Present, One Month Later
NAGING mabagal para kay Julienne ang nagdaan na buwan. Paano ay medyo mahirap rin iyon. Nang makabalik sa Maynila, nagtampo siya sa mga kasamahan. Pero sa halip na mag-sorry, puro panloloko pa ang narinig ni Julienne sa mga staff at kahit sa direktor.
“Ayaw mo noon? May nakasama kang hot na lalaki sa isang isla? Pangarap ko `yun uy!” tudyo pa kay Julienne.
“Oo nga. Saka hindi lang guwapo si Mr. Aguillera. Mayaman pa rin siya. Sa kanya kaya ang Isla Azul. Kung ako sa `yo Juls, inakit at ginapang ko na iyon.” Humagikgik pa ang isang babae.
Pinaikutan ni Julienne ng mata ang dalawa. Kung alam lang siguro ng mga ito kung anong nangyari, baka puro hampas sa kire ang nakuha niya mula sa mga ito.
Tanging ang napala na paliwanag ni Julienne sa mga staff na paliwanag kung bakit ganoon ay ang rason na nalimutan siya. Hindi niya gustong maniwala. Nang kausapin niya ang direktor, doon siya naliwanagan.
“Nang una akong kausapin ni Mr. Aguillera, tinanong ka niya sa akin, Julienne.”
Tinaasan ng isang kilay ni Julienne ang director. Kaya ba nag-sponsor si Axel sa LBSOM ay dahil sa kanya? Dahil gusto siya nitong makita? Ang lahat ba ng nangyari sa Isla Azul ay plano nito?
“Mukhang gusto ka niya. Kilala mo ba siya?”
“I don’t think na kailangan pa natin na ungkatin ang personal na buhay ko. Ano ba talagang totoong nangyari? May kinalaman ba si Axel kaya ako naiwan sa isla? Sinadya ba ang lahat?”
Umiling ang director. “Nalimutan ka nila. Pero hindi ako at si Reigna,”
Nagdilim ang mukha ni Julienne. “Kung ganoon...bakit hindi niyo ako ginising?”
Ngumisi ang director. “Alam ko na darating si Mr. Aguillera pagkatapos ng pagbisita natin sa isla. Naisip ko lang na gumawa ng something funny. But not really funny. Romantic. Alam ko naman na mabait si Mr. Aguillera kaya hindi ka niya papabayaan. So sinubukan kong i-set up ka. Kayo. Iniwan kita sa isla para naman kahit papaano magkaroon ng kinang ang buhay mo. Mukhang gusto ka rin naman niya. Maganda iyon lalo na at palagi ka namin na inaalala. Ang tigas mo kasi, Julienne.”
Dahil sa dahilan ng boss, nag-resign si Julienne. It was a very lame excuse! Hindi niya mapapatawad iyon.
Naghanap si Julienne ng bagong trabaho. Dahil hindi naman in demand ang trabaho niya, nahirapan siya. Isama pa na hindi ba niya alam kung bakit pero nakakaramdam siya na parang may kung anong sumusunod sa kanya. Nagiging paranoid siya at inisip niya na nawawala siya sa sarili. Nitong nakaraan ay parang palagi rin siyang may sakit. Inaantok siya palagi at walang gana. Parang may mali sa kanya na hindi niya maintindihan kaya hindi siya makapag-concentrate. Pero luckily, nakahanap rin naman siya. Sa ngayon ay dalawang araw na siyang nagtuturo sa maliit pero mukhang maayos naman na ballet school na iyon sa Pasay.
Mababait naman ang bata, ganoon rin ang isang kasamahan na guro ni Julienne. Kaagad na nagustuhan niya ang mga tao. Na-welcome kaagad siya ng mga ito. Pakiramdam ni Julienne ay malapit na kaagad siya sa mga bata kahit dalawang araw pa lamang siyang nagtatrabaho.
May nakita na kaagad si Julienne na “bet” niyang estudyante kagaya ni Mylene. Pitong taong gulang rin si Precy at kagaya ng paborito sa LBSOM, napaka-sweet rin nito. Ngayong araw ay na-late ang sundo nito. Bilang teacher, kinailangan niyang isipin ang welfare ng kanyang estudyante. Hindi rin siya umuuwi hangga’t hindi pa nakakauwi ang lahat ng estudyante niya.
“Teacher, teacher! Puwede ba kita pakitaan ng sayaw habang nag-aantay?”
