Tenses (Unofficial) Series Chapter 26

“WORK HARD, party harder!” kumekembot-kembot pang sigaw ni Sean habang palabas sila ng opisina. Alas siyete na ng gabi kaya halos wala ng tao sa opisina. Late silang lumabas dahil may mga trabahong kailangan silang tapusin bago mag-weekend. Nag-over time silang dalawa. Dahil nakakapagod na araw iyon, nagyaya si Sean na mag-unwind. Friday ngayon. Wala silang pasok bukas kaya pumayag na rin siya. Pagkatapos ng lahat, pakiramdam niya ay kailangang-kailangan rin niya noon.

Hindi masyadong pinansin ni Clarisse ang lalaki. Nakatutok siya sa kanyang cell phone. Umaasa siya na lalabas roon ang pangalan ni Ross.

Ang buong akala ni Clarisse ay magiging maayos na ang lahat sa pagitan nilang dalawa ni Ross kapag ipinaliwanag niya ang tungkol kay Sean. Pero nanatili pa rin si Ross na malamig sa kanya. Paminsan-minsan na lamang siya nito inihahatid at ang pagsundo ay hindi na. Nagtataka siya kung bakit pero hindi naman siya makapagtanong kung bakit bigla itong nagkaganoon. Ayaw naman kasi niya na magmukhang demanding. Wala rin naman kasi sa usapan nila na ihatid o sunduin siya sa trabaho niya. May sariling buhay ito.

Naninibago si Clarisse. Natawag at nagtetext si Ross sa kanya pero hindi sapat iyon.

Gusto ni Clarisse na makausap si Ross pero mas gusto niya na makasama ito.

“Busy lang iyon, Girl. Gabi pa man rin ang trabaho niya kaya hayaan mo na.”

Nagkibit-balikat si Clarisse. Ganoon na nga lamang ang ginagawa niya palagi. Nag-iisip rin siya ng positibo. Ganoon ang payo sa kanya ng kaibigan. Pagkatapos ng lahat, hindi naman palaging sa kanya na lamang palagi ang oras nito. May sariling buhay rin ito. May pamilya at marami rin na kaibigan si Ross. Ang mahalaga ay may komunikasyon pa rin naman sila kahit may kaunting pagbabago na iyon sa hindi maintindihan na kadahilanan.

Sumakay siya sa kotse ni Sean. Gusto raw nito na mag-bar. May masama siyang experience roon pero pumayag na rin siya. Kailangan niyang ma-distract. Habang nasa biyahe ay nakatulog naman si Clarisse dala na rin siguro ng pagod. Nang maggising siya ay nakalabas na si Sean. Niyuyugyog na siya nito mula sa pinto.

“Nandito na tayo, bru,” excited pa si Sean.

Kinusot pa ni Clarisse ang mata. Medyo matagal rin siyang nakatulog. Nang maggising siya ay mahigit alas otso na ng gabi. Naninibago siya sa paligid pero sandali lamang iyon. Mabilis niyang nakilala rin ang lugar. Pamilyar iyon sa kanya.

“Sa The Rack’s Bistro mo tayo gustong mag-unwind?”

“Oo,” Ang ganda ng ngiti ni Sean. “Nabalitaan ko ang bar na ito. Guwapo ang may-ari at mga kaibigan niya. Matagal ko na ngang bet na pumunta rito!”

Napabuntong-hininga si Clarisse. “Isa si Ross sa may-ari nito.”

“Aba, bongga! Nandiyan ba siya ngayon?”

Tumango si Clarisse. Tuwing Friday ay kumakanta si Ross sa bistro.

“Edi `di ka na dapat sad. Andiyan naman pala ang papables mo!”

“Pero we are not in good terms nga `di ba? Tapos kasama pa kita. Paano kung tungkol pa rin sa `yo ang dahilan ng pag-iinarte niya?”

