Tenses (Unofficial) Series Chapter 23

HALOS alas sais na rin nang maging handa si Clarisse. Hindi na niya kailangan na antayin pa si Ross. Late kasi silang pinalabas ng professor nila. Nagtagal rin siya sa rest room dahil may pakiramdam siya na may kailangan siyang gawin. Sa kauna-unahan na pagkakataon, nagtagal siya sa restroom. Nag-ayos siya ng sarili. Sinubukan niyang gamitin ang mga make-up na iniregalo pa sa kanya noong eighteenth birthday niya. Hindi niya iyon nagagamit dahil sanay na naman siya sa simpleng get-up niya. Pulbo at lip gloss lang ang ginagamit niyang pampaganda sa sarili sa pang-araw-araw. Ang huli nga ay hindi pa minsan.

Pero ngayon ay nag-eye liner, foundation at gumamit pa ng lipstick si Clarisse. Para siyang pupunta ng party o ano man na mahalagang okasyon. Well, mayroon naman talagang okasyon. She and Ross will celebrate their first day as a couple. Sa isipin ay kinikilig siya.

Kung tutuusin, mali ang lahat ng nararamdaman ni Clarisse. Napakabilis ng lahat. Pero aminado naman siya na may crush siya kay Ross kaya ano pa ba ang dapat niyang maramdaman? Masyado rin siyang naapektuhan ng halik nito kagabi. She wanted to taste more of it. Ngayon ay magkakaroon na siya ng karapatan.

Natanaw ni Clarisse ang ilang kabanda ni Ross na lumabas ng music room. Pamilyar ang mga ito sa kanya dahil kagaya ni Ross, mga sikat rin ang mga ito. Kung ganoon ay tapos na ang meeting. Napahawak si Clarisse sa kanyang dibdib. This is it! It’s really happening! Ang lakas ng tibok ng puso niya

Hindi na kinailangan ni Clarisse na kumatok ng music room. Naiwan na bukas iyon. May kaliitan lang ang bukas pero nakita niya si Ross na nasa loob pa. Nakatalikod ito pero dahil kilalang-kilala na niya ito ay madali lang niya ito na na-recognize. May kasama ito sa loob ng office. Nakilala rin niya ang babae. It was Stephanie---ang babaeng vocalist ng kabanda ni Ross at rumoured girlfriend rin nito.

Ganoon pa man, hindi naniniwala roon si Clarisse. Noong isang buwan pa pumutok ang balita na iyon. Noong isang linggo ay nagkasama sila ni Ross sa isang party. Tinanong pa ito ng Mama niya kung bakit walang kasamang babae. Single at available at the moment daw kasi ito. Kilala niya si Ross. May pagka-maloko ito pero hindi ito sinungaling. Magulang rin niya ang kausap nito. May respeto ito roon.

Hindi nangamba si Clarisse. Kinalma na lang niya ang sarili sa pag-aantay sa lalaki. Pero mukhang maling desisyon iyon. Nag-antay rin kasi siya sa tapat ng pinto. Narinig niya ang usapan nito.

“You’re going out with that girl?” may pagka-brat ang tono ni Stephanie.

Sigurado si Clarisse na si Ross lamang ang nasa loob. Sigurado rin siya na siya ang pinag-uusapan. Lumaki ang tainga niya. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Nakinig siya sa usapan kahit hindi niya ugali iyon.

“Yes. Kaibigan ng Mama ko ang Mama niya. Wala akong makitang masama roon.” Kalmado na wika ni Ross.

Teka, hindi ito ang gusto kong marinig na sagot!

Kaya lang siya niyaya ni Ross na kumain ng dinner ay dahil sa mga relasyon nila na iyon? Wala ang nangyari kagabi?

Diyata’t naging assumera siya?

Accounting 101: Never Assume Unless Stated.

Bilang Accountancy Student, nakatatak na dapat iyon sa isip ni Clarisse. Pero anong nangyari sa kanya? Nadala na yata siya sa mahika ng halik ni Ross. Nawala na lahat ng mga pinag-aralan niya.