“Sure!” bibong sagot naman ni Julienne. Pagkatapos ng lahat, iyon naman talaga ang gawain niya: ang pagalingin at gabayan ang mga estudyante niya.
May sariling stage ang bagong school. Umakyat doon si Precy. Nagsimula itong magsayaw. Pinanood at patuloy na pinuri ni Julienne ang bata. Magaling naman talaga ito. Nag-enjoy rin ito sa pagsayaw. Naging engross na hindi na nito namamalayan ang lugar na sinasayawan.
Naging ganoon rin si Julienne. Sa tuwa niya sa pagsasayaw ni Precy, hindi niya kaagad napagbawalan ito na dulo na pala ng stage ang nasasayawan ng bata. Hindi niya napansin. Pero mabuti na lang at medyo malapit siya sa tapat ng bata. Bago pa man ito tuluyang nahulog ay nasambot niya ito. Pero dahil mabigat si Precy, sumadlak rin sila sa matigas na sahig.
Nanginig si Julienne sa naging sitwasyon. May naalala siyang pamilyar na eksena. Wala siyang naggawa noon. Kaya naman nang kaagad niyang tignan si Precy at makita na wala naman na kahit anong dugo at purong takot lang ang nakita niya sa bata ay nakahinga siya nang maluwag.
Niyakap ni Julienne ang bata. Naiyak siya. “Oh God, Julia...”
“Julia?”
Ano bang nangyayari sa akin? Tinignan ni Julienne si Precy. Puno ng pagtataka ang mukha nito.
“M-may naalala lang ako. I’m sorry...” napaiyak pa lalo si Julienne. Hindi man niya naggawang iligtas ang anak, at least, naggawa niya iyon kay Precy.
“I’m sorry rin, teacher. Baka po nasaktan kayo...”
Pinakiramdaman ni Julienne ang sarili. May naramdaman siyang kakaibang sakit sa kanyang puson pero hindi naman iyon ganoon kalala. Naggawa rin niyang sumunod kay Precy ng tumayo ito. Nakita nito ang Mommy nito na siyang susundo rito. Nakita rin nito ang eksena at nagpasalamat nang husto sa kanya sa ginawa niyang pagsambot sa anak.
Nakaalis na si Precy pero pakiramdam ni Julienne ay nanginginig pa rin siya. Hindi niya gustong makakita ng nahuhulog. Hindi man niya nakita ang mismong pagkamatay ng anak, ang term pa lamang na may nahulog ay nakakapagpaalala sa kanya ng masasakit na bagay. Pero hindi pa natapos ang paghihirap at panginginig ni Julienne nang makalabas siya at salubungin siya ng isang magarang kotse. Lumabas mula roon si Axel.
“Anong ginagawa mo rito?”
“You resign from your old job.”
Naningkit ang mga mata ni Julienne. “Pinaiimbestigahan mo ako?”
“I need to. Sinabi ko na naman sa `yo na kailangan natin na magkita pagkatapos ng isang buwan `di ba?”
“Anong---“ namutla at parang mas lalong sumama ang pakiramdam ni Julienne sa biglang naalala. Pinilit na niyang kalimutan ang pangyayaring iyon, ganoon rin ang maaaring maging consequence.
Tinitigan ni Axel si Julienne. “Are you pregnant or not?”
Sinubukang magpakatatag ni Julienne. “Kung ano man ang sitwasyon, you don’t have to feel responsible---“
Naputol ang pagsasalita ni Julienne. Napahawak siya sa kanyang puson. Nakaramdam na naman siya ng sakit mula roon.
“Julienne? What’s wrong?” napatingin si Axel sa hinahawakan niya. Hanggang parehong napatingin sila sa ibaba noon. Nanghina siya sa nakita.
“You’re bleeding!” Axel cried in horror. Mabilis na pinasakay siya nito sa kotse at sa pinaghalo-halong emosyon, wala ng naggawa si Julienne. Naramdaman rin niya na sa sobrang takot ay nawalan na rin siya ng malay roon.
HINDI mapakali si Axel. Nanginginig rin ang kanyang buong katawan habang palakad-lakad sa waiting lounge ng operating room. Ilang beses siyang napapikit at gusto na lamang mapasuntok sa pader. Paano kung may mangyaring masama kay Julienne?
