LUMIPAS pa ang araw. Naging tuluyan nang maayos ang pakiramdam ni Julienne. Nakakain na rin naman siya nang maayos at sinisigurado ni Axel na lahat ay tama. Nakakapagpahinga siya nang tama at nakakain siya ng tama. Pero pakiramdam ni Julienne ay iisang pagkain ang pinapakain sa kanya ni Axel: hopia. Puro na lang hope na nauuwi sa wala.
Nag-antay siya. Gusto niyang umasa na magsasabi si Axel. Pero sa bawat araw ay tila nawawalan na siya ng pag-asa. Isama pa ang pagkaalam na ng mga pinsan niya tungkol sa pakikipagbalikan niya sa lalaki. Apparently, nakita nga siya ni Valeen sa mall kahit sinubukan pa niyang nagtago. Galit na galit si Clover, ang pinsan niyang prangka at suplada. Hindi na daw dapat niya binalikan si Axel dahil minsan na siya nitong sinaktan. Ganoon ang pananaw ng pinsan. Pero masisisi ba niya ito at ang mga pinsan para magalit at napag-ugatan iyon ng kanilang pustahan? Pare-parehong sinaktan sila ng mga “past” nila. Nasaktan rin naman si Julienne pero naisip niyang mas maayos na mag-move on na lamang siya.
Hindi pinansin ni Julienne ang mga pinsan na nagalit. Pagkatapos ng lahat, naramdaman niya na hindi si Valeen. Ipinagtataka niya kung bakit samantalang nang gawin nila ang pustahan ay determinado ang lahat. Ganoon rin ito. Pero hindi na lang niya ganoong iniisip dahil pabor naman iyon sa kanya.
At least, may susuporta sa akin.
Sa kabila ng mga reaksyon, ipinagpapatuloy pa rin ni Julienne ang pag-asa. Mahirap at iyon nga, nawawalan na siya ng pag-asa. Pero sadya yatang matindi ang damdamin niya sa lalaki. Kahit ngayon na nagsisimula na ang pagiging abala ni Axel, nag-aantay pa rin siya.
Ayon kay Axel, hindi pa naman ito pumapasok sa trabaho. Pero panay ang paalam nito na lalabas. Hindi na siya nito sinasama. May inaasikaso lang daw kasi ito. Kapag lumalabas naman ito ay palagi pa rin siyang tinatawagan. Pero iba pa rin pala talaga ang pakiramdam na umaalis ito at hindi niya sigurado kung saan pumupunta. Hindi naman niya gustong isipin ni Axel na nakikialam siya kaya hindi na rin naman siya nagtatanong.
Sabado ng hapon ay bihis na bihis si Axel. Hindi na niya napigilan na sumimangot at malukot ang mukha. Pang-limang alis na iyon ng lalaki sa linggo na iyon.
“O, bakit `di ka pa bihis? Masama ba ang pakiramdam mo?”
Kumunot ang noo ni Julienne. “Anong sinasabi mo? Wala ka namang sinabi na aalis tayo.”
“Ha? Hindi ko ba nasabi sa `yo?” nagkamot ng ulo si Axel. “Well, kasalanan mo rin. Nakalimutan mo. Birthday ni Lolo ngayon...”
“Oh...” nagulat si Julienne. Hindi nga niya naalala. “You’ll bring me there?”
“But of course!”
Nakagat ni Julienne ang ibabang labi. “A-alam na ba niya ang kondisyon ko?”
Tumango si Axel. “Hindi ko naman kayang magtago sa kanya ng lahat. And I don’t think kailangan na itago ang bagay na ito. He’s happy actually. And I hope you’ll indulge with this. Lolo Fidel is---” huminga nang malalim si Axel. “He’s actually dying...”
“Oh...” biglang naawa si Julienne. Naalala nga niya na napabalita na nagkasakit si Lolo Fidel ilang taon na ang nakakaraan. Na-stroke ito at nagpahina iyon sa matanda.
