PUPUNGAS-PUNGAS na dumulog sa malawak na dining table si Riva. Siya ang huling dumulog sa pagtataka ng lahat. “Good morning,” bati niya.
“Himala. late ka yatang nagising, anak,” anang mama niya nang halikan niya sa pisngi saka nangingiting lumingon sa kay Estrella. “Ngayon lang siya tinanghali ng gising. Alas singko pa lang ng umaga gising na iyan.”
Paano siya magigising nga alas singko samantalang pagising-gising siya at naiisip agad niya si Arice. Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na naiisip lang niya ito dahil sa plano nila na huwag matuloy ang kasal nina Estrella at ni Ernest. The kiss had nothing to do with it. Pero parang tukso naman na paulit-ulit bumabalik sa isip niya ang halik nito. Ang resulta, wala siyang matinong tulog.
“Hindi po maganda ang panaginip ko.” Tipid siyang ngumiti. “Pero okay naman po ako. Babawi na lang siguro ako ng tulog mamaya.”
“Baka naman puro trabaho na naman ang iniisip mo,” anang si Ernest. “Kukumpiskahin ko ang cellphone mo kapag nalaman ko na tinatawagan mo pa ang mga tauhan natin. Nagbilin na ako sa kanila na kapag importanteng-importante lang saka ka tawagan. Gusto ko i-consider mo ring bakasyon ito.”
“Don’t worry, Kuya. Wala akong ibang gustong gawin ngayon kundi magpahinga, mamasyal at tumulong sa pag-aasikaso ng kasal ninyo,” aniya at tipid na ngumiti. At gusto rin niyang mag-focus sa mga plano nila ni Arice. Anong oras ba ito dadating? Excited na siyang malaman kung effective ba ang plano nila.
“Damihan mo ang sinangag,” sabi ni Renzie. “The best ang sinangag ni Ate Estrella. Naku! Kaya siguro mahal na mahal siya ni Kuya Ernest dahil magaling siyang magluto. Parang gusto ko ring magpaturo para sagutin na ako ng crush ko. Sawa na kasi akong mabasted.”
“Mahilig kamo siya sa paella. Ako ang bahala,” sabi ni Estrella.
"Señorita, nandiyan po si Arice," anang kawaksi nitong si Pinay.
Biglang tumayo si Estrella na parang naalerto nang marinig ang pangalan ni Arice. "Ano daw ang kailangan niya?"
Patay-malisya lang siya habang kumakain. Di niya pinansin ang pagkibot ng labi niya. Asif it was responding to the man who kissed her last night.
Forget about the kiss. Kailangan niyang ituon ang atensiyon kay Estrella.
Ngayon ay mas malinaw na sa kanya ang mga reaksiyon nito kapag nababanggit si Arice. Apektado pa rin ito. Magandang senyales iyon. Posibleng may pagmamahal pa rin ito kay Arice.
Tumayo si Renzie. "I am sure ako ang kailangan niya."
"Si Ma'am Riva daw po ang kailangan niya," sagot ni Pinay.
"A-Ako?" kunwa'y gulat niyang tanong at marahang tumango. It was scripted, of course. Pero bakit mabilis ang tibok ng puso niya?
"Riva, sabihin mo sa kanya na saluhan tayong mag-agahan," magiliw na sabi ni Ernest. "Gusto ko siyang pasalamatan dahil tinulungan ka niya kahapon."
"Yes, Kuya," aniya at binigyan ng sulyap si Estrella. Nakayuko itong kumakain. Gusto niyang makita ang itsura nito kapag nakitang kasama niya si Arice. Lalo naman kapag sweet na sila sa isa't isa.
Kakaibang sigla ang naramdaman niya nang makitang nakatayo sa may arko ng patio si Arice na nakaharap sa hardin. Nakangiti itong humarap sa kanya. "Hi! Good morning!"
"Hi!" simpleng bati lang niya. "Uhmmm...nandito ka para sa mga itik?"
How could he look so good? Parang pagkasarap-sarap ng tulog nito. While she felt worn out and bothered thinking about him. That was not fair.
"No. Nandito ako dahil gusto kitang makita. Mukhang hindi ka nakatulog sa kaiisip sa akin," sabi nito at masuyong hinaplos ang ilalim ng mata niya.
