THE PAST SERIES: BEST MISTAKE
SA LAHAT ng tao sa theatre, si Julienne ang may pinakamalakas na palakpak. Paanong hindi? Napakagaling ng performance ng mga batang ballerina. Sa magandang performance na iyon, pakiramdam niya ay pinapalakpakan na rin niya ang sarili niya. Siya ang nagturo sa mga bata na iyon.
Four years ago nang magsimulang magturo si Julienne sa Little Ballet School of Manila. Masasabi niya na hindi na bago sa kanya ang makita ang mga estudyante na maging successful sa mga performance. Pero kagaya pa rin noong una ang reaksyon niya. Masaya at proud na proud siya sa tuwing nakakapagturo siya. Kapag nakakita siya ng mga magagaling na bata. Kapag nakikita niya na masaya rin ang mga bata.
“A really good round of applause for these kids!” masayang wika ng host. “What a brilliant performance!”
Pati ang host ay nakipalakpak. Nagsitayuan ang lahat ng audience. Dahil hindi basta-bastang ballet performance iyon, hindi lang mga magulang ang nasa loob ng theatre. Malaki ang crowd. Malaki rin kasi at bago ang theatre. May sponsor o producer kasi sila para sa partikular na performance na iyon kaya nakahatak rin ng ibang audience.
“And lets give a round of applause to the person that made these all possible, Teacher Julienne!”
Napunta kay Julienne ang spotlight. Pinapunta siya ng host sa stage. Sumunod naman si Julienne. Sanay na siya sa ganoon. Pero kahit marami na rin beses na pinaggawa iyon sa kanya ay iba pa rin talaga ang pakiramdam. Lalo na at maya-maya ay pumila ang mga estudyante sa harap niya. May hawak-hawak na pulang rosas ang mga ito at isa-isang ibinigay sa kanya.
Hindi lamang si Julienne ang naging teacher ng mga bata dahil hindi lang naman iyon ang naging performance sa malaking event ngayon. Pero pakiramdam niya ay siya na ang pinakamasaya sa lahat ng guro. Touched siya. Lumambot ang puso niya. Hindi rin niya napigilan na mapaiyak. Niyakap niya ang bawat bata at hinalikan isa-isa.
“Thank you, thank you, thank you.” Bati ni Julienne sa bawat bata.
“Teacher, thank you rin po. `Kita ko po si Mama kanina, ang saya niya po kanina. Proud po siya sa akin. Thank you po talaga, Teacher!” masayang bati ng huling estudyante ni Julienne na si Mylene.
Si Mylene ang paborito ni Julienne sa batch na iyon. Ito kasi ang pinaka-sweet sa buong batch. Pitong taong gulang rin ito. Sa klase, ito ang pinakatulad ng anak na si Julia.
Kung buhay pa ito.
Niyakap ni Julienne si Mylene. Mas mahigpit iyon kaysa sa iba. Gusto niya na kahit papaano ay maramdaman niya ang presensya ng anak kahit sa pamamagitan man lang ng kanyang estudyante. Missed na missed na niya ang anak. Kahit limang taon na itong wala, hindi niya pa rin na maggawang mag-moved on. Pero mabuti na lang at naroroon ang ballet school. Sa tuwing naroroon siya at nakakapagturo lalo na at puro mga bata ang estudyante nila, pakiramdam niya ay kasama rin niya ang anak.
Twenty five years old pa lamang si Julienne. Kung tutuusin, marami pa na puwedeng mangyari sa kanyang buhay. Hindi na dapat niya ginagawa ito---ginagawang outlet ang ballet school sa sobrang pagka-miss niya sa anak. Dapat ay lumaya na siya sa nakaraan. Napakabata niya pa para lamang manatili na stuck roon. Pero naging malaki rin talaga ang impact sa kanya ng pagkamatay ng anak niya noong dalawang taong gulang pa lamang ito.
Seventeen years old si Julienne nang hindi inaasahang mabuntis siya. Inisip niya noon na iyon na siguro ang magiging pinakamahirap na pagdadaanan niya sa kanyang buhay. Pinanagutan man siya ay naging mahirap tanggapin iyon para sa kanyang mga magulang. At kahit nga ngayon, pakiramdam niya ay dala-dala niya pa rin ang hirap na iyon.