Pumayag si Julienne. Pagkatapos ng lahat, hindi man ganoon ka-memorable ang karanasan niya sa matanda, ay naging parte pa rin ito ng buhay niya. Pagdating sa party ay sinalubong si Julienne nang isang magarang party. May mga tao rin roon. Mabuti na lang at nagbihis siya ng formal.
Pinuntahan kaagad nila si Lolo Fidel pagkarating. Binati at mukhang hindi naman nagsisinungaling si Axel, masaya si Lolo Fidel nang makita siya.
“I-ilang buwan na?” wika nito, nakatingin sa kanyang tiyan. Medyo hirap na itong magsalita. Pero mahahalata ang kasibikan sa mukha nito.
“Almost two months na po...”
Hinawakan nito ang tiyan niya. “I wish you to be healthy baby.”
“A healthy baby boy?”
Tinaasan siya ng isang kilay ng matanda. “I don’t have gender preferences.”
“You have. With Julia.”
“At pinagsisihan ko iyon.” Umiling-iling ang matanda. “Dapat ay minahal ko si Julia nang husto. Nilaro ko palagi. Kung alam ko lamang... I’m so sorry...”
Inalo ni Axel ang abuelo. “It’s all in the past now.”
“Masyado kang nasaktan ng trahedya kay Julia.”
“At mas lalo akong masasaktan kung pati kayo ay ganito pa ang lagay. Please just be happy, Lolo. Don’t think about the past. A past that will just made you feel sad. Birthday niyo pa naman.”
“I know...pagkatapos ng lahat, this is the night that will start of a good future, right?” naging maganda ang ngiti ng matanda.
Pinandilatan ni Axel ang matanda. Natawa naman ito. Bahagyang napakunot noo si Julienne. Hindi niya na-gets ang sinabi ng matanda.
May tumawag kay Axel. Naiwan sila ng matanda. Kinausap muli siya nito. “Sana ay maabutan ko pa ang apo ko.”
“`Wag po kayo na mawalan ng pag-asa.”
Ngumiti ito. “Gusto ko na sinasabi mo `yan. Dahil masaya rin ako na magkaroon kayo ng pag-asa ni Axel. Sabi na nga ba, babalik at babalik rin siya sa `yo...”
Namula si Julienne. Ganoon nga ba? Bumalik na nga ba talaga sa kanya si Axel?
Oo, bumalik siya sa `yo pero kagaya pa rin ng dati. Wala siyang sinasabing mahal ka niya.
Malaki na si Julienne ngayon. Kung dati ay pumayag siya na hindi sinasabi ni Axel ang mga salitang iyon, hindi na ngayon. Isa pa, ni pag-alok nga ng kasal ay wala siyang nakukuha mula rito muli. Paano ba niya masasabing bumalik talaga si Axel? Bumalik ito pero hindi siguro for the better.
May nagsalita sa microphone. Inisip ni Julienne na magsisimula na ang party para sa matanda. Birthday nito. Kaya naman nagulat siya nang siya ang tawagin ng sa tantiya niya ay host.
“What? Bakit ako?” nagtatakang tanong pa ni Julienne. Ngumiti lamang si Lolo Fidel. Napilitan siyang pumunta sa harapan. Nagniningning ang paligid at tila ganoon rin ang mata ng mga tao.
Pinalitan ni Axel ang host. Lalong nagtaka si Julienne. Pumainlang ang love song sa paligid: It was the popular Grow Old With You.
“Ano ba ito, Axel? Akala ko ba ay birthday ng Lolo mo?” tanda niya ang kaarawan ni Lolo Fidel ngayon. Pero kung ganito ang nangyayari, para sa Lolo ba talaga nito ang party?
“I-I know but...” tila kinakabahan si Axel. Lumapit ito sa kanya. Tumingin ito sa mga tao. Nang sumigaw ang mga ito ay nagpatuloy si Axel. “Mamaya na ako magpapaliwanag. I just want you to listen, all right?”
Naguguluhan man ay tumango si Julienne. “Go on...”
Umiling si Axel. “Just listen to the song...”
