Tenses (Unofficial) Series Chapter 22

“I’M SORRY.”

Hindi na mabilang ni Clarisse kung ilang beses niyang nasabi iyon kay Ross. Nakakahiya ang mga ginawa rito ng ina. Inabala ito ng ina para akusahan ng mga bagay na hindi na nga nito ginawa, lalong hindi naman ang totoong pinagdadaanan niya.

Hinawakan ni Ross ang baba ni Clarisse. Itinaas nito iyon para masalubong ang tingin nito. Kanina pa siya nakayuko sa kahihiyan sa lalaki.

“At ilang beses ko rin ba na sasabihin na okay na nga iyon?” nakangiting wika ni Ross.

“Nakokonsensya kasi talaga ako. Inabala ka pa ni Mama. Hindi ko lang kasi talaga gustong pag-usapan pa ang nangyari. Hindi ko pa iyon nasabi kay Mama. Kung anu-ano tuloy ang naging hinala niya.”

“Hmmmm…. Hanggang ngayon ba ay ganoon pa rin?” tila curious na curious si Ross sa tanong na iyon.

Gustong mapakunot noo ni Clarisse. Si Ross, concern sa kanya? Nakakapagtaka iyon. Paano magkaka-interes ang isang Mr. Popular na kagaya nito sa isang nerd kung ituring na kagaya niya? College pa lamang sila ay matagal ng naisampal sa kanya ang katotohanan na hindi naman siya papansinin ng lalaki---kahit na ba magkaibigan ang mga Nanay nila.

Dalawang taon ang tanda ni Ross kay Clarisse. Pareho sila ng pinasukan na university pero dahil bulakbol si Ross college pa lamang sila ay naging magka-batch sila. Business Administration ang tinapos nito samantalang siya naman ay Accountancy. Irregular si Ross kaya naging magkaklase pa sila sa ibang subject. Pero kahit ganoon, tanging tango lamang ang madalas na nakukuha niya mula kay Ross.

Maliban sa isang pangyayari….

Hindi makita ni Clarisse ang point kung bakit kailangang maging concern sa kanya ni Ross. Hindi naman sila magkaibigan.

“Ahmm…”

“Naiintindihan ko naman na nag-aalinlangan ka. But I think I deserved an explanation. Dalawang beses na rin akong naabala ng nangyaring ito sa `yo.”

Okay, curious lang siya dahil roon. Nawala ang kaguluhan sa loob ni Clarisse. “Well, hindi ako buntis. I am just broken hearted.”

“Just? It’s a big deal for you.”

Kinagat ni Clarisse ang ibabang labi. “Sean is my first love. Natural lang na masaktan ako roon `di ba?”

“Talaga?” namilog ang mata ni Ross. “Pero bakit sa narinig ko sa Mama mo ay ako lang ang---“

“Ross!” Namula si Clarisse. Lumakas rin ang tibok ng puso niya. Nakakahiya talaga! Though aminado siya na naging crush nga niya si Ross.

Guwapo naman kasi talaga si Ross. Tall, dark and handsome---ganoon kung ilarawan ito ng maraming tao. Rugged ang itsura ng makapal na buhok nito. Manly rin na tignan ito sa mga stubbles sa mukha nito. At siyempre, dagdag rin sa factor ng mga nagka-crush rito na kagaya niya ang suwabeng boses nito.

Iyon nga lamang, hindi na pinalala ni Clarisse ang nararamdaman. Sa nobela lang nangyayari ang mga eksenang Mr. Somebody loves Ms. Nobody. Sa dami rin ng magagandang babae na nagka-crush rito, ano ang chance na bibigyan siya nito ng pansin?

“Relax, Clarisse.” Natawa si Ross. “Magsisimula ka ng pagtinginan sa restaurant na ito.”

Sandaling napalinga tuloy sa paligid si Clarisse. Lalo pa siyang namula. Umalis sila ni Ross ng bahay para makapag-usap ng “masinsinan”. Paano, kahit tinanggi niya sa ina ang mga akusa nito ay hindi ito naniniwala. Naniniwala ito na si Ross ang may kagagawan kung bakit nawala siya sa sarili niya sa loob ng ilang araw. Napagdesisyunan nila na lumabas na lamang ng bahay dahil mahirap mag-usap nang maayos sa bahay nila sa nag-eeskandalo ng ina. Gusto rin nila na palipasin muna ang galit nito na hindi yata magagawa habang naroroon si Ross. Sa isang restaurant malapit sa bahay nila sila napadpad.

“Isa pang nakakahiya na bagay. Halos hindi ko pa naayos ang sarili ko. Nakakahiya siguro lalo para sa `yo na makita ako na ganito.”

Kumunot ang noo ni Ross. “Paano mo nasabi iyon?”