Hindi sila ganoon in good terms ng mga magulang. Nakatira pa rin naman sila sa iisang bubong pero malamig pa rin ang pakikitungo ng mga ito sa kanya. Hindi naman niya masisisi ang mga ito. Minsan na binigo niya ang mga ito...at hanggang ngayon ay masasabi niya na binibigo pa rin. Pinili niya na maging ballerina---kagaya ng pangarap naman talaga niya. Hindi iyon gusto ng mga magulang niya. Gusto ng mga ito na maging kagaya siya ng mga pinsan niyang sina Jazeel at Valeen na para sa mga ito ay matatagumpay. May kanya-kanya kasing business ang dalawa. Gusto rin ng mga ito si Clover na maganda ang puwesto sa isang magandang kompanya. Lahat ng mga pinsan niya na involved sa business, gusto ng mga magulang. Ganoon ang gusto ng mga magulang niya sa kanya. Pareho kasing businessman ang mga ito. Pero dahil wala siyang namana sa pagiging magaling ng mga ito sa larangan, pakiramdam ng mga ito ay isa siyang malaking failure.
Pero napakaliit na lamang ng porsiyente ng sakit kay Julienne ang pagtrato sa kanya ng mga magulang kumpara sa sakit na nararamdaman pa rin niya sa pagkawala ng anak. Iyon ang masasabi niyang pinakamahirap na pinagdaanan niya sa buong buhay niya. At pinagdadaanan pa rin naman niya hanggang ngayon.
Nang matapos ang palabas ay inisa-isa pa rin na nag-congratulate si Julienne sa mga estudyante. Nilapitan rin siya ng mga magulang ng mga bata. Lahat ay nagpasalamat sa kanya. May ilan pa nga na binigyan siya ng regalo. Lubos na na-appreciate rin niya ang mga magulang. May pagkainggit siyang nararamdaman sa tuwina dahil na rin naiisip niya na sana ay isa pa rin siyang magulang kagaya ng mga ito. Pero ang makita na napasaya rin naman niya ito ay nagpapakasaya na rin sa kanya. Nawawala ang kanyang inggit.
“`Yan tumatawa na si Miss Julienne. Kailan ka naman magsusuot ng bright colors? Kailan mo titigilan ang pagsusuot ng black?” curious na tanong ng isang ina---si Mrs. Dela Cruz. Nakilala niya ito dahil madalas ito na naroroon kapag may practice ang anak nito.
Nginitian ng kimi ni Julienne ang matanda. “Ma’am, sadya naman po na ang uniform namin na mga ballet teachers ay black.”
Umiling ang matanda. “Uh-oh. Madalas na naka-pink si Miss Reigna.” Ang tinutukoy nito ay ang isa niyang co-teacher rin sa LBSOM. Kagaya niya ay may matindi rin na pinagdaanan si Reigna sa buhay. Pero hindi kagaya niya, positibo ito. Hindi rin nito dinadala ang sakit sa buhay sa trabaho. “Isa pa, lagi kitang inoobserbahan, Miss. Kapag dumadating ka, naka-itim ka talaga. Kapag umaalis ka, palagi ka pa rin na naka-itim. Paborito mo ba `yan o---“
“Paborito ko lang po talaga.” Gusto rin naman ni Julienne na maging propesyonal. Hangga’t maaari ay hindi niya kinukuwento ang istorya ng kanyang buhay sa mga taong hindi naman malapit sa kanya. Isa pa, ayaw na rin niya ng intriga. Gusto niyang maalala ang anak. Pero alam niya na kapag sinimulan niya ang kuwento, makakadagdag lamang iyon sa kalungkutan sa loob niya. Today should be a happy day. Hindi na nga dapat niya muna iniisip si Julia.
“Ah, okay. Akala ko ay nagluluksa ka or something. May kakaiba kasi sa mata mo, eh. It seems like you are longing, mourning for someone. Tipid rin ang ngiti mo kahit na ba mukhang mahal na mahal mo ang trabaho mo. Nakaka-bother lang...”
Tipid na ngumiti lang si Julienne. Hindi na siya nagkomento. Pagkatapos makaalis ng mga estudyante at magulang, kinausap siya ng director ng ballet performance. Ito rin ang may-ari ng LBSOM.
“Halika, Julienne. Gusto ko kayong ipakilala sa sponsor at producer natin para sa malaking ballet event na ito. Naipakilala ko na ang iba, ikaw na lamang ang hindi.”