Nahigit niya ang hiningi. Alam niyang palabas lang ang lahat pero nagugulat pa rin siya. She didn't expect that he would act so sweet and amorous. He was good. Kundi niya alam ang plano, siya mismo ay maniniwalang interesado ito sa kanya. "Gusto ni Kuya Ernest na sumabay kang mag-breakfast para makilala ka niyang mabuti."
"Gusto mo rin ba na magkakilala tayong mabuti?"
Iniikot niya ang mga mata. "Gusto ko lang na ituloy ang breakfast ko," aniya at hinaplos ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Nakakailang kasi ang titig nito. As if he wanted to eat her for breakfast.
"Sige," sabi nito at may dinampot na basket.
"Ano iyan?" tanong niya at pasimpleng sinilip.
"Suhol," bulong nito at di na siya nakapagtanong pa dahil malapit na sila sa dining area.
Natahimik ang lahat at agad natuon sa kanila ang paningin ng lahat. "Si Arice po. Arice Braganza. Siya po ang tumulong sa amin ni Renzie kahapon."
He charmed her mother and sister right away. Kahit si Renzie na parang may tampo dito ay ngumiti ulit nang batiin nito.
"Ernest Miletto," pagpapakilala ng pinsan niya at kinamayan ito. "Salamat sa pagtulong kay Riva at Renzie. Sana naman hindi ka niya masyadong pinahirapan. Madalas kasi hindi siya humihingi ng tulong. Naiinsulto siya lalo na kapag hindi siya ang nakaka-solve ng problema niya."
"Kuya, it's my problem so it's my responsibility," katwiran niya.
"I was able to persuade her. Hindi nga lang ganoon kadali. Pero na-realize niya na minsan kailangan din niya ng tulong ng iba," kwento naman nito.
"And I am forever grateful for that lalo na't iniligtas mo rin ang buhay ko," aniya at ngumiti.
"Aba! Hindi ko yata alam iyan," angal ni Renzie.
"Nakikipagtalo pa siya sa akn nang patawid kami. Muntik na siyang mahagip ng sasakya. Good thing I pulled her back," anang si Arice. "Saka lang siya tumahimik."
Nagtagpo ang mga mata nila ng ilang sandali dahil naalala niya ang pagkakataong iyon. Parang tumigil ang mundo dahil muntik na siyang mamatay sa pangalawang beses at napansin niya ang mainit na katawan ni Arice na nakayakap sa kanya. His scent was etched in her memory.
"Kung ganoon kumain ka ng kumain," sabi ng mama niya at siya pang nagsilbi kay Arice. "Alam mo ba na walang boyfriend ang anak ko? Available iyan."
"Ma," angal niya dahil parang isda siyang inilalako.
"Nandito ka ba para sa mga itik ni Lolo Taboy na nasagasaan niya?" tanong ni Estrella sa may kapormalang boses.
"No. Gusto ko sanang yayaing mamasyal si Riva kung pwede."
"Of course," sagot agad niya. Natigilan siya dahil parang sobrang excited ang dating niya. Gulat na gulat ang lahat at biglang natahimik ang mga ito.
Kahit siya ay nagulat sa sarili. She sounded like a teenager who was excited on a date. Samantalang kapag ipinagpapaalam siyang mag-date ng ibang lalaki ay sinisimangutan agad niya at sinasabihang busy siya.
Inisip na lang niya na subconsciously ay parte iyon ng plano niya kaya alam niya agad ang isasagot.
“Kung walang problema sa anak ko, okay na okay sa amin na mag-date kayo,” sabi ng mama niya. “Kahit hindi mo na iuwi. Di nga lang iyan marunong ng gawaing-bahay pero matalino naman ang anak ko.”
Pinanlakihan niya ng mata ang ina nang marinig niya ang hagikgik ng kapatid niya. “Ma, mamamasyal lang. Di pa ako magpapakasal.”
“Ano pang hinihintay mo, Ate? Maligo ka na at nang maayusan kita,” excited na sabi ng kapatid niya saka bumulong. “Huwag mo nang palagpasin ang ganyan kaguwapo. Baka agawin ko pa sa iyo iyan.”
Napahiya naman siya na ipinagdiinan nitong di pa siya naliligo. Pinunasan niya ng napkin ang labi at tumayo. “Excuse me. Magsa-shower lang ako.”
Hindi siya excited sa date nila. Excited siya sa plano nila.