The Amorous Intruder (Filipino) Chapter 19

“Ma’am Riva, kung pwede po huwag ninyong bastedin si Arice. Mabait po iyan saka masipag. Hinding-hindi po kayo magsisisi kapag iyan po ang napangasawa ninyo,” hirit ni Aling Adelfa nang nagpapaalam na siya dito at sa ibang mga trabahador ng niyugan ni Arice na babalik na siya sa Villa del Carmen.

“Kung matino naman pong manligaw si Arice, wala naman pong problema,” natatawa niyang sabi.

“Naku! Gagawin po namin kayong prinsesa kapag po pinakasalan ninyo siya. Basta po huwag po ninyo siyang paiiyakin dahil lagot po kayo sa amin,” banta pa nito. Hindi tuloy mawala ang ngiti niya habang pabalik na sila ni Arice sa Villa del Carmen.

“Anong sinabi sa iyo ni Aling Adelfa?” tanong ni Arice.

“Inisa-isa lang naman niya sa akin ang magagandang attributes mo at di daw ako magsisisi kapag ikaw ang naging boyfriend ko. Pare-pareho nga lang ang sinasabi sa akin ng mga kausap ko. Mula kay Daisy kanina sa villa hanggang sa mga tauhan mo. May fans club ka yata,” kantiyaw niya dito.

“Anong magagawa ko kung naniniwala silang lahat na guwapo ako at mabait?” anito at hinaplos ang sariling baba.

“Naniniwala naman ako sa sinabi nila.”

Kinudlit nito ang daliri sa pisngi niya. “Alam ko naman na guwapong-guwapo ka sa akin.”

“Seriously, alam ko na masipag ka at mabait. Ang totoo naiinggit nga ako sa iyo dahil grabe ang taas ng respeto sa iyo ng mga tauhan mo.”

“Siguro dahil parang kapamilya ko na sila. Ang bayang ito ang halos nagpalaki sa akin mula nang iwan ako ng mga magulang ko. Dahil sa pang-eengganyo ng Tatay sa kanila, nagbibigay sila ng tulong sa akin. Kaya malaki ang pasasalamat ko at ibinabalik ko lang. Sila na ang pamilya ko. Hindi trabahador ang turing ko sa kanila. Basta ang sa akin lang, magtulungan kami para pare-pareho naming makuha ang mga pangarap namin.”

“Nakakainggit ka naman. Mahal ka ng mga tauhan mo,” usal niya. “Sana ganyan din ang mga trabahador ko sa akin.”

“Masungit ka ba at istrikto sa kanila?”

Niyakap niya ang sarili. “Kailangan iyon dahil gusto ko silang mapasunod ng maayos. Kung magiging masyado naman akong mabait, aabusuhin ako katulad ng ginawa ng iba kay Papa. Sobrang bait niya kaya sinamantala ang kahinaan niya.”

“Hindi naman kita masisis. Ako rin naman may masamang karanasan sa buhay pero di ibig sabihin lahat ng tao ganoon. Subukan mong tratuhin ang mga tauhan mo bilang kapamilya mo. Baka mag-iba ang lahat.”

Hinawakan niya ang kamay nito. “Thank you. Susubukan kong gawin iyan. Do you know that I respect you? At gusto ko ring malaman mo na nag-enjoy ako sa jogging natin at sa breakfast. Natutuwa rin akong makilala ang mga tauhan mo. Salamat din sa pagpapatuloy mo sa akin sa bahay mo.”

“You are welcome. Nag-enjoy din naman ako. Salamat din dahil ipinagluto mo ako. Kapag hindi kami nagkatuluyan ni Estrella, ikaw na lang ang pakakasalan ko.”

“Huwag mo ngang sabihin iyan!” saway niya dito. Ayaw na niyang mag-isip ng isang bagay na imposibleng mangyari. Ayaw niyang umasa. Kahit pa biro ay ayaw niyang umasa na baka di rin si Estrella ang makatuluyan nito at sa kanya mababaling ang pagmamahal nito. “Mag-focus ka na lang sa kay Estrella. Okay?”

“Masyado kang seryoso. It’s just a hypothetical question. Ang ganda-ganda ng umaga natin. Huwag kang masyadong masungit. Ang ganda mo pa mandin.” Inilapit nito ang mukha sa kanya. “Uy! Kinikilig na iyon.”

Itinulak niya ang mukha nito palayo. “Puro ka talaga kalokohan.”

Di nagtagal ay pumasok na sila sa arko ng Villa del Carmen. Magkahawak pa rin ang kamay nila habang patuloy na pinagkukwentuhan ang mga masasayang pangyayari sa niyugan. Ikinuwento rin nito sa kanya kung paano nitong nabili ang naturang niyugan na dating kinatitirikan ng kubo nito kasama ang magulang. Kahit sa Villa del Carmen ay nakangiti itong binati ng mga tauhan doon. At nakikita niya ang respeto sa mata ng mga ito.