I wanna make you smile whenever you're sad
Carry you around when your arthritis is bad
All I wanna do is grow old with you
I'll get your medicine when your tummy aches
Build you a fire if the furnace breaks
Oh it could be so nice, growing old with you
Nangangalahati pa lamang ang kanta ay napaiyak na si Julienne. “Anong ibig sabihin nito?”
Lumuhod si Axel. May inilabas itong kahon ng singsing mula sa bulsa nito. Itinuloy nito ang kanta.
I'll miss you
Kiss you
Give you my coat when you are cold
Need you
Feed you
Even let you hold the remote control
So let me do the dishes in our kitchen sink
Put you to bed if you've had too much to drink
I could be the man who grows old with you
I wanna grow old with you
Lalong naiyak si Julienne. Iyon ang unang beses na narinig niyang kumanta si Axel! His voice wasn’t that good pero iisipin pa ba niya iyon kung from the heart naman ang kinakanta nito?
Kinuha ni Axel ang kamay niya. “Grow old with me, Baby Yen...”
Hindi tinanggi ni Julienne ang kamay. Pero bago pa man maisuot ni Axel ang singsing, sinubukan niyang alisin ang mga bumabagabag sa kanyang isip. “B-bakit ginagawa mo ito?”
Natigil si Axel. Tumayo ito mula sa pagkakaluhod. “Gusto mo pa ba na i-elaborate ko kung bakit?”
“H-hindi naman. I-I just want to know the real reasons why.” I just want you to say that three magic words called I love you.
And so he did.
“I love you. No matter how many years we’re apart, I will always come back to you...”
Sa pinaghalo-halong emosyon ay napayakap siya kay Axel. Pakakasalan siya nito hindi dahil sa bata! Mahal siya nito! “Oh, Axel. I love you, too.”
Bahagyang kumalas si Axel ng yakap kay Julienne. “Ganoon kadali?”
“What? Ayaw mo ba?”
“N-no. It’s just that, alam kong mahihirapan ako. Kaya nga kinakabahan ako.” Nakahinga nang maluwag si Axel. Napasipol rin ito. “Pinaghandaan ko nang husto pero hindi ko inaasahan na ganito ka-worth it.”
So iyon pala ang dahilan kung bakit ito umaalis. Pinaghandaan nito ang event. To think na nainis pa si Julienne sa lalaki at nag-isip ng kung anu-ano.
Sumigaw si Axel. “She loves me! She loves me, too!”
Natatawang tinampal ni Julienne ang dibdib ni Axel. “Keep calm. Kaya pala palagi kang naalis...”
“Yeah. Pinaghahandaan ko ito. Mabuti na lang malapit lang ang birthday ni Lolo kaya puwede kong sabihin na surprise. But well, mas ako ang na-surprise. Inaasahan ko na mahihirapan ako. I know you hate me, Yen.”
Huminga nang malalim si Julienne. “Iyon rin ang nasa isip ko. But every day I spent with you, tila nag-grow iyon sa love. No, nawala pala ang galit. Dahil hindi na kailangan na mag-grow. Nanatili ang damdamin sa puso ko. I may hate you, get angry with you but I still love you. I will always love you.”
Napakadali pa ng mga araw para masabi at mapagtanto ni Julienne. Pero hindi na siya magtataka at pinoproblema iyon. Napaka-powerful ni Axel sa kanya. Nang una nga sila muling nagkita at nagkasama ay naapektuhan na siya. Paano niya mapipigilan ang damdamin kung sa loob ng mga linggo ay walang dahas na ginamit si Axel kundi ang ipakita ang pag-aalaga nito sa kanya? Na espesyal siya rito? At ngayon ay mahal siya nito...
Hindi na tatanggihan ni Julienne ang grasya. Hindi na rin niya gustong patagalin pa ang lahat. Kay tagal niyang inantay ang mga salitang iyon mula kay Axel. Ayaw na niyang magpakipot pa.
