Ngayon ay malinaw na ang lahat. Si Estrella ang mahal nito. Ang swerte naman ng babaeng iyon dahil maraming lalaking haling na haling dito. Gusto na nga niyang tanungin kung anong gayuma ang ipinapakain nito sa mga kalalakihan.
“Anong ginagawa mo dito sa kuwarto niya?” may halong akusasyon na tanong nito na parang sinadya niyang makipagpalit kay Estrella ng kuwarto para siya ang mahalikan nito.
Bumangon siya at sumandal sa kama. Ito naman ay nag-Indian sit di kalayuan sa kanya. Hindi siya natatakot dito. Tutal kaya naman niyang protektahan ang sarili. Isa pa, mukhang marami siyang interesanteng impormasyon na makukuha dito. Kakalimutan na lang niya na hinalikan siya nito kanina. Sabi nga nito, no big deal ang halik na iyon.
“Dito niya ako pinatulog sa kuwarto niya. Nagkukwentuhan sila sa guestroom para sa girl bonding nila at gusto ko namang magpahinga.” Pagkakataon naman niya para magtanong. “May relasyon ba kayong dalawa?”
Kung niloloko ni Estrella ang pinsan niya at may relasyon pa ito sa ibang lalaki na obviously ay nagmamahal dito, pagkakataon na niya ito para hindi matuloy ang kasal.
“Dati,” matipid na sagot nito.
Tumaas ang kilay niya. “Dati?”
“Ages ago. Mga bata pa kami noon. Eighteen kami pareho. Pinaghiwalay kami ng mga magulang niya dahil… hindi daw ako bagay sa anak nila. Saka ipinakasal siya sa lalaking galing sa mayamang angkan.”
“And now you are back.”
“I love her still and I am willing to marry her.”
HUmalukipkip siya. “Malapit na silang ikasal ng pinsan ko.”
“So what? Kaya ko nang bayaran ang Villa del Carmen kung iyon ang inaalala niya. May pera na rin ako ngayon. Di man siguro ako kasing yaman ng pinsan mo pero may sinasabi na rin ako ngayon,” anitong may pagmamalaki sa boses. “Pamilya lang naman ni Estrella ang ayaw sa akin. It just so happen that your cousin is more suitable.”
“Suitable?”
“Galing siya sa isang disenteng pamilya. May pangalan ang pinanggalingang pamilya. Not someone with a trashy background like mine.”
Mahabang sandali siyang di nakapagsalita dahil nararamdaman niya ang sakit na pinagdadaanan nito. Naikwento na ni Estrella kanina ang pinagmulan nito. Humahanga siya sa mga taong mahirap ang pinagdaanan sa buhay at nagtagumpay sa huli. Ngayon ay mas naiintindihan na niya ang background ng mga del Carmen. At sa character ni Estrella, posibleng sunud-sunuran ito sa nanay nitong mukhang pera. Nasa itsura naman nang ipakilala sa kanila dati during family dinner. Hilig nito ang magaganda at mamahaling mga bagay. Ngayon nga ay nasa Hong Kong pa ang nanay at kapatid ni Estrella gamit ang credit card ng Kuya Ernest niya.
“Bahala ka kung gusto mo akong isumbong sa pinsan mo,” anito sa matatag na boses. “Hindi pa rin ako susuko kay Estrella. Baka wala na akong pagkakataon sa susunod para magkasama kami.”
Gumapang siya palapit dito. “Paano kung sabihin ko sa iyo na pwede kitang tulungan para ikaw ang pakasalan ni Estrella at hindi si Kuya Ernest?”
"Bakit mo naman gagawin iyon? Hindi ba parang tinatraidor mo ang pinsan mo?"
"Of course not. Ginagawa ko ito para protektahan ang Kuya Ernest ko mula sa gold digger na Estella na iyon."
"Hindi siya gold digger," pagtatanggol nito kay Estrella.
"Huh! Ikaw na mismo ang nagsabi na parang gusto lang niyang pakasalan ang Kuya Ernest para sa Villa del Carmen. Hindi ba mukhang pera nga siya?"
Ginawa na nito nang unang beses itong ikasal. Gagawin na naman nito sa pangalawang pagkakataon. Magiging biktima pa ang pinsan niya. Hindi niya matatanggap maging parte ng pamilya niya ang tulad nito.
"Kahit ano pang sabihin mo, basta mahal ko siya. Alam ko na rin pa rin nagbabago ang Estrella na nakilala ko."
Mahabang sandaling nagtagpo ang mga mata nila. Pakiramdam niya ay humampas siya sa matigas na pader dahil sa masidhing damdamin sa mga mata nito. He must have loved Estrella fiercely. Matagal na panahon ang lumipas pero nananatili pa rin ang pagmamahal nito.
Parang gusto na niyang mainggit kay Estrella. Dalawang lalaking respetado ang nakakuha ng pagmamahal nito. Habang siya ay wala pang natatagpuang ganoong klaseng lalaki na magmamahal sa kanya.
“Good. Kung ganoon handa ka nang makipag-tie up sa akin. Makukuha mo si Estrella at maililigtas ko na man ang Kuya Ernest ko para di siya makasal sa maling babae. Paano natin gagawin iyon? Wala na tayong panahon kaya dapat mapag-isipan na natin ang gagawin natin.”
