BILANG kaibigan ng Mama ni Clarisse ang Mama ni Ross ay hindi miminsan na dumalo siya sa family gatherings ng pamilya nito. Sa tuwina ay napipilitan lang naman siya. Siya lamang ang pamilya ng kanyang ina kaya siya lang ang madalas na kaladkarin nito. Hindi naman kasi siya mahilig sa pakikipag-sosyalan. She’d always rather be at home to read books.
Pero ngayong araw ay hindi ganoon. Birthday ng Mama ni Ross. Na-e-excite siya dahil alam niya na dadalo roon si Ross. Dumadalo naman dati ang lalaki sa family gatherings pero sandali lamang iyon palagi. Kagaya niya, hindi rin nito hilig ang ganoon.
Pero alam ni Clarisse na iba ang mangyayari ngayon. Halos araw-araw ay magkausap o magkasama sina Clarisse at Ross. Napag-usapan nila ang tungkol sa party. Sinabi nito sa kanya na dadalo ito roon hindi para sa may kaarawan na ina nito pero para magkasama sila.
Kinilig si Clarisse nang marinig iyon kay Ross. Pero mas kinilig siya nang tinotoo nito iyon. In fact, inabala pa nito ang sarili na sunduin sila at ng Mama niya sa bahay nila para sa party. Siniko siya ng ina nang makita si Ross na may dala na bulaklak pa para sa kanilang dalawa.
“Tapatin mo nga ako, Anak. May namamagitan na ba sa inyo ni Ross?”
Ngumiti lamang si Clarisse. Pagkatapos ng lahat, hindi rin naman kasi niya sigurado kung ano talaga ang namamagitan na iyon. Basta ang alam niya ay masaya siya kapag magkasama sila ni Ross. Sa tingin niya ay ganoon rin naman ito sa kanya. Dahil kung hindi ito masaya, bakit siya bibigyang pansin nito?
Simula nang makasama niya ito sa pag-aalaga kay Russell ay naging constant being na ito sa buhay niya. Araw-araw ay tine-text at tinatawagan siya nito. Ilang beses na naulit ang pagsundo nito sa kanyang trabaho. May isang beses pa nga na inihatid siya nito. Lubos na na-appreciate niya iyon dahil alam niyang pang-gabi ang trabaho ni Ross. Hindi ito morning person. Gumising ito ng maaga para lamang gawin iyon sa kanya. Nasabi kasi niya rito na coding ang kotse niya kaya kailangan niyang mag-commute sa trabaho. Ayaw raw nito na mahirapan siya kaya isinakripisyo nito ang tulog para sa kanya.
Pero hindi lang iyon ang senyales na nakikita ni Clarisse na may nararamdaman sa kanya si Ross. Paano ay nakatikim na rin siya ng possessiveness ng lalaki. Kung hindi siya mahalaga para rito, wala naman dapat itong maramdaman na ganoon `di ba?
“Nag-iinarte ka.” Matter-of-factly na sabi ni Clarisse nang halos dalawang oras na siyang hindi iniimikan ni Ross. Hindi siya sanay roon. Bagaman alam niya na dapat na kay Russell lamang ang atensyon nito ay hindi naman ito ganoon noong mga nakaraan. Hindi niya maintindihan kung bakit nagkaganoon ang lalaki. Maayos naman ito kanina. Nagbago lang ang mood nito pagbalik niya sa beach shore na tanging ang suot na lamang ay swimsuit niya. Wala na daw kahit anong stock ng malong sa beach resort na pinuntahan nila. Iisa lang rin naman ang dala niya at sa kasamaang palad ay nasira pa iyon.
Tinaasan siya ng isang kilay ni Ross. “Ako pa ang nag-iinarte? Samantalang ikaw nga diyan ang---“ tumingin ito sa kanya mula ulo hanggang paa. Madilim ang mukha nito. “Ang arte-arte mo!”
“Ha?” Napatingin si Clarisse sa sarili niya. “Ang suot ko ba ang problema mo? Naipaliwanag ko na naman ang sarili ko `di ba?”
“Ayaw ko na nakikita ka na ganyan.”
“Ah, okay.” Wika ni Clarisse. Nasaktan siya. Mabuti pa ang iba ay na-appreciate ang katawan niya. Samantalang si Ross ay hindi.
“O, saan ka pupunta?” wika ni Ross nang makitang tumayo siya at akmang maglalakad palayo.
“Magpapalit na ako ng damit.”
“That’s good,” ngumiti si Ross. Pero nang makita na malungkot siya ay kumunot ang noo nito. “Teka, masama yata ang loob mo, eh.”