“Totoo naman. College pa lang tayo, ni walang kagaya ko ang nakakalapit sa `yo. You’re always with the most popular girls---“

“Enough of that. Medyo nakakaasar na marinig iyon. Para kang nagse-self pity.”

“Okay, sorry na nga ulit…” bumuntong-hininga si Clarisse. “Anyway, naipaliwanag ko na naman ang sarili ko kaya siguro let’s call it a day?”

Akmang tatayo na si Clarisse nang pigilan siya ni Ross. Hinawakan nito ang kamay niya.

“No. Mag-usap na tayo. Let’s have lunch, I think? O-or breakfast? Mukhang kakagising mo lang. Malamang ay hindi ka pa nakain.”

Nasa boses ni Ross ang concern na naman. Tila tumalon ang puso ni Clarisse sa isipin na concern talaga ito. Well, hindi rin naman siya masisisi. Crush pa rin naman kasi niya si Ross hanggang ngayon. Pero alam naman niya sa sarili na hanggang doon lang iyon, bukod sa hindi dapat siya nakakaramdam ng kilig ngayon. Sinusubukan pa niyang paghilumin ang sugatan niyang puso.

“G-gusto ko na ulit umuwi, Ross. Nakalabas na tayo. Nabigyan na natin ng time si Mama. Hindi na mainit ang ulo noon kapag nakabalik ako. Ako na lang rin ang kakausap sa kanya. Magpapaliwanag na ako sa kanya. Maraming salamat na lang sa lahat.”

“But I do think you need some company, Clarisse. Hindi mo dapat hinahayaan ang sarili mo na magmukmok…”

“Alam ko. P-pero si Sean, siya na lang ang tinuturing kong kaibigan. Alangan naman na ikuwento ko sa kanya na masakit ang ginawa niya sa akin `di ba? Isa pa, wala na rin naman siyang magagawa roon.”

“I can lend my ears…”

Kumunot ang noo ni Ross. “But we are not friends, Ross…”

Napaawang ang labi ni Ross. Nagulat ito. Sa tingin ni Clarisse ay napagtanto ni Ross na isang kamalian na makipag-usap at makisawsaw sa boring na buhay niya.

“I appreciate everything, Ross. Pero masyado na kitang naabala sa lahat. Salamat sa pagtulong mo sa akin. Huwag kang mag-alala, susubukan ko na maging maayos na para hindi ka na magulo pa. Maraming salamat talaga.”

Matagal na tinitigan lang ni Ross si Clarisse. Nang tumango ito ay doon napagtanto ni Clarisse na tama lamang ang ginawa niya.

Masyadong ginulo si Clarisse ng nangyari at nalaman niya mula sa matalik na kaibigan. Kung hahayaan niya pang malapit kay Ross ay hindi malabong magdaan muli siya roon.

Haay, Lord. Tama na. I don’t need another broken heart anymore…

DUMATING ang Lunes. Sa loob ng isang linggo ay sa wakas ay napagtanto ni Clarisse na mali na magmukmok siya. Nalinawan siya nang mangyari ang maling pang-aakusa ng ina kay Ross. Ayaw na niyang lumala pa iyon kaya nagdesisyon siyang ayusin na ang sarili. Kailangan niyang bumalik sa dating buhay.

Hindi madali ang pinagdaanan ni Clarisse. Boring na itinuturing niya ang buhay niya dahil bahay at trabaho lang naman iyon. Sanay na siya sa ikot ng buhay niya kaya nahirapan siyang mag-adjust nang subukan niyang magkaroon ng pagbabago. Nag-“yes” siya sa isang challenge at risk. Ang resulta: natalo siya.

Simpleng babae lamang Clarisse. Mas plain pa sa plain rice ang itsura niya. Walang katangi-tangi sa bilugang mata, hindi katangusang ilong, manipis na labi at may kahabaan at tuwid na itim na buhok niya. Maliit rin siya sa height niyang 5’1. Hindi siya kapansin-pansin. Minsan pa nga ay nerd kung ituring siya ng iba dahil na rin nakasuot siya ng makapal na salamin.

Wala namang problema si Clarisse kung tawagin siya na nerd. Tanggap niya ang lagay ng buhay at sarili niya. Dahil rin doon ay binababaan niya ang standards niya sa buhay, lalo na sa lalaki. Kaya simula nang makilala niya si Sean---ang ka-opisina niya na parang kagaya rin niya ang buhay ay dito na lamang niya tinuon ang pansin. Komportable rin siya na kasama ang lalaki. Hindi rin nagtagal ay naging best of friends sila.