“Nagpaliwanag ka na. Saka kung mahal ka talaga niya, magtitiwala siya sa `yo. Basta excited na ako, girl! Tara na kasi!”

Hinawakan ni Sean si Clarisse. Halos hilahin siya nito papasok sa loob. Inilabas nito ang kalandian na hindi nito nailalabas sa opisina at sa pamilya nito roon. Closet-gay ang lalaki---ang dahilan kung bakit hindi niya nalaman ang totoong katauhan nito. Alam daw kasi nito na mahirap itong matatanggap kung maglaladlad ito sa maraming tao. Paniguradong hindi rin daw iyon magugustuhan ng pamilya nito.

Sa loob ay mabilis na nakita ni Clarisse si Ross at ang mga kaibigan nito. Napatayo si Ross nang matanaw siya.

“Clarisse, anong ginagawa mo rito?”

Tumingin si Clarisse kay Sean. “Niyaya niya ako na mag-unwind. Hindi ko naman alam na dito pala niya balak.”

Ang ganda ng ngiti ni Sean. “Hi, Ross! It’s nice to meet you again. Puwede mo ba akong ipakilala sa mga friends mo?”

Kunot-noo ang unang isinagot ni Ross sa kanilang dalawa ni Sean. Pero pagkatapos ay niyaya rin sila nitong dalawa sa table ng mga kaibigan nito na present naman roon. Ayon kay Ross, madalas na pumupunta ang magkakaibigan sa The Rack’s Bistro.

Nakilala na ni Clarisse ang mga kaibigan ni Ross na sina Milton, Jake, Near, Klay at ang ka-partner ni Ross sa Bistro na si Trevor. Nginitian lang niya ang lahat samantalang si Sean ay halos halikan at yakapin ang mga lalaki.

Nakita niyang umiling-iling si Ross sa nakitang inasal ni Sean. Tinitigan niya ito.

“May problema?” tanong sa kanya ng lalaki.

“W-wala naman.” Wala na dapat. Dapat ay nakikita na ni Ross na totoo ang sinasabi niya. Dapat ay nagtitiwala na ito sa kanya na kaibigan lang niya si Sean.

Tumango-tango lang si Ross. Maya-maya ay tinawag na ito sa stage para sa pagtugtog at pagkanta nito.

Hindi romantic song ang kinanta at tinugtog ni Ross kaya hindi masyadong malakas ang crowd. Wala rin na nanukso sa kanya ng dahil roon.

Hindi sanay si Clarisse sa fame. Hindi rin naman niya gusto iyon. Pero pakiramdam niya ay nadismaya siya sa nangyari. Gusto niya na maramdaman ang pagkanta ni Ross. Gusto niyang tuksuhin silang dalawa.

Gusto ni Clarisse ng atensyon---lalong-lalo na mula kay Ross. Pero pakiramdam niya, ngayong gabi ay inilalapit pa lalo siya nito kay Sean. Kapag nag-o-open ito ng topic ay palaging si Sean ang ginagawa nitong bida. Tuwang-tuwa naman ang ang kaibigan. Pakiramdam niya, palaging inilalagay ni Ross sa spotlight si Sean. Sinasadya nito iyon.

Tama lang naman iyon dahil baguhan si Sean sa grupo. Gusto nito na maging komportable ang “bisita” nila sa grupo kaya ginagawa nito iyon. Pero iba ang pakiramdam ni Clarisse. Pakiramdam niya ay ginagawa iyon ni Ross para mabaling ang atensyon rin niya kay Sean, hindi para sa kanila o para rito.

Nasa kalagitnaan sila ng pag-uusap nang biglang mag-excuse si Ross. Pupunta lang raw ito sa CR. Dahil wala, si Ross tuloy ang napag-usapan ng grupo.

“Mukhang aliw na aliw sa `yo si Ross, Sean, ha. Palaging tungkol sa `yo ang gustong pag-usapan,” nakangising wika ni Klay.