“Hindi ko gusto. Pero ayoko naman na mag-away tayo. Makakaapekto pa iyon kay Russell,” Nakatulog ang bata sa isa sa mga beach bench pagkatapos nitong gumawa ng sand castle. Hindi naman mainit kaya hindi na muna sila bumalik ni Ross sa kuwarto para mas maging komportable ito. Baka rin kasi maggising si Russell kapag binuhat ito pabalik sa kuwarto.
“I think you misunderstood me, Clarisse.”
Hindi nagsalita si Clarisse. Tumayo si Ross. Hinawakan nito ang pisngi niya. Tinitigan rin siya nito ng diretso sa mata. “I’m sorry. Pero hindi ko intensyon na iparamdam sa `yo na hindi ka maganda sa itsura mo na `yan. I actually liked it. Ang hindi ko lang talaga gusto ay pagtinginan ka ng mga tao. Call me selfish and possessive but I only want your attention to be with me….”
Kapag nagseselos, ibig sabihin lamang ay may nararamdaman `di ba? Ilang beses na nag-assume si Clarisse pero sa tingin niya ay may karapatan naman siya. Nararamdaman niya iyon sa ipinapakita sa kanya ni Ross.
“Tita, hihiramin ko muna sa inyo si Clarisse, ha?” nang matapos ang opening remarks sa party ay in-excuse siya ni Ross.
Pumayag ang kanyang Mama. Pero nasa labi nito ang nanunudyong ngiti. Hinawakan siya ni Ross at dinala sa labas ng hotel---sa isang park malapit roon.
“What are we gonna do here?”
“Alam ko na hindi mo rin naman gusto ang party `di ba? It’s the same with me. I’d rather be with you and I know you want the same thing, too.”
Lumukso ang puso ni Clarisse. Hinawakan ni Ross ang kamay niya. Magkahawak ang kamay na nilibot nila ang parke na kahit gabi ay maliwanag pa rin. Marami rin na tao roon.
Nakaka-kalahati na sila ng nalalakad sa park nang muntik na siyang matapilok. Mataas kasi ang suot niyang high-heels. Kung hindi siya naalalayan kaagad ni Ross ay madadapa siya.
“Bakit kasi nagsuot ka pa ng high heels?” may inis sa boses ni Ross. Naintindihan naman niya iyon. Nag-aalala lang ito sa kanya.
“Ito lang kasi ang bagay sa suot kong dress.”
“Kahit anong isuot mo, babagay sa `yo. Ang ginawa mong ito ay pag-iinarte lang.”
Bumuntong-hininga si Clarisse. “Oo na. Sorry na.”
Nang tingilain niya muli si Ross ay wala na ang dilim sa mukha nito. Sa halip ay nasa mata at labi nito ang kalokohan.
“Hmmmm…”
“Naalala mo ba iyon sinabi ko sa `yo kapag nag-inarte ka pa?”
Namula si Clarisse. Siyempre ay hindi niya malilimutan iyon. Ilang beses na niyang nahihiling na sana ay makita ni Ross na nag-iinarte siya para mahalikan muli nito.
Ang arte mo nga, Clarisse!
“Well, I believe na puwede kong i-consider ang isang ito bilang pag-iinarte…” wika ni Ross at hinawakan ang mukha niya. Inilapit nito ang mukha sa mukha niya. He claimed her lips. Dumoble kaysa sa normal ang tibok ng puso ni Clarisse kahit sandali lamang iyon.
“That’s good.” Nagningning ang mata ni Ross nang magsalita. He brushed his lips against her again.
“And that’s two,”
“I don’t see any problem with that.” Nakakaloko ang ngiti ni Ross.
“Pero---“ kinikilig si Clarisse pero kailangan rin niya ng paglilinaw sa mga bagay na nangyayari sa kanya. “Ano ba ang ginagawa nating ito? Parusa lang ba ito? Because, Ross, I don’t know. Ni hindi pa nga natin nililinaw kung ano ang mayroon tayo. Magkaibigan ba---“
“At hindi rin ginagawa ng magkaibigan lang ito, Clarisse.” Ngumiti si Ross. Hinawakan nito ang kamay niya. Parang may nagliparan na paru-paro sa tiyan niya.
“So ano ang lahat ng ito?”
“You can guess…” kinindatan siya ni Ross.
Namula si Clarisse. Napayuko siya. “Ross…”
“Wala namang problema `di ba?”