Naging malapit silang dalawa ni Sean sa isa’t isa. Magka-department silang dalawa at naging snack at lunch buddy sila. Madalas na inihahatid rin siya nito sa bahay nila kapag wala siyang dala na kotse sa trabaho. Kapag weekends rin ay ito lamang ang nagyaya sa kanya na lumabas---manood ng sine, kumain o kahit mag-unwind. Tanging si Sean lamang ang gumawa ng mga ganoong bagay kay Clarisse.

Taon rin ang lumipas na ganoon si Sean kay Clarisse. Dahil dito, nakalimutan niya ang golden rule sa accounting: never assume, unless stated. Inisip niya na may gusto sa kanya si Sean at nahihiya lamang ito na magsabi ng iba.

Iyon pala ay iba ang gusto ni Sean. Hindi kagaya niya. Hinding-hindi magiging kagaya niya.

Naglakas loob si Clarisse na umamin kay Sean para lamang masaktan at mapahiya. Ang masaklap pa roon, dahil sa ginawa niya ay nagkaroon ng lamat ang relasyon ng lalaking pinakatinuturing niyang kaibigan. Simula noon ay hindi na siya kinontact ni Sean.

Nasaktan nang husto si Clarisse sa nangyari. Naging malaking challenge sa kanya ang nangyari kaya ganoon na lamang ang naging reaksyon niya. Pero susubukan niyang ayusin ang sarili.

At mukhang hindi naman siya nagkamali ng ginawa. Sa unang araw ng pagbabalik opisina niya pagkatapos ng halos isang linggo niyang hindi pagpasok ay bumungad ang isang magandang pumpon ng bulaklak sa kanya. Nakapatong iyon sa mismong table niya.

“B-baka naman nagkamali lang ng lagay?” tumingin si Clarisse sa katabi niya sa table.

Umismid ang babae. “Inisip ko nga rin, eh! But see the note for yourself…”

Napalunok si Clarisse. Binulatlat niya ang bulaklak at nakita nga niya na may note roon. Nang mabasa niya iyon, nagsunod-sunod ang paglunok niya.

“Stop crying over him. Instead, use that strength to get over him. Have a beautiful morning!” – Ross.

Iyon ang unang beses na makatanggap si Clarisse ng pumpon ng bulaklak sa twenty six years of existence niya. At galing pa iyon kay Ross!

Namula si Clarisse. Tila concern talaga sa kanya ang lalaki. Bakit ba ito nag-aabala pa na magpadala sa kanya ng flowers? Sinabihan niya na itong tumigil na. Ang akala naman niya ay naintindihan nito iyon. Pagkatapos siyang ihatid ni Ross pabalik sa bahay nila, hindi na muli sila nagkausap.

“Thanks for the flowers.” Nagpadala siya ng message sa lalaki. Nagdududa man, alam pa rin niya ang kanyang manners. Marunong siyang maka-appreciate.

“You’re always welcome. Have a nice day, Clarisse!” mabilis naman na nakapag-reply si Clarisse.

Sa totoo lang, natatakot si Clarisse na pumasok. May pakiramdam kasi siya na pag-uusapan siya sa opisina dahil hindi siya pumasok ng ilang araw. Hindi siya ganoon. Nakakatakot rin na nakatanggap siya ng bulaklak dahil mas lalo lang noon na palalakihin ang mga usap-usapan tungkol sa kanya. Pero sa nangyari ay parang balewala lamang iyon. Parang nagkatotoo na agad ang sinabi ni Ross. Nice na kaagad ang araw kahit nag-uumpisa pa lamang iyon.

Napangiti si Clarisse. Bahagyang niyakap at inamoy-amoy pa niya ang bulaklak nang dumaan sa harap niya si Sean. Natigilan naman siya sa ginagawa, lalo na nang may pang-uusig ang tingin na ibinigay sa kanya ng lalaki. Kunot na kunot rin ang noo nito. Pero hindi ito nagkomento.

Umismid si Clarisse nang makaalis si Sean. Dala yata ng nasaktan at napahiya na puso ay nag-uumpisang lumabas nagtatagong ang mataray na bahagi ni Clarisse.

Inggit ka lang! hula ni Clarisse na siyang nararamdaman ni Sean sa ngayon.

THANK you for the flowers, pagbibigay credit ni Clarisse sa dahilan kung bakit nairaos niya nang matiwasay ang isang linggo. Araw-araw simula nang pumasok siya sa trabaho ay nakakatanggap siya ng bulaklak. Lahat ng iyon ay nanatiling si Ross ang nagpapadala. Nanatili rin na tungkol sa pagmu-move on ang mga dedication nito.

Maganda ang mga flowers at kagaya sa paglalarawan ay naging maganda rin ang pakiramdam ni Clarisse kapag natatanggap iyon. Narerelax siya habang tinitignan iyon habang nagtatrabaho. Marami ang nagtataka sa nangyari sa kanya. May ilang hindi na nakatiis at nagtanong. Pero tanging ngiti lamang ang sinasagot niya sa mga ito.