Arice’s life was inspiring. Kung magkakaroon siya ng boyfriend o asawa, gusto niya na katulad nitong galing sa hirap pero nagsumikap at naabot ang pangarap. He had more character. Alam niyang di ito basta-basta maigugupo ng problema. Hindi katulad sa ibang mga lalaki na lumaking nakadepende sa pera ng mga magulang. Sa kasamaang-palad ay madalang ang mga katulad nito.

"Malapit na tayo sa mansion.” Magaan nitong hinila ang kamay niya. “Hindi mo pa ba ako bibigyan ng matamis na kiss?"

Isinenyas niya ang daliri. "No kissing on first date."

"We are beyond first date," he said meaningfully. Ipinaalala nito sa kanya ang halik na pinagsaluhan nila nang pasukin nito ang kuwarto ni Estrella dati. That was way, way beyond first kiss. "Saka isang kiss lang di mo pa ako mapagbigyan."

Ano pa ba ang ipinagpapa-demure niya? Nahalikan na siya nito dati. Nahalikan na rin siya nito kanina.

"Okay. Sa pisngi lang,” nakataas ang noo niyang sabi. May image din naman siya na kailangang i-uphold. Ayaw niyang isipin ng mga tao sa paligid na masyado siyang liberated. Saka natural lang sa babae na magpakipot.

Gusto niyang humalakhak dahil tiningnan siya nito na parang nasisiraan siya ng bait. She gave him a playful smile. Gusto niyang malaman kung paano nito lalagpasan ang hamon niyang iyon. She was enjoying this little game.

"We are running out of time. Tapos sa pisngi lang?” Hinapit nito ang baywang niya at hinaplos ng daliri ang labi niya. “I want a hot, searring, passionate kiss."

Humawak siya sa balikat nito. "Masyado ka naman yatang demanding, Mr. Braganza."

"I am just falling so hard and fast this time. So do you."

He devoured her lips. It was earth shaking. Pakiramdam niya ay rumaragasa ang dugo sa tainga niya. Parang natutunaw ang buo niya at kundi lang siya nito hawak ay baka tuluyan na siyang natunaw sa lupa.

It was just for show, pure and simple. Hindi dapat magpadala sa anumang nararamdaman niya. Subalit naglaho ang babalang iyon at tuluyang tinunaw ng sensasyong nararamdaman niya.

Parang nagising siya sa mahabang panaginip nang marinig ang malakas at matining na busina ng sasakyan. Nagulat pa siya nang hilahin siya ni Arice sa gilid ng daan. Nahigit niya ang hininga. He kissed her in the middle of the road. Sa lapit ng sasakyan na bumusina, ni hindi niya napansin na nakalapit na iyon sa kanila. Paano pala kung mabilis ang takbo niyon at hindi niya narinig? Baka nabunggo na siya ng sasakyan dahil lang nawala siya sa sarili sa halik ni Arice.

Isang glamorosa ngunit may edad nang babae ang bumaba ng sasakyan. She was wearing immaculate white dress and was wearing an original Gucci shades. “Mga bingi ba kayo? Hindi ba ninyo narinig na parating ang kotse ko?”

“Good morning, Señora Guada,” magalang na bati ni Arice.

Tumaas ang kilay niya at tiningnan ang babae mula ulo hanggang paa. Hindi niya nakilala si Guada del Carmen. Paano ay mukha itong bumata ng ilang taon kaysa nang huli niya itong makita. Mukha kasi itong haggard noon at problemado sa buhay sa kabila ng effort nito na magpaganda at maging presentable nang humarap sa pamilya niya.

Tinanggal ni Guada ang shades at puno ng disgustong tiningnan si Arice mula ulo hanggang paa. “Braganza, anong palagay mo dito sa lupain ko? Parke mo? Lover’s lane? Hindi ba sinabi ko na huwag na huwag kang tatapak dito? Ang lakas naman ng loob mo at isinama mo pa ang babae mong kung saan mo lang napulot.”

Nainsulto siya dahil mababang babae agad ang tingin nito sa kanya. Hindi ba siya nito nakikilala? Hinaplos niya ang ilang hibla ng buhok na naligaw sa mukha niya at humakbang sa harap ni Arice para makita siyang mabuti ni Guada. “Good morning, Tita Guada! Looks like you enjoyed your tour in Hong Kong. Balita ko tumuloy pa kayo ng Macau para mag-shopping.” Saka siya matamis na ngumiti.