Napakagat-labi si Clarisse. Gusto niyang kapain ang saya at pananaigin iyon. Pero pinanghinaaan siya ng loob. Nagulo ang utak niya. Nasaktan siya.

Parang may kung anong bumagsak kay Clarisse. Sumakit pa lalo iyon nang magsalita si Stephanie. Hinawakan nito ang braso ni Ross. Hinaplos-haplos pa nito iyon pati na rin ang dibdib ni Ross.

“`Yun lang naman ang dahilan kung bakit ka makikipagkita sa kanya `di ba? It’s because she’s almost a family to you. Kung may iba pang dahilan roon, it’s just too hard to imagine.” Tumawa si Stephanie. “You’re a star, Ross. Clarisse is a nobody. Academically speaking, magaling naman siya. Pero walang-wala siya sa kalingkingan ng achievements mo. Kumbaga sa pagkain, bland siya. Sa kulay, beige siya. She’s so average. Mas plain pa siya sa plain rice! How could a man like you be with someone like her?”

And how dare you to speak something like that to me. Kahit aminado naman si Clarisse, masakit pa rin pala. Ipinamukha sa kanya na dahil lang sa estado niya, hindi siya bagay kay Ross. Umasa ang batang puso niya at nasaktan.

Matagal bago sumagot si Ross. Pero nang marinig ang sagot nito, nahiling ni Clarisse na umalis na lang sana siya o hindi kaya ay tinakpan ang tainga.

“Tama ka. Napaka-plain at simple lang niya. I’m also having a hard time answering the question how could someone like her be with someone like me.”

Naglakad na palayo si Clarisse. Ikinuyom niya ang kamay sa galit. Ang tanga niya. Ang tanga-tanga niya. Ano bang nangyari at inamin niyang nagkagusto rin siya sa lalaking kina-insecure-an at kinaiinisan niya ng lihim noon? Nag-isip pa siya ng kakaiba dahil lang sa lasing na halik.

Desperada na ba siya? Kaunting galaw lamang ni Ross ng pagpaparamdam sa kanya ay nag-assume na siya ng kung ano. Pero siguro nga ay desperada siya. Masama iyon kaya ito siya at nasaktan.

Kailangang itanim ni Clarisse na hindi siya ang babae na babagay sa mundo ni Ross. Hindi kailanman magagawang mahalin ni Mr. Somebody si Ms. Nobody. Hindi siya magagawang mahalin ni Ross dahil lamang nahalikan siya nito.

Present

NAGKA-ABERYA ang bank account kung saan nakalagay ang savings ni Clarisse kaya hindi niya kaagad napahiram ang Mama niya ng pera. Sinasaid naman niya ang suweldo niya sa ATM niya kaya wala rin siyang pera roon. Kulang ang cash niya sa hinihingi nito. Nakiusap na lamang ang Mama niya sa pinagkaka-utangan at luckily ay pumayag naman ito. Nang dumating ang suweldo ni Clarisse ay saka lamang niya nabigyan ng pera ang ina para sa pagkakautang nito.

“Hindi na, Anak. May pera na ako.” Ang ganda ng ngiti ng Mama niya habang nakaharap sa laptop nang iabot niya rito ang pera. Nitong mga nakaraan ay madalas niyang nakikita ito na ginagamit iyon. Tila may pinag-aaralan ito.

Kumunot ang noo ni Clarisse. “Paano po kayo nagkapera?”

Iniharap ng ina niya ang laptop sa kanya. Lalo siyang napakunot noo nang makitang website iyon ng Philippine Stock Exchange. “Nag-invest ako sa Stock Market noong Monday, Anak. Naging triple kaagad ang pera na in-invest ko.”

Napakurap si Clarisse. “Ganoon kabilis? Madalas na pang-long term ang return sa Stock Market.”

“Hindi, kapag gumamit ka ng technical analysis.” Ipinakita sa kanya ng ina ang pattern ng stocks na binili nito. “Pinag-aralan ko ang pattern ng particular stock na ito. Makikita na magkakaroon ng triple top pattern. Nag-invest ako nang makita ko na mababa at pagkatapos ng tatlong araw ay dumoble ang pera na in-invest ko! Ang galing pala nito, Anak!”