Hindi rin naman kasi alam ni Clarisse ang isasagot, lalo na kung sino ang nagpapadala niyon sa buhay niya. Kaibigan na nga ba talaga niya si Ross? Concern sa kanya ang lalaki pero hanggang doon lang naman iyon. Ni hindi nga ito nagpakita na ulit ng personal sa kanya.

Pero pinilit ni Clarisse na makontento sa ginawang iyon ni Ross. Malaking tulong rin naman ang ginagawa nito sa kanya. Bagaman nagugulo siya dahil hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa iyon ni Ross ay hindi na lang siya humahanap ng sagot. Ayaw rin naman niyang patuloy na magulo. In-appreciate na lamang niya ang nangyayari sa ngayon.

All is well ang nangyari sa nakalipas na araw. Patuloy na hindi siya pinansin ng dating matalik na kaibigan. Pero hindi na iyon binigyang halaga ni Clarisse. Sa tingin niya ay makakabuti rin naman kung hindi na sila mag-uusap. Napahiya siya. Iniiwasan rin naman niya si Sean. Ayaw na niyang mapag-usapan ang nangyari sa kanilang dalawa.

Pero may expiration pa rin pala talaga ang lahat. Nawala ang ginhawa na nararamdaman ni Clarisse nang makatawag siya ng tawag bandang alas tres ng hapon.

“Anak, kailan nga ang suweldo mo ulit?” sa halip na hello o kumusta, iyon ang unang narinig ni Clarisse mula sa tawag ng ina.

“Ma, ano ito?!” Nag-init na kaagad ang ulo ni Clarisse hindi pa man nasasabi ng ina ang pakay nito. Nararamdaman na niya na masama iyon.

Nahihiyang tawa ang sumunod na narinig ng ina. “Baka naman may extra na pera ka diyan, Anak. Kailangan ko lang.”

“Magkano ang napatalo mo, Ma?!” Kapag sinabi ng ina na kailangan nito ng pera, iisa lang ang dahilan noon: Sugal.

Kahit anak, pakiramdam ni Clarisse ay siya pa ang mas ina sa kanila ng Mama niya. Siya ang nagtatrabaho, bumubuhay sa kanila. Wala naman sana siyang reklamo roon. Pagkatapos ng lahat, ang ina ang bumuhay sa kanya noong nag-aaral pa siya. Bagaman hindi malaki ang gastos nito dahil simula elementary siya ay scholar na siya dahil sa katalinuhan niya ay marami pa rin ang ginawa nito sa kanya. Kaya nga lang, simula nang makatapos siya ng pag-aaral at hindi na nagtrabaho ay nagkaroon ito ng masamang libangan.

“Fifteen thousand, Anak. Wala pa naman iyong kalahati ng suweldo mo `di ba?”

“Ma!” Napapikit si Clarisse sa inis. Bumilis rin ang paghinga niya.

“Pasensya ka na, Anak. Kailangang-kailangan ko lang talaga. Bigatin kasi itong nakalaban ko at hindi papayag na hindi ko siya mabayaran kaagad. Natalo kasi ako---“

Hindi na tinapos ni Clarisse ang tawag. Pinatay na niya ang tawag. Kapag pinagpatuloy niya pa iyon ay baka kung ano lamang ang masabi niya. Ang magiging labas ay magiging masama siyang anak, kagaya na lamang ng sasabihin ng ina niya kapag hindi rin naman niya ito binigyan.

Pero sobra na! Inis na wika ni Clarisse sa isip. Malaki kaysa sa kinakailangan ang sinusuweldo ni Clarisse bilang CPA. Pero kahit ganoon ay parang nagiging sapat lamang ang lahat. Humihingi kasi ng malaking allowance ang Mama niya sa kanya. Katwiran nito, matanda na ito at gusto na lamang na i-enjoy ang buhay. Pinagbibigyan naman niya ito. Alam rin niya na pagbibigyan niya ito rin ang hiling nito ngayon dahil mahal niya ito. Pero hindi na bukal sa loob ang pagbibigay. Alam naman kasi ng Mama niya na may dumagdag sa gastos niya ngayon. Nitong nakaraang taon kasi ay bumili siya ng bagong kotse at limang taon na kailangan niyang bayaran iyon. Kakaunti na lamang ang naiipon niya dahil roon.

Hanggang sa mag-uwian ay nanatili na badtrip si Clarisse. Bumalik lang muli ang magandang mood niya nang may makitang pamilyar na pigura sa lobby. Nagulo ang mood niya pero sa magandang paraan.

Napalunok muna si Clarisse bago magsalita, pero bahagyang napapiyok pa siya nang sitahin niya si Ross. “A-anong ginagawa mo rito?”