Tumango si Julienne. Wala siyang ideya kung sino iyon. Ang alam niya ay anonymous ang nag-sponsor at siya rin na producer. Hindi rin siya tsismosa para mag-research pa. At ngayon, hindi naman talaga niya masasabi na interisado siya na makipagkilala. Pumayag lang siya dahil boss na rin naman niya ang nagsabi. Wala rin naman sigurong masama na makipagkilala siya. Pagkatapos ng lahat, tinulungan siya nito. Tinulungan nito ang kanyang mga estudyante.
“Oh my God! Hinawakan niya ang kamay ko, Carly! Nakaramdam ako ng sparks!” wika ng isa sa mga babaeng staff.
“Ako rin! Grabe, true love ko na yata siya!” komento naman ng isa pa rin na staff.
“Paano ba `yan? Pareho tayo ng true love!” humagikgik ang dalawa. “Haay, pero ang guwapo niya talaga, grabe! At mukhang mabait. Napaka-humble kasi para piliin niya na `wag ng ipakilala sa madla kanina. Sana mag-sponsor pa siya sa susunod para naman makadaupang palad ko muli siya.”
Ang mga komento na iyon ang nadaanan nina Julienne at direktor patungo sa sinasabi ng huli na sponsor. So lalaki ang sponsor nila? At guwapo.
Napaismid si Julienne. Eh ano naman kung guwapo? Wala talaga siyang maramdaman na interes. Minsan na siyang nabiktima noon. Na-trauma na yata siya. Pinigilan na lang niya sarili na makaramdam ng kuryosidad...na para bang hindi napigilan na umandar lalo na at may unti-unti siyang naamoy na pamilyar na pabango.
Kinilabutan si Julienne. Hindi maaari.
Baka guni-guni ko lang ito. May nakapagsabi kasi ng guwapo at sparks, eh. Kainis! May naisip tuloy ako.
“Ayun siya, o.” Itinuro ng direktor ang isang lalaking nakatalikod sa kanila. Nakikipagkamay rin ito sa iba pang staff.
Napa-krus ng mga kamay si Julienne. It couldn’t be him because life couldn’t be so cruel.
But Julienne should have learned that life is really cruel. Humarap sa kanya ang lalaki na minsan ay kinabaliwan rin niya kagaya ng dalawang nakitang staff kanina. Guwapo, sparks and heck, she thought that he was an angel once! May ganoong mukha ang lalaki. Siguro nga ay anghel rin ito dahil sa pag-sponsor.
But a cruel angel it is.
“Teacher Julienne, meet Mr. Axel Aguillera, our sponsor and producer. Mr. Axel Aguillera, this is Julienne Lejarde, ang teacher ng mga magagaling na bata na last mag-perform.”
Sandaling tinignan ni Axel si Julienne ng tingin. Ngumiti pa ito. Natunaw si Julienne, kagaya ng madalas na pakiramdam niya kapag nakikita niya ang ngiti na iyon dati. Pero sa kabila ng pagkatunaw ni Julienne ay ganoon rin ang pagkalusaw ng magandang mood niya. Hindi niya dapat nararamdaman ang dati pang nararamdaman kay Axel. Nainis siya sa kanyang sarili.
“It’s nice to meet you, Teacher Julienne. Again.” Inilahad ni Axel ang kamay sa harap niya.
Hindi tinanggap ni Julienne ang kamay ni Axel. She might have a lot of skeletons in the closet pero hindi siya kailanman naging plastic.
“HINDI mo dapat ginawa iyon, Teacher Julienne.” Hindi maganda ang tinig ng director kay Julienne kinabukasan. Kinausap at pinagsabihan siya nito tungkol sa ginawa niya kay Mr. Aguillera kahapon.
“Sir, hindi naman po ako artista para magpakita ng mga magagandang ugali sa iba. Wala akong iniingatan na reputasyon.” Sagot ni Julienne.
Bumuntong-hininga ang direktor. “Pero ang reputasyon ng school...parang iyon ang sinira mo.”
Hindi nagsalita si Julienne. Siguro nga ay tama ang direktor. Pero may gusto rin siyang ingatan---ang sarili at dignidad niya. Kung hahayaan niya ang sarili na maging mabait at tratuhin si Axel ng maayos, hindi ba at parang niloloko niya ang sarili niya? Hindi niya gustong gawin kahit sa sake ng pagpapakitang tao lamang.