Hindi makapaniwala si Clarisse. Alam niya ang tungkol sa Stock Market at marami rin na tao ang yumayaman dahil roon.

“But it requires a great risk in investing in the stock market, lalo na kapag ginamitan mo iyon ng technical analysis. Mas risky iyon.” Iyon ang dahilan kung bakit hindi maggawa ni Clarisse na mag-invest roon kahit alam niya kung paano.

“Alam ko. Pero alam mo naman na mahilig ako sa risk `di ba? Parang sugal rin ito at sa tingin ko ay ito na lang ang ibibisyo ko. Mag-aaral pa ako. Aba, ang laki ng kinita ko, eh! Isa pa, sinabi rin ni Ross na the higher the risk, the higher the return.”

“R-Ross? Nakausap niyo si Ross?”

“Oo, Anak. Pinuntahan niya ako rito sa bahay at tinuruan nito. Bagong sugal raw kaya na-attract ako. Siya rin ang nagpahiram muna sa akin ng pera na pang-invest. Dahil dumoble ang pera, ibinalik ko iyon sa kanya. Mabuti na lang talaga at nagkamali ako ng akala sa kanya. Pinagsisihan ko na pag-akusa sa kanya. Kapag rin ibinigay mo sa akin ang allowance ko ay dito ko na lang rin ilalagay. Magandang paglibangan. Palaging gumagalaw ang stock market, naaliw ako na abangan.”

Bakit iyon ginawa ni Ross? Ito mismo ang nag-resolve ng problema niya sa ina. Nagkuwento lamang siya pero hindi naman niya iyon hiniling rito.

Ganoon pa man, malaki ang pasasalamat ni Clarisse. Napaiyak rin siya sa tuwa.

“O bakit ka umiiyak, Anak?” Dinaluhan si Clarisse ng ina.

Niyakap ni Clarisse ang ina. “Masaya lang ako na gusto mo ng magbago, Mama. Magandang mag-invest sa stock market kaysa sa mga casino.”

“Tama ka, Anak. Salamat kay Ross at ipinaalam niya sa akin ang tungkol rito. Nahihiya talaga ako na kung anu-ano pa ang ibinintang ko sa kanya noon.” Napakamot ng ulo ang Mama niya.

“Bumawi na lang tayo sa kanya, Mama.” Payo ni Clarisse bagaman nagkaroon ng pag-aalinlangan. Kung babawi siya kay Ross, ibig sabihin lang noon ay magkikita muli sila. And seeing him makes her life more complicated.

Magagawa ba talaga ni Clarisse na magtake-risk pa muli sa usaping pampuso?

NAPAKAMOT ng ulo si Ross nang makitang nakatulala pa rin ang pamangkin niya na si Russell. Iniwan niya ito kanina na nasa ganoong lagay para maligo. Matagal siyang maligo at mag-ayos ng sarili. Pagbalik niya ay ganoon pa rin ang lagay nito. Nawawalan na siya ng pag-asa sa pag-aalaga rito.

Hindi sanay na mag-alaga ng bata si Ross. Kahit nag-iisang pamangkin rin niya si Russell ay hindi rin sila close. Hindi siya mahilig sa bata. Bukod pa roon, hindi rin sila pareho ng personality. Kahit siyam na taong gulang pa lamang si Russell ay makikitang lalaki ito kagaya ng Ate Roselyn niya---tahimik, seryoso sa buhay. Kailanman ay hindi niya nakasundo ang Ate niya dahil sa magkaibang personality. Para sa kanya ay boring ito. Kaya ganoon rin ang tingin niya kay Russell at kaunting oras pa lamang na kasama niya ito ay nakikita na niya iyon.

Walang mapapaghabilinan ang Ate Roselyn niya sa anak nito kundi siya lamang. Plain housewife ang Ate niya. Kahit maganda naman ang trabaho ng asawa nito ay hindi ito kumukuha ng kahit sinong kasambahay, kahit para sa anak nito. Hands-off ito sa lahat ng bagay na may kinalaman ang pamilya. Walang Yaya si Russell at hindi rin ito maalagaan ng magulang niya.