“At last,” ngumiti si Ross. Binigyan siya nito ng halik sa pisngi na ikinapula niya, lalo na at marami ang nakakita sa kanila.

“R-Ross, hindi halik ang sagot sa tanong ko…”

“But it’s better than an answer, right?” kinindatan pa siya ng lalaki na lalo niyang ikinapula. Naging malakas rin ang tibok ng puso niya at parang may mga paru-paro na lumipad sa tiyan niya.

Tumawa ang lalaki nang hindi siya nagsalita. “`Wag kang mag-alala. Gusto ko lang naman makita kung okay ka. Pero mukhang okay ka. Halik lang pala ang magbibigay ng kulay sa dating namumutlang mukha mo.”

“Oo na. Pero nakita mo na akong okay ngayon. Puwede ka ng umalis.”

Napatikhim si Ross. “Ganyan ka pala kasuplada. Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko para sa `yo nitong nakaraang linggo, ito lang ang igaganti mo sa akin?”

Nakagat ni Clarisse ang ibabang labi. “`Sorry. Naisip ko lang kasi na malapit ng gumabi. You are a band vocalist and it’s Friday. Medyo nakakapagtaka naman kung magtatagal ka pa samantalang madalas na may gig ang mga kagaya mo kapag ganitong araw.

“I can manage to have dinner with you till eight.”

Natulala si Clarisse. “D-Dinner?”

“Yes, dinner. Ayaw mo ba?”

Umiling si Clarisse. “But this is too much, Ross.”

Ngumisi si Ross. “Paano kung sabihin ko sa `yo na kaya naman talaga kita niyaya ay para mailibre mo ako? Malaki rin ang nagastos ko sa mga bulaklak, ha.”

Natawa si Clarisse. “Iba ka talaga.”

Tumawa si Clarisse pero sa loob niya ay nakaramdam siya ng lungkot. So iyon lang pala iyon? May isang bahagi niya ang nag-isip ng mas malalim pa na dahilan. Pero pinigilan niya iyon. Lalo lang noon na guguluhin ang buhay niya.

Kung naggawa siyang saktan ni Sean, paano pa ang isang playboy na kagaya ni Ross?

Pumayag si Clarisse sa dinner. May punto rin kasi si Ross. Wala siyang dala na kotse ngayon dahil coding ang kotse niya. Ginamit nila ang kotse ni Ross.

“Puwede bang sa Jollibee na lang?” alinlangan ang ngiti ni Clarisse nang tanungin siya ni Ross kung saan niya ito ililibre.

Kagaya ng inaasahan, nagulat si Ross. Pero pumayag rin naman ito. Tinupad niya ang usapan, nilibre niya si Ross.

Nang makaupo na sa lamesa at naghihintay ng kulang na order ay titig na titig sa kanya si Ross. “Hindi ka naman pala katulad ng sinasabi nila.”

“Hmmm…?”

“Predictable and boring?”

“Tanggap ko na iyon.”

“Pero nagulat ako sa trip mo ngayon. Hindi iyon predictable…at hindi rin boring.” Tumingin si Ross sa paligid. Maingay kaya hindi nga boring.

Nagkibit-balikat si Clarisse. “Favorite ko kasi si Jollibee, eh. Saka kailangan ko rin na magtipid.”

“But you are a CPA, Clarisse. Paanong kailangan mo pang magtipid sa laki ng kinikita mo sa trabaho?”

Nakagat ni Clarisse ang ibabang labi. Alinlangan siya kung aaminin ba niya rito ang problema. Isa pa, hindi pa rin talaga sila magkaibigan.

“Huwag mong sabihin na ngayon ay may problema ka naman financially?” nakataas ang isang kilay na sabi ni Ross.

“H-hindi naman. Si Mama kasi, eh. Magastos.” Napabuntong-hininga si Clarisse.

“Naikuwento nga sa akin ni Mama na nahihilig sa sugal si Tita.”

Tumango-tango si Clarisse. Sa huli, naikuwento na rin niya kay Ross. Pagkatapos ng lahat, hindi na rin naman talaga estranghero sa kanya si Ross. Isa pa, naisip niya na kung malalaman nito ay maaaring ikuwento nito iyon sa ina. Magkaibigan ang mga ina nila. Baka maaaring matulungan ng Mama nito ang Mama niya kapag nalaman ang problema. Nahihiya naman kasi siyang kausapin ng direkta ang Mama ni Ross para pagsabihan ang ina. Ilang beses na kasi niyang pinagsabihan ang ina pero nanatiling hindi ito nakikinig.