NAKUMBINSI rin ni Julienne si Axel na huwag na siyang alagaan na parang sanggol. Tatlong araw pagkatapos nitong mag-propose sa kanya ay pumasok na ito sa trabaho. Medyo nanibago si Julienne dahil nasanay na siya sa tabi nito pero tiniis niya. Gusto rin naman niya iyon. Malaki ang responsibilidad ng fiancé sa Aguillera Holdings at gusto niyang intindihin iyon. Pagkatapos ng lahat, kahit naman kasi nasa trabaho ito ay hindi niya maramdaman na napapabayaan ito. Parang wala rin ito sa malayo dahil oras-oras siya nito kung tawagan.
Wala na rin naman na dapat ipag-alala sa lagay ni Julienne. Lubos na maayos na ang pakiramdam niya, pang-pisikal at ganoon rin ang emosyonal. Masaya na siya na malaman na mahal siya ni Axel. Hindi pa man ganoon kaayos ang tungkol sa kanyang mga magulang ay hindi na niya muna gustong isipin. Sobra-sobra na ang sakit ng nakaraan kaya deserved naman siguro niya na huwag muna iyong pakaisipin at hayaan na lamang ang sarili na sumaya kahit papaano.
Ngayong araw, dahil naiinip na nasa bahay lamang siya ay sinubukan ni Julienne na gumala. Napag-usapan na naman nila ni Axel ang tungkol sa trabaho niya. Hindi naman nito minasama kung gustuhin man niya na magtrabaho. Susuportahan naman raw siya nito basta ipangako lang raw niya na ingatan niya ang sarili. Pero si Julienne na mismo ang humiling na huwag na muna na ituloy iyon. Mahal niya ang trabaho niya pero mas mahal niya ang anak na nasa sinapupunan. Kahit may pagkakataon na nagalit siya sa kondisyon ay pinagsisihan na niya iyon at ipinangako na lamang sa sarili na iingatan ang anak sa sinapupunan. Medyo nakakapagod kasi ang trabaho niya at natakot siya na baka sa pamamagitan noon ay malagay na naman sa alinlangan ang kondisyon ng bata sa tiyan niya at pati na rin sa sarili niya. Bilang ballerina, madalas rin siyang nadudulas o kaya ay nahuhulog kaya risky rin kung ipagpapatuloy niya.
Lumipat na sila Julienne at Axel ng bahay. Nanatili pa rin ang bahay na binili nito para sa kanila dati. Pero dahil nanatili na maayos iyon ay wala rin naman siyang aasikasuhin roon. Wala siyang pagkakaabalahan. Nang magpaalam siya kay Axel ay pumayag naman ito. Pero sinabi ng lalaki na hindi siya nito masasamahan. May importanteng meeting ito. Ayos lang naman iyon sa kanya. Gusto lang talaga niyang makalabas.
Naglibot-libot si Julienne sa department store ng mall. Ang gusto sana niya ay bumili ng damit para sa sarili. Hindi niya gaanong nagustuhan ang mga magagarbong damit na binili ni Axel sa kanya. Kahit kasi mga pambahay ay nagmumukhang pang-alis. Aanhin ba niya ang ganoon samantalang wala naman na bumibisita sa kanya? Wala siyang masyadong ginagawa sa bahay. Gusto niyang bumili ng simpleng damit. Pero sa halip na sa woman’s section ay hinila siya ng mga paa sa toddler’s section.
It felt nostalgic being there. Naalala niya ang mga panahon na kapag pumupunta sa mall ay doon lamang siya tumatambay. Palaging si Julia ang nasa isip niya. Ito ang ipinamimili niya.
Nakaramdam ng haplos sa puso si Julienne. Napahawak siya sa kanyang tiyan. Wala man si Julia pero naroroon na ang bagong sanggol sa sinapupunan niya. Binigyan siya ng pag-asa, silang dalawa ni Axel. Hindi talaga niya pinagsisihan na pakawalan na ang damdamin niya kay Axel. Hindi na rin siya nagduda. Masaya siya. Para rin naman iyon sa anak niya. Siguro ay magiging masaya rin ito kapag nalaman nitong maayos na sila ng ama nito.