Kulang na lang ay ipamukha niya dito na pera ng pinsan niya ang ginamit nito sa shopping spree nito. Iba nga naman ang nagagawa ng pera. Nakakalimot.

Napahawak ito sa dibdib. “Dios mio! Riva? Ikaw ang pinsan ni Ernest.” Bigla itong naging maamo sa kanya at nakipagbeso-beso pa. “I am sorry, hija. Hindi kita nakilala. Galing ako sa biyahe. Kagagaling ko lang ng Hong Kong at pagdating ng Manila, hinabol ko pa ang flight ko pabalik dito. Will you accept my apologies?”

“Of course. If you will accept my apologies for turning your beloved estate into a lover’s lane,” bagamat mapagpakumbaba ang tono niya ay may halong sarkasmo iyon para sa kanya. “Arice and I just can’t help ourselves.”

Nanlalaki ang matang nagpapapalit-palit ang tingin nito sa kanya at kay Arice. “K-KAyong dalawa? Alam ba ito ni Ernest?”

“My cousin doesn’t manage my love life,” pormal niyang wika. “Saka botong-boto po siya kay Arice.”

Parang magko-collapse ito sa sobrang pagka-shock. Saka saglit nitong tiningnan ng matalim si Arice. Hindi naman kaila sa kanya ang malaking disgusto ng pamilya del carmen kay Arice lalo na si Doña Guada. Kung tingnan nito si Arice ay parang isang nakakadiring insekto.

Isang matabang na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. “Kailangan ko nang makarating sa mansion. Hindi ko gusto ang amoy ng hangin dito sa labas.” She wrikled her nose. Saka nito sinulyapan si Arice na siyang pinariringgan nito. “Baka gusto mong sumabay sa akin papuntang mansion, hija.”

“Salamat na lang po. Gusto po naming i-enjoy na maglakad-lakad ni Arice.” At muli niyang hinawakan ang kamay ni Arice. “Magkita na lang po tayo mamaya sa mansion. Magpahinga po muna kayo.”

Isang malakas na kalabog ang nilikha nito nang isara ang pinto at humarurot ang van palayo. Nagtawanan na lang silang dalawa ni Arice.

“She doesn’t really like me. Kahit noong bata pa ako, basura na ang trato niya sa akin. Kaya nga nagustuhan ko si Estrella dahil mabait siya. Hindi niya tinatrato ang mga mahihirap na tulad ko na walang kwenta.”

Iniwas niya ang tingin dito. Hindi niya matagalan kapag nakikita ang pagmamahal sa mga mata nito tuwing binabanggit si Estrella. “Hindi ko rin gusto si Doña Guada. Dahil sa kanya kaya pakiramdam ko pera lang ng pinsan ko ang gusto ni Estrella sa pinsan ko. Masyado siyang magarbo. Parang hindi niya mapakawalan ang kayamanan niya.”

Hindi na siya magtataka kung ang magarbo nitong pamumuhay ang isa sa rason kung bakit bumagsak ang Villa del Carmen. Maswerte lang siya dahil hindi tulad nito ang mama niya. Lumaki sa hirap ang mama niya. Naniniwala ito na kahit mahirap lang ang isang tao, ang importante ay marangal ito. Hindi nito kailangang isakripisyo ang dignidad at integridad para lang sa pera. Kaya tinuruan sila nito ni Emarie na mamuhay lang at gumastos kung anong meron sila.

Hinawakan nito ang mga kamay niya. “We have a great battle ahead of us, my love. Sigurado ako na maraming sasabihin si Doña Guada na masasama tungkol sa akin. Ipe-persuade ka niya at ang pamilya mo na ayawan ako. Handa ka bang ipaglaban ang pag-iibigan natin?”

Humalakhak siya ng malakas dahil pakiramdam niya ay nasa isa silang madramang soap opera. Yumakap siya sa leeg ni Arice. “Ipaglalaban kita kahit pa kanino. Kahit pa sa pamilya ko. Hindi ako papayag na may humadlang sa pagmamahalan natin.”

Pero seryoso siya. Walang pwedeng magsalita ng hindi maganda kay Arice dahil ipaglalaban talaga niya ito. Wala siyang pakialam kung nasa teritoryo siya ng mga del Carmen. Pero sa labang ito ay sila lang ni Arice ang magkakampi.

Akala niya ay pamilya lang niya at kaibigan ang gugustuhin niyang protektahan. Pero gusto rin niya si Arice. Napalapit na rin ito sa kanya dahil nakilala niya itong mabuti sa loob ng maikling panahon.

Ibibigay niya dito ang kaligayahang hinahanap nito. Ipaglalaban niya ang kaligayahang iyon kahit na anong mangyari.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.