“Kabaligtaran mo talaga si Tita,” komento ni Ross pagkatapos. “She loves taking risks. Risks are kind of adventures,”

Totoo naman iyon. Malakas ang loob ng kanyang Mama. Sa katunayan, para maka-survive sila sa buhay ay pagbebenta ng kung anu-ano ang naging trabaho nito. Ilang beses rin na nagtayo ito ng business na hindi kalaunan ay nalugi rin naman. Pero ayon sa ina ay okay lang iyon. Parte iyon ng buhay. Kahit kailan ay hindi niya ito nakita ng kahinaan. Minsan na natanong niya tuloy kung ito ba talaga ang ina niya. Magkaiba kasi talaga sila. Ayon naman sa ina, mana raw siguro siya sa kanyang ama. Paano, nang malaman nito nabuntis nito ang kanyang Mama ay naglaho na lamang ito na parang bula. Mahina ang kanyang ama kaya hindi sila nito napanagutan.

Napasimangot si Clarisse. “Sa tingin ko ay wala naman na maganda roon. Tignan mo nga ang nangyari. Naka-budget tuloy ako dahil sa kanya.”

“Pero ganoon ang buhay, Clarisse. Life is about taking risks. Kung hindi ka masusubok, kung hindi ka magte-take ng risks, paano mo maabot ang pangarap mo?”

Tumango si Clarisse. May punto na naman si Ross. Pero nagbago na ang paniniwala ni Clarisse. Nang minsan ay nilakasan niya ang loob niya at umamin kay Sean ay nasaktan lang siya. Hindi niya naabot ang pangarap niya.

Pero teka, si Sean lang ba ang puwede niyang maging pangarap?

Puwede rin naman itong lalaking nasa harap ko na matagal ko ng crush… wika ng isang bahagi ng isip ni Clarisse.

Gustong mapailing-iling ni Clarisse. Ross is her dream. Too bad, he is an impossible dream. At matagal na niyang napatunayan iyon…

Six Years Ago, College

SA ISA sa mga pinakamaganda at pinakilalang unibersidad ng Pilipinas nagkolehiyo sina Clarisse at Ross. Sa kasalukuyan ay fourth year college na sila. Ilang buwan na lamang ay ga-graduate na siya, at masuwerteng mukhang ganoon rin si Ross. Candidate for graduation na rin ito. Kailangan na lamang na maggawa at i-defense ni Ross ang thesis nito. Ganoon pa man, hectic pa rin ang lahat. Halos review ang semester nila Clarisse ngayon samantalang kailangang tumapos ng thesis ni Ross. Feasibility Study ang parang thesis ng mga Business Students na kagaya niya at ni Ross. Tapos na siya doon dahil iba ang curriculum ng Accountancy kaysa sa kurso ni Ross. Minsan rin na nakausap niya ang Mama nito at sinabing mahirap nga daw iyon para kay Ross. Pero kung mahirap ang FS para kay Ross, bakit naggawa pa nitong makipag-inuman kasama ang mga ka-brod nito?

Miyembro ng isang sikat na fraternity si Ross. Sabi nila, wala naman raw masama roon. Nakakatulong raw ang fraternity para mapalawak ang mga connections. Close si Ross sa mga ka-brod kaya hindi nito matanggihan ang paanyaya ng paminsanang aliw sa pamamagitan ng pag-inom. Ang resulta? Nalasing ang loko at walang gusto na mag-uwi rito.

“Pasensya ka na, Clarisse, ha. Alam ko na abala ka rin. Pero wala talaga na puwedeng sumundo kay Ross, eh. Walang maghatid na ka-brod dahil mga lasing na rin.”

Tinawagan si Clarisse ng Mama ni Ross na ngayon ay nasa Cebu. Nasa bakasyon ito at ang asawa, pati na rin ang Ate Roselyn na panganay na kapatid ni Ross. Ang ina na lamang sana niya ang papakiusapan pero tulog na ito nang tumawag ang babae.

Dahil marunong naman si Clarisse na mag-drive, pumayag na rin siya. May second-hand car na pagmamay-ari ang Mama niya. Nag-aral siyang mag-drive at may lisensya na rin siya. Isa pa, may isang bahagi rin ng puso niya na nag-aalala para kay Ross. Lasing ito. Wala ito sa tamang pag-iisip. Paano kung may masamang mangyari rito?

Gustong isipin na dahil sa pagiging magkaibigan ng pamilya nila o dahil sa kaklase rin niya ito sa mahabang panahon. Pero parang may bukod pa roon. Dahil ba sa crush niya ang lalaki kaya nagke-care siya nang husto rito? Ayaw niya ng naiistorbo pero bukal sa loob niya ang pagsundo rito.

Sinundo ni Clarisse si Ross. Ito na lamang ang natitira sa mga ka-brod na naroroon sa bar. Inalalayan ito ng guard na makapasok sa kotse.

“Sa back seat na lang po, Manong.”

Nagpumiglas si Ross. “Anong back seat? I can drive!”

