Tenses (Unofficial) Series Chapter 6

“TAHAN na, Julia, please...” mangiyak-ngiyak ng pakiusap ni Julienne sa anak. Hating-gabi na pero gising na gising pa rin ang kanyang anak. Iyak ito nang iyak. Hindi mapakali. Ganoon rin naman ang pakiramdam ni Julienne. Though alam naman niya na parte ng pagngingipin ni Julia ang dahilan ng pag-iyak nito ay hirap na hirap pa rin siyang patahanin ito.

Pagod na pagod na siya. Maaga siyang gumising kanina kaya naman antok na antok na siya. Mag-aalas onse na ng gabi. Anim na buwan na si Julia kaya may pagkamabigat na ito. Napakaligalig nito. Gusto nito ay palagi rin na buhat. Wala siyang makatulong sa pag-aalaga ng anak kaya talagang nahihirapan siya.

Nang manganak si Julienne ay pinayagan na siya ng mga magulang na lumipat sa iisang bahay kasama si Axel. Hindi niya sigurado pero naisip niyang iyon ay dahil ayaw nitong makita si Julia. Ilang beses siyang sinita ng mga ito sa bawat pag-iyak ng bata. Naiinis raw ang mga ito. Nasira ang tahimik pa rin dapat na buhay ng mga ito. Hanggang sa magdesisyon na si Axel na kung ganoon lang rin naman ang isip ng mga ito tungkol kay Julia, kinausap nito ang kanyang mga magulang mabuti ng kuhanin na silang mag-ina nito at dalhin sa iisang bahay. Pagkatapos ng lahat, pamilya na talaga sila. Kailangan rin si Axel sa tabi ni Julia. Dahil wala pa naman itong sariling bahay, nakatira sila sa Lolo nito. Mabait naman ang Lolo ni Axel. Noong buntis pa siya ay nakilala na niya ito. Hindi kagaya ng mga magulang, naging sabik ito sa pagdating ng apo. Pero nang malaman na babae ang apo ay nawala ang amor nito. Lalaki ang gustong apo nito. He became disappointed. Naging civil lang rin ang pakikitungo nito sa kanya pagkatapos at kay Julia naman ay paminsan-minsan lamang na nilalaro.

Malaki ang bahay nina Axel. May mga katulong rin sa bahay ng mga ito at ginusto siyang tulungan ng makitang nahihirapan siya ngayon sa anak. Pero walang kahit sino ang makapagpatahan sa anak, kahit siyang ina at siya ng pinag-aralan niya ay ang alagaan ito ay hindi magawa. Ginusto ni Axel na magkaroon sila ng Yaya para kay Julia pero tumanggi siya. Hindi niya yata gustong ipagkatiwala sa iba ang anak. Inalalayan na lang siya ni Axel sa kanyang desisyon. Sinisigurado nito na maagang umuwi para matulungan siya sa pag-aalaga kay Julia. Madalas ay nagpupuyat rin ito lalo na kapag ganoong may sakit ang anak.

Tumawag si Axel. Oras-oras simula nang umalis ito ay tumatawag ito. Nasa isang convention sa Laguna ang lalaki ngayon hanggang bukas. Kinumusta nito ang anak.

“Hindi pa rin siya tumitigil. I feel so helpless, Axel...”

Naramdaman naman yata ni Axel ang pagod niya. Huminga ito nang malalim. “Sige. Babalik na ako.”

“Ha? Pero ang convention---“

“Malapit lang naman ang Laguna. Puwede pa akong bumalik. Plano ko na ito kanina pero masyadong nagtagal ang meeting kaya nag-hotel na ako. Masyado na kasing gabi kung umuwi. But with you and Julia like that, hindi naman rin ako makakatulog rito.”

Pinatay na ni Axel ang tawag. Mahigit isang oras lang ang nakalipas ay dumating si Axel. Kaagad na kinuha nito sa kanya ang maligalig pa rin na si Julia. Hinalikan nito ang anak, nilaro-laro. Bahagyang kumalma si Julia. Hindi na niya ipinagtaka iyon. Madalas na kalmado at masaya si Julia kapag hawak ni Axel. Nakikinita na kaagad niya na magiging Daddy’s girl ito.