Buntis ito pero hindi kagaya ng dati, mukhang maselan iyon. Dinugo ito. Ano ang nangyari at bigla na lamang ganoon? Ganoon ba talaga niya pinasama ang loob ni Julienne nang makita muli siya? Pero dapat ay inaasahan na nito iyon. Sinabihan niya ito na kailangan nila na magkita pagkatapos ng isang buwan. Kailangan niya ng confirmation. Pero kailangan ba na maging ganoon talaga maging paraan para malaman niya kung nagbunga nga ang nangyari ng gabing iyon?
“Sir?”
Namumutla pa rin si Axel nang lumabas ang Doctor mula sa operating room. Kahit maganda ang ngiti nito, hindi pa rin iyon nakatulong sa pag-aalis ng paninikip ng kanyang dibdib.
“Okay na po si Ma’am. Nagkaroon ng bleeding pero mabuti na lamang at naagapan. Mukhang malakas rin ang kapit ng bata. Siguro ay dahil sa may iniligtas pala siyang bata na nahulog kanina sa ballet school kung saan daw siya nagtatrabaho.”
Tinanggal ni Axel ang tinik sa lalamunan. “So she’s really pregnant?”
Tumango ang Doctor. “One month, according sa test na mga ginawa namin sa kanya.”
Tumango-tango si Axel. “And she’s awake?”
Tumango ang Doctor. “Puwede niyo na po siyang makausap at silipin. Ihahanda ko ang mga kakailanganin niyang gamot para mas ma-stabilize pa ang kondisyon niya. Maaari na rin naman siyang makalabas ngayong araw. Kailangan lang ng ilang araw na pahinga pero sa bahay ay maaari na iyong gawin.”
Nang makaalis ang Doctor, pumasok si Axel sa kinaroroonan ni Julienne. “How are you feeling now?”
Umiwas ito sa kanya. Hindi ito nagsalita. Tila pinaramdam nito ang galit sa kanya.
“Julienne, kausapin mo ako.”
Hindi pa rin ito nagsalita. Napabuntong-hininga si Axel.
“Alam ko na magiging mahirap ito. Pero dahil sa nangyari, dapat ay naisip mo na mas mahihirapan ka kung hindi mo pa rin ako pakikisamahan. Ako ang ama ng batang dinadala mo ngayon. Ulit.”
“Paano ka nakakasigurado? I can have every man in---“
Umiling si Axel. Pinutol niya ang pagsasalita ni Julienne. “Hindi ka ganoong babae.”
Hindi niya kailanman pinaghinalaan na maaaring iba ang ama ng anak ni Julienne. Kahit noong una nitong pinagbuntis si Julia. May tiwala siya rito kahit na ba hindi naman talaga pormal ang relasyon nila. Isa pa, siya ang nakauna rito. Ngayon ay ganoon rin. Saktong isang buwan rin ang ipinagbubuntis nito---panahon kung kailan may nangyari sa kanila.
Namayani ang katahimikan. Maya-maya ay nakarinig si Axel ng mga iyak. Lalong natunaw ang kanyang puso. Nanghina siya.
“I don’t want this baby. I don’t want to get pregnant again...”
“Julienne...” gustong-gusto niyang yakapin ang babae. Pero nang subukan man lang niya na hawakan ito ay naramdaman niya na ang panlalamig nito, hindi na niya sinubukan pa.
May kailangan na pasayahin na tao si Axel. Pero kung makikita naman niya ang pagdurusa ng taong kailangan niya para mapasaya ang taong iyon, nahiling niya na sana ay hindi na lamang sumagi sa isip niya si Julienne.
Sana ay hindi na lang rin inisip ni Axel ang kanyang sariling kaligayahan...
“I FEEL it, Axel. I’m dying...”
Nanikip ang dibdib ni Axel sa sinabing iyon ng kanyang Lolo Fidel. Sa taong ito ay pangatlong beses na itong na-ospital. Dahil matanda na at na-stroke pa, kung anu-ano ng sakit ang dumapo rito. Nagkaroon ng pneumonia ang Lolo niya ngayon na nakapagpahina nang husto rito. Naisip na rin naman ni Axel na maaari ngang malapit na ang oras ng kanyang Lolo. Pero masakit pa rin pala, lalo na kapag ang mismong tao na ang nagsabi noon sa `yo.
“Lolo...” niyakap niya ang Lolo. Ito na lamang ang kanyang natitirang pamilya. Hindi man sila ganoon kalapit sa isa’t isa, napakalaki pa rin ng utang na loob niya rito.
“Dahil dito, may gusto sana ako na ipagbilin sa `yo.”