Nagka-problema ang Ate Roselyn niya sa asawa nito. Isang linggo na itong hindi umuuwi ng bahay. Hinahanap nito ang asawa na hula nila ay nambabae. Mahal na mahal ito ng Ate niya kaya determinado ito na mapabalik ang lalaki. Sinamahan ito ng mga magulang niya sa pagkompronta sa lalaking nalaman nila na nagpunta pa ng Davao para lamang roon.

Hindi gustong isama ng Ate Roselyn niya si Russell. Ayaw nito na madamay sa maaaring gulo ang anak. Iniwan nito sa kanya ang anak nito. Wala naman raw itong magiging problema kay Russell dahil nga tahimik lamang talaga ito.

“Sigurado ka bang okay ka lang talaga, Russell?”

Tumango lamang ang bata.

“Anong gusto mo?”

Umiling lang si Russell. Ibig sabihin ay wala itong gusto.

“Puwede kang maglaro sa laptop ko. May mga laro roon. Gusto mo bang maglaro ng DOTA? Tuturuan kita.” Ayon sa kapatid niya, mahilig daw mag-computer si Russell dahil mahilig itong mag-research. May pagka-nerd rin ang pamangkin niya. May mga dala itong libro kanina pero natapos na raw nito iyon.

Umiling lamang si Russell. Napabuntong-hininga si Ross. Pakiramdam niya ay nakikipag-usap sa pipi. Puro gestures lang ang sagot nito. Hindi siya sanay roon. Hindi siya sanay sa tahimik.

“Gusto mo ba na pumunta tayo sa mall? Ibibili kita ng bagong libro.”

Nagliwanag ang mukha ni Russell. Pero maya-maya ay mabilis rin na nawala ang liwanag na iyon. Umiling ito. Pagkatapos ay humiga na ito sa sofa sa sala kung saan ito naroroon. Kinuha nito ang isang throw pillow at tinalukbong iyon sa mukha.

Nilapitan ni Ross si Russell. Narinig niya ang paghikbi ng bata. Muli ay napabuntong-hininga siya. Mukhang alam nito ang nangyayari sa pamilya nito. Naaawa siya rito. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw niya sana na kunsitihin ang pagiging tahimik nito.

Pero ano ba ang magagawa ni Ross? Hindi niya alam kung paano mag-handle sa mga ganitong bagay. Naniniwala siya na babae ang mas nakakaintindi sa mga bata. Mas mahilig ang mga iyon sa bata. Pero wala siyang maisip na babae o kahit sino man lamang ang makakatulong sa kanya. Tinotoo ni Gracie ang banta nito. Hindi na ito nakipaglapit sa kanya. Bukod pa roon, pakiramdam niya ay hindi ito makakatulong. Nakilala na niya na selfish ang babaae. Ganoon rin ang mga babaeng na-i-date niya rito dati.

Bakit ba ako sucker ng bitch? Napailing-iling tuloy si Ross.

Sinubukan ni Ross na mag-isip pa ng paraan na makakatulong sa kanya sa pag-aalaga sa pamangkin. Kinuha niya ang cell phone at nag-browse ng mga contacts niya. A, B…C.

C. Nagliwanag ang mukha ni Ross nang makita ang perpektong tao para makatulong sa kanya. Pagkatapos ng lahat, sa tingin niya ay may mga bagay na kailangan pa nitong bumawi sa kanya.

Napangiti si Ross. Kinuha niya ang cell phone at tinawagan ang babae. “Hello, Clarisse…”

HINDI gaanong mahilig si Clarisse sa mga bata. Kaya naman nang hingian siya ng tulong ni Ross tungkol sa pag-aalaga sa pamangkin nito ay nag-alinlangan siya. Hindi dahil sa Biyernes ngayon at may pasok siya sa trabaho. Madali naman para sa kanya ang mag-half day para pagbigyan ito. Gusto rin niya na makabawi kay Ross. Iyon nga lang, ano ba ang alam niya sa bata? Pero hindi niya akalain na magiging ganoon kabilis na mawala ang takot niya nang malaman ang kuwento ni Russell.