Gustong isipin ni Clarisse na walang problema. Kay sarap mabuhay sa isang pantasya---kagaya ng ibinibigay sa kanya ni Ross ngayon
Ngumiti si Clarisse. “Masaya ako na kasama ka, Ross. Pagkatapos ng pinagdaanan ko ay hindi pa rin ako gustong pabayaan---“
Natigilan si Clarisse. Pagkatapos ng pinagdaanan niyang heartbreak kay Sean ay dumating si Ross. Naging mabilis para kalimutan niya ang tungkol sa kaibigan dahil sa pagdating nito. Tama ba iyon?
Sa naputol na sasabihin ni Clarisse ay doon niya naramdaman na may problema. Sa tingin niya ay mali na ibinaling niya ang tingin sa iba pagkatapos ni Sean. Maling part ng moving on iyon. Napakabilis pa ng lahat. Kahit sabihin na minsan na may naramdaman siya dati kay Ross, hindi dapat niya in-entertain ang feelings na iyon.
Nasa proseso pa dapat ng moving on si Clarisse. Bukod pa roon ay napagtanto niya na madami pa pala. Lahat ng nangyayari ay napaka-perpekto. Iyon ang iniisip niya sa mga nakalipas. Hindi niya naisip na everything is too good to be true. At walang ganoon sa totoong buhay.
Fantasy---naisip niya na iyon ang buhay niya sa piling ni Ross `di ba? Dahil saan lang ba nangyayari na ang isang boring na tao na kagaya niya ay papansinin ng isang kagaya ni Ross Samonte? He was cool…and she was not.
Nakalipas na ang taon pero masasabi ni Clarisse na hindi pa rin siya nagbabago. Plain pa rin siya…at hindi ganoon si Ross. Magkaiba ang mundo nila kaya tama lamang ba kung hahayaan niya ang sarili na lumalim pa ang mayroon sila ni Ross?
Maraming masama na maaaring mangyari kung magkaiba sila ng personalidad. Nakita na niya ang sample noon: ang Ate ni Ross at ng asawa nito. Ngayon ay nalaman na nila ang totoong dahilan kung bakit umalis ito. May iba nga itong babae. Ayon daw sa paliwanag ng asawa nito ay dahil nagsawa ito sa Ate ni Ross na tahimik at seryoso sa buhay. Dapat ay nakita na niyang ikababahala iyon. Ganoon siyang babae at sa tingin niya ay hindi niya makakaya na baguhin ang sarili. Sa tingin rin naman niya ay hindi tama na baguhin ang sarili para lamang sa isang tao, para makibagay.
Siguro nga ay tanggap siya ni Ross ngayon dahil wala naman siyang naririnig na masama rito. Pero paano sa mga susunod na taon?
Lumabas rin ang napakaraming tanong ng pag-aalinlangan: handa na ba si Clarisse sa sasabihin ng iba? Makakaya ba niya ang mga panlalait…kagaya ng sa tingin niya ay nakuha noon?
Masaya siya ngayon. Paano bukas? Paano sa mga susunod?
At paano kung masaktan siya muli? Wala ng sasalo sa kanya….
Nakaramdam ng takot si Clarisse sa mga posibilidad. At kung talagang handa na siya na lumalim ang relasyon kay Ross, hindi dapat niya mararamdaman iyon. Dapat ay nagtitiwala siya sa lalaki.
Tinitigan ni Clarisse si Ross. Ngumiti siya, ipinamukha na walang problema. Sa tingin niya ay hindi pa niya kayang i-surrender ng tuluyan ang puso niya. Pero sa loob-loob ni Clarisse ay nakakaramdam siya ng pag-aalinlangan. At ang pinakamasaklap sa lahat, wala siyang lakas ng loob na sabihin iyon kay Ross. Hangga’t maaari, gusto niya munang mabuhay sa pantasya sa piling ng lalaki…
HINDI na muling sinalubong si Clarisse ng bulaklak sa office table niya. Dahil ngayon ay personal na natatanggap na niya iyon mula kay Ross. Sinikap ng lalaki na iparamdam sa kanya na espesyal siya para rito. Araw-araw ay hinahatid at sinusundo na rin siya nito sa opisina niya. Araw-araw silang magkasama.
Nasa loob pa rin ni Clarisse ang takot na baka mali ang kanyang ginagawa na pag-entertain kay Ross. Pero mas malaki ang takot na nararamdaman niya kung palalagpasin na naman niya ang pagkakataon. Gusto niyang sumaya.
Bahala na, ganoon palagi ang nasa isip ni Clarisse kapag nababagabag. For once, gusto niyang makawala sa dating buhay. Ayaw na niyang matakot. Ayaw na niyang maging boring. Gusto niyang sumugal. After all, love is like gambling. You can’t win unless you take risks.