Nagdesisyon si Julienne na sa toddler’s section na lamang maglibot. Natagpuan niya ang sarili na namimili na rin. Pero hindi niya ganoon maramdaman ang pagkaaliw nang maramdaman niya na parang may sumusunod sa kanya. Paano kasi ay kada-punta niya sa bawat stall ay naroroon na rin ito maya-maya. Medyo alarming dahil wala naman itong binibili.
Nang bahagyang makalapit sa kanya ang babae, doon sumubok na pakainin ni Julienne ang kuryosidad niya. Kinausap niya ito.
“Hi! Future mother ka rin ba?” nginitian ni Julienne ang babae pero nang tuluyan na humarap ito sa kanya ay nakaramdam siya ng inis. Hindi niya alam kung bakit. Pakiramdam kasi niya ay pamilyar sa kanya ang babae. Hindi nga lamang niya maalala kung saan niya nakita.
Dumilim ang mukha ng babae. Naniningkit ang mata nito. Pero maya-maya ay kumalma rin naman. “Ah, nagtitingin-tingin lang ako para sa pamangkin ko. Ikaw ba?”
Tumango si Julienne.
Bumalik muli ang masamang reaksyon ng babae. “So totoo nga.”
Kumunot ang noo ni Julienne. “Anong totoo? Magkakilala ba tayo? Kilala mo ba ako?”
Tumingin ito sa tiyan niya. Nagngitngit ang ngipin nito. “Napakawalang hiya ni Axel...”
“S-si Axel?” Teka, kaya ba pamilyar sa kanya ang babae ay dahil may kinalaman ito kay Axel? Nasa party ba ito o something? Pinakatitigan niya ang babae at doon siya nagkaroon ng hint kung sino ito. Minsan na niyang nakita ito na kasama si Axel sa isang article sa diyaryo. Sinabi roon na ito ang nobya ni Axel. It was Maya Punzalan---a local yet famous fashion designer. Ito ang madalas na gumagawa ng mga outfits ng mga local celebrities.
So she was back. Wika ng isang bahagi ng isip ni Julienne. Gusto niyang mapailing. She’s back? Bumalik nga ba o sadyang nasa background talaga ito? Hindi niya alam kasi hindi siya nagtanong. Nakalimutan na niya. Masyado siyang nagfocus sa galit niya kay Axel. Masyado rin siyang nagfocus sa sinabi nitong nararamdaman nito na sinabi sa kanya.
“Hindi mo ba ako nakikilala, Julienne? I’m Maya. Axel’s ex,” nawala ang kaba ni Julienne nang sabihin iyon ni Maya. Hindi naman pala siya nang-aagaw. Wala na ang dalawa.
“Yes. Pero ano ang sadya mo? Ramdam ko na sinusundan mo ako.”
Tumango ito. “It’s because of Axel....and also para na rin sa `yo. Para balaan ka sa sakit na mararamdaman mo kapag nalaman mo ang tunay na pakay sa `yo ni Axel. I heard you are marrying him. Engaged na kayo.”
“Look, I know kung bakit ka ganito. May nakaraan kayo ni Axel at bitter ka lang siguro---“
Nanlisik ang mata nito. “Bitter na kung bitter! Pero how can’t I be kung sinaktan ako nang ganito ni Axel? Pagkatapos niyang malaman na hindi ako maaaring magkaanak ay nakipaghiwalay siya sa akin!”
Kumunot ang noo ni Julienne. Anong mayroon? Hindi magkakaanak? Nagpaplano ba ang mga ito dati? Pero hindi naman siguro ganoon kasama si Axel para iwan ito kung may mali pala rito. “Hindi naman siguro ganoon---“
“Ganoon iyon!” nakakaagaw na ng atensyon ang pagsigaw ng babae. “Can’t you see, Julienne? Bakit ka bigla-biglang binalikan ni Axel?”