“Alam mo naman ang lagay ng LBSOM `di ba? Hindi na ito kumikita ng maganda. Nagsisimula ng mabawasan ang mga estudyante natin dahil hindi na naman uso ang mga ganito sa bata. Most children indulged to gadgets than to physical activities. Nakakagawa na lamang tayo ng mga ganitong event at kumikita ng maganda dahil sa mga sponsors. At mahirap at bihira na rin ang makuha natin na galanteng sponsors. Napakasuwerte na natin na nagkaroon ng interes ang kagaya ni Mr. Aguillera rito. He was a big time business man. Nangako rin siya na susuportahan ang iba pa nating performance. Pero pagkatapos ng ginawa mo sa kanya kahapon? Nagkaroon na tuloy ako ng alinlangan...
“Hindi ko sigurado kung personal mo na kilala si Mr. Aguillera. Hindi ko na rin gusto na makialam pa. Pero sana, bago mo ginawa iyon ay inisip mo muna ang maaaring epekto noon sa school. Regular teacher ka pa man rito. Kung hindi dahil kay Mr. Aguillera, malamang ay naghihikahos na tayo...”
Dahil regular na teacher, alam ni Julienne ang status ng school. Tama ang direktor. Hindi na nga maganda ang status ng LBSOM. Hindi naman kasi ganoon kalakihan ang tuition roon. Galing sa average na pamilya lamang ang mga estudyante. Madalas na kumikita lamang ang LBSOM sa tulong ng ilang sponsors. Kung wala ang mga ito, maaaring bumagsak na iyon. Maaari na rin na mawalan ng trabaho si Julienne.
May mga dahilan si Julienne kung bakit ginawa niya iyon. Pero hindi na niya gustong ikuwento pa. Ayaw na rin niyang pag-usapan ang tungkol sa ginawa kahapon. Iniiwasan niya lahat ng pag-uusap tungkol kay Axel. Sinubukan niya na magpaka-plastic. “Sorry po. Hindi ko na muling uulitin.”
Tinitigan ng direktor si Julienne. “Gusto kong bumawi ka, Teacher Julienne.”
Kumunot ang noo ni Julienne. “Bumawi? Paano po?”
“Sa kabila ng mga ginawa mo, mabait pa rin naman si Mr. Aguillera. Tinuloy pa rin niya ang balak na pag-treat sa mga staffs. Magkakaroon tayo ng one-day island hopping courtesy na rin niya. Gusto ko na sumama ka roon.”
“Napakabait niya naman po kung ganoon...”
Nagliwanag ang mukha ng direktor. “Indeed. Kaya nga napakasuwerte natin na maging sponsor siya! Bumawi ka man lang sa pamamagitan nito, Teacher.”
Napalunok si Julienne. “M-makakasama rin ba natin siya?”
“I don’t think so. Masyadong abala si Mr. Aguillera para sumama pa sa ganitong bagay.”
Tinitigan ni Julienne ang direktor. Kung nagsasabi ito ng totoo, siguro ay papayag siya. Mahilig siya sa beach. It made her feel relaxed. Naging nakakapagod ang nagdaang linggo at siguro nga ay kailangan niya ng break. Isa pa, enjoy rin naman na kasama ang mga staffs sa LBSOM. Naging malapit at kaibigan na rin niya ang mga ito kaya kung sakaling matuloy man ang outing, siguradong makakapag-relax nga siya.
Pumayag si Julienne. Pagkatapos ng lahat, hindi naman kasama si Axel. Hindi niya pakikisamahan ito---bagay na pinakaiiwasan niya. Dahil paano pa niya pakikisamahan ang isang tao na isa rin sa dahilan ng pagsusuot niya palagi ng itim? Sa pagkawala ng anak niya ay siya rin na pagkawala ni Axel sa buhay niya. Si Axel ang ama ng anak niya at muntik na niyang pangakuan na pakikisamahan sa pang-habang buhay. And just like most story of a past love, it’s a chapter that she wouldn’t have dream of looking back again.
IT WAS A FUN day. Ganoon maide-describe ni Julienne ang araw ng island hopping nila ng mga staffs ng LBSCOM. Dahil maliit lang naman iyon, higit sampu lamang sila. Isang private island rin ang pinagdausan ng island hopping. Kinailangan pa nila na magkaroon ng sariling charter flight para makarating roon. Pero hindi naman ganoon kalakihan ang isla kaya mabilis silang natapos sa pag-iikot. But the beach was so spectacular. Hindi napigilan ng lahat na mapaligo sa beach. Napagod ang mga kasamahan niya pero sa lahat, si Julienne yata ang pinakahustong napagod.