Kulang isang linggo na lang ay kasal na ng mga ito. Kailangang paglamayan nila ang plano bago sumikat ang araw.
“Tell me. Mukhang masyado kang protective sa pinsan mo. Matanda na siya, hindi ba? Hindi mo na siya kailangang turuan kung sino ang dapat niyang pakasalan o hindi.”
Iniikot niya ang mga mata. “Well, he sucks when it comes to women. Mabuti na lang lagi akong nandiyan para i-point out sa kanya kung ano ang tunay na kulay ng mga babae. Dito lang naman ako kay Estrella nagka-problema. Kahit na obvious naman na pera lang ang habol sa kanya ni Estrella at ng pamilya niya, wala pa rin. Gusto pa rin niyang pakasalan ang babaeng iyon.”
“At sumubok ka pa ng ibang strategy?”
“You have no idea. Everything else failed. Siguro namang nandito ka na may maitutulong ka na sa akin. Gusto mo ba na ulitin ‘yung stunt mo kanina? Tatalon ka ulit sa balkonahe ng kuwarto niya at hahalikan mo siya hanggang mapaamin na mahal ka niya? Pwede kong sabihin sa iyo this time kung siya ang nasa kuwarto.”
Umiling ito at inunan ang mga kamay sa ulo saka sumandal sa tokador sa likuran nito. “Ahh… Hindi na ako sigurado diyan. I think we need a much better plan. Something more solid.”
“Kailangang matiyak natin na di matutuloy ang kasal nila,” dagdag naman niya. “Gusto mo bang itanan siya bago ang kasal? Kidnapin sa araw ng kasal? Or pwede rin naman na tumutol ka sa araw ng kasal nila.” Siguro kaya tinanggihan siya ng ibang babaeng involved sa kuya niya ay dahil ito ang magsasagawa ng misyon.
Dumukwang ito at ginagap ang kamay niya. “How about we pretend that we are in love with each other?”
“Ha? Ako? In love sa iyo?”
He started drawing circles on her hand with his thumb. “Why not? Kung iisipin nila na in love tayo sa isa’t isa, tiyak na magseselos si Estrella. Hindi siya makakatiis na makita akong kasama ang ibang babae. Malalaman natin kung mahal nga niya ako. Pwede ko na siyang papiliin na iwan ang pinsan mo para iwan kita.”
Tumango-tango siya habang binabalewala ang sensasyong nililikha ng paghaplos ng daliri nito. Hindi siya makapag-isip ng tuwid. Ni hindi na niya magawang analisahin kung may loopholes ang plano nila. “M-Mukha namang maganda ‘yang plano mo. P-Pero hindi ko alam kung maniniwala sila.”
Kinindatan siya nito at ngumiti. “Ako ang bahala. Wala namang masama kung susubukan natin, di ba?”
Parang tinamaan siya ng kidlat sa kindat na iyon. Ano bang ginagawa ng lalaking ito sa kanya? Dapat ay mag-focus siya sa plano nila. Hindi sa kindat nito o sa maganda nitong ngiti o sa sensasyong nararamdaman niya.
Binawi niya ang kamay mula dito. “Okay. Dalawin mo ako bukas ng umaga mismo. Ipagsibak mo ako ng kahoy kung kailangan or kung anumang tradisyon meron kayo dito.”
He chuckled. “Magsibak ng kahoy? We are not that backward.”
Ikinumpas niya ang kamay. “Whatever. Do your part as a man.”
Wala naman siyang masyadong experience sa pakikipag-date at pagliligawan. Mukhang mas forte iyon ni Arice kaya ito na ang bahala.
Inilahad nito ang kamay. “Deal?”
“Deal,” aniya at kinamayan ito. Nagulat siya nang hatakin siya nito at bigyan ng isang mariing halik sa labi. Nanlaki ang mata niya at saglit na tumigil sa pag-ikot ang mundo niya. “What the…”
“Practice,” anito at biglang tumayo saka dumistansiya sa kanya. “Kung gusto mong iligtas ang pinsan mo at pagselosin si Estrella, you have to do your part.”
Kinuyom niya ang palad dahil pakiramdam niya ay pinaglalaruan siya nito. “H-Hindi mo naman ako kailangang halikan,” mariin niyang usal.
Pumalatak ito at umiling habang patungo sa balkonahe. “I am afraid we have to fulfill our roles. Ayoko ng loopholes sa planong ito. Walang personalan. Sakripisyo lang ito para makuha natin ang resultang gusto natin.”
Ibinuka niya ang kamay para alisin ang tensiyon. “Fine. It’s just a kiss anyway. Mawawala rin iyon kapag nag-toothbrush ako.”
It would be worth the sacrifice. Anything to save her cousin.
Sumampa ito sa balkonahe at saka nilingon siya. “Just don’t fall in love with me, Riva. Alam mo naman na taken na ako. Mabibigo ka lang.”
Saka ito tumalon pababa ng balkonahe at parang pusang bumagsak sa lupa. Saka nawala ito sa kalaliman ng gabi.
Ibinuhos na lang niya ang inis sa pamamagitan ng paghampas sa kumot. Naku! Pasalamat na lang talaga si Arice Braganza na magkakampi sila sa labang iyon. Kung nagkataong kung sinong lalaki lang ito, gugulpihin talaga niya ito.
Itinulog na lang niya ang inis niya at nakalimutan nang mag-toothbrush para burahin ang halik nito.