“M-mahal niya ako at siguro ay noon lang niya napagtanto iyon.” Shit, ganoon nga ba?!
Gustong sabunutan ni Julienne ang sarili. Bakit ang bilis na nawala ng galit niya kay Axel? Bakit hindi niya naisip na parang may mga loopholes yata sa nangyayari sa kanila? Hindi niya ito tinanong kung bakit bigla na lamang itong sumulpot sa buhay niya. Hindi niya naisip. May sagot man ang nangyaring pagkakakulong nila sa Isla Azul. Pero ang pag-sponsor ni Axel sa LBSOM? Hindi ba at sinabi ng direktor na siya raw ang tinanong nito?
Malamang ay may pakay si Axel sa kanya. Pero ano iyon? Kailangan ba niyang ipangamba ang lahat?
“Mahal?! Hindi marunong magmahal si Axel. Naging karelasyon ko siya sa loob ng dalawang taon pero ni isang beses ay ni hindi niya ako sinabihan ng ganoon...”
“Then poor you!” nilakasan ni Julienne ang loob. May advantage naman siya.
“Poor me?” umiling-iling si Maya. “It’s you, Julienne. Poor you dahil ginagamit ka lang niya!”
“Bakit ako maniniwala sa `yo? Paano ako gagamitin ni Axel?”
“It’s because of Lolo Fidel. Alam mo na naman siguro na masama na ang lagay ng matanda `di ba? Of course, may mga huling habilin siya. And that is for Axel to have a child again. Kaya ka lang niya pinakikisamahan dahil magkakaanak na kayo!”
“Hindi...” nawala ang lakas ng loob ni Julienne. Hindi ba at naisip na rin naman niya na kaya siya pinakikisamahan ni Axel dahil sa dinadala niyang bata? Ganoon rin noong nangyari kay Julia.
History couldn’t be so cruel. It cannot repeat itself. Not this time...
“Totoo iyon. Do you know what happened between us? Iniwan ako ni Axel nang malaman niya na hindi ako magkakaanak. We tried you know. For months...pero nang walang nangyari, hinanap ka niya. Kinailangan ka niya. It’s just that.”
Nagulat si Julienne. “Axel couldn’t be that cruel....”
Umismid ang babae. “Iyon rin ang akala ko. Axel was a good man, hanggang sa iwanan niya ako. Sobrang sakit ng ginawa niya sa akin. So if you think that I am villain ruining all of this happily ever after you have in your mind, don’t think and feel so. Iniligtas lang kita sa sakit na maaaring gawin niya sa `yo.”
Umalis na si Maya. Naiwang nakatanga si Julienne. Gulat na gulat pa rin siya. Kung totoo nga ang sinabi ni Maya ay napakasakit nga noon sa babae. Napakasama ng ginawa ni Axel.
Mahal niya si Axel at dapat ay tanggapin niya ang lahat rito. Gusto rin niyang magtiwala sa pagmamahal na sinasabi nito sa kanya. Pero sa mga narinig ngayon, naging malaki ang pagdududa ni Julienne.
Bakit nga ba siya binalikan ni Axel? Bakit nito naggawan ng masama si Maya? May plano at pakay nga ba ang pakikipagbalikan nito sa kanya? Totoo ba ang lahat ng sinabi nito na mahal talaga siya nito at hindi lang siya sinusuportahan para sa bata?
May mga posibilidad ang lahat ng pasabog ni Maya. Hindi niya sigurado kung ano ang nangyari rito at kay Axel. Ang tungkol kay Lolo Fidel ay mas lalo lang nagkaroon ng katbiyan. Hindi na kagaya ng reaksyon ni Lolo Fidel ang dati nang malaman na buntis siya. Mukhang sabik ito at hinihiling nga iyon. Masaya ito. Sabik.
Gusto ni Julienne na maging malinaw para sa kanya ang lahat. Pero mas gusto muna niya na makapag-isip at maging malinaw ang isang tanong at sitwasyon.
Magagawa ba niyang mahalin si Axel sa kabila ng mga masamang nalaman rito ngayon?