Nang hikbi-hikbi na lamang ang narinig mula kay Julia ay lumapit si Axel sa kanya. Hinalikan nito ang kanyang ulo. “Tulog ka na. I got this.”

“Sigurado ka ba?”

“Yup. I know you’re tired. Sa bawat tawag ko, umiiyak na lang palagi si Julia.”

“Pero pagod ka rin...”

“I can handle myself. Now go. Baka mamaya ikaw naman ang magkasakit...”

Niyakap niya si Axel. Napakasuwerte niya dahil napaka-understanding at maalaga talaga nito.

Mabilis na nakatulog si Julienne. Alas tres ng madaling araw nang maggising muli siya. Nakahiga na sa tabi niya si Axel samantalang nasa dibdib nito si Julia, payapang natutulog. Nakasandig ang malalambot na pisngi ng sanggol sa dibdib ng ama nito. Nakayakap. Napangiti siya sa napaka-sweet na tagpo na iyon.

Naramdaman ni Axel ang pagkagising niya. Umungol ito. Gumalaw ang isang kamay nito para palapitin siya rito. Julienne indulged. Kumapit siya sa braso nito.

Hinalikan na naman ni Axel ang kanyang ulo. “My other baby...”

Napangiti si Julienne. Pinagkiskis pa niya ang pisngi sa braso ni Axel. Nakakatuwang isipin na sa kabila ng pagod nito at lagay nito ngayon ay naggawa pa rin siya nitong lambingin.

May lubak man na pinagdaanan ang buhay ni Julienne ay masasabi niya na masuwerte pa rin siya. Ipinagpapasalamat niya ang lahat dahil kay Axel. Sinamahan siya nito na maglakad sa lubak na iyon at sa pagdaan ng mga panahon, unti-unti na nagiging tuwid iyon.

Life had been hard. But with Axel and Julia standing by her side, everything was worth it.

NAGDAAN pa ang taon. Nanatili sina Axel at Julienne sa set-up. Pero marami na rin ang nagbago sa buhay nila. Bukod sa pag-aalaga kay Julia ay nanabik si Julienne sa mga susunod na mangyayari sa kanya. Sa susunod na semester ay napagdesisyunan na muli ni Julienne na mag-aral. Pero hindi kagaya ng dati, hindi na iyon business course sa kolehiyo na gustong kuhanin ng magulang niya. Nakumbinsi niya si Axel na kung makakapag-aral muli siya, crash course lang iyon at tungkol sa pagsasayaw. Ibinahagi ni Julienne ang pangarap sa lalaki.

“Then do it,” nakangiti pang wika nito. “I’ll support you.”

Nagliwanag ang mukha ni Julienne. Si Axel na rin kasi ang parang tumatayong guardian niya. Though in contact pa rin naman ang kanyang mga magulang sa kanya, hindi niya maramdaman ang suporta ng mga ito kahit sa salita lamang. Para bang ang pangangamusta sa mga ito ay “kailangan” lamang na gawain, hindi “gusto” talaga na gawain. Sa aspetong pang-pinansiyal, si Axel na rin ang sumusuporta sa kanya sa lahat.

Mas marami ang nagbago kay Axel. Inuumpisahan na nito na mamuno sa kompanya ng Lolo nito. Dati naman na nagtatrabaho ito roon pero ngayong nakatapos na ito ng masteral ay tinaasan pa ng Lolo nito ang puwesto nito. Hindi kasi ganoon kataas ang dati dahil training pa lamang. Ang gusto ni Lolo Fidel ay maramdaman rin ni Axel kung paano ang maging rank and file employee bago nito ipagkatiwala nang husto sa nag-iisang apo ang kompanya.

Si Julia ay nag-uumpisa na rin na lumaki. Dalawang taong gulang na ito. Kung noong baby pa lamang ito ay nakikita na niya kung paano ito magiging Daddy’s girl, ngayon ay pinatunayan na nito iyon. Ang gusto nito ay palaging si Axel ang kasama. Si Axel, bagaman mas naging abala pa sa trabaho ay hindi rin naman nawawalan ng oras sa anak. Napakaespesyal para rito ni Julia.

Marami rin na gustong mangyari pa si Julienne na pagbabago sa buhay niya. Pero ang pinakauna sa listahan niya? Ang magkaroon ng kasiguraduhan kay Axel.