Nararamdaman niya na espesyal siya kay Ross pero marami pa rin na risks. Bukod sa magkaiba ang personality nila ay playboy rin si Ross. Kapani-paniwala ba na mapapatino ng isang kagaya niya ang isang kagaya nito? Alam niya na dapat magtiwala siya rito. Dapat ay magtiwala rin siya sa sarili niya. Pero wala rin naman kasi siyang natatanggap na kasiguraduhan. Pinaparamdam sa kanya ni Ross na mahalaga siya rito. Pero wala siyang kahit anong salita na naririnig rito. Walang I love you. Walang official announcement na girlfriend na siya nito….kung iyon nga ba talaga siya sa buhay nito.
Iniisip na lamang ni Clarisse na action speaks louder than words. Pero may mga bagay rin talaga na sadyang mahirap intindihin pero kailangan. Iyon ang mayroon sila ni Ross.
Hah, basta masaya rin naman ako. Napapasaya niya ako. Kailangan ko lang talaga matutong magtiwala ng puso na minsan na nasaktan. Pagpapakalma ni Clarisse sa isip.
Pinilit ni Clarisse na alisin na lamang sa isip ang tungkol kay Ross. Pagkatapos ng lahat, nasa trabaho siya ngayon. Iyon ang kailangan niyang pagtuunan ng pansin. Darating rin ang araw na magiging maayos ang lahat sa pagitan nila.
Inabala ni Clarisse ang sarili sa pagtatrabaho. Naging maayos iyon hanggang mag-lunch. Muli ay nagulo ang isip ni Clarisse nang may hindi inaasahang tao ang lumapit sa kanya.
“M-may kailangan ka ba, Sean?” Nagulat si Clarisse nang pagtayo niya ay nakita niyang nasa likod niya si Sean. Mukhang hihinitay siya nito.
“Gusto sana kitang makasabay na mag-lunch Clarisse.” Simpleng wika lamang ni Sean.
Napalunok si Clarisse. “Kagaya ng dati?”
Tumango si Sean. “I want us to start over again, Clarisse.”
Pinakiramdaman ni Clarisse ang sarili. Kaya na ba niya na makipag-usap sa lalaki?
Pero kung hindi niya susubukan, paano niya malalaman? Paano rin niya maalis sa sarili ang mga pag-aalinlangan tungkol sa pinagdaanan niya rito?
“Magkaibigan pa rin naman tayo `di ba?” Ngumiti si Clarisse. Kasabay rin noon ay gumaan ang pakiramdam niya.
Ngumiti si Sean at pagkatapos ay niyakap siya.
Mas masarap ang yakap ni Ross, nasa isip ni Clarisse nang gumanti ng yakap sa lalaki. Nabunot ang malaking tinik sa puso niya.
“I CAN’T pare,” Tanggi ni Ross sa kaibigang si Klay nang yayain siya nito na mag-gym. Mag-aalas singko na ng hapon. Kinaugalian na nila ng kaibigan na mag-gym ng kaibigan tuwing hapon, bago siya kumanta. “Sa susunod na lang.”
“Nakakahalata na ako. Mahigit isang linggo ka ng hindi napunta sa gym. It’s not you. Mukhang may bago kang pinagkaka-abalahan, ha?”
Ngumisi si Ross. Pinuntahan pa kasi siya ng kaibigan sa sarili niyang condo unit para yayain. “Susunduin ko lang si Clarisse.”
“Clarisse,” hinimas-himas ni Klay ang baba nito. “Ito ba `yung babaeng kasama mo noong isinama mo ang pamangkin mo sa Bistro?”
“Yeah. Anak rin siya ng kaibigan ng Mama. I think naikuwento ko na siya sa inyo,” Close sila ng mga kaibigan. Sa pagkakaalala niya, nang minsan na malasing siya ay naikuwento niya sa mga ito si Clarisse. Ikinuwento ng mga ito sa kanya ang nangyari kinabukasan.
“The boring girl?”
Hinawakan ni Ross ang balikat ni Klay. Bahagtang pinisil niya pa iyon nang may pagbabanta. Pinaramdam niya rito na hindi niya nagustuhan ang lumabas sa bibig nito.
“Hmmm…I feel something, what should I call this? Good or bad?” ngumisi si Ross. “Mukhang hindi epekto ang pangontra na ibinigay ni Gypsy, ah.”
“Sabi ko kasi sa inyo, pineperahan lang tayo ng Gypsy na iyon,”
“Pero infairness, totoo siya. Nagkatotoo ang hula niya sa `yo dahil may dumating nga na babaeng magpapabago sa makulay mo na buhay.”