Umiling si Clarisse. Mahahalata naman na lasing na ang lalaki. Pero sadyang makukulit talaga yata kapag lasing.

“Akin na ang suwsi, Clarisse. Ako ang lalaki, ako dapat ang mag-drive.” Lumapit sa kanya si Ross. Ikinuyom niya ang kamay para itago ang susi.

“Clarisse!”

“You can’t drive. Ni hindi ka nga makapaglakad ng ayos.” wika ni Clarisse. Tinulungan niya si Manong Guard na alalayan si Ross.

“If then, sa passenger seat ako. Ayaw kow naman isipin ng mga tao na ginagawa kitang driver...” namumungay na sa kalasingan ang mata ni Ross. Hinawakan nito ang kanyang baba. “Ang gandang ito, gagawin kong driver? Nakakahiya `di ba, Manong?”

Tumalon ang puso ni Clarisse sa sinabi ni Ross. Siya, maganda? Bukod sa Mama niya, si Ross ang sumunod na taong naringgan niya na sabihan siya ng ganoon.

Calm down, heart. Pinanatag ni Clarisse ang sarili. Bawal siyang mag-isip ng malawak. Lasing lang si Ross kaya nasasabi nito iyon. Wala ito sa sarili.

Ngumiti ang guard. “Oo nga. Pero magiging mabuti kung makinig ka sa girlfriend mo---“

Namula si Clarisse. “H-hindi ko po siya boyfriend, Manong.”

“Boyfriend mo ako `no!” sigaw naman ni Ross. Humalakhak pa ito.

“Ross...”

Nagpumiglas muli ito. Umupo ito sa passenger seat. Wala na silang naggawa ng guard. Inayos na lang niya ang seatbelt ni Ross.

“`Di mo na kailangang gawin ito, Baby...”

Tumalon na naman ang puso ni Clarisse sa itinawag sa kanya ng lalaki. He sounded sweet, too. Bakit ba ayaw pumasok sa kokote niya na lasing ito?

“Ay siya, mag-iingat kayo, ha? Ang guwapo pa naman nitong boyfriend mo. Sayang ang mukha kung maaksidente.”

Kay sarap isipin na boyfriend nga ni Clarisse si Ross. Kinikilig siya roon. Pero hindi niya gustong pagtuunan iyon ng pansin. Ano ba ang laban niya sa isang kagaya nito? Lahat rin ng mga girlfriend nito ay mga kapantay nito: Maganda at sikat. Magaling lamang siya sa academics. Pero hindi pa rin iyon sapat. She was just simply Clarisse. Plain Clarisse.

Hindi siya puwedeng mahulog si Clarisse kay Ross. Masasaktan lang siya. Crush lamang ito. Hindi na iyon lalalim pa. Nag-focus na lang rin siya sa pag-aaral para malimutan ito.

Kaya kalimutan mo na rin ang mga narinig mula kay Ross ngayong gabi. Inayos ni Clarisse ang seatbelt ni Ross. Pero mas lalo pa siyang pinagulo ng puso. Napalapit siya nang husto sa katawan ng lalaki sa pag-aayos. Umungol pa si Ross.

“You smell so good. I’m intoxicated by you...” Namumungay na wika ni Ross. Inilapit nito ang sarili sa kanya, hinaplos pa ang pisngi niya.

Pinigilan ni Clarisse si Ross kagaya ng pagpipigil niya sa sarili na kiligin. Nagda-drive siya. Hindi sila puwedeng maaksidente. Kagaya ng bilin ni Manong, sayang ang mukha ni Ross. Marami pa rin siyang pangarap sa buhay. Pero aminado siya na nagulo sa ginawang iyon ni Ross.

Nakatulog si Ross sa biyahe. Ginising lang niya ito nang nasa tapat na sila ng bahay ni Ross.

Namumungay pa rin ang mata ng lalaki nang maggising. Binuksan ni Clarisse ang pinto para makalabas ito. Ngumiti si Ross.

“Salamat, Clarisse.” Mukhang bahagyang nahimasmasan na naman ito.

Nagkibit-balikat si Clarisse. “Walang anuman.”

“Sure?”

“Oo naman,” ngumiti si Clarisse kahit naiilang siya.

Tumalikod na si Clarisse. Pero pinigilan siya ni Ross. Hinawakan nito ang kamay niya. “Anong---“

Hindi naituloy ni Clarisse ang sasabihin nang bigla siyang isandal ni Ross sa kotse. Nanlaki ang mata niya nang ilapit nito sa kanya ang sarili. Pero hindi niya maggawang magreklamo. Hindi siya makapagsalita. Nanuyo ang kanyang lalamunan. Tila lumaban sa marathon ang lakas ng tibok ng puso.

“Because you are a good girl, I want to give you a reward...” ibinaba ni Ross ang labi nito sa labi niya.