Nanatili pa rin naman na maganda ang pakikitungo sa kanya ng lalaki. Pakiramdam niya ay espesyal pa rin siya rito. Sa trabaho, kay Julia at sa kanya lang naman umiikot ang buhay nito. Maganda na ang trabaho nito. Halos maayos na ang lahat sa kanila. Pero bakit parang sa pagitan nila ay wala pa rin na nagle-level up?

Mahal na niya si Axel. Nasigurado na niya na ang matinding damdamin na nararamdaman niya para rito ay ganoon. Wala na siyang lalaking gustong makasama pa habang buhay kundi ito na lamang. Kompleto at kontento na siya sa buhay basta kasama niya ito at si Julia.

Minsan na naman siyang inalok ni Axel ng kasal. Pero iyon ay noong buntis pa siya kay Julia at tumanggi ang mga magulang niya. Dalawang taon na ang nakakaraan ngayon. Malamang ay bago na ang isip ng kanyang mga magulang, lalo na sa kalagayan ni Axel ngayon. Ipinaubaya na rin siya ng mga magulang sa lalaki. Hindi ba naisip ni Axel na pakasalan na siya? Ilang buwan na lamang rin at twenty one years old na siya. Puwede na silang magpakasal ng walang consent.

Pero kahit anong pagpaparamdam, walang narinig si Julienne kay Axel. Nalulungkot siya sa isipin na iyon. Mali ba siya sa isipin na pareho rin sila ng nararamdaman? O tama lang ang sinasabi ng mga tao sa kanila na kaya lang naman sila nagsasama ay para sa kapakanan ni Julia? Hindi siya nito mahal. Inaalagaan lang rin siya nito dahil ina siya ng anak nito.

Ilang linggo rin na dinamdam ni Julienne iyon. Naging malungkot siya. Sa ikatatlong linggo, mukhang napansin naman iyon ni Axel. Niyaya siya nitong lumabas.

“Iwan na lang muna natin si Julia kay Manang Ayeth,” anito na ang tinutukoy ay ang mayordoma ng bahay. Sumasama rin si Julia rito paminsan-minsan.

Nagulat si Julienne. Hindi sila lumalabas ng sila lamang dalawa ni Axel simula nang maipanganak niya si Julia.

Nagkibit-balikat si Axel. “I think its time para makapagsolo naman tayo kahit papaano. Hindi na ganoon ka-delicate si Julia para ipagkatiwala natin sa ibang tao.”

Nasabik si Julienne. Oh, she dreamed of this moment! Mahal niya si Julia at gusto rin naman niya na palaging kasama ito. Pero iba pa rin pala ang pakiramdam na sila lamang dalawa ni Axel ang lalabas.

Nag-lunch date sila ni Axel sa isang fine dining restaurant sa isang mall. Pagkatapos ay nanood ng sine, kagaya ng dati. Niyaya rin siya nito na mag-shopping. Pero nang pumunta siya sa children’s section ay tinawanan siya nito.

“Silly. Palagi na lang ba si Julia ang iisipin mo? Think of yourself.”

Ipinamili ni Axel si Julienne ng mga bagong damit. Tuwang-tuwa pa ito sa ginawa. Natuwa rin naman siya. Hindi naman siya pinapabayaan ni Axel sa aspetong pang-pinansyal pero ngayon lang siya nasabihan na sarili naman niya ang kanyang isipin. Sa loob ng dalawang taon, halos hindi siya nakabili ng bagong damit. Palagi na kasing si Julia ang nasa isip niya.

Alas kuwatro nang makalabas sina Axel at Julienne sa mall. Pero sa halip na dumiretso sa mansion ng Lolo nito, dinala siya nito sa isang exclusive subdivision. Ipinarada nito ang sasakyan sa isang tila bagong gawa na bahay.

“Axel...?” nagtataka si Julienne. Anong ginagawa nila sa bahay na iyon?

Hinawakan ni Axel ang kamay ni Julienne. Hindi nagsasalita pero nakangiti lamang ito. Hinila siya nito papasok sa loob. “What do you think of this house?”

“Beautiful...” humanga kaagad si Julienne. Hindi man iyon kasing laki ng bahay ng Lolo nito ay tama lamang ang laki na iyon. Tama lamang para sa pagsisimula ng isang pamilya. Fully furnished na rin ang bahay kaya napakaganda.