Hindi nagsalita si Ross. Napapaisip siya kung totoo nga ba ang hula. Pakiramdam niya ay hindi naman totoo iyon. Hindi na boring ang tingin niya kay Clarisse `di ba? At kahit naman dumating ito sa buhay niya, pakiramdam niya ay makulay pa rin ang buhay niya. Masaya kasi siya kapag kasama ito.
Nabago man ang buhay ni Ross ay hindi niya masasabi na sa masamang paraan. Sa pagdating ni Clarisse sa buhay niya ay magaan ang pakiramdam niya. Ilang beses na niyang iniisip ang dating buhay niya. At wala naman siyang makapa na pinagsisihan na hindi na iyon kagaya ng dati. Dati ay hawak niya ang oras niya. Kung gugustuhin niyang matulog nang mahaba ay hindi problema. Pero ngayon ay dinidisiplina niya ang sarili dahil gusto niyang paglingkuran si Clarisse. Gusto niya na makasigurado na palaging maayos ito. Dati ay madalas siyang makipagkita sa mga kaibigan, pero ngayon ay hindi na masyado. Gusto niyang palaging ginugugol ang mga oras kasama si Clarisse.
Iniisip rin ni Ross ang mga babaeng nakakasama niya sa buhay niya noon. Sure, they are a lot of fun. Nakaka-miss rin ang intense passion na nagkakaroon siya sa iba’t ibang klase ng babae. Pero sa tuwing nahahawakan niya si Clarisse, tuwing hinahalikan niya ito ay kontento na siya.
Minsan ay nanghihinayang tuloy si Ross. Alam na niya noon na ginulo ni Clarisse ang buhay niya nang minsan ay nahalikan niya ito. Pero dahil nasaktan na wala naman pala itong nararamdaman noon ay hindi siya naglakas ng loob na ipaglaban ang nararamdaman. Ngayon ay hindi na niya hahayaan na makawala ang masarap na pakiramdam na iyon. Pagkatapos ng lahat, nararamdaman niya na nagugustuhan rin naman iyon ni Clarisse.
Siguro ay sinubok lang kami ng panahon, nasa isip ni Ross. Isa pa siguro na dahilan kung bakit hindi naging maayos ang lahat sa kanya ay mga bata pa sila. May tamang oras at panahon sa mga bagay-bagay. Sa tingin niya ay ngayon na iyon. Hindi na niya gustong pakawalan pa iyon.
Ross felt that his life is complete because Clarisse is in it. Hindi boring ang buhay niya kasi masaya naman siya na kasama ito.
“Natahimik ka? May problema ba?” untag ni Klay.
“Wala naman,” tumingin si Ross sa relo sa kamay. “Malapit nang lumabas si Clarisse sa trabaho. Is it okay kung aalis ako, Klay?”
Ngumisi si Klay. “Seryoso na talaga. Mukhang tinamaan na ang playboy,”
Ngumisi lang si Ross. Walang saysay kung itatanggi rin niya iyon. Kasabay na rin niyang umalis si Klay sa unit niya.
Nang dumating sa building ng opisina ni Clarisse ay tama lamang ang dating ni Ross. Lumukso kaagad ang tibok ng puso niya nang matanaw ito, lalo na at maganda ang ngiti nito. Tumatawa pa si Clarisse habang nakatingin sa isang…lalaki.
Napatiim ang bagang ni Ross. Nainis siya. Sumama ang pakiramdam niya na may ibang lalaki na nginingitian si Clarisse.
Masama na talaga ang tama ko. Pang-ilang beses na ito!
Ganoon pa man, pinalabas ni Ross ang cool na bahagi. Kinalma niya ang sarili.
“Hey,” bati niya kay Clarisse. Tumingin rin siya sa kasama nito.
“Good afternoon,” ngumiti rin si Clarisse kay Ross. Tumingin ito sa tabi. “Ross, si Sean nga pala. Sean, meet Ross.”
“Hi!” Masiglang bati ng lalaki. Inilahad nito ang kamay sa harap niya. Tinanggap niya iyon kahit hindi iyon bukal sa loob niya, lalo na nang mapagtanto niya kung sino ito sa buhay ni Clarisse. “It’s nice to meet you, Ross. Naikuwento ka na sa akin ni Clarisse.”
Sean is my first love… naalala ni Ross na minsan ay nasabi sa kanya ni Clarisse.