Nakaka-relate si Clarisse kay Russell. Parehong hindi buo ang pamilya nila. Well, hindi pa naman huli ang lahat para sa pamilya nito pero alam niya ang pakiramdam na wala noon. Nasasaktan siya para sa bata.

Tama ang gustong gawin ni Ross---ang huwag hayaan si Russell na mag-isa. Mas maiisip lamang ni Russell ang pinagdadaanan ng problema ng pamilya nito kung magiging mag-isa ito. Ni hindi na nga raw ito makausap ni Ross nang maayos.

“Kailangan natin siyang ilabas. Pipilitin natin siya.” suggestion ni Clarisse. Kailangan na ma-distract ni Russell.

Tumango si Ross. “I think I know the perfect place. Pero sigurado ka ba na magiging effective kung dadalhin natin siya sa amusement park?”

Ngumiti si Clarisse. “Doon ako dinadala ni Mama kapag malungkot ako noong bata pa ako.”

Pumayag na si Ross. Sumama rin naman si Russell kahit tumanggi ito. Nang makarating sila sa amusement park ay niyaya nila si Russell na sumakay sa carousel.

Muli, umiling si Russell. Nasa mukha nito ang takot habang nakikita na umiikot ang carousel.

“Hindi nakakatakot ang ride na ito. Tignan mo `yung mga batang nakasakay. Masaya sila, o. Kaya masaya rin ito. Paniguradong mag-e-enjoy ka rito.”

Kumapit si Russell sa damit ng Tito nito. Panay pa rin ang iling nito. Nang tumingala rin ito ay nasa mukha nito na paiyak na ito.

Tumiim ang bagang ni Ross. “Boys don’t cry.”

“Ross!” sita naman ni Clarisse sa lalaki. May galit sa tinig nito. Alam niya na nahihirapan ito sa sitwasyon. Pero bilang matanda, dapat ay naiintindihan nito ang sitwasyon. Nasa delicate na sitwasyon ang pamangkin nito. Pinipilit rin nila ito sa mga bagay na hindi nito gusto. Kinuha niya mula rito si Russell. Sa kanya naman nanghingi ng awa ang bata. Bahagyang nakahinga siya nang maluwag. Kahit estranghero siya kung maituturing kay Russel ay mukhang mabilis na nakuha niya ang loob nito.

Umiling-iling si Ross. Bumuntong-hininga ito pagkatapos. “All right. I’m sorry.”

Umupo si Ross sa harap ni Russell. Hinawakan nito ang pisngi ng bata. “I’m sorry. Ang gusto lang naman ay maging masaya ka, Russell. Gusto namin na mag-enjoy ka kaya namin ginagawa ito.”

“P-Pero…” may takot pa rin sa boses ng bata.

Pagkakataon naman ni Clarisse para magpaliwanag. “Hindi naman nakakatakot ang mga horse `di ba? Masaya na sumakay doon. Huwag kang mag-alala, hindi ka naman namin pababayaan, okay?”

Matamang tinitigan ni Russell si Clarisse dahil sa kanyang sinabi. Maya-maya ay si Ross naman ang tinignan nito. Ngumiti si Ross---nagpapakita ng ekspresyon na tama si Clarisse. Sa huli, napapayag rin nila ang bata. Sumakay sila sa Carousel.

Tinulungan ni Ross na makaakyat si Russell sa kabayo sa loob ng Carousel. Si Clarisse naman ay nanatili na nakatayo sa tabi ng bata.

“O, hindi ka sasakay sa kabayo?”

Umiling si Clarisse. “`Wag na. Babantayan ko si Russell.”

Naging mapanudyo ang tingin ni Ross. “O baka naman ikaw talaga ang natatakot sa kabayo?”

“Ha?” Napalunok si Clarisse, lalo na nang bigyan siya ng nakakaloko na ngisi ni Ross. Nararamdaman ba nito ang nararamdaman niya? Totoo kasi ang sinabi nito.