“Anything,”
Matamang tinitigan si Axel ng abuelo. “Gusto ko sana na muling magkaapo.”
Parang mas lalong bumigat ang pakiramdam ni Axel sa narinig. “Sinasabi niyo ba na gusto niyo na magpakasal na kami ni Maya?”
Naipakilala na ni Axel ang girlfriend na si Maya sa Lolo. Pero kagaya ng pagtanggap ng Lolo kay Julienne, civil lang rin ito sa dalaga.
“Gusto mo ba na pakasalan at magkaanak talaga sa kanya?”
Naging unease si Axel. Hindi niya pa naiisip iyon at kahit ngayong isipin niya ay hindi rin maganda sa pakiramdam. Mabait naman si Maya. Wife material rin ito. Nagkakasundo sila sa mga bagay-bagay. Pero may kung anong puwersa ang pumipigil sa kanya para maging seryoso at i-level up ang relasyon nila. “Dalawang taon na rin naman kami.”
“Hindi iyon sapat. Dapat ay pakasalan at magkaroon ka lang ng anak sa taong gusto mo na makasama habang buhay.”
Nasira na ang relasyon namin ng babae na iyon. Paano pa?
“Susubukan ko, Lolo. Mukhang handa na rin naman si Maya.” Mahilig sa mga bata ang babae. “Pero ano ba ang dahilan kung bakit gusto niyo ito?”
Hindi mahilig sa bata ang kanyang Lolo. Si Julia ay minsan lang nito laruin noon. Minsan ay naiisip niya na dahil babae si Julia kaya ganoon. Ang gusto ng kanyang Lolo ay lalaki---kagaya niya. Mga lalaki daw kasi talaga dapat ang nagtatrabaho, ang magtutuloy ng kompanya kapag siya naman daw ang tumanda. Pero kung gender nga ang dahilan, bakit siya ay hindi rin naman nakaramdam ng lubos na pagmamahal sa abuelo?
“Hindi ko nagustuhan ang lagay mo ng mamatay si Julia. Naging malungkot ka. Naisip ko na magkaroon ng kahit man lang anak sa `yo ay makakapagpaayos ng buhay mo.”
Napangisi si Axel. “Espesyal rin pala ang tingin niyo sa akin para mag-alala kayo ng ganyan.”
“Nag-iisa kitang apo. Ikaw na lang ang pamilya ko. Mahirap ang mag-isa. Gusto ko na mag-settle down ka muli, kagaya ng nangyari sa `yo at kay Julienne noon. Kung hindi nga lamang namatay si Julia, malamang ay hindi ako mag-aalala at makakapagsalita ng ganito.”
Hindi na maibabalik ang nakaraan. Hindi na babalik si Julia at ganoon rin si Julienne. “Susubukan kong kausapin si Maya.”
Kinausap ni Axel ang nobya. Nagningning ang mata nito.Hinalikan at naglambitin ito sa kanya. “A-are you offering me to marry you?”
Nagulo si Axel. Kaya na ba talaga niya na pakasalan si Maya? Napakalaking desisyon iyon. Sinubukan niyang ilabas ang totoong damdamin. “Puwede bang hindi muna?”
“Anong sinasabi mo?”
“Gusto ko na magkaanak. Pero ang kasal---“ hindi matuloy ni Axel ang sasabihin. Alam kasi niya na maaaring sumama ang loob ni Maya roon.
Huminga nang malalim si Maya. “Okay. Naiintindihan ko. Uunahin muna natin ang baby.”
Ginawa nga nila. Umasa si Axel na magiging mabilis lamang ang lahat. Pagkatapos ng lahat, walang problema sa kanya. Napakabilis lamang nila ni Julienne na mabuo si Julia. Pero lumipas ang limang buwan, bigo pa rin sila ni Maya.
Nagpa-check up sila. Nakita na may problema si Maya. May problema ito sa ovary kaya hindi sila maaaring makabuo.
“I’m sorry, Axel. Pero sana sa kabila ng malaman mo ay manatili ka pa rin sa tabi ko. Mahalin mo pa rin ako.”
Mas lalong naging mabigat ang damdamin ni Axel. Mahalin? Hindi niya sigurado kung nararamdaman ba talaga niya iyon kay Maya. Dahil kung mahal niya ito, mabilis lamang dapat niya na maiisip ang salitang kasal rito. Hindi siya matatakot. Ganoon siya kay Julienne. Kapag nakikita niya ang kinabukasan niya kapag kasama si Julienne, napakaliwanag noon. Pero kay Maya ay madilim. Hindi nga rin niya makita.
