at gusto rin siya na isama nito. May dalawang buwan na bakasyon ang lalaki.

May ilang oras lang ang layo ng sikat na falls sa bahay kaya nakabalik rin sila sa mismong araw. Saktong naging abala rin si Lawrence sa Pilipinas kaya hindi rin sila masyadong makakapag-usap. Nagkaroon talaga siya ng oras para makagala. Natuwa siya sa magandang lugar at pati na rin sa company ni Niall. Masaya itong kasama. Noon lang masasabi ni Linette na nag-enjoy siya sa pananatili sa Canada. Hapon na ngayon sa Canada at madaling araw sa Pilipinas kaya naggawa rin ni Linette na makapaggala. Tulog rin naman si Lawrence at ang pamilya.

Gumanti si Niall sa pagbato ng snow ball. Naglaro sila sa park na parang mga bata. Ang lakas ng hagikgik at mukhang masaya rin naman si Niall. Ang ganda ng ngiti nito. Naka-mahigit sampung bato na si Linette ng snow ball nang matigil siya. Naging malakas kasi ang pagganti ni Niall dahilan para matumba siya. Napaluhod siya. Hindi matibay ang pang-ilalim niya kaya hindi naprotektahan ang paa niya sa nangyari. Hindi rin makapal ang snow sa bahagi kung saan siya bumagsak kaya napuruhan siya.

“Ouch...” napangiwi si Linette nang makita na nagsugat ang paa niya dahil sa nangyari.

Kaagad na lumapit si Niall kay Linette. Nanlaki ang mata nito. “Oh no! I’m sorry...”

Umiling si Linette. “Sugat lang naman ito. Isa pa, katuwaan lang. No need to say sorry.”

“I don’t mean to harm you.” Inalalayan siya nito na makatayo. Naramdaman kaagad ni Linette ang sakit ng sugat kaya nahirapan siyang makatayo. Muntik na siyang mabuwal muli nang bitawan ni Niall.

Huminga nang malalim si Niall. Umupo ito pagkatapos. “Sumakay ka sa likod ko. I’ll carry you home.”

Si Linette naman ang nanlaki ang mata. “Oh no! Naninibago lang siguro ako sa sugat. Magagawa ko rin na makapaglakad ng ayos at---“

“I insist. Kahit na sabihin mo man na laro ang ginawa natin, pakiramdam ko ay responsibilidad kita. Ngayon ay sundin mo na ang utos ko.”

Nagmatigas pa si Niall kaya wala ng naging angal si Linette. Umuwi sila ng nakapasan siya sa likod ng lalaki.

Ilang beses na napabuntong-hininga si Linette. “Nakakahiya!”

“I’m your friend now, Linette. Hindi ka na dapat mahiya sa akin.”

“But still...”

Nilingon siya ni Niall habang pasan. “It’s my honor to carry you. Just enjoy the moment, all right?” wika nito at kinandatan pa siya.

Nanahimik na lang si Linette. Sinubukan niyang i-enjoy ang pakiramdam. May naalala siyang tagpo at parang nagkaroon rin ng sugat sa kanyang puso. Na-miss niya si Lawrence.

Nahiling ni Linette na sana ay si Lawrence ang kasama niya ngayon. Gusto niyang isipin. Pero hindi rin naman gustong lokohin ni Linette ang kanyang sarili.

Napapikit na lamang si Linette. Darating rin ang panahon na tuluyan na siyang magiging masaya. Magkakaroon ng katuparan ang lahat ng iyon kapag nasa Pilipinas na siya, kasama ang pamilya at si Lawrence na mismo ang pumapasan sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.