Pero siyempre ay hindi ipinahalata iyon ni Clarisse noong una. Ang misyon nila ay ang pasakayin si Russell para maranasan nito iyon at ma-enjoy. Hindi niya dapat inilalabas ang takot niya. Na-trauma kasi siya nang minsan na sumakay siya ng kabayo sa carousel ay nahulog siya. Simula noon, hindi na siya sumasakay sa kabayo sa carousel. Tanging sa mga sofa figures na lamang kung may available siya sumasakay sa carousel. But too bad, puro kabayo lamang ang mayroon sa carousel na iyon.

“Wait lang, Boy.” Wika ni Ross at nilapitan siya. Hinawakan nito ang kamay niya at inilapit siya sa isang kabayo. “Sumakay ka na. Ako na ang bahala kay Russell.”

“Pero---“

Natigil si Clarisse sa pagsasalita nang biglang buhatin siya ni Ross at ito mismo ang nagsakay sa kanya sa kabayo. Napatili pa siya sa gulat sa ginawa nito.

“Clarisse, maikli na ang pasensya ko kay Russell kaya ayaw ko na ng isang nag-iinarte pa.” Hindi naman mukhang galit ang boses ni Ross. More on naaliw pa iyon dahil nakangisi ito pagkatapos. Napatingin siya sa paligid at nakitang pinagtinginan tuloy sila sa ginawa nito. Namula siya. Ano kayang iniisip ng mga ito?

Nagsimula na ang ride. Naging matindi na lamang ang kapit ni Clarisse sa handle para hindi siya mahulog. Si Ross naman ay hinayaan na magbantay kay Russell ng staff. Pero panay rin ang tingin nito sa kanya na tila sinisigurado ba kung okay pa siya. Parang mas nag-aalala pa ito kaysa sa lagay ng pamangkin nito.

Nang matapos ang ride ay inuna muna ni Ross na ibaba si Russell mula sa ride. Hindi na naman niya hinintay na makalapit ito para alalayan siya sa pagbaba. Pero bago pa siya tuluyang makababa ay nagkatotoo ang kinatatakutan niya. Umarangkada ang pagka-clumsy niya at muntik na naman siyang mahulog sa kabayo. Mabuti na lamang at mabilis na nasalo siya ni Ross.

Tinitigan siya nito. Ngayon ay may inis at pagbabanta na nang tignan at magsalita ito sa kanya. “Isang pag-iinarte pa, hahalikan na kita, Clarisse.”

Ah, ano pa ba ang klase ng pag-iinarte ang puwede ko pang gawin? Wika ng isang bahagi ng isip ni Clarisse. Parang gusto niyang mag-inarte para mahalikan ni Ross.

Pero pinigilan ni Clarisse ang sarili. Minsan na siyang nahalikan ni Ross at nasaktan lang siya `di ba? Lahat ng nangyayari sa kanila ay dala lamang ng sitwasyon. Gusto lang niya muling makabawi sa kabaitan na ginawa sa kanya ni Ross kaya siya pumayag na makasama ito.

Sabay-sabay silang lumabas ng carousel. Nagyaya muli si Ross na sumakay ng panibagong ride pero sa pagkakataong iyon ay todo na ang pagpigil ni Russell. Namumutla rin ito.

“Nahihilo po ako, Tito. Ayoko na po na sumakay ulit sa kahit ano pa na rides. Mukhang nakakatakot na po iyong iba…”

Nagkatinginan sila Clarisse at Ross. Mukhang hindi na nga nila ito mapipilit kung ganoon.

“Pero sayang naman ang ticket natin kung mananatili lamang tayong naka-tangla rito.”

“Pero ayaw ko na po talaga na sumakay, Tito. Nakakahilo. Iba na lang po.”

“Ano pa ba ang maaari nating gawin---“ natigilan si Ross nang may mahagip ito ng tingin. “Alam ko na!”

Hinila ni Ross si Clarisse at Russell papunta sa hilera ng game booth. Nagbayad ito sa staff ng booth para makakuha ng dart na gagamitin sa paglalaro sa booth. Kailangang patamain ang dart sa lobo na nakasabit sa pader ng booth.