“And what do you think about living here?”

Tinitigan ni Julienne si Axel. May ipinapahiwatig ba ito sa kanya? Sa isipin ay unti-unting namasa ang mata niya.

Napangisi si Axel. “You’re such a cry baby. Baby Yen talaga kita...”

“Ano ba kasi ang bahay na ito? Sa `yo ba ito?”

Umiling si Axel. “Not mine...but ours...”

“Pero bakit?”

Tumawa si Axel. “Anong bakit? Panahon na para humiwalay tayo kay Lolo. Gusto ko na magkaroon na tayo ng sariling bahay. Sariling buhay. I want us to have a new start, in this house. I want us to be a real family.”

Lalong napatitig si Julienne kay Axel. “Paano?”

“Anong paano?”

Napakagat-labi si Julienne. “Hindi pa tayo mag-asawa, Axel. Paano tayo magiging totoong family?”

Ngumiti si Axel. Hinawakan ng isang kamay nito ang kanyang pisngi. “Sa tingin mo ba ay hindi ko naiisip `yan?”

“W-wala kang pinaparamdam. Wala kang---“ naputol ang pagsasalita ni Julienne nang may ilabas si Axel sa bulsa nito. “Oh, oh!”

It was a small box. Binuksan iyon ni Axel at tumambad sa kanya ang isang napakagandang singsing. May bato sa gitna noon.

“Promise me that we’ll grow old together in this house, Baby Yen...” isinuot ni Axel ang singsing sa kamay ni Julienne. It fitted perfectly.

Naiiyak na yinakap ni Julienne si Axel. “Oh, Axel! Thank you so much! I love you so...”

Bahagyang kumalas si Axel sa pagkakayakap niya. Hinawakan nito ang pisngi niya. Napakaganda ng ngiti nito. “It’s about time. Maganda na ang ipon ko. Nakabili na ako ng sarili nating bahay at ilang buwan na lang ay twenty one ka na. We can marry without parents consent. And for accepting and loving me, thank you. Thank you for everything...”

Hinalikan siya ni Axel. Julienne was so happy she kissed him back with so much intensity. Naglaro ang kanilang mga dila. Bumaba ang mga halik. “You’re driving me crazy again...”

Ngumiti si Julienne. “And so you are to me.”

Ngumisi si Axel. “Mabuti na lang talaga at fully furnished na ito.”

Pinangko ni Axel si Julienne. Iniakyat siya nito at pumasok sa may kalakihang kuwarto. Inihaga siya nito sa kama at doon nila itinuloy ang ginagawa nila kanina.

Hindi na naman bago sa kanila iyon. Nagsasama na sila sa iisang bahay at hindi maiiwasan na walang mangyari sa pagitan nila. Axel had needs. Bilang ina ng anak nito at babae na rin sa buhay nito, ibinibigay niya iyon. Pero hindi kagaya noong una, naging mas maingat na sila kaysa sa dati. She was taking pills. Wala pa rin naman kasi siyang balak talaga na sundan si Julia gayong hindi pa nga sila sigurado sa future ng isa’t isa. Hindi rin naman gusto ni Axel iyon. Ang gusto nito ay ayusin muna niya ang buhay niya, ang tuparin ang kanyang pangarap bago nila pagplanuhin ang paglaki ng pamilya.

Today was extra special. Iyon ang unang beses na may nangyari sa kanila sa bahay na iyon. Engaged na rin sila ngayon. What happened to them was too passionate. Nakatulog si Julienne nang matapos. Naggising lamang siya nang yugyugin siya ni Axel. Madilim na ang paligid kaya malamang ay napatagal ang tulog niya.

“We need to go.”

Tinignan ni Julienne si Axel. Nagbibihis pa lamang ito pero mukhang madaling-madali. Namumutla rin ito. Nakaramdam ng kaba si Julienne.

“M-may problema ba, Axel?”

“S-si Julia...”

Bumalikwas na ng bangon si Julienne. Mas lalong kumabog ang puso niya. “Anong nangyari kay Julia?!”

Huminga nang malalim si Axel na para bang gusto munang kumalma. Pero nanginginig pa rin ang katawan at boses nito nang magsalita.

“N-nahulog siya sa hagdan. And I hate to think and say this, but she was critical.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.