Naging simula iyon ng gap sa pagitan nila ni Maya at sa huli, kahit magmukha siyang napakasamang lalaki ay itinigil na niya ang lahat. Hindi na rin naman niya kayang ipagpatuloy pa na lokohin si Maya. Napatunayan niya na hindi niya talaga ito mahal dahil hindi niya maggawang tanggapin ang isang masakit na katotohanan sa pagkatao nito.
DAHIL sa pagkaka-ospital, alas diyes na nakauwi si Julienne. Nagpumilit rin kasi si Axel na kumain siya. Sandaling nag-dinner pa sila bago siya umuwi. Pinakiusapan niya na kailangan niya ng umuwi at kung ano man ang kailangan pa nilang pag-usapan ay sa susunod na. Naging mahaba ang araw dahil sa kanyang nalaman. Napagod siya at naintindihan naman iyon ni Axel. Ang hindi nito alam, mararamdaman niya na mas mapapagod siya kapag nakauwi siya ng bahay.
Pero kailangan kong harapin dahil mas makakaya ko ito kaysa ang makasama pa siya nang mas matagal.
“Bakit ngayon ka lamang nakauwi?” madilim ang mukha ng kanyang Mommy nang makauwi siya at itanong iyon sa kanya. Katabi nito ang kanyang Daddy.
“Nag-dinner lamang po kami ng mga katrabaho ko.” Nuncang aaminin niya sa mga ito ang nangyari sa kanya.
“Nag-dinner? Tinawagan ko ang boss mo sa sobrang pag-aalala sa `yo! Walang dinner date na nangyari! Nauna siyang umuwi kaysa sa `yo.” ang Daddy ni Julienne iyon.
Pakiramdam ni Julienne ay isa siyang teenager na ginabi ng uwi. Pero ipagtataka niya pa ba iyon? Simula nang bumalik siya sa poder ng mga magulang ay naging mas higit ang paghihigpit ng mga ito sa kanya. Bagaman naggawa niyang kumbinsihin ang mga ito na hindi siya ang anak na magpapatuloy ng mga sinimulan nito sa negosyo, hindi sa lahat ng aspeto ay pinayagan siya ng mga ito. Mahigpit pa kaysa sa dati ang mga magulang niya. Hindi na gusto ng mga itong maulit ang naging nangyari sa nakaraan. Kapag nga may nalalaman ang mga ito na lalaking may gusto sa kanya ay todo bantay ang mga ito.
Mula ulo hanggang paa ay binigyan tingin si Julienne nang Mommy. Dumako ang tingin nito sa kanyang kamay. Lumapit ito sa kanya. Itinaas nito iyon. “Ano ito?”
Namutla si Julienne. Nakalimutan niyang alisin ang tag sa kanya kanina sa ospital!
Lumapit ang Daddy ni Julienne. Namutla rin ito nang makita kung para saan ang tag. “Na-ospital ka?”
“I-I---“
“For what reasons? Bakit hindi mo kaagad sinabi sa amin? Bakit nagsinungaling ka pa?”
Nag-iwas ng tingin si Julienne. “Hindi ko lang po gusto na mag-alala kayo...”
“Anong nangyari? Sino ang Doctor mo? Tatawagan ko! We should have known about this.”
“Nothing to worry about naman po---“
Hindi na pinatapos ng ina ang sasabihin ni Julienne. Kinuha nito ang bag niya. Mula roon ay naghanap ito ng ebidensya. Lumakas ang kabog ng kanyang puso nang makuha ng Mama niya ang reseta.
“OB-Gyne, vitamins?!” malakas na sigaw ng ina.
“Julienne!” parang aatakihin rin ang ama sa naisip na ibig sabihin noon.
“You’re pregnant again.”
“I’m sorry...” wala ng naggawa si Julienne kundi ang umamin.
“Sino ang ama?! Binigo mo na naman kaming bata ka! Napakakati mo!” parang kulang na lang ay sabunutan siya ng ina sa galit. Hindi niya ito masisisi. Dahil kahit pati rin naman siya ay nakaramdam ng galit.
Umiyak si Julienne. Inaasahan niya na mangyayari ang ganito. Pero hindi ngayon. Masyado pa na mahirap na tanggapin sa kanya para sabihin sa mga magulang.
“S-si Axel...”