“Tuturuan kita kung paano maglaro ng dart, Russell. O ayan, ha? Hindi na `yan nakakahilo.” Ibinigay ni Ross kay Russell ang dart.

May pag-aalinlangan si Russell habang nakatingin sa dart na hawak. Hinawakan ni Ross ang kamay nito at tinuturuan si Russell nang mga dapat gawin para matamaan ang lobo.

“Focus on the target. `Wag kang manginig…” wika ni Ross.

“First time ko po ito.”

“Hindi dahil first time mo ay hindi ka na magtatagumpay. Maniwala ka sa sarili mo.” pag-encourage ni Ross sa bata.

Sinunod ni Russell si Ross. He threw the dart on the wall. Naputok nito ang lobo sa iisang tira. Nanlaki ang mata nilang tatlo.

“Wow, Russell! Ang galing mo!” Pumalakpak si Clarisse.

“Tama. Masaya `di ba?”

“Oo nga po, Tito. Masaya nga.” Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ni Clarisse na ngumiti si Russell.

Ibinigay pa ni Ross kay Russell ang ibang dart. Kailangan nito na makaputok ng dalawa pang lobo para manalo. Muli ay naputok ni Russell ang mga lobo.

Nanalo si Russell ng isang teddy bear. Ibinigay nito iyon sa kanya.

Umiling si Clarisse. “Ikaw ang nanalo kaya dapat sa `yo ang teddy bear na iyan.”

Kumunot ang noo ni Russell. “I am a boy. I shouldn’t play with teddy bears.”

“Give it to your mom then.”

“Hindi naman mahilig sa teddy bear si Mommy.” Bumuntong-hininga si Ross. “Tito, sa `yo na nga lang po.”

“But I am a boy, too.”

Napakamot si Russell. “Ayaw naman po ni Tita Clarisse, eh.”

“Tanggapin mo na, Clarisse.”

“Pero---“

Ross twitched his lips. “Gusto mo talagang mahalikan, ha?”

“Ha?” Nagulo si Clarisse. Anong ibig sabihin---oh shit!

Namula si Clarisse at naalala ang sinabi ni Ross. Isang pag-iinarte pa, hahalikan na kita, Clarisse.

Dumagundong ang puso ni Clarisse nang totohanin nga ni Ross ang sinabi nito hindi pa man siya nakakapag-react muli. Hinalikan nga siya nito…sa pisngi lamang.

“Just a warning, Babe.” Bulong ni Ross sa tainga niya at kinindatan siya pagkatapos. Awtomatikong namula naman si Clarisse.

Babe. Warning… Ibig sabihin ba noon ay makakatikim pa siya nang sa tingin niya ay mas prefer niya kung mag-iinarte muli siya?

“Girlfriend mo po ba si Tita Clarisse, Tito?” Dahil sa nangyari ay na-curious tuloy ang batang nakapagitan sa kanila---batang hindi niya naramdaman kanina nang halikan siya ni Ross. Pakiramdam kasi niya ay tumigil ang mundo niya at sila lamang dalawa ni Ross doon.

Nakakaloko ang naging tingin ni Ross kay Clarisse na lalo pa niyang ikinapula. Pero sinagot ni Ross ang bata ng iling na siya naman na nagpatigil ng kilig na nararamdaman niya.

Bagaman totoo naman na hindi siya nito girlfriend ay nadismaya pa rin si Clarisse. Kinikilig siya sa isipin na iyon pero halatang wala lamang ang lahat para kay Ross. For sure, naggawa na rin nito iyon sa ibang babae. Playboy ito. Bukod pa roon, napaka-simple lang naman kasi ng pinagsamahan nila ngayon, pinapalawak pa niya. Tinulungan siya ni Ross, tinutulungan niya naman ito ngayon. Hindi na dapat niyang bigyan pa ng kulay ang ginagawa sa kanya ni Ross.

Pero hindi rin siguro masisisi si Clarisse kung mag-iisip siya ng kakaiba. Mahirap para sa kanya na hindi umasa dahil pinasaya siya ni Ross. Binibigyan nito ng kulay ang bland na buhay niya.

Wala kang kadala-dala, Clarisse Recio.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.