KUNG gaano katindi ang tibok ng puso ni Clarisse nang halikan siya ni Ross kagabi, ganoon rin katindi ang pagkaapekto niya sa nangyari. Dalawang oras lang ang naging tulog niya kagabi. Masyado siyang binagabag ni Ross at ng halik nito. Pero tama lang naman iyon. He stole her first kiss!

Too bad, mukhang hindi naman iyon alam ng lalaki. Pagkatapos kasi siyang halikan nito, nag-ala Sleeping Beauty muli ito sa bisig niya. Nakatulog ang lalaki. Mabuti na lamang at naramdaman ng kasambahay ng mga ito ang pagdating nila. Tamang-tama lamang na may umalalay na kay Ross papasok sa bahay.

Hindi makapag-concentrate si Clarisse. Dapat ay nag-aaral siya. May exam sila mamayang hapon. Hapon pa ang klase niya. Pero isang oras na siyang nakatitig sa reviewer niya ay walang pumapasok sa isip niya. Tanging si Ross at ang halik lang nito ang laman noon. Sa kauna-unahang pagkakataon, naligalig siya.

Naliligalig rin naman noon si Clarisse kay Ross. Naalala niya ang mga pagkakataon na ilang beses siyang natitigilan kapag napapatitig rito. May kakaibang pakiramdam ang dala ng katawan nito kapag napapalapit sa kanya. Lumulukso ang puso niya kapag nakikita na nakangiti ito. Pero dahil nga sa lagay ni Ross sa buhay niya at sa estado nito, pinigilan niya iyon.

Sa halik ni Ross, ngayon nagpupumilit na lumabas ang mga damdamin. Tila ayaw rin na magpapigil. Pero sa halip na mabahala, may saya sa puso ni Clarisse. Nakakatakot pero parang gusto niyang panghawakan ang saya kahit mali.

Pinagbigyan na rin ni Clarisse ang sarili sa huli. Kinuha niya ang laptop at nag-Facebook. Pumunta siya sa account ni Ross at tinignan ang mga pictures nito. Profile picture pa lamang nito, limang minuto na ang ibinigay niya sa pagtunaw ng tingin. Napakaguwapo naman kasi talaga roon ng lalaki. Bad boy looking. Mukhang napaka-astig.

Nasa kasarapan ng pagba-browse si Clarisse nang tumunog ang kanyang cell phone. Awtomatikong lumundag ang puso niya nang makita ang caller---ang lalaking mismong ini-stalk niya ngayon!

“H-hello?” pakiramdam ni Clarisse ay nanginginig pa ang kanyang boses. Pagkatapos ng nangyari kagabi, hindi niya sigurado kung makakaharap at makakapag-usap pa siya ng ayos kay Ross.

“Clarisse.”

Wala na ang lasing na boses ni Ross kagabi. It was back to smooth and husky.

“B-bakit?”

“Nasa school ka ba ngayon?” simpleng tanong lang ni Ross.

“Wala. Mamayang hapon pa ang klase ko.” Simpleng sagot lang ni Clarisse.

“Anong oras ang labas mo?”

“Five thirty. Bakit muli?”

“Can I invite you for dinner?”

Tumaas yata lahat ng balahibo ni Clarisse sa tanong ni Ross. Ngali-ngali niyang patayin ang cell phone at magsisigaw na lang. But she calms herself. For heaven’s sake, twenty years old na siya! Hindi na siya teenager.

“It would be nice.” Shit, wala man lang kahit kaunting pakipot, Clarisse?

Pero masisisi ba si Clarisse? Sa dami ng babaeng nagkakandarapa kay Ross, gintong pagkakataon na ito. At saka sino ba naman siya para tumanggi sa isang Ross Samonte? Sikat ito sa school nila dahil sikat rin ang banda na kinabibilangan nito sa university nila. Madalas rin na nagpe-perform ito kapag may event sa school. Bukod pa sa guwapo talaga ang lalaki.

“Great! Pero puwede bang pakihintay ako? I’m on school right now at mamayang five to six ay may meeting kami ng mga kabanda ko sa music room. Magpa-practice kami para sa Battle of the Bands.”

“Okay. Puntahan na lang kita roon. P-pero bakit mo nga pala ako yayain na mag-dinner?”

“Because of last night.”

“Ross...” Speechless si Clarisse. Kung ganoon, natatandaan ni Ross ang nangyari kagabi!

“You’re my responsibility from now on, Clarisse. I’ll see you later.” Pinatay na ni Ross ang tawag.

Napahawak si Clarisse sa kanyang bibig. Hindi siya makapaniwala. Pero gusto niyang magsisigaw. Responsibilidad na raw siya ngayon ni Ross. Does that mean...girlfriend na siya nito?!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.