Nasampal si Julienne ng ina. Tinanggap niya iyon. Pagkatapos ay umalis ito sa kanya. Umakyat ito sa itaas. Naiwan siya sa kanyang ama na napakadilim ng mukha.
“Hindi ka na nagtanda! Anong mayroon sa lalaking iyon at patuloy mo pa rin siyang binabalikan?!”
Sinubukang yakapin ni Julienne ang ama. Naging malamig ito. Itinulak pa siya. “I’m sorry, Daddy...”
“Ano ba ang kulang sa pagpapalaki naman at binigyan kami ng anak na kagaya mo?!”
Napakasakit ng mga salitang narinig ni Julienne sa mga magulang. Pero wala ng mas sasakit pa siguro nang bumaba ang kanyang ina. May dala-dala itong maleta. Ibinigay niya iyon sa kanya.
“Lumayas ka na sa pamamahay na ito!”
“Mommy...”
Dinuro siya ng ina. “You failed us once, Julienne. I couldn’t take the second time...”
“`Wag mo naman po gawin sa akin ito, Mommy.” Halos lumuhod si Julienne sa ina. Nang hindi siya pansinin nito, sa ama siya nakiusap. “Daddy...”
“Kapareho ng nararamdaman ng Mommy mo ang sa akin, Julienne. Hindi ko na rin kaya ang nangyaring ito. Mabuti na nga siguro na umalis ka na sa pamamahay na ito. Puro sakit lang naman ng ulo ang binibigay mo sa amin.”
Wala ng naggawa si Julienne. Ano bang mayroon sa araw na ito at tila inulan siya ng kamalasan? Nangyari ang isang bagay na hindi niya na gustong mangyari sa kanya at ibig sabihin lang rin ng pagbalik rin ng lalaking unang minahal at sinaktan siya. At ngayon, ang tanging mga tao na dapat na tumulong sa kanya ay itinaboy na rin siya sa buhay ng mga ito.
Saan hihingi ng tulong si Julienne? Wala siyang masyadong kaibigan. Ang pinakamalapit lamang sa kanya ay mga pinsan niya mula sa ama. Mababait rin naman ang mga ito. Siguro, kahit sa isa ay puwede siyang magpaampon rito at may mga magagandang trabaho. Kay Jazeel kaya? Kay Holly? Hah! Bahala na. Kung sino na lamang siguro ang masabi niya na pangalan ng pinsan sa driver ng taxi na masasakyan niya, doon na lamang siya pupunta.
Pero nang makalabas ng bahay ay may naalala si Julienne: may ginawa nga pala na pustahan sila ng mga pinsan kamakailan lamang. Hindi nila maaaring balikan ang nakaraan. Or else...may consequence. Iba’t iba ang kanila. Siya, dahil mahilig sa itim at hindi na muli nagsuot ng ibang kulay simula nang mamatay si Julia ay hindi na magsusuot ng itim kapag sumuway siya sa kasunduan. Hindi gustong baguhin ni Julienne ang sarili. Morbid na at palaging agaw atensyon siya, lalo na kapag masasayang kasiyahan ay naka-itim pa rin siya pero doon na siya nasanay. Gusto niya palaging ipaalala sa sarili na nagluluksa siya kaya palagi siyang nakaitim---kahit na ba limang taon na rin na wala si Julia.
Paniguradong magtatanong ang mga pinsan kung ano ang nangyari sa kanya. Maaaring masabi rin ng kanyang ama sa mga magulang ng mga ito at malaman ang katotohananan na nakipagbalikan siya sa nakaraan niya---kay Axel. Kung bakit ba naman kasi sa lahat pa ng lalaki, si Axel lamang ang nagbibigay sa kanya ng matinding damdamin na hindi niya matanggihan!
Lord, bigyan niyo po ako ng kahit kaunting liwanag. `Wag niyo naman po akong pabayaan... dasal ni Julienne habang palabas siya ng gate nila.
Nang makalabas sa gate, dininig ng Diyos ang dasal ni Julienne.
“Hop in.” It was Axel. Hinatid siya nito sa bahay. Ibig sabihin ba ay hindi pa rin ito umaalis?
Pero kung ano man ang mga dahilan nito kung bakit ito naroroon, hindi na pinahalagahan ni Julienne. Ayaw na niyang magpaka-choosy. Pagkatapos ng lahat, wala na siyang choice.
Kinonsidera ni Julienne na siguro nga, si Axel na ang pinadala nitong anghel sa kanya.