Ngumisi rin si Milton. Medyo naka-inom na ito kaya mapungay na ang mata nito.

“Baka naman palaging tinitignan ni Ross ang pangontra niya sa hula. Kaya mukhang nag-iiba na ng interes…” Tumawa pa ang lalaki.

“Pangontra sa hula?” Nakakunot noo na wika ni Clarisse.

Napailing-iling si Near. “Wala na talaga sa pag-iisip itong si Milton. Pati tuloy ang mga kabaduyan natin ay ibubulgar pa kay Clarisse.”

Napabuntong-hininga si Trevor. “Natalo kasi kaming magkakaibigan sa pustahan. Ang consequence, kailangan namin na magpahula kay Gypsy---ang owner at nanghuhula rin sa café diyan sa tapat. Para hindi magkatotoo ang hula, binigyan, este, pinabili niya kami ng pangontra niya. Picture ng mga hubad na lalaki ang pangontra sa hula kay Ross.”

Ah, so iyon pala ang mga nakita ko sa cabinet ni Ross. Naalala ni Clarisse.

Na-curious si Clarisse. “Anong mga hula sa inyo?”

Sandaling nagkatinginan ang mga kaibigan. Pagkatapos ay napailing-iling.

“Masamang kuwento, eh.” Komento ni Jake.

“Lahat ng hula kasi ay nagkatotoo sa amin.” Napailing-iling si Trevor.

“Kung ganoon, nagkatotoo rin ang kay Ross?” Na-amuse si Clarisse. Totoo pala talaga na nakikita ang future ng isang tao.

“Sabi ni Gypsy, may darating daw na boring na babae na magpapabago sa happy go lucky na buhay ni Ross! At ikaw iyon `di ba---“

Hindi na nasundan ni Milton ang sasabihin ng hawakan ng katabing si Near ang bibig nito. Tumawa ito para pagaanin ang sitwasyon.

“Pero for sure naman, itinapon ni Ross ang pangontra niya. Napakabaduy naman kasi noon! Saka tignan mo nga, dumating ka sa buhay niya. Masaya siya ngayon kaya wala lang iyon.”

Hindi nagsalita si Clarisse. Na-gets niya ang pangyayari. So siya ang tinutukoy ng hula. At bumili si Ross ng pangontra mula roon.

Nakita niya mismo ni Clarisse pangontra na sinasabi ng mga kaibigan ni Ross.

Nag-isip ako ng masama….at mas masama pa pala kaysa sa inaakala ko ang ibig sabihin noon. Nasa isip-isip ni Clarisse.

Ibig sabihin lang noon, kinokontra ni Ross ang pagpasok niya sa buhay nito. Natakot si Ross. Hindi siya nito matanggap.

Pinilit ni Clarisse na huwag ipahalata na nasaktan siya sa nalaman. Bumalik na rin si Ross kaya nawala na rin rito ang usapan. Pero kahit nakauwi na ng bahay at matapos na rin ang gabi ay nanatili pa rin sa pag-uusap ang isip ni Clarisse.

Napakabigat ng dibdib ni Clarisse at naggawa lamang niyang ilabas iyon nang makapasok na siya sa kuwarto. Inilabas niya ang lahat ng luha na matagal na dapat niyang inilabas. At hindi sigurado ni Clarisse kung makakaya pa ba niyang patigilin ang lahat ng iyon…

Mas masakit ang naramdaman ngayon ni Clarisse kahit may pag-asa pa naman na mabago ang lahat. Hindi literal na sinasabi sa kanya ni Ross na ayaw nito sa kanya, pero sa mga narinig ay ganoon ang naramdaman niya.

Kinokontra siya ni Ross sa buhay nito dahil makakasama nga naman ang isang kagaya niya sa buhay nito. Pero ano ang dapat niyang gawin? Hindi niya gustong makasama kay Ross. Pero mas lalong hindi naman niya gustong mawalay rito…

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.