“Anong oras ba tayo aalis? Mga alas singko?” Tanong ni Julienne sa isang staff na hindi niya gaanong kilala. Hindi naman kasi siya masyado nakikipagkilala sa maraming tao. Alas tres pa lamang ng hapon.
“Oo daw.” Sagot nito, tila walang pakialam. Enjoy na enjoy pa kasi ito sa pagsi-swimming. Umahon lamang ito dahil may kinuha sa villa. Samantalang dahil napagod na si Julienne, umahon na siya at nag-ayos ng sarili.
Humikab si Julienne. Sa sagot ay gusto niyang sundin ang kagustuhan ng katawan---ang magpahinga. May dalawang oras pa siya. “Okay, sige. Puwede bang paggising na lang ako mamaya kapag paalis na? Matutulog muna ako sa isa sa mga kuwarto rito sa villa.”
“Okay,” parang wala pa rin na pakialam na sagot ng babae. Agad na umalis rin ito.
Ginawa ni Julienne ang plano. Natulog siya sa pinakamaayos na kuwarto na nakita niya. Hindi pa kasi ganoon kaganda ang villa. Sa tingin niya ay bagong gawa lamang iyon. Hindi pa kompleto sa mga gamit. Sa katunayan, iisa lamang ang kuwarto na may kama sa tatlong kuwarto na mayroon ang villa. Iyon pa ang nag-iisang kuwarto sa itaas. Doon nahiga si Julienne.
Habang sinusubukang matulog, may isang thought na pumasok sa isipan ni Julienne. Kanino nga kaya ang villa at pribadong isla? Alam niya na sponsor pa rin ni Axel ang outing na ito. Pero kay Axel na ba talaga ang private island at villa na iyon?
Maaaring sa kaibigan ni Axel o kakilala. Puwede rin naman na sa lalaki nga. She always knew and feels that Axel will be a very successful man. Hindi man naging mabilis dahil sa kanya at kay Julia, naggawa pa rin nito. Nabigyan ito ng pagkakataon dahil na rin sa trahedya. Pero sa likod ng mga tagumpay, may isang taong naiwan. Nasaktan. Sa kasamaang palad, si Julienne iyon.
Pero bakit nga ba niya iniisip ang lahat? Wala si Axel sa lugar. Kung sa lalaki man ang lugar, wala na rin siyang dapat pakialam. Pagkatapos ng lahat, ginawa lang naman niya ito para makabawi kuno...na hindi niya pa rin maintindihan kung bakit ganoon ang sinabi ng Direktor na magagawa niya kung sakaling sumama siya sa outing na ito. Wala roon si Axel para makahingi siya ng patawad.
Pinili ni Julienne na magpahinga na. Ang pag-iisip kay Axel ay nakadagdag lamang ng stress niya. Naging maganda naman ang tulog niya. Masarap ang pakiramdam niya pagkagising. Pero iyon ay hanggang imulat lamang niya ang kanyang mga mata: napakadilim ng paligid!
Napabalikwas ng bangon si Julienne. Kaagad na kinuha niya ang cell phone. Tinignan niya roon ang oras dahil iyon lang naman ang pakinabang ng cell phone. Walang signal sa isla. Lagpas alas-sais na! Alas singko ang departure time at...
“Paano kung naiwan ako?!”
Natakot si Julienne. Marunong naman siyang lumangoy pero hindi ganoon kagaling. Hindi siya makaaalis ng isla. Hindi rin siya makakahingi ng tulong dahil salat sa teknolohiya iyon. Hindi rin niya sigurado kung may care-taker sa lugar. Kung mayroon man, baka matagal pa iyon. Ganoon naman talaga ang mga pribadong lugar. Minsan nga ay pinapalinis lamang kapag may mga kailangang gumamit.
Kaagad na umalis siya ng kuwarto. Sakto naman sa pagkalabas niya ay bumukas ang mga ilaw. May tao sa lugar! Hindi siya nag-iisa. Nakahinga nang maluwag si Julienne.
Hanggang sa makita niya na hindi ang mga taong kasama niya kanina ang ngayon ay kasama na niya sa villa at isla.
“Yen? Bakit---“ nakakunot noo si Axel nang makita siya. Mukhang kahit ito ay nagulat.
Namutla si Julienne. Bigla niyang nahiling na sana ay naiwan na lang siyang mag-isa sa isla. Mas magiging madali iyon kaysa ang makasama si Axel lalo na at Sa iisang lugar, sila lamang dalawa.