“At ganoon rin siya sa `yo.” Hindi na napigilan ni Ross na magmukhang masungit sa sinabi. Nagtunog galit ang boses niya. Hinawakan rin niya si Clarisse para makalayo sa lalaki.
Hindi rin napigilan ni Ross na mag-isip ng masama. Umaalingawngaw sa isip niya ang sikat na kataga: mahirap kalaban ang first love. At iyon si Sean para kay Clarisse.
Hindi na naman ito naikukuwento sa kanya ng babae. Pero kahit ganoon ay napakahirap pa rin na hindi mag-isip ng masama. Kung nagkakalapit muli ang dalawa, ibig sabihin ay baka magkaroon pa rin ng pag-asa si Clarisse rito. At paano na siya? He’ll be just a rebound….
Na mukhang ganoon naman talaga, pumasok sa isip ni Ross. Siguro ay may kasalanan rin si Ross. Nakipaglapit siya kay Clarisse sa mga panahon na nasasaktan ito sa lalaki. Vulnerable ito at siya ang available. Of course, ibabaling nito ang interes sa kanya.
And remember, minsan ka na niyang tinanggihan! Paano nga kung panakip butas ka lamang sa lahat? Sa isipin na iyon ay sasabog na yata ang puso ni Ross sa sama ng loob.
Naging mahigpit ang hawak ni Ross kay Clarisse sa inis. Halos kaladkarin na rin niya ito palabas ng building. Pinatigil siya ni Clarisse. Tinitigan siya nito sa mata.
“Ayaw ko ng pinaparamdam mo sa akin, Ross. May pakiramdam ako na may masama kang iniisip kaya ka nagkaganyan. It’s about Sean, is it?”
“At ayaw ko rin na kasama mo siya. Sinaktan ka niya!”
“Kasalanan ko iyon. Pero wala na iyon ngayon. Maayos na kami. Magkaibigan na kami. Wala kang dapat ikabahala.” Nakakainis ang pagkamalumanay ni Clarisse samantalang asar na asar na siya.
“Masaya kang kasama siya!”
“Everything is not what you think it is, Ross.”
Tumiim ang bagang ni Ross. Gusto niyang maniwala. Pero ginugupo ng masamang pakiramdam ang loob niya. Hindi niya makontrol iyon.
Pero kung talagang nagmamahal si Ross, dapat ay nagtitiwala siya kay Clarisse.
“TITA, may alam po ba kayo sa lagay ni Ross?” pakiramdam ni Clarisse ay desperada na siya nang tawagan niya ang Mama ni Ross para malaman ang lagay nito. Halos isang araw ng hindi niya nakakausap si Ross. Nag-aalala na siya, lalo na at ramdam niya na may problema ito tungkol sa kanya.
Ramdam ni Clarisse na nagseselos si Ross kay Sean. Hindi naman niya ito masisisi. Alam nito ang istorya nilang dalawa ni Sean, pero hindi ang kabuuan noon. At ngayon, kahit subukan naman niya na magpaliwanag ay hindi iyon tinatanggap ni Ross. Tuwing bubuksan niya ang mga bagay tungkol kay Sean ay pinatatahimik siya nito. Halatang na-threaten ito kay Sean.
Nakita ni Clarisse na nagbago si Ross pagkatapos ng pangyayari. Hinahatid at sinusundo pa rin naman siya nito pero hindi na ito kagaya ng dati. Wala ng ngiti sa labi nito. Pakiramdam niya ay napipilitan na lamang ito. O ginagawa lamang nito iyon dahil gusto lang nito na makasigurado na hindi muli siya malapitan ni Sean. Nabawasan na rin ang mga text nito at hindi na ito tumatawag sa kanya bago matulog. At ngayon ay ni isang text o tawag ay wala pa siyang natatanggap mula rito.
Linggo ngayon kaya lalo iyong ikinabahala ni Clarisse. Madalas na lumalabas sila buong araw ni Ross kapag linggo. Wala kasi itong trabaho. Nag-a-out of town sila, minsan ay sa Tagaytay o `di kaya ay pupunta sa Batangas o Laguna. Palagi silang magkasama ng buong araw kapag linggo.
“Naku, hija, hindi mo pa ba alam?” wika ng ina ni Ross. Mabait naman ito kaya kahit parang nakakahiya sa parte niya ang ginagawa ay nilakasan niya ang loob. Isa pa, alam na rin ng buong pamilya nito na may espesyal na namamagitan sa kanila ni Ross. Masaya ang parehong pamilya dahil kilala na naman ng mga ito ang isa’t isa. Walang problema roon.
May lungkot sa boses ng Ginang kaya kinabahan si Clarisse. “Ano po iyon?”
“Tinawagan ko kasi kanina si Ross. Yayayain ko sana kayong dalawa na sumama sa amin para mag-lunch at gumala na rin sa Pampanga. Pero tumanggi siya dahil masama raw ang pakiramdam niya,”
“Ho? Naku, bakit kaya hindi niya sinabi sa akin?” Lalong nag-alala si Clarisse roon.
“Ganoon talaga ang batang iyon. Maarte iyon kapag may sakit. Ayaw noon na makita ng mga tao na mahina siya. Kahit nga ako ay nag-aalala at hindi ko na sana itutuloy ang gala namin sa Pampangga. Kaya lang siglang-sigla si Russell at si Roselyn. Alam mo naman ang kondisyon nila kaya pinagbigyan na rin namin. Gusto namin sila na mapasaya. Ayaw rin naman na magpa-alaga si Ross. Huwag ka na rin na mag-alala sa kanya. Simpleng lagnat lang naman iyon. Gagaling rin agad iyon.”
Pero hindi ganoon ang nararamdaman ni Clarisse. Siguro ay dahil hindi siya sanay, hindi kagaya ng ina nito.
Hindi na masyadong nag-ayos si Clarisse ng sarili at pumunta sa unit ni Ross. Hindi na niya inabala na kumatok dahil baka tulog ito at maggising pa niya. Naiwan nitong bukas ang pinto kaya nakapasok siya kaya lalo siyang nagkadahilan na huwag ng gawin iyon.
Lumambot ang puso ni Clarisse nang matagpuan si Ross sa kuwarto nito. Nakatalukbong ang buong katawan nito ng comforter, tila lamig na lamig kahit hindi naman bukas ang aircon.
Lumapit si Clarisse kay Ross. Mukhang naramdaman naman nito iyon. Nagmulat ito ng mga mata. Kumunot ang noo nito.
“Bakit ka nagpunta rito?”
Bumuntong-hininga si Clarisse. “Sinabi sa akin ng Mama mo na may sakit ka raw. Bakit hindi mo ako sinabihan?”
“I don’t want to disturb you. Isa pa, kung nakausap mo si Mama, malamang ay sinabi na rin noon sa `yo na ayaw kong magpa-alaga kapag may sakit ako. Hindi ka na dapat nag-abala na pumunta pa rito. Simpleng lagnat lang naman ito.” Wika ni Ross. Malat ang boses nito.
“Ayaw kong pabayaan ka, Ross. Kahit simpleng lagnat lang `yan, kailangan pa rin na ipag-alala `yan. Paano kung dengue na pala `yan? Nag-uumpisa ang maraming sakit sa lagnat!”
“Trangkaso ito. I’m sure of it. Pagod ako kahapon tapos ay naulanan ako.” Wika ni Ross.
Hinawakan ni Clarisse ang leeg ni Ross. Mainit ito. Napailing-iling siya. “Uminom ka na ba ng gamot? Kumain ka na ba?”
Tumango si Ross. “Alam ko ang gagawin sa sarili ko.”
Tumango si Clarisse. Umalis siya sa tabi ni Ross. Papakialaman niya ang cabinet nito para lalong maayos ang lagay nito. Kukuha siya ng bimpo para punasan ang katawan nito.
Hindi nag-react si Ross sa ginawa ni Clarisse kaya niilingon niya muna ito bago buksan ang cabinet. Hindi nakabaling ang tingin nito sa kanya. Mukhang wala itong pakialam sa pag-aalala niya rito.
Ayaw talaga niya ng may nag-aalaga sa kanya o ayaw niya lamang ako na makita? Asar pa rin siya sa akin? Nasa isip-isip ni Clarisse. Napabuntong-hininga siya.
Pinilit ni Clarisse na ipagsawalang bahala ang kaartehan ni Ross. Binuksan na niya ang cabinet. Mabilis naman na nakahanap ng bimpo si Clarisse. Pero bukod roon ay may iba pang nakita si Clarisse. Nagulat siya roon.
Anong mayroon at bakit may larawan ng mga hubad na lalaki si Ross sa cabinet nito?
Kunot na kunot ang noo ni Clarisse. Naalala niya si Sean. Minsan na nakitaan rin niya ito ng picture ng mga hubad na lalaki. At mali si Clarisse nang hindi niya pinagdudahan iyon.
Napakalabo, nasa isip ni Clarisse nang maisip na baka pareho sina Ross at Sean ng identity dahil roon. Kilala niya si Ross. Macho ito. Puro lalaki ang kaibigan nito. Pinagkakaguluhan ito ng babae…
Pero halos ganoon rin si Sean! Mas kilala mo pa nga siya kaysa kay Ross pero it turns out na hindi pala siya ang lalaking akala mo ay kilala mo.
Nawala sa isip ni Clarisse ang larawan nang marinig na umungol si Ross. Ungol iyon ng nahihirapan. Dinaluhan niya ito.
“Ross, may masakit ba?” puno ng pag-aalala na wika ni Clarisse. Nakapikit si Ross kaya hindi niya mabasa ang ekspresyon nito.
Ngumisi si Ross. Napakunot-noo si Clarisse kung bakit. Pero napasigaw siya nang maya-maya ay hawakan siya nito at pahigain sa kama katabi nito.
“Ross, anong---“
“Hmmm…” ungol muli ni Ross at niyakap siya. Nakaharap siya rito kaya nakikita niya ang ekspresyon ng mukha nito. Nakapikit pero nakangiti ito. Halatang niloloko siya nito. Alam nito ang ginagawa nito.
“May sakit ka. Pupunasan sana kita para gumaling ka kaagad---“
“Hindi ko kailangan iyon. Mas kailangan kita sa piling ko, sa bisig ko.” Hinigpitan pa ni Ross ang yakap kay Clarisse.
Lumambot ang puso ni Clarisse sa tuwa. Nagiging sweet na muli si Ross. Ibig sabihin ay hindi na ito galit sa kanya? Maayos na sila?
“I hope you are going to get well soon. Ayaw ko na nagkakasakit ka.”
“I will. Sumasarap ang pakiramdam ko ngayong nasa tabi kita.”
“So ang kanina, inaartehan mo lang ako?” itinaas ni Clarisse ang isang kilay.
“I miss you, Clarisse…” iminulat ni Ross ang mga mata. “Sorry kung inabala kita.”
“Sa tingin ko ay mas kailangan mo na ipag-sorry na pinag-alala mo ako.”
“All right, I’m sorry. I just don’t want you to see me at my worst.”
“I will still be with you no matter what situation you are, Ross. Alam mo na mahalaga ka sa akin.”
Ngumiti si Ross. “Sa mga sinabi mo, mukhang sandali na lang at magiging maayos na talaga ako.”
Hinaplos ni Clarisse ang pisngi ni Ross. “Sa pag-ayos ng pakiramdam mo ay sana maging maayos rin tayo, Ross.”
Hindi sumagot si Ross. Tumitig lang ito sa kanya.
Pinagpatuloy ni Clarisse ang paghaplos sa mukha ng lalaki. “Puwede na ba natin na pag-usapan si Sean, Ross?”
Naglihis ito ng tingin pero hindi nagsalita. Hindi rin naman nito inalis ang yakap sa kanya. Nagpatuloy si Clarisse.
“Alam ko na ayaw mo siyang pag-usapan. Ramdam ko na nasaktan ka rin nang makita mo na maayos na kami. Pero kaibigan ko siya, Ross. Ilang taon ko siya na naging magkaibigan at ayaw ko na basta na lamang naman na mawala iyon. Naging mahalaga siya sa akin.
“Pero hanggang doon na lamang iyon. Magkaibigan kami at kailangan mo na maniwala roon. Matagal rin kami na hindi nakapag-usap kaya sobrang saya ko nang magkaayos kami. I consider him as my best friend, too. Kaya kahit alam ko na ayaw mo na magkasama kami, kahit alam ko na nasasaktan ka, hindi ko pa rin siya kayang itanggi. Matagal rin na hindi kami nagkita. Gusto ko siya na makasama. Gusto ko na mabawi ang mga nakaraang araw.
“Ganoon pa man, wala kang dapat ipag-alala. You don’t have to be jealous of him. There’s no point. Tapos na ang nararamdaman ko sa kanya. And I guess, masyado lang talaga ako na nag-assume na may nararamdaman rin siya para sa akin. Iyong nararamdaman ko rin para sa kanya, pagkakaibigan lang iyon. Napagtanto ko iyon dahil walang-wala ang nararamdaman ko sa `yo sa nararamdaman ko sa kanya.
“And most of all, there’s no threat with Sean. Hinding-hindi talaga siya magkaka-feelings. I found out that we both want the same things pala. He’s a gay. Hindi kami talo ni Sean. Iyon ang dahilan kung bakit naging napakasakit. Na-reject na ang pag-ibig ko, nawalan pa ako ng kaibigan at naloko pa ako…”
Nanatiling nakatulala pa rin si Ross kay Clarisse sa pagtatapos ng